Wednesday, November 26, 2008

PAANO SISIMULAN ANG PAGSUSULAT?



Isang sulat ang natanggap ko, "gusto ko po sanang maging manunulat, di ko lang alam kung paano magsimula."

Depende iyan sa tao. Kapag baguhan, maraming kailangang pag-aralang teknikalidad. Maraming kailangang panoorin, basahin, i-analyze na teksto para mabuksan ang iba't ibang posibilidad at mga ideya. Kailangan din ng exposure, lumabas, mag-isip, mag-obserba, pumalaot ika nga. Alamin ang genre na ibig sulatin. Kung ano ang pinakamalapit sa puso ay tiyak na iyon ang pinakamahusay na maisusulat.

EXPOSURE TRIP
Minsan ang pagsakay lang sa jeepney at magpaikot-ikot sa mga lugar kahit wala namang pupuntahan ay isang pamamaraan ng exposure trip. Ang maglakad sa kalye na walang direksiyong pupuntahan at magkaligaw-ligaw hanggang sa makasumpong ng daan, ang pumunta sa mall at magpalamig lang hanggang sa may makilalang kung sino at makitang kung ano. Importante ang makihalubilo sa iba't ibang klase ng tao maging mayaman, mahirap, edukado, pulubi, pokpok, madre, etc. Mahalaga rin ang pagdalo sa mga exhibit, bookfair, workshop at seminar. Ang iba ay hindi naniniwala o walang sampalataya sa workshop at seminar pero mahalagang marinig ang sasabihin ng ibang tao, mahusay man siyang manunulat o hindi. Dahil tiyak na may sasabihin siyang kuwento niya, karanasan niya, o kaalaman niya. May lalabas at may lalabas na kung ano na maaaring makuha sa kanya. Mayroong nagkukuwento lang kung paano siya naging writer o sikat na writer, kung paano siya pinagpala ng mundo at sumikat siya ng walang kadahi-dahilan. Sasabihin lang niyang "swerte" lang siya at hindi niya alam kung bakit. May dahilan iyon siyempre, ayaw lang niyang sabihin siguro kaya't ang ibang tao na ang tutuklas kung bakit siya naging suwerte. Pero iyong mismong salitang swerte ay importante na nating malaman o marinig. Alamin natin sa ating nga sarili, bakit nga ba siya naging swerte? Paano kaya siya sinuwerte?

ALTER EGO
Sa mga palihan o workshop, kung minsan ay kayang paiyakin ang isang baguhang manunulat (kahit nga datihan pa) ng isang maanghang na komento galing sa ibang manunulat, kritiko o maski mambabasa. Natural lang iyon. Mahalaga ang sasabihin ng ibang tao. Hindi ito dapat personalin. Natututo tayo sa sinasabi ng iba. Akala lang natin ay hindi kasi ayaw nating tumanggap o tanggapin na may mali tayo sa ginawa natin, sa akda mang sinulat natin o sa personal nating buhay. Ganoon kasi ang tao. Ayaw masasabihan pero gustong nagsasalita. Likas sa tao iyon. Ibig sabihin ay walang perpektong tao, kaya't lalong walang perpektong akda. Ang mahalaga ay nakakayanan ng dibdib natin ang sinasabi ng iba at hindi iyon ang dahilan para hindi tayo magpatuloy sa ginagawa natin at dapat pa nating gawin. Hindi ang salita ng iba ang dapat magpasuko sa atin, kundi ito pa dapat ang maging dahilan para lalo tayong maging mahusay. Take the advantage of being an underdog. Ang alter ego ng isang superhero ay isang simpleng tao. Ang alter ego ng isang mahusay na manunulat ay isang kaluluwang sugatan o bugbog saradong pagkatao.

BEATING THE DEADLINE
Kapag datihan ng manunulat at maraming deadline, ang kalaban ay mood, iyong tinatawag na black moment, o mental block, o kaya'y wala sa focus, iyong parang brain dead, hehe. Iba't ibang paraan ang ginagawa ng manunulat dito para mawala ito. Ang iba'y natutulog, pag gumising ay ok na, ang iba'y umiinom ng alak dahil kapag lasing daw mas nakakapagsulat, ang iba'y nanonood ng tv o pelikula para makakuha ng ideya, mayroong nagbabasa para ganahan sa pagbuo ng description, mayroong umaalis ng bahay at sa ibang lugar nagsusulat gaya ng mga coffee shop o park para makalanghap ng sariwang hangin. Pero ako, tinatambakan ko ang sarili ko ng trabaho at deadline, para wala akong time na makapag-isip na namemental block ako, hehe. Kapag nagkasunod-sunod na ang follow-up sa akin ng mga editor, tiyak na magtatrabaho na ako. Alamin din kung morning person ka o night person. Ibig sabihin, kailan ka ba mas productive o mas nakapagsusulat ng marami, sa umaga ba o gabi. Ako, sa madaling araw, mga 4am hanggang abutin na ako ng sikat ng araw, ganado ako. Kapag pahapon na, ayoko na. Kapag gabi na, kahit tumawag pa ng tumawag ang editor ko, kailangan ko ng matulog. Bukas na lang ulit kaya babay na, hehe. Importante ito para malaman mo ang iyong time table sa pagsusulat. Kapag may sinusunod na time table, parang nakaprograma na ito sa isip. Parang naka-automatic sign in sa YM, hehe.


ILANG MAHAHALAGANG TIP GALING SA KANILA
Mahalaga rin ang pagsulat ng diary o blog para sa mga mahahalagang nangyayari sa araw-araw, kahit gist lang para maaaring balikan at i-refresh ang isang plot. Sabi sa akin ni RJ Nuevas noon (head writer ng GMA) kahit daw panaginip ay isinusulat niya. Nakagawa siya ng nobela mula sa isang panaginip lang. Kuwento naman sa akin ni Ricky Lee (head writer ng ABS-CBN) sumulat ka lang ng sumulat araw-araw. Maski ano. Kahit walang direksiyon. Isang araw, iyong walang direksiyong isinusulat mo, isang mahusay na pelikula na pala. Sabi ni Elena Patron (isang batikang nobelista sa komiks at prosa), magsulat ka ng mga imposible at gawin mong posible, iyon ang lalabas na mahusay, huwag matakot mag-imbento, huwag matakot sumubok ng iba't ibang putahe (kung baga sa pagluluto) pero lahukan mo ng research para may batayan ka. Sabi naman ni Ofelia Concepcion o Tita Opi (editor in chief) noong 18 years old pa lang ako (tagal na noon, hehe) isulat mo ito at isabmit mo agad. Ibig sabihin, kapag binigyan ka ng deadline, pahalagahan mo iyon. Kasi iyon ang magpapatagal sa iyo sa writing business, ang staying power ng isang manunulat ay ang maging professional, na ang ibig sabihin ay ang tumugon sa ibinigay na deadline. Kaya hanggang ngayon, editor ko pa rin si Tita Opi. Ayon naman kay Rene Villanueva (poet, Palanca awardee), kapag wala kang isusulat na bago o akdang maaaring magpabago ng lipunan mo, huwag ka ng magsulat. Mataas ito kung pakakasuriin ang sinabi niya. Pero sa simpleng paliwanag lang ay maaaring maunawaan naman ito. Ibig sabihin, hindi mo kailangang mangopya dahil napakarami pang kailangang sabihin sa mundo, napakarami pang maaaring isulat na hindi pa naisusulat at nababasa ng tao. Bakit ka naman mangongopya pa? Mag-isip lang. May isang nagsabi sa akin sa workshop (Prof. ko sa UP) na maaaring gumaya ng istilo sa simula kasi hindi maiiwasan ang mga impluwensiya sa atin ng mga paborito nating manunulat, pero unti-unti kailangang magkaroon ng sariling identidad bilang ikaw, bilang isang manunulat na may sariling pangalan at istilo. Sabi ni Maia Jose (romance novelist) ang sentro ng pagsusulat niya ay "pag-ibig" kasi nariyan na lahat. Totoo iyan. Ang "universal truth" sa bibliya ay pag-ibig sa sangkatauhan ang sentro, ang NOLI ME TANGERE at EL FILIBUSTERISMO ni Jose Rizal ay tungkol sa pag-ibig sa bayan at love story nina Crisostomo Ibarra at Maria Clara, ang mga romance novel ay pawang mga romantic love, ang mga pampamilyang kuwento ay pag-ibig din ang isyu. Si Josephine Aventurado (romance novelist) ay hindi nagbibitaw ng script na hindi pulido. Ito ang sikreto ng kanyang pagiging mahusay na manunulat. Iyon tipong wala ng gagalawin ang editor at wala ng kahirap-hirap kaya tiyak na hihingan siya ulit ng panibagong akda. Ilan lang ito sa mga narinig kong tip noong nagsisimula akong magsulat sa komiks man, romance novel o scriptwriting. Noong baguhan pa lang akong manunulat sa komiks ay ipinatawag ako ni Mrs. CP Paguio (publishing manager ng GASI), sabi sa akin, "ikaw ang susunod na ELENA PATRON," natuwa ako kasi compliment iyon. Nahiya din ako sa sarili ko at kay Aling Elena. Mahal ko iyang si Aling Elena at alam niya iyon, isa siya sa mga manunulat na hinahanggan ko magpahanggang ngayon. Walang maaaring sumunod sa kanya o pumalit sa kanya dahil may sarili siyang pedestal na laan lang sa kanya. Inisip ko ang sinabi ni Mam Paguio at sinabi ko sa sarili ko, gusto ko lang ang maging ako na may sariling identidad bilang isang manunulat, anuman ang marating ko, ito lang talaga ako.


MGA POSIBILIDAD NA SIMULA SA PAGSUSULAT NG KUWENTO
1. Magsimula sa pangarap at aspirasyon ng tauhan. Libre ang mangarap, pero mahal ang bayad sa katuparan.
2. Magsimula sa isang linya na makabuluhan sa bidang tauhan. Paano ba ang maging hangin? Iyong hindi nakikita pero alam mong nariyan lang. Iyon kasi ang gusto kong tumanin sa puso’t isipan mo. Na ako’y isang hangin na kaylanman ay hindi mo nakikita pero alam mong nariyan lang at kailangan mo para mabuhay.
3. Magsimula sa pamamagitan ng isang event na may kinalaman ang tagpuan o milyu sa main plot ng kuwento. Announcement ng isang babaeng may terminal na kanser sa araw ng kanyang kasal.
4. Magsimula sa pamamagitan ng isang napakahalagang dayalog ng tauhan. Ngayong gabi pa lamang ako isisilang. Ngunit ang buhay ko’y magsisimula sa aking kamatayan.
5. Magsimula sa pamamagitan ng paglalarawan ng bidang karakter. Mistula siyang buntis dahil sa laki ng kanyang tiyan. Tila sasambulat na ang kanyang tiyan na puno ng mga bulateng nagpupumiglas.
6. Magsimula sa isang maganda o pangit na karanasan. Sa isang masaya o isang malungkot na eksena o kaya'y isang nakakapangilabot na eksena. Malakas na malakas ang ulan. Hinihila ang isang bangkay patungo sa mababaw na hukay na paglilibingan dito. Mababaw lang ang hukay. Tila nais lang ikubli ang isang krimen.
7. Magsimula sa isang aksiyon. May isang lalaking tatalon sa MRT. Gawing slow motion ang description ng eksena.
8. Magsimula sa maraming posibilidad ng simula sa pagsusulat.


GOODLUCK AND GODBLESS!!!


***