Saturday, February 23, 2008

DIGITAL KARMA PRESENTS... NUNANG (IKALAWANG YUGTO)






WitHiN Me
FRIDAY, FEBRUARY 22, 2008
oh canada
Sana meron akong kaibigan na magsasabing “anu nanaman? tara iinom nalang natin yan”
Sana meron akong tita glady na magsasabing “ok lang yan. kantahan saka food trip nalang tayo”
Sana meron akong pinsan na magsasabing “ate rona bakit? tara laro nalang tayo”
Sana meron akong tita nini na magsasabing “rona nasan ka? samahan mu ko. txtback pls. asap!”
Sana meron ako. Hanggang sana lang. dahil lahat sila iniwan ko para pumunta sa Canada para sa sinasabing nilang “future”. At ngyon nandito na ko sa Canada mag isa kong haharapin lahat ng sakit. Walang kahit na sinuman ang sasama at dadamay.
Canada? Maganda ka nga ba? sana isang umaga, pagmulat ko'y wala ka na...
Posted by nunang at 11:01 PM 0 comments


May mga tanong siyang ang hirap sagutin. Kanina lang ay tinanong niya ako kung mahal pa raw ba siya ng boyfriend niyang si Jun. Narito kasi sa Pilipinas ang boyfriend niya at siya naman ay nasa Canada na nga. Nakita ko kung paano sila umiyak at kung gaano sila kalungkot noong maghiwalay sila sa Greenheights, Marikina, araw ng departure niya, Aug. 24, 2007. Mugtong mugto ang mata ni Nunang at si Jun ay malungkot na malungkot. Nagsabi sa akin si Jun, "Tita Glady, puwedeng sumama maghatid?" Gusto ko siyang pagbigyan. Bakit naman ang hindi? Lalo't galing pa siya ng Pampangga. Kaya lang, kotse lang ang dala ko sa paghahatid, puno ng gamit ni Nunang, saka ang dami naming maghahatid. Saan siya sasakay? Pero hindi lang naman iyon ang problema eh, hindi pa alam ng tatay niya na may boyfriend na si Nunang, at hindi ko alam kung tamang ang araw na iyon ay maging ice breaker para malaman ng kuya ko na ang lalaking nakatayo sa may kanto, sa may sakayan, sa may punong akasya, ay walang iba kundi ang boyfriend ni Nunang. Hindi ko alam kung tamang malaman ng tatay niya na ang iniiyak ni Nunang nang mga oras na iyon ay hindi siya kundi ang boyfriend nito. I kept silent. Bahala na ang Mama ni Nunang sa problema na iyon. Lalo't kinausap nito ang dalawa at pinangaralan na may tamang panahon para sa kanila.
Dumaan ang kotse sa ko sa harapan ni Jun, nakatingin siya, tiningnan ko siya sa rear mirror at malayo na kami'y nakahabol pa rin siya ng tingin. Alam kong ang lungkot-lungkot ni Jun. Damang dama ko ang sakit na nararamdaman niya. Ang pakiramdam ng isang iniwanan.

Sabi ko kay Nunang bago umalis, makakalimutan mo rin si Jun. Pagdating mo sa Canada, maghanap ka na ng iba, hehe. Joke lang iyon na may kasamang pustahan. Joke, kasi okey lang sa akin anuman ang maging desisyon niya kung para lang matakasan ang sakit ng paghihiwalay nila ni Jun. Kung ako ang tatanungin ay gusto ko si Jun para sa kanya.Mabait siya, may hitsurang lalaki, magalang, hindi nawawala ang "po at opo" kapag kausap ako. Bukod pa sa alam kong nagmamahalan sila. Pustahan, five hundred pesos vs. five hundred dollars. Siyempre call ako. Ganda ng laban 'no? Bibigyan niya ako ng five hundred dollars kapag nagkaboyfriend siya ng iba sa Canada o nag-break sila. Masyadong tiwala si Nunang sa sarili, sa isip-isip ko. Pero higit pa roon ang dahilan ko. Kung iyon ang tanging magpapalubag loob sa kanya, iyong masabing tapat siya at maghihintay siya, para makaabot sila ni Jun sa panahong magkikita sila ulit, sige call ako. Eh ano ba naman sa akin ang matalo? Hindi naman masakit sa bulsa ang five hundred sa panahong ito. Para lang akong namalengke sa talipapa.

Sa tuwing nagcha-chat kami, excited ako sa mga kuwento niya. Kung sino na ang mga friends niya, kung sino na ang iniispatan niya. Itinutukso ko siya sa anak ng boss niya na si "Kevin" na kamukha daw ni Foxy boy ng Korean novela na Foxy Lady. Ang guwapo. Description pa lang niya eh crush ko na 'yung lalaki para sa kanya. Mabait daw sa kanya. Saka minsan daw ay nag-aalok na ihatid siya at madalas sabihin sa kanya'y, "Hey Rona, are you okey?" Pero ayaw daw niya kay Kevin, hindi raw niya type.

Hindi iyon dahilan para sumuko ako. Mahaba-haba pa naman ang panahon at tiyak na bibigay din siya, pasasaan ba't magkakagusto rin siya kay Kevin. Siyempre't sa panahon ngayon, hindi na malinaw sa akin kung kanino ang loyalty ko. Okey lang sa akin na sila pa ni Jun, okey lang din sa akin kung si Kevin na. Ang importante ay kung saan siya masaya at kung paano siya nakakapagpatuoy sa paghahanda ng future niya sa Canada.

Hindi ako nanghihinayang sa ipapadala ko sa kanyang five hundred pesos maski matalo. Pero inaabang-abangan ko ang five hundred dollars na matatanggap ko mula sa kanya. Kinukuwenta ko iyon madalas sa isip ko. Dahil maski hindi kami seryoso sa pustahan namin, naniniwala ako na tototohanin ni Nunang iyon. Talagang padadalhan niya ako sakaling maging mahina siya... matukso siya... makalimot siya... sa kung anuman ang sumpaan nila ni Jun. At seryosong padadalhan ko siya ng five hundred pesos sakaling sila pa rin ni Jun, lalo't wala namang time limit ang pustahan namin.

Kani-kanina lang, nag-chat kami, ang dami-daming tanong sa akin ni Nunang gaya ng "panu ba malalaman na seryoso syo?" "mahal pa kaya niya ako? Tanong ko, "umiiyak ka ba?" Sagot niya, "sna pwd ko sbhn ang hnd."

Nalaman ko na ang at stake na sa pustahan namin ay ang puso na ni Nunang, ang kaligayahan na niya. Mananalo na ako sa pustahan pero seryosong masasaktan siya. Hindi ko alam kung totoong break na sila o kung ano ang nangyari sa kanila. Hindi ko alam ang eksaktong pinagdadaanan niya. Ang tanging alam ko lang ay nasasaktan siya, umiiyak, at nagpapasaklolo.

Ngayon, parang gusto ko nang sumuko. Ako na ang talo. Gusto ko na siyang padalhan hindi lang basta five hundred pesos kundi five hundred dollars. Basta kalimutan lang niya kung anuman ang sakit na narararamdamn niya ngayon. Huwag na lang siyang mag-hold on sa sakit, sa sugat. Dahil walang katumbas na halaga sa akin si Nunang. Walang katumbas na halaga sa akin anumang kaligayahang maibibigay ko sa kanya.

"Sana, sa bawat patak ng luha ko nababawasan ang sakit..." Sabi pa niya sa akin. Sana nga, dahil kung totoo iyon at kung puwede iyon, iiyak ako ng iiyak para sa kanya... maski pa gabi-gabi.

In between tears and pain, what else can I say?

'Nang, kaya mo 'yan, pangako... kaya mo 'yan.

Wednesday, February 20, 2008

MALIKHAING PAGSULAT (ANG SAMPUNG ELEMENTO NG ISTORYA)

Gusto kong tumalakay ng iba't ibang approach na maaaring gamitin sa pagsulat ng kuwento sa komiks bilang pagtugon sa nagbabagong panahon. Halimbawa'y gamitin ang approach na may tema ng magic realism, iba't ibang istilo ng deconstruction, post modernism, metafiction, etc. Ang mga ganitong istilo o tema ay umiiral na at ginagamit na sa pagsusulat ng mga akdang pampanitikan. Halimbawa ng mga akdang may lapat ng metafiction ay ang Lost In The Funhouse ni Jhon Barth, City Life ni Donald Barthelmes, Pricksongs and Descants ni Robert Coover at In The Heart Of The Country ni W.H. Gass. Ang mga nobela ni Gabriel Garcia Marquez ay may approach na magic realism. Kahanga-hanga ang mga maikling kuwento at nobelang naisulat niya tulad ng One Hundred Years of Solitude, dahilan upang parangalan siya ng Nobel Prize in Literature.

Maaring gamitin sa pagsulat ng komiks o pagbuo ng mga tauhan at karakter ang iba't ibang approach na ito. Ito'y isang epektibong tools upang makapag-innovate ng mga karakter, milyu at banghay. Ang Elmer ni Gerry Alanguilan ay kinakitaan ko ng approach ng magic realism. Ang Zsa Zsa Zaturnah ay kinakitaan ko ng approach ng deconstruction. Naniniwala ako na napapanahon na ang mga ganitong tema at katanggap-tanggap na ito sa mga mambabasa bilang isang akdang tinatangkilik.

Pero kagaya nga ng madalas sabihin ng ilang mga mahuhusay na manunulat at kritiko, bago aralin ang mga ganitong paglabas sa istandard o pagwasak ng mga kumbensiyon, kailangan munang aralin kung ano ang kumbensiyon at tradisyunal. Sa mga workshop at seminar na aking nadaluhan, gumagamit ako ng sarili kong module sa pagtuturo kung paano sumulat ng kuwento o nobela (komiks man o prosa). Hindi nawawala ang sampung elemento ng istorya dahil bukod sa ito ang istandard na kakailanganing pag-aralan ng sinumang nagnanais na maging manunulat, gabay ito sa ilang mga pamantayan ng kuwentong katanggap-tanggap. At anumang genre ang piliin, nauugnay ang mga elementong ito sa isang akda, malay man o hindi malay ang isang manunulat.

At bago ako tumalakay ng mga approach o lapit na nabanggit ko sa pagsulat ng komiks, uunahin ko munang ipakita ang maikling kuwentong tradisyunal na nilapatan ko ng sampung elemento ng istorya. Sa susunod naman ay susubukan kong wasakin ang tradisyunal na konseptong nakapaloob dito para lapatan ng metafiction o anumang konseptong babagay sa uri ng kuwentong ito.







ANG SAMPUNG ELEMENTO NG ISTORYA
Ayon sa diksyunaryo, story is a sequence of events connected and arranged chronologically. ACD/ 12345/ I II III IV. Mahalagang talakayin ang sampung elemento ng istorya para gamiting sangkap sa pagsulat ng kuwento o nobela. Sa pamamagitan ng paggamit nito, bagama’t isang formula na sinusunod, mas mapapabilis ang pag-aaral kung paano bumuo ng kuwento.


DISTURBANCE
• Upsets the balanced situation and the start the action. Kung saan nagsisimula ang pagbabago ng kuwento.
• Maaaring sa simula ng kuwento ay nagpapakita na ng disturbance, maaari ring sa gitna o kaya’y bago maganap ang pagrereveal ng major conflict.
• Sa kuwentong ito’y naganap na agad ang disturbance, ipinakita na may pagbabago na sa buhay ng bidang tauhan dahil magkasunod na nilapa ng asuwang ang matalik na kaibigan at ang nobyong si Luis.


BALANCE
• Two contrasting or opposing forces. Show the positive and the negative sides. Binary opposition. Mabuti laban sa masama. Sa pamamagitan ng balance, nabibigyan ng kuwento at struggle ang bida o kontrabida.
• Sa frame na ito, dalawang mukha ng isang nilalang ang ipinakikita, ang isang ina at isang asuwang.


PROTAGONIST
• Main character, instrumento ng manunulat sa kanyang aspirasyon. Bibigyan ng mga problema na lulutasin. Bibigyan ng pagsubok na mapagtatagumpayan.
• Ang problema ng pangunahing tauhan dito ay ang pagkamatay ng mga mahal niya sa buhay na nilalapa ng asuwang.


PLAN
• Ano ang aspirasyon ng manunulat sa katauhan ng bida na hahadlangan ng antagonist? Ang aspirasyon ng manunulat dito ay gamitin ang bidang tauhan para magwakas ang pambibiktima ng asuwang.
• May mga plano ang bida sa buhay pero may plano din ang kontrabida sa kanya. Ano ang ipinakitang plano dito ng kontrabida? Sa pamamagitan ng dialogue na “H-HINDI MANGYAYARI ‘YON, ANAK. IKAMAMATAY KO KAPAG NANGYARI ‘YON.
• Hindi magiging madali ang lahat sa bidang tauhan. Pinamamahayan ng takot ang bidang tauhan, gayung ang direksiyon ng kuwento ay siya ang kailangang makaresolba sa suliranin ng kuwento. Paano matatapos ang lagim na dulot ng isang gumagalang asuwang?
• Sa kuwentong ito, may planting o pagtatanim na ginawa sa kuwento upang anihin ang isang “statement” sa dulo ng kuwento. “H-HINDI MANGYAYARI ‘YON, ANAK. IKAMAMATAY KO KAPAG NANGYARI ‘YON. Ang dialogue na ito ay isang malinaw na pagtatanim sa kuwento.


SUB- STORY
• Ito ay kadalasang nakikita bilang mga kadahilanan kung bakit ang isang tauhan ay may aspirasyon o gustong mangyari.
• Maaring magkaroon ng sub-story ang lahat ng tauhan. Bakit masama ang kontrabida? Bakit may weakness ang bida? Nagsisilbi rin itong back story o pagbibigay ng katarungan sa ugali’t gustong gawin ng mga tauhan.
• Sa kuwentong ito, nagiging masama ang kontrabida dahil siya’y nagugutom at kailangan niyang kumain. Kalikasan niyang manlapa ng tao bilang asuwang. Sa dialogue na HINDI NA MAHALAGA. ANG IMPORTANTE’Y BUSOG NA NAMAN AKO. Kailangan niyang kumain para mabuhay. Jina-justify ang character na pinagmumulan ng isang tauhan sabihin pang ito ang kontrabida, isang masamang nilalang, etc. Nangangahulugan lamang na kailangang may pinagmumulan o pinanggagalingang motibasyon ang isang karakter.


OBSTACLE
• Maaaring physical, emotional, o mystic forces.
• Physical forces, hinarangan ng isang malaking tao ang tauhan kaya’t hindi nakadaan sa kalsada at hindi nakapunta sa dapat puntahan.
• Emotional forces, gustong magmahal ng tauhan pero natatakot kaya’t tumandang dalaga.
• Sa frame na ito, ipinakikita na ang obstacle o ang hadlang ay ang isang mystic forces. Isang aso ang gumagala. Pero aso nga ba? Nagpapakita ang frame na ito ng hadlang sa kapayapaan at kaligtasan ng baryo. Ito rin ang imaheng ginamit na ang panganib ay nasa paligid lang.


COMPLICATIONS
• Ito ang sanhi at bunga ng mga desisyon ng tauhan. Anuman ang desisyon ng tauhan ay kailangang may sanhi at bunga, mabuti man o masamang pangyayari.
• Sa frame na ito, nagpagabi ang tauhan sa pag-uwi sa kabila ng gumagalang panganib sa baryo. Ngayon ay may kumpklikasyong naghihintay sa kanya.


CRISIS
• It forces change. May isang malaking pagbabago o major turning point sa buhay ng tauhan.
• Ano ang major turning point sa bida ng tauhan? Kailangan niyang humarap sa pinakamalaking takot niya sa buhay, ang malapa ng asuwang at maganap ang kanyang kinatatakutan na siya na ang susunod na biktima.


CLIMAX
• Discovery and realization. It flows natural. Hindi pilit.
• Ano ang natuklasan ng ina? Ang nalapa ng asuwang ay walang iba kundi ang kanyang anak.


RESOLUTION
• He gets what he wants. Mapagtatagumpayan ng bida ang kailangan niyang mapagtagumpayan.
• Mapagtatagumpayan ng manunulat ang kanyang aspirasyon sa pamamagitan ng tagumpay na natamo ng bidang tauhan.
• Ang aspirasyon ng manunulat na mapuksa ang asuwang sa pamamagitan ng bidang tauhan ay nangyari. Napuksa ang asuwang dahil hindi nakayanan ng asuwang na siya mismo ang lumapa at pumatay sa sariling anak.
• Nangyari na ang pag-ani ng naunang statement sa dialogue na “H-HINDI MANGYAYARI ‘YON, ANAK. IKAMAMATAY KO KAPAG NANGYARI ‘YON.
• Hindi kailangang happy ending, ang mahalaga'y napagtagumpayan ng manunulat ang kanyang aspirasyon. Ang aspirasyong ito ang magbubuo ng isang thesis statement: ANG DALAMHATI NG ISANG INA sa pagkitil ng buhay ng sariling anak ay katumbas ng pagkitil ng sariling buhay.

SANGUNIAN

Smiley, Sam. Playwriting : The Structure of Action. Prentice Hall, Inc. 1971. 299 pp.
John Singleton, Mary Luckhurst. The Creative Writing Handbook, Techniques for New Writers.Mcmillan Press LTD, 1996.283 pp.
Lavonne Mueller, Jerry D. Reynolds. Creative Writing. NTC Publishing Group.1990.256 pp.

Monday, February 18, 2008

MY FRIEND, AYING…



"ei glad hay naku ngaun ko lang na chek ulit tong blog mo and ayan sumagot kna pla sa comment ko..shox lam mo cguro kya mejo naputol din khit papano connection ko jan sa mga tao jan sa pinas for a time kse andun ako sa adjustment period ko dto sa Tate and lam mo mahirap hah kse cguro d more na may balita ako sa inyo jan e mas lalo ko lang kayong namimis.. Prang gnun yta. Naalala ko nga din yan despidida ko na tayong apat (dami ko kse despedida e!)nila les n jen sa papa jeks ba yun or banda dun sa riverbanks.. grabe hay iyakan tlga e. Sbrang dami tlga nten happenings noh. Lam mo sna tlga within 2 yrs makauwi nko yan tlga ang pinaka goal ko. Putcha as in walang pahinga ito!! hehehe. This time around wala ng limit sken dahil uncontrollable na ko dto to d highest level na.
Sbrang mis ko a din kayo jan as in. Sna nga kayo nga mag try din kayo dto e dba pra naman maipasyal ko kayo dto.. ="



Si Aying... si Mariel sa tunay na buhay... simple ko lang siya ide-describe. Maliit, malambing, mabait, makulit, thoughtful, maaasahan at higit sa lahat, may topak. Hehe. Simple lang ‘no? Madalas ay naaalala ko pa rin ang mga kalokohan niya, naming dalawa. Napagkakamalan nga kaming mag-bestfriend eh, pero maski kailan ay hindi namin sinabi iyon sa isa’t isa. Kami, mag-bestfriend? Hahaha. Promise, magugunaw ang mundo sa gulo kapag naging mag-bestfriend kami.

Maraming masasayang panahon na magkasama kami, kasama ang mga barkada namin. Ang mga walang sawang tambay namin sa bahay nila, sa bahay nina Jen, sa bahay namin, sa bahay nina Celia, kina Les, sa mga bar na hindi naman siya umiinom ng beer kundi sprite lang, sa mga gimik sa UP at kung saan-saan pa. Kaihawan ko siya sa ihaw-ihaw sa Ilang-Ilang at area 2, katusukan ng fishball sa parking lot ng FC, kakulitan sa AS walk at sa Hardin ng mga Diwata, katambayan sa UP Sunken garden, kagimikan sa mga bahay- bahay ng barkada, sa Mang Jimmy’s, sa Sarah’s sa Krus na Ligas, sa Katips, sa Kalayaan, sa beach resort ng Quezon, at higit sa lahat, kaiyakan ng mga problema. Shoxxs!!! Ayan ang madalas niyang expression. Putik ka Glad. Grabeeeeee!!! Ows? Talaga! Hindddddeee no? ‘Tang… ! Hehe. Ilan lang ito sa madalas na naririnig ko sa kanya. Ilan lang ito sa nami-miss sa kanya.

Mula nang umalis siya at nagpunta sa Amerika, wala na akong Aying na pinupuntahan sa Village B sa may white house ng maski na anong oras. Umaga, tanghali, gabi. Wala ng Aying na magyayaya ng gimik at makikipagkita kung saan-saan. Wala ng Aying na biglang magte-text sa disoras ng gabi at sasabihing “Glad, punta kayo dito.” Wala ng Aying na biglang magte-text o kaya ay tatawag at sasabihing “Gladdddddd!!!! Asan ka? Nakita kita, nagda-drive ka sa East Avenue! Sinong kasama mo ha?” Saka hahagalpak ng tawa. Iyong tawang Aying. Iyong authentic na tawang Aying.

Kung saan-saan talaga kami nagkikita nang hindi inaasahan. Minsan sa Timog. Minsan sa SM North, o kaya sa may Trelis sa Kalayaan Ave., na bigla na lang siyang bubungad kasama ang ibang mga friends namin. Habang ako ay may ka-date ding iba, na friends din, hehe. Pero ang tawa niya ay nakakalokong tawa. Saka bubulong. “Putik ka. Anong ginagawa mo dito eh pasado ala-una na ng umaga?” Tapos reresbakan ko rin siya ng tanong, “eh ikaw ano ginagawa mo dito? Hindi ka pa ba tinatawagan ng nanay mo?” Saka babanat ng “sheeeetttt!!! Oo nga ‘no?” Saka kami maghahagalpakan ng tawa, pulang pula ang mukha niya—dahil may ibig sabihin ang mga tawa niyang iyon, at may kasamang panunukso sa akin na lagot ka, isusumbong kita! Kakantahan pa ako niyan ng “lagot ka, lagot ka, isusumbong kita! May iba kang…” Saka siya hahagalpak ng tawa.

Mula nang umalis si Aying ay wala ng Aying na tatawa ng tatawa sa mga kalokohan ko at mamumula ng todo-todo sa mga green jokes ko. Bastos daw kasi akong mag-joke kapag kami-kami lang. Tuwang tuwa kasi ako kapag sinasabi ko sa kanya, “ano ka ba? ba’t ba virgin ka pa… sa tenga!!!” Kapag ganyan na ang dialogue ko sa kanya, inaasahan ko na ang pamumula ng mukha niya. Grabe siyang mag-blush, akala mo lasheengg!!! Ganoon siya kapula. Running joke ko nga ito sa sarili ko, mula nang umalis si Aying ay wala na akong friend na magba-blush sa puno. Hahaha! Anecdote kasi ito sa kanya ng mga high school friend niya. Sobra daw kasing mahiyain si Aying. At maski itukso mo siya sa puno, mahihiya at mamumula siya. Hahahaha, mula nang marinig ko ang kuwentong iyon ay naging kaibigan ko na siya. Sa simpleng dahilan na gusto ko siya! Unang pagkakataon ko kasing magkaroon ng kaibigan na puwedeng itukso sa puno! Haha.

Si Aying, may topak. Oo, sa kabila ng height niyang ‘yan, parang leon kung magalit ang batang ‘yan. Mukhang nene ‘yan sa personal pero kayang kaya niyang makipagpambuno sa malaking mama kapag galit ‘yan. Umuusok. Nagmumura. Nagwawala sa galit. Hahahaha. Tapos mam’ya wala na. Minsan nag-away kami. Hindi ko na maaalala kung bakit o dahil ayoko ng alalahanin pa. Matagal kaming hindi nag-usap at hindi nagkita. Ilang buwan. Isang araw ay napanaginipan daw niya ako. Umiyak siya ng umiyak. Na-realize niyang miss na miss na niya na raw ako. Ayun, gumawa ang barkada namin ng paraan na magkabati kami. Akala nila ay ayaw kong makipagbati. Surpise daw para hindi na ako makaurong. Akala lang nila ‘yon. Pero ang totoo, masayang masaya ako dahil nagkabati na kami ni “hablig” hehe. Tawag ko sa kanya ng hindi niya alam, haha. Ngayon siguro ay alam na niya.

Kuwento niya sa akin noon, takot daw siyang lumapit sa akin kasi ang laki ko daw tao! Haha. Crush kasi niya si…. Hehe… kaya madalas niyang sabihin, “sheeeeettttt!!! Baka malaman ni Glads! Lagot ako.” Noong nalaman ko, tawa lang ako ng tawa. Pinagtatawanan ko siya at talagang mapulang mapula na naman siya. Akala mo dinudugo ang mukha, ahaha!

Kasing pula ang mukha niya ng sardinas na paborito niya. ‘Yun Master’s fried sardines, pulutan style, iyong ang flavor ay spicy. Mapili siya sa pagkain. Marami siyang hindi kinakain. Minsan ay problema namin kung saan kami kakain at kung ano ang kakainin namin kapag kasama siya kasi nga mapili siya sa pagkain. Isang araw, nabigla ako nang malaman ko na ang isa sa pinakapaborito niyang ulam ay sardinas. Minura ko tuloy siya ng wala sa oras. Kako, kung alam ko lang na sardinas ang katapat ng dila niya eh di sana hindi na kame nagpapakahirap humanap ng makakainan namin, hehe. Ang siste, ginawan ko siya ng Sardinas ala Glady, hinaluan ko ng kalamansi, suka, toyo, sibuyas, paminta at sili. Ayun, anghang na anghang siya pero sarap na sarap kaya ang dami naming nakain, hehe.

Ngayon, sa tuwing nagkaka-chat kami, nagkakabalitaan, nagkakamustahan, madalas niyang sabihin na miss na miss na niya ang Pilipinas, ang UP, ang lahat ng gimik namin, ang mga kaibigan at pamilya niyang naiwan dito sa Pilipinas—miss na miss niya na rin marahil ako at ang mga kalokohan ko, ang mga kalokohan naming dalawa. Ang mga pagtatago niya ng mga sikreto ko, at pagtatago ko ng mga sikreto niya. Miss na miss na siguro niya ang mga walang katapusang kuwento ko tungkol kay, tungkol kina, tungkol sa at tungkol sa mga. Nababaliw siya sa mga kuwento ko. Nababaliw siya sa tuwa, sa inis, sa lungkot, halo-halong pakiramdam ang pagkabaliw niya sa mga kalokohan ko. Nababaliw naman ako sa mga reaksiyon niya sa kalokohan ko. Nababaliw ako kapag naaalala ko ang mga kabaliwan naming dalawa. Nababaliw ako kapag miss na miss ko na siya. Gaya ngayon, miss na miss ko na siya.

Saturday, February 16, 2008

LOVE 101.IF THIS IS LOVE?



Natatandaan mo ba ang mga panahong nagpapa-cute ka pa at hindi mo alam kung bakit kailangan mong gawin iyon? Pasilip-silip ka sa classroom. Palundag-lundag sa hagdanan habang kunwa’y nakikipagharutan sa kaklase, pero ang totoo’y nagpapapansin ka lang. Ang lakas ng boses mo, dinig hanggang sa pinakadulo ng classroom. At sinasadya mo iyon para marinig ka niya. Mapansin, mapansin at mapansin pa.

Natatandaan mo ba ang mga kantang usong uso noon na pang-dedicate mo sa kanya? Iyong kantang If this is love? Iyong bumibirit na kanta ni Melissa Manchester at may lyrics na…


Guess I'm just afraid
I'm not the kind who makes it last forever
And in my selfish way I think I'm clever
Until you cry

Do you wanna leave?
You can let it go because you're strong
But one day without your love seemed so long
And I sigh, how I sigh

If this is love, darling
Now's the time to wake up
Hurting words can't really shake up someone's life

If this is love, darling
It's time to stop pretending
We'll never have a happy ending while we cry


Natatandaan mo ba nang unang maramdaman mong seryoso ka na, at tinatanong mo na sa sarili mo kung ano ang nararamdaman mo? Iyong hindi ka mapakali. Iyong natutulala ka, pero napapangiti pagkatapos, pagtingin mo sa nanay mo, gustong gusto mo siyang halikan at pasalamatang buti na lang at naging tao ka. Kung hindi—hindi mo mararamdaman ang ganoong klase ng pakiramdam. Iyong bang gusto mong umiyak sa tuwa, sa kilig, sa aliw, sa lungkot kasi hindi mo nakikita ang taong nagpapatibok ng puso mo. Iyong pakiramdam na puwede kang batukan ng maski na sino at hindi ka magagalit dahil mabait ang pakiramdam mo. At bakit mabait? Kasi’y nakausap mo siya o nakangitian pa.

Natatandaan mo ba ng una kang gumawa ng love letter at ipinadala mo sa kanya? Pinagpunit-punit pa nga niya. At ikaw, habang nakikita mong pinupunit niya, nakatulala ka. Mangiyak-ngiyak. Pahiyang pahiya ang pakiramdam mo. Iniwasan mo siya. Bakit naman ang hindi, eh ipinahiya ka na nga niya? Tapos isang araw nabigla ka, sabi niya sa’yo, friends? Nahihiya kang inabot ang kamay mo at ang sabi mo pa, “S-sige, friends.”

Naging friends nga kayo at tuwang tuwa siya sa’yo dahil nalaman niya ang other side mo. Makulit ka raw pala. Palabiro. Masayang kasama. Korning mag-jokes. At naging number one fan mo siya sa mga knock-knock mo.

Natatandaan mo ba nang bigla na lang siyang mag-I love you sa’yo? Nabigla ka, oo nabigla ka. Hindi mo inaasahan. Akala mo kasi friends lang hindi ba? Bakit may I love you na? Hindi ka nakasagot? Sabi niya, ba’t di ka sumagot? Sagot mo, tanong ba iyon na kailangang sagutin? Nainis siya sa sagot mo, nag-walk out siya, hinabol mo siya at sinabi mong “sorry”. Hindi siya huminto sa paglalakad, at isinigaw mong “I’m sorry”. Diretso siya sa paglalakad kaya napilitan kang sumigaw ng “I love you!”

Huminto na siya sa paglalakad. Hinarap ka. Nakangiti ang mga mata niya. Nagtatanong. Nagkukumpirma kung totoo ba o hindi bola. Hindi bola. Iyon ang sagot ng mga labi mong may ngiti. Nilapitan mo siya. Sabi mo, “tayo na?” Sagot niya, “tanong ba ‘yan na kailangang sagutin?” Natawa ka. Natawa rin siya. Tapos hinawakan niya ang kamay mo. Tapos kayo na pala talaga.

Natatandaan mo ba nang araw-araw kayong umuuwing magkasabay maski pa magkaiba ang daan pauwi ng mga bahay ninyo? Gumagawa kayo ng sariling daan. Parang daan ng mga puso ninyo patungo sa isa’t isa. Tapos kapag naglalakad kayo, holding hands kayo. Maski pawis pa mga kamay n’yo. Okey lang talaga. Parang ang gaan-gaan ng mundo. Parang nabubuhat n’yo. Ang saya-saya ng buhay. Parang walang problema.

Natatandaan mo ba nang isang araw ay nagkita kayong malungkot ang mga mata niya? Tanong mo bakit? Sabi niya wala. Napuwing lang daw siya. Tanong mo pa nga sa kanya, anong koneksiyon? Umiling siya, sabay sabing wala. Na ang ibig sabihin ay walang koneksiyon ang pagkapuwing ng mata niya sa kalungkutang ipinakikita niya sa’yo. Naramdaman mong iwas na iwas siya sa’yo. May na-sense kang kung anong problema niya. Pero ayaw niyang sabihin. Ayaw niyang kumpirmahin. Hanggang isang araw, sinabi na lang niyang mag-uusap kayo ng seryoso, at kung puwede ba?

Natatandaan mo ba ang break-up n’yong dalawa? Sa may riles ng tren ata iyon. Oo, umiiyak siya nang sabihing “It’s over.” At nagtataka ka kung bakit siya umiiyak pero sinasabi naman niyang “I’ts over.” Sabi mo, bakit? Anong nagawa mo? Anong kasalanan mo? Sabi niya, wala. Bata pa raw kasi kayo. Sabi mo, oo nga bata pa tayo. At pilit mong ni-rationalize na kapag bata pala, wala pang karapatang makaramdam ng ganoong klase ng pakiramdam at kapag nagpilit ay masasaktan lang.

Umuwi ka. Ang lungkot-lungkot ng pakiramdam mo. Nag-iisa ka sa loob ng silid, nakaupo ka sa sahig na makintab, patay ang ilaw pero may bahagyang liwanag na dulot ng maliit na mapulang ilaw na nagmumula sa sounds ng radyo, habang panay ang birit ng kantang If this is Love. Nang-iinis ‘no? Nasasaktan ka na nga, may ganoon pang background. Kaya tuloy kahit anong pigil mong umiyak, eh umiyak ka pa rin ng umiyak. Sabi mo sa sarili, ok lang ‘yan. Bata ka pa naman… bata ka pa naman…

Isn't it a shame
How one excuse still leads into another
After all this time we hurt each other?
Isn't it a shame?

Time to make a change
Time to find the things we both believe in
Talk about the staying, not the leaving

If this is love, darling
Now's the time to wake up
Hurting words can't really shake up someone's life

If this is love, darling
It's time to stop pretending
We'll never have a happy ending while we cry


Lumipas ang mga araw at sa tuwing nakikita mo siya, nagtatampo ka, kasi nasasaktan ka pa. Ngumingiti siya pero umiiwas ka, kasi nasasaktan ka pa. Malay mo namang nasasaktan din siya.

Nagbakasyon na at pagkakataon mo ng kalimutan siya. Ano nga bang ginawa mo buong summer? Ah, kumanta ng kumanta habang panay ang kalabit ng gitara. Parang doon mo itinuon ang lahat ng pag-ibig mo sa kanya, sabay paglimot.

Noong pasukan na ulit, dapat pala magkaklase kayo, pero nagpalipat siya ng section. Hinayaan mo lang siya. Parang siya na ngayon ang galit, pero ikaw hindi na. Lumipas ang mga araw, nginingitian mo na siya, pero ikaw naman ang hindi na niya nginingitian. Hindi mo alam kung bakit, gusto mong isipin na kaya siya hindi ngumingiti dahil ayaw lang niya. Walang ibang dahilan.

Hanggang isang araw, nabalitaan mong nakipagtanan na siya sa iba. Biglang bigla ka. Sabi mo sa sarili mo, ‘kala ko ba bata pa tayo? Pero wala ka namang natanggap na sagot mula sa kanya, kasi nga nakipagtanan na siya sa iba. Inisip mo na lang na ikaw na lang ang bata sa inyong dalawa, siya ay hindi na.

Hindi niya alam kung paano ka nasaktan sa loob mo, sa kaloob-looban ng sarili mo, kasi pilit mong binalewala ang lahat. Hindi mo nga ipinakita sa lahat na umiyak ka na naman. Na naman. Na naman at na naman. Basta ipinakikita mo sa lahat at sinasabi sa sariling “I’m over you.” Pero totoo ba? Alam mo namang hindi totoo. At matagal din bago naging totoo. Bumilang ka nga ng taon. College ka na nga pero iniisip mo pa rin kung ilan na ba ang anak niya? College ka na nga ay dumaraan ka pa rin sa mga daang ginawa ninyong daanan noon. Tinatanaw mo pa rin ang bahay nila maski alam mong wala na siya doon, dahil nandoon na siya sa bahay nilang mag-asawa.

Isang araw nabigla ka dahil may natanggap kang sulat mula sa kanya. Nakikipagkita siya sa’yo. Ang alam mo, dalawa na ang anak niya. Kaya nakapagtatakang nakikipagkita siya sa’yo. Pero nakipagkita ka. Siya iyong taong hindi mo magagawang tanggihan. At noong nagkita na kayo, sa harapan ng simbahan ng Sto. NiƱo, malaki na rin ang pagbabago niya sa paningin mo. Pero parang walang pagbabago sa pakiramdam mo. Eto lang naman ang sinabi niya, “sorry sa lahat-lahat ha?” Sabi mo naman “bakit?” “Nasaktan ata kita.” Sabi mo ulit, “bakit ang tagal mo naman atang nag-sorry?” Sabi niya, “It’s better late than never,” may tonong pagbibiro pa siya. Tumango ka na lang sabay sabing, “Wala na ‘yon. Matagal na ‘yon.” “Oo, matagal na.” Sabi naman niya. “Dalawa na nga ang anak ko eh.” Naisip mong iyon na ang pagkakataon na matanong siya. “May gusto lang akong itanong. Bakit ka ba talaga nakipag-break?” Hindi agad siya nakasagot sa tanong mong iyon. “Kinausap kasi ako ng teacher natin sa Science eh, sabi niya huwag ko raw sirain ang buhay mo.” Nabigla ka. “Anong buhay ko raw ang sisirain mo?” Eto lang ang sagot niya, “Basta lang, sabi lang ni Mam iyon.” “Ang babaw pala ng dahilan.” Tumango lang siya sa sinabi mo, “Oo nga, eh. Ang babaw lang naman talaga. Pero gaano man kababaw iyon, hindi mababaw ang pakiramdam na involved doon.” Pagtatapos sa sinabi niya.

Tapos naghiwalay na ulit kayo. Puno ka pa rin ng pagtatanong sa isip mo. Totoo kaya ang mga sinabi niya?

Sampung taon, dalawampung taon ang lumipas. Ngayon natatandaan mo pa ba talaga ang lahat? Parang hindi na. Parang limot mo na. Natural, kasabihan ngang time heals all wounds di ba? Narinig mo lang ulit ang kantang If this Is love kaya mo siya naalala. At pilit inalala.

If this is love, darling
Now's the time to wake up
Hurting words can't really shake up someone's life

If this is love, darling
It's time to stop pretending
We'll never have a happy ending while we cry…


Pero bakit ganoon, bakit inedit mo iyong part ng buhay ninyong nagkita pa ulit kayo pagkatapos ninyong magkita sa harapan ng simbahan ng Sto. NiƱo? Bakit inedit mo ang part na pinuntahan mo siya, dinalaw ulit sa hospital? Bakit inedit mo ang part na sinabi niya sa’yo habang umiiyak siya na hindi mo lang alam kung gaano ka niya kamahal o minahal sa kabila ng nangyari sa inyo? Bakit inedit mo ang part na kinarga mo pa ang mga anak niya, kinamayan ang asawa niya, at pagkaraan ng ilang araw ay nakipaglibing ka pa sa kanya?

Bakit nga ba?

Minsan talaga ang gusto natin ay kuwentong happy ending lang ‘no? Lalo’t kuwentong first love ang ikinukuwento natin sa mismong sarili natin.

Thursday, February 14, 2008

LOVE 101. MY VALENTINE BOY



He’s a big boy now. Sabi ko sa sarili ko kani-kanina lang. Kasi nakita ko siyang naglalakad, dala ang kanyang knapsack, papunta sa kanyang school service, guwapong guwapo, bagong paligo, maputi at neat na neat magdamit. Mabangong batang lalaki. Suklay na suklay ang buhok. Mapula ang lips. At ang height ay hindi na makontrol sa paglaki. Who else but my one and only baby or bebe, none other than, Emmanuel Richard Neri, aka Pupu, ang poging pogi kong pamangkin!

He’s 13 years old now. At marami akong kuwento sa kanya kasi mula nang ipanganak siya ay nakasama ko na siya hanggang sa kanyang paglaki. Dec 24, 1994 nang ipinanganak siya. Gabi iyon kaya’t nag-noche buena ang buong pamilya namin sa Perpetual Succor Hospital.

Excited ang lahat sa paglabas niya. Nagwa-wonder kasi kaming lahat how beautiful baby he is, kasi maganda ang mother niya (kapatid ko) at napakaguwapo ng daddy niya (care of Ric Neri, hehe). The first time I ever saw him, para akong nakakita ng baby angel. Nakakaguwapong baby, napakacute, akala mo isang anghel na bumagsak sa langit. Kulot, mapulang mapula ang skin at pati lips, matabang baby. Excited ang nanay ko kay Pupu. Mama ang tawag ng lahat ng apo sa nanay ko. Nakita ko sa mga mata ni nanay ang matinding tuwa sa unang pagkakataon pagkaraang mamatay ang lola Pansang ko (nanay ng nanay ko). November 13 namatay ang lola ko, Dec 24 ipinanganak si Pupu, same year. Ang kalungkutan ni nanay ay masasabi kong biglang napawi sa unang pagkakakita pa lang niya kay Pupu. Matagal na kasi siyang hindi “nakakapagbunso” ng apo. Si Christian ay 5 years old nang mga panahong ipinanganak si Pupu. Si Christian ang sumunod sa panganay na apo (si Rona ang una). Pero siyempre, may ibang kuwento ako kay Christian, sa susunod na siya. Hehe.




Therapy, sa loob loob ko. Regalo mula sa langit ang pagdating ni Pupu dahil naging therapy siya ng nanay ko. Ako mismo ay nag-aalala ng husto sa kalagayan ng nanay ko dahil sa sobrang kalungkutan niya nang mga panahong iyon. At kung dahil sa paglabas ng isang Pupu ay magagamot ang kalungkutang iyon ng aking ina, ituturing kong isang espesyal na bata talaga si Pupu. And he did it! Malay ba niya, sa kawalan niya ng muwang sa mundong ito, ay masahol pa ang epekto niya sa isang malakas na antibiotic para magpahilom ng malalim na sugat at pagnanaknak dulot ng isang kamatayan. Muling naibalik ni Pupu ang saya ng aming pamilya. Ito ang una niyang naging misyon sa buhay.





He’s really a cute baby boy. At sa kanyang paglaki, bagama’t pilyong pilyo, nasa kanya ang katangian para mahalin at ingatan. He’s malambing na baby sa kabila ng kapilyuhan. At hindi nawala ang kanyang bonding sa kanyang “pinakamamahal na mama”. Lumaki siyang kasama ako dahil nagre-rent kami ng apartment ng kapatid ko at share kami. Isang unit ng townhouse ang nirentahan namin katabi ng family house namin sa Greenheights, Marikina.




Isang malungkot na kwento ay ang unang paghihiwalay namin noong nagpunta silang mag-anak sa Malaybalay Bukidnon, Pupu was only 2 years old then. Noong gabing nag-eempake sila, sa kuwarto ko natulog si Pupu, ako ang nagpatulog sa kanya. Nakahiga siya sa dibdib ko at buong magdamag siyang natulog doon. Ang lungkot lungkot ng pakiramdam ko dahil first time na mahihiwalay sa amin ang baby namin for a family vacation. First thing in the morning ay inihatid na namin sila sa domestic airport at kasama ko ang mama niya sa paghahatid. Alam ko na mahabang biyahe ng kalungkutan ang pagkakalayo nilang maglola. At ang unang salita na binigkas ni Pupu noong nasa probinsiya na siya at kausap niya ang mama niya ay, “aguy mama, aguy!”




First crush niya si Ara Mina. May malaking poster si Ara Mina na nasa ilalim ng hagdanan namin noon at madalas iyong titigan ni Pupu. Talaga namang naging stage tita ako sa pakikipag-usap kay Ara Mina para sa kanilang pictorial, hehe. Kinantahan pa niya si Ara Mina ng isang kanta habang nagpe-perform ito. Nailagay pa nga sa poster ng Kislap Magasin si Pupu, courtesy of Tita Swannie, dahil na rin sa pagiging stage tita ko, hehe. Sayang lang at hindi ko nagawang i-guest si Pupu sa tv gaya noong ginawa ko kina Rona at Christian na naging anak nina Jestoni Alarcon at Karla Estrada sa isang GMA TRUE STORIES. Bukod sa hindi na ako active sa tv ngayon, parang wala na akong time na gawin iyan tulad ng ginawa ko noon.





At the age of four years old, nagworkshop na si Pupu kay Fernando Sena at kumuha siya ng basic drawing kung saan siya ay naging gold medalist dahil sa kanyang mahuhusay na artworks. Likas sa kanya ang pagkahilig sa drawing dahil may pagmamanahan naman siya (sino pa eh di ang daddy niya). Ako rin ang naghahatid sundo noon kay Pupu. Nag-attend na rin ako ng workshop kaya’t maski paano ay may natutuhan ako sa pagdo-drowing. Supportive ako sa kanya dahil alam kong iyon ang gusto ng Mama niya. Parang ako ang ekstensiyon ng mga gustong gawin ni Nanay kay Pupu, at dahil hindi na rin kaya ni nanay ang ibang pisikal na aktibidad (gaya ng ginagawa niya kay Pupu noon na paghahatid sundo sa UP at St. Joseph College noong nag-aral ito ng prep), ako ang tumutugon sa ibang pangangailangan ni Pupu maski sa ganoong pamamaraan lang.




Lumipat na ako ng bahay sa San Mateo pagkaraang maipagawa ko ang extension ng bahay na nabili ko. Ilang buwan lang at lumipat na rin sila sa bahay na nabili naman nila, katabi lang din ng bahay ko. Kaya maski magkaibang pinto kami, one big happy family pa rin kami. Madalas kong iangkas si Pupu sa scooter. Promise ko sa kanya na tuturuan ko siyang magmaneho at mag-scooter kapag right time na. Promise ko nga sa kanya na pamana ko na sa kanya ang kotse ko sakaling bumili ako ng bago, hehe. How he wish. Minsan ay nagpupunta kami sa school nila na angkas ko siya. Nahihiya siya sa tuwing bumababa siya sa scooter na nakatingin ang mga classmate niyang babae. Nangingiti ako sa ngiti niya. Pacute kasi.

He’s a bright boy. He really is. Kaya kong patunayan ‘yan. Napakaintelehente niyang kausap lalo na kung Science na subject ang pag-uusapan. Napakarami niyang alam na hindi ko alam at natutuwa ako sa tuwing nagkukuwento siya ng mga natutuhan niya sa school. Elementary pa lang siya noon pero napakataas na ng kanyang reading and comprehension skill. Sa totoo lang ay nagagawa niyang unawain ang mga sinasabi ko at ipinapaliwanag ko tungkol sa isang akda. Sa totoo lang ay naiitindihan niya ang lalim ko bilang manunulat. Kaya kung kausapin ko siya tungkol sa bagay na ito ay mataas at malalim. Dahil nauunawaan niya ako. Madalas ko siyang nahuhuli na binabasa ang mga sinusulat ko ng walang paalam. Minsan, kapag nakabukas ang computer ko at nagpapahinga ako, bigla na lang iyan uupo at babasahin ang sinusulat ko. Minsan ay palihim pa dahil nagagalit ako kapag nakikialam siya. Kako baka may mapindot siya at mabura ang sinusulat ko. Pero maski sa computer ay mas magaling siya sa akin, ina-under estimate ko lang ang kakayahan niya bilang bata dahil hindi ko pa alam noon kung ano ang abot ng kaalaman niya. Wala pa siyang naburang mahalagang files sa computer ko sa dinami-dami ng pakikialam na ginawa niya sa mga sinusulat ko. Dumating ang point na inuutusan ko na siyang dagdagan ang isinusulat ko at never niyang binigo ang expectation ko sa kanya. Napakahusay ng story telling niya. Maraming beses niya akong napabilib.




Minsan ay papunta kaming palengke at naglalakad, tinanong ko siya, ano ang mas gusto niyang maging, maging artist na kapareho ng daddy niya o maging writer na kapareho ng tita Glady niya. Hehe. Sagot niya ay pareho. Safe answer. Eh makulit ako, gusto ko ay isa lang. Dahil gusto kong malaman kung ano ang mas matimbang sa kanya. “Gusto kong maging writer tulad mo, ‘yung tulad ng mga sinusulat mo.” Natawa ako. Alam kong bola kasi kaharap ako. Sabi ko bakit? Sagot niya, mas nakakapag-express daw siya ng pakiramdam sa salita. Sa drawing daw, medyo hirap pa siya. Paglipas nang mga araw, napatunayan kong hindi pala ako binobola ni Pupu. Dahil nabasa ko ang isang sulat niya sa isang kaibigan na nagpapaalam na siya dahil pupunta na ang kaibigan niyang ito sa probinsiya. At totoong mas nakapag-express siya ng kanyang kalungkutan sa sulat na iyon sa pamamagitan ng salita. Wala ni isa mang drawing ng anime na idino-drowing nilang magkakaibigan noon.

Tinuruan ko siyang magsulat at ang unang akdang nai-publish niya ay ang KALYE TRESE, isang short horror story. Tinuruan ko na rin siyang sumulat ng komiks at nakagawa siya inspired sa sinulat kong KARNIVAL. Alam kong malayo ang mararating niya sa pagsusulat. Mas malayong malayo pa.

He’s a very sensitive and emotional person. Madali ko siyang ma-touch sa mga kuwento ko. Madali siyang maapektuhan ng mga balita. Umiyak siya nang umiyak ng malaman niyang naaksidente si Rona sa Canada. Lagi niyang sinasabi na mahal niya ang ate Rona niya at nami-miss na niya ito. Madalas siyang nagtatanong kung kailan uuwi ang ate Rona niya. Palagi siyang nakasunod sa Kuya Christian niya maski saan ito nagpupunta kung nasa bahay lang sila. Mahilig silang manood ng horror films na magkuya at maglaro ng PS2. Mabait siyang kuya ni Maimai, maski pa madalas silang magtalo at mag-away. Diretso siya sa bahay ko sa tuwing galing ng school para humalik sa akin at magkuwento ng buong maghapon na ginawa niya sa school. Napapalo siya sa mga kasalbahehan niya pero umiiyak siya at nagtatampo pagkatapos. Tipikal na bata. salbahe kung minsan, behave kung minsan, pero nagtataglay ng lalim ng pagmamahal.

Minsan nga sabi niya sa mommy niya, “Mommy okey lang bang mas mahal ko si Mama kesa sa inyo ni Daddy? Lamang lang siya ng mga 10%.” And he really means it. Kung gusto mo siyang paiyakin, lokohin mo siyang may sakit ang Mama niya. Kung gusto mo siyang palungkutin, magkuwento ka ng mga kuwentong malungkot tungkol sa Mama niya. Kung gusto mo siyang mas lalong palungkutin, sabihin mong hindi na aabutan ng Mama niya ang magiging anak niya. Tiyak na dadalhin niya ang kalungkutan na iyon hanggang sa pagdarasal bago matulog.





A week before Valentines day, inamin sa akin ni Pupu na may crush na siya na madalas niyang inaabangan tuwing uwian. Mayroon daw siyang kaibigan na laging kasama na “sumisilay” din sa crush naman nito. Tinanong ko siya kung ano ang nararamdaman niya sa tuwing nakikita niya ang crush niya. Sabi niya’y nakakaramdaman naman daw siya ng ligaya at haplos daw sa puso. Exact word iyan ng naging sagot niya sa akin. Natawa ako ng lihim. Siyempre’t hindi ko ipinakita sa kanya na natatawa ako. Kasi nama’y may taglay din pala siyang kakornihan sa katawan. Tinanong ko kung maganda ang crush niya, sabi niya’y ok lang, maputi, one length ang buhok pero hindi naman daw gaanong kagandahan. Simple lang daw at saka medyo mahinhin. Iyon daw kasi ang type niya.

Kahapon, umuwi si Pupu at tatawa-tawang nagkuwento sa akin, si Mai-Mai daw (bunso niyang kapatid) pinuntahan daw siya sa classroom at may dalang sanitary napkin na ipinamigay daw sa mga babae sa school. Sa kanya daw ipinatatago ni Maimai. May mga classmate daw siyang babae na nakatingin at nagtatawanan. Dali-dali daw niyang ibinalot at nagtatakbo siya para itago ang napkin ni Maimai. Hindi siya nagrereklamo sa kanyang pagkukuwento, parang nasanay na siya sa kapatid niyang bunso na ang tawag naming lahat ay stage sister ng kuya Pupu niya. Paano naman, halos araw -araw daw ay pumupunta si Mai-mai sa classroom niya at kung anu ano ang ibinibigay, kalahating pastilyas, kapirasong cookies, hinating kendi at kung anu-ano pa. Hindi naman daw magawang awatin ni Pupu. Minsan nga kapag late daw si Pupu pinalalabas ng classroom, kinakausap ni Maimai ang adviser ni Pupu at sinasabing “Teacher, nagagalit po ang mommy namin kapag nale-late kaming umuwi.” Hehe. Walang magawa si Pupu dahil parang ate niya si Maimai kung magsalita. Pero minsan ay narinig kong pinagsabihan niya ito, “Maimai, mag-reduce ka, walang manliligaw sa iyo kapag ganyan ang katawan mo.” Haha! Ang lakas ng tawa ko talaga.



Kaninang umaga, binigyan ni nanay si Pupu ng 20 pesos (courtesy mula sa pitaka ko), kasi baka daw may pagbibigyan ng card o bulaklak o chocolate. Naalala ko ang sinabi ko sa kanya na gumawa ng isang tula at i-post sa bulletin board ng school para mabasa ng crush niya. Ayaw niya. Hindi pa raw siya manliligaw. Basta masaya na raw siyang sumisilay lang. Sabi ko, kapag manliligaw na siya, sabihin niya sa akin, tuturuan ko pa siyang gumawa ng love letter. Pero ayaw daw talaga niya. Basta daw sa Valentine’s day ang plano niya ay maupo lang sa isang tabi habang nagkakagulo ang mga classmate niya sa pagbibigyan ng kung anu anong valentine’s stuff. Pero siyempre daw sisilay at silalay din naman daw siya.

Para sa aking Bebe, na ngayon ay binatilyo na at alam kong isang araw, maski pigilan ko pa ay tiyak na hindi mapipigilan… na maglalabas ng mga kakornihan tungkol sa pag-ibig, pagliligawan, pagseselosan, etc… etc… this poem is for you my boy. Describing how you feel and how it goes.

And here it goes…



FIRST

Isang araw ako’y gumising,
may nagbulong sa aking kung anong hangin,
ang sabi’y boy you’re so duling,
ang crush mo, sa iyo’y may crush din.

Ayaw ko pa siyang pangalanan,
tawag ko sa kanya’y Ms. Smile ka lang d’yan,
nadudurog na kasi ako sa ngiti pa lang,
what more kung may I love you pa yan?

Etong friend ko na tawagin nating Mr. Torpe,
ako nama’y counterpart na si Mr. Tyope,
mag-bestfriend kaming parehong maarte,
sa harap ng crush nami’y natotorete.

Inaabangan ni bestfriend si Ms. Pretty,
ako nama’y si Ms. Smiley,
kapwa kami naririndi,
sa tilian ng mga cute na girlie.

Sabi ni Mommy bata pa ako,
“panliligaw ay di pa pwede bebe ko”,
there comes a right time, so and so…
tinandaan ng kukote ko ito.

Pero bakit ba ganoon?
may kung anong bulabog sa puson,
este sa puso palang parang maton,
na ibig ng maglimayon.

Sa ngayon ay masayang nasisilayan,
ang crush kong crush ng bayan,
pero promise my love, my only one,
sa right time, we’ll be as one.



HV TO ALL!

Friday, February 8, 2008

JUST PASSING BY

I met you on a springtime day,
You were minding your life and I was minding mine too.
Lady, when you looked my way,
I had a strange sensation and Darling, that's when I knew...


Narinig ni Kyle ang kanta na tinutugtog sa radio ng jeep, umaambon pa naman, malamig ang paligid dulot ng hamog. Perpektong oras ng dramatikong pakiramdam. Napangiti siya. Parang nakakaloko ang pagkakataon. Parang nananadya. Ngiting may pait na dulot sa kanyang dibdib. Sa lahat naman kasi ng kantang puwede niyang marinig, bakit ang kanta pang paborito ni Maggie ang narinig niya ng mga sandaling iyon? Puwede namang iba.

That it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.
Yes, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.


Wala siyang choice kundi pakinggan ang buong awitin. Maski ayaw sana niya. Hindi niya gusto ang kanta dati pa. Nagkataon lang na paborito ito ni Maggie. Dahilan para maski paano ay magustuhan na rin niya. Ma-appreciate. Dahil si Maggie, si Maggie ang pinakamagandang babae sa buhay niya sa mga oras na iyon.

Oh, I wake up in the night,
And I reach beside me hoping you would be there.
But instead I find someone,
Who believed in me when I said I'd always care...


Nakilala niya ito dahil sa pagcha-chat. Ipinakilala ng isang kaibigan niya. Malungkot daw kasi si Maggie. Bigo daw kasi sa pag-ibig.
“Libangin mo na lang, ‘tol. Malapit na kasing mamatay.”
Natawa lang siya sa sinabi ng kaibigan niyang si Niel. “Loko ka talaga, magrereto ka lang iyong may terminal case pa.”
“Basta makipag-close ka lang sa kanya. Huwag ka lang mai-inlove sa kanya. Kasi talo ka sa ending.” Paalala pa sa kanya ni Niel.

Oh, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.
Yes, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.


Ipinagpalit kasi si Maggie ng dating boyfriend sa ibang babae kaya ito na-depress. Iyon daw ang tunay na dahilan, sabi ni Niel. At kung bakit siya, sa dinami-dami ng puwedeng ireto kay Maggie, ay bakit siya ang naisipang ireto ni Niel, hindi niya alam sa kaibigan. Hindi naman siya mahilig sa mga reto-reto. Ni hindi nga siya totoong mahilig sa babae. Sa edad niyang disiotso ay wala pa siyang nililigawan ng seryoso.
“Bakit ako, ‘tol?”
“Kasi harmless ka.”
“Harmless?”
“Oo, at saka ikaw lang ang puwedeng hindi magkagusto kay Maggie ng totoo.”
“Bakit naman?”
“Tol, ikaw ang taong walang kahilig-hilig sa maganda.”

Totoong napakaganda ni Maggie. Sa mga larawan, sa mga video clip na nakita ni Kyle kay Maggie. At kung ganda ang pagbabasehan, maski si Kyle ay hindi lubos maisip kung paano ba nagawang ipagpalit ng isang lalaki si Maggie sa ibang babae. Kasintigas man daw ang puso ni Kyle ng bato, nagawa itong palambutin ng kagandahan ni Maggie. Sa tuwing sasabihin iyon ni Kyle, walang katapusang tawa ng mga emoticons ang sagot ni Maggie. Hindi na raw kasi siya maganda. Dati raw ‘yon.

So I'll live my life in a dream world,
For the rest of my days.
Just you and me walking hand in hand,
In a wishful memory...
Oh, I guess it's all that it will ever be...


Ilang beses sinabi ni Kyle kay Maggie na magkita naman sila. Pareho naman silang taga-QC. Parang wala naman daw masyadong effort kung gagawin nila iyon. Pero ayaw ni Maggie. Tama na raw sa kanila ang ganoon, masaya na sila sa ganoon.

Ang hindi maintindihan ni Kyle sa sarili, ay kung bakit bawat araw, bawat gabing dumaraan ay tila naiinip siya-- at pinakahihintay ang araw na makikita niya si Maggie.

I wish I had a time machine, I could,
Make myself go back until the day I was born.
Then I would live my life again,
And rearrange it so that I'd be yours from now on.


Isang araw, hindi na nag-online si Maggie. Nagtaka si Kyle kung bakit. Naghintay lang si Kyle. Ilang araw din iyon. Hanggang sa nakausap niya si Niel. Sinabi sa kanya ni Niel na huwag na raw hintaying mag-online pa si Maggie.
“P-patay na siya, ‘tol.”
Hindi makapaniwala si Kyle sa sinabi ni Niel. “Ows?” Simpleng sagot lang niya.
“S-sabi ko naman sa’yo ‘tol, huwag kang mai-inlove sa kanya, kasi masasaktan ka.”
Narinig niya ang paggaralgal ng boses ni Niel.
“K-kaya ko siya iniwan eh kasi alam kong mamamatay na siya.”

Oh, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.
Yes, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.


Nagpasya si Kyle puntahan si Maggie. Huli na ito, sabi ni Kyle sa sarili. At least makita man lang daw niya si Maggie. Kaysa naman tuluyan na niyang hindi ito makita at hintayin na lamang mabura ng tuluyan sa kanyang alaala si Maggie. Nagpakatatag na lang si Kayle. Tinandaang mabuti ang sinabi ni Niel. Pusong bato naman daw siya at kayang kaya niyang makita si Maggie nang hindi maapektuhan. Huminto na ang jeep at eksaktong natapos na ang kantang paborito ni Maggie. Bumaba na si Kyle. At habang naglalakad papasok kung nasaan si Maggie, naririnig pa rin ng diwa niya ang mga huling lyrics ng kantang paborito ni Maggie.

Oh, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.
Yes, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.


Sa wakas ay nakatayo na si Kyle sa harapan ni Maggie. Sa wakas ay nakita na rin niya si Maggie ng personal. Bumulong si Kyle, parang natutulog ka lang ah, biro pa ni Kyle kay Maggie.

Totoo ngang hindi na maganda si Maggie. Mahigit isang taon din itong pinahirapan ng kanser kaya paano pa ba naman ito gaganda? Humpak ang pisngi, malalim ang mata, bakas ang pinagdaanang hirap at lungkot. Sa edad nitong labing walo, dapat ay puno pa ng buhay, ng ngiti’t tawa at hindi ng lumbay. Kasing lungkot ng pakiramdam ni Kyle ang kahulugan sa kanya ng naging buhay ni Maggie.

M-Maggie… muling bulong ni kyle. Hindi ko alam kung kailangan ko pang sabihin ang lahat ng gusto kong sabihin sa’yo. Ang mga panahong hinangad kong magkasama tayo, magkausap, magbiruan, magdate, maglambingan—ang mga oras na iniisip kong hinahalikan kita. Hindi ko alam kung kailangan mo pang malaman na minsan sa puso ko, nangarap akong nagmamahalan tayo.

Muli na namang bumirada sa isipan ni Kyle ang linya ng kantang paborito ni Maggie.

Oh, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.
Yes, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.


Walang namutawing salita sa bibig ni Kyle. Wala naman siyang totoong nasabi. Sa kanya’y sapat na siguro ang mga sinabi ng isip niya. Marahil naman daw ay narinig lahat iyon ni Maggie.

Nagpasya na si Kyle na magpaalam kay Maggie. Pero pakiramdam niya’y matutumba siyang ewan. Nagpapakatatag si Kyle habang ang totoo’y hinang hina na siya. Hindi niya nga alam kung saan siya hahawak, sa salamin ba, sa metal na naging himlayan ni Maggie, o sa mismong sarili ba niya.

Pumikit si Kyle… muling inaalala ang mga linya ng kantang paborito ni Maggie… sinimulan ulit niya sa umpisa…

I met you on a springtime day,
You were minding your life and I was minding mine too.
Lady, when you looked my way,
I had a strange sensation and Darling, that's when I knew...


Doon sinimulan ni Kyle ang pagpapaalam kay Maggie.

So I'll live my life in a dream world,
For the rest of my days.
Just you and me walking hand in hand,
In a wishful memory...
Oh, I guess it's all that it will ever be...


Hanggang sa nahilam ang mga mata ni Kyle kaya nagmamadaling kinusot iyon. Suminghot saka bumulong.

Bye, Maggie...

At sa diwa ni Kyle, nakita niyang sumagot si Maggie with emoticons pa talaga na nagwe-wave at nagsasabi sa kanyang, bye-bye, Kyle.

Sunday, February 3, 2008

UP SKRIPP presents... PAGSIBOL




Well, gusto ko lang i-share ang masasayang moments ko together with my friends and colleagues, ang oath taking ng UP SKRIPP (kung saan ako ang founding chairman) kasabay ang unang proyekto na pinamagatang PAGSIBOL at namigay kami ng 3 cellphone at pagkarami-raming load, sinabayan ng romance novel exhibit, symposium at kainan!!! Hahaha! Siyempre launching namin 'yan eh.

Saturday, February 2, 2008

MALIKHAING PAGSULAT (KONEKSIYON AT DISKONEKSIYON)

Ang paggamit ng tunggalian o binary opposition ay isa sa mga mabisang tools para bumuo ng conflict sa anumang akda. Kapag nagmamahalan, pag-aawayin, kapag nag-aaway, pagbabatiin. Good vs. evil. Langit at lupa. Mga koneksiyon at diskoneksiyon. Magkakakonekta ang lahat ng bagay. Ang image at tunog. Liwanag at dilim. Ingay at katahimikan. Bida at kontrabida. Para magkaroon ng diskoneksiyon, kailangan muna ng koneksiyon. Kailangang magkakilala ang bida at kontrabida bago maganap ang kanilang tunggalian.

Ang manunulat ay may layuning magkonekta ng mga tauhan at magdiskonekta ng mga magkakaugnay. Ang manunulat ang nagtatanggal ng mga blinders para makakita ang mga mambabasa ng mga bagong imahe, makarinig ng bagong tunog, makakapa ng bagong texture at makasipat ng mga bagong panukat. Ang manunulat rin ang nagsisilbing tulay para makapag-fill in the gaps ang mga mambabasa. Hindi lahat ng kahulugang nakikita, natatagpuan o nababasa ay nanggagaling sa manunulat. Ang mambabasa ay may kapangyarihang magbigay at maglapat ng sariling pakahulugan, bumuo ng mga imahe o lumikha ng mga panibagong tunog sa kanilang isipan.

Halimbawa ng koneksiyon.

 Baliw na umiiyak
 Tabo at balde
 Fetus sa garapon
 Birthday cake
 Manika

Maraming posibilidad na puwedeng mangyari sa mga ibinigay na halimbawa. Isa na rito ang: Isang baliw na umiyak habang hawak niya ang tabo at balde dahil maliligo siya. Kasabay niyang pinaliliguan ang manika niya. Naglaro sa isipan niya na ang manika ay isang fetus. Naalala niya ang kanyang ginagawang pagpapalaglag. Iyon ang naging sanhi ng kanyang pagkabaliw. Lumabas ang fetus sa garapon. Nakarinig siya ng isang birthday song. Sampung taon na sana ang kanyang anak kung hindi niya ito ipinalaglag. Nilaro niya ang tabo sa balde na parang nakikita niyang naglalaro ang kanyang anak ng birthday cake nito.

Ngayon idiskunekta ito. Tatayo ang baliw. Magwawala. Ibabato ang tabo at balde na parang ibinabato ang mga nawawalang alaala. Wawasakin ang manika na parang winawasak ang sarili. Unti-unting bumabalik ang fetus sa garapon at nalulusaw ang birthday cake. Magsisisigaw siya. Walang patid. Hanggang sa matuklasan na lamang niya ang sarili na nawalan na ng lakas at hawak na siya ng mga attendant. Naramdaman niya ang injection. Makirot. Hanggang sa nakabalik na siya sa kanyang nawawalang sarili.

Maaring gumawa ng mas marami pang koneksiyon at diskoneksiyon sa limang halimbawang ibinigay ko, maaaring magdagdag o magbawas, at ang tanging pagaganahin ay ang imahinasyon at ang pagiging malikhain.