Friday, October 19, 2007

coming soon

Naka-out na sa National Bookstore ang aking serye na romance novel, ang Korean Drama Novel. At ang susunod ay isinakomiks kong awit/korido na Ibong Adarna at ang Florante at Laura. May ginawa akong studies dito pero sa susunod ko na tatalakayin. Paano isinasakomiks ang mga akdang pampantikinang tulad nito na hindi ikino-compromise ang bisa at katangiang pampanitikan sa medium ng pop lit na Komiks. Mula sa lengguwahe hanggang sa pagpili ng mga mahahalagang eksena, sangkap at pagpapahalaga. Hindi ito madali. Pero tumulay ako. Sinikap ko na hindi maging boring ang mga eksena para makaayon naman ito sa anyo ng Komiks ngunit hindi rin dapat makompromiso ang nilalaman nito bilang isang akdang pampanitikan lalo't isang klasikong literatura.

Marahil ay tatalakayin ko ang ginawa kong studies at pamamaraan sa mga susunod na araw.

Thursday, October 18, 2007

DIGITAL KARMA PRESENTS ... NUNANG














Pamangkin ko siya. Anak ng panganay kong kapatid na lalaki. Kami ang nagbansag sa kanya ng pangalang Nunang bilang kanyang pet name sa amin. Mahal na mahal namin siya dahil siya ang unang apo sa side namin, at una naming pamangkin na magkakapatid. Mahal siya ng nanay ko, ng tatay ko. Ang tawag niya sa nanay ko ay Mama. Teacher ang nanay ko, natatandaan ko noon na sa tuwing sumusuweldo siya, halos buong suweldo niya ay ipinamimili niya para kay Nunang. Gamit, damit, gatas, bitamins, pagkain, etc. Inisip ko na lamang na ang effort na iyon ay dahil sa pagkasabik sa unang apo ng nanay ko. Natatandaan ko na kapag nabi-birthday si Nunang ay dinadalhan namin siya ng handa at cake. Natatandaan ko ang detalye ng kasiyahang dinala at ibinigay niya sa pamilya namin, sa buhay namin noong maliit pa siyang bata. Matalino siyang bata, pero kalbo. Pinatay niya sa sakal at kagat ang isang Japanese chicken dahil sa panggigigil dito. Hindi naman ata agad namatay, pero nanghina, kalaunan ay namatay din.

Grade three siya nang iwanan siya sa amin ng kanyang nanay para magtrabaho sa Japan, sa loob ng American Base sa Japan. Mula noon, sa Marikina na tumira si Nunang. Ang Mama niya ang nagsilbing ina niya, ang mga pinsan niya ang nagsilbing mga kapatid niya. At dahil siya ang panganay na pinsan, maniwala kayong takot lahat sa kanya ang lima niyang pinsan. Takot bilang respeto at pagmamahal sa kanilang ate Nunang. Si Christian na ngayon ay magse-17 na, anak ng ate Nini ko. Sina Pupu (13) at Mai-mai (9), anak ng ate Bingbing ko, at sina Yeye (7)at Megmeg (3), anak ng kuya Iboy ko. Bale para siyang panganay na kapatid ng lima niyang pinsan.

Dalawang beses nakapunta ng Japan si Nunang para magbakasyon sa kanyang nanay. And take note, mag-isa siyang nagbibiyahe pauwi ng Pilipinas gayung elementary pa lang siya. Sa edad na walong taong gulang, maagang nalito sa buhay si Nunang. Magulong magulo ang tingin niya sa mundo dahil hiwalay ang mga magulang niya. Sa pakiwari niya ay salbahe siyang bata. Hindi siya masuweto ng maski na sino. Minsan ay kinausap ko siya. Mas kinakausap ko siya kaysa mas pinagagalitan. Sabi ko, huwag siyang sumagot-sagot sa mga nakakatanda sa kanya. Sabi ko pa, may panahon ng pag-e-express sa sarili. Sabi niya sa akin, gusto raw niyang magbago pero hindi raw niya alam kung paano. Sabi pa niya, sino raw ang tutulong sa kanya? Na-touch ako sa sinabi niya. Sa edad na iyon ay nakapagsalita na siya ng ganoon. May guilty feelings na agad siya sa mundo gayung wala pa siyang muwang, wala pa siyang alam sa kung anuman ang kasalanan sa mundo ng tao. Hindi pa niya alam kung ano ang kasalanan ng kanyang mga magulang sa kanyang paglaki. Basta’t ang tanging nauunawaan niya noon, ay ang kasalanan niya bilang salbaheng bata, dahil natuto na siyang sumagot-sagot sa mga nakakatanda. Pero alam ko na higit pa roon ang nararanasan niya, ang pinanggagalingan niya, ang kalituhan niya. Hindi ma-express ng bata niyang isipan ang lungkot na kanyang nararamdaman, na lumalaki siyang hiwalay ang kanyang mga magulang, na nagkakaisip siyang sa pakiwari niya’y wala siyang isang buong pamilyang makakapitan—at pakiwari niya’y kasalanan niyang lahat iyon.

Naawa ako sa pamangkin ko. Lalo na nang titigan ko ang mga mata niya na may namumuong luha. Kung kaya ko lang siyang isalba sa ganoong pakiramdam. Kung kaya ko lang ipaunawa sa kanya na wala siyang kasalanan kung anong klaseng bata siya at hindi niya pananagutan sa lipunan kung paano siya lumalaki. Kung kaya ko lang ipaunawa sa kanya na wala siyang kasalanan kung hindi man niya maunawaan ang takbo ng mundo.

Masasabi kong pinalaki namin siya, pinalaki ko siya—kung paano siya mag-isip, magsalita, magmahal at lumaban. Third year high school na si Nunang nang magbalik bayan ang kanyang ina at kunin siya sa amin. May half sister na siya sa mother side Samantalang ang kuya ko—binata ulit dahil annulled ang kasal nila ng dati niyang asawa na nanay ni Nunang. Hindi na nag-asawa ang kapatid ko hanggang ngayon, at iisa lang ang anak niya—si Nunang lang. Pero maski kinuha na si Nunang sa amin, madalas pa rin siyang nasa amin, sa amin pa rin siya tumitira kung bakasyon, o maski pa nag-aaral siya ng kolehiyo. Sa tuwing magkakabanggaan silang mag-ina, sa amin ang takbo niya. Hindi siya maunawaan ng nanay niya, dahil hindi naman nito nakita ang kanyang paglaki. The same thing na hindi rin maunawaan ni Nunang ang kanyang ina. Unti-unti, naka-adjust na rin sila sa isa’t isa, kung gaano kalalim—-hindi ko alam.

Labing anim na taon si Nunang nang magka-boyfriend, first love ika nga. Dahil kauuwi ng nanay niya mula Japan at hindi sila magkaunawaan—-maging ang pakikipag-boyfriend ni Nunang ay naging isang malaking isyu sa kanilang mag-ina. Sa side man ng tatay niya ay ganoon din. Para sa isang ama ay hindi madaling pakawalan ang anak na babae sa ganitong stage ng buhay. Walang nakaunawa sa kanya dahil nga bata pa raw siya. Except me. Muli ay kinausap ko siya para malaman kung ano ang nararamdaman niya. Noong una ay hesitant si Nunang na magkuwento sa akin, marahil ay iniisip niya na ang loyalty ko ay nasa matatanda. Pero hindi ako ganoon, ang loyalty ko ay wala kaninuman. Kundi bilang isang tita niya, bilang pangalawang magulang niya, na gustong maunawaan ang pinagdadaanan niya. Nagkuwento sa akin si Nunang, detalyado. Pinayuhan ko siya. Sabi ko, okey lang ‘yan, first love, patago-tago, padate-date, pinagdadaanan ng lahat ‘yan. Kaya okey lang na pagdaanan niya. Isa lang ang bilin ko sa kanya, magbilang na siya ng boyfriend basta’t huwag lang siyang uuwi na malaki ang tiyan. Puwedeng mag-fool around, basta’t huwag lang sayangin ang kabataan. Ganoon ako kakunsintidorang tita. Ako ang ginagamit niyang dahilan sa tuwing makikipagdate siya. At okey lang sa akin with a certain limitation. Hindi siya dapat umuwi ng gabi. Ganoon lang kasimple ang rules ko at okey na sa akin ang lahat. Katuwiran ko kasi, mas maraming nangyayari sa gabi. Hehe. Pero higit na dahilan ko sa aking sarili, malaki ang tiwala ko kay Nunang. Hindi ako naniniwala na may gagawin siya na higit pa sa kung ano lang ang nararapat. Ipinaglaban ko siya sa lahat, to the point na awayin ako ng nanay niya, ng tatay at pati ng Mama niya (nanay ko). Hindi ako natatakot o naniniwala na baka umuwi si Nunang na malaki ang tiyan, at mas lalong hindi ako naniniwala na magda-drugs siya. Kabilin-bilinan ko rin sa kanya, malulong ka na sa barkada, sa banda, sa computer, huwag na huwag lang siyang malululong sa droga. Dahil naniniwala ako na doon magsisimulang masira ang buhay niya.

Umuwi ako isang gabi, sinabi sa akin ng nanay ko na naglayas daw si Nunang sa bahay ng nanay niya nang araw na iyon. Pero wala sa amin. Sabi ko, nasaan siya? Ang hinala ng lahat ay sumama sa kanyang boyfriend. Tulog ang tatay niya, wala ring ginagawa ang nanay niya. In other words, walang humahanap sa kanya. Walang may pakialam sa kanya. Lahat ay suko na. Maliban na naman sa akin. Ayokong sumuko. Dahil ayokong isuko si Nunang sa kanyang laban sa buhay. Naniniwala akong maisasalba ko pa siya, maisasalba pa niya ang buhay niya. Magulo ang isip ko noong gabing iyon. Umalis ulit ako ng bahay, may dala akong sasakyan. Hindi ko alam kung saan ako pupunta, hindi ko alam kung saan ko siya hahanapin. Hanggang sa natagpuan ko ang sarili ko sa bahay ng isa kong kaibigan. Nalaman nila kung anong nangyari at sinamahan nila akong maghanap. Na-trace ko sa cellphone ko ang isang number na nagte-text kay Nunang, at bingo—ang bestfriend pala niya iyon. Na-confirm ko na kasama nga ng pamangkin ko ang boyfriend nito. Natakot ata sa akin ang bestfriend at napilitang i-reveal lahat pati sarili nitong address. Nagmamadali akong pumunta sa bahay ng bestfriend ni Nunang. Kasama na namin itong naghanap sa Blumentritt, sa mga bahay sa riles ng tren hanggang sa humantong kami sa isang slum area. Pasikot-sikot, maliliit na bahay, basa ang makipot na eskinita. Sa tanang buhay ko ay noon lang ako nakakita na may ganoon palang klase ng mundo o buhay. Buong akala ko ay expose na ako dahil lumaki ako sa Tondo Maynila, nag-aral ako sa MLQHS Blumentritt, at noong manunulat na ako ay nakapunta ako sa mga lugar tulad ng smokey mountain, sa mga eskuwater’s area, sa mga bahay sa gilid-gilid ng Ilog Pasig, sa Mabini, sa mga gay bar, sa mga pub house, sa mga third class na sinehan at maging sa torohan. Buong akala ko, lahat ay nakita ko na. Buong akala ko ay sapat na ang mga naging exposure ko para masabi kong nakapasok na ako sa iba’t ibang klase ng mundo bilang isang manunulat. Pero noon lamang ako nakapasok sa ganoon kakipot na lugar, ganoon karumi at kamiserable. Noon lang ako nakaramdaman ng ganoong klase ng pakiramdam. Magkahalong awa, takot at matinding pagkailang ang naramdaman ko sa nasabing lugar. Doon daw nakatira ang boyfriend ni Nunang. At dahil si Nunang ang pinag-uusapan, iyon marahil ang dahilan kung bakit nagkaroon ako ng ganoong klase ng pakiramdam, pamangkin ko na ang pinag-uusapan dito at hindi ko gustong masadlak o mamuhay ang pamangkin ko sa ganoong klase ng lugar. Masyado akong subjective ng mga sandaling iyon. Pilit kong inuunawa ang ganoong klase ng kalagayan pero umiiral sa akin ang pakiramdam na walang sinumang tao—- siguro ay maski pa ang mga tagaroon, na nagnanais manirahan sa lugar na iyon. Naisip ko lang naman, alam kong subjective ito. Pero ibigay na sana sa akin ang bagay na ito.

Bigo kami sa paghahanap namin kay Nunang. Umuwi kami sa bahay ng bestfriend niya. Sabi niya, baka daw dumaan doon. Matagal kaming naghintay. Ayokong umalis dahil iniisip kong kapag napalipas ko ang gabing iyon, marami na ang puwedeng mangyari. Baka hindi na namin mahabol si Nunang. Hanggang sa isang bata ang nagtatakbo at nagsabi sa amin na nakita raw nila si Nunang. Agad akong nagtatakbo sa lugar na itinuturo ng bata at nakita ko si Nunang na nagtatago sa isang malaking truck na nakaparada. Umiyak, pumalahaw agad nang makita ako, akala’y sasaktan ko o may gagawin akong hindi niya magugustuhan. Hindi naman daw siya makikipagtanan. Kasama lang daw niya ang lalaki pero hindi raw siya makikipagtanan. Pero ayaw sumama sa akin ni Nunang maski anong sabihin ko, maski anong paliwanag ko. Naroon ang boyfriend niya. Pinagmasdan kong mabuti ang lalaki. Inalam ko ang dahilan kung bakit nagkaganoon si Nunang dito. Kung magagawa nga ba ni Nunang na sumamang magtanan dito. Wala akong nakitang dahilan. Pandak ang lalaki, maitim, walang hitsura sa paningin ko. Inisip kong galit lang ako sa lalaki kaya ganoon ang tingin ko dito. 5’6 ang height ni Nunang, sexy, may hitsurang babae. Parehong teacher ang mga magulang ni Nunang, nagmula siya sa mga nag-aral na pamilya. Sa aking palagay, maski paano, pinalaki namin siyang may proper breeding. Paanong magiging personal choice ni Nunang na sumama sa isang lalaking tulad nito? Noon ko agad naisip, kung totoong magagawa ni Nunang na sumama sa lalaking ito, walang problema sa lalaki, na kay Nunang ang problema. Kung wala siyang problema, hindi niya gugustuhin na sumama sa ganoong klase ng lalaki. Hindi ko isinama si Nunang sa Marikina dahil natatakot siya sa gagawin ng tatay niya sa kanya. Kahit sabihin ko nang paulit-ulit na walang gagawin sa kanya. Napilitan akong kausapin ang mga magulang ng bestfriend niya para ipagbilin si Nunang na maski anong mangyari ay huwag pasamahin sa lalaki, dahil susunduin ko lang ng gabi rin iyon ang Mama ni Nunang para ito ang kumausap. Laking pasasalamat ko at nakipagtulungan sa akin ang mga magulang ng bestfriend niya. Pinapasok si Nunang sa loob ng bahay, kasama ang bestfriend, pinakain at pinatulog. Kinausap ko ang lalaki bago ako umalis. Pinauwi at pinagbilinan ko ang lalaki. Isa lang ang sabi ko sa kanya, hindi ako tutol na maging magboyfriend sila, pero huwag siyang gagawa ng bagay na makakasira sa buhay ni Nunang dahil talagang hahantingin ko siya. Natakot ata sa akin ang lalaki at umuwi na ng bahay. Nagbalik kami sa bahay ng bestfriend ni Nunang, kasama ko na ang Mama niya (nanay ko), para sunduin na si Nunang. At porket lola na niya ang sumusundo sa kanya, hindi na nagdalawang isip si Nunang na sumama. Naiuwi namin si Nunang nang gabing iyon. Nailigtas ko siya nang gabing iyon. Nalagpasan niya ang gabing iyon at naniniwala akong hinding hindi na iyon mauulit pa.

Kinausap ko ng masinsinan ang nanay ko, sinabi ko na huwag pagalitan si Nunang. Sinabi ko na sabihan ang kuya ko, at lalong huwag sasaktan. Sinabi ko na ako ang bahala kay Nunang. Nangako na ako sa nanay ko na ako ang mananagot anuman ang mangyari kay Nunang. Basta’t hayaan lang ako. Pinalipas ko ang ilang araw, pagkatapos ay kinausap ko si Nunang. Inassure ko sa kanya na okey lang sa akin na mag-boyfriend siya. Noon ko sinabi sa kanya na nauunawan ko siya, ipagtatanggol ko siya at hindi ko siya pababayaan kahit anong mangyari. Isa lang ang hihilingin ko, huwag siyang sasamang magtanan maski kaninong lalaki na ang dahilan niya ay dahil lang sa tumatakas siya sa problema—dahil sisirain ng mali niyang desisyon ang buhay niya. Sa akin na lang siya pumunta o tumakbo at ako na ang bahala sa lahat. Sinabi ko rin sa kanya na mag-boyfriend lang siya ng mag-boyfriend, i-enjoy lang niya ang buhay. Huwag niyang intindihin ang galit ng nanay at tatay niya, basta’t ipangako niya sa akin na hindi siya uuwing malaki ang tiyan. Hindi sumagot si Nunang, hindi siya nangako, nakikinig lang siya. Nakinig lang siya pero wala siyang ipinangako.

Isang taon ang lumipas, siya mismo ang nakipag-break sa boyfriend niya. Kung anuman ang kanyang personal na dahilan—kanya na lang iyon. Basta na-justify ko ang naging pagtingin at pakiramdam ko noon. Totoo pala ang naging tingin ko sa hitsura ng lalaki base na rin sa pagkumpirma ko kay Nunang. Pagkalipas ng ilang taon ay nag-asawa na ang lalaki (ewan kung kasal) at ngayon ay may anak na. Bata pa itong nag-asawa. Sumulat pa sa email kay Nunang, nagso-sorry sa lahat ng kasalanan at nagpapasalamat sa lahat ng nagawa at naibigay (materyal) ni Nunang sa kanya. Deadma ever na ang pamangkin ko. Wala raw sa kanya iyon dahil hindi siya guilty! Mas lalong hindi siya bitter! Napangiti ako, kung paniniwalaan kong mana sa ugali ko ang pamangkin ko, masasabi kong sa edad niyang ito ay buo na ang kanyang pagkatao at alam na niya ang kanyang ginagawa. Sa totoo lang ay si Nunang ang dapat magpasalamat ng malaki sa lalaking ito, ako, at ang buong pamilya namin. Salamat at hindi si Nunang ang nasa kalagayan ng babaeng kinakasama niya. At ang bestfriend ni Nunang na pinuntahan ko noon ay maaga ring nag-asawa at ngayon ay may anak na rin. Samantalang si Nunang na buong akala ko’y maagang mapupunta sa ganoong kalagayan, hanggang ngayon ay dalaga pa, masaya at puno ng buhay! Napaka-ironic talaga ng buhay.

Lumipas ang panahon at tuluyang nawala na sa sistema ng buhay niya ang kanyang “first love” na ngayon ay itinatatwa na niyang “first love” niya. Hehe. Nagkaroon ako ng sariling bahay at buhay. Sa akin madalas tumira si Nunang. Tuwing bakasyon ay sa akin siya tumitira. Isang buwan umaabot hanggang limang buwan at ang pinakahuli ay umabot ng halos isang taon, pabalik balik siya sa Marikina at San Mateo.

Minsan ay kumakain kami ng niluto kong adobong gizzard. Noon lang siya nakakakain ng ganoong pagkain, nasarapan at nagtanong, “Tita Glady, anong ulam ‘to?” Pinasakay ko siya, sabi ko adobong lizard. Nagtaka ang mukha niya. Pero magaling akong umarte, pinanindigan kong kumakain ako ng butiki! Hindi na siya kumibo. Ilang buwan ang lumipas, umabot pa nga ata ng isang taon. Tinanong niya ako kung kailan daw ba uli ako magluluto ng butiki! Nasarapan pala ang luka-luka, fan ko kasi siya sa pagluluto. Tawa ako ng tawa lalo’t noong nakakita siya ng maraming butiki sa kisame ay itinuro niya sa akin. “Ayun, tita Glady! Ayun! Hulihin natin!” All this time, naniniwala pala siyang kumakain ako ng butiki! Pati siya, paniniwala pala niya’y kumakain siya ng butiki!

Noon ko napatunayan na bata pa si Nunang. Inosente pa, nagtitiwala at naniniwala pala siya sa lahat ng sinasabi ko. Lalo akong naniwala na hindi lang siya basta nakikinig sa mga sinasabi ko, naniniwala pala siya.

Isang gabi ay pinag-usapan namin ang lahat-lahat. Sa buhay niya, sa buhay ko, isang gabing nag-iyakan kami. Buong magdamag. Wala kaming problema, nasumpungan lang naming mag-emote, magkuwentuhan ng mga natapos na naming pag-ibig. Alam kong sa sulok ng puso niya ay nagpapasalamat siya sa ginawa ko sa isang gabing pagliligtas ko sa buhay niya. Iisa lang ang tugtog na paulit-ulit niyang pinatutugtog ng gabing iyon, ang kantang What’s Forever for? Ang pinag-uusapan namin ay kung bakit kailangang magmahal ang isang tao na tapos ay mawawala rin naman ang pagmamahal. Para saan pa raw ang salitang forever kung wala naman itong paggagamitan? Sa panahong iyon ay mas nauunawaan ko na ang lalim ng pagkatao ni Nunang, at mas nauunawaan na niya ang lalim ko. Noon ko napatunayang hinding hindi nga pala niya magagawa na sirain ang pagtitiwala namin sa kanya, ang paraan ng pagpapalaki ng nanay ko sa amin, sa kanya, na may dignidad bilang tao, bilang babae. Nagmahal lang siya pero hindi kasama sa pagmamahal na iyon ang i-compromise ang kanyang buong pagkatao. Isang bagay na tiniyak niya sa akin, hindi siya gagawa ng isang bagay na magpapasama ng loob ng kanyang mga magulang, lalo na ng kanyang Mama.

Para kaming baliw, umiiyak at tumatawa kami sa mga kuwento namin buong magdamag na iisa ang tugtog, hanggang sa kapwa kami natigilan nang mapasulyap kami sa bintana, dahil umaga na pala. Ang lakas ng tawa namin ni Nunang. Hindi na kami na nakatulog pa. Magang maga ang mata namin at ang sakit ng ulo namin buong maghapon.

Mahilig akong kumanta, sabi ni Les, magaling daw akong kumanta. O masasabing maganda raw ang boses ko. Sabi rin ng ilang kaibigan ko na nakarinig ng boses ko. Pero bihira ang nakakaalam nito dahil hindi ako kumakanta kung saan-saan. Sa mga okasyon lang sa pamilya, sa bahay. At kung hindi ka pa nakakapunta sa isa sa mga okasyon sa amin, hindi mo pa ako naririnig kumanta. Hehe. Mana raw ako sa tatay ko, kasi magaling ang tatay kong kumanta. Pero siyempre, mas magaling ang original. Masasabi ko na malaki ang naging impluwensiya ko kay Nunang sa pagkanta bagama’t magaling din kumanta ang tatay niya. Sa akin siya nagpaturo ng mga old songs na hindi niya alam kantahin tulad ng mga kanta ng Air Supply at Melissa Manchester’s Don’t Cry Out Loud, atbp. At maniwala kayo, magaling kumanta si Nunang. Kinakanta niya ang Power of Love nang nakaupo, sa pinakamataas na tono pero walang ka-effort effort, kung paano at kung saan siya kumukuha ng hangin sa pagkanta ay hindi ko alam. Dumating ang oras na sa tuwing nagkakantahan kami ay nagpapasahan na kami ng mikropono. Kapag mataas na ang tono, siya na ang kumakanta. Sa tuwing hindi niya alam ang tono ay ibabalik niya sa akin. Hindi kami nagdu-duet, pasahan ang tawag namin doon. Minsan, pinakanta niya ako ng pinakanta sa videoke microphone ko. Akala ko ay galing na galing siyang kumanta sa akin, iyon pala ay gusto lang niyang malaman ang mga lumang kanta na paborito ng kasalukuyan niyang boyfriend noon. Lihim pa akong pinagtatawanan ng luka-luka dahil naisahan niya ako. Ginantihan ko naman siya, birthday ni Les at nasa bahay ang lahat ng barkada namin para mag-celebrate. Pinaupo namin si Nunang sa gitna ng salas at pinakanta ng pinakanta. As if akala mo ay may singer sa harapan namin at nagre-request lang kami ng mga gusto naming kanta. Lahat ng request namin ay nakanta niya. Mula sa pinakamahirap hanggang sa pinakamataas na tono. Sabi pa nga ng mga barkada ko, para daw plaka si Nunang.

Two years ago ay nagpunta siya ng Canada dahil nag-migrate na sila doon ng nanay at half sister niya. Ayaw niya, dahil ayaw niyang iwanan ang boyfriend niya noon. As usual. After one month, tumawag siya sa amin, nagpapasundo sa airport dahil uuwi na raw siya. Takang taka kaming lahat. Walang nagawa ang nanay niya, ang mahal ng pamasahe pero walang nagawa sa kanya. Ganoon katigas ang loob at ang ulo ni Nunang. Imagine, almost 60k ang nagastos ng nanay niya para lang bumalik siya ulit ng Pilipinas pagkaraan lang ng isang buwan? Pagsundo namin sa kanya sa airport, ang saya-saya niya, tawa ng tawa, at ang sabi, waahhhhhhh naisahan ko si Nanay!!!

Malungkot daw siya sa Canada. Gusto raw niya sa Pilipinas. Gusto raw niya sa tatay niya, sa Mama niya, sa mga pinsan niya, sa mga tito at tita niya, -- sa akin. Masaya daw siya sa amin, mahal daw niya kami. Biro ko sa kanya, lalaki lang ang dahilan kaya siya umuwi. Pero ilang buwan pagkalipas, nakipag-break siya sa boyfriend niya. At ilang buwan din ang lumipas may bago na naman siyang boyfriend. Parang gusto kong magsisi na pinayuhan ko siyang magboyfriend lang ng mag-boyfriend. Masyado niyang sineryoso ang payo ko.

Sa akin siya halos tumira sa loob ng isang taong mula nang nagbalik siya ng Pilipinas. Pero iyon ang usapan nila ng kanyang nanay, isang taon lang siya dito at babalik na ulit siya ng Canada para mag-migrate na ng tuluyan. Sa panahong ipinamalagi niya dito, defined na ng husto ang closeness niya sa aming lahat, sa Mama niya (na okey nang makipag-boyfriend siya), sa mga mga tito at tita niya, sa mga pinsan niya at sa one and only tita Les niya na kakampi niya at ka-conspiracy na niya sa marami niyang secret. Pinalitan na ni Les ang role ko. Favorite daw niya ang pochero, ang luto ni Les na pochero. Nagtataka ako kung bakit. Sarap na sarap siya sa luto ni Les eh samantalang hindi naman ako nasasarapan kasi parang mechado. Tinanong ko siya, bakit mo paborito ang pochero ni Tita Les? Sagot niya, kasi ito pa lang ang pocherong natikman ko. Hahaha!

Ilang araw bago siya bumalik ng Canada, iyak siya ng iyak. Ako din ay iyak ng iyak, pero hindi na niya alam siyempre iyon, kasi ayokong madagdagan ang lungkot niya. Akin na lang iyon. Hindi pa man lang kasi siya nakakaalis ay nami-miss ko na siya. Nami-miss ko ang mga Pasko, Bagong Taon, Birthday, etc. na okasyong magkakasama kami. Ma-mimiss namin ang pag-aalaga niya sa kanyang mga pet (nagkaroon ako ng hayupan dito sa San Mateo dahil sa sobra niyang hilig sa hayop). May pusaan siya sa likod ng bahay ko, may isdaan siya sa harapan ng bahay ko. May alaga siyang pusa at mga aso sa Marikina. Mayroon siyang pagong na itinakas niya sa LRT2. Nahuli kasi siyang may dalang pagong at ayaw siyang papasukin. Inilagay niya sa kasuluk-sulakan ng bag niya. Naitimbre pala sa ibang mga guard ng LRT2 at kung paano niya nagawang ipuslit, hindi ko alam. Basta’t nakarating ang pagong niya sa bahay namin sa Marikina. At hanggang ngayon ay buhay pa ang pagong niya at mag-isang naglalangoy sa aquarium na animo’y isa ng pawikan.

Araw ng alis niya papuntang Canada, nagpunta sa bahay namin ang kasalukuyang boyfriend niya. Nasa labas lang, hindi pa rin kasi alam ng tatay niya na may boyfriend siya, kami-kami lang ang nakakaalam (pati Mama niya ay kasabwat na namin). Nilabas ng Mama niya ang boyfriend niya na noon ay umiiyak, pinayuhan silang dalawa at sinabing may tamang panahon sa kanila. Iyak ng iyak si Nunang, bagama’t buong akala ng tatay niya ay siya ang iniiyakan. Hehe. Sa airport, bumunghalit ng iyak si Nunang, niyakap niya kaming lahat, hinalikan at sinabing mahal na mahal niya kami. Bilin niya sa kanyang Mama, huwag pang mamamatay. Hintayin daw ang pagbabalik niya, dahil mag-aalaga pa raw ng anak niya. Kaya’t ang biro namin sa nanay ko, wala siyang karapatang mamatay hangga’t hindi pa siya nagkakaapo kay Nunang. Pag meron na, puwede na. hehe. Joke, joke, joke...

Ngayon ay 22 years old na si Nunang, totoong nakinig siya sa mga sinabi ko. Nakikipag-break lang siya kung ayaw na niya at nakikipag-boyfriend siya kung gusto niya. At minsan man ay hindi siya umuwing malaki ang tiyan (pero malaki ang tiyan niya dahil sa bilbil). Ang ironic nga, nangyari iyon sa iba niyang kaibigan at pinsan. Expect the unexpected ika nga. Nasa Canada na siya ngayon at madalas namin siyang ka-chat. Lagi niyang tinatanong ang mga alaga niya, ang pusa niyang si Sabina, ang mga anak ng aso naming si Obol, si Potchie, etc. Hindi ko pa pala nasabi sa kanya na namatay ang tanim niyang papaya sa likuran ng bahay ko pagkatapos namin maharvest ang bunga at gagawin kong atchara. Kuwento niya sa akin ay madalas siyang manghabol sa Canada ng mga naggalang rabbit. Nasa kalsada lang daw ang mga rabbit doon. Tumatawid sa kalye. Nai-imagine ko kung paano niya ginagawa ang panghahabol ng rabbit, hehe. Mahigit isang buwan na siya doon at hindi pa naman siya tumatawag para sabihing uuwi na uli siya ng Pilipinas. Parang Baguio lang ang Canada sa kanya kapag ginawa niya ulit iyon. May trabaho na siya ngayon. Sa isang fastfood daw at sumuweldo daw siya sa loob ng 2 linggo ng 350 dollars dahil part time lang siya. Nag-aaral pa kasi siya doon. Kumukuha siya ng kursong care giver.

Bilin ko ay mag-ipon siya ng pera. Pagandahin niya ang buhay niya. Bumuo siya ng pamilya niya, isang buong pamilya na hindi niya naranasan noong bata pa siya. Boyfriend pa rin niya ngayon ang boyfriend niya bago siya umalis ng Pilipinas. At sabi niya sa akin, seryoso na siya this time. Oo naniniwala ako, naniniwala naman ako sa lahat ng sinasabi niya. Nagtitiwala ako. At alam ko, sa sulok ng puso niya, naniwala siyang mahal namin siya, naniwala siyang nagtiwala ako sa kanya, at naniniwala siyang lagi’t lagi ay may isa pa rin siyang pamilyang babalikan dito sa Pilipinas. At may tita Glady siya na mananatili niyang tita Glady, forever!!!

What is the essence of digital karma? Well, It speaks for itself.


PS: Ngayong Oct. 22, Happy birthday Nunang!!! Ka-beerday pa talaga niya ang tatay niya! We love you! MWAAAHHH!!!

Thursday, October 4, 2007

DIGITAL KARMA PRESENTS... SNOW IN AUGUST

Katatapos ko lang panoorin ang 20 episodes ng Korean drama na "Snow in August" na ang bida ay sina Chu Sang-Mi at Jo Dong-Hyuk. Mahilig ako sa Korean drama dahil marami akong natututuhan na mga teknik sa pagsusulat at execution ng kuwento. Siguro ay matatawa ang iba ngunit totoo ito. Ginagawa kong study ang Korean drama sa pagbuo ng premise, plot, characterization, twist at ending. Magaling ang mga writer ng Korean drama pagdating sa puntong ito. May mga disiplina sila sa pagsusulat. Hindi nila ikino-compromise ang salitang "happy ending" sa kanilang kuwento. Ang higit na mahalaga sa kanila ay makatugon sila sa premise ng kuwento, at ma-achieve nila ang aspirasyon nila bilang manunulat. Nahuhusayan ako sa pagbuo nila ng time frame. Wala akong makitang loopholes o daya man lang. So far, sa mahigit na 30 korean drama na napanood ko, nakita ko ang pagiging maingat nila sa paggamit ng oras. Ang plot nila ay simple lang at makakakonekta ang mga Filipino viewers dahil sa ilang kultura na may pagkakapareho sa atin. Pati ang paggamit nila ng pagkain ay isang mabisang elemento para maka-attract ng viewers. Maingat sila sa pagbuo ng twist at element of surprise. Nagiging makatarungan ang ending (happy o sad ending man) dahil hindi sila nagkukulang ng "planting" sa kuwento na ginagamit naman nila sa kanilang twist at mga rebelasyon.

Ang plot ng "Snow in August" ay simple lang. Isang babaeng (Chu Sang-Mi) niloko ng asawa, may isang anak na batang lalaki at sa gabi ng kaarawan ng bata ay nasagasaan at namatay. Apat na taong nag-mourn ang ina (babae) hanggang sa nakatagpo siya ng panibagong pag-ibig. Isang lalaki (Jo Dong-Hyuk) na may anak na batang lalaki na ang edad ay limang taong gulang. Ang kuwento naman ng lalaki ay iniwanan ito ng asawa at mag-isang nagpalaki ng anak. Ang bidang lalaki ang naging hero ng bidang babae, ito ang naging dahilan upang ang babae ay magtagumpay at makaahon mula sa kaapihan ng asawa nito at kabit ng asawa nito. Nagpakasal at naging buo ang pamilya ng dalawang tauhan at may instant anak na sila sa katauhan ng batang lalaki na anak ng bidang lalaki. Only to find out, ang nakasagasa sa anak ng babae (Chu Sang-Mi), ay ang lalaking kanyang pinakasalan(Jo Dong-Hyuk). Walang kamalay-malay ang bidang lalaki na nakasagasa siya at nakapatay ng isang inosenteng bata, may apat na taon na ang nakakaraan.

Matitinding drama, iyakan at flashback ang nagaganap sa kuwento. May halong komedi sa pamamagitan ng ibang tauhan, may halong aksiyon at lumulutang na ito'y isang family oriented movie.

Nakialam ako sa kuwento. Nag-fill in the gaps ako sa mga eksena. Umasa ako sa ending na inaakala kong magiging ending nito. Gusto ko ay happy ending. Dahil katuwiran ko'y napakarami na nang pinagdanaang hirap ng bidang lalaki at bidang babae. They deserve to be happy, gusto ko na may rebelasyon sa dulo ng kuwento na iba pala ang nakasagasa. Gusto ko na ang nakasagasa ay iyong kontrabida sa kuwento. Pero sa huli'y binigo ako ng ending ng Snow in August. Ang nakasagasa talaga ay ang bidang lalaki. Nahatulan at nakulong. Nagalit for a while ang bidang babae sa bidang lalaki at sa batang lalaki na anak nito. Bumalik ang emotional trauma ng babae. Ang ending, magkasamang naglalakad ang bidang babae at ang batang lalaki (anak ng bidang lalaki) sa isang kalsada, maraming puno at may mga snow. Implied na naghihintay sila sa paglaya ng bidang lalaki.

Hindi ako solved sa ending. Ayoko ng ganoong ending. Maraming hindi naisarang mga isyu sa kuwento. Ano na ang nangyari sa ibang mga tauhan na may malaking kaugnayan sa kuwento? Hindi na nagpakita ng compromise o dialogue sa dalawang bidang tauhan after ng ilang confrontation scene ng dalawa. Umaasa ako na putol lang ang nabili kong dvd at may susunod pa itong mga episode. Nag-research ako sa internet at nakita ko na 20 episode lang talaga ito. Unless, hindi pa talaga ito natatapos ipalabas sa Korea. Pero kung ang ending talaga nito ay makukulong ang bidang lalaki at dadaan na naman sa emotional trauma ang bidang babae, nakakainis ang ending na ito. Sabi ko nga sa sarili ko, napakawalang kuwenta ng ending na ito. Na-frustrate talaga ako!!! Napapaloob na ako sa "Readers Response Theory". Nakikialam na ako sa kuwento. May pakialam na ako sa mga tauhan at nagiging bahagi na ako ng kuwento unconsciously.

Binalikan ko ang premise ng kuwento. Hinanap ko ang aspirasyon ng manunulat. Hindi ako titigil hangga't hindi ko nauunawaan kung bakit kailangan na ang makasagasa sa anak ng bidang babae ay ang bidang lalaki na kanyang pinakasalan. Bumuo ako ng premise mula sa point of view ng bidang lalaki. Ang premise ay isang lalaki na nakasagasa sa anak ng babaeng kanyang pinakasalan, ang babaeng iniligtas ng lalaki ang buhay ng paulit-ulit. Ano ba ang gustong patunayan ng manunulat? Ano ang gustong sabihin at aspirasyon ng manunulat ng Snow in August?

At ito ang na-realize kong sagot. Ang tao ay deserve na malaman ang kanyang naging pagkakamali sa buhay, at makatarungan na ituwid ang pagkakamaling iyon. Hindi man batid ng isang tao ang kanyang naging pagkakamali, hindi excuse iyon upang makaligtas siya sa salitang KARMA.


fin.

Saturday, September 29, 2007

ANG NOBELANG FILIPINO (Isang Kasaysayang Pampanitikan)

Ang study na ito bilang final paper sa aking MA subject (Panitikan ng Pilipinas 222) sa ilalim ng magaling na professor sa Unibersidad ng Pilipinas na si Prof. Vim Nadera (Kasalukuyang Director ng Creative Writing Center, UP Diliman) ay nais ko lamang ipabasa upang magsilbing batayan ng ilang pop lit writers. Hangad kong may paghugutan ang sinumang nagnanais na pop lit writers ng batayang kaalaman tungkol sa ugat at kasaysayan ng Nobelang Filipino. Ang ilang bahagi ng papel na ito ay natalakay ko rin sa aking report sa isa ko pang subject sa MA na Litery Criticism (Panunuring Pampanitikan) sa ilalim naman ng aking guro na si Prof. Virgilio Almario (National Artist at kasalukuyang Dean ng CAL o College of Arts and Letters).

Inihihingi ko ng paumanhin ang ilang pagbabago sa porma ng papel (study) na ito dahil sa hindi pagka-adapt ng blog na ito sa ilang teknikalidad. Nawala ang bahagi ng footnoting at ibid, gayundin ang ilan pang component tulad ng pagsasaayos ng peryodisasyon at mga graph bilang batayang datos ng pananaliksik na ito. Inilagay ko na lamang (sa ilalim na bahagi) ang mga sangguniang aklat na aking ginamit sa pag-aaral na ito.

May ilang bahagi akong na-edit at naidagdag din para sa mas napapanahong pagtalakay.

Ang kasaysayang pampanitikan ay nakaugnay sa pag-aaral ng kasaysayan ng isang bansa kung saan nakaangkla ang buong tradisyon at kultura ng isang bayan o ng buong pamayanan. Ito ang mga dokumentong nakatala na magiging sandigan ng katotohanan at magiging banal na aklat ng mga taong kumikilala ng lahi, uri at etnisidad ng isang lipunan. Sa pamamagitan ng kasaysayang pampanitikan, maaari nitong ipakilala ang bayang nagmamay-ari sa kanya. Sa pamamagitan ng panitikan ay maaari nitong ipakilala kung anong uri ng tao mayroon ang isang bayan, ano ang lugar na ginagalawan ng tao, ano ang kanilang mga gawaing pang-araw-araw, ano ang uri ng lipunan at pulitikang umiiral sa kanila lalo’t higit kung ano ang relihiyon at edukasyong umiimpluwensiya sa kamalayan ng tao. Ang kasaysayang pampanitikan ay nagpapakilala at nagpapahayag ng damdamin ng isang tao o ng buong sambayanan sa partikular na panahong kanyang kinabibilangan. Ito rin ang nag-uugnay ng tao sa kalikasan, sa iba’t ibang yugto ng panahon at sa anumang pananampalatayang pinaniniwalaan niya.

Ang pag-aaral ng kasaysayang pampanitikan ay maaring gamitan ng isang framework ng pag-aaral na naaayon sa peryodisasyon. Problematiko ang kalagayan ng kasaysayang pampanitikan kaya’t higit na nangangailangan ng mga datos at dokumento na siyang batayan ng pag-aaral. Bunga na rin ng tatlong beses na pananakop ng iba’t ibang bansa sa Pilipinas sa iba’t iba ring panahon kaya’t higit na nagdulot ng kumplikadong kalagayan nito. Ang ilang natitirang mga tala at ang mga naunang pananaliksik ay maaaring gamiting muli’t muli sa mga pag-aaral, pananaliksik, pagsusuri at pagtataya ng mga kritikal na pananaw na lalong magpapatingkad ng ating kasaysayang pampanitikan. Nararapat na simulan ang pag-aaral sa panahon ng oral tradisyon, panahon ng pananakop ng Kastila, panahon ng pagbabagong–isip, panahon ng pananakop ng Amerikano, panahon ng pananakop ng Hapon hanggang sa kontemporaryong panahon. Ang pag-aaral ay maaaring gamitan ng ilang mahahalagang aspeto na umiiral at umuugnay sa buong konteksto ng isang bansa. (1) panahon (2)uri ng lipunan (3)genre (4) continuities ng bawat panahon (5) commonalities ng bawat panahon (6) tema (7) moralidad. Maaari pang dagdagan ng ilan o mas marami pang sangkap ang pag-aaral na ito upang higit na magpatibay ang mga paglalagom na posibleng mabuo.

Mahalagang tingnan ang isang partikular na panahon kung kailan ito umusbong upang maunawaan ang mga impluwensiyang nagmumula rito. Ang uri ng lipunan ay naka-depende kung sino ang namamayani o dominant figure kaya't mahalagang nakatala ito. Ang genre ay umuusbong sa bawat partikular na panahon, ang pag-usbong ng genre ay nangangahulugan ng pag-usbong ng isang trend o ang sinasabing "uso". Sa pamamagitan ng pag-usbong ng "genre" ay higit na mauunawaan ang mga pinagdadaanang klase ng buhay ng lipunan sa isang partikular na panahon. Ang kasaysayan ay nagpapatuloy at hindi maaaring itakwil ang nakaraan, kaya't mahalagang nauunawaan ang continuities ng bawat panahon upang maunawaan ang "pinanggalingan" o ugat para higit na maunawaan ang kasalukuyang umiiral na sitwasyon at maging ang patutunguhan nito.Commonalities ng bawat panahon, bawat yugto-yugtong panahon ay may pagkakapareho (bagama't may pagkakaiba rin) ngunit may maiiwanan "practice" na maia-adopt o mamanahin ng isang lipunan sa kanyang pinagdaanang panahon. Ang "tema" ay nakabase sa situasyong panlipunan at kultura at maging sa mga umiiral na mga kundisyong politikal (may political correctness o politically incorrect na mga tema). Ang pagtalay sa moralidad ay pangkalahatang isyu ng moralidad ng tao, at hindi lamang isyu ng moralidad ng Kristiyanismo. Mahalagang maunawaan ang mga batayang moralidad ng tao sa pangkalahatan upang maunawaan ang mga pilosopiya, pananaw, paniniwala, edukasyon, kultrura, pananampalataya, atbp ng bawat indibiduwal na nakapaloob sa isang partikular na panahon ng isang partikular na lipunan.

Ang kasaysayan ng nobelang Filipino ang aking papaksain sa papel na ito upang matukoy kung ano ang pinagmulan nito, kung ano ang naging kalagayan sa bawat panahon at kung ano ang kinahinatnan nito sa kasalukuyang panahon. Nagkaroon ng transpormasyon ang bawat yugto ng nobelang tagalog, at ang bawat transpormasyon na ito ay nagdulot ng maraming pagbabago-- maaring sa wika o maaring sa mismong kontekstong kinapapalooban nito.

Para kay Resil Mojares na nag-aral ng mahigit isang daang primary text sa ilang piling wika, ang pag-aaral ng nobelang Filipino ay nakaugnay sa katutubong panitikan. Ang pinagmulan nito ay epiko at tumulay sa iba’t ibang transpormasyon tulad ng metrical romansa, buhay ng mga santo, asal at moralidad, nobela at nobeleta. Ayon naman kay Iñigo Ed. Regalado, ang nobelang tagalog ay umunlad na noon pang matandang panahon sa pamamagitan ng mga matatandang awitin ng mga katutubo. Bagama’t ang matatandang awit ay masasabing nahahanay sa yari ng tula o poema, hindi maikaila ng mga sumuri ng nobela na nagtataglay ito ng mga katangian na kinakailangan sa pagsulat ng nobela. Ang kaibahan nga lamang daw ng awit ay yari sa tula at hindi sa tuluyan. Ibinigay niyang halimbawa ang akda ni Francisco Baltazar na Florante at Laura, na bagama’t ang kayarian ng anyo ay sa tula, ay isang malaking potensiyal ng Literatura Universal kung naisulat sa tuluyan o prosa. Para sa kanya, kahit walang naiwang bakas si Francisco Baltazar sa pagsulat ng tuluyan, ay kababakasan ito ng talino’t kakayahan na makasulat ng isang maganda at mahusay na nobela.

Ang binigyang pansin ni Mojares ay ang problemang nakapaloob sa pag-aaral ng Philippine Literary History. Naglatag siya ng apat na suliraning nakapaloob dito at ang mga ito ay: (1) kakulangan ng esensiyal na pag-aaral; (2) bunga ng maling pagtingin o pagbasa ng mga naunang manunulat ng kasaysayan at gumawa ng pag-aaral tungkol sa naratibong anyo ng panitikan at ang pagkiling ng mga kastilang historyador sa sarili nitong kultura kaya’t maraming naitagong katotohanan sa kasaysayan at panitikan ng Pilipinas; (3) magkakasama o labo-labo at hindi maayos ang naging pag-aaral; at (4) maiksi lamang ang ginawang pag-aaral ng mga nag-umpisang iskolar ng kasaysayan kaya’t wala o mababaw ang nagagawang malaking paglalagom na may malawak na perspektibang magbibigay ng malinaw na framework tungkol sa pag-aaral ng naratibong anyo. Kung pakakasurin ang problemang tinalakay ni Mojares, isang malinaw na repleksiyon ng kakulangan ng esensiyal na pag-aaral ang "kakulangan" ng batayang kaalaman ng mga manunulat at mambabasa sa kasaysayang pampanitikan. Malabnaw lamang ang mga naitakdang pamantayan ng pag-aaral at hindi sapat upang higit na maunawaan ng mga Filipino ang "ugat" at mga "pinanggagalingan" nito. Ang bunga ng maling pagtingin at pagbasa ay nagdulot ng pagiging "politically incorrect" ng mga Filipino (in all aspect), at ang kababawan ng mambabasang bumasa at umunawa ng isang teksto. Ang pagkiling sa mga kastilang historyador ng ilang mga Filipinong iskolar ay bunga ng "cultural assassination" upang higit na mamayani ang kamalayang maka-Kanluranin. Ito'y isang aparato (Ideological State Aparratus) upang higit na masakop ang kamalayan ng mga Filipino noon man at magpahanggang ngayon. Makikita natin sa problemang tinalakay ni Mojares sa pag-aaral ng kasaysayang pampanitikan ang ating mga sarili at ang kondisyong politikal ng lipunang Filipino. Maiksi ang pag-aaral o hindi masinop ang pananaliksik. Labo-labo ang mga datos at hindi naayon sa wastong peryodisasyon. Maraming naitagong katotohanan at may kinikilingang dominant culture. Ang ganitong suliranin ay malinaw na repleksiyon ng mga Filipino ngayon, maging ng ilang mga manunulat at maging ng ilang pop lit writers. Kakulangan sa batayang kaalaman, kakulangan sa pananaliksik, kakulangan sa kaalaman sa kulturang namamayani, at kakulangan sa marami pang ibang batayang pag-aaral. Nangangahulugan ito na magdudulot sa mga Filipino ang ganitong kakulangan ng higit na kamalayang maka-Kanluran, politically incorrect na mga kaalaman, kawalan ng gana sa panananaliksik, at iba pang mga loopholes.

Ang theoretical framework na nabuo sa pag-aaral ng kasaysayang pampanitikan ng mga iskolar ay nagkaroon ng mga basehan at empirical data kaya’t ang naging resulta ng pagtuklas at pagsasaayos ng mga data o order- generating scheme. Problematiko ito ayon kay Mojares dahil nakadepende ito sa historical evaluation. Marahil, ang ibig sabihin nito ay nawawalan ng pokus ang pag-aaral sa naratibong anyo kundi mas nabibigyan ng diin ang kalagayang pangkasaysayan at higit na nasusuri ang nilalaman, pulitika at ideolohiya ng mga akda. Kung ganito ang istilo ng pag-aaral, higit na mamamayani ang pag-aanalisa sa mga "cultural studies" kung ano ang dominant figure kung saan ito ay ang West culture.

Ang ganitong pamimili o seleksiyon ay nangangahulugang may nawawala at may natitira. Nananatili kung sino ang dominante at mayroong nagiging sekondarya lamang (ito ay ang mga wala sa mainstream). Sa puntong ito, bagama’t maaaring sabihing hindi sapat o may kakulangan ang mga naging pag-aaral ng mga historyan at iskolar, ang mga datos na nakalap ay nagamit sa mga pagtatangka at pagtataya bilang panimulang pag-aaral sa nobelang Filipino.

Isa sa mga problema ay ang pagkakaroon ng iba’t ibang tradisyon at ang nobelang Filipino ay naisulat sa iba’t ibang lengguwahe. Malinaw sa pag-aaral na ito, na mula pa man noong una, sa pag-aaral ng kasaysayan ay problematiko na ang isyu ng iba't ibang lenguwahe. Naisulat sa iba't ibang lengguwahe. Ibig sabihin ay binibigyan ng tukoy o emphasis ni Mojares na hindi lamang ang wikang Tagalog ang dapat ituring na isang "Nobelang Filipino", ito'y maging nasulat sa ibang wika o lengguwahe na nasa loob ng Pilipinas o ginagamit ng isang Filipino. (Ang portion na ito ay para sa nagpapanggap na Robby na kung saan-saan gumagala sa internet at nagtatanong ng kung ano daw ba ang depenisyon ng Pilipino,etc.)

Binigyang pansin ni Mojares ang kahalagahan ng transpormasyon upang malaman kung ano ang anyo o istrukturang nabago at muling naisaayos. Ibig sabihin, ang porma o anyo ng isang teksto (anumang genre sa panitikan o pop lit) ay dumadaan talaga sa transpormasyon o pagbabagong anyo, depende sa mga impluwensiyang pumapasok at umiiral sa isang lipunan sa isang partikular na panahon. (Para din sa iyo ang portion na ito, Robi-Robihan.)

Ayon pa kay Mojares, may dalawang pag-uuri ang anyo ng naratibo sa usapin ng haba at istruktura. Narito ang isang talaan na makakatukoy kung ano ang katangian ng simple narratives at complex narratives ng kanyang study.

SIMPLE NARRATIVE : Folktales and ballads Short Entertainment, social indoctrination Few plot elements, told in prose as in most tales; sung in verse, as in ballads Verbal Simple narratives are of a later stage of development. Dito humugot o humuhugot ng batayang kaalaman at pinagmulan ang popular na literatura.


COMPLEX NARRATIVE : Epics Long narratives or narrative cycles in verse Traditional ritual, cultic function Combination with elements of music, dance. Ritual action Verbal, action, movement Developed out of simple narrative, incantations.

May iba pang uri ng naratibo na tinawag na Quasi narratives, isa itong ceremonial chants. Ang Alim ng Ifugao at ang Gindaya ng Bagobo na ang panlipunang gamit ay magico-devotional. Subalit ang mga ganitong uri ng chants ay hindi nagpaunlad o nagpanatili ng naratibo. Hindi tuloy-tuloy o hati-hating mythic action ang istilo o ibig sabihin ay walang malinaw na istruktura.

Ayon naman kay E. Arsenio Manuel, ang Alim ay ginagampanan ng grupo ng mga lalaki bilang isang uri ng dasal (baki), bilang koneksiyon sa kanilang seremonyas, at popular na kinikilala bilang isang epiko. Ngunit para kina R.F. Barton at Manuel, ito ay isang uri ng “ballad”. Para kay Manuel, ang Alim ay nagmistulang isang “detached pictures without a coherent story. It is like a diorama in a museum, with the viewer filling in the wide gaps.” Walang sentrong karakter at ito’y mistulang serye ng isang presentasyong ritwal.

Ang epiko ang pangunahing batayan ng naratibong tradisyon. Ito ay isang uri ng pamumuhay ng mga katutubo. Ito ang nagtatakda ng batas, kumikilala ng kasaysayan at relihiyon, at naitatala ang nakaraan ng isang etnikong grupo. Sa kasalukuyan, humigit kumulang sa tatlumpung epiko ang kinikilala. Kabilang dito ang dalawang epiko na sinasabing na-christianized na ng lowland groups, ang Biag ni Lam-Ang ng Iloko at ang Handiong ng Bikol. Kilala din ang Hudhud ng Ifugao at Ullalim ng Kalinga. Ang Hinilawod ay epiko sa Visayas at ang Sulod ay sa Central Panay. Ang mga Muslim group sa Mindanao ay may limang epiko at mayroon ding tinatawag na Hindu epics kung saan ito naman ay impluwensiya ng mga Indian. May ilang study rin mula sa ibang iskolar tungkol sa epiko ng "Biag ni Lam-Ang", kung saan lumilitaw sa pag-aaral na ang konsepto ng pagkabayani sa lipunang Filipino ay nagmula sa mga "epiko". Kung pakakasuring mabuti, makikita nga ang pag-aaral na ito ng iskolar na maging ang pinagmulang kamalayan ng konsepto ng pagkabayani mula sa kuwento ni "Panday", (Carlo J. Caparas), hanggang sa imahe ng pagiging isang tunay na bayani ng namayapang "action superstar" na si Fernando Poe Jr., ay nagmula sa epiko.

Ang tumutukoy ng multi-formality ng epiko ay ang tradisyong oral. Sa pamamagitan nito ay nakakalikha, nakakaganap at nakakapaglipat ng mga awit at epiko na nagmula pa sa lumang panahon patungo sa kasalukuyang panahon. Ang epiko ay kinapapalooban ng mga supernatural events o ng mga bayani na may kapangyarihang taglay. Ang mundo ng tradisyunal na epiko ay mythic kung saan ang mga batas ng kalikasan ay napipigilan. Ngunit sa kabila ng mga supernatural na tema, ang epiko ay nagpapatotoo rin sa mga paniniwala, kaugalian, kaisipan at pamamaraan ng pamumuhay ng mga katutubo.

Tinawag na protohistoric period ang ika-labing apat na siglo hanggang unang bahagi ng ika-labing anim na siglo. Ito ay panahon ng dinamikong pagbabago dahil naging maluwag ang pakikipagkalakalan sa ibang bansa at nagdulot ito ng pagpasok ng mga bagong kultural na ideya. Sa panahong ito masasabing ang umunlad ng husto ang pagsulat sa anyong panitikan.

Ang pag-unlad ng nobela ay nakaangkla sa pag-unlad ng prosa bilang midyum. Ang bagong epiko o ang Pasyon ang isa sa mga anyo na ipinakilala ng mga Kastila. Ang anyong protean o korido ay tungkol sa pag-ibig, at mga didaktikong tema ng relihiyon. Ito ay tumatalakay din tungkol sa pananampalataya at tunggalian ng mga Kristiyano at Moro.

Nagkaroon ng pag-unlad sa komersiyo ang ika-labing siyam na siglo. Naging malaya ang pagpasok ng mga kalakal mula sa labas ng bansa. Kasabay nito ang pagpasok ng edukasyon sa Pilipinas. Taong 1865 ay ipinakilala ang reporma sa pamamagitan ng pagtatangkang maglagay ng pampublikong pampaaralan at mga programa sa kaguruan. Samantala ang kurikulum ay tumatalakay sa theology at morals, ang mga institution ng mataas na paaralan tulad ng Sto. Tomas ay naghahain ng iba’t ibang pag-aaral ng siyensiya.

Sa unang bahagi ng dekada, ang mga publikasyon ay naglathala ng mga sulating pinamumunuan na mga Kastila para sa kanilang pangsariling interes kung saan kontrolado nila ang mga limbagan. Nang lumaon ay umusbong ang mga pribadong pag-aari ng limbagan at nawalan ng kontrol ang simbahang Katoliko. Dahil sa nagkaroon na ng mga pribadong limbagan, hindi na limitado ang mga printed material sa mga akdang pangrelihiyon lamang. Nagkaroon na ng produksiyon ng mga libro at paglathala ng mga diaryo. Ngunit karamihan pa rin sa mga malalaking lathalain ay nasusulat sa wikang Kastila. May ilang publikasyon tulad ng El Pasig (1862) ay naglathala ng ilang sulatin sa Tagalog. Taong 1882 naman nalathala ang Diaryong Tagalog ni M.H. Del Pilar na tinawag na “The First Tagalog Paper.” Unti-unting lumaganap ang paglilimbag ng diaryo sa mga probinsiya tulad ng Vigan (1884), Visayas (1884-1898), Iloilo at Cebu). Ang mga katutubong wika ay unti-unting naging prominente bilang midyum ng komunikasyon. Sa panahong 1888- 1896 ay nagkaroon ng malawakang paglathala ng mga diaryo dahil sa pagbawas ng sensura at umunlad ang kamalayang demokratiko at nasyonalismo. Sunod- sunod ang paglabas ng mga diaryo na nasusulat sa Tagalog at nagkaroon ng Propaganda Movement, na sinasabing naging sanhi ng pag-usbong ng literaturang maka-Filipino. Makikita ang pangkalahatang tema ng Propaganda Movement at maging ang layunin nito na lumikha ng national conciousness.

Ang Ninay ay nalimbag sa Madrid noong 1885, at tinaguriang ang unang nobelang Filipino. Ang nobela ay isang romantikong melodrama, gumamit ng milyu ng Pilipinas at nagpakilala ng kaugalian at kasaysayan ng Pilipinas.
Ang Fray Botod ni Marcelo H. del Pilar ay isang nobeleta noong 1874, kung saan ginawa niyang karikatyur ang mga Kastilang prayle sa pamamagitan ng satirikong lengguwahe at panunuligsa.

Ang pag-usbong ng dalawang nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo ang nagpabago naman ng kasaysayan ng Pilipinas. Isinulat ang dalawang nobela ni Rizal sa wikang Kastila pero itinuring itong nobela na nagpalaya sa bansang Pilipinas at mamamayang Filipino. (Para pa rin ito sa kaalaman ng hindi tunay na Robby).

Ang pag-unlad ng nobela ay nakabigkis sa layunin ng pagbabago sa lipunang Filipino. Ang huling bahagi ng ika-labing siyam na siglo ay ang susi ng pag-unlad ng nobelang Filipino. Naging mahalagang bahagi sa pagbubuo ng nobela ang pagbibigay ng direktang pangdaigdigang pananaw.

Ang unang mga dekada ng pangkasalukuyang siglo ay tinawag na gintong panahon ng nobelang bernakular. Ang pag-unlad ng nobela sa panahong ito ay dahilan sa ilang mga salik. Una, ang panahon ay saksi sa momentum ng Propaganda Movement at ng Revolution, at gumising ng kamalayan at national conciousness na ipinahiwatig ng mga samahan. Pangalawa, nakita rin sa panahong ito ang paglaganap ng sekular na paniniwala at ang pagbagsak ng pamahalaang Kastila habang pumapasok ang panibagong impluwensiya ng mga Amerikano. Pangatlo, nagkaroon ng kalayaan ng paglalathala at paglilimbag ng mga aklat na nakatulong sa paglaganap ng edukasyon. Ikaapat, nagkaroon ng pag-usbong at paglaki ng dami ng mambabasa na may panlasa sa mga diaryo, prosa, piksyon at iba pang babasahin. Ikalima, ang sigla sa pagpapalit ng siglo at pagbabagong panlipunan ay lumikha ng ugong para sa marami pang sulatin at babasahin. Panghuli, ang pag-unlad ng nobela sa larangan ng katutubong wika ay maaring maipaliwanag sa katotohanang sa unang dalawang dekada, ang wikang Kastila ay nagsimula nang bumagsak habang ang wikang Ingles ay nag-uumpisa pa lamang magpakilala Sa gitna nito, ang katutubong wika ay yumabong bilang midyum ng pagpapahayag sa literatura.

Samantalang para kay Regalado, ang nobela ay bunga ng panitik ng isang manunulat na naglalarawan ng buong kabuhayan o bahagi ng isang buhay na hiniyasan ng mga bagay-bagay na nangyari o maaaring mangyari, na ang layon ay magbinhi ng mga simulain o aral na hangad pagbungahin ng sumulat, o magdulot ng aliw sa mga mambabasa sa pamamagitan ng magandang paglalarawan, ng mga gawi at galaw sa pamumuhay, o maglahad kaya ng panganib o sama na makalalason sa kadakilaang-asal upang maiwasan at malayuan.

May dalawang dahilang binanggit si Regalado kung bakit ang pagkaunlad ng mga awit ay hindi naging simula ng pagkaunlad ng mga nobelang tagalong. Ang una niyang nakitang dahilan ay ang kahigpitan ng Comision Permanente de Censura, hindi madaling makapagpalathala ng mga nobela dahil dumadaan pa ito sa mga censorship. Dahilan nito kung bakit sa halip na nobela ang isulat, ito ay nagiging novena. Kaya’t ang mga manunulat na naghangad gawing kabuhayan ang pagsulat ay nagkontento na lamang sa pagsulat ng tula upang hindi magkaroon ng suliranin sa pagpapalimbag o paglalathala. Ikalawang kadahilan ay ang likas na pagkahilig ng mga tao sa pagsulat ng tula o ang likas na pagiging makata ng mga tagalog. Ayon pa sa kanya, kung hindi man lubos na patula, ang mga kilos at galaw ng tao noon ay tila sinasabi nang patugma katulad ng “Matulog ka na bunso, ang ina mo ay malayo…” Kahit ang sulat o sulat pag-ibig ay nasusulat sa anyong patula tulad halimbawa ng isang pilas ng papel na natagpuan ni Regalado sa lumang aklat ng tiyuhin niyang si Gabriel Beato Francisco : “Ang buhok mo Iray na color de oro, siyang naka-perder ng aking studio.” Ang isa pang ipinakitang ebidensiya ni Regalado ay ang imbitasyon sa kanyang ama na nakasulat din sa tula: “Sa pamumulaga ng magandang araw, samo ko’y tumungo sa ating simbahan, anak na bunso ko doon ikakasal, madlang kakilala ay sasamang abay. Ang mga kadahilanang ito ang nakitang dahilan ni Regalado kung bakit nabansot ang pag-unlad ng nobelang tagalog hanggang sa dumating ang araw na nagawa ng isulat ang tungkol sa buhay sa paraang pasalaysay at kinakatha.

Malaki ang paniniwala ni Regalado na mayaman na ang wikang tagalog noon pa mang 1610 dahil sa paglilimbag ng Gramatikang Tagalog na gawa ni Fr. Francisco de San Jose. Isang dahilan ito upang makasulat na ng isang aklat sa tuluyan si Antonio de Borja noong 1830. Isinalin ni de Borja sa tagalog ang Historia Magistral de Barlaan at Josaphat ni Juan Damaceno at ito’y may titulong Aral na totoong nag-aacay sa tauo ng mga cabanalang gawa ng mga maloalhating Santos na si Barlaan at Josaphat, nalimbag noong 1837.

Ang kakayahan sa pagsulat sa tuluyan ng mga tagalog ay naipakilala noong 1872 nang isalin ni Juan Evangelista ang Martir del Golgota. Bunga ng pagkalathala ng salin, napagtibay ang wikang Tagalog bilang kayamanang may kakayahang makayari ng isang nobela. Noong 1879, ay isinalin naman ni Joaquin Tuason ang aklat na El Nuevo Robinson o Ang Bagong Robinson. Naniniwala si Regalado na kaya sa wikang Kastiila isinulat ni Jose Rizal ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay sapagkat ang nais nitong kausapin ay ang matatalinong tao upang maipaalam ang kasamaang pinalalaganap ng pamahalaang Espanya at simbahang Katoliko sa Pilipinas.

Ang unang bakas ng pag-unlad ng nobelang tagalog ay natagpuan sa Kaliwanagan noong 1900, dito nalathala ang nobela ni Lope K. Santos na Salawahang pag-ibig. Nalathala din sa Ang Kapatid ng bayan ang nobela ni Modesto Santiago na Pagsintang Naluoy. Humantong sa kataasan ang nobelang tagalog dahil sa pagkalathala ng mga nobela ni Valeriano Hernandez Peña, o mas kilala sa tawag na Tandang Anong tulad ng Nena at Neneng (nagsimulang malathala sa Muling Pagsilang noong Enero 30, 1903) at Mag-inang Mahirap (sinumulan noong Hulyo 11, 1904). Gayundin ang nobelang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, at Anino ng Kahapon ni Francisco Laksamana nakipagsalitan din ng pagkalathala sa Muling Pagsilang. Bunga ng kataasang ito, dumating ang panahong ang naging halaga ng isang pahayagan ay nakadepende sa ganda ng mga nobelang nalalathala at hindi na dahil sa balita o komentaryo ng patnugot.

Sa panahong din ng ika-20 siglo, ang pangunahing itinatampok ng nobelang bernakular ay malinaw at may kaayusan. Ang tendensiya tungkol sa didacticism o aral ang tumutukoy sa tinatawag na “novel manners” at ang naging pokus ng atensiyon ay panglipunang moralidad. Ito ang kadalasang pinupunto ng plot o banghay. Kasabay nito ang pagpapayabong ng formal values at nang lumaon ay naging mataas na ang kakanyahan o katangian sa isang ng bernakular na piksyon.

Ang panitikan sa panahong ito ay masasabing instrumento para sa moral at social form. May kaibahan ito sa religious didactic sa panahong Kastila kung saan nakasentro ang pangangaral tungkol sa simbahang Katoliko.
May pagpapatuloy ang mga konsepto ng kamalayang sosyal sa nobela ni Rizal sa katauhan nina Faustino Aguilar (Pinaglahuan) at Iñigo Ed. Regalado (Madaling Araw). Ang nobela ng mga ito’y tumatalakay sa kahirapan, prostitusyon at sa pangkaraniwang tema ng tunggalian ng mayaman at mahirap (social class). Nagpatuloy sa mga nobelang ito ang problema sa ekonomiya at kolonyalismo. Pero masasabing sa panahon ding ito ang nobela ay nagkaroon ng inobasyon ang genre ng nobelang bernakular. Umusbong ang penomena ng hybrid character .

Ang nobela bilang komodeti ang sumunod na yumabong. Ayon kay Iñigo Ed Regalado, taong 1921 sinasabing nagsimula ang panlalamig ng nobelang tagalog at ang sinasabing dahilan ay ang pagdami ng mga manunulat na walang kasanayan sa pagsulat at ang pagkalulong nito sa komersiyalismo. Noon namang taong 1932 ay sinubukan ng limbagang Ilagan and Sañga na pagmamay-ari ni Isabelo Sañga na pasiglahing muli ang nobelang tagalog sa pamamagitan ng paglalathala ng mga nobelang Luha ng Dalaga ni Antonio Sempio, Doktor Kuba ni Fausto Galauran, Anak ng Dumalaga ni Iñigo Ed. Regalado, Ang Maria ni Antonio Sempio at Makiling ni Remigio Mat. Castro. Sa kabila ng pagtatangkang ito ay hindi pa rin ganap na naibalik ang sigla ng nobelang tagalog dahil nalulong na ang mambabasa sa mga nobelang itutuloy na nalathala sa mga mumurahing babasahin. Nagbunga ito ng pag-aaway o alitan sa pagitan ng mga matatandang manunulat dahil sa paninisi sa mga baguhang manunulat na ang mga ito ang nagpabagsak sa kalidad at antas ng nobelang tagalog.

Dumagsa ang mga profit-minded na tagapaglathala. Si Ramon Roces ay naglathala ng mga bernakular na magasin tulad ng Tagalog-Liwayway, Cebuano- Bisaya, Iloko-Bannawag at Hiligaynon. Ang lingguhang sirkulasyon nito ay ay 3,000. Nagkaroon din ng mga provincial magazines kagaya ng Cebuano Bag-ong Kusog na nagsimula sa 500 copies noong 1915 at umabot ang sirkulasyon sa 5,200 noong 1928. Ang mga magasin na ito ay nagkaroon ng mahalagang tungkulin sa pag-unlad ng regional literatures. Sinasabing ang pagtaas ng demand ng magasin ang nagbukas ng pintuan kaya’t naging komersiyal ang piksyon. Ang bunga ng penomenang ito ay ang pagkakaroon ng paniniwalang ang nobela ay isang komoditi. Ang syndrome na ito ay nagkaroon ng konsekuwensiya sa anyo at nilalaman ng nobela. Nagkaroon ng mga konbensiyunal na banghay, tema, tauhan, at pormula. Alam na kaagad ng mambabasa ang dapat mangyari o isusulat ng manunulat. Inaasahan na ito kaya’t hindi na umuunlad ang kuwento.

Kabilang sa naging resulta ng penomenang ito ay ang pagkakaroon ng dalawang kategorya, ang high at low literature. Ang high ay nanatili sa mga pampanitikang akda at ang low ay sinasabing ang literaturang popular. Nagbunga rin ito ng konseptong ang English literature ang high standard at ang wikang bernakular ay pambakya. (Palagay ko ay ito ang oryentasyon ng hindi tunay na Robby, itinatakda niya ang kanyang sarili bilang bahagi ng low literature). Ito rin ang oryentasyon ng ilang pop lit writers na sumasang-ayon na tawagin silang nasa "low literature". Ang ganitong pagtatakda ay nangangailangan ng kaayusan at pagbabago, kaya nga ang isang pagwawasto ay ang tawaging "popular na literatura" pero hindi nangangahulugan na mababang klase ng literatura. Base sa pag-aaral ng kasaysayang pampantikan, ang isang partikular na panahon ng kasaysayan ang nagtatakda kung ano kalalagyan at magiging "function" ng isang partikular na genre sa kanyang mambabasa. Kung patuloy ang kamalayan na nagpapababa sa kalagayan at katayuan ng "pop lit", tulad ng "komiks", hindi na ito mababago sa kasaysayan hanggang sa mga susunod pang mga siglo. At anuman ang gawin ng mga iskolar at manunulat, maging mga pop lit writers sa panahong ito, alalahaning ito'y maitatala sa buong kasaysayan ng bawat panahon ng Pilipinas.

Malinaw na ang nobelang Filipino ay nag-ugat sa naratibong anyo ng oral tradisyon at dumaan ito sa proseso ng mutation (pagbabagong anyo) ng proto-nobela, metrikal romansa, buhay ng mga santo, conduct moral, nobeleta hanggang sa dumating ang puntong naging ganap ang anyo bilang isang nobela. Hanggang sa ito'y naging isang popular na nobela, kung saan ito rin ang pinagmulan at pinag-ugatan ng Komiks na ang anyo o form ay galing sa Kanluran at ang nilalaman ay mula sa kulturang Filipino na nakatanim sa kasaysayan ng Pilipinas at lipunang Filipino.





Mga Sanggunian

Mojares, Resil B., Origins and Rise of Filipino Novel: A Generic Study of The Novel Until 1940,
Quezon City; University of the Philippines Press, 1983 at 1998.

Regalado, Iñigo Ed., Ang Pagkaunlad ng Nobelang Tagalog, Publications of the Institute of
National Language June, 1948.

Reyes, Soledad S., Kritisismo, Pasig City; Anvil Publishing, Inc., 1992.

Mendiola, Lazaro V. at Ramos, Victoria Ines, Kritisismo: Teorya at Paglalapat, Manila; Rex
Book Store, 1994.



GLADY E. GIMENA
Unibersidad ng Pilipinas, 2007

Thursday, September 27, 2007

DELETED MESSAGES

Hello Auggie,

Pasensiya ka na at nagkaroon ata ng problema sa pagpasok ng message mo sa blog ko. Hindi ko kasi nabasa at hindi ko natanggap. Hinanap ko nga maski sa trash pero hindi ko na na-retrieve. Sayang naman!

Anyway, salamat sa pagbisita mo sa blog ko at sa kumpirmasyon tungkol sa pagpapadala mo ng mensahe sa akin.

Hindi ko kasi alam kung saan kita masusulatan kaya nagpasya na lang ako na i-post ang message na ito.





Leshie,

Wala akong nababasang message mo sa horror!!!

Pero sasagutin ko ang tanong mo sa akin tungkol sa horror na itinext mo. Sabi mo, mahilig ka sa horror, magbasa at manood ng horror, lahat ng klase ng genre ng horror ay tinangkilik mo, pero ang problema mo ay hindi ka natatakot. Paano ka matatakot?

Magbasa ka kaya ng Stephen King. Kapag hindi ka pa rin natakot, humarap ka na lang sa salamin. Hehe.

Sige, para sa iyo, gagawa ako ng study kung paano maging o nagiging nakakatakot ang isang horror story. Pero huwag muna ngayon, kasi pagod pa ako. Hehe. Kadarating ko lang kaya.


P.S. Hoy Wendy (este Leshie) hindi ako spirit questor ha? Lalong hindi ako adviser ng katatakutan. Hehe.

DIGITAL KARMA PRESENTS…. SINO ANG HINDI NAKAKAKILALA KAY TITA OPI?

Naisip kong gawin ang DIGITAL KARMA PRESENTS kasi maraming maliliit na kuwentong masarap ikuwento tungkol dito. Ang karma daw kasi sa panahon ngayon ay digital na. Digital na kasi mabilis na ang proseso ng lahat ng bagay sa mundo. Digital na kasi mabilis na ang mga pagbabago ng panahon, tao, at pangyayari sa buhay.

Kung naniniwala ang isang tao sa “Law of Karma”, hindi naman ito negative side lang. May tinatawag na good and bad karma. Binary opposition pa rin. Kapag gumawa ka ng mabuti, may good karma ka. Kapag gumawa ka ng masama, may bad karma ka. So ganoon lang kasimple ang formula na ito. “Don’t do to others what you don’t want others do unto you.” Sabi nga sa isang kasabihan.

Huwag sanang isipin na ang karma ay isang porma ng paghihiganti o pag-“get even” ng isang taong nadehado sa laban. Dumarating ito sa panahon na hindi inaasahan ng tao. Kung matagal ba o tunay na mabilis ang pagdating ng salitang “karma” ay depende sa situasyon at sa taong nakaranas nito. Sa akin, ang karma ay isang karanasan sa buhay ng tao na nagsisilbing “timbangan”. Hindi dahil may hinihintay kang kapalit sa magandang ginawa mo, o dahil naghihintay ka na maparusahan ang taong may ginawang masama sa iyo. Sa aking sariling pananaw, ang karma ay pinaniniwalan ng tao bilang pangbalanse ng kanyang sarili. Ang “maliliit na karma” ay pagpapaalala lang para sa isang “mas malaking karma” na maaaring maranasan ninuman. “Kung anuman ang iyong itinanim ay siya mo ring aanihin.”

SINO ANG HINDI NAKAKAKILALA KAY TITA OPI?

Sino nga ba siya? Isang magaling na editor, sensible writer, anak, ina, asawa, kapatid, kaibigan, at isang tunay na tao. Maari na siyang sabitan ng medalya dahil napagsasabay-sabay niya ang mga tungkulin na ito na wala siyang napapabayaan isa man.

Hindi siya isang pulitikong tao. Wala siyang posisyon. Ayaw niya ng posisyon. Dahil isa siyang tahimik na mamamayan ng Pilipinas na nagsusulong lamang ng “interes” at nakikipaglaban para sa “kapakanan” at “kabutihan” ng nakakararami.

Hindi commissioned writing itong ginagawa ko, isa itong “self confession”. Hindi nga niya alam ito, at hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon niya sa pagsulat ko nito. Pero kilala niya ako sa isang bagay na gusto kong gawin. Alam niyang hindi niya ako mapipigilan o mapipilit kapag nakapagdesisyon na ako.

Isinusulat ko ito bilang pasasalamat sa lahat ng kabutihan, “ambag” at mga naituro niya sa akin. Hindi magiging buo ang pagkatao ko kung wala siya. Dahil malaking bahagi siya ng kabuuan ko. Estudyante pa lang ako sa UP ay nariyan na siya sa akin para gabayan at suportahan ako. Bata pa ako sa pagsusulat ay isa siya sa mga “editor” na inirespeto ko. Mahal ko siya bilang isang ina, kapatid, kaibigan at kasamahan sa “trabaho” na kapwa namin piniling magpakatotoo. Idolo ko siya bilang isang tao. Dahil marami akong hindi kayang gawin na ginagawa niya. Marami siyang kabutihan sa puso na wala ako. Hindi ko ito sinasabi sa kanya, bihira kasi kaming magseryoso. Mas madalas, sa gitna ng seryosong usapan ay nagbibiruan kami, ang tawag niya sa akin (pati si tita josie) ay beybi. At paano mo seseryosohin ang isang beybi? Ngunit sa kaibuturan ng puso ko’y ito ang tunay na nilalaman. Words cannot express but my action speaks well for it.

Si Tita Opi ang isa sa pinakamabait na taong nakilala ko. Ewan kung nagbabait-baitan lang siya. Hehe. Pero mahirap magbait-baitan sa loob ng mahabang panahon. Consistent kasi siya na matulungin, mapagbigay at lumalaban sa kapakanan ng nakararami. Minsan nga ay naaapektuhan na ang “personal’ niyang buhay, at maging ang kanyang trabaho o pinagkakakitaan para lang ito i-share sa iba o sa mga itinuturing niyang “kasamahan sa hanapbuhay.”

Napakarami ni Tita Opi na nabigyan ng trabaho. Napakarami niyang taong natulungan. Marami ang makapagpapatunay niyan. Hinahamon kong lumantad ang mga taong ito para patotohanan ang mga sinasabi ko. Mga natulungang kaibigan, manunulat, artist, kapwa editor, atbp. Walang hindi lumapit sa kanya na hindi niya ina-accommodate. Walang text sa kanya (mula sa mga taong nag-iinquire at humihingi ng trabaho) na hindi niya sinasagot. Tumutulong siya sa abot ng kakayahan niya, sa maliit man o malaking paraan ng pagtulong. Nakita iyon ng dalawang mata ko. Nasaksihan ko iyon. Naranasan ko. Kapag wala akong pera o trabaho sa pagsusulat, dumarating ang biyaya mula sa isang Tita Opi. Minsan nga ay hindi na ako nagsasabi sa kanya pero nararamdaman niya ang pangangailangan ko. She is sensitive enough para maramdaman iyon. Kaya’t kampante ako hangga’t nariyan ang isang Tita Opi. Noon man hanggang ngayon.

Minsan ay magkasama kami sa isang workshop at sinabi ko sa kanya na huwag siyang “masyadong mabait” at “isipin niya ang kanyang sarili”. Pero wala, dedma lang siya. Naniniwala siyang marami siyang kaibigan. Naniniwala siya na sa kabila ng kanyang mga pagsasakripisyo at paghihirap ay naka-gain siya ng maraming “kaibigan”. Totoo iyon at naniniwala ako doon. Kung ang pagbabasehan ay ang dami ng nagte-text at humihingi ng tulong sa kanya (anumang klase ng tulong iyon), talaga namang napakarami kong nakita na kaibigan niya.

Siguro ay “naiinis” siya minsan sa mga kakulitan o sa mga kaprangkahan ko. Minsan kasi ay wala akong prenong magsalita. At mas madalas na mauna akong “kutuban” ng masama sa mga intensiyon ng taong nakapaligid sa amin. In other words, masama akong mag-isip. Hehe. Oo, dahil si Tita Opi ay mahilig magbigay ng benefit of the doubt sa isang tao, sa isang situasyon, sa isang pangyayari. Hindi siya judgmental na tao. Lagi niya akong pinagagalitan kapag “hyper” ako at may “pinaprangka” akong tao. Ayaw niya na basta basta ako nagagalit. Bihira kasi siyang magalit. Hindi ko nga natatandaan na nagalit na siya ng totoo sa loob ng mga panahong pinagsamahan namin. Gusto niyang maging rasyunal din akong mag-isip. Kaya minsan, maski inis na inis na ako, “oo na nga, rasyunal na kung rasyunal!” ang nasasabi ko sa sarili ko. Siya ang “cooling system” ko. Kung baga sa makina ng kotse, siya ang "radiator" ko. Madalas niya akong "buhusan ng tubig" para hindi ako mag-"over heat!" Hehe. Kasi kung i-define nila ako (mga kaibigan namin) ay “hot blood” na laging kumukulo kapag may mga taong nagpapakulo ng mga dugo namin. Habang “kumukulo” ang dugo ko ay nananatili naman siyang “compose”. Compose silang lahat, (Tita Josie, Tessa, Les) habang mainit na ang ulo ko. Hehe. Sorry to mention your name mga friend.

Hanggang sa dumating ang isang malaking hamon sa buhay ni “Tita Opi”. Kailangan niyang harapin ang isang “laban” sa kanyang buhay na nag-iisa siya. Walang kaibigan, walang kasamahan sa “hanap-buhay” at wala isa man sa mga taong natulungan niya. Sa gitna ng kalungkutan sa pagkamatay ng kanyang “Tatang”, bagama’t tunay na napakaraming dumamay, halos hindi pa natatapos ang kanyang pagdadalamhati ay dumating na ang pagkakataong kailangan niyang manindigan sa kung ano ang pinaniniwalaan niyang “tama” at kung ano ang sa palagay niya’y “nararapat” niyang gawin. Hindi siya nagdalawang isip na lumaban, hindi siya nagdalawang isip na mag-isa. Hindi siya natakot na harapin ang laban na mag-isa. Wala siyang pakialam kung may kakampi siya o wala. Naiwanan ang mga taong natulungan at “ipinaglaban” ni Tita Opi sa sistemang umiiral at tuluyang nagpalamon ang mga ito sa sistema.

Sa nangyaring ito ay nalaman at natuklasan ni Tita Opi kung sino ang mga “tunay niyang kaibigan.” Ipinakilala ito sa kanya ng isang masalimuot na pagkakataon. At ito ang good karma sa kanya.

Naiisip ko lang ngayon, ano kaya ang sasabihin o isasagot ni Tita Opi kung ang isa sa mga taong nang-iwan sa kanya sa ere ay mag-text sa kanya at humingi ng tulong o trabaho? Huwag sanang painitin ang ulo ko ng mga taong ito. Hehe.

Let’s just wait and see how digital karma works…


GULONG

Nagmamaniobra ako ng aking kotse palabas sa garahe ng family house namin sa Marikina dahil uuwi na ako sa sarili ko namang bahay. Nagmabuting loob ang bunso kong kapatid na si Ferdie. Lumapit siya para senyasan ako. Nawalan ako ng control sa preno at hindi ko inaasahan na magugulungan ko ang paa niya. Napasigaw siya. Agad ko namang naalis ang gulong ng kotse ko sa paa niya.

Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko, natatakot ako pero natatawa at the same time. Naawa din ako sa kanya. Kasi naman, masyado siyang kampante na magaling akong magmaneho at hindi mangyayari sa kanya ang ganoong klase ng aksidente. Pero sa totoo lang, sa loob ng 17 years ko na pagda-drive noon lang ako nakagawa ng aksidente sa isang tao, sa sarili ko pang kapatid, at sa loob pa mismo ng garahe ng bahay namin.

Wala namang sugat ang kapatid ko. Halata lang na bumukol o namaga ang bahaging nagulungan ko. Agad ko siyang binigyan ng pambili ng antibiotic. Nagbibiruan at nagtatawanan pa nga kami. Pati siya ay natatawa rin. “Eto ang singkuwenta pesos, danyos perwisyo.” Hehe. Bilin ko naman sa nanay ko na kung mamamaga ng husto ay ipa-x ray ang paa ng kapatid ko kinabukasan. Siyempre’t sagot ko ang lahat ng gastos.

Umuwi na ako ng bahay at habang nasa kotse ay tawa ako ng tawa, kasama ko si Les (dahil may project kaming tatapusin sa bahay). Maging siya ay natatawa rin. Dumaan kami sa tindahan at pinabili ko si Les ng malaking lata ng pineapple juice. Iyong malaki talaga para hindi bitin. Kasi tiyak na mangungulit ang mga pamangkin kong sina Pupu, Maimai at Rona (ngayon ay nasa Canada na si Rona), at tiyak na kukulangin kung maliit na pineapple juice ang titimplahin.

Iginarahe ko na ang kotse at bumaba na kami. Naiwan ang malaking lata ng pineapple juice sa kotse at agad kong naalalang kunin. Sa hindi ko alam na kadahilanan ay nabutas ang plastic na pinaglagyan nito at noon din ay bumagsak sa paa ko. Parehong kaliwang paa tulad ng nagulungang paa ng kapatid kong si Ferdie.

Noon din ay namaga ang kaliwang paa ko. Noon din ay uminom ako ng antibiotic.

Wednesday, September 26, 2007

ANG KOMIKS SA BANGKETA (BATU-BATO SA LANGIT, ANG TAMAAN AY HUWAG MAGALIT KAHIT MAGKABUKOL!!!)

Nais kong pasalamatan ang paglilinaw sa akin ni Roberto Villabona sa ilang mga bagay-bagay tungkol sa isyu ng komiks, mga pagtatalong kinasangkutan at kumukuwestiyon sa pagka “Filipino” ng mga komiks artist na sinasabing may “western influence” daw. May sulat ako sa’yo, Robby (I’m addressing it to Mr. Roberto Villabona) pero hindi ko alam kung dapat kong i-post o ipadala na lang sa e-mail mo. What do you think? Okey lang ba sa iyo na i-post ko ang sulat mo at ang sagot ko?

By the way, FYI, okey lang sa akin na i-link mo ang article ko sa PKMB if you think that it will be sensible enough para sa mga taong maaaring makabasa nito. Maraming salamat!

Matagal kong pinag-isipan kung isusulat ko ang artikulong ito. Unang una, “anak” ako ng komiks at dito ako nagsimula bago pa ako magsulat ng script sa GMA, maging writer ng PRECIOUS HEARTS, makapag-aral at makapagtapos sa UP, at makapagturo sa iba’t ibang unibersidad. Mahal ko ang komiks, mahal ko ang itinuturing ng marami na “ina” nito na si Mrs. C.P. Paguio, at maging ang mga “nanay-nanayan” ko dito tulad nina Elena Patron (Tita Lena), at iba pang mga batikang manunulat at dibuhista. Mahal ko ang mga “kakomiks” ko. Isinasaalang-alang ko silang lahat at binibigyan ng malaking respeto sa kanilang mga naging kontribusyon at magiging kontribusyon pa sa pagpapalaganap ng kulturang Filipino. Marami itong naturuang magbasa (literal man o kritikal na pagbasa sa teksto) dahil napakaraming Filipino ang tumangkilik nito. Isang popular na babasahin na nagbigay aliw sa mambabasa, nagturo ng iba't ibang kaalaman at nagsulong ng Kulturang Filipino. Ito ang pinakamalaking kontribusyon ng komiks na hindi kayang pasinungalinan ninuman at hindi kayang "talunin" maski pa anong klaseng genre sa pop lit man o panitikang Filipino. Minsan ay gagawa ako ng isang buong artikulo o comprehensive study na tatalakay sa sensibilidad at kontribusyon ng komiks sa lipunang Filipino upang higit na maunawaan ng mga kritiko sa komiks at mambabasa nito ang mga "pinanggalingang at pinanggagalingang" kamalayan na nagbahagi ng pinakamalaking impluwensiya ng komiks. Hindi kuwestiyon ang naibahagi ng komiks at komiks creator bilang pop lit sa lipunang ito at marapat lamang na ipagpugay at "kilalanin" bilang lehitimong mga tagapagtaguyod ng kultura at sining.

Ngunit sa pagsulong ng panahon, maraming suliranin ang “unti unting” nagpabagsak o patuloy na nagpapabagsak sa napakagandang kontribusyon ng komiks sa lipunang Filipino. Sa kabila ng napakalaking “ambag” ng komiks sa ating lipunan, hindi nangangahulugan na walang suliranin na “nakapaloob” sa komiks industry. Malaki ang naging suliranin sa sistema ng publishing at printing, maging sa distribusyon noon. Malaki ang naging suliranin sa kalidad ng mga "likha" ng ilang mga artist at ilang manunulat sa pagpasok ng 90's. Ang komersiyal na komiks ay lalo pang naging komersiyal. Dumating na nga sa puntong tinawag na ang komiks na “pambalot ng tinapa.”

Wala akong nais ma-offend o “banggain” na sinuman. Kaya nga batu-bato na lang sa langit, ang tamaan ay huwag magalit kahit magkabukol!!!

Hindi personal o atake ang artikulong ito. Hindi ko gusto na ang artikulo na ito ay magbunga ng higit na kaguluhan at paksiyon, o pagbubuga ng apoy sa bawat kampo. Parang gusto kong maging peace maker! O, di ba? Peace maker talaga. Kaya sana, sa umpisa pa lang ay maunawaan na ng lahat na makababasa nito na ang aking artikulo at mga ipapahayag ay isang constructive criticism lang at hindi pag-atake.

Nasabi ko na o nasagot ko na ang mga isyu tungkol sa mga komiks creator na may “western influence” daw. Sino bang wala nito? Maging ang mga komiks na lumalabas sa "market" na bangketa ay bunga rin ng maka-Kanluraning kamalayan.

Nais kong bigyan ng emphasis na ako ay nagmula sa komiks na ibinebenta sa bangketa. Isa ako sa mga manunulat na sumulpot noong late 80’s at nag-explore sa pagsulat hanggang 90’s mula ATLAS hanggang GASI. Karamihan sa mga komiks publication ay nadalaw ko at napagsulatan ko na noon. At isa rin ako sa pinakahuling manunulat na tumayo at nanindigan noong 2002 sa KISLAP PUB., hanggang sa tuluyan na itong nagsara. Tradisyunal ang komiks noon kaya’t tradisyunal ang aking istilo sa pagsusulat. At hindi ko maipagkakaila, na sa kabila ng aking pagiging “tradisyunal na manunulat” sa panahong iyon, ako man ay humuhugot ng iba’t ibang impluwensiyang maka-kanluran. Noon man, at magpahanggang ngayon.

Ang ilang mga nobela at kuwento na lumabas sa OFW Super Stories, first issue, ang ginawa ko study sa pagsusuring ito. Sinadya kong gamitin ang komiks na ito na ang tanging dahilan ay para lamang sa kapakanan ng makababasa upang kung nais nilang mabasa ng buo ang kuwento ay makakabili pa sila ng kopya dahil nasa “market” ito ngayon.

“Pambihira ka naman Gani, na-in love ka sa isang OIL PORTRAIT?” Rico Bello Omagap – ang oil portrait ay art medium na nagmula sa Kanluran. Kung pagbabasehan natin ang linyang ito, parang napaka-kaswal ng pagkakasabi ng tauhan sa salitang oil portrait. Mararamdaman natin ang salitang ito ay bahagi na ng kulturang Filipino at wala ng ipinagkaiba sa ibang salita na namumutawi sa bibig ng tauhan. Ibig sabihin, ang impluwensiyang ito na mula sa kanluran ay katanggap-tanggap bilang bahagi ng Kulturang Filipino.

“Sa subdivision na kami titira... hindi, sa FORBES PARK!” R.R. Marcelino– Ang nagsasalita nito ay isang lalaki na nanalo sa lotto ng 100 milyon. Ibig sabihin, ang isang taong may ganitong karaming salapi ay nangangahulugang nararapat lamang na maging taga-FORBES PARK na siya. Ang konsepto ng subdivision ay mula sa Kanluran.

“Siyempre naman. Pinakamababa ang ranggo, pero ka-ispar naman ang pinakamataas na tao sa call center...” Carlo J. Caparas- Ang call center ngayon ang pinakabagong negosyo ng mga multi-national corporation na nakapasok sa Pilipinas. Ang call center, tulad ng text messages ay hindi maipagkakailang bahagi na ngayon ng kulturang Filipino dahil ito’y tinangkilik ng mga Filipino bilang pambasang interes at tagasulong ng hanapbuhay sa Pilipinas.

“Matagumpay ang aking digital printing at graphic design company...” Andy Beltran– Pumasok na rin sa kamalayan ng manunulat ang salitang digital at graphic. Batid natin na ang konseptong ito ay nagmula sa labas ng bansa. Ang digital ay nangangahulugan ng mabilis na proseso at ang salitang “graphic design” ay isa sa mga bagong technology na naimbento sa printing.

“Kung saan-saang bansa na ako nakapunta pero ‘di ko talaga malilimutan ang Pilipinas.” Andy Beltran- Cliche na ang linyang ito sa subconcious mind ng mga Filipino, may ganitong paniniwala ang mga Filipino na isang malaking tagumpay at pribilehiyo ang makarating sa ibang bansa, at ang bansang Pilipinas ay isa na lamang bayan na hindi na makakalimutan. Maaaring dahil sa isang masayang alaala o pangit na nakaraan. Kung tatanungin naman kung babalik ba sa Pilipinas ang taong hindi nakakalimot, hindi na siya babalik dahil asensado na siya sa ibang bansa. At ang ganitong pag-asenso ay pinupuri at hinahangaan ng mga Filipino, conscious man o unconcious.

Ang mga linyang ito ay halimbawa lamang at pagpapatunay na maging ang mga komiks na ibinebenta sa bangketa o nasa “market” ngayon ay may maka-kanluraning kamalayan at impluwensiya. Maaaring inaakala lamang ng iba na wala. Pero mayroon. Linya pa lamang ito at hindi pa pinag-uusapan ang context reading. Mas malalim ang context reading dahil ito’y pagbibigay ng iba’t ibang pagpapakahulugan sa konteksto ng isang teksto gamit ang iba’t ibang panunuring pampanitikan.

Pero hindi naman talaga ito ang isyu, ito’y isang study lamang na ginamitan ko ng approach na, “Pagkilala sa Batayang Istruktra at Hulwaran ng Iba’t ibang Genre ng Teksto”, kung saan ang teksto ay isang tala, na nangangahulugan na ang teksto ay naisulat na saksi sa iba’t ibang pangyayaring nagaganap sa tunay na buhay. (2004: Rex Bookstore Publishing) Pagbasa at Pagsulat, Paz M. Belvez, Ed.d et al.

Binigyan ko ito ng puwang dahil sa pagkakaroon ng paksyon o paghahati sa uri ng komiks na lumalabas ngayon sa market. Ito ‘yung sinasabing komiks nga daw ng mga “Western influence people” na ang medium na language ay English at ang komiks sa bangketa na ang konsepto ay mas tradisyunal at ang language medium ay Filipino. Lalagyan ko muna sila ng “tag” para sa mas komprehensibong pagtalakay pero ang “tag” na ito ay hindi nangangahulugan ng depenitibong pagpapakahulugan. Ang isyu sa WK ay hindi raw dapat o nararapat na ituring na isa itong Filipino komiks dahil sa Westernize nga at English ang medium nito. Tutuldukan ko na ang isyu na ito dahil lahat naman ng komiks ay may bahid ng Western influence. At ang English na midyum ay natalakay ko na sa BAKIT DAW BA KAILANGANG GUMAWA NG PILIPINO KOMIKS?

Sisipatin ko naman ngayon ang isyu sa komiks sa bangketa bilang “babasahing pangmasa”. Ito naman ang isyu sa BK. Ang BK daw ay pang-masang babasahin kaya’t hindi nangangailangan ng pagtataas ng antas. Sapagkat kung itataas ay hindi na kayang abutin ng masa at hindi na tatangkilikin ng masang mambabasa. Malulugi na raw ang publisher kaya mamamatay na muli ang komiks.

Ang mga ganitong konsepto ay mga subjective na pananaw rin. Depende kung sino ang tumitingin at kaninong personal na panlasa ito nagmumula (sabi nga ni Roberto Villabona). Depende kung sino ang manunulat o artist. Pero hindi ito totoo sa lahat. Dahil hindi ito totoo sa akin, na ang oryentasyon ay nanggaling sa “tradisyunal komiks” na ibinebenta sa bangketa.

Kung ang kakayahan ng isang manunulat o artist ay eto lamang, hindi nangangahulugan na ang kakayahan ng masang mambabasa ay eto lang din. Hindi raw kasi “maaabot” ng masang mambabasa kung “tataasan” daw ang approach sa komiks. Hindi raw kikita. Ang ganitong pahayag ay isang malaking insulto sa “Filipino readership”. Isang subjective na paniniwala na nagpapalaganap ng negatibong kamalayan. Kung hahainan ang mambabasa ng lugaw, kakain sila ng lugaw na ang sustansiya ay “carbo”. Walang problema sa akin ang lugaw kasi kumakain ako nito. Pero hindi naman puwedeng lugaw ang kakainin ko lang o ang kakainin lang ng mambabasang Filipino. I personally believe na kung hahainan ang mambabasa ng pagkaing punong puno ng “protina at bitamina,” natural mente na kakain din sila nito. Ang paghahain sa mambabasa ng isang “babasahin” ay walang ipinagkaiba sa paghahain ng “pagkain” sa hapag kainan. Ang masarap at malinamnam na pagkain ay higit na kaiga-igayang kainin kaysa sa isang lugaw. Kaya’t kung lugaw ay ihahain ng isang manunulat at artist sa mambabasa, kaninong “utak lugaw” kaya nagmumula ang pagpapalaganap ng ganitong kamalayan?

Kung ang kalidad ng komiks sa usaping pang-printing ang isyu, ay maaari akong makipag-compromise. Kung mahal ang papel, okey lang na gumamit ng mumurahing papel. Puwedeng magtipid sa printing costs kung para lang makatugon sa kakayahan ng bibili ang usapin. Pero hindi nangangahulugan na ang kalidad ng nilalaman nito, ng sensibilidad nito, ng konteksto nito, ay mumurahin din o isang “lugaw” na ipapakain sa mambabasa sa araw-araw na nilikha ng Diyos.

Gusto kong isipin at paniwalaan na ang dapat at nararapat lamang na maging pagkakaiba ng WK at BK ay ang presyo lang ng pagbebenta. Mas mahal ang sinasabing coated at glossy paper at colored printing na WK kumpara sa komiks na ibinebenta sa bangketa. Rasyunal ito at hindi na ito dapat maging tanong. Mahal ang klase ng papel at printing cost, at maaaring mataas ang bayad sa artist at manunulat. Kung bakit may ganitong kakayahan ang isang publisher ng mga WK na magbayad ng mahal o kung anuman ang mga dahilang nakapaloob dito ay ibang isyu na. Pero ang kalidad nang pagkakalikha ng dalawang uri ng komiks, sa drawing, lay outing, editing at panulat, dapat ay magkaka-level ito. Hindi dahilan na “kasi nga mas mahal ang bayad sa mga WK na artist at writer kaya nagpapaganda sila ng trabaho”. Nakakainis ang ganitong pananaw ng ilan. Kung magkano lang ang bayad ay iyon lang ang itinatapat na klase ng trabaho. Hindi nga aangat ang antas ng panlasa ng mambabasa kung laging may ganitong pangharang ang mga artist at manunulat na ayaw magpaganda ng trabaho. Kung pumayag ka sa amount na ibinabayad sa iyo, regardless kung mura o mahal, dapat at nararapat na ibigay pa rin ang 100% ng iyong trabaho. Unless kung iyon lang talaga ang kakayahan mo. Maski sarili mo ay wala nang magagawa doon. Pero kung mayroon pa o may ibubuga pa, bakit naman kailangang ipagdamot ito sa mambabasa?

May kilala akong manunulat sa komiks (hindi ko na babanggitin ang pangalan para sa kanyang kapakanan), ang isang plot at isang premise ay ginagawan niya ng hanggang dalawampung kuwento. Kaya pagpunta niya sa publication ay ang dami niyang isinasabmit. Katuwiran niya, kung 20 ang isinabmit niya at na-reject ang sampu, may sampu pa siya! Kung isa lang ang isinabmit niya at na-reject, wala ng matitira! Kung hanggang saan umabot ang powers ng manunulat na ito, ay hindi ko na alam. Mayroon din akong kilalang manunulat na nabasa ko na ang isa niyang kuwento, nabasa ko ulit ito sa ibang komiks, nabasa ko ng paulit-ulit sa iba’t ibang mga komiks, at hanggang ngayon ay nakabakas pa rin ang ganoong klase ng kanyang kuwento. Maraming maraming marami pang kuwentong ganito. Nakakalungkot isipin kung hanggang ngayon ay mag-eexist pa ang mga ganitong klase ng trabaho.

Eh ano raw ang magagawa nila kung ito ang “patok” sa masa? Siyempre’t ibibigay nila kung ano ang “patok”. Eh sa mura lang naman ang bayad, eh di tapatan lang ng mumurahin at komersiyal na istilo ng pagsulat at drowing. Ito ang mga dahilang paulit-ulit kong naririnig sa mga ganitong klase ng konbersasyon.

Sabi ng isang writer, "kung hindi ka handang magtrabaho ng matino, kung hindi ka solve sa bayad ng publisher sa murang halaga, eh di huwag ka munang magtrabaho. Saka ka na lang magtrabaho, saka ka na lang din kumain."

Hindi lang naman kasi ang klase ng manlilikha ang nababansot ng ganitong pangangatuwiran kundi mas higit na nababansot ang mambabasang Filipino na akala ay iyon lang talaga ang “dapat,” at iyon lang talaga ang “kakayahan” ng mga komiks creator. Kung mayroon pang ibibigay nang higit sa halagang ibinabayad, nararapat lamang na ibigay ito. Marami sa mga artist at writer noon na hindi nakinabang sa kanilang mga art at panulat pero nakapag-iwan sila ng legacy sa kasaysayan ng tao katulad nina Vincent Van Gogh at ang pilosoper na si Socrates. Kaya kapag may nagsabi na “we don’t need another hero!” Ang dapat isagot ay, “We don’t need another trash” na magdadagdag ng polusyon sa tumitinding suliranin sa isyu ng global warming.

"Eh masa nga daw ang babasa. Masa!!! Mahirap bang intindihin na ang komiks ay para sa mass reader? Natural mente na kung mass reader, mababang klase lang, abot dapat ng mga hindi nag-aral! Kung ayaw mong magsulat ng pangmasa doon ka sa pang-burgis! Iyong pang-international ang kalidad, iyong nasa crowd AB! Huwag ka dito!"

Ang ibig bang sabihin nito, gumagawa lang ng matinong trabaho at nagpapaganda lang ng trabaho kapag ang market ay pang-international at ang mambabasa ko ay crowd AB?

But in fairness, hindi ito paniniwalaan, susuportahan at sasabihin ng lahat ng komiks creator. Hindi ko ito sasabihin, susuportahan at mas lalong hindi ko ito paniniwalaan.

Pero sige, let’s give the benefit of the doubt. Gawin nating mas healthy ang isyu. Let’s make it more definite and objective. Puntahan natin ang isyu ng masa o ang tinatawag na “mass reader” na sinasabing nagdidikta ng “patok” na basura, este trabaho pala. Gagawa ako ng isang short study na tatalakay sa isyu na ito sangkot ang “mass reader”.

Ang depenisyon ng salitang “masa” sa diksiyunaryong Filipino ay ito: tumpok, pangkat, pulutong, majority, nakararami, malaking pagtitipon, common people o pangkaraniwang tao, karaniwang mamamayan, manggagagawa, obrero.

Ang pinag-ugatan ng salitang ito:

“In the fourteenth century, masse was borrowed into English from Middle French, which derived it from the Latin noun massa that which adheres together like dough, a lump’. In the sixteenth century, mass took on the sense of ‘a large quantity, amount, or number’. Since about the 1830s, masses has been used to refer to ‘the body of people as contrasted with the elite’. The British prime minister, William E. Gladstone, illustrated this usage in 1886, when he proclaimed “the entire world over, I will back the masses against the classes.” Source: The Merriam-Webster New Book of Word Histories. 1991 by Merriam-Webster Inc.

May denotasyon at konotasyon ang kahulugan ng “masa” sa konteksto ng lipunang Filipino. Ang denotasyon ay mga depenisyong nakapaloob dito ayon sa mga diksiyunaryo, at ang konotasyon naman sa konteksto ng lipunang Filipino ay ang “mahihirap na tao” dahil sila ang mas nakararami. Naitakda na ang konotasyong pagpapakahulugan kung sino lang ang masang nakapaloob dito. At sa kahulugang ito sumakay ang salitang “mass reader”. Marami ang mahirap sa lipunang Filipino kaya’t ang “mass reader” ay mahihirap.

Hahatiin ko sa apat ang social status ng lipunang Filipino. Ang elite, middle class, working class, at mga taong nasa below poverty line. Maaari pa itong madagdagan pero ito lang muna ang gagamitin kong framework sa study na ito.

Ang Elite ay pinakamataas kung social status ang pag-uusapan. Maaring sila’y mga old rich o mga yumamang negosyante. Ang middle class ay ang mga umaasenso mula sa malilit na negosyo o na-promote sa mga managerial position (pataas) na ngayon ay de kotse na o nakatira sa mga magagandang subdivision, may taong may mataas at inirerespetong tungkulin o titulo sa lipunan, ang working class ay ang mga empleyado, guro, manggagawa, magsasaka, driver o atbp. Kasama tayong mga manunulat at artist sa atbp. Mayroon din sigurong ilang manunulat at artist na hindi papayag na sila’y nasa working class. Okey lang iyon. Nasa kanila iyon. Ang pinakamababang estado o kalagayan ng tao sa lipunan ay kapag nabilang siya sa tinatawag na below poverty line. Maaring ito iyong mga naninirahan sa eskuwater, smokey mountain, kariton, kalsada atbp. Maaaring subjective ito dahil naniniwala ako na minsan ay mas marami pang pera ang mga taga-eskuwater kaysa sa isang empleyado na maraming “loan” sa mga loan shark bank. Kaya ang depenisyon ng pagiging isang “mahirap” ay nasa mismong tao at sa kung ano ang kakayahan, pag-aari at mayroon sila sa lipunang ito.

Ngayon, ang tanong ay ito: Sino ang tinutukoy na “mass reader?”

Ang “mass reader” ba ay nagmumula sa elite hanggang below poverty line? Ang “mass reader” ba ay mula sa middle class hanggang below poverty line? Ang “mass reader” ba ay mula sa working class hanggang below poverty line? O ang tinutukoy ba talagang “mass reader” ay iyong mga taong ang kalagayan sa buhay ay nasa below poverty line.

Kapag daw kasi gumawa ng komiks na pangbangketa, ang target market ay masa, o ang “mass reader” at ang tinutukoy ngang masa ay ang mga “mahihirap”. Kasi nga daw ang masa ay kung sino ang nakararami at ang nakararami sa atin ay ang mga “mahihirap”. Kung mahirap ang “market” hindi puwedeng taasan ang antas ng panulat o ang mismong komiks sa bangketa dahil marami ang hindi nakakaintindi at hindi nakapag-aral. Hindi ito maa-appreciate. Hindi ito maiintindihan ng babasa.

Pero kung nakapagbabasa sila, paano nangyari na hindi sila nakakaintindi?

Mahirap nga daw makaunawa kasi hindi nag-aral. So, ang isyu dito ay hindi ang pagbabasa per se kundi ang kakayahang makaintindi sa binabasa o kung ano lang ang gustong basahin ng mambabasa na ayon sa abot ng antas ng edukasyon at kamalayan nila.

Pero wala na bang ibang paraan para hindi “mabansot” ang kakayahan ng mambabasang makaunawa? Marami.Maraming paraan na maihahahatid natin ang kuwentong komiks natin sa mambabasa nang hindi nakokompromiso ang kalidad ng trabaho natin.

Isa pang isyu, kung mahirap ang daw ang “market”, siyempre’t ang presyo ng iyong komoditi ay “bagsak presyo” o ‘yung kaya lang bilhin ng isang mahirap na tao. Ang sampung piso hanggang kinse pesos na presyo ng komiks ang sinasabing kaya ng bilhin ng isang mahirap na tao. Kung iyon lang ang presyo, kailangan ng “mass production” para kumita naman ang publisher. At kapag daw sinabing mass production, ito ay mayroong “low quality”. Period. Wala ng maraming usapan. Pero ito ay isang malinaw excuse lang para bigyang katuwiran ang mga “low quality” na babasahin. In and out.

Paano ang mga hindi mahihirap na tao na gustong bumili at magbasa ng komiks na bangketa? Dahil ba sa hindi sila “sakop” sa depenisyon ng “masa” sa konotasyong pagpapakahulugan nito ay wala na silang karapatang bumili ng mura? Paano ang isang batang namumulot lang ng basura pero nag-aaral naman siya at kaya niyang umintindi ng babasahing ito kaya gusto niyang bumili at magbasa ng sinasabing isang Westernized komiks? Hindi ba siya dapat pagbilhan? Pagsasabihan ba siyang “iho, huwag ‘yan ang bilhin mo dahil hindi iyan ang komiks na para sa iyo.”

Sa totoo lang, nagkakaroon lamang ng kategorisasyon ang “mambabasa” sa usaping pang-ekonomiya. Itinatakda agad kung sino ang may kakayahang bumili at hindi kung sino ang gustong bumili. Iniisip agad kung sino ang babasa at hindi kung sino ang makakabasa. Iyon ang nagiging pamantayan ng “paglikha” kaya’t gumawa ng ganitong kategorya para sa “mababang klase” ng mambabasa.

Ang paniniwalang ito ay pagsuporta at pagsusulong ng diskriminasyong nagtatakda bilang “mababang klaseng mambabasa” ang mga mambabasang Filipino. At kung may kakayahan ang isang komiks creator ngayon, na iangat ang kalagayan ng “mas nakararaming” mambabasa, sa pamamagitan ng “intelektuwalisasyon” ng kanyang “likha”, ito’y napapanahon na. Dahil nasa “market” na ulit ang sinasabing komiks na pang “bangketa”.

Kaya’t hindi isyu ang salitang masa o ang “mass reader” para magpaganda ng trabaho. Kapag ang isang babasahin ay nai-publish na, ito ay “accesible” na sa market at ito ay para sa lahat na ng uri ng tao. Bilang komiks creator, may pananagutan tayo sa mga “nilikha” natin na pumapaloob sa kamalayan ng mambabasa (mula sa pinakamataaas na social class hanggang sa pinakamababa. Ito ay nagiging daluyan ng kamalayang Filipino at kinikilala bilang kulturang Filipino. Bilang komiks creator, ibinibigay natin ang karapatan ng pagbabasa sa lipunang kinapapalooban o sa lipunang nagmamay-ari na ng “likha” natin. Mula sa pinakamayaman hanggang sa pinakamahirap na tao sa loob ng lipunang ito, ay may karapatang magbasa ng isang komiks na ibinebenta sa bangketa o ang komiks na sinasabing may westernized concept. May karapatan ang sinuman na bumasa ng matinong babasahin, mura man o mamahaling komiks. Walang karapatan ang sinumang manunulat, artist o manlilikha sa komiks na magtakda sa kung ano lang ang dapat basahin ng isang mahirap na tao na sinasabing “mass reader”.

“Hindi nililimita ang isang babasahin para sa isang partikular na grupo o klase ng mambabasa lamang. Dahil ang kapasidad ng utak ng taong umunawa ay hindi rin nalilimitahan.” Ayon sa isang diskusyon ni Prof. Leslie Navarro sa Kulturang Popular, NCBA, 2007.

Ito’y isang malaking hamon sa ating lahat, at bilang isa sa mga “tradisyunal na manunulat” sa mga bangketa komiks ay mauuna na ako sa pagtanggap ng hamon na ito, kasama ang aking mga kaibigan at kasamahang nagsusulong ng ganitong kamalayan at konsepto. Sana’y may mga kasama pa kami. At may mga kasunod pa kami.


P.S. Magkakaroon po tayo ng workshop online para sa mga manunulat ng komiks. Welcome po ang lahat!!! May bukol man o wala. Hehe. Peace tayo!