Monday, June 29, 2009

A GENIUS NEVER SAYS GOODBYE...

"If I knew that today it would be the last time that i will see you, I will embrace you strongly to be the guardian of your soul.

If I would know that there would be the last minutes
that i will see you, I will say to you, "I love you" and wouldn't assume that you would know it."

"Nobody would remember you if you keep your thoughts secret. Force yourself to express them."


GABRIEL GARCIA MARQUEZ

Friday, June 19, 2009

MY FATHER'S DAY

Ano kaya ang mararamdaman ng isang tao sakaling malaman niya na namatay na ang other woman ng kanyang ama?

Ano kaya ang naramdaman ko?

Nalungkot ako. Kahit nakakatawang isipin para sa iba na malungkot para sa kamatayan ng isang taong naging sanhi ng marami nilang kalungkutan sa buhay lalo na sa pamilya. Almost 26 years, mahigit pa sa kalahati ng buhay ko sa mundong ito sila nagsama. At kami ang nagmukhang other family. Kami ang dinadalaw paminsan-minsan. Masuwerte na ang once a month. Minsan nga pag may okasyon lang. Minsan absent pa.

Ngayon ko lang ito aaminin. Malaki ang naging epekto nito sa buhay ko. Sa pagkatao ko. Sa mga naging kalungkutan ko. Sa maraming mga luhang ibinuhos ko, sa script mang isinulat ko, sa loob man ng banyo, at mga paninisi sa bawat kabiguang dinaranas ko sa iba’t ibang yugto ng buhay… sa iba’t ibang phase ng pag-ibig.

Pero nalampasan ko ang pinakamabigat na stage, yung panahon na kailangan ko pa ng ama. Iyong panahon na marami akong tanong na hindi na masagot. Iyong panahon na pinipilit kong maging mabuting tao… baka sakaling kapag natuwa siya sa akin, eh baka maisipan niyang bumalik at huwag na ulit umalis. Nalampasan ko ang oras ng pag-aagaw buhay na wala siya sa tabi ko. Dahil naroon siya. Wala siya dito. Nagawa ko ang papel na dapat ay ginampanan niya.

Sabi nga, walang sakit na hindi napaghihilom ng panahon. Natanggap na namin ang lahat. Isang umaga ay nakita kong wala ng mababakas sa mukha ng aking ina na anumang pait sa dibdib. Sabi niya, nakapagpatawad na siya. Minsan nagdududa ako. Baka sabi lang niya.

Nitong mga huling gabi, nakaramdam ang aking ina ng pagkabalisa at hindi pagkakatulog sa gabi. Sabi niya sa akin, mamatay na raw ata siya. Sabi ko bakit alam niya? May tao bang alam ang oras ng kamatayan? Ewan daw niya kung bakit may ganoon siyang pakiramdam. Now, it make sense. Kahapon ay itinawag sa amin na sumakabilang buhay na ang other woman ng aking ama matapos ang halos sampung taon ng paghihirap. Siguro, may naging struggle pa rin sila sa isa’t isa unconsciously. Anuman iyon. Marahil ay mga pakiramdam iyon at pagtutunggali ng dalawang babae, gaya sa isang script… isang tagpo ng komprontasyong sa isip lang. May humihingi ba ng tawad at may nagpapatawad? Marahil. Siguro. Sana.

Ngayon, ano ang nararamdaman ko? Nagpapasalamat ako. Dahil sa kabila ng lahat… napatunayan kong totoo pala na napatawad na namin sila.

Thursday, June 18, 2009

FROM SCRATCH

SINONIMS

Naiinis ako sa kahol ng aso, nakakatulig
Habang damang dama ko pa naman ang pag-eemote
Sa gitna ng musikang unchained melody
Sa gitna ng tila sasambulat kong utak na mabigat
Sa gitna ng aking pagdadalamhating hindi naman dapat
At ng luhang di naman pumapatak

Tatahimik lang sandali pero ayan na naman
Walang tigil ang habulan ng mga batang kalye
Walang puknat ang satsat ng mga tsismosa sa tabi-tabi
Wala namang pagsidlan ang lungkot
Wala kasing gamot na nabili
para sa pusong tila napepeste

Hay… naalala ko magsasaing pa pala ako
Hindi pa kumakain ang nanay ko
Maghahanda pa ng dogfood ng mga alagang aso
Maglilinis pa ng kotse, maghahanap pa ng liyabe
Eto’t tulala’t wala pa rin sa sarili
Kailangan pang magpagpag ng memory

Biglang nag-ring ang telepono
Nasa kabilang linya ang half sister ko
Sumakabilang buhay na raw ang nanay niya
Nabigla ako’t napatingin naman sa nanay ko, sabay sabi sa sariling…
Nalalaman talaga ang halaga ng buhay
Kapag may namamatay

parang pag-ibig.

Saturday, February 21, 2009

BLOGGERS EFFECT

Busy busy busy days talaga kaya walang entry sa blog na maski ano sa loob ng ilang buwan. Anyway, nakakatuwa na kahit walang latest eh may mga sumusulat pa rin at may nakakabasa ng blog na ito. Karamihan ay iyong tungkol sa malikhaing pagsulat at iyong iba ay tungkol sa nobelang panitikan o mga research work sa schools tungkol sa pop lit.

Kung matatandaan, sinimulan ko ang blog na ito sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa pop lit gaya ng komiks, romance novel, horror stories atbp. Hanggang sa sumegway ako sa malikhaing pagsulat, tula at mga personal na anecdotes ko at iba pang importanteng bagay sa buhay ko. Hanggang sa may nagcomment na nga sa akin na anonymous na ito raw “ang pinakawalang kuwentang blog na nabasa niya.”

Noong mga panahong iyon, plano ko na sana talagang burahin ang blog na ito kasi alam kong magiging busy na ako. Then ang super nega comment na ito ay natanggap ko, at naisip kong baka akalain ng anonymous na ito eh siya ang dahilan kung bakit ko ito biglang buburahin, baka maging guilty ako sa paningin niya, ahaha. Joke… joke… joke…

Ang totoong dahilan eh baka nga dumating ang time na hindi na ako makapag-post ng anumang artikulo dahil sa dami ng workload na tinanggap ko. For the time being ay hinayaan kong floating ang status ng Bulate Spotmind… and surprisingly, may mga natatanggap akong mga sulat every now and then, until I found out na maraming nagreresearch sa blog na ito dahil sa mga topic na naisulat ko na. I’m so flattered. Kaya sa abot ng makakaya ko ay susulat ulit ako maski pakonti-konti lalo na tungkol sa paksang pop lit, malikhaing pagsulat o maski ano pang mga bagay na maisipang isulat.

Wednesday, November 26, 2008

PAANO SISIMULAN ANG PAGSUSULAT?



Isang sulat ang natanggap ko, "gusto ko po sanang maging manunulat, di ko lang alam kung paano magsimula."

Depende iyan sa tao. Kapag baguhan, maraming kailangang pag-aralang teknikalidad. Maraming kailangang panoorin, basahin, i-analyze na teksto para mabuksan ang iba't ibang posibilidad at mga ideya. Kailangan din ng exposure, lumabas, mag-isip, mag-obserba, pumalaot ika nga. Alamin ang genre na ibig sulatin. Kung ano ang pinakamalapit sa puso ay tiyak na iyon ang pinakamahusay na maisusulat.

EXPOSURE TRIP
Minsan ang pagsakay lang sa jeepney at magpaikot-ikot sa mga lugar kahit wala namang pupuntahan ay isang pamamaraan ng exposure trip. Ang maglakad sa kalye na walang direksiyong pupuntahan at magkaligaw-ligaw hanggang sa makasumpong ng daan, ang pumunta sa mall at magpalamig lang hanggang sa may makilalang kung sino at makitang kung ano. Importante ang makihalubilo sa iba't ibang klase ng tao maging mayaman, mahirap, edukado, pulubi, pokpok, madre, etc. Mahalaga rin ang pagdalo sa mga exhibit, bookfair, workshop at seminar. Ang iba ay hindi naniniwala o walang sampalataya sa workshop at seminar pero mahalagang marinig ang sasabihin ng ibang tao, mahusay man siyang manunulat o hindi. Dahil tiyak na may sasabihin siyang kuwento niya, karanasan niya, o kaalaman niya. May lalabas at may lalabas na kung ano na maaaring makuha sa kanya. Mayroong nagkukuwento lang kung paano siya naging writer o sikat na writer, kung paano siya pinagpala ng mundo at sumikat siya ng walang kadahi-dahilan. Sasabihin lang niyang "swerte" lang siya at hindi niya alam kung bakit. May dahilan iyon siyempre, ayaw lang niyang sabihin siguro kaya't ang ibang tao na ang tutuklas kung bakit siya naging suwerte. Pero iyong mismong salitang swerte ay importante na nating malaman o marinig. Alamin natin sa ating nga sarili, bakit nga ba siya naging swerte? Paano kaya siya sinuwerte?

ALTER EGO
Sa mga palihan o workshop, kung minsan ay kayang paiyakin ang isang baguhang manunulat (kahit nga datihan pa) ng isang maanghang na komento galing sa ibang manunulat, kritiko o maski mambabasa. Natural lang iyon. Mahalaga ang sasabihin ng ibang tao. Hindi ito dapat personalin. Natututo tayo sa sinasabi ng iba. Akala lang natin ay hindi kasi ayaw nating tumanggap o tanggapin na may mali tayo sa ginawa natin, sa akda mang sinulat natin o sa personal nating buhay. Ganoon kasi ang tao. Ayaw masasabihan pero gustong nagsasalita. Likas sa tao iyon. Ibig sabihin ay walang perpektong tao, kaya't lalong walang perpektong akda. Ang mahalaga ay nakakayanan ng dibdib natin ang sinasabi ng iba at hindi iyon ang dahilan para hindi tayo magpatuloy sa ginagawa natin at dapat pa nating gawin. Hindi ang salita ng iba ang dapat magpasuko sa atin, kundi ito pa dapat ang maging dahilan para lalo tayong maging mahusay. Take the advantage of being an underdog. Ang alter ego ng isang superhero ay isang simpleng tao. Ang alter ego ng isang mahusay na manunulat ay isang kaluluwang sugatan o bugbog saradong pagkatao.

BEATING THE DEADLINE
Kapag datihan ng manunulat at maraming deadline, ang kalaban ay mood, iyong tinatawag na black moment, o mental block, o kaya'y wala sa focus, iyong parang brain dead, hehe. Iba't ibang paraan ang ginagawa ng manunulat dito para mawala ito. Ang iba'y natutulog, pag gumising ay ok na, ang iba'y umiinom ng alak dahil kapag lasing daw mas nakakapagsulat, ang iba'y nanonood ng tv o pelikula para makakuha ng ideya, mayroong nagbabasa para ganahan sa pagbuo ng description, mayroong umaalis ng bahay at sa ibang lugar nagsusulat gaya ng mga coffee shop o park para makalanghap ng sariwang hangin. Pero ako, tinatambakan ko ang sarili ko ng trabaho at deadline, para wala akong time na makapag-isip na namemental block ako, hehe. Kapag nagkasunod-sunod na ang follow-up sa akin ng mga editor, tiyak na magtatrabaho na ako. Alamin din kung morning person ka o night person. Ibig sabihin, kailan ka ba mas productive o mas nakapagsusulat ng marami, sa umaga ba o gabi. Ako, sa madaling araw, mga 4am hanggang abutin na ako ng sikat ng araw, ganado ako. Kapag pahapon na, ayoko na. Kapag gabi na, kahit tumawag pa ng tumawag ang editor ko, kailangan ko ng matulog. Bukas na lang ulit kaya babay na, hehe. Importante ito para malaman mo ang iyong time table sa pagsusulat. Kapag may sinusunod na time table, parang nakaprograma na ito sa isip. Parang naka-automatic sign in sa YM, hehe.


ILANG MAHAHALAGANG TIP GALING SA KANILA
Mahalaga rin ang pagsulat ng diary o blog para sa mga mahahalagang nangyayari sa araw-araw, kahit gist lang para maaaring balikan at i-refresh ang isang plot. Sabi sa akin ni RJ Nuevas noon (head writer ng GMA) kahit daw panaginip ay isinusulat niya. Nakagawa siya ng nobela mula sa isang panaginip lang. Kuwento naman sa akin ni Ricky Lee (head writer ng ABS-CBN) sumulat ka lang ng sumulat araw-araw. Maski ano. Kahit walang direksiyon. Isang araw, iyong walang direksiyong isinusulat mo, isang mahusay na pelikula na pala. Sabi ni Elena Patron (isang batikang nobelista sa komiks at prosa), magsulat ka ng mga imposible at gawin mong posible, iyon ang lalabas na mahusay, huwag matakot mag-imbento, huwag matakot sumubok ng iba't ibang putahe (kung baga sa pagluluto) pero lahukan mo ng research para may batayan ka. Sabi naman ni Ofelia Concepcion o Tita Opi (editor in chief) noong 18 years old pa lang ako (tagal na noon, hehe) isulat mo ito at isabmit mo agad. Ibig sabihin, kapag binigyan ka ng deadline, pahalagahan mo iyon. Kasi iyon ang magpapatagal sa iyo sa writing business, ang staying power ng isang manunulat ay ang maging professional, na ang ibig sabihin ay ang tumugon sa ibinigay na deadline. Kaya hanggang ngayon, editor ko pa rin si Tita Opi. Ayon naman kay Rene Villanueva (poet, Palanca awardee), kapag wala kang isusulat na bago o akdang maaaring magpabago ng lipunan mo, huwag ka ng magsulat. Mataas ito kung pakakasuriin ang sinabi niya. Pero sa simpleng paliwanag lang ay maaaring maunawaan naman ito. Ibig sabihin, hindi mo kailangang mangopya dahil napakarami pang kailangang sabihin sa mundo, napakarami pang maaaring isulat na hindi pa naisusulat at nababasa ng tao. Bakit ka naman mangongopya pa? Mag-isip lang. May isang nagsabi sa akin sa workshop (Prof. ko sa UP) na maaaring gumaya ng istilo sa simula kasi hindi maiiwasan ang mga impluwensiya sa atin ng mga paborito nating manunulat, pero unti-unti kailangang magkaroon ng sariling identidad bilang ikaw, bilang isang manunulat na may sariling pangalan at istilo. Sabi ni Maia Jose (romance novelist) ang sentro ng pagsusulat niya ay "pag-ibig" kasi nariyan na lahat. Totoo iyan. Ang "universal truth" sa bibliya ay pag-ibig sa sangkatauhan ang sentro, ang NOLI ME TANGERE at EL FILIBUSTERISMO ni Jose Rizal ay tungkol sa pag-ibig sa bayan at love story nina Crisostomo Ibarra at Maria Clara, ang mga romance novel ay pawang mga romantic love, ang mga pampamilyang kuwento ay pag-ibig din ang isyu. Si Josephine Aventurado (romance novelist) ay hindi nagbibitaw ng script na hindi pulido. Ito ang sikreto ng kanyang pagiging mahusay na manunulat. Iyon tipong wala ng gagalawin ang editor at wala ng kahirap-hirap kaya tiyak na hihingan siya ulit ng panibagong akda. Ilan lang ito sa mga narinig kong tip noong nagsisimula akong magsulat sa komiks man, romance novel o scriptwriting. Noong baguhan pa lang akong manunulat sa komiks ay ipinatawag ako ni Mrs. CP Paguio (publishing manager ng GASI), sabi sa akin, "ikaw ang susunod na ELENA PATRON," natuwa ako kasi compliment iyon. Nahiya din ako sa sarili ko at kay Aling Elena. Mahal ko iyang si Aling Elena at alam niya iyon, isa siya sa mga manunulat na hinahanggan ko magpahanggang ngayon. Walang maaaring sumunod sa kanya o pumalit sa kanya dahil may sarili siyang pedestal na laan lang sa kanya. Inisip ko ang sinabi ni Mam Paguio at sinabi ko sa sarili ko, gusto ko lang ang maging ako na may sariling identidad bilang isang manunulat, anuman ang marating ko, ito lang talaga ako.


MGA POSIBILIDAD NA SIMULA SA PAGSUSULAT NG KUWENTO
1. Magsimula sa pangarap at aspirasyon ng tauhan. Libre ang mangarap, pero mahal ang bayad sa katuparan.
2. Magsimula sa isang linya na makabuluhan sa bidang tauhan. Paano ba ang maging hangin? Iyong hindi nakikita pero alam mong nariyan lang. Iyon kasi ang gusto kong tumanin sa puso’t isipan mo. Na ako’y isang hangin na kaylanman ay hindi mo nakikita pero alam mong nariyan lang at kailangan mo para mabuhay.
3. Magsimula sa pamamagitan ng isang event na may kinalaman ang tagpuan o milyu sa main plot ng kuwento. Announcement ng isang babaeng may terminal na kanser sa araw ng kanyang kasal.
4. Magsimula sa pamamagitan ng isang napakahalagang dayalog ng tauhan. Ngayong gabi pa lamang ako isisilang. Ngunit ang buhay ko’y magsisimula sa aking kamatayan.
5. Magsimula sa pamamagitan ng paglalarawan ng bidang karakter. Mistula siyang buntis dahil sa laki ng kanyang tiyan. Tila sasambulat na ang kanyang tiyan na puno ng mga bulateng nagpupumiglas.
6. Magsimula sa isang maganda o pangit na karanasan. Sa isang masaya o isang malungkot na eksena o kaya'y isang nakakapangilabot na eksena. Malakas na malakas ang ulan. Hinihila ang isang bangkay patungo sa mababaw na hukay na paglilibingan dito. Mababaw lang ang hukay. Tila nais lang ikubli ang isang krimen.
7. Magsimula sa isang aksiyon. May isang lalaking tatalon sa MRT. Gawing slow motion ang description ng eksena.
8. Magsimula sa maraming posibilidad ng simula sa pagsusulat.


GOODLUCK AND GODBLESS!!!


***

Saturday, October 25, 2008

MALIKHAING PAGSULAT

TEKNIK
Isa sa mga teknik ko sa pagsulat ng tula ay ang paghihimay ng kahulugan ng isang awitin upang lapatan ng panibagong kahulugan at mensahe sa ibang anyo. Ang tulang BOTELYA ay sinimulan ko sa pamamagitan ng paghihimay ng kahulugan mula sa isang popular na awitin. Sinulat ko muna sa prosa at sa pamamagitan ng paglalaro ng mga salita, paggamit ng imahe ng isang botelya bilang isang pakiramdam, naisulat ko ang isang tulang representasyon ng isang bagay na tila may pakiramdam maski ang totoo’y wala.

ANG PROSA
Hindi ko maiwasan ang malungkot pagka minsan dahil naaalala kita. Lalo’t nag-iisa ako na pinagmamasdan ang lagaslas ng tubig mula sa bubong na nagmimistulang waterfalls ang mga patak. Naalala ko kapag naliligo tayo sa ulan at sabay nating binabasa ang ating mga sarili. Tawa pa nga tayo ng tawa noon. Ang linis linis ng paligid kapag katatapos umulan. Parang pakiramdam natin na kay gaan-gaan. Gustong gusto ko ang amoy ng kalsada, mahamog at malamig ang hangin. Para pa ngang amoy ng cologne mo kapag totoong bagong paligo ka. At ngayon ngang wala ka na, habang halukipkip ko ang aking sarili at pinagmamasdan ang pumapatak na lagaslas ng ulan mula sa bubong, matinding kalungkutan ang aking nararamdaman at may kasabay pang pagtatanong, bakit ba kasi ako nag-iisa?

Susubukan ko bang sagutin ito sa aking sarili? O iiwasan na lamang ang muling pagtatanong? Tatalikuran ko na lamang ba ang ulan sa labas para muling pumasok sa silid at magkulong? O haharapin kong paulit-ulit ang katotohanang ako’y nasasaktan at hindi magawang lumimot? Babalik-balikan ko bang muli ang pagdalaw ng kalungkutan o ang kapanglawan ng pag-iisa? O lalabas ako ng bahay para maligong mag-isa sa ulan at baka sakali ay may makasumpong? Baka sakaling matagpuan kitang muli, matagpuan kong muli ang aking sarili o may matagpuan akong iba at ibang sarili.

Sa ngayon na wala pa, isa pa lang ang sagot na alam ko… time won't heal a broken hearted me.


ANG AWIT
BROKEN HEARTED ME
Anne Murray

Every now and then I cry
Every night you keep stayin' on my mind
All my friends say I'll survive
It just takes time

(Chorus)
But I don't think time is gonna heal this broken heart
No I don't see how it can if it's broken all apart
A million miracles could never stop the pain
Or put all the pieces together again
No I don't think time is gonna heal this broken heart
No I don't see how it can while we are still apart
And when you hear this song
I hope that you will see
That time won't heal a broken hearted me

Every day is just the same
Playin' games, different lovers, different names
They keep sayin' I'll survive
It just takes time...



ANG TULA
BOTELYA

Kapag umuulan
habang aking pinagmamasdan
ang waterfalls na lumalagaslas
sa may bubong
habang halukipkip ang sarili kasabay ng pagtatanong
bakit ba ako nag-iisa?

Susubukan ko ba itong sagutin?
O iwasan na lamang ang muling pagtatanong
na parang pag-iwas sa mga humahalibas na patak?
Susubukan ko bang maghanap ng makakasama?
O ang muling yakapin ang pagdalaw ng kalungkutan
at magpaanod sa kapanglawan?

Kapag umuulan
habang aking pinagmamasdan
ang pagluha ng langit
ay sambit-sambit kong
sana’y anurin ako
hanggang may makasumpong na pumulot.

At lagyang muli ng laman.


***

Friday, October 24, 2008

TEMPER

Anong gagawin mo kapag ipinagbalibagan ng kapitbahay mo ang pintuan ng kotse nila sa harapan mismo ng bahay mo habang natutulog at nagpapahinga ka bandang alas siyete ng gabi? Hindi isang beses, hindi rin dalawa kundi tatlo o baka apat na balibag pa nga. Ang dahilan, may ilang sako ng binistay na buhangin sa harapan ng bahay ko na nagpapahirap sa kanila para makadaan ang sasakyan nila.

Cool akong tao, pero hindi sa lahat ng pagkakataon. Nagpapasensiya ako sa maraming bagay, pero hindi ako marunong makipagcompromise kapag nahuhumiliate ang pakiramdam ko. Meaning, tao ako, hindi perpekto. Nagagalit din ako. May mga pagkakataon na nakakapagpasensiya, kung dapat ipagpasensiya. May mga pagkakataon na lumalaban kung kailangang lumaban.

Ito ang nakalimutan ng isa kong kapitbahay. Hindi sa lahat ng oras ay magpapasensiya ako. Hindi lahat ng drastic movement nila ay makakalagpas sa akin. Nakalimutan nila na ang bawat tao ay may karapatan na magreact sa kilos ng bawat isa mabuti man o hindi ang ginawa ng isang tao.

Nagagalit ang kapitbahay ko na ito sa akin. Sa dahilang may nakarating na tsimis sa kanila na may sinabi raw akong against sa kanila. Maski wala. Hindi ako guilty kasi sa totoo lang hindi ako mahilig sa tsismis, halos hindi nga ako lumalabas ng bahay ko. Minsan nga lang ako masikatan ng araw. Wala akong oras sa tsismis sa dami ng deadlines ko at mga concern things na kailangan kong gawin sa buhay.

Eto ang kuwento, three years ago, ang bahay ng kapatid ko na si ate Bingbing na nasa kabilang bahay (ang bahay ni rona ang nasa pagitan namin), ay tinambakan ng gamit ng dalawang kong kapitbahay na sina A at B. Isang taon mahigit na nakatambak ang mga gamit nila. Wala akong pakialam dahil bahay naman ng ate ko iyon at hindi ko bahay. Hindi sila nagpaalam sa amin at sa katunayan ay dinatnan na namin iyon. Kung paano sila nagkasusi ng bahay, ewan sa caretaker ng subdivision namin. After one year, kailangan ng magpagawa ng bahay ni ate Bingbing dahil matatapos na ang period ng pag-upa nila. Siyempre, since ako ang nakatira doon at ako ang kapatid, ako ang napakiusapan ng kapatid ko makipag-usap kina A at B. Una kong sinabi kina A na kailangan ng magpagawa ng bahay ng kapatid ko kaya kailangan ng alisin ang gamit nila. Ang sagot sa akin, kailangan daw makita ang move-in letter ng kapatid ko katunayan na totoong nabili niya iyon. Una pa lang ay nakakapikon na. As if may karapatan siya na magsalita ng ganoon dahil siya ang homeowner president or maski caretaker eh hindi naman. Ok fine. Nagrequest kami ng move-in in letter sa developer maski take-out na sa PAG-IBIG ang nasabing unit at naghuhulog na ng monthly ang kapatid ko. Ipinakita ko kay A ang move-in letter. Ang sabi sa akin, hindi ko raw dapat ibigay sa kanya ang sulat kundi sa caretaker dahil dito raw niya nakuha ang susi, kaya dito rin daw niya isosoli. Ok, fine. Para walang mahabang usapan, ipinakita na namin sa caretaker ang move-in letter. Nginitian lang ako ng caretaker, kina A ko na raw kunin ang susi kasi nagagalit daw sa kanya. HAAAA???? sabi ko, ang OA. Believe it or not, sa isip-isip ko, may ganito bang kapitbahay? To make the long story short, umabot ng dalawang buwan bago tuluyang inalis ng aking kapitbahay na sina A at B sa bahay ng ate Bingbing ko ang gamit nila. Dalawang buwan bago nila tuluyang naipagawa ang bahay ng kapatid ko at bago sila nakalipat. Sa totoo lang, isang linggo lang sila halos nagpagawa ng bahay dahil sa kakulangan nila ng panahon. Pero ok na, tapos na iyon. Ang importante, nakalipat na sila. Ni hindi nga nakuhang magpasalamat ng dalawang kapitbahay ko para sa ginawa nilang pagtatambak ng gamit nila sa bahay ni Ate bingbing loob ng ilang taon at sa halip ay sila pa ang nagagalit. Parang hindi makatotohanan ang kuwentong ito di ba? Parang may sablay. Maski ako ang makarinig ng kuwento, sasabihin kong "ows? totoo? hindi nga?" Kuwentong barbero lang 'yan. Walang kapitbahay na ganyan. Naninira ka lang, Glady. Ok fine. But peksman, totoo talaga.

Napansin ko, hindi na ako pinapansin ni kapitbahay B, noon ay hindi ko alam ang dahilan. Hanggang sa natuklasan ko, na ipinarating ni A, na nagsumbong daw kami sa developer para ipatanggal ang gamit nila at sinabi ko pa raw na hindi sila nagpaalam bago maglagay ng gamit. Gamitan natin ng common sense, paano silang magpapaalam sa akin na maglalagay sila ng gamit, eh dinatnan ko nang ang bahay nina ate Bingbing ay punong puno ng gamit nina A at B?

Hindi ko pinatulan ang mga pasaring nila, ang pagtsitsismisan nila against me, pati na rin ang mga kapatid ko na walang kinalaman ay idinadamay nila. Para sa akin, kung ganyan ganyan lang, hindi ko papatulan. Basta walang physical o anumang damages na ginagawa sa akin, ano ba ang mga tsismis na yan? Sa loob ng tatlong taon, wala silang kupas at wala silang tigil sa pagpaparating ng kung ano anong mga maaanghang na salita against sa akin o maging mga drastic action at pagme-make face kapag nakalagpas na ako sa kalsada kung saan naroon sila at nagtsitsismisan. Ang petty. napakawalang kuwenta. Kababawan talaga.

Hanggang isang araw, umuwi si B na may sasakyan, company car daw. At kagabi nga after almost six months na nakakadaan ng maayos ang sasakyan nila sa harapan ng bahay ko, at dulot daw ng may nakabara na binistay na buhangin, nahirapan daw silang dumaan. Dahilan para ipagbalibagan sa harapan ng bahay ko ang pintuan ng sasakyan nila at magising ako sa pagkagulat dahil sa pag-aakalang may kung anong komosyon na nangyayari sa harapan.

Natural na lumabas na ako para tingnan o harapin kung anong problema.

Eto lang naman ang tanong ko kay B, nakadaan ka ba? Sagot niya, oo nakadaan ako kasi nagtanggal pa ako ng buhangin. Sabi ko bakit hindi ka kumatok at sinabi sa akin para ako ang nagtanggal. Alangan naman daw utusan pa niya ako. Sabi ko, bakit ang hindi kesa naman pinagbabagsakan mo ako ng pintuan ng kotse mo. Kung wala daw ba akong common sense na tao, dapat daw ay alam ko na may dadaan na sasakyan dapat daw ay inaayos ko ang daraanan ng sasakyan nila. Tama 'yun. Hindi ko iyon kinontest. Pero tinanong ko, bakit, wala ka bang nadaanan? May daan naman ah, nakadaan naman kayo di ba. Naistorbo daw sila dahil nakakairita ang buhangin na nakaharang. Nakakairita daw ako. Bakit kayo naiirita? Dahil nga daw wala silang madaanan. Pero nakadaan kayo? Oo daw. So maski paulit-ulitin natin ang isyu, iisa lang ang ending nito, nakadaan pa rin sila. Tanong ko, naistorbo ko ba kayo ng maski limang minuto? Kailangan pa raw bang maistorbo sila ng limang minuto bago sila magreklamo. Sabi ko, kasi hindi naman kayo nagreklamo eh, pinagbagsakan n'yo agad ako ng pintuan. Kung nagsabi kayo ng reklamo, malamang na gawan ko ng aksiyon ang nirereklamo ninyo at hindi tayo hahantong sa ganitong balitaktakan. Sabi pa sa akin, Glady driver ka dapat alam mo na right of way namin 'yan. Oo naman, driver talaga ako kaya nga nakadaan kayo di ba? At saka common sense, right of way ko ito at hindi sa inyo. Dahil nasa kabilang kalsada ang bahay ninyo. Nakikidaan lang kayo. At sa katunayan ay hindi tatanggapin sa korte ang reklamo ninyo. Dahil ang unang itatanong sa inyo, nakadaan ba kayo? Naistorbo ba kayo ng maski limang minuto? Sasabihin ninyo, oo nakadaan kami, sasabihin ninyo rin na hindi kami naistorbo, sandali lang naman at nakadaan din kami. So ano ngayon ang problema? Wala po, masasama lang talaga ang ugali namin.

Hindi lumabas ng bahay si kapitbahay A, maski tinatawag para pag-usapan kung anuman ang puno't dulo ng galit nina kapitbahay B. Parting words ko kay B ay ito, huwag kang naniniwala sa tsismis, naninira ng magkakapitbahay ang tsismis, kung may problema kayo, kumatok kayo. Kung may kailangang pag-usapan, makipag-usap kayo. Walang hindi nadadaan sa mabuting usapan.

Syempre galit pa rin ang bawat isa pagkatapos ng balitaktakan. Nagreflect akong mabuti kagabi pagkatapos kong ilabas ang galit ko. Tama ba ang ginawa ko? Dapat bang pinatulan ko na sila? O mas tamang nanahimik ako?

Bago ako nakatulog, sabi ko sa sarili ko, kaso kung pinayagan kong ginaganon ako, patatahimikin ba ako ng konsiyensiya ko? Baka paulit-ulit akong magalit sa sarili ko at sabihing paano ko nagawang palampasin ang isang drastic action na ginawa sa harapan ng pamamahay ko? Paano kung ulit-ulitin nila dahil feeling nila ay kayan-kayanan lang naman nila ako. Baka isang araw ay atakihin ako sa puso dahil sa mga galit na kinimkim ko dahil lang sa nagpasensiya ako at pinairal ko ang paniniwalang nag-aral kasi ako.

Well, to end this...laging may hangganan ang lahat ng bagay sa buhay ng tao, lalo na ang salitang temper. Kaya lang, tatlong taon pa ang kinailangan kong palagpasin bago tuluyang nawala ito. Kailangan pa akong pagbalibagan ng pintuan ng kotse at gisingin ang diwa kong nahihimbing sa pagkakatulog para sabihing... ENOUGH!


Naniniwala pa rin ako sa kasabihang, don't do to others what you don't want others do unto you. That's the only way that we can achieve peace in our heart and mind, that's the true meaning of humility.




***

Thursday, October 16, 2008

FROM SCRATCH

KUNG BAKIT


walang tinig na maririnig
sa iyong paglisan...

isa lang ang kailangan,
para sa isang pagkukunwari,
kung bakit may luha,
at kung bakit nasasaktan.

may mertayoleyt ka ba d'yan?

Monday, October 6, 2008

INTRUDER

Sinadya kong i-hide muna ang blog ko for some personal reason. Three days ago, nagkaroon ng intruder sa aming pamilya kung saan nagdulot ito ng napakalaking problema. Isang malaking threat sa kapayaan at kaligtasan ng buo naming pamilya. To the point na parang tumakas kami, disoras ng gabi, sakay ng FX na akala mo ay may nagaganap na manhaunt sa buong pamilya namin.

Alas dose ng gabi, nagmamaneho ako ng FX sa kahabaan ng C-5, sakay ang buo naming pamilya, naghahanap ng matutulugan. Saturday ito at walang bukas na bangko. Pulos passbook ang aming bank account, kaunti lang ang laman ng ATM card ko. Naghahanap kami ng matutulugan. Naghahanap ako ng hotel pero ang pera ko ay 2,000 lang. Ang pinakamura ay hinihingan ako ng 4,000 down payment. Ganito pala ang kalakaran ng isang hotel, hindi ko naman magawang mag-inquire sa motel. Parang may ibang konotasyon kasi ang motel sa ating mga Pilipino. Hindi ko kayang matulog kasama ang nanay ko at mga pamangkin ko sa isang motel, pakiramdam ko ay nai-exploit sila. Saka siyam kaming lahat. Sino naman ang motel na papayag na matulog ang siyam na katao. hehe. Tumawag ako sa isang kaibigan para humiram ng pera. May 1,500 daw siyang cash, wala ring laman ang ATM niya. Kukunin ko sana pero sabi ko, reserve na lang, baka naman may mahahanapan kaming matutulugan. Nakailang inquiries kami ng hotel pero negative lahat, kulang na kulang ang hawak naming pera. Biglaan ito. As in emergency talaga. Tumawag ako sa isang pinsan ko na matagal ko nang hindi nakakausap. Hoping na iyon pa rin ang number niya. Laking pasalamat ko at iyon pa rin ang number niya. Sa wakas, pasado ala una, nakahanap na kami ng matutulugan. Matutuluyan. Siksikan kaming lahat sa isang maliit na space. Awang awa ako sa mga pamangkin ko. Lalo na kay Mai-mai, nakayakap sa akin noong natutulog na kami, parang takot na takot. Isang malaking trauma na sa musmos na edad ay kailangang magtago, matakot, tumakas. Nasolve ang problema ko sa pera dahil hindi na namin kailangan ng 4,000 para lang may matulugan nang gabing iyon. Noon ko narealize, kapag pala pera ang problema, hindi dapat iyakan o kalungkutan. Dahil sandali lang at may solusyon na. Pero ang katahimikan ng isip, ang kaligtasan ng buhay, wala palang katumbas na halaga ito.

We are a peaceful family. Magulo minsan. Maingay. Makuwento. Masaya. May mga ups and downs din kami. May kalokohan din ang mga kapatid kong lalaki. May kalokohan din ako sa katawan. Pero wala kaming tahasang sinagasaan na tao, wala kaming tahasang inargabyadong tao, inisahan o ginamit man lang. Dahil galit na galit ako sa manggagamit na tao. Galit na galit ako sa mga taong nananapak, nangwawalanghiya, nantutuso. Dahil pinalaki kami ng mga magulang namin na may prinsipyo at hindi manakit ng kapwa tao sa anumang kaparaanan. We are just and fair sa lahat ng laban namin sa buhay. Kung may nasagasaan man kami, hindi namin iyon sinasadya. Kung may nasaktan man ang isa sa miyembro ng pamilya namin, hindi namin kinakampihan o tinotolerate ang mali.

But this intruder who just barged in to our family house and put our lives in great danger, it wasn't fair and just to anyone of us. Isang napakalaking pagsubok sa pamilya namin na kailangan naming malagpasan at makayanan. And I hope and pray that God will always protect us.

Tuesday, September 30, 2008

trying hard, copy cat





Eto 'yung pangkinder kong painting, acrylic ang ginamit ko, first time at siyempre may ginayahan ako maski hindi ko naman masyadong nagaya. hehe. Hay, wish ko lang kasing galing ako nina Inkay at Pupu.

Monday, August 11, 2008

ART EXHIBIT NI CHINKAY


Maia San Diego's LARONG BATA, her first solo exhibit will be held from 16 Aug - 13 Sept at Likha Diwa sa Gulod, Carlos P. Garcia Avenue, UP Diliman.


***

Thursday, August 7, 2008

MEGA CONCERT

Bukas na ang concert ni Ate Shawie sa Araneta Coliseum. Hmmnnn... medyo excited ako kasi first time ko siyang mapapanood sa concert. Medyo lang talaga. Bagama't true blooded Sharonian ako, eh hindi ko talaga ugaling ma-starstruck. Kahit kanino pa siguro. Personality ko talaga iyon eh. Maski noong nagsusulat pa ako sa telebisyon. Ilang beses ko na siyang nakita sa Viva pero ni hindi ko siya nagawang lapitan minsan man. Ni hindi ko nagawang magpakilala o sabihing number one fan niya ako. Hindi ko nagawa ni magpa-sign ng autograph man lang. Ok na sa akin na nakita ko siya. Ewan ko lang bukas kung ganoon pa rin ang mararamdaman ko. Kung sa gitna ng mga naghihiyawang fans eh tahimik lang ako o makikigulo ako. Pero parang gusto kong makigulo. For once in my life, parang gusto kong maramdaman na fan ako. hehe. After all, ang mahal ng tiket ha? Para naman tumunganga lang ako at hindi ako mag-enjoy. Eh dalawa pa ang binili ko kasi dapat may kasama naman ako, hehe. Tiyak na mapapagalitan ako niyan ng nanay ko, hehe. Pero kung part ng enjoyment ay ang tumili at humiyaw maging worth it lang ang tiket na binili ko, makahiyaw na nga lang bukas. Wahahahaha.

Thursday, July 31, 2008

VESTIGE OF THOUGHTS

This article is from the blog of a very dear friend to me. Sabi ko i-link ko siya para naman mabasa ng marami ang blogsite niya. Ayaw niya. For her, ang blog daw niya ay parang journal niya sa sarili niya. Nahihiya daw siya kasi baka wala naman siyang kayang sabihin. Ok lang daw na ako lang ang makabasa. Lagi niyang sinasasabi sa akin na number one fan ko siya. Ang hindi niya alam, lately, ako na ang fan niya. Hindi lang ako vocal magsalita sa kanya. Hindi ko lang sinasabi sa kanya, lihim lang, pero hinahanggan ko siyang magsulat sa kabila ng mga paminsan minsang pagkikritiko ko sa kanya(pero para sa kanya panlalait ang tawag niya do'n).

Hindi niya alam kung gaano siya kagaling magsulat kasi parang na-trauma na siya sa akin dahil everytime na may isusulat siya kasunod na niyan ang walang katapusan kong pagkokomento. Lately, napansin ko, ang galing galing na niyang magsulat. Wala na akong maikomento. Wala na rin akong ma-edit. At parang nabaligtad na ang mundo. Dahil napapansin ko, parang siya na ang nagko-comment sa mga isinusulat ko at siya na rin ang nag-eedit, hahahaha.

Sa kapipilit, nakumbinse ko siya na mag-cut and paste ng maski isang article lang at i-post dito. She is Leslie, Leshie, Jalez, Wendy, or just call her simply Les.

Wednesday, July 30, 2008
Just Have Faith
I'm not the religious type of person. I was born Roman Catholic as inherited. I go to church on Sundays when I was in High School, then after the mass we stroll at SM North Edsa. It was I think became a routine in our family. It is how my brother and I were encouraged by my parents to attend mass every Sunday (which we mutually liked actually).

I have a different view on 'religion' as opposed to my mother. It was a kind of orientation I grew up with. Since I entered kinder I never had a 'religion class' neither did I have 'values education.' It is a common joke to my schoolmates when asked about 'values' we'd always say, 'wala kaming values e." (we don't have values.) Its not that we don't have values per se, but we don't have the subject as part of our curriculum. I'd always say, "Hay naku, tinawag ko na nga lahat ng santong kilala ko dahil sa sobrang hirap at sakit." (Haay, I even called all the Saints I knew for its hard and painful). It is actually an expression or more of an exaggeration. But surprised of what I just have said. I stopped, and realized that I don't know the names of the saints. If I were to blame who for not knowing all the saints. I might question the UPIS Curriculum or the UP Administration. But what the heck, I'd already answered that a long time ago. "Better leave the teachings of God to the proper authority. And leave the teachings of knowledge of mankind to the educators of universities as the instruments of God."

I was brought up in a different kind of environment, different orientation, more liberal, more radical, more of an 'atheist' outsiders might think. But its not. We weren't, and we aren't atheists. We have the freedom to choose what to believe in, and freedom not to. And ones you already knew what to believe in, it is stronger and more than powerful. Because it is your own choice. And it is not forced on you to believe something that you don't. It is FAITH.

I have my own faith.

I believe in God.

I pray.


When I was in College, I have broken our family Sunday routine. I was mostly out. I didn't like the way my mother thinks of herself being blessed every Sunday having mass thrice or more. But little she knew she doesn't apply the teachings learned at Sunday school. She mostly commits sins and forget the values taught in church. The reason? She has stronger ties with the church than me who doesn't.

I then rarely attend church since then.

I don' t religiously attend mass, or hear the teachings of God. But I have my own faith. I believe that the most important thing that one should know is to be good and do good to people around you. Corny it may seem but my pattern in life is the teachings of Confucius, 'the golden rule.' I believe in the law of Karma, though its a Buddhist teaching. But I find it reasonable and logical. There's a good karma for a good deed and a bad karma for a bad deed.

When there's something I want, I pray hard for it. I believe that when I sincerely pray and ask for it, how impossible it may be. He'll hear me. He'll find a way. And God always has a way.

And I can say prayer really works. I've tested it several times and it didn't fail me. I believe in God. I trust God. And I surrender to Him. Just have faith.

Posted by leslienavarro at 8:08 AM

0 cute reader stopped by:
Post a Comment




UP CAL GRADUATION DAY




GIMIK SA INFANTA, QUEZON



GIMIK SA LA UNION


JALEZ, the rocker, hehehe. UPIS family day, si Les ang lead singer ng banda nila. grade 9, (third year high school siya).


Napakasimpleng tao ni Les. Walang ere. Walang yabang sa katawan. Madaling kausap. Madaling masaktan pero madali ring magpatawad. Kapag kasama ko siya, lahat ay parang kayang kaya kong gawin. Kasi lagi siyang nakaalalay. She's makuwento, masarap kausap at malalim. Pero hindi siya talkative sa lahat ng oras. Minsan, huhulihin mo sa gesture niya kung ano ang iniisip niya at kung ano ang gusto niyang gawin o mangyari. She never complains. Parang life is so easy to her despite of all the trials na pinagdaanan niya. Iiyak lang 'yan sandali tapos life must go on na agad. Mangangarap lang 'yan ng konti tapos gusto niya i-work out na agad. She's the kind of person na ayaw ng pulos theory o prinsipyo. Sa kanya dapat may kasamang hardwork to achieve something, to gain something. She's an idealistic person but very practical. She's sensible, sensitive and very caring. Hindi ka niyan iiwan sa ere o ilalaglag habang nasa bingit ng kamatayan.

I believe that each and everyone of us has his/her own depth. But it can never be gauged on how we perceive it in our own eyes. For our eyes can be easily deceived. One can only see the depth of a real person when he talks, the way he thinks, the way he loves, and experiences he has gone through. I want to share an insight of a very close and dear friend to me. To prove that there's more in her than meets the eye.

She is my bestfriend in life, she is Leshie sa mga friends, Wendy sa mga close friends, Jalez the rocker noong high school or just plain LES to those people around her. But whatever you call her, still her simplicity stands out. Her brilliant mind, her sincerity and deeds speaks for what she really is. And no matter how far she may go... siya pa rin si Les, ang nag-iisa at natatanging si Les.



***

Friday, July 25, 2008

CLASSIC

Out na sa market ang klasikong awit at korido na IBONG ADARNA AT FLORANTE AT LAURA (Francisco Balagtas) written in komiks form by yours truly and illustrated by Ric Neri. Please get your copy at all National Bookstore outlet. Dapat may komisyon ako neto sa ads, hehe.


Monday, July 14, 2008

Goodbye my friend...


Si Jun-Jun, almost five years na tumira sa America pero nagbalik bayan at nagtatrabaho sa call center ngayon. Noong tinanong ko siya bakit siya umuwi dito sa Pilipinas, ang sagot niya, "Glads, ang hirap ng buhay sa America, kala lang ng iba madali." Kinuwento niya sa akin ang katakot-takot na hirap na inabot niya sa pagtira ng America. Nakumbinse niya akong tama ang ginawa niyang pag-uwi.

Jun-Jun passed away this morning. He is the younger brother of Ching. In behalf of my family and friends our condolence to the Marcelo family. May he peacefully rejoin our Lord. Please pray for him.

LOOKING BACK ONCE AGAIN
Anu’t anuman ang nangyari o mangyari, lumipas man ang panahon, magkahiwa-hiwalay man kami ng landasin sa mga susunod pang mga araw, naniniwala ako, pasasan ba’t mangyayari at darating ang araw na nasa Antipolo kaming lahat at masayang pinagkakatuwaan na naman si Gina, habang pinag-aalaga siya ng mga anak-anak o apo ng bawat isa sa amin. Ay hindi pala, habang ipinag-aalaga pala namin siya ng anak niya, hehe. Alam naming pipila kami ulit sa last full show sa panibagong version ng pelikulang Titanic at sa pagkakataong iyon, siguradong discounted na kami pati sa pagkain namin sa mga resto dahil sa aming mga senior citizen’s card, haha. Magkakasama pa rin kami sa simbang gabi, sa mga Pasko at Bagong taon, sa mga birthday at reunion. Naniniwala ako na kumpleto pa kami sa panahong iyon.

Umaasa ako na kumpleto pa kami.


In our journey, one has already left. But there's still a place where we will all meet again... maybe in the next lifetime.

Jun-jun, thank you for sharing your friendship and good memories with us. 'Til next time my friend.


***

Friday, July 11, 2008

LOOKING BACK


Nitong mga huling araw ay madalas akong umuuwi ng Greenheights. Gaya nga ng kasabihang there's no place like home, totoo iyon sa pakiramdam ko. Fifteen years old pa lang ako nang lumipat ang family ko dito. At sa tuwing nagpupunta ako dito, pakiramdam ko ay umuuwi ako sa tunay na lugar kung saan nandoon ang tahanan ko. Ayoko sanang umalis ng Greenheights. Nandito ang nanay ko, nandito ang mga kaibigan ko, nandito ang mga family friends namin, nandito ang marami kong alaala ng kabataan, pag-ibig, etc. Pero kailangan ko namang mag-move on. Gaya ng pagmo-move on ng sangkatutak na friends ko dito. Hindi ko naman kayang bumili ng bahay dito dahil milyon milyon na ang halaga ng bahay. Pero gusto ko namang magkaroon ng sarili ko na makakaya lang ng bulsa ko. Kaya napadpad ako ng San Mateo. Tapos pangarap ko pa talagang tumira sa isang probinsiya na hindi naman kalayuan. Kaya nangyari ang pagtira ko sa San Mateo.

Mahigit dalawampu kaming magkakabarkada sa Greenheights na laging nakatambay sa Morocco St. Sa harapan ng bahay nina Gina, na katabi ng bahay nina Arline, at sa mismong gate naman ng bahay nina Aris. Tuwing gabi iyon. Masaya ang paligid. Maingay. Makukulit kaming lahat. Parang walang katapusan ang kakulitan at kasiyahan naming lahat. Nagbibinggo kami, naglalaro ng patintero sa kalsada, nagtataguan tuwing brown out lalo na noong panahon na sobrang dalas mawalan ng kuryente, nagba-volleyball, nagkakantahan (sa gitara man o videoke), nagsasayawan maski sa kalsada, at nagkukuwentuhan ng walang katapusan mula gabi hanggang madaling araw. Sandali lang ang pahinga pagkatapos ay magkakasama na naman. Walang sawa. Walang boring moments.




Ako ang pinakamatanda. Ako raw ang bosing, ang promotor, ang master teacher nila sa mga kalokohan. Ako rin ang captain ball at coach player sa volleyball na team ng Phase 3 sa tuwing may liga sa subdivison namin. Natural, ang nanay ko ang coach eh, hehe. Ako rin ang unang presidente ng Junior Eagles Club Marikina Chapter. At higit sa lahat, ako si direk sa kanila.


Gumawa kami ng play at mga programa na ako ang director nila. Fund raising ng subdivision, pampagawa ng chapel at court. Ang tawag sa grupo namin ay TROPANG KALINANGAN na noong lumaon ay binansagang TROPANG KALATOG PINGGAN. Tuwing may okasyon kasi sa mga bahay bahay ng magkakaibigan, laging present ang grupo. Kaya nakatuwaang itawag iyon.




Sobrang masaya ang barkada namin. Tapos na ang mga project pero hindi natapos ang friendship. Nandyan ang nagka-caroling kami tuwing Pasko, At tuwing simbang gabi ay kumpleto kaming nagsisimba sa chapel ng Greenheights.




Nandiyan ang madalas naming pagpunta ng Antipolo sa gabi at panonood ng last full show sa Sta. Lucia. Grabe, pumila talaga kami ng mahaba sa last full show ng “Titanic.” Last full show na nga pero siksikan at nakatayo pa rin kami sa loob ng sinehan. Hindi kailangan ang okasyon pag ginagawa namin iyon. Hindi rin kailangang weekends. Maski anong araw. Basta natripan namin. Hindi problema ang sasakyan dahil halos lahat naman ay may sasakyan sa amin. May L-300 sina Gina, puwera pa ang dalawang kotse nila na nagagamit namin, may sariling kotse si Floyd, may FX si Mark, may pick-up sina Aris, may van sina Ching, maraming pang-service na sasakyan sina Niel, may kotse rin sina Randy at may sarili naman akong kotse. Kaya pag may gimik, convoy ang mga sasakyan.

BONDING MOMENTS




Running joke nga na kami ang original na TGIS o GIMIK barkada, hehe. S’yempre may magboboyfriend din. May magigirlfriend. May nagkakagustuhan ng lihim. May hindi nagkakatuluyan na magligawan. May nagbe-break. Pero anuman ang mga sangkot na personal na damdamin, buo pa rin ang grupo. May composure pa rin. Seloso ang mga lalaki sa amin. Parang bawal ligawan ang mga babae. Nagre-react sila kapag may dumadalaw sa mga babae. Matataray naman ang mga babae. Kawawa ang mga ipinakikilalang girlfriends ng mga lalaki. Kaya dumating sa punto na halos lahat ay walang karelasyon. Kasi natatakot maisalang sa kritisismo ng grupo, hehe. Natatakot malait ang kani-kanilang mga “love of my life” dahil hindi kagrupo. Naging dilema ng marami ‘yan sa amin. Kaya ayun, nag-enjoy na lang kami ng husto sa isa't isa. Ayaw ng magsipagboyfriend at magsipaggirlfriend. Nagtatandaan ang lahat na walang mga karelasyon dahil enjoy sa barkada.



Maski ako ang pinakamatanda sa grupo, marami pa rin akong natutuhang kalokohan sa mga barkada ko. Promise, natuto akong maglasing, magyosi, hindi matulog ng isang buong gabi, o kaya matulog lang sandali tapos balik na naman sa tambayan. Natuto akong maging tambay sa gitna ng pagkarami-raming deadlines. Hindi naman ako BI (bad influence) sa kanila, hindi rin naman sila BI sa akin. Naiintindihan ko lang ang pinagdadaanan nila bilang teenager. Basta walang drugs, iyon lang ang hindi ko kayang i-tolerate.




Nakilala rin ang barkada ko ng mga writer na kaibigan ko. Gaya ni Ricky Lee, nag-enjoy ‘yan na kasama ang grupo na madalas makipagbonding sa amin sa Antipolo. Si RJ Nuevas na tuwing may okasyon sa Greenheights o night swimming ay kasama na sa list ng mga iniimbitahan ng grupo. May mga birthday din si RJ na ang grupo naman ang imbitado. May mga gimik kami sa mga bar na magkakasama kami. May mga basketball game na sabay na nanonood sina Ricky at RJ, sina Direk Jay Altejeros at Suzette Doctolero, Abner Tulagan, kasama rin minsan si Galo Ador Jr. (RIP). Marami akong gimik na napagsasama ko ang mga barkada sa Greenheights at mga kasamahan ko sa pagsusulat. Hindi iisang beses. At natutuwa akong nag-enjoy naman sila sa isa’t isa. Noong nag-aral ako sa UP, ganoon din ang nangyari. Naging bahagi rin ng barkada ko sa Greenheights ang barkada ko sa UP. Naging “one of the boys” si Les, (sabi nina Floyd at Gie iyon hehe), actually, naging part na ng barkada si Les. Walang birthday na hindi siya imbitado magpahanggang ngayon. Siya na ang tine-text at ako na lang ang sabit, hehe. Naging superclose friends ni Les sina Alhs at Donna, gayundin si Gie. Naging bahagi rin ng barkada ko sa Greenheights sina Jenny, Enna, Aying, Chi at Ading. Madalas present sa mga birthday at inuman sa Greenheights ang UP barkada ko.

Madalas ay may mga out of town din kami, madalas ay sa Quezon, minsan ay sa Laguna, minsan ay sa Ciudad Christia o kung saan pwedeng mag-night swimming.




At dahil ako nga ang pinakamatanda sa barkada, ako rin ang unang may trabaho. Kaya ako rin ang madalas na nagagastusan. Nandyan ang manlibre ako. Nandyan ang magpakain ako. Nandiyan ang mautangan ako, hehe. Madalas akong mautangan ng pangdate ng mga boys. Madalas namang magpalibre ang mga girls. Pero dahil karamihan sa kanila ay rich kid, pag may pasok na at may baon na, ayun inuutangan ko rin sila, hehe.




Si Aris ang pinakaclose ko sa lahat after ni Jojo (pero nagkaproblema kami ni Jojo at nagkaselosan sila ni Aris, hehe).


Susunod na pinakaclose ko ay sina Floyd, Gie at ang kapatid niyang si Harry, then si Mark, Ian, Jun-Jun, Randy, Richmond, Jeffe, Vannie, the Bajaro brothers na sina Niel, Nataniel at Norman. Sa mga babae naman, si Chai ang bestfriend ko sa barkada, susunod ang kapatid niyang si Gina then ang bunso nilang si Ring-Ring, naging close din kami ng pinsan nilang si Ruby (na naging gf ni Aris) siyempre hindi ko makakalimutan ang pagkakulit-kulit na friendship namin ni Chinggay, promise!!! Ang kulit naming dalawa pag magkasama kami. Gayundin ang magkapatid na Alhs at Donna at siyempre pa si Nine (Arline), sina Nympha at Candy na magkapatid rin, ang magbestfriend na Patty at Rachel, ang nasa national team ng volleyball na si Berna (ang lupit pumalo ng bola ng ate kong ito) at ang iba pang naging saling pusa at naging kaibigan ng barkada namin.

Si Jojo ang unang nag-asawa sa lalaki. Ngayon ay manager na si Jojo ng isang call center. Sumunod na nag-asawa si Aris, ngayon ay seaman at nasa barko. Si Floyd ang pinakarich kid, pabalik-balik ng America pero wala lang. De kotse, pero wala lang talaga, hehe. Sinubukang magwork ng buy and sell na mga magagandang kotse kaso nagkaproblema kaya babalik na raw siya ng America ulit para sundan ang dalawang kapatid na babae na kapwa successful, sina Kathleen at Trixie. Si Gie ay druglord (hehe) kasi nagtatrabaho siya sa Mercury drugstore, nurse at board passer si Gie kaso ayaw mag-abroad, ang kapatid niyang si Harry ang nag-abroad dahil ang tinapos ay Med.Tech. May asawa na rin ngayon si Harry at nakatira na sila sa ibang bansa. Si Gie, sabi niya gusto na lang daw niyang magkaanak pero ayaw na niyang mag-asawa. Haha. Na-broken hearted kasi ang batang ito kay Chai after seven years of being steady. Tapos sumunod naman siyang i-brineyk ni Joy after ng kanilang engagement. Ikakasal na sana sila. Noong una nga buong akala ko ay ikinasal na. Nalaman ko na lang na hindi pala natuloy ang kasal. Excited na excited si Gie kaso bigla raw nag-declare ang girl na ayaw pa muna niya mag-asawa na later on ay nauwi rin sa hiwalayan. Ayun, wala na atang siniseryoso ngayon ang badgie. Sa lahat pa naman, si Gie ang consistent na lover boy ahaha. Lahat ay binobola ng batang ito. Ilang friends ko na ba ang nabola ni Gie kaya minsan ay nagagalit na rin ako sa kanya. Pero anuman ang sabihin ko kay Gie, awayin ko man ng awayin ito, isa lang ang sasabihin nito kaya madalas ay napapatawad ko, “sorry direk, tao lang.” Wahahahahaha. Sabi nga ni Alhs, maski ang posteng nakapalda ay tiyak na liligawan nitong si Badgie. Hehe. Pero seryosong mabait si Gie. Consistent 'yan sa maraming bagay o sa lahat halos ng bagay.

Si Mark naman ay saksakan ng kulit, pero napakalovable ng character ng batang ito sa akin. Sweet ito at malambing, on the go lagi sa gimik. "Glads, san tayo?" Iyan ang madalas isalubong sa akin niyan kapag nagkikita kami. Guwapo sana si Mark, malaki lang ang ilong, hehe. Naging girlfriend nito ang barkada ko sa UP na si Calai, pero nauwi rin sa break-up after ilang years. Nasa Ireland na ngayon si Mark, pero kwento sa akin ni Floyd, nagpapadala naman daw ng pang-inom, hehe.

Si Jun-Jun, almost five years na tumira sa America pero nagbalik bayan at nagtatrabaho sa call center ngayon. Noong tinanong ko siya bakit siya umuwi dito sa Pilipinas, ang sagot niya, "Glads, ang hirap ng buhay sa America, kala lang ng iba madali." Kinuwento niya sa akin ang katakot-takot na hirap na inabot niya sa pagtira ng America. Nakumbinse niya akong tama ang ginawa niyang pag-uwi.

Ang magkapatid na sina Randy at Richmond, magkapatid pa rin hanggang ngayon, hehe. Si Randy, sweet din yan, at asensado na sa trabaho niya bilang medrep, balita ko nga ay hawak na niya ang Norte, while si Richmond, hmnnn... mapera na rin daw kasi ang mahal sumingil bilang make-up artist sa mga magazine, hehe.

Sa Bajaro brothers, si Norman pa lang ang nag-asawa, binata pa si Nathaniel na ngayon ay engineer na pero team leader ng call center, at si Niel ay programmer na pabalik-balik na lang ng America.

Sa mga babae naman, si Nine (Arline) ang unang nag-asawa, may dalawa ng anak at ngayon ay nagtatrabaho sa Podium. May ibang kuwento ako kay Nine s’yempre. Pero saka na iyon.

Si Rochelle o Ching ang sumunod na nag-asawa. May iba rin akong kuwento sa batang ito. Maski makulit kami ni Ching sa isa’t isa, iba ang friendship namin nito, iba ang lalim. Laging may iyakan. Laging may heart to heart talk. Ex-boyfriend niya si Jun-jun (drummer dati ng bandang Mojo Fly nun si Kitchie Nadal pa ang lead singer. Isa si Ching sa dahilan kung bakit ko binabalik-balikan ang Greenheights, napakarami kong fond memories sa kanya, kaso nasa America na siya ngayon, may asawa’t anak na siya. Mataray si Ching, pretty, Lasalista, matalino, kikay at baduy (hehe). Ochie ang palayaw niya sa St. Scho at La Salle, at sa ibang friends niya. Siya naman si Chinggay sa amin. Baduy o korni daw siya in a sense na napakahilig niya sa tagalog movies. Sa lahat ng sosyal at rich kid, eto ang nakabonding ko na manood ng mga old Aga movie at old Sharon movie. Noong bago siya umalis papuntang America ay tinawagan niya ako para sabihing pumunta ako sa party niya dahil baka hindi na kami magkita ulit. Grabe ang iyak ko noong unang umalis siya (hindi niya syempre alam iyon, hehe). Kasi wala na akong Ching na pupuntahan kapag gusto ko ng kausap at kakulitan during boring moments. Wala ng Ching na mangungulit sa akin sa bahay para sabihing “Glads, libre mo ‘ko!” o kaya’y “Glads, pautang!” Wahahahahaha. Pero talagang masaya ako sa nangyari sa buhay niya, she’s happilly married at may mansion na siya sa America. Wow!


Si Gina, hay si Gina, akala ko talaga ay hindi na mag-aasawa si Gina. Siya ang pantasya ng bayan, hehe. Halos ata lahat ng barkadang lalaki ay nagka-crush kay Gina. Ang iba ay nagtangkang lumigaw pero nabasted. First love siya ni Aris. Alam ko nga pati si Floyd eh (kaso deny to death ang batang ito), niligawan siya ni Gie na later on ay naging girlfriend si Chai (kapatid ni Gina), niligawan siya ni Vannie, ni Niel at ng kung sino-sino pa. Maganda si Gina, pero hindi siya basta maganda lang, saksakan ng bait at hinhin. Makulit rin kung minsan pero siya talaga ang tampulan ng tukso. Siya si “bangus, ginatan, etc” sa barkada namin. Kung wala si Gina sa lakad ng barkada, maraming tinatamad sumama, kaya dapat ay lagi siyang present. Nagkataon na ako ang pinakamalakas kay Gina. Kapag sinabi niyang “Ayoko Glads,” sasabihin ko, “Sige na Len, please?” Len o Lin-len ang tawag ko sa kanya dahil ang tunay na pangalan niya ay Ginalyn. Ayan, pag may please na ako, mapapa-hay naku na ‘yan, sabay pasok ng kwarto, at pag labas niya, aalis na kami na kasama siya hehe. Kamakailan lang ay nag-asawa na rin si Gina. Malapit na rin siyang maging mommy ngayon.



Si Chai o si Chit, o si Chit-chay na ang tunay na pangalan ay Charisse ay dalaga pa rin. Cum laude ito sa UST, Fine Arts major in Int. Design. Matalino ang batang ito. Saksakan ng taray pero pretty lalo sa picture. Magaling sumayaw at kumanta. Talentado ito. Nakilala ko at naging friendly friends ko ang mga UST friends niya esp. si Trish. Kami ni Chai ang unang mag-bestfriend sa barkada. Kung hindi sa aming dalawa, hindi lalaganap ang barkadahan sa grupo. Sumali siya sa volleyball team namin sa Phase 3 noong siya’y thirteen years old. Naging close kaming dalawa hanggang sa ipinakilala na niya sa akin ang buong angkan niya. Hehe. Mula noon ay naging tambay ako sa Morocco St., hanggang sa nakilala ko na sina Aris, Ching, Alhs, Donna, at si Arline. Hanggang sa nadagdagan ng nadagdagan ang numero ng barkada namin. Naging magkaibigan kami ni Chai noong hindi pa ako writer sa komiks. Si Chai ang nag-motivate sa akin na magsulat ng magsulat. Sa katunayan, magsulat lang ako ay ipinagtatype niya ako ng script araw-araw. Hanggang sa natuto na akong magtype sa type writer courtesy of Chai talaga dahil siya ang nagturo sa akin.


Sa lahat, ang magkapatid na Alhs at Donna ang madalas ko pa ring kasama sa mga gimik at lakaran magpahanggang ngayon. Pati na rin sina Gie at Les. Kaming lima ang natitirang “friendship” na consistent na nagkakasama-sama at nagba-bonding. Sa bahay man nina Alhs, sa bahay ko, sa bahay nina Gie at maging kina Les sa UP. Si Alhs, manager dati ng Greenwich pero ngayon ay nasa isang sikat na resto na, si Donna, Makati gurl pa rin at si Gie, druglord pa rin sa Mercury drugstore (just kidding). Si Les, super dictionarian ang tawag ko d’yan at ako, eto... isang naghihikahos na writer pa rin.







Sa tuwing naalala ko ang mga kaibigan ko sa Greenheights, natutuwa akong alalahanin ang lahat. Marami kasing masayang memories, mga pinagsamahan at kasiyahang tila walang katapusan, mga pag-ibig at mga pangarap. Mga awayan, tampuhan, selosan, at totoong pagkakaibigan. Karamihan sa barkada ko sa Greenheights ay successful sa kani-kanilang piniling career. Walang puwedeng ikahiya. Walang puwedeng itapon. Hindi man nila ako naging guro sa paaralan, naging guro naman nila ako sa maraming bagay at maraming pagkakataon. Hindi man nila ako tinawag na ate o mam, tinawag naman nila akong Glads o direk. At higit sa lahat, nagkasama-sama kami sa isang panahong masaya at punong puno ng sigla at buhay, sa panahon ng kanilang kabataan, sa panahon ng kanilang paglaki.

May kanya-kanya na kaming buhay, may iba’t iba na kaming prioridad at pinagkakaabalahan, maminsang nagre-reunion kami pag may birthday, pag may nagbabalik-bayan, pag Pasko o Bagong Taon, pag may ikakasal at pag may aalis.

Hanggang ngayon ay naalala ko ang dati naming sumpaan, “katuwaang sumpaan”, pag matatanda na raw kaming lahat, pupunta pa rin kaming Antipolo, kasama ang mga anak at apo ng bawat isa sa amin, at si Gina, hehe... siya raw ang tagapag-alaga ng lahat ng aming mga anak at apo. Kaso, hindi tumandang dalaga si Gina eh gaya ng panunukso ng lahat sa kanya noon. At eto, soon to be mommy na ang drama ng ate Gina namin.

Anu’t anuman ang nangyari o mangyari, lumipas man ang panahon, magkahiwa-hiwalay man kami ng landasin sa mga susunod pang mga araw, naniniwala ako, pasasan ba’t mangyayari at darating ang araw na nasa Antipolo kaming lahat at masayang pinagkakatuwaan na naman si Gina, habang pinag-aalaga siya ng mga anak-anak o apo ng bawat isa sa amin. Ay hindi pala, habang ipinag-aalaga pala namin siya ng anak niya, hehe. Alam naming pipila kami ulit sa last full show sa panibagong version ng pelikulang Titanic at sa pagkakataong iyon, siguradong discounted na kami pati sa pagkain namin sa mga resto dahil sa aming mga senior citizen’s card, haha. Magkakasama pa rin kami sa simbang gabi, sa mga Pasko at Bagong taon, sa mga birthday at reunion. Naniniwala ako na kumpleto pa kami sa panahong iyon.

Umaasa ako na kumpleto pa kami.

***

Wednesday, June 25, 2008

SOULMATE

Naniniwala ka ba sa soulmate?

Siguro totoo. Puwede ring hindi. Depende sa pagtingin at paniniwala ng tao. Sa iba, ang soulmate eh yung lovers, o yung mag-asawa, basta yung may romantic feelings. Sa kaso ko ay iba, in this life, naniniwala akong natagpuan ko ang aking soulmate sa katauhan ng isang matalik na kaibigan.

During my younger years, I've met someone na maski ako ay hindi ko lubusang mapaniwalaan na malayo ang mararating ng aming pinagsamahan. She is Sonja Barbara de Lima Munoz. She's 45 years old then and I'm 18. Halos mag-ina ang aming age gap. Kaedaran ko nga ang panganay niyang anak na si Bembet. Halos magpang-abot kami ng isip ng binatilyo niyang si Miko, at gayundin si Chico na bunso niya. Pero si Son ang gusto kong kaibigan, walang iba.


Sa likod ng CCP, kami ata ang orig na nagpauso ng tiangge, hehe. Sa stall na ito, mga design ni Son ang produkto na ibinebenta.

Kaklase ko siya ng directing at production design under kay Rolando Tinio noong nag-aral ako ng theater arts sa MET (Metropolitan Theater). First day ng school ay natawag agad ang pansin ko. Nakaupo siya sa isang tabi, laging naka-smile, mabait ang mukha. Nakita ko siyang pumasok sa comfort room during breaktime. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin para sundan siya doon at lapitan. Nakipagkilala ako sa kanya. After ng konti naming chit-chat, sumama na ako sa kanya sa Dunkin Donut para magkape. Kinabukasan din ng umaga, alas siyete ng umaga, kumakatok na ako sa pintuan ng bahay nila. Hehe. And the rest is history.

Araw-araw na kaming magkasama. Kung saan saang lakaran niya ako isinasama. Kung kani-kanino niya akong kaibigan ipinakilala. Ganun din siya sa akin. Kung paanong nakilala ko ang buong pamilya't angkan niya, ganoon din siya sa akin. Nakilala ko ang mga kapatid niya, ang mga anak, ang mga apo, ang mga kaibigan, ang mga boyfriends at nais maging boyfriends. Hehe. Naging bahagi siya ng pamilya namin. Dalawang kasal ng kapatid ko na siya ang nagdesign ng wedding gown. Lahat ng play ko halos ay siya ang production designer, kung hindi man, siya pa rin ang adviser ko. Siya ang impluwensiya ko sa maraming bagay lalo na pagbabasa ng mga libro ni Edgar Cayce. Napakarami niyang itinuro sa aking mga bagay na hindi alam ng isang taong wala pang direksiyon sa buhay na tulad ko. Hanggang isang araw, sinabi ko sa kanya na balang araw ay may mararating ako bilang manunulat gayung hindi ko alam kung totoong marunong akong magsulat. Sabi niya, naniniwala siya sa akin. Sabi ko pa nga yayaman ako sa pagsusulat (hehe) though hindi pa iyon nagkakatotoo. Sinabi ko iyon sa kanya na ang laman lang ata ng pitaka ko ay limang piso, pamasahe ko lang pauwi. Ganun kalakas ang fighting spirit ko, ganun din kalakas ang fighting spirit niya para sa akin. Hehe. Pero anu't anuman ang nangyari sa buhay ko, mula teatro, komiks, tv, UP, etc, lagi siyang nandiyan. Hindi siya nawawala sa tabi ko.


Pareho pa kaming naka tuck-in. Hehe.

Son is a very talented person. An artist, a designer, a writer. Nakapag-one woman show na siya sa Manila Hotel sa kanyang mga painting. Ako ang number one fan niya. Hindi lang dahil sa magaling siyang writer at artist, kundi magaling siyang tao. Mabuti siyang ina, mabuti siyang kaibigan.


Galit siguro sa akin ang kumuha ng pix kaya kalahati lang ako, hehe.

Dahil sa marami naming pinagdaanang problema na magkasama kami, dahil sa mga nakakatuwang karanasang hindi naming makalimutan, dahil sa mga pagkakataong ibinigay sa amin para patunayan ang aming friendship, sabi namin sa isa't isa, siguro soulmate kami. Kasi hindi pangkaraniwan na maging matalik na magkaibigan at maging magka wave length ang dalawang taong magkaiba ang henerasyon. Enjoy ako sa mga kuwento niya tungkol sa kanyang nakaraan. Ewan, pero napipiktyur sa isipan ko ang mga kuwento niya sa akin. Nakatatak ang bawat detalye. At maski ang lugar na hindi ko napupuntahan ay tila detalyadong nakalarawan sa aking diwa't isipan. Basta pakiramdam ko ay napuntahan ko na ang mga napuntahan niya. Parang naroon ako sa mga pinagdaanan niya. Parang saksi ako sa mga pangyayaring ikinukuwento niya sa akin. Hindi ko alam kung bakit may ganoon akong pakiramdam. Sa kanya lang naman. Maski ipaulit-ulit sa akin ng maski na sinong tao ang kuwento ng buhay ni Son ay kaya kong ikuwento. Mula pagkabata niya, hanggang pagdadalaga, ang pag-aartista (nag-artista siya noong 60's pero sandali lang), hanggang pag-aasawa, detalyado ang mga kuwentong ito sa isipan ko. Hindi ko nakakalimutan ang mga kuwento niya sa akin tungkol sa nakaraan niya.

At maging siya rin naman, anuman ang pinagdaanan ko'y nasaksihan din niya. Nakita niya ang bawat iyak ko, narinig niya ang bawat hagulhol ko, naramdaman niya ang mga sakit at sugat ng puso ko. Maraming pagkakataon na tinulungan niya akong mapaghilom ang mga sugat na iyon. Saksi siya sa mga pangarap na binuo at unti unti kong tinupad. Saksi siya sa mga kabiguan ko at sa mga pagtatangka kong makabangon. Walang sawa din siyang nakinig sa mga kuwento ng buhay ko. Kung ano ako ngayon, kung paano ako mag-isip, kung paano ako magsulat, kung paano ako magmahal, alam kong hinugot ko ang mga ito sa buhay at karanasang kasama siya.

Nitong nakaraang mga taon ay hindi kami masyadong nagkikita at nagkakausap ni Son. Naging abala ako sa maraming bagay. Wala pang isang linggo nang maalala kong tawagan siya sa telepono, mahigit tatlong taon na ata kaming hindi nagkikitang dalawa. Maminsang dalawin ko siya sa bahay, makipagkita sa kanya, o kaya'y tawagan. Ganoon na lang ang komunikasyon naming dalawa nitong mga huling araw. Pero walang nagbabago sa tono ng boses namin, sa paraan ng pag-uusap namin, sa mga biruan namin, sa mga patutsadang kami lang ang nagkakaunawaang dalawa.

Kaninang tanghali, naalala ko na naman siyang tawagan. Eto ang aming naging pag-uusap.

Sinagot niya ang telepono, "Hello."
Ako: O Son, aalis ka ba?
Hindi ako nagpakilala sa kanya, pero alam niyang ako ang kausap niya, alam ko ring siya ang nakasagot ng phone.
Siya: Ay teka, oo.
Ako: San ka punta?
Siya: Bakit?
Ako: Puntahan sana kita.
Siya: Aalis ako, may dinner kami mam'ya.
Ako: Ganun?
Siya: Teka, nabuksan mo na ba ang e-mail mo?
Ako: Alin? Bakit nag-email ka na ba sa akin?
Siya: Hindi nga eh. Pero...
Ako: Bakit nabasa mo na ang blog ko?
Siya: Oo, yun nga, sumulat nga ako sayo dun kaya lang... ano eh... teka, hindi ata nagsend.
Ako: Ay bakit sayang? Nakita mo na ang bahay ko?
Siya: Oo, sabi ko nga sayo dun kelan mo ako dadalhin sa bahay mo? Kaso nag-hang na eh.
Ako: Ngayon, kaya nga kita tinawagan eh. Pupuntahan ka sana namin ni Les. Dito ka matulog sa bahay ko. Kaso may dinner ka naman. Teka, bakit ka ba may dinner?
Siya: Bakit ka ba tumawag?
Ako: Ayun nga, gusto nga kitang makita.
Siya: Namimiss mo na ako 'no?
Ako: Oo, namimiss na kita. Kaya nga pupuntahan na kita eh.
Siya: Akala ko pa naman may importante kang sasabihin sa akin.
Ako: Yun nga, hindi ba importante yun? Gusto nga kitang puntahan. Ano ka ba naman?
Siya: Hindi 'yun. Wala ka man lang sasabihin? Wala ka bang naalala?

Ayun na. Tumawa na ako ng malakas. "Happy birthday!!! Birthday mo nga pala!!! Teka, bakit nga ba? Teka, bigla ko na nga lang naalalang tawagan ka. Tapos inisip ko nga na sunduin ka para dalhin kita dito. Ay grabe soulmate talaga kita."
Tumawa rin siya.

So nagkasundo kami na bukas na lang ang date naming dalawa para sa kanyang birthday. Susunduin ko siya para dito siya sa bahay ko magstay at matulog. Dahil hinahanap na rin siya ni nanay at ng mga kapatid ko. Saka malalaki na sina Pupu, gusto rin siyang makita. Sabi pa niya, "Oo nga, gusto ko ring makita si Len". Nanay ko si Len, hehe. Leni kasi si mother. Iyon ang tawag niya kay nanay.


Sina Son at Len, kasama sina Arline, Apa at Rona.

Tapos tumawag ulit ako. "May picture ka ba sa e-mail mo? Forward mo naman sa akin kasi gagawa ako ng article ko sa blog tungkol sa iyo.
Na-excite siya. "Uy talaga? May picture ako sa friendster."
"May friendster ka?"
"Oo naman, anong palagay mo sa akin?"
"Anong address mo?"
"Ay hindi ko alam."
Tumawa ako ng malakas. "Ano ka ba? May friendster ka hindi mo alam ang address?"
"E kasi si ano ang nagbubukas lang... ano eh..." Si ano, apo ata niya yun.
"O eh paano ko makukuha ang friendster account mo? A siguro sa email no?"
"Oo nga siguro, kasi bakit si ano, natitingnan niya ang friendster ko pero hindi ko naman ibinibigay yun address. Naisip ko, puwede siguro makita iyon kahit na sino."
Oo nga naman sa loob-loob ko, kaso nagtuut na ang phone ko. Naubos na ang load kaya hindi ko na siya natawagan ulit.

Eto ang bumulaga sa friendster niya, hehe.

Si Son noong kapanahunan niya.

Ganyan kami mag-usap. Parang walang kwenta. Parang napakaordinaryo. Parang kwentong barbero lang namin ang mga pinagdaanan naming magkaibigan. Parang hindi totoong may isang taong gaya niya na konektado sa buong pagkatao ko. Dahil ang importansiya niya sa akin, ang halaga niya sa buhay ko ay hindi basta hanggang kuwento lang o isang kuwento lang.

Sa puso ko, sa isipan ko, sa pagkatao ko, karugtong ng buong ako ang mga pinagsamahan namin. She's my bestfriend, my soulmate, she's within me and i'm within her. At alam kong ang friendship namin na ito ay kapwa namin babaunin saan man kami magpunta. Naniniwala nga kaming magkikita at magkakasama pa kami 'til next life eh. Hehe.

May kanta ako sa kanya noon at kanta ko pa rin ito sa kanya magpahanggang ngayon. Eto 'yun...

If I have only one friend left, i want it to be you...

Love you Son, happy __th birthday, hehe.

Tuesday, June 17, 2008

MALIKHAING PAGSULAT 101 ( isang papel at pagsusuri)

Sinimulan ko ang pagtalakay ng romansang nobela sa blog na ito sa pamamagitan ng artikulo na UNDYING ROMANCE. Sinimulan kong buksan ang paksa sa pagtalakay ng mga suliraning nakapaloob dito. Mga suliraning nakapaloob sa konteksto nito, mga manunulat, publisher, mambabasa atbp. Hindi sa nais kong gawing negatibo ang artikulong iyon, kundi dahil para buksan ang paksang ito sa isang mas makatotohanang pagtalakay. Ang romansang nobela at maging ang kasaysayang nakapaloob dito ay hindi isang escapismo, kundi may totoong kasaysayang pinagdaraanan sa lipunang Filipino. Bata pa ang romansang nobela dito sa Pilipinas kung ikukumpara sa ibang bansa. Naging masigla ito sa market simula 1980's-90's dahil sa ilang pangunahing dahilan. Taong 2000 nang unti-unti itong nanamlay dahil sa mga sangkot na isyung pulitikal, pagbaba ng ekonomiya ng bansa, pag-unlad ng teknolohiya (internet, video games, etc.) paglakas ng telebisyon at iba pang libangang o aliw ng mga Filipino. Pero sa kabila ng pagsasara ng ilang malalaking publikasyon(Valentine Romances, ABS-CBN Publishing House, etc), nanatili itong nasa market (bookstore man o bangketa) dahil patuloy na may mambabasang tumatangkilik dito.

Narito ang unang bahagi ng artikulo na isinulat ko bilang papel at pagsusuri sa aking masteral tungkol sa mga tradisyunal na konsepto ng romance novel na unti-unting nagkakaroon ng inobasyon sa pagsulong ng panahon.


GLADY E. GIMENA
98-78027

MALIKHAING PAGSULAT 215 (UP DILIMAN)
DR. LILIA QUINDOZA SANTIAGO

ANG TRADISYUNAL AT INOBASYON SA ROMANSANG NOBELA (PART 1)




Sa konteksto ng lipunang Pilipino, malaki ang kadahilanan ng malaking populasyon ng mahihirap, pagbagsak ng ekonomiya, at pagdami ng OFW kung bakit naging popular ang romansang nobela. Naging panandaliang paglimot nila ang pagbabasa ng ganitong uri ng babasahin na may temang mababaw, at mga feel good na istorya. Sa kaso naman ng mga OFW sa ibang bansa, naging libangan nila ito at pampatid ng kanilang pagkasabik sa bansang Pilipinas. Dahil ang pakiramdam nila, sa pagbabasa ng romansang nobela ay nakapaglalakbay ang kanilang isip patungo sa mga tauhan, pook, pangyayari na nagaganap sa Pilipinas.

Ang romansang nobela ay may pormula na love story, kadalasan ay love triangle ang conflict,pero happy ending pa rin sa kabila ng mga paghihirap ng bidang tauhan. Magaan lang ang pagkukuwento o ang naratibo upang madaling maunawaan ng mga mambabasa nito. Ang bawat eksena ay may laging mayroong tinatawag na kilig moments para sa mga bidang babae at bidang lalaki. Lantad na ang pormulang ito ng romansang nobela. Magpapaiyak, magpapakilig, magpapalibog, at sa bandang huli’y magpapaligaya ng mambabasa dahil sa konsepto ng happy ending o sa konsepto ng aliw bilang escape.
Bakit nga ba kailangan ay happy ending? Para maging magaan dalhin ng mambabasa ang buhay na nakapaloob sa romansang nobelang kanyang binasa. Ang pagbabasa ng mga ganitong tema ay isang paraan ng escapism o pagtakas sa realidad. Iyon ang gusto ng tao, dahil sa totoong buhay ang gusto ng tao ay may happy ending, at walang may gusto ng tragic ending. Pandadaya man ito o hindi, ang mahalaga`y panandaliang makalimot ang tao sa kahirapan.

Palaging bida ang babae na api, katulong o anak ng dukha. Makikilala niya ang isang lalaking adonis, mayaman at bohemyo, pero iibigin siya ng lalaki maging sino man siya. Pag-asa at pagkakataon ang ibinibigay ng ganitong tema sa kamalayan ng mambabasa. Malinaw na nakaangkla ang pormulang ito sa Cinderella plot. Inaapi ang bidang babae, may kontrabida na magpapahirap ng buhay niya at sa bandang huli ay darating ang kanyang prince charming na magsasalba sa kanya mula sa kaapihan. Ang bidang babae kadalasan ay nagiging idolo ng kanyang mambabasa. Kagaya ni Sharon Cuneta na iniidolo ng kanyang mga fans bilang babaeng mahirap na yumayaman dahil sa taglay na katangian ng magandang tinig o galing sa pag-awit, o kaya’y babaeng basurera na masikap sa buhay, o mabait na anak, o babaeng lumalaban sa asawa. Dahil sa mga ganitong role na ginampanan ni Sharon Cuneta kaya siya minahal ng kanyang mga fans at kung bakit siya patuloy na tinatangkilik sa kasalukuyan. Naka-pattern din siya sa Cinderella plot. Dahil pamilyar na sa mga mambabasa ang ganitong pormula, madaling nalangoy ng romansang nobela ang tagumpay nang ginamit din ang ganitong pormula.

Ngunit sa paglipas ng ilang panahon, nagkakaroon na rin ng mga pagbabago ang romansang nobela. Mula sa ganitong tradisyunal na konsepto ay unti-unti na ring nagkakaron ng mga inobasyon. Ang babae ay hindi na lamang basta api. Nagbago na rin ang trend sa mga kababaihan. Mas naging liberated na ang pananaw ng ilang manunulat tungkol sa gender issue kaya’t nagiging repleksiyon ang kanilang mga tauhang babae ng mga makabagong pananaw na ito.

Ayon sa nobelistang si Maia Jose, paniniwala niya`y isang legal na labasan ng “libog” ng mga kababaihan ang romansang nobela. Kung sa lalaki `y legal na ang magbasa ng playboy magazine, dito sa ating bansa ay ito naman ang legal na basahin ng mga babae. Sa pamamagitan ng ganitong uri ng babasahin ay napapalaya ang mga inhibisyon ng babae sa sex. Naipapakita sa lipunan na ang babae `y may pangangailangang seksuwal. Hindi na ang babae ay basta na lamang naghihintay na sipingan sa kama ng lalaki kundi ang babae ay nagyaya na rin at sumisiping na rin sa isang lalaki ng kusa. Sa pamamagitan ng ganitong pagpapalaya, hindi na isang imahe lamang ng kaapihan ng patiarchal society ang role ng mga babae. Hindi na siya basta ina, asawa, madre, puta, bruha. Isa na siyang tao na may mahalagang papel sa lipunan. Sa pamamagitan ng romansang nobela ay nagkaroon na ang babae ng pisikal na anyo. May “libog” na kailangang tugunan, may pangangailangang seksuwal, may kayang gawin upang humubog ng isang lipunan. Ang ganitong pagbabagong anyo mula sa tradisyunal na karakter ng isang tauhang babae ay masasabing mapangahas. Matibay at matatag ang mga kumbensiyong binabasag ng mga gumagawa nito kaya’t pagkaminsan ay nahahatulan ang isang romansang nobela bilang isang “porno magazine”. Tinutuligsa na rin ito ng mga kritiko at moralista bilang isang basurang babasahin. Hindi nasusuring mabuti ang mahalagang kontribusyon nito sa lipunan bilang daluyan ng progresibong kamalayan ng mga kababaihan.


Totoong ang romansang nobela ay naging daluyan ng progresibong kamalayan ng isang babae. Ang nagbabasa nito ay inang maybahay, empleyada, guro, estudyante, tindera, katulong, at iba pang magkakategorya sa mga pangkaraniwang babae ng lipunan. Dahil na rin sa pagtatangka ng ilang manunulat na palayain ang mga babae sa mula sa kulungan ng patriyarkal na sistema, ang mga mambabasa’y nagiging conscious na rin sa isyu ng “kaapihan ng mga babae” sa lakas at kapangyarihan ng lalaki sa lipunang patriyarkal.

Noon, ang mga karakter o tauhan na ginagamit sa mga babae ay babaeng mahina o martir, babaeng puta, babaeng asawa o ina, babaeng bruha, babaeng kabit, babaeng api. Ngayon ay nagre-react na ang mga manunulat dito. Tumutugon sila sa kanilang mga nababasa. Lumilikha na sila ng mga karakter o tauhan na ultra independent, o bidang liberated. Nagagalit na ang mambabasa sa ginagawang panggigipit ng mga karakter o tauhang lalaki sa babae. Nagwawala sila sa panghahalay na ginagawa sa imahe ng babae. Nagrerebelde sila sa ginagawang pang-aapi sa bidang babae. At sa huli `y lumalaya sila sa tuwing nagtatagumpay ang bidang babae. Idolo nila ito. Dahil isinasantinig ng bidang babae ang kanilang kalooban. Nakakamit nila ang tagumpay kung nagtagumpay ang kanilang idolo.

Sa romansang nobela, bagama`t hindi malay ang ilang manunulat nito sa isyung pangkababaihan, ang iba’y mayroon na ring tendensiya na kumawala sa kahon ng tradisyunal na konsepto. May isinusulong na rin ang ilan na mga progresibong ideya na nagtatangkang basagin ang kumbensiyunal na karakter ng mga babae. Kahit sa mga simpleng salita o dialogue ay mapapansin ang mga ito. Halimbawa, kung dati rati’y sasabihin ng isang babae sa isang lalaki ang : “Mahal kita, ikaw ang buhay ko. Ngayon ay sinasabi na ng babae sa isang lalaki ang : “Mahal kita, pero may sarili akong buhay.” Sa simpleng pagbabago ng salita ay nagkaroon ng isang malaking pagbabago sa kalagayan ng isang babae. Mula sa isang babaeng dependent sa isang lalaki, naging dependent na siya sa kanyang sarili.


ANG ILANG MANUNULAT NG VALENTINE ROMANCES

Sa romansang nobela ay tahasang tinalakay na rin ng ilang manunulat kung paano ang lalaki ang kabit at hindi ang babae. Pagtalakay ng mga kuwento ng lalaking nasa bahay habang ang babae ang nasa opisina. May kuwento ng isang babaeng siya ang nanligaw sa kanyang nobyo. May kuwento ang isang babaeng nakipag-one night stand siya sa isang lalaki at pagkatapos ay nagpakasal siya sa ibang lalaki kinabukasan. May kuwentong walang takot na humiwalay ang isang babae sa kanyang asawang babaero at hindi na siya bumalik pa kahit sampu ang anak niya. Mga kuwento ng babaeng hindi nakadepende sa lakas ng isang lalaki. Higit pa dito ang lawak na maaaring languyan ng isang babae. Higit pa dito ang kapal ng teksto na maari nilang isipin at gawin. Sa loob ng romansang nobela, malayang nalalaro ng mga babaeng manunulat ang mga bagay na nais nilang gawin sa kanilang sarili na hindi nila nagagawa sa tunay na buhay.

Ang ganitong proseso ang nagpapakawala ng takot sa mga mambabasang babae o sa mismong manunulat na babae upang isang araw ay harapin nila ang hamon ng lipunan at sagutin ang tanong na “babae, ano nga ba ang kaya mo pang gawin?”

May mga nagsasabi na ang lalaki pa rin naman daw ang mas malakas sa babae sa loob ng romansang nobela dahil lagi pa rin daw nakadepende ang kuwento ng isang happy ending sa lalaki. Babalikan ng lalaki ang babae at magiging masaya na sila. Makikita ng babae ang balahibo ng lalaki sa dibdib at lilibugan na siya. Machismo pa rin ang umiiral na kamalayan sa mga babae. Simple lang ang tugon dito. Dahil ang romansang nobela ay hindi isang kilusan na pangkakababaihan na may isinusulong na pansariling interes. Ang mga akdang mababasa sa romansang nobela ay pagpapakilala lamang kung ano at sino ang babae ng lipunan ngayon at kung ano pa ang mga potensiyal niya at kayang gawin sa susunod pang panahon.

***

Monday, June 16, 2008

PET NAME

OBOL

Ang pamilya namin ay napakahilig mag-alaga ng hayop. Pusa, aso, manok, baboy, kambing, bibe, pagong, ibon, kalapati, Japanese chicken, isda at marami pang iba. May pusa nga kaming umabot ang edad sa fifteen years (15), at ang aso namin na si Snowball a.k.a. Obol ay halos magsasampung taon na ngayon. Ang hayop na mga inalagaan namin ay hindi nakaligtas sa pagbibigay namin ng petname o tagunya. Petname talaga, dahil pet namin sila. Hehe.

Eto ang ilang memories ko tungkol sa kanila at tungkol sa mga pangalan nila at sa mga unique na katangian ng mga pet naming ito.

KYUTAY AND KOPIT
Bata pa ako ay may kuting na kami na ang pangalan ay Kyutay at Kopit. Magkapatid ang dalawang ito. Si Nanay ang nagpaanak sa nanay nilang pusa. Noong lumipat kami sa Yakal Tondo noong pitong taong gulang pa lang ako, naiwan sila sa BNCAT Siniloan Laguna. After one year, binalikan namin sila. Si Kopit, nabalitaan namin na namatay ito kaya't si Kyutay na lang ang nadala namin ng Manila. Noong kinse anyos na ako, nakakuha ng bahay through PAG-IBIG si nanay sa Greenheights, Marikina. Kabilang ang pamilya namin sa kauna-unahang pamilya na tumira sa lugar na iyon na naroon pa rin magpahanggang ngayon. Dinala namin si Kyutay sa Marikina, kasama siya sa lipat-bahay na trak. Naging lola ang pusang si Kyutay. Nag-ulyanin. To the point na manguha ng kung sino sinong kuting para kanyang pasusuhin. Noong huling araw na nakita namin siya, naglalambing siya kay Nanay. Hindi na siya umuwi mula noon. Sabi ni Nanay, ganoon daw talaga ang hayop pag malapit nang mamatay dahil sa katandaan. Hindi na raw umuuwi ng bahay. Sayang at hindi namin siya nabigyan ng marangal na libing. Hehe.

BIBI
Anak ni Kyutay si Bibi. Kabaligtaran ito ng nanay niyang si Kyutay na napakabait na pusa. Dahil si Bibi, matapang at masama ang ugali. Hehe. Marahil ay nagmana sa barakong ama na palaboy na madalas dalawin si Kyutay sa likod-bahay namin sa Yakal. Pero hindi rin nagtagal ang buhay nito, dahil nawala ito at noong hinanap namin, natagpuan namin na nakabigti ito sa punong aratilis. Pinaglaruan daw ng mga adik sa lugar na iyon. Hindi iyon ang dahilan kaya kami umalis ng Yakal. Pero isa iyon sa nagpapaalala sa akin kung gaano karahas ang lugar na iyon noong mga panahong nakatira kami doon.

AMPUNANG
Si Ampunang ay ipinanganak ng kung sinong pusang ina sa likod bahay namin sa Marikina. Inampon ito ni Rona at isinunod sa kanyang pangalan na Banunang kaya’t naging Ampunang. Ampon ito ni Rona. Hanggang sa naging pusa ni Ate Nini si Garfield a.k.a Gagi, malaki at imported na pusa ito, halos doble ang laki kay Ampunang, nag-away ang dalawang pusang ito. Pinagulong-gulong ni Gagi si Ampunang. Mula noon ay naglayas na si Ampunang. Maminsang umuwi ng bahay, pero sa tuwing nakikita ang kanyang pusang kaaway, binibirahan na naman nito ng layas.

SABINA OR SABINONG
Isang kuting ang pumasok sa kusina ng bahay namin sa Marikina, at ayaw ng lumabas maski anong gawing taboy. As usual, naispatan na naman ito ni Rona at muli, inampon na naman niya ito. Pinangalanan niya ito ng Sabina dahil kasikatan noong ng teleserye ni Angel Locsin na Mahika kung saan ang pangalan niya dito ay Sabina. Kalaunan ay tinawag namin itong Sabining. Hanggang sa isang araw, natuklasan ni Rona na lalaki pala ito dahil lumaki ang balls. Agad pinalitan ni Rona ng pangalan at ginawang Sabinong, ngayon ang tawag na sa kanya ay si Nong o Nong-Nong. Lumaki si Nong na ang amo ay si Rona. Sa sobrang pagmamahal nito kay Rona, tuwing umaga ay gumigising si Rona na may katabing patay na daga. Lahat nang nahuhuli at napapatay ni Nong na daga ay ipiniprisinta muna nito kay Rona. Hehe.


SASSY
Bago pa sumikat ang Korean movie na Sassy Girl, nagkaroon kami ng Persian cat na ang pangalan ay Sassy. Maganda ito, malaking pusa, maraming balahibo. Plano sana namin itong ihanap ng asawa para magkaroon kami ng maraming kutingis na cute. Kaso isang araw, nagpunta ito ng bubong ng bahay sa Marikina. Inaakyat namin ito para hulihin. Hanggang sa nakasanayan na nitong gawing teritoryo ang bubong. Isang araw, nawala si Sassy. Nabalitaan namin na kinuha ito ng binatilyong si Badong at ibinenta sa isang Japayuki raw (eto ang term ng kapit-bahay na nagreport sa amin). Taga-Greenland daw ang nakabili. Hindi pumayag si Papot na basta na lang ninakaw si Sassy. Hinanap namin ang bahay ng nakabili. Nakita namin na alaga ng isang batang babae si Sassy. Nakatali na ito at iba na ang pangalan. Sabi ko kay Papot, pabayaan na lang. Dahil kung totoong ang nanay noong bata ay Japayuki at madalas na nasa Japan, baka mas kailangan ng batang babae ang pusa naming si Sassy kaysa kailangan namin ito. Pumayag si Papot sa sinabi ko na huwag nang bawiin si Sassy. Hinarap na lang ni Papot si Badong na balita ko’y kinotongan na lang niya, hehe. Dagdag na anecdote: Hindi na ako nagtaka na si Badong ang nagnakaw ng pusa namin para ibenta. Natatandaan ko na madalas niyang nakawan ng baon na tinapay si Nunang noon habang nasa school service sila. Sinita ko nga ito eh, sabi ko, oy Badong, ba’t mo inaagawan ng tinapay si Rona? Natakot ito sa akin. Sa isip-isip ko, pati ba naman baon ng pamangkin ko eh aagawin pa? Isang araw, nakita ko ang baon ni Nunang. Napahagalpak ako ng tawa. Kaya naman pala inaagawan si Nunang ng tinapay, dahil isang supot ng tasty bread ang pabaon sa kanya ng tatay niya. Akala mo, meryenda ng isang baranggay ang baon ng batang ito. Mula noon, hinayaan ko na si Badong na humingi ng tinapay kay Nunang. Hehe.

GARFIELD aka GAGI (Ang pinakakawawang pusa sa balat ng lupa)
Imported ang pusang ito, kulay gray pero kamukha ng character na pusang si Garfield. Marahil kaya ito rin ang ipinangalan dito. Maganda ang pusang ito. Malaki. Lalaki. Pero sabi ni Nanay, si Gagi raw ang pinakakawawang pusa sa balat ng lupa. Dahil nakatali na ay nakakulong pa. Hahahaha. Nagkatrauma si Ate Nini mula nang manakaw si Sassy. Para siguradong hindi na mananakaw. Ibinili niya ng kulungan, at itinali pa niya. Wahahaha. Nakakawala lang ito pag kakain kasalo ang malalaking aso naming sina Peipei, Pawpaw, Owi at Obol. Kaya akala ni Gagi, aso siya at hindi pusa. Kaya noong nakita niya si Ampunang, binugbog niya ito. Hindi niya alam na ang sounds na lumalabas sa bibig niya ay ngiyaw at hindi tahol. Pero noong si Nong ay inampon na ni Rona, hindi naman niya ito sinaktan. Marahil ay narealize niyang pusa pala siya at hindi aso.

Gagi ang tawag dito ni nanay, dahil napakagagong pusa raw nito. Hehe.

PRETTY CAT
Kung uso sa Marikina ang pusang basta na lamang nangungusina, nauso din ito sa bahay ko sa San Mateo. Unang pusang nagpunta sa likod bahay ko ay si Pretty cat. Tinawag ko itong Pretty cat dahil maganda ang mukha at mata. Ewan kung anong toyo ang naisipan ko at itinali ko. Iniisip ko kasing kailangan ko muna itong sanayin para hindi na umalis. Isang buong gabi kong narinig na ngumingiyaw si Pretty cat. Kinabukasan pagbukas ko ng pinto sa labas ng bahay, tali na lang ang nakita ko. Nakakawala na si Pretty cat. Natawa ako. Ito pala ang teknik kung gusto mong layasan ka ng pusang gala na nagpapaampon sa iyo. Itali at pilit itong kakawala. Hindi na bumalik si Pretty cat mula noon. Marahil ay natandaan niyang hindi siya dapat maligaw sa likod-bahay ko dahil may naghihintay na tali sa kanya.

PIPI the TRI-COLOR CAT
Unang taon ko sa San Mateo at gustong gusto kong mag-alaga ng pusa. Isang gabi, nadaanan ko sa kalsada ang isang kuting na palaboy, tri-color ito. Kasama ko noon si Rona at Les. Nilagpasan ito ng sasakyan namin pero makulit si Rona na balikan ito. Binaba niya ito at kinuha. Na-amaze kami sa kuting na ito dahil hindi ngumingiyaw. Tuwing bubuka ang bibig ay walang sounds. Sabi ko iba ito, pusang pipi. Hahahaha. Ayan at may pusa na kami sa San Mateo sabi ko sa sarili ko. Pipi nga lang. Okey ito. Iba. Bago. Inuwi namin ng bahay. Hindi ko inilagay sa likod-bahay. Sabi ko, sa loob ito para hindi na umalis gaya ni Pretty cat na tinakasan ako. Kinaumagahan, panay dumi ng piping kutingis na ito ang kusina ko. No choice ako kundi ang linisin. Bahagi ng kagustuhan kong mag-alaga ng pusa ang i-train ito at linisin ko ang duming ikakalat. Ilang araw namin siyang inalagaan. Okey naman noong una. Okey lang sa akin na magdumi siya. Zonrox at soap powder lang naman ang katapat niyan. Saka may kakain na ng tira kong pagkain na dati-rati ay diretso na sa kaning baboy. Isang araw, inabot ako ng umaga sa pagsusulat dahil sa deadline. Gutom na gutom ako at noon ko lang naisipang kumain. May natirang isang pirasong isda sa ref. Sa gutom ko ay hindi ko na naisipang initin. Pati kaning lamig ay handa na akong lantakan. Ang siste, nilundag ang pagkain ko at nilantakan ni Pipi. Nagdilim ang paningin ko. Nadampot ko at naibato sa bintana. Swak na swak naman ito sa bintana. At dahil pipi nga ay hindi ko narinig na ngumiyaw man lang o nagreact sa nagawa ko. Ilang oras ang lumipas at noong nahimasmasan na ako ay binuksan ko ang pinto ng likod-bahay, wala na si Pipi. Nilayasan din ako.

CHIPIPAY O PIPAY
Ipinangako ko sa sarili ko na ayaw ko ng pumulot o umampon ng kuting. Hindi ko na hahayaan si Rona sa mga padiser niya sa pag-aalaga ng pusa dito sa San Mateo. Hanggang sa napansin ko na madalas na nasa likod bahay si Rona. At sa tuwing pumapasok ay pangiti-ngiti lang. Noong una, deadma sa akin ang mga reaksiyong pinakakawalan nito. Tapos siya ang nagmimismis ng kinainan namin. Siya ang naghuhugas ng pinggan. Aba, bumabait ata si Rona sa loob-loob ko. Sumisipag. Hanggang sa nahuli ko siya, hala, may bago siyang alagang pusa! Ilang araw na pala iyon. At may pangalan na. Si Chipipay a.k.a. Pipay. Chipipay dahil cheap na cheap ang hitsura ng kuting na ito. Mukhang ipinanganak sa basurahan. Kay Rona kasi, pangit o magandang pusa, isa lang ito sa kanya, pusa pa rin ito. Nagtatalak ako. Tawa lang ng tawa si Rona dahil nabuking ko siya na may ampon na naman siyang kuting. Ang sabi ko, “Itatapon ko ang kuting.” Nagsisisigaw naman si Rona, “Tita Glady!!!! Huwag!!!!” Pati sina Pupu at Maimai ay kasama ng nakikiusap sa akin. “Sige, sa isang kundisyon, hindi papasok yan dito sa loob ng bahay. Baka mamya eh lantakan na naman ang pagkain ko.” Tuwang tuwa ang mga luko-luko kong pamangkin. Nagkikindatan sila. Ewan kung bakit.

KIT-KAT
At nalaman ko kung bakit sila nagkikindatan. Dahil isang umaga, nagtatakbo si Rona pauwi ng bahay, nagsisigaw, nagtititili sa kalye, “Tita Glady, Tita Glady!!!” hawak ang isang kuting na inabduct mula sa ipinapagawang bahay ng ate Nini ko. Habol-habol si Rona ng nanay ng kuting para kunin ang ninakaw na anak. “Rona, ano na naman yan? “ sigaw ko. Sabi niya, “Kuting! Sabi mo naman basta hindi papasok sa loob ng bahay mo. Basta sa labas lang.” Tiklop ako. Sa akin nga naman nanggaling ang rules na ito at wala silang binabaling rules ko. No choice ako kundi ang pumayag. Noong araw ding iyon ay pupukpok-pukpok si Rona sa likod-bahay, ginawan ng bahay ang kuting na inabduct niya, pinangalan niya itong Kit-kat. Bale dalawa na ang kuting sa likod-bahay ko, sina Pipay at Kit-kat. Doon sila kapwa lumaki at nagkaisip, sa piling ng kanilang ina-inahan na si Rona. Hehe. Ngunit, subalit, datapwa’t, natuklasan ko na binuhay ni Rona ang mga kuting na ito hindi lang sa pamamagitan ng mga mismis na pagkain kundi sa gatas na bear brand. Bente pesos ang isang pack noon. Tuwing umaga ay may bente pesos akong inilalagay sa ibabaw ng ref, o kaya’y mga barya, pambili ng kung anu-anu sa kusina, asin, bawang, etc. Kinukuha iyon ni Rona pambili ng gatas ng anak-anakan niya. Marami akong piso piso na nagkalat sa paligid, kinukuha iyon ni Rona ng lihim. Siya rin ang naglalaba ng damit ko, at paborito niya ang pantalon at polo. Dahil marami siyang nakukuhang barya at minsan ay bente pa, may swerte pa yan dahil may singkuwenta pesos pa kung minsan. Finders keepers ang laban niyan sa akin. Pambili ng gatas ng kanyang mga kutingis. Nagagalit ako syempre. Kalaunan, hindi na basta niya kinukuha, inihihingi na niya sa akin ng tahasan ang pambili ng gatas ng mga kutingis na ito.


TIGER, KITTY, PRETTY
Nagpunta na ng Canada si Rona. Naturalmente na maiwan sa akin ang kanyang mga alaga sa likod-bahay. Ako na ang nagpalaki ika nga. Si Pipay ay naglayas na dahil hindi sila nagkasundo ni Kit-kat. Nagpunta ito sa harapan ng bahay ni Ate Nini at may nagpapakain na ditong iba. Minsan ay dinadalhan ko rin ito ng pagkain. Kilala kami ni Pipay dahil malaki na naman siya noong nagstow away siya, hehe. Alam din niya na ang pangalan niya ay Pipay dahil lumilingon at lumalapit siya para maglambing sa tuwing tinatawag ko ito.

Si Kitkat ay hindi umalis sa likod-bahay. Naging teritoryo na niya ito. Pero teenager pa lang ito ay nabuntis na. Pinuwersa daw ito ng isang PUSAkal sa creek. Ayaw daw ni Kit-Kat, kuwento nina Pupu. Sila ang nakasaksi. Binabato pa nga raw nila iyong PUSAkal na iyon. Ayun, kay agang naging dalagang ina ni Kit-kat. Ang liit-liit na pusa ay buntis na agad, at ang liliit pa ng tutu. Sabi ko nga, mabubuhay kaya ang anak nito?

Isang tanghaling malakas ang ulan, panay ang hilihid sa akin ni Kit-kat, naiinis pa nga ako kaya itinutulak-tulak ko siya. Malay ko bang naglelabor na ito dahil basa na ang balahibo nito sa bandang pwetan. Kumaang siya sa harapan ko at bigla na lang lumawit ang isang kuting. Nabigla ako. Napasigaw. “Nanganganak na! Nanay, nanganganak na!” Napasugod ang nanay ko at nagtawa. Ayun, ako ang nakasaksi ng panganganak ni Kit-kat. Hindi ko alam ang gagawin ko. Kwento ni Nanay, siya ang humugot kay Kyutay. Hindi ko naman magawa dahil natatakot ako. Kumuha na lang agad ako ng sako. Inilagay ko ang dalawang kuting na halos magkasunod ipinanganak. Akala ko’y tapos na, konti pa ay may nakita na naman ako, “ay may isa pa!”

Ang liliit ng kutingis. Akala mo ay hindi mabubuhay. Pero kahit pala batang ina si Kit-kat, napakabuti niyang ina, wala siyang ginawa kundi ang alagaan at pasusuhin ang anak niya. Kaya naman hindi ko ginutom si Kit-kat minsan man. Lagi siyang may share na isda sa akin. Pinangalanan kong Tiger ang panganay, Kitty ang sumunod at Pretty ang bunso. Si Tiger ang pinakawitty at pinakamatalino sa kanilang tatlo. Pagkaliit-liit nito ay pinanindigan nito ng balahibo si Pochie, astang lalaban ang lokong kuting na ito sa isang maingay na aso. Si Kitty ay junior na junior ni Kit-kat kung hitsura ang pag-uusapan, si Pretty, siya ang pinakamaganda sa tatlo, siya ang bunso, kaso mo ang tanga tanga namang kuting, hehe. Buti na lang at maganda siya. Maski pala sa pusa, uso ang magandang tanga. Ngayon, malalaki na sila at kumakain na ng kanin. Pagkukulit nila sa may kubo, at tuwing nasa likod bahay ako, lagi silang nasa paanan ko. May apo na si Rona. At ako, ang mga kuting na ito ay apo ko sa tuhod. Hahahaha!

Nabili na ni Rona ang katabing bahay ko at may malaking bakuran din siya sa likod. Plano kong ilipat si Kit-kat at ang pamilya nito sa likod-bahay ni Rona. Hehe.

ORANGE CAT
Hay, ewan kung bakit ang likod-bahay ko ay naging pusaan o ampunan ng mga pusa. May isang pusa na ako at tatlong kuting (dahil nagstow away na nga si Pipay), mayroon na namang gustong magpaampon. Isang kuting na kulay orange. Malaki ang mata, bilog na bilog at laging nakikikain sa mga pakainan ng mga kutingis ko. Madalas ko siyang bugawin. Ayoko siyang masanay. Kaso tuwing umaga, nakikita kong kayakap na siya ng tatlong kuting sa pagtulog. Ayun, pinalalayas ko talaga. Pinagagalitan ako ni nanay. Hayaan ko lang daw. Sabi ko, paano kung babae, eh di manganganak na naman yan? Mano daw, sabi ni nanay. Gusto kong pagbigyan ang kuting na ito na makipamilya na kina Kit-kat, kaso naman, naiisip ko, baka may sumunod na naman. Nagpunta kami sa Calauag Quezon, Linggo kami umuwi. Lunes ng umaga, natagpuan siyang patay sa higaan ng mga kutingis. Ewan kung bakit. Sabi ni Ate Bingbing, nakikipaglaro pa raw yun dun sa tatlong kuting noong Linggo ng umaga. Hindi ko alam kung bakit namatay. Wala kaming ideya. Alangan namang ipa-autopsy ko pa siya, hehe. Sabi na lang ni Pupu, naubos na ang nine lives niya. Hahahaha!

TITINA
Tapos na akong magkuwento sa pusa kaya baboy naman. Maliit pa ako nang mag-alaga kami ng baboy na ang pangalan ay Valentina, ang palayaw ay Titina. Ang naalala ko, noong ibinenta ito ni nanay, umiiyak si Titina, at kaming anim na magkakapatid ay nag-iiyakan din at nagpapalahawan ng TITINAAAAAAA!!!!!

MIMI
Pati naman kambing ay ginawa naming pet. Nakatali ito sa loob ng bahay namin. At ang kambing na ito ay kumakawag ang buntot sa tuwing dumarating kami. Akala ata niya’y aso siya. Umiiyak ito kapag nag-aakyatan na kami ng bahay at naiiwan na itong mag-isa. Naghahahalakhakan kami sa itaas ng bahay. Akalain mo naman kasing ang isang kambing ay maging kapamilya namin. Ibinenta ito ni nanay. Marahil noong kinakatay ito, tinatawag nito isa-isa ang pangalan namin pero iisa lang ang sounds na lumalabas sa bibig, miiihhhhh-miiihhhhh.

TIA
Si Nanay ang mahilig mag-alaga ng manok. Si Tia daw ay isang manok na SASU na umaabot ng pitong kilo ang timbang. Hindi raw ito lumilipad dahil maliit ang pakpak at sa sobrang bigat. Nauupo na lang daw ito at wala itong kahirap-hirap hulihin. Lagi itong nasa paanan ni nanay. Isang araw, umuwi si nanay na hinahanap si Tia. Inihain daw ito ni tatay sa kanya at sinabing, “ayan si Tia.” Muntik na raw mahambalos ni Nanay ng palo-palo si Tatay. Hehe.

SALO-SALO TOGETHER

Sina Tiger, Pretty at Kitty, kasalo sa pagkain sina Krukya at Krukyo (SISIW NA SASU). Hehe.

To be continued pa ito...

Saturday, June 14, 2008

TAMBUTSO



Sabi ng mekaniko na gumawa ng kotse ko, wala raw bang dagdag o tip ang bayad ko sa kanya? Sagot ko, manong pwede ko ho bang i-test drive muna bago kayo humingi ng dagdag? Nagpapaalala lang daw siya. Natawa ako na nainis. First time niya akong maging costumer. First time ko rin sa kanya magpagawa. Dahil lumipat nga ako ng bahay dito sa San Mateo, naghanap ako ng mekaniko o pagawaan na malapit lang sa bahay ko. Para hindi ako masyadong mahihirapan. Puwede muna ako sumaglit ng bahay kung gusto ko. Puwede akong magpahinga. Puwede rin akong magpabalik-balik. Less inip at pagod.

Nagtest drive na ako, wala pang ilang metro na tumatakbo ang kotse ko ay umusok nang pagkakapal-kapal ang tambutso. Noon ko lang na-experience sa tanang buhay ko, ang ganoong pagkakapal-kapal na usok. Kulang na lang talaga ay posporo at tila sasabog na pati ako. Biniro ko pa si manong, pwede pala itong kotse ko sa fumigation eh. Natawa pa siya sa joke ko. Sabay kamot ng ulo at hindi alam kung paano ang gagawin para i-trouble shoot ang kotse ko.

Nagduda ako kung nagpagawa ako o kung nagpasira. Ang ginawa ay change oil, tuneup, at nagpalit lang ng ilang parts tulad ng water pump, bossing, valve at sparkplug. Hindi naman ibinaba ang makina ng kotse ko at hindi ito nangangailangan ng break-in. Sabi pa eh, over heat daw agad. Ang lakas ng tawa ko, manong, me overheat bang nahahawakan ko ang makina at ni hindi kumukulo ang tubig sa radiator. Sabi niya, oo nga ‘no? Sabay tawa.

Iniwan ko ang kotse para gawin niya ulit. How frustrating. Result oriented kasi akong tao. Hindi baleng gumastos, basta nagawa ang kailangang magawa. Mahaba naman ang pisi ko kung pasensiya ang pag-uusapan. Minsan lang talaga, may mga pagkakataong napipikon ako kapag ang taong kaharap ko ay masyadong after sa pera.


***

Monday, June 9, 2008

LONG AND WINDING ROAD



Once in a while, nagpupunta kami kung saang saang lugar na kasama namin ang pinsan ko at ang family niya. Sa Baguio, sa Baler, sa Laguna, and this time sa farm naman nila sa Calauag Quezon at Pakil Laguna.

Na-challenge ang hiking skill namin nina Nanay, hehe.

Pero ano ba ang maganda sa nangyari bukod sa pamamasyal, paghahahiking, pagpapagod, pagtulog sa hotel, pagkain ng marami sa isang restaurant sa tabing dagat, pagbibiyahe mula farm sa Calauag Quezon patungo sa Casa Real Farm sa Pakil Laguna. Maraming nangyari. Maraming marami pa.

Well, it's a family bonding para sa aming lahat. Sa amin ni Nanay, kina Apa at sa Mommy niya, kina Kuya Cesar at Ate Lea, etc, etc. Minsan kasi kailangan pang lumayo at magsama-sama para buksan ang mga saradong usaping pampamilya. Masarap mag-unwind at mag-reflect kasama ang pamilya. Masarap pag-usapan ang mga isyung kayo kayo ang sangkot. Alam ang mga detalye at pangyayari, kilala ang kalooban ng bawat isa, batid ang kayang sabihin, at higit sa lahat, pinakikinggan ang mga opinyon at saloobin.

Marami kaming topic na napag-usapan. Ika nga, anything under the sun. Mula kay Juan Tamad at kung paano at bakit ito puwedeng gawing idolo ng mga Filipino, hanggang sa mga Babaylan na sa hinuha ko ay reincarnation sa katauhan ng nanay ko na tila ang papel sa buhay ay maging spiritual healer ng mga naghihingalong puso, hanggang sa pagiging writer ko na hinamon nilang gawan ng tatlong POV ang kuwento ng tatlong tauhang may iisang kuwento pero bida sa kani-kanilang kuwento ng buhay. Ang kuwento ng aking ina, ama, at ang other woman na sangkot dito. Medyo salbahe ata ako sa nanay ko. Biro mo namang gawin kong bida sa kuwento ko ang other woman ng tatay ko, hehe. Well, ito'y paghamon lamang marahil sa akin bilang manunulat kung paano bigyang justification na ang bawat tauhan ay bida sa kanya kanyang kuwento ng buhay.

Pinalagyan nila sa akin ng ending ang kuwento ng tatlong ito, sa paraang ano ang kanilang nararamdaman pag sila ay sumakabilang buhay. Si nanay, kako, nakangiti dahil payapa at nakapagpatawad. Si tatay ay nakangiti subalit may pagsisisi, nakangiti dahil siya'y napatawad ni nanay, may pagsisisi dahil sa siya'y tao na marunong magsisi, ang other woman ay nakatawa o bakas ang paghalakhak sa mukha. Tawanan sila. Bakit daw ang ginawa kong pinakamaligaya ay iyong other woman ng tatay ko? Sa simpleng sagot na dahil sa kanilang tatlo, sa aking hinuha, siya ang hindi pinakanaging maligaya. Bakit ko pa siya bibigyan ng sad ending?

Maraming marami pa kaming napag-usapan. Sinisi pa nila ako sa pagiging excited ko noong dumaan kami sa tatlong M (EME) na sinasabi nila, malabitukang manok na kalsada. Kung saan marami ang nag-aabang na humihingi ng barya kapalit nag paggaguide nila sa mga commuters upang maiwasan ang aksidente. Alimpungatan pa ako nang utusan akong maghagis ng barya. Binigyan ako ni Ate Lea ng barya na may halaga atang isang daang piso at hindi sinasadyang inihagis ko lahat. Aba, malay ko namang isa isa lang dapat. Dahil mahabang mahabang pila pala iyon ng mga guide. Ibig sabihin ay marami-raming dapat bigyan ng pera. Naghahalakhakan sila sa katangahan ko. Nagkuhanan muli sila ng barya at ako na naman ang napag-utusan. Habang ginagawa ko ang paghahagis ng barya ay nakaramdam ako ng guilt feelings, dapat ko ba iyong gawin? Dapat ko ba talagang bigyan ang mga taong iyon ng barya habang nasa panganib ang buhay kapalit ang pagliligtas ng buhay ng mga naglalakbay sa lugar na iyon? Ewan ko. Na-trap ako ng sitwasyon. Ayaw ko dahil nalalagay ako sa estadong nagiging dahilan pa ako para manatili sila doon. Pero gusto ko dahil kaya nga sila nandoon ay dahil kailangan nilang kumita. Maski barya barya. Nalilito ako. Pero ganoon naman talaga ang buhay, nakakalito kung minsan. Akala'y tama ang ginagawa, pero mali pala. Akala'y mali, pero iyon pala ang tama. Salamat na lang at nakalampas na kami sa lugar na iyon.

Marami pang nangyari, maraming napag-usapan. Maraming isyung nabuksan ay natuldukan. Maraming pakiramdam na nailabas. Sa unang pagkakataon ay nagsalita ako tungkol sa aking ama. Kailangan kong sagutin kung ano ang nararamdaman ko sa kanya sa kabila ng ginawa niya sa aming pamilya. Mahal ko ang tatay ko, iyon ang una kong sinabi. Sabi naman ni Kuya Cesar ay mabait si tatay. Patas na tao. Hindi mapang-abuso. Mahinahong lalaki. Guwapo. Sinang-ayunan ko ang sinabi ng aking pinsan. Sinabi ko ring masilbing ama at asawa si tatay. Magaling magbasketball, magaling na coach, guro, atbp. Sa kanya ako nagmana sa pagiging mahilig magluto, sa kanya ako nagmana sa pagkanta, sa kanya ako nagmana sa maraming ugali at gesture. Pero sa kabila ng lahat, sa kabila ng sinabi kong katangian niya, mahina siyang lalaki pagdating sa tukso. Nagawa niyang saktan ang aking ina at ipagpalit sa ibang babae. Nagawa niya kaming ipagpalit sa iba niyang pamilya. Cancer survivor siya at matapos siyang alagaan at ipagamot ng aking ina, iniwan pa rin niya kami. Ano bang klaseng hinanakit at sama ng loob ang maaari kong maramdaman? Natural, masakit na masakit. Pero sa kabila noon, walang tunay na galit at sama ng loob sa puso ko. Dahil mahal siya ng nanay ko, dahil mahal namin siyang magkakapatid. Anuman ang mangyari, anuman ang nangyari.

Sinubukan kong analisahin ang nangyari kay tatay. Kako sa kanilang lahat sa loob ng sasakyan, may dahilan ang bawat tao sa mga nangyayari sa kanyang buhay. Naniniwala ako na ang nangyari kay tatay ay may kinalaman ang kanyang nakaraan noong mga bata pa sila. Napabayaan sila, lalo na raw noong panahon ng Hapon, panahon ng giyera kung saan dala-dala sila ng nanay nila (lola Charing ko). Iginagaod silang limang magkakapatid na lalaki ng kanilang ina. Marami silang hirap na naranasan. Kulang sila sa pagmamahal. Kulang sila sa kalinga. May kakulangan daw sa pag-iisip ang kanilang ina. Utal ito kung magsalita. Nagkasakit daw kasi ito ng meningitis noong sanggol pa. Pero malakas ang karakter nito bilang babae, maganda ang mukha, anak ng mayor ng kanilang bayan, dahilan daw kaya ito nakapag-asawa. Sa kabila ng kakulangan ay nagawang igaod ni Lola Charing ang mga anak na lalaki sa gitna ng giyera, sa gitna ng pagbagsak ng mga bomba, sa gitna ng kanyang pag-iisa. Dahil iniwan siya ng kanyang asawa sa panahong ito at sumama sa ibang babae.

May kulang sa paglaki ng aking ama. May kakulangan sa kanyang puso. At naniniwala ako, ang mga kakulangan na ito ay pinunan niya sa labas ng kanyang pamilya. Sa labas namin. Dahilan upang masaktan niya kami. Nauunawaan ko na marahil ay ito ang dahilan. Pero sa palagay ko, sa paglipas ng panahon ay hindi niya naunawaan ang kanyang sarili. Hindi niya na-out grow ang lahat. Kinatandaan niya ang lahat. Iyon ang malungkot dahil hindi niya naiwasto ang anuman sa kanyang naging pagkakamali.

Maraming usapin ang napag-usapan. Usapin ng nanay ko, usapin nila, usapin ko. Pero isasara ko ang kuwento ito sa iniwang mensahe ni nanay sa aming lahat. Ang tao ay may kanya kanyang krus, kanya kanyang laki, kanya kanyang bigat, at kung ano ang iyong mabuhat ay iyon ang krus mo. Kayang kaya ni Nanay ang kanyang krus, dahil sa kabila ng lahat, nagawa niyang buhatin ito na mag-isa, nagawa niyang magpatawad at patuloy na magmahal. Ang krus na ating binubuhat ay bumabawas sa bigat ng krus na pinapasan ng Diyos para sa atin kaya't kailangan nating buhatin ang atin.

Madaling magdasal, madaling magsimba, madaling sabihin na tayo'y pumapasan ng krus na laan sa atin, pero ang pinakamahirap ay ang isabuhay ito. At alam kong ito ang ginawa ng aking ina. Hindi ako relihiyosong tao. Madalas nga akong mapagkamalan na rebelde ako sa simbahan dahil sa mga pananaw ko sa buhay, hehe. Nanay ko lang naman ata ang nambibintang, hehe. Pero sa sinabing ito ng aking ina, buong puso akong naniniwala sa kanya. Na ang tao ay may kanya kanyang krus na dala-dala, na ang pagsasabuhay ng tao sa salita ng Diyos ang tunay na pagsubok at kalbaryong kanyang pinagdaraanan. At kung hanggang saan ang kanyang mararating, ay iyon lang ang kanyang tunay na hangganan.

***



















Tuesday, May 27, 2008

FROM SCRATCH




Kapag umuulan
habang aking pinagmamasdan
ang waterfalls na lumalagaslas
sa may bubong
habang halukipkip ang sarili kasabay ng pagtatanong
bakit ba ako nag-iisa?

Susubukan ko ba itong sagutin?
O iwasan na lamang ang muling pagtatanong
na parang pag-iwas sa mga humahalibas na patak?
Susubukan ko bang maghanap ng makakasama?
O ang muling yakapin ang pagdalaw ng kalungkutan
at magpaanod sa kapanglawan?

Kapag umuulan
habang aking pinagmamasdan
ang pagluha ng langit
ay sambit-sambit kong
sana’y anurin ako
hanggang may makasumpong na pumulot.

At lagyang muli ng laman.

Saturday, May 24, 2008

what's keeping me soooooo busy?

Grabe, almost a month na pala akong hindi nakakapagpost sa blog na ito. Tila napapabayaan ko na hehe. Bukod kasi sa medyo nagpahinga ako sa pagsusulat dahil sa madalas na pag-atake ng aking pinakamamahal na vertigo (hehe, bunga lang daw ito ng pagtanda), naging abala ako halos buong summer vacation sa pag-aasikaso ng aking munting kubo pangtanggal ng stress at pagod mula sa mga deadlines at iba pang workload.





Eto ang aking backyard.



Dito kami ngayon madalas kumain ng lunch o dinner nina Pupu, para daw kaming nasa kubo somewhere in Antipolo o sa mga kainan gaya ng Dampa. Napapadalas na kasi ang pag-iihaw namin. Dito na rin kami bumibirit ng kanta sa videoke. Biro ng isang kaibigan, GRO at beer na lang daw ang kulang, haha!




Ang aking puno ng avocado, at kailan naman kaya ito mamumunga? hehe.





Siyempre, magandang tanawin ito mula sa bahay nina Maimai at Pupu. Hehe. Yabang ko.



Punta naman tayo sa bandang kusina na paborito kong tambayan para magluto at kumain. Hehe.



Ang shower room at toilet. Separate siyempre. Hehe. Para pag may naliligo, puwedeng may __, hekhek.



Dito ako mas madalas tumambay para manood ng tv o dvd, o kaya'y matulog. Kasya ako dito, promise!








Paakyat ng room at bodega na tambakan ng aking mga kuyagot. Dami ako non!



My working area.



My working area 2. Yung working area 3 ay sa kuwarto ko, bawat working area ay para laging magpaalala ng mga deadlines. Hehe. Hay, kailan naman kaya ako sisipagin uli magsulat? Wish ko lang, ngayon na.



Sa ngayon, eto ang aking parking lot na ang kasya lang ay scooter. Kaya ang kotse ko, outside de kulambo muna. Sana tumama ako sa lotto para mapa-extend ko na. Kaso hindi ako tumataya, hehe.




BAHAY MO BA 'TO? Hehe. Yap. My one and only Munting Kubo sa sapang San Mateo.

For now, back to work na ako!!! Ahuhuhu!!!

Friday, April 11, 2008

UNDYING ROMANCE


Matagal-tagal na rin ang blog ko pero hindi pa rin ako tumatalakay ng isyu tungkol sa romance novel. May isa akong kaibigan na nagtanong, kailan ko naman daw maiisipang sumulat ng tungkol dito.

Isa akong romance novelist. Mas nakilala nga akong manunulat ng romantikong nobela kaysa komiks writer. Marahil ay dahil hanggang ngayon ay nagsusulat pa rin naman ako ng romance novel. Sa maniwala kayo't sa hindi, humigit kumulang ay nasa 200 romance novel na ang naisulat ko mula ng 1990's kung saan nagsulat ako ng mini-pocketbook sa GASI, kung saan saang publication hanggang sa makarating ako ng Precious Hearts, Valentine Romances, ABS-CBN Publishing, ATLAS at Vibal Publication. Puwera pa ang maliliit na publication kung saan kapag ka minsan ay nagpe-pen name ako.

Isa sa mga naging problema ko sa pagsusulat ng romance novel ay ang estilo ko sa pagsusulat. Mahilig kasi akong magbasag ng kumbensiyon. Minsan ay gumawa ako ng kuwento tungkol sa babaeng nagkaroon ng selective memory o alzheimer's disease sa edad na 20's. Na reject ito ng tatlong malalaking publication. Ang dahilan, hindi raw totoo ito. Ikinontest ko ito na niresearch ko ito kaya totoo, hindi pa raw alam ng tao ang ganitong sakit kaya magmumukhang imbento. Matagal na naimbak ang kuwento hanggang sa nagpasya akong irevise at ipasa sa isang publication kung saan gumamit ako ng pen name. Kako, para hindi masayang ang effort kong gumawa ng bagong plot base on research. Ilang taon ang lumipas, magkasunod na ipinalabas ang The Notebook at A Moment To Remember. Parehong succesful at katanggap-tanggap ang dalawang pelikulang ito. Sabi ko sa sarili ko, nagawa ko na ang ganitong plot. But sad to say, ni-reject ito ng tatlong editors na pinagsabmitan ko.

Nagsasawa ako sa paulit-ulit na klase ng plot at characters kaya nagbabago ako. D'yan ako nasisita ng mga editors. Nagmumukha tuloy akong bobo minsan. Dahil kung hindi pinarerevise ay narereject. Pero okey lang. Sa totoo lang ay hindi ako apektado sa mga ganun kaya lang ay nadodoble ang trabaho ko. Dahil gusto kong mapublish ang trabaho ko, nakikipag-compromise ako sa editors. Lalong lalo na sa mga traditional na editors na ang iniisip, ang bebenta lang na romance novel ay may ganitong formula, 1) kilig, 2) taglish, 3) happy ending.

Story wise? Hindi na pag-uusapan iyon kung minsan. Ang importante ay bebenta o kung ano ang bumebenta. Kapag nagpunta ka sa isang publication, minsan ay hindi malinaw ang gusto nila o hindi malinaw ang mga pamantayan kung ano ang magandang romance novel sa kanila. Subjective ito. Depende kung sino ang editor o publisher. Depende kung sino ang saleable nilang manunulat at doon idedepende kung ano ang maganda sa kanila. Economic reason ito. Pero sabihin mong magse-set sila ng standard para sa readers na ito ang maganda, ito ang kailangan at dapat basahin o tangkilin, ito ang matino at makakasabay sa nagbabagong panahon, etc... etc... Hindi mangyayari ito. Inuulit ko, sa ibang publisher, economic reason ito. Kung ano ang mabenta, iyon ang magiging pamantayan. Kasi nga ay ito ang mabenta.

Kaya dagsa ang problema o mga violation sa paggamit ng wika, konteksto, characterization, politically correctness, etc... etc... dahil hindi malinaw ang ilang mga pamantayan kung saan lulutang ang aesthetic value ng isang akda.

Ang romance novel ay may formula, nakakahon ang mga characters, at inuulit kong maraming violation sa paggamit ng wikang Filipino pero tinatanggap o naging katanggap-tanggap na nagpalala ng wikang Filipino bilang taglish. Iyong taglish na may maling gamit ng wikang Filipino at English. Iyong salitang masakit na sa tenga. Okey lang kung dialogue lalo't in character ang nagsasalitang tauhan. Halimbawa'y isang tauhang trying hard na mag-ingles. Pero kadalasan, mismong narration ang may problema sa paggamit o kawastuan ng wika. Kaya't minsan tuloy, ang nagmumukhang trying hard mag-ingles dito ay hindi ang character kung hindi ang mismong manunulat na. Pati ang pagbuo ng mundo o ng konteksto, maraming manunulat na sumasablay dito. Gagawing posible ang imposible. Dito nagsisimulang maging illogical ang takbo ng kwento. Minsan naman ay may manunulat na nag-aadapt ng terminolohiya mula sa mga English pocketbook para magmukhang maganda, pero mali naman ang ginagawang adaptation. Halimbawa: governess. Sa kultura natin ay yaya ito o kaya'y mayordoma sa mayayaman. O kaya'y si manang yan o si Inday. Hindi mo tatawaging governess si Manang. Napaka-trying hard ang atakeng ito. Dahil hindi natin ginagamit ang salitang governess sa loob ng ating pamamahay o sa mismong kultura natin. Ang pag-adapt ng isang terminolohoya ay may kaakibat na gamit sa kultura. Halimbawa na ang mga salita tulad ng spaghetti, text messages, xerox machine, etc... etc... Bahagi ng pang-araw araw na komodeti ito kaya't bahagi ng kultura natin ito.

Libog. Speaking of libog, isa 'yan sa formula na meron daw dapat ang romance novel. Kailangan daw may libog ang kuwento. Kaya tuloy maraming pagkakataon na ginamit sa mga eksena ang mabalahibong dibdib ng isang lalaki na nagpapatili ng utak ng babae. Lumilikha tayo ng cliche at stereo type characters at eksena. Nagpapalala tayo ng machoismo sa lipunan at tila balahibo lang sa dibdib ay lalabas na ang kahinaan ng isang babae. Minsan naman, dahil nasosobrahan ng libog ang kuwento, taboo ang kinalalabasan ng eksena. Dulot ito ng kakulangan ng pamantayan kung saan may measurement o hangganan sa pagitan ng art at pornography. Dumako pa rin tayo sa adaptation, may isang gumamit ng linyang "It hardens her niples." Obviously ay hinango o kinuha ito sa isang linya sa English pocketbooks. Sa orihinal na konteksto ay katanggap-tanggap ito, dahil culture bound ang language. Pero kung titingnan sa local context, hindi swak sa kultura natin ang paggamit ng linyang ito. Lalo't gagamitan natin ng translation na may katumbas na "pinatigas nito ang kanyang utong." Ang love scene kung saan dine-describe na naa-arouse ang isang babae ay hindi dinadaan sa patigasan lang ng utong. It's more of romantic feelings and passion rather the act itself. The physical intimacy between partners is base on emotion rather than detailed description of sexual act.

Problematiko ang romance novel kung talagang papakasuriing mabuti. Minsan nga ay maski dumaan pa ito sa mga editors ng isang publication. What more kung hindi? Totoo. Maraming romance novel ang naipa-publish na hindi dumadaan sa kamay ng editors, lalong lalo na iyong mga ibinebenta sa bangketa. Hindi naman lahat pero karamihan. Kaya magandang i-check kung may pangalan ng editor sa isang pocketbook. Ibig sabihin, may quality control ito. May pinagdaanang mga kamay na nagtatama o pumupuna sa mga mali o sa mga dapat ayusin. Kung wala, d'yan mas lumalaki ang problema. Lalong hindi maiwasan ang maraming violation. Mula sa mga typo errors, maling spelling, wrong grammar, wrong characterization, wrong context, at wrong kind of stories.

Umpisa pa lang ito. Ilang percent pa lang ito ng tatalakayin ko sa problemang kinasasangkutan ng romance novel. May panahon pa naman. May pagkakataon pa. Puwede pa naman siguro itong gamutin o ayusin dahil marami pang publisher at mga pocketbook na lumalabas. Ibig sabihin ay may mambabasa pa. May tumatangkilik pa. Sana'y hindi natin pagsawain ang readers. Gaya ng kung paanong nagsawa ang ilan sa mga traditional komiks na naging sanhi ng pagsasara ng mga higanteng komiks publication. Nagbabago ang panahon. Kailangang kasama sa mga umuunlad at sumusulong ang bawat konsepto ng pagsusulat upang hindi dumating ang panahon ng pagkawala ng espasyo sa malakihang market ang romance novel.

Bukas ang espasyong ito sa lahat ng romance novelist na nais magbigay ng puna, komento at mga suhestiyon bilang isang constructive criticism. Subukan nating suriin ang lumalalim na problema pagkatapos ay hanapan ng solusyon. Sino ba ang mag-aangat ng kalagayan at antas ng romance novel na minahal at tinangkilik nating lahat? Marahil ay magsisimula ito sa atin. Sino ba ang higit na makikinabang?

Walang iba kundi ang tatlong ugnayang mayroon ito, publisher --- manunulat --- mambabasa.

Thursday, April 3, 2008

PAWIS NG SASAHAN

Graduating ako noon sa UP at isa sa mga subject ko ay ang STS (Science and Techonology and Society). Isa sa mga naging final project ng grupo namin ay ang gumawa ng video commentary about lambanog making. Pumunta kami sa Infanta Quezon at isa sa mga baryo doon ay may pagawaan ng lambanog. What's special about lambanog ng Infanta ay gawa ito sa sasa at hindi sa puno ng niyog. Ang puno ng sasa ay tumutubo sa mga pakat (swamp) kung saan maraming alimango, hipon at lipain (isang uri ng isdang lapu lapu). Ang sasa ang ginagawang pawid o bubong ng mga bahay kubo. Samantalang ang tawag sa bunga nito ay kibal. Ang hamog o pawis ng bungang kibal ang pinatutulo at iniipon para gawing lambanog.

Sa unang pagkakataon ng aming research, hindi ako makapaniwala sa aking nasaksihan sa pamamaraan at teknolohiya ng lambanog making. Napakatagal pala bago makapagprodyus ng isang container ng alak. Ang isang bunga ng kibal ay pinahihinog sa loob ng tatlong buwan. Pinatutulo ito sa loob naman ng isang buwan. Ang tawag nila dito'y pawis. Ang maiipong pawis (likido) ay lulutuin sa tinatawag nilang lutuang kahoy o disteleriya. Ang unang tulo ng kibal (unang pawis) ay tinatawag na puro, kung saan mas matapang at mataas ang alcohol content nito. Iniimbak ang alak at mas matagal ang pagkakaimbak ay mas masarap ang lasa nito. Manamis namis ang lambanog ng Infanta Quezon, pero lintik ang guhit sa lalamunan kung ang tapang ng alak ang pag-uusapan. Walang sinabi sa sarap ang ilang mga imported na alak na natikman ko. Kaya nga dumating ang panahon na ginawa ko itong panregalo tuwing may okasyon dahil sa masarap na lasa nito pero matindi namang sumipa. Masahol pa sa sipa ng kabayo. Hehe. Ilang shot lang nito ay tiyak na lasing agad ang mga manginginom ng gin bulag dito sa Maynila. Hehe. Ilang kaibigan kong sanay uminom ng hard drinks (alak) ang pinatumba nito.

Ang isa sa mga komentaryo at reaksiyon ko ay ang mabagal na progreso ng lambanog making sa baryong pinuntahan namin. Kung mabibigyan lang sana ito ng sapat na budget o tulong ng gobyerno, naniniwala ako na lalaban ang lambanog sa international market. Ngunit sa kabilang dako, naisip ko rin, kung ang lambanog ay magiging monopolya ng isang multi national corp., matitikman ko pa kaya ang ganito kasarap na alak? Siguradong magiging commercialize na ito (pati lasa) at ang lumang pamamaraan at teknolohiyang nagpapasarap sa alak na ito ay tiyak na maglalaho na.

Sa isang banda, may mabuting naidudulot ang mabagal na progreso ng buhay ng mga mag-aalak o gumagawa ng lambanog sa baryo. Naabutan pa ng henerasyon ko ang masarap nilang alak, at maaaring maabutan pa rin ito ng mga susunod pang henerasyon. Hanggang ngayon, sa mga dumadalaw sa bahay ko, pinapashot ko nito, dahil hindi ako nawawalan ng lambanog. Palaging may pauwi o pabaon sa aking alak ang mga pinsan ko sa tuwing nagbabakasyon ako ng Quezon.

BILANG SUBJECT NG TULA
Isinulat ko ang tulang "Mag-aalak" para hindi ko malimutan ang isang masayang karanasan ko sa baryo kung saan ako mismo ang nakasaksi kung gaano kabagal ang paggawa ng alak na lambanog at kung gaano kasarap ang lasa ng bawat patak maski kaaahon pa lamang sa lutuang kahoy o disteleriya. What more kung naiimbak pa ito ng ilang taon? Ako rin mismo ang nanghuli ng mga kumikiwal kiwal na alimango sa sasahan o pakat para ihawin at gawin itong pulutan.

Cheers!!!

Tuesday, April 1, 2008

SUBJECT NG TULA (MALIKHAING PAGSULAT)

ANG MAG-AALAK

Ang kibal na bunga’y hamog nitong buhay,
Na ang bawat patak ay nagsilbing suhay,
Sa mga paa kong pati kuko’y patay.
Bakas ang putikan lagos hanggang hukay.

Ang sikat ng araw lumilitaw sa parang,
Habang naghihintay, pawis ng sasahan,
Ang disteleriya’y handa ng kuminang,
Sa apoy ng lupang kanyang sinilangan.

Alimangong paslit ang nasusulyapan,
Pakiwal-kiwal lang sa may patubigan,
Siya’y napangiti saka kinindatan,
Ang nakikilangoy, isa ng pulutan.

***

Ang paghahanap ng subject ng tula o anumang akda ay hindi nangangailangan ng matagal na proseso. Maaari itong magmula sa pinakasimpleng bagay o mga pangkaraniwang pangyayari sa araw araw na buhay. Ngunit kung bibigyan ng kahulugan at importansiya ang isang simpleng bagay ay makikita ang value o market value nito. Si Rolando Tinio (isang dakilang poet at mandudula) ay tinaguriang "bagay poet" dahil isa siya sa nagpauso sa paggamit ng mga subject ng tula na hinahango sa mga simpleng bagay lamang tulad ng kanyang tulang "Sa Poetry" kung saan gumamit siya ng mga simpleng bagay bilang mga imahe sa kanyang tula. Pero hindi ibig sabihin ng simple ay walang kawawaan o walang saysay. Madalas kong sabihin, minsan sa mga simpleng bagay tayo makakahugot ng mga sustansiya, malalalim na pakahulugan at ibig sabihin sa isang teksto. At pagkaminsan pa nga, sa mga kumplikadong bagay tayo walang mawawaan o maunawaan. Hindi kailangang maging malalim sa paghahanap ng subject ng tula. Ang lalim ng tula ay nasa kahulugang binuo ng mundong ininugan nito.

Monday, March 31, 2008

SAMU'T SARI (pahabol sa buwan ng Marso)

GO RAMIELLE!!!!
I like Ramielle Malubay, sa kasalukuyan ay top 9 siya ng American Idol, 2008. I really really love her! Bilib ako sa kanyang kumanta. Hindi ako naging fan ni Jasmine Trias pero si Rami, nangyaring napahanga niya ako. Sana she can make it maski hanggang top 3, just like Jasmine. Pero kahit na hindi, fan pa rin ako ni Rami!!!

EARTH DAY
Nakiisa ako sa Earth Day nitong March 29, sa pamamagitan ng pagpatay ng lahat ng ilaw sa buong bahay. Isang maliit na electric fan lang ang bukas, dahil baka naman mamatay ako sa init eh hindi na ako umabot ng Earth Day next year. Hehe. The good thing here is, narealize ko na kaya ko palang gawin iyon everyday. Pwede kong i-off ang lahat ng ilaw, tv, aircon, etc sa loob ng isang oras tuwing alas otso ng gabi. Isang maliit na electric fan lang ang ititira ko. After all, 8 pa lang naman ay tulog na ako. Hehe.

I PRAY FOR CORY
Hindi ako fan o naging supporter ni Cory Aquino. Pero nakita ko naman ang naging role niya sa lipunang Filipino lalong lalo na sa pulitika. Sa totoo lang ay mas hinangaan ko siya noong hindi na siya presidente at nagpatuloy siyang maging political figure on her own right. Nabalitaan ko na may colon cancer siya. Nalungkot ako. Sa totoo lang ay napaluha ako. Biglang bigla ay naitanong ko sa sarili ko, may ibang Cory Aquino pa ba ang lipunang ito maliban sa kanya? Wala. Nag-iisa lang pala siya. Sabi nga ni Kris, kung pwede sana, konting panahon pa... makasama pa nila si Cory. Ganun din ang sasabihin ko, kung pwede sana, konting panahon pa, makasama pa natin siyang mga Filipino hanggang sa makamit natin ang magandang pagbabago.


GALO ADOR, may you rest in peace...
He's my friend. Bagama't kaunti lang ang panahon na pinagsamahan namin, naging mabuti kaming magkaibigan sa panahong iyon. Nakasabay ko siya halos sa GASI noon. Palaging nakangiti. Bungisngis. Puno ng buhay. Nauna siya sa sa akin ng isang season na magworkshop sa VIVA television pero halos nagkasabay din kami sa pagsusulat sa tv. Nagkasama kami sa 4D production ng GMA True Stories. Ilang beses ko na siyang nakasama sa bahay nina RJ, ilang beses na rin siyang nakapunta sa bahay namin sa Marikina. Madalas ko siyang isakay sa kotse ko noon at ibaba kung saan-saan sa tuwing nagkakasama kami. Hindi kami nagkasama sa mga gimikan, pero nagkasama kami sa trabaho nang sandaling panahon. Nakita ko kung gaano siya ka-dedicated sa trabaho. Huminto ako sa pagsusulat sa tv dahil nag-aral ako sa UP at nabalitaan ko na lumipat siya ng network (channel 2). Doon na siya gumawa ng career plan bilang manunulat sa telebisyon. Nawalan kami ng communication dahil nagkaroon kami ng kanya kanyang mundo. Nabigla ako nang malaman ko na inatake siya at finally, namaalam na siya. Nalungkot ako. Nabigla. Kung tutuusin ay napakabata pa niya sa edad na 38. But then, as the saying goes... death spares no one.

MY BOOK COLLECTION
First week ng March pa ng mabili ko ang huling libro ng aking collection. Napansin ko sa aking book shelve, marami-rami na rin pala ito. Ang iba nga'y nakalagay na sa ibang cabinet. Sa totoo lang ay project ko na magpagawa ng isang mini-library sa bahay ko once na nagkabudget na ako. Halos makukumpleto ko na ang mga libro ni Julie Garwood nang i-check ko sa kanyang site ang complete list ng libro niya. May bago siyang serye pero hindi ko pa nabibili. Napakarami ko na ring Sandra Brown, Danielle Steel, Nicholas Sparks, at ilang Harry Potter. Siyempre mayroon din akong mga koleksiyon ng mga akda Lualhati Baustista, Liwayway Arceo, F. Sionil Jose, Gabriel Garcia Marquez, etc. Bukod pa rito, napakarami kong literature books, textbooks, manual, etc.

Ang pinakaimportante sa mga koleksiyon ko ay ang mga libro ko sa creative writing na sinimulan kong kolektahin noon ako'y disiotso anyos pa lang. Ang una kong libro tungkol dito ay ang Improvisation for the Theater ni Viola Spolin at pinakahuling nabili ko nito ngang Marso ay ang The Elements of Editing ni Arthur Plotnik, Patterns in Writing ni Robert B. Doremus, at Film: Form and Function ni Wead at Lellis. Binilang ko ang aking creative writing book collection at mahigit 20 na pala. Dadagdagan ko pa ito. Maghahanap at maghahanap pa ako. May kaibigang nagtanong sa akin, aanhin ko pa raw ba lahat ng librong ito. Simple lang ang sagot ko, paniniwala ko kasi'y never ending ang kailangang matutuhan ng tao lalo't ang pinili niyang propesyon ay ang maging isang manunulat. Hindi kasi ako naniniwala na basta na lamang ipinapanganak ang manunulat. Hindi kasi ako naniniwala na hindi natututuhan ang pagsusulat. Ito'y isang escapismo lamang para sa akin. Ngunit... subalit.... datapwa't kung mababasa lamang marahil ang mga librong ito na aking nabanggit, marahil ay mauunawaan ako sa aking mga sinasabi na hindi natatapos ang pagiging manunulat sa pag-upo sa harapan ng makinilya o computer lamang. Hindi dapat matapos ang paniniwala ng isang taong ang manunulat ay basta na lamang ipinapanganak at ang pagsusulat ay hindi natututuhan. Ang panahon ay nagbabago. Kasama sa mga pagbabagong ito ang mga konsepto at elementong umiiral at nakapaloob sa Malikhaing Pagsulat anumang genre ito.

WOMANS MONTH
Mahalaga sa akin ang buwan ng Marso, una dahil Buwan ng Kababaihan. Nakita ko ang kahalagahan ng advocacy para sa karapatan ng mga babae. Sa aking maliit na paraan ay pinipilit kong makiisa sa kanilang advocacy na isulong ang pantay na karapatan ng babae at lalaki, sa pamamagitan ng aking mga isinusulat-- pinipilit kong maging "malay" at pinipilit kong maging politically correct sa abot ng aking makakaya. Kung may mga pagkakataong sumasablay ako, tao lang, at nakikipagkumpromiso pa rin ako sa publisher para ma-publish ang mga isinusulat ko. Unang unang inalis ko sa bokabularyo ko ay ang ipaapi ang karakter ng babae sa lipunan. Iniwasan kong gawing palaging martir ang ina, gawing labis na masamang babae ang puta, ipagbugbog ang buntis sa asawang lalaki, ipasampal ang girlfriend sa boyfriend, etc. Puwede namang alisin ito at gawing mas interesting ang mga karakter at conflict. Alam kong marami pa akong kailangang matuklasan at matutuhan, pero sinimulan ko ang ganitong framework sa pagsusulat at sana'y mapaunlad ko pa ang framework na ito.

BIRTHDAYS
March 3 ang birthday ng pamangkin kong si Maimai (10 years old) at March 7 naman ang kanyang daddy Ric. As usual pinagluto ko siya ng spaghetti at ibinili ko siya ng keyk. Simpleng selebrasyon lang na ginanap sa bahay ko. Ewan ko ba, dati rati ay sa Greenheights Marikina idinadaos ang anumang selebrasyon sa pamilya namin gaya ng mga birthday, Pasko at Bagong Taon. Pero nitong 2007, parang nagbago ng takbo ang hangin, ginaganap na ang lahat ng ito dito sa bahay ko sa San Mateo. Ito pala ang dahilan kung bakit ako nagpagawa ng bahay kubo. Dahil madalas silang nag-iihaw sa likod bahay at nandoon ang mga bata, ang mga pamangkin ko. Kaya naisip ko, gawin na lang itong mala-resort, hehe. Dahil plano kong bumili ng plastic na swimming pool. Hehe.

March ang kaaarawan ng ilang mga kaibigan ko. Nakakasama ko man sila o hindi, gusto ko silang batiin ng happy birthday, si Mayette Calderon, si RJ Nuevas, si Ricky Lee at higit sa lahat, si Leshie!!!! May sakit ako noong birthday ni Leshie (March 14) kaya hindi natuloy ang surprise party ko sa kanya. Naglunch na lang kami together with my family. Bawi na lang ako next time.

March 18 ang kaarawan ng aking pinakamamahal na ina. At maski may sakit pa rin ako ng mga panahong iyon, nagluto pa rin ako ng pansit at ibinili ko siya ng keyk. Seventy (70) years old na si ina. Host ako ng birthday niya habang umiikot-ikot ang paningin at mundo ko, dahil ata sa vertigo. With matching cough and cold. Hehe.

Ngayong huling araw ng Marso, nagpapasalamat ako at magaling na ako. Tapos na rin ang bahay kubo ko. Salamat sa isang masaya at makahulugang buwan ng Marso.

Sunday, March 30, 2008

bahay kubo kahit munti

Matagal na pala akong hindi nakapagpost dito sa blog ko. Unang dahilan, nagkasakit ako bago pa pumasok ang Semana Santa. Mahigit isang linggo akong bed ridden. Na-spoil tuloy ang pagbabakasyon namin ng Mahal na Araw sa Infanta Quezon dahil hindi ko kaya ang long drive. Hindi namin nadalaw ang aming Sepulkro (imahe ng bangkay ni Jesus na panahon pa ng Kastila). May ibang kuwento ako tungkol doon kung bakit napunta iyon sa aming pamilya. Bukod sa may pabasa kami ay may prusisyon din kung saan ay naging panata ko na ang magdala ng pagkarami-raming puting bulaklak na ididisenyo sa andas ng bangkay ng Poon. Hindi namin nagawa iyon ngayong taon na ito, salamat na lang at hindi ipuprusisyon ngayon ang bangkay at hindi kailangan ng bulaklak. Sa isang taon na lang ulit. Pero plano naming pumunta ngayong April para dalawin ang aming Poon. Isang linggo pa lang ang nakakalipas matapos ang Mahal na Araw ay nagpasya akong magpagawa ng pader at bakod na kawayan (mixed) sa likod-bahay with matching bahay kubo. Kasi naman ay pagkarami-raming lamok at delikado sa dengue dahil maraming halaman at lupa pa ito. Nagpasya akong ipasemento ang kalahati at ang natitirang lupa ay nanatiling nakatanim ang mga puno ng saging, avocado at suha. Walang choice dahil kailangang putulin na ang pagkataas-taas na aratilis na lagpas bubong na dahil madalas ay may nakahapon na ditong mga manok kaya dagsa na ng ipot ang bubong ng extension ng bahay ko, hehe. Pinaputol ko na rin ang puno ng malunggay dahil sabi ni nanay ay aagawin daw nito ang sustansiya ng avocado kaya hindi lumaki-laki. Ayun, dalawa sa puno ko ang naputol. Pero may tatlo namang natira. Plus may bahay kubo na rin ako ngayon. Ano naman ang gagawin ko sa bahay kubo? Well, sa susunod ko na ikukuwento kung para saan ito. Pipiktyuran ko pa ito at syempre ay ipagmamalaki ang aking pagkaganda-gandang bahay kubo, kahit munti...

Sunday, March 2, 2008

MALIKHAING PAGSULAT 101 (GENRE)

Ang genre ay kategorisasyon ng isang teksto. Maraming kategorya ito. Puwedeng nakapaloob sa fiction, futuristic fiction, non-fiction, atbp. Narito ang ilang genre na umiral sa mga kuwento ng tradisyunal na komiks.

1.Kuwento ng pag-ibig o love story (boy meets girl, touching one’s lives, true love, hopeless romantic story, first love and first kiss, etc.)Narration, dialogue and caption – light, candid, romantic, tender, passionate, idealistic.

2. Drama (family oriented, forbidden love, death of a loved one, heartbreaking, affecting, etc.)Narration, dialogue and caption – heavy, profound, reflective, intense. Ang powerful drama hindi necessary na ni-reresolve ang conflict ng mga tauhan o naso-solve ang issue. Ang importante ay klaro itong nare-resolve sa isip ng mambabasa.

3. Pantasya (out of this world characters, different dimension milieu)Narration, dialogue and caption – poetic, lyrical, philosophical, insightful, wisdom.

4. Misteryo at katatakutan (human race vs. elemental, good vs. evil)Narration, dialogue and caption – imaginative and creative, deep, mysterious, mystical.

5. Katatawanan (feel good, sexy humor, witty character, funny story conflict)Narration, dialogue and caption – witty, fluid, flowing (dumadaloy ng mabilis).

6. Pakikipagsapalaran (searching, mission, quest, journey, moving, escapade, exciting activity, incidental, futuristic)) Narration, dialogue and caption – serious, inventive, innovative, ingenious.

7. Aksiyon (chasing, mission, present time)Narration, dialogue and caption – frank, straight forward, open.

***


LOVE STORY

Uunahin kong talakayin ang love story, isang genre na umiiral bilang poplit, bilang panitikan at bilang Kulturang Popular.

Ang love story bilang poplit genre.



Ang Dear Heart Series na lumabas nang mahigit pitong taon sa Love Notes Komiks ay may genre ng love story. Ang seryeng ito ay base sa mga tunay kuwento ng buhay ng mga letter sender at naging epektibo ang ginamit kong genre upang tangkilikin ito ng mambabasa sa loob ng maraming taon. Patunay ang dagsang fan mail at mga letter sender na nagbabahagi ng kani-kaniyang kuwento.

Hindi lamang sa komiks naging patok ang genre na ito, lalo na sa romance novel, sa mga pelikulang Ingles o Tagalog, mga soap opera sa telebisyon tulad ng Korean, Mexican , Japanese at higit sa lahat ang Filipino soap opera. Maging sa mga tula at iba pang literary form ay tinatangkilik at umiiral ang genre na love story.

Napakaepektibo ng love story bilang isang genre ng poplit dahil marami ang nakakarelate dito sa paniniwalang ang lahat ng tao ay nakararanas umibig, maging romantic love man ito, platonic love o universal na klase ng pag-ibig. Sabihin mang korni, baduy o cliché na ang mga plot ng love story, pero ito pa rin ang genre na umiiral at patuloy na tinatangkilik bilang isang poplit.

Ang lovestory bilang genre ng panitikan.
Maging ang lehitimong panitikang Filipino at mga klasikong akda ay tinangkilik ang genre na ito. Dito iniluwal ang pag-iibigan nina Ibarra at Maria Clara sa dalawang nobela ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ang klasikong akda ni Francisco Baltazar na Florante at Laura ay nagpatotoo ng walang kamatayang pagmamahalan nina Florante at Laura, at maging ang mga muslim na sina Aladin at Flerida. Ang paghahanap ng tunay na pag-ibig ni Don Juan sa katauhan ni Prinsesa Maria Blanca sa awit at koridong Ibong Adarna ang naging sentro ng major conflict ng nasabing akda. Kung hindi makikilala ni Don Juan kung sino ang kanyang tunay na pag-ibig at patuloy siyang lilinlangin ng mahika, guguho at lulubog sa tubig baha ang buong kaharian ng Berbanya.

Bagama't kung pakakasuriin at palalaliming mabuti ang pag-aaral sa mga akdang ito, issue ng "social protest" at "pag-ibig sa bayan" ang umiiral sa mga akdang binanggit ko, gumamit ang mga manunulat ng atake ng love story sa pamamagitan ng pag-iibigan ng mga pangunahing tauhan upang pagaanin ang tema at "ikubli" ang ilang mararahas na pahayag tungkol sa mga isyung pulitikal at subersibong pag-aaklas na umiiral sa lipunan sa panahong umusbong ang mga akdang ito.

Ang love story bilang genre ng Kulturang Popular.
Ang genre ng love story sa kasalukuyang panahon ay patuloy na umiiral at katanggap-tanggap pa rin sa masa bilang epektibong behikulo sa pagpapalaganap ng iba't ibang konsepto ng Kulturang Popular. Ang mga commercial ay gumagamit din nito gaya ng commercial ng toothpaste, sabong panlaba, deodorant, biskuwit, feminine wash, etc. Ang mga billboard ay makikitaan ng mga imahe at icon ng pag-ibig gaya ng korteng puso, bulaklak, chocolate, nagliligawang babae at lalaki (bata man o matanda,) etc. Maging sa text messages ay patok ang mga quotes tungkol sa pag-ibig. Ang mga forwarded e-mail ay kadalasang may konsepto ng pag-iibigan. Sa internet nga raw (pasubali) unang sumikat at nakilala ang kuwento ng Korean movie na "My Sassy Girl". Ang mga love song o maging mga OPM na may tema ng pag-ibig ay patuloy na tinatangkilik at pinakikinggan sa radyo, component o mp3. Maging sa pagsulong at pag-unlad ng teknolohiya, mananatili at laging kaakibat ang mga temang ito upang palaganapin ang mga bagong produktong inihahain sa masa. May cellphone nga sa bansang Korea na ang tatak ay I-chocolate, at alam natin na ang chocolate ay simbulo ng pagliligawan at pag-iibigan.

Hangga't may kuwento ng pag-ibig, patuloy itong iiral at tatangkilikin bilang isang komodeti o "market tool" sa pagpapalaganap ng Kulturang Popular. Bukod sa may "sure market" ito, nanataling mabisang pang-aliw ng tao at epektibong tools ito ng escapism upang ang tao ay magpatuloy na mangarap at maghangad ng isang love story na may happy ending.


***

Saturday, February 23, 2008

DIGITAL KARMA PRESENTS... NUNANG (IKALAWANG YUGTO)






WitHiN Me
FRIDAY, FEBRUARY 22, 2008
oh canada
Sana meron akong kaibigan na magsasabing “anu nanaman? tara iinom nalang natin yan”
Sana meron akong tita glady na magsasabing “ok lang yan. kantahan saka food trip nalang tayo”
Sana meron akong pinsan na magsasabing “ate rona bakit? tara laro nalang tayo”
Sana meron akong tita nini na magsasabing “rona nasan ka? samahan mu ko. txtback pls. asap!”
Sana meron ako. Hanggang sana lang. dahil lahat sila iniwan ko para pumunta sa Canada para sa sinasabing nilang “future”. At ngyon nandito na ko sa Canada mag isa kong haharapin lahat ng sakit. Walang kahit na sinuman ang sasama at dadamay.
Canada? Maganda ka nga ba? sana isang umaga, pagmulat ko'y wala ka na...
Posted by nunang at 11:01 PM 0 comments


May mga tanong siyang ang hirap sagutin. Kanina lang ay tinanong niya ako kung mahal pa raw ba siya ng boyfriend niyang si Jun. Narito kasi sa Pilipinas ang boyfriend niya at siya naman ay nasa Canada na nga. Nakita ko kung paano sila umiyak at kung gaano sila kalungkot noong maghiwalay sila sa Greenheights, Marikina, araw ng departure niya, Aug. 24, 2007. Mugtong mugto ang mata ni Nunang at si Jun ay malungkot na malungkot. Nagsabi sa akin si Jun, "Tita Glady, puwedeng sumama maghatid?" Gusto ko siyang pagbigyan. Bakit naman ang hindi? Lalo't galing pa siya ng Pampangga. Kaya lang, kotse lang ang dala ko sa paghahatid, puno ng gamit ni Nunang, saka ang dami naming maghahatid. Saan siya sasakay? Pero hindi lang naman iyon ang problema eh, hindi pa alam ng tatay niya na may boyfriend na si Nunang, at hindi ko alam kung tamang ang araw na iyon ay maging ice breaker para malaman ng kuya ko na ang lalaking nakatayo sa may kanto, sa may sakayan, sa may punong akasya, ay walang iba kundi ang boyfriend ni Nunang. Hindi ko alam kung tamang malaman ng tatay niya na ang iniiyak ni Nunang nang mga oras na iyon ay hindi siya kundi ang boyfriend nito. I kept silent. Bahala na ang Mama ni Nunang sa problema na iyon. Lalo't kinausap nito ang dalawa at pinangaralan na may tamang panahon para sa kanila.
Dumaan ang kotse sa ko sa harapan ni Jun, nakatingin siya, tiningnan ko siya sa rear mirror at malayo na kami'y nakahabol pa rin siya ng tingin. Alam kong ang lungkot-lungkot ni Jun. Damang dama ko ang sakit na nararamdaman niya. Ang pakiramdam ng isang iniwanan.

Sabi ko kay Nunang bago umalis, makakalimutan mo rin si Jun. Pagdating mo sa Canada, maghanap ka na ng iba, hehe. Joke lang iyon na may kasamang pustahan. Joke, kasi okey lang sa akin anuman ang maging desisyon niya kung para lang matakasan ang sakit ng paghihiwalay nila ni Jun. Kung ako ang tatanungin ay gusto ko si Jun para sa kanya.Mabait siya, may hitsurang lalaki, magalang, hindi nawawala ang "po at opo" kapag kausap ako. Bukod pa sa alam kong nagmamahalan sila. Pustahan, five hundred pesos vs. five hundred dollars. Siyempre call ako. Ganda ng laban 'no? Bibigyan niya ako ng five hundred dollars kapag nagkaboyfriend siya ng iba sa Canada o nag-break sila. Masyadong tiwala si Nunang sa sarili, sa isip-isip ko. Pero higit pa roon ang dahilan ko. Kung iyon ang tanging magpapalubag loob sa kanya, iyong masabing tapat siya at maghihintay siya, para makaabot sila ni Jun sa panahong magkikita sila ulit, sige call ako. Eh ano ba naman sa akin ang matalo? Hindi naman masakit sa bulsa ang five hundred sa panahong ito. Para lang akong namalengke sa talipapa.

Sa tuwing nagcha-chat kami, excited ako sa mga kuwento niya. Kung sino na ang mga friends niya, kung sino na ang iniispatan niya. Itinutukso ko siya sa anak ng boss niya na si "Kevin" na kamukha daw ni Foxy boy ng Korean novela na Foxy Lady. Ang guwapo. Description pa lang niya eh crush ko na 'yung lalaki para sa kanya. Mabait daw sa kanya. Saka minsan daw ay nag-aalok na ihatid siya at madalas sabihin sa kanya'y, "Hey Rona, are you okey?" Pero ayaw daw niya kay Kevin, hindi raw niya type.

Hindi iyon dahilan para sumuko ako. Mahaba-haba pa naman ang panahon at tiyak na bibigay din siya, pasasaan ba't magkakagusto rin siya kay Kevin. Siyempre't sa panahon ngayon, hindi na malinaw sa akin kung kanino ang loyalty ko. Okey lang sa akin na sila pa ni Jun, okey lang din sa akin kung si Kevin na. Ang importante ay kung saan siya masaya at kung paano siya nakakapagpatuoy sa paghahanda ng future niya sa Canada.

Hindi ako nanghihinayang sa ipapadala ko sa kanyang five hundred pesos maski matalo. Pero inaabang-abangan ko ang five hundred dollars na matatanggap ko mula sa kanya. Kinukuwenta ko iyon madalas sa isip ko. Dahil maski hindi kami seryoso sa pustahan namin, naniniwala ako na tototohanin ni Nunang iyon. Talagang padadalhan niya ako sakaling maging mahina siya... matukso siya... makalimot siya... sa kung anuman ang sumpaan nila ni Jun. At seryosong padadalhan ko siya ng five hundred pesos sakaling sila pa rin ni Jun, lalo't wala namang time limit ang pustahan namin.

Kani-kanina lang, nag-chat kami, ang dami-daming tanong sa akin ni Nunang gaya ng "panu ba malalaman na seryoso syo?" "mahal pa kaya niya ako? Tanong ko, "umiiyak ka ba?" Sagot niya, "sna pwd ko sbhn ang hnd."

Nalaman ko na ang at stake na sa pustahan namin ay ang puso na ni Nunang, ang kaligayahan na niya. Mananalo na ako sa pustahan pero seryosong masasaktan siya. Hindi ko alam kung totoong break na sila o kung ano ang nangyari sa kanila. Hindi ko alam ang eksaktong pinagdadaanan niya. Ang tanging alam ko lang ay nasasaktan siya, umiiyak, at nagpapasaklolo.

Ngayon, parang gusto ko nang sumuko. Ako na ang talo. Gusto ko na siyang padalhan hindi lang basta five hundred pesos kundi five hundred dollars. Basta kalimutan lang niya kung anuman ang sakit na narararamdamn niya ngayon. Huwag na lang siyang mag-hold on sa sakit, sa sugat. Dahil walang katumbas na halaga sa akin si Nunang. Walang katumbas na halaga sa akin anumang kaligayahang maibibigay ko sa kanya.

"Sana, sa bawat patak ng luha ko nababawasan ang sakit..." Sabi pa niya sa akin. Sana nga, dahil kung totoo iyon at kung puwede iyon, iiyak ako ng iiyak para sa kanya... maski pa gabi-gabi.

In between tears and pain, what else can I say?

'Nang, kaya mo 'yan, pangako... kaya mo 'yan.

Wednesday, February 20, 2008

MALIKHAING PAGSULAT (ANG SAMPUNG ELEMENTO NG ISTORYA)

Gusto kong tumalakay ng iba't ibang approach na maaaring gamitin sa pagsulat ng kuwento sa komiks bilang pagtugon sa nagbabagong panahon. Halimbawa'y gamitin ang approach na may tema ng magic realism, iba't ibang istilo ng deconstruction, post modernism, metafiction, etc. Ang mga ganitong istilo o tema ay umiiral na at ginagamit na sa pagsusulat ng mga akdang pampanitikan. Halimbawa ng mga akdang may lapat ng metafiction ay ang Lost In The Funhouse ni Jhon Barth, City Life ni Donald Barthelmes, Pricksongs and Descants ni Robert Coover at In The Heart Of The Country ni W.H. Gass. Ang mga nobela ni Gabriel Garcia Marquez ay may approach na magic realism. Kahanga-hanga ang mga maikling kuwento at nobelang naisulat niya tulad ng One Hundred Years of Solitude, dahilan upang parangalan siya ng Nobel Prize in Literature.

Maaring gamitin sa pagsulat ng komiks o pagbuo ng mga tauhan at karakter ang iba't ibang approach na ito. Ito'y isang epektibong tools upang makapag-innovate ng mga karakter, milyu at banghay. Ang Elmer ni Gerry Alanguilan ay kinakitaan ko ng approach ng magic realism. Ang Zsa Zsa Zaturnah ay kinakitaan ko ng approach ng deconstruction. Naniniwala ako na napapanahon na ang mga ganitong tema at katanggap-tanggap na ito sa mga mambabasa bilang isang akdang tinatangkilik.

Pero kagaya nga ng madalas sabihin ng ilang mga mahuhusay na manunulat at kritiko, bago aralin ang mga ganitong paglabas sa istandard o pagwasak ng mga kumbensiyon, kailangan munang aralin kung ano ang kumbensiyon at tradisyunal. Sa mga workshop at seminar na aking nadaluhan, gumagamit ako ng sarili kong module sa pagtuturo kung paano sumulat ng kuwento o nobela (komiks man o prosa). Hindi nawawala ang sampung elemento ng istorya dahil bukod sa ito ang istandard na kakailanganing pag-aralan ng sinumang nagnanais na maging manunulat, gabay ito sa ilang mga pamantayan ng kuwentong katanggap-tanggap. At anumang genre ang piliin, nauugnay ang mga elementong ito sa isang akda, malay man o hindi malay ang isang manunulat.

At bago ako tumalakay ng mga approach o lapit na nabanggit ko sa pagsulat ng komiks, uunahin ko munang ipakita ang maikling kuwentong tradisyunal na nilapatan ko ng sampung elemento ng istorya. Sa susunod naman ay susubukan kong wasakin ang tradisyunal na konseptong nakapaloob dito para lapatan ng metafiction o anumang konseptong babagay sa uri ng kuwentong ito.







ANG SAMPUNG ELEMENTO NG ISTORYA
Ayon sa diksyunaryo, story is a sequence of events connected and arranged chronologically. ACD/ 12345/ I II III IV. Mahalagang talakayin ang sampung elemento ng istorya para gamiting sangkap sa pagsulat ng kuwento o nobela. Sa pamamagitan ng paggamit nito, bagama’t isang formula na sinusunod, mas mapapabilis ang pag-aaral kung paano bumuo ng kuwento.


DISTURBANCE
• Upsets the balanced situation and the start the action. Kung saan nagsisimula ang pagbabago ng kuwento.
• Maaaring sa simula ng kuwento ay nagpapakita na ng disturbance, maaari ring sa gitna o kaya’y bago maganap ang pagrereveal ng major conflict.
• Sa kuwentong ito’y naganap na agad ang disturbance, ipinakita na may pagbabago na sa buhay ng bidang tauhan dahil magkasunod na nilapa ng asuwang ang matalik na kaibigan at ang nobyong si Luis.


BALANCE
• Two contrasting or opposing forces. Show the positive and the negative sides. Binary opposition. Mabuti laban sa masama. Sa pamamagitan ng balance, nabibigyan ng kuwento at struggle ang bida o kontrabida.
• Sa frame na ito, dalawang mukha ng isang nilalang ang ipinakikita, ang isang ina at isang asuwang.


PROTAGONIST
• Main character, instrumento ng manunulat sa kanyang aspirasyon. Bibigyan ng mga problema na lulutasin. Bibigyan ng pagsubok na mapagtatagumpayan.
• Ang problema ng pangunahing tauhan dito ay ang pagkamatay ng mga mahal niya sa buhay na nilalapa ng asuwang.


PLAN
• Ano ang aspirasyon ng manunulat sa katauhan ng bida na hahadlangan ng antagonist? Ang aspirasyon ng manunulat dito ay gamitin ang bidang tauhan para magwakas ang pambibiktima ng asuwang.
• May mga plano ang bida sa buhay pero may plano din ang kontrabida sa kanya. Ano ang ipinakitang plano dito ng kontrabida? Sa pamamagitan ng dialogue na “H-HINDI MANGYAYARI ‘YON, ANAK. IKAMAMATAY KO KAPAG NANGYARI ‘YON.
• Hindi magiging madali ang lahat sa bidang tauhan. Pinamamahayan ng takot ang bidang tauhan, gayung ang direksiyon ng kuwento ay siya ang kailangang makaresolba sa suliranin ng kuwento. Paano matatapos ang lagim na dulot ng isang gumagalang asuwang?
• Sa kuwentong ito, may planting o pagtatanim na ginawa sa kuwento upang anihin ang isang “statement” sa dulo ng kuwento. “H-HINDI MANGYAYARI ‘YON, ANAK. IKAMAMATAY KO KAPAG NANGYARI ‘YON. Ang dialogue na ito ay isang malinaw na pagtatanim sa kuwento.


SUB- STORY
• Ito ay kadalasang nakikita bilang mga kadahilanan kung bakit ang isang tauhan ay may aspirasyon o gustong mangyari.
• Maaring magkaroon ng sub-story ang lahat ng tauhan. Bakit masama ang kontrabida? Bakit may weakness ang bida? Nagsisilbi rin itong back story o pagbibigay ng katarungan sa ugali’t gustong gawin ng mga tauhan.
• Sa kuwentong ito, nagiging masama ang kontrabida dahil siya’y nagugutom at kailangan niyang kumain. Kalikasan niyang manlapa ng tao bilang asuwang. Sa dialogue na HINDI NA MAHALAGA. ANG IMPORTANTE’Y BUSOG NA NAMAN AKO. Kailangan niyang kumain para mabuhay. Jina-justify ang character na pinagmumulan ng isang tauhan sabihin pang ito ang kontrabida, isang masamang nilalang, etc. Nangangahulugan lamang na kailangang may pinagmumulan o pinanggagalingang motibasyon ang isang karakter.


OBSTACLE
• Maaaring physical, emotional, o mystic forces.
• Physical forces, hinarangan ng isang malaking tao ang tauhan kaya’t hindi nakadaan sa kalsada at hindi nakapunta sa dapat puntahan.
• Emotional forces, gustong magmahal ng tauhan pero natatakot kaya’t tumandang dalaga.
• Sa frame na ito, ipinakikita na ang obstacle o ang hadlang ay ang isang mystic forces. Isang aso ang gumagala. Pero aso nga ba? Nagpapakita ang frame na ito ng hadlang sa kapayapaan at kaligtasan ng baryo. Ito rin ang imaheng ginamit na ang panganib ay nasa paligid lang.


COMPLICATIONS
• Ito ang sanhi at bunga ng mga desisyon ng tauhan. Anuman ang desisyon ng tauhan ay kailangang may sanhi at bunga, mabuti man o masamang pangyayari.
• Sa frame na ito, nagpagabi ang tauhan sa pag-uwi sa kabila ng gumagalang panganib sa baryo. Ngayon ay may kumpklikasyong naghihintay sa kanya.


CRISIS
• It forces change. May isang malaking pagbabago o major turning point sa buhay ng tauhan.
• Ano ang major turning point sa bida ng tauhan? Kailangan niyang humarap sa pinakamalaking takot niya sa buhay, ang malapa ng asuwang at maganap ang kanyang kinatatakutan na siya na ang susunod na biktima.


CLIMAX
• Discovery and realization. It flows natural. Hindi pilit.
• Ano ang natuklasan ng ina? Ang nalapa ng asuwang ay walang iba kundi ang kanyang anak.


RESOLUTION
• He gets what he wants. Mapagtatagumpayan ng bida ang kailangan niyang mapagtagumpayan.
• Mapagtatagumpayan ng manunulat ang kanyang aspirasyon sa pamamagitan ng tagumpay na natamo ng bidang tauhan.
• Ang aspirasyon ng manunulat na mapuksa ang asuwang sa pamamagitan ng bidang tauhan ay nangyari. Napuksa ang asuwang dahil hindi nakayanan ng asuwang na siya mismo ang lumapa at pumatay sa sariling anak.
• Nangyari na ang pag-ani ng naunang statement sa dialogue na “H-HINDI MANGYAYARI ‘YON, ANAK. IKAMAMATAY KO KAPAG NANGYARI ‘YON.
• Hindi kailangang happy ending, ang mahalaga'y napagtagumpayan ng manunulat ang kanyang aspirasyon. Ang aspirasyong ito ang magbubuo ng isang thesis statement: ANG DALAMHATI NG ISANG INA sa pagkitil ng buhay ng sariling anak ay katumbas ng pagkitil ng sariling buhay.

SANGUNIAN

Smiley, Sam. Playwriting : The Structure of Action. Prentice Hall, Inc. 1971. 299 pp.
John Singleton, Mary Luckhurst. The Creative Writing Handbook, Techniques for New Writers.Mcmillan Press LTD, 1996.283 pp.
Lavonne Mueller, Jerry D. Reynolds. Creative Writing. NTC Publishing Group.1990.256 pp.

Monday, February 18, 2008

MY FRIEND, AYING…



"ei glad hay naku ngaun ko lang na chek ulit tong blog mo and ayan sumagot kna pla sa comment ko..shox lam mo cguro kya mejo naputol din khit papano connection ko jan sa mga tao jan sa pinas for a time kse andun ako sa adjustment period ko dto sa Tate and lam mo mahirap hah kse cguro d more na may balita ako sa inyo jan e mas lalo ko lang kayong namimis.. Prang gnun yta. Naalala ko nga din yan despidida ko na tayong apat (dami ko kse despedida e!)nila les n jen sa papa jeks ba yun or banda dun sa riverbanks.. grabe hay iyakan tlga e. Sbrang dami tlga nten happenings noh. Lam mo sna tlga within 2 yrs makauwi nko yan tlga ang pinaka goal ko. Putcha as in walang pahinga ito!! hehehe. This time around wala ng limit sken dahil uncontrollable na ko dto to d highest level na.
Sbrang mis ko a din kayo jan as in. Sna nga kayo nga mag try din kayo dto e dba pra naman maipasyal ko kayo dto.. ="



Si Aying... si Mariel sa tunay na buhay... simple ko lang siya ide-describe. Maliit, malambing, mabait, makulit, thoughtful, maaasahan at higit sa lahat, may topak. Hehe. Simple lang ‘no? Madalas ay naaalala ko pa rin ang mga kalokohan niya, naming dalawa. Napagkakamalan nga kaming mag-bestfriend eh, pero maski kailan ay hindi namin sinabi iyon sa isa’t isa. Kami, mag-bestfriend? Hahaha. Promise, magugunaw ang mundo sa gulo kapag naging mag-bestfriend kami.

Maraming masasayang panahon na magkasama kami, kasama ang mga barkada namin. Ang mga walang sawang tambay namin sa bahay nila, sa bahay nina Jen, sa bahay namin, sa bahay nina Celia, kina Les, sa mga bar na hindi naman siya umiinom ng beer kundi sprite lang, sa mga gimik sa UP at kung saan-saan pa. Kaihawan ko siya sa ihaw-ihaw sa Ilang-Ilang at area 2, katusukan ng fishball sa parking lot ng FC, kakulitan sa AS walk at sa Hardin ng mga Diwata, katambayan sa UP Sunken garden, kagimikan sa mga bahay- bahay ng barkada, sa Mang Jimmy’s, sa Sarah’s sa Krus na Ligas, sa Katips, sa Kalayaan, sa beach resort ng Quezon, at higit sa lahat, kaiyakan ng mga problema. Shoxxs!!! Ayan ang madalas niyang expression. Putik ka Glad. Grabeeeeee!!! Ows? Talaga! Hindddddeee no? ‘Tang… ! Hehe. Ilan lang ito sa madalas na naririnig ko sa kanya. Ilan lang ito sa nami-miss sa kanya.

Mula nang umalis siya at nagpunta sa Amerika, wala na akong Aying na pinupuntahan sa Village B sa may white house ng maski na anong oras. Umaga, tanghali, gabi. Wala ng Aying na magyayaya ng gimik at makikipagkita kung saan-saan. Wala ng Aying na biglang magte-text sa disoras ng gabi at sasabihing “Glad, punta kayo dito.” Wala ng Aying na biglang magte-text o kaya ay tatawag at sasabihing “Gladdddddd!!!! Asan ka? Nakita kita, nagda-drive ka sa East Avenue! Sinong kasama mo ha?” Saka hahagalpak ng tawa. Iyong tawang Aying. Iyong authentic na tawang Aying.

Kung saan-saan talaga kami nagkikita nang hindi inaasahan. Minsan sa Timog. Minsan sa SM North, o kaya sa may Trelis sa Kalayaan Ave., na bigla na lang siyang bubungad kasama ang ibang mga friends namin. Habang ako ay may ka-date ding iba, na friends din, hehe. Pero ang tawa niya ay nakakalokong tawa. Saka bubulong. “Putik ka. Anong ginagawa mo dito eh pasado ala-una na ng umaga?” Tapos reresbakan ko rin siya ng tanong, “eh ikaw ano ginagawa mo dito? Hindi ka pa ba tinatawagan ng nanay mo?” Saka babanat ng “sheeeetttt!!! Oo nga ‘no?” Saka kami maghahagalpakan ng tawa, pulang pula ang mukha niya—dahil may ibig sabihin ang mga tawa niyang iyon, at may kasamang panunukso sa akin na lagot ka, isusumbong kita! Kakantahan pa ako niyan ng “lagot ka, lagot ka, isusumbong kita! May iba kang…” Saka siya hahagalpak ng tawa.

Mula nang umalis si Aying ay wala ng Aying na tatawa ng tatawa sa mga kalokohan ko at mamumula ng todo-todo sa mga green jokes ko. Bastos daw kasi akong mag-joke kapag kami-kami lang. Tuwang tuwa kasi ako kapag sinasabi ko sa kanya, “ano ka ba? ba’t ba virgin ka pa… sa tenga!!!” Kapag ganyan na ang dialogue ko sa kanya, inaasahan ko na ang pamumula ng mukha niya. Grabe siyang mag-blush, akala mo lasheengg!!! Ganoon siya kapula. Running joke ko nga ito sa sarili ko, mula nang umalis si Aying ay wala na akong friend na magba-blush sa puno. Hahaha! Anecdote kasi ito sa kanya ng mga high school friend niya. Sobra daw kasing mahiyain si Aying. At maski itukso mo siya sa puno, mahihiya at mamumula siya. Hahahaha, mula nang marinig ko ang kuwentong iyon ay naging kaibigan ko na siya. Sa simpleng dahilan na gusto ko siya! Unang pagkakataon ko kasing magkaroon ng kaibigan na puwedeng itukso sa puno! Haha.

Si Aying, may topak. Oo, sa kabila ng height niyang ‘yan, parang leon kung magalit ang batang ‘yan. Mukhang nene ‘yan sa personal pero kayang kaya niyang makipagpambuno sa malaking mama kapag galit ‘yan. Umuusok. Nagmumura. Nagwawala sa galit. Hahahaha. Tapos mam’ya wala na. Minsan nag-away kami. Hindi ko na maaalala kung bakit o dahil ayoko ng alalahanin pa. Matagal kaming hindi nag-usap at hindi nagkita. Ilang buwan. Isang araw ay napanaginipan daw niya ako. Umiyak siya ng umiyak. Na-realize niyang miss na miss na niya na raw ako. Ayun, gumawa ang barkada namin ng paraan na magkabati kami. Akala nila ay ayaw kong makipagbati. Surpise daw para hindi na ako makaurong. Akala lang nila ‘yon. Pero ang totoo, masayang masaya ako dahil nagkabati na kami ni “hablig” hehe. Tawag ko sa kanya ng hindi niya alam, haha. Ngayon siguro ay alam na niya.

Kuwento niya sa akin noon, takot daw siyang lumapit sa akin kasi ang laki ko daw tao! Haha. Crush kasi niya si…. Hehe… kaya madalas niyang sabihin, “sheeeeettttt!!! Baka malaman ni Glads! Lagot ako.” Noong nalaman ko, tawa lang ako ng tawa. Pinagtatawanan ko siya at talagang mapulang mapula na naman siya. Akala mo dinudugo ang mukha, ahaha!

Kasing pula ang mukha niya ng sardinas na paborito niya. ‘Yun Master’s fried sardines, pulutan style, iyong ang flavor ay spicy. Mapili siya sa pagkain. Marami siyang hindi kinakain. Minsan ay problema namin kung saan kami kakain at kung ano ang kakainin namin kapag kasama siya kasi nga mapili siya sa pagkain. Isang araw, nabigla ako nang malaman ko na ang isa sa pinakapaborito niyang ulam ay sardinas. Minura ko tuloy siya ng wala sa oras. Kako, kung alam ko lang na sardinas ang katapat ng dila niya eh di sana hindi na kame nagpapakahirap humanap ng makakainan namin, hehe. Ang siste, ginawan ko siya ng Sardinas ala Glady, hinaluan ko ng kalamansi, suka, toyo, sibuyas, paminta at sili. Ayun, anghang na anghang siya pero sarap na sarap kaya ang dami naming nakain, hehe.

Ngayon, sa tuwing nagkaka-chat kami, nagkakabalitaan, nagkakamustahan, madalas niyang sabihin na miss na miss na niya ang Pilipinas, ang UP, ang lahat ng gimik namin, ang mga kaibigan at pamilya niyang naiwan dito sa Pilipinas—miss na miss niya na rin marahil ako at ang mga kalokohan ko, ang mga kalokohan naming dalawa. Ang mga pagtatago niya ng mga sikreto ko, at pagtatago ko ng mga sikreto niya. Miss na miss na siguro niya ang mga walang katapusang kuwento ko tungkol kay, tungkol kina, tungkol sa at tungkol sa mga. Nababaliw siya sa mga kuwento ko. Nababaliw siya sa tuwa, sa inis, sa lungkot, halo-halong pakiramdam ang pagkabaliw niya sa mga kalokohan ko. Nababaliw naman ako sa mga reaksiyon niya sa kalokohan ko. Nababaliw ako kapag naaalala ko ang mga kabaliwan naming dalawa. Nababaliw ako kapag miss na miss ko na siya. Gaya ngayon, miss na miss ko na siya.

Saturday, February 16, 2008

LOVE 101.IF THIS IS LOVE?



Natatandaan mo ba ang mga panahong nagpapa-cute ka pa at hindi mo alam kung bakit kailangan mong gawin iyon? Pasilip-silip ka sa classroom. Palundag-lundag sa hagdanan habang kunwa’y nakikipagharutan sa kaklase, pero ang totoo’y nagpapapansin ka lang. Ang lakas ng boses mo, dinig hanggang sa pinakadulo ng classroom. At sinasadya mo iyon para marinig ka niya. Mapansin, mapansin at mapansin pa.

Natatandaan mo ba ang mga kantang usong uso noon na pang-dedicate mo sa kanya? Iyong kantang If this is love? Iyong bumibirit na kanta ni Melissa Manchester at may lyrics na…


Guess I'm just afraid
I'm not the kind who makes it last forever
And in my selfish way I think I'm clever
Until you cry

Do you wanna leave?
You can let it go because you're strong
But one day without your love seemed so long
And I sigh, how I sigh

If this is love, darling
Now's the time to wake up
Hurting words can't really shake up someone's life

If this is love, darling
It's time to stop pretending
We'll never have a happy ending while we cry


Natatandaan mo ba nang unang maramdaman mong seryoso ka na, at tinatanong mo na sa sarili mo kung ano ang nararamdaman mo? Iyong hindi ka mapakali. Iyong natutulala ka, pero napapangiti pagkatapos, pagtingin mo sa nanay mo, gustong gusto mo siyang halikan at pasalamatang buti na lang at naging tao ka. Kung hindi—hindi mo mararamdaman ang ganoong klase ng pakiramdam. Iyong bang gusto mong umiyak sa tuwa, sa kilig, sa aliw, sa lungkot kasi hindi mo nakikita ang taong nagpapatibok ng puso mo. Iyong pakiramdam na puwede kang batukan ng maski na sino at hindi ka magagalit dahil mabait ang pakiramdam mo. At bakit mabait? Kasi’y nakausap mo siya o nakangitian pa.

Natatandaan mo ba ng una kang gumawa ng love letter at ipinadala mo sa kanya? Pinagpunit-punit pa nga niya. At ikaw, habang nakikita mong pinupunit niya, nakatulala ka. Mangiyak-ngiyak. Pahiyang pahiya ang pakiramdam mo. Iniwasan mo siya. Bakit naman ang hindi, eh ipinahiya ka na nga niya? Tapos isang araw nabigla ka, sabi niya sa’yo, friends? Nahihiya kang inabot ang kamay mo at ang sabi mo pa, “S-sige, friends.”

Naging friends nga kayo at tuwang tuwa siya sa’yo dahil nalaman niya ang other side mo. Makulit ka raw pala. Palabiro. Masayang kasama. Korning mag-jokes. At naging number one fan mo siya sa mga knock-knock mo.

Natatandaan mo ba nang bigla na lang siyang mag-I love you sa’yo? Nabigla ka, oo nabigla ka. Hindi mo inaasahan. Akala mo kasi friends lang hindi ba? Bakit may I love you na? Hindi ka nakasagot? Sabi niya, ba’t di ka sumagot? Sagot mo, tanong ba iyon na kailangang sagutin? Nainis siya sa sagot mo, nag-walk out siya, hinabol mo siya at sinabi mong “sorry”. Hindi siya huminto sa paglalakad, at isinigaw mong “I’m sorry”. Diretso siya sa paglalakad kaya napilitan kang sumigaw ng “I love you!”

Huminto na siya sa paglalakad. Hinarap ka. Nakangiti ang mga mata niya. Nagtatanong. Nagkukumpirma kung totoo ba o hindi bola. Hindi bola. Iyon ang sagot ng mga labi mong may ngiti. Nilapitan mo siya. Sabi mo, “tayo na?” Sagot niya, “tanong ba ‘yan na kailangang sagutin?” Natawa ka. Natawa rin siya. Tapos hinawakan niya ang kamay mo. Tapos kayo na pala talaga.

Natatandaan mo ba nang araw-araw kayong umuuwing magkasabay maski pa magkaiba ang daan pauwi ng mga bahay ninyo? Gumagawa kayo ng sariling daan. Parang daan ng mga puso ninyo patungo sa isa’t isa. Tapos kapag naglalakad kayo, holding hands kayo. Maski pawis pa mga kamay n’yo. Okey lang talaga. Parang ang gaan-gaan ng mundo. Parang nabubuhat n’yo. Ang saya-saya ng buhay. Parang walang problema.

Natatandaan mo ba nang isang araw ay nagkita kayong malungkot ang mga mata niya? Tanong mo bakit? Sabi niya wala. Napuwing lang daw siya. Tanong mo pa nga sa kanya, anong koneksiyon? Umiling siya, sabay sabing wala. Na ang ibig sabihin ay walang koneksiyon ang pagkapuwing ng mata niya sa kalungkutang ipinakikita niya sa’yo. Naramdaman mong iwas na iwas siya sa’yo. May na-sense kang kung anong problema niya. Pero ayaw niyang sabihin. Ayaw niyang kumpirmahin. Hanggang isang araw, sinabi na lang niyang mag-uusap kayo ng seryoso, at kung puwede ba?

Natatandaan mo ba ang break-up n’yong dalawa? Sa may riles ng tren ata iyon. Oo, umiiyak siya nang sabihing “It’s over.” At nagtataka ka kung bakit siya umiiyak pero sinasabi naman niyang “I’ts over.” Sabi mo, bakit? Anong nagawa mo? Anong kasalanan mo? Sabi niya, wala. Bata pa raw kasi kayo. Sabi mo, oo nga bata pa tayo. At pilit mong ni-rationalize na kapag bata pala, wala pang karapatang makaramdam ng ganoong klase ng pakiramdam at kapag nagpilit ay masasaktan lang.

Umuwi ka. Ang lungkot-lungkot ng pakiramdam mo. Nag-iisa ka sa loob ng silid, nakaupo ka sa sahig na makintab, patay ang ilaw pero may bahagyang liwanag na dulot ng maliit na mapulang ilaw na nagmumula sa sounds ng radyo, habang panay ang birit ng kantang If this is Love. Nang-iinis ‘no? Nasasaktan ka na nga, may ganoon pang background. Kaya tuloy kahit anong pigil mong umiyak, eh umiyak ka pa rin ng umiyak. Sabi mo sa sarili, ok lang ‘yan. Bata ka pa naman… bata ka pa naman…

Isn't it a shame
How one excuse still leads into another
After all this time we hurt each other?
Isn't it a shame?

Time to make a change
Time to find the things we both believe in
Talk about the staying, not the leaving

If this is love, darling
Now's the time to wake up
Hurting words can't really shake up someone's life

If this is love, darling
It's time to stop pretending
We'll never have a happy ending while we cry


Lumipas ang mga araw at sa tuwing nakikita mo siya, nagtatampo ka, kasi nasasaktan ka pa. Ngumingiti siya pero umiiwas ka, kasi nasasaktan ka pa. Malay mo namang nasasaktan din siya.

Nagbakasyon na at pagkakataon mo ng kalimutan siya. Ano nga bang ginawa mo buong summer? Ah, kumanta ng kumanta habang panay ang kalabit ng gitara. Parang doon mo itinuon ang lahat ng pag-ibig mo sa kanya, sabay paglimot.

Noong pasukan na ulit, dapat pala magkaklase kayo, pero nagpalipat siya ng section. Hinayaan mo lang siya. Parang siya na ngayon ang galit, pero ikaw hindi na. Lumipas ang mga araw, nginingitian mo na siya, pero ikaw naman ang hindi na niya nginingitian. Hindi mo alam kung bakit, gusto mong isipin na kaya siya hindi ngumingiti dahil ayaw lang niya. Walang ibang dahilan.

Hanggang isang araw, nabalitaan mong nakipagtanan na siya sa iba. Biglang bigla ka. Sabi mo sa sarili mo, ‘kala ko ba bata pa tayo? Pero wala ka namang natanggap na sagot mula sa kanya, kasi nga nakipagtanan na siya sa iba. Inisip mo na lang na ikaw na lang ang bata sa inyong dalawa, siya ay hindi na.

Hindi niya alam kung paano ka nasaktan sa loob mo, sa kaloob-looban ng sarili mo, kasi pilit mong binalewala ang lahat. Hindi mo nga ipinakita sa lahat na umiyak ka na naman. Na naman. Na naman at na naman. Basta ipinakikita mo sa lahat at sinasabi sa sariling “I’m over you.” Pero totoo ba? Alam mo namang hindi totoo. At matagal din bago naging totoo. Bumilang ka nga ng taon. College ka na nga pero iniisip mo pa rin kung ilan na ba ang anak niya? College ka na nga ay dumaraan ka pa rin sa mga daang ginawa ninyong daanan noon. Tinatanaw mo pa rin ang bahay nila maski alam mong wala na siya doon, dahil nandoon na siya sa bahay nilang mag-asawa.

Isang araw nabigla ka dahil may natanggap kang sulat mula sa kanya. Nakikipagkita siya sa’yo. Ang alam mo, dalawa na ang anak niya. Kaya nakapagtatakang nakikipagkita siya sa’yo. Pero nakipagkita ka. Siya iyong taong hindi mo magagawang tanggihan. At noong nagkita na kayo, sa harapan ng simbahan ng Sto. Niño, malaki na rin ang pagbabago niya sa paningin mo. Pero parang walang pagbabago sa pakiramdam mo. Eto lang naman ang sinabi niya, “sorry sa lahat-lahat ha?” Sabi mo naman “bakit?” “Nasaktan ata kita.” Sabi mo ulit, “bakit ang tagal mo naman atang nag-sorry?” Sabi niya, “It’s better late than never,” may tonong pagbibiro pa siya. Tumango ka na lang sabay sabing, “Wala na ‘yon. Matagal na ‘yon.” “Oo, matagal na.” Sabi naman niya. “Dalawa na nga ang anak ko eh.” Naisip mong iyon na ang pagkakataon na matanong siya. “May gusto lang akong itanong. Bakit ka ba talaga nakipag-break?” Hindi agad siya nakasagot sa tanong mong iyon. “Kinausap kasi ako ng teacher natin sa Science eh, sabi niya huwag ko raw sirain ang buhay mo.” Nabigla ka. “Anong buhay ko raw ang sisirain mo?” Eto lang ang sagot niya, “Basta lang, sabi lang ni Mam iyon.” “Ang babaw pala ng dahilan.” Tumango lang siya sa sinabi mo, “Oo nga, eh. Ang babaw lang naman talaga. Pero gaano man kababaw iyon, hindi mababaw ang pakiramdam na involved doon.” Pagtatapos sa sinabi niya.

Tapos naghiwalay na ulit kayo. Puno ka pa rin ng pagtatanong sa isip mo. Totoo kaya ang mga sinabi niya?

Sampung taon, dalawampung taon ang lumipas. Ngayon natatandaan mo pa ba talaga ang lahat? Parang hindi na. Parang limot mo na. Natural, kasabihan ngang time heals all wounds di ba? Narinig mo lang ulit ang kantang If this Is love kaya mo siya naalala. At pilit inalala.

If this is love, darling
Now's the time to wake up
Hurting words can't really shake up someone's life

If this is love, darling
It's time to stop pretending
We'll never have a happy ending while we cry…


Pero bakit ganoon, bakit inedit mo iyong part ng buhay ninyong nagkita pa ulit kayo pagkatapos ninyong magkita sa harapan ng simbahan ng Sto. Niño? Bakit inedit mo ang part na pinuntahan mo siya, dinalaw ulit sa hospital? Bakit inedit mo ang part na sinabi niya sa’yo habang umiiyak siya na hindi mo lang alam kung gaano ka niya kamahal o minahal sa kabila ng nangyari sa inyo? Bakit inedit mo ang part na kinarga mo pa ang mga anak niya, kinamayan ang asawa niya, at pagkaraan ng ilang araw ay nakipaglibing ka pa sa kanya?

Bakit nga ba?

Minsan talaga ang gusto natin ay kuwentong happy ending lang ‘no? Lalo’t kuwentong first love ang ikinukuwento natin sa mismong sarili natin.

Thursday, February 14, 2008

LOVE 101. MY VALENTINE BOY



He’s a big boy now. Sabi ko sa sarili ko kani-kanina lang. Kasi nakita ko siyang naglalakad, dala ang kanyang knapsack, papunta sa kanyang school service, guwapong guwapo, bagong paligo, maputi at neat na neat magdamit. Mabangong batang lalaki. Suklay na suklay ang buhok. Mapula ang lips. At ang height ay hindi na makontrol sa paglaki. Who else but my one and only baby or bebe, none other than, Emmanuel Richard Neri, aka Pupu, ang poging pogi kong pamangkin!

He’s 13 years old now. At marami akong kuwento sa kanya kasi mula nang ipanganak siya ay nakasama ko na siya hanggang sa kanyang paglaki. Dec 24, 1994 nang ipinanganak siya. Gabi iyon kaya’t nag-noche buena ang buong pamilya namin sa Perpetual Succor Hospital.

Excited ang lahat sa paglabas niya. Nagwa-wonder kasi kaming lahat how beautiful baby he is, kasi maganda ang mother niya (kapatid ko) at napakaguwapo ng daddy niya (care of Ric Neri, hehe). The first time I ever saw him, para akong nakakita ng baby angel. Nakakaguwapong baby, napakacute, akala mo isang anghel na bumagsak sa langit. Kulot, mapulang mapula ang skin at pati lips, matabang baby. Excited ang nanay ko kay Pupu. Mama ang tawag ng lahat ng apo sa nanay ko. Nakita ko sa mga mata ni nanay ang matinding tuwa sa unang pagkakataon pagkaraang mamatay ang lola Pansang ko (nanay ng nanay ko). November 13 namatay ang lola ko, Dec 24 ipinanganak si Pupu, same year. Ang kalungkutan ni nanay ay masasabi kong biglang napawi sa unang pagkakakita pa lang niya kay Pupu. Matagal na kasi siyang hindi “nakakapagbunso” ng apo. Si Christian ay 5 years old nang mga panahong ipinanganak si Pupu. Si Christian ang sumunod sa panganay na apo (si Rona ang una). Pero siyempre, may ibang kuwento ako kay Christian, sa susunod na siya. Hehe.




Therapy, sa loob loob ko. Regalo mula sa langit ang pagdating ni Pupu dahil naging therapy siya ng nanay ko. Ako mismo ay nag-aalala ng husto sa kalagayan ng nanay ko dahil sa sobrang kalungkutan niya nang mga panahong iyon. At kung dahil sa paglabas ng isang Pupu ay magagamot ang kalungkutang iyon ng aking ina, ituturing kong isang espesyal na bata talaga si Pupu. And he did it! Malay ba niya, sa kawalan niya ng muwang sa mundong ito, ay masahol pa ang epekto niya sa isang malakas na antibiotic para magpahilom ng malalim na sugat at pagnanaknak dulot ng isang kamatayan. Muling naibalik ni Pupu ang saya ng aming pamilya. Ito ang una niyang naging misyon sa buhay.





He’s really a cute baby boy. At sa kanyang paglaki, bagama’t pilyong pilyo, nasa kanya ang katangian para mahalin at ingatan. He’s malambing na baby sa kabila ng kapilyuhan. At hindi nawala ang kanyang bonding sa kanyang “pinakamamahal na mama”. Lumaki siyang kasama ako dahil nagre-rent kami ng apartment ng kapatid ko at share kami. Isang unit ng townhouse ang nirentahan namin katabi ng family house namin sa Greenheights, Marikina.




Isang malungkot na kwento ay ang unang paghihiwalay namin noong nagpunta silang mag-anak sa Malaybalay Bukidnon, Pupu was only 2 years old then. Noong gabing nag-eempake sila, sa kuwarto ko natulog si Pupu, ako ang nagpatulog sa kanya. Nakahiga siya sa dibdib ko at buong magdamag siyang natulog doon. Ang lungkot lungkot ng pakiramdam ko dahil first time na mahihiwalay sa amin ang baby namin for a family vacation. First thing in the morning ay inihatid na namin sila sa domestic airport at kasama ko ang mama niya sa paghahatid. Alam ko na mahabang biyahe ng kalungkutan ang pagkakalayo nilang maglola. At ang unang salita na binigkas ni Pupu noong nasa probinsiya na siya at kausap niya ang mama niya ay, “aguy mama, aguy!”




First crush niya si Ara Mina. May malaking poster si Ara Mina na nasa ilalim ng hagdanan namin noon at madalas iyong titigan ni Pupu. Talaga namang naging stage tita ako sa pakikipag-usap kay Ara Mina para sa kanilang pictorial, hehe. Kinantahan pa niya si Ara Mina ng isang kanta habang nagpe-perform ito. Nailagay pa nga sa poster ng Kislap Magasin si Pupu, courtesy of Tita Swannie, dahil na rin sa pagiging stage tita ko, hehe. Sayang lang at hindi ko nagawang i-guest si Pupu sa tv gaya noong ginawa ko kina Rona at Christian na naging anak nina Jestoni Alarcon at Karla Estrada sa isang GMA TRUE STORIES. Bukod sa hindi na ako active sa tv ngayon, parang wala na akong time na gawin iyan tulad ng ginawa ko noon.





At the age of four years old, nagworkshop na si Pupu kay Fernando Sena at kumuha siya ng basic drawing kung saan siya ay naging gold medalist dahil sa kanyang mahuhusay na artworks. Likas sa kanya ang pagkahilig sa drawing dahil may pagmamanahan naman siya (sino pa eh di ang daddy niya). Ako rin ang naghahatid sundo noon kay Pupu. Nag-attend na rin ako ng workshop kaya’t maski paano ay may natutuhan ako sa pagdo-drowing. Supportive ako sa kanya dahil alam kong iyon ang gusto ng Mama niya. Parang ako ang ekstensiyon ng mga gustong gawin ni Nanay kay Pupu, at dahil hindi na rin kaya ni nanay ang ibang pisikal na aktibidad (gaya ng ginagawa niya kay Pupu noon na paghahatid sundo sa UP at St. Joseph College noong nag-aral ito ng prep), ako ang tumutugon sa ibang pangangailangan ni Pupu maski sa ganoong pamamaraan lang.




Lumipat na ako ng bahay sa San Mateo pagkaraang maipagawa ko ang extension ng bahay na nabili ko. Ilang buwan lang at lumipat na rin sila sa bahay na nabili naman nila, katabi lang din ng bahay ko. Kaya maski magkaibang pinto kami, one big happy family pa rin kami. Madalas kong iangkas si Pupu sa scooter. Promise ko sa kanya na tuturuan ko siyang magmaneho at mag-scooter kapag right time na. Promise ko nga sa kanya na pamana ko na sa kanya ang kotse ko sakaling bumili ako ng bago, hehe. How he wish. Minsan ay nagpupunta kami sa school nila na angkas ko siya. Nahihiya siya sa tuwing bumababa siya sa scooter na nakatingin ang mga classmate niyang babae. Nangingiti ako sa ngiti niya. Pacute kasi.

He’s a bright boy. He really is. Kaya kong patunayan ‘yan. Napakaintelehente niyang kausap lalo na kung Science na subject ang pag-uusapan. Napakarami niyang alam na hindi ko alam at natutuwa ako sa tuwing nagkukuwento siya ng mga natutuhan niya sa school. Elementary pa lang siya noon pero napakataas na ng kanyang reading and comprehension skill. Sa totoo lang ay nagagawa niyang unawain ang mga sinasabi ko at ipinapaliwanag ko tungkol sa isang akda. Sa totoo lang ay naiitindihan niya ang lalim ko bilang manunulat. Kaya kung kausapin ko siya tungkol sa bagay na ito ay mataas at malalim. Dahil nauunawaan niya ako. Madalas ko siyang nahuhuli na binabasa ang mga sinusulat ko ng walang paalam. Minsan, kapag nakabukas ang computer ko at nagpapahinga ako, bigla na lang iyan uupo at babasahin ang sinusulat ko. Minsan ay palihim pa dahil nagagalit ako kapag nakikialam siya. Kako baka may mapindot siya at mabura ang sinusulat ko. Pero maski sa computer ay mas magaling siya sa akin, ina-under estimate ko lang ang kakayahan niya bilang bata dahil hindi ko pa alam noon kung ano ang abot ng kaalaman niya. Wala pa siyang naburang mahalagang files sa computer ko sa dinami-dami ng pakikialam na ginawa niya sa mga sinusulat ko. Dumating ang point na inuutusan ko na siyang dagdagan ang isinusulat ko at never niyang binigo ang expectation ko sa kanya. Napakahusay ng story telling niya. Maraming beses niya akong napabilib.




Minsan ay papunta kaming palengke at naglalakad, tinanong ko siya, ano ang mas gusto niyang maging, maging artist na kapareho ng daddy niya o maging writer na kapareho ng tita Glady niya. Hehe. Sagot niya ay pareho. Safe answer. Eh makulit ako, gusto ko ay isa lang. Dahil gusto kong malaman kung ano ang mas matimbang sa kanya. “Gusto kong maging writer tulad mo, ‘yung tulad ng mga sinusulat mo.” Natawa ako. Alam kong bola kasi kaharap ako. Sabi ko bakit? Sagot niya, mas nakakapag-express daw siya ng pakiramdam sa salita. Sa drawing daw, medyo hirap pa siya. Paglipas nang mga araw, napatunayan kong hindi pala ako binobola ni Pupu. Dahil nabasa ko ang isang sulat niya sa isang kaibigan na nagpapaalam na siya dahil pupunta na ang kaibigan niyang ito sa probinsiya. At totoong mas nakapag-express siya ng kanyang kalungkutan sa sulat na iyon sa pamamagitan ng salita. Wala ni isa mang drawing ng anime na idino-drowing nilang magkakaibigan noon.

Tinuruan ko siyang magsulat at ang unang akdang nai-publish niya ay ang KALYE TRESE, isang short horror story. Tinuruan ko na rin siyang sumulat ng komiks at nakagawa siya inspired sa sinulat kong KARNIVAL. Alam kong malayo ang mararating niya sa pagsusulat. Mas malayong malayo pa.

He’s a very sensitive and emotional person. Madali ko siyang ma-touch sa mga kuwento ko. Madali siyang maapektuhan ng mga balita. Umiyak siya nang umiyak ng malaman niyang naaksidente si Rona sa Canada. Lagi niyang sinasabi na mahal niya ang ate Rona niya at nami-miss na niya ito. Madalas siyang nagtatanong kung kailan uuwi ang ate Rona niya. Palagi siyang nakasunod sa Kuya Christian niya maski saan ito nagpupunta kung nasa bahay lang sila. Mahilig silang manood ng horror films na magkuya at maglaro ng PS2. Mabait siyang kuya ni Maimai, maski pa madalas silang magtalo at mag-away. Diretso siya sa bahay ko sa tuwing galing ng school para humalik sa akin at magkuwento ng buong maghapon na ginawa niya sa school. Napapalo siya sa mga kasalbahehan niya pero umiiyak siya at nagtatampo pagkatapos. Tipikal na bata. salbahe kung minsan, behave kung minsan, pero nagtataglay ng lalim ng pagmamahal.

Minsan nga sabi niya sa mommy niya, “Mommy okey lang bang mas mahal ko si Mama kesa sa inyo ni Daddy? Lamang lang siya ng mga 10%.” And he really means it. Kung gusto mo siyang paiyakin, lokohin mo siyang may sakit ang Mama niya. Kung gusto mo siyang palungkutin, magkuwento ka ng mga kuwentong malungkot tungkol sa Mama niya. Kung gusto mo siyang mas lalong palungkutin, sabihin mong hindi na aabutan ng Mama niya ang magiging anak niya. Tiyak na dadalhin niya ang kalungkutan na iyon hanggang sa pagdarasal bago matulog.





A week before Valentines day, inamin sa akin ni Pupu na may crush na siya na madalas niyang inaabangan tuwing uwian. Mayroon daw siyang kaibigan na laging kasama na “sumisilay” din sa crush naman nito. Tinanong ko siya kung ano ang nararamdaman niya sa tuwing nakikita niya ang crush niya. Sabi niya’y nakakaramdaman naman daw siya ng ligaya at haplos daw sa puso. Exact word iyan ng naging sagot niya sa akin. Natawa ako ng lihim. Siyempre’t hindi ko ipinakita sa kanya na natatawa ako. Kasi nama’y may taglay din pala siyang kakornihan sa katawan. Tinanong ko kung maganda ang crush niya, sabi niya’y ok lang, maputi, one length ang buhok pero hindi naman daw gaanong kagandahan. Simple lang daw at saka medyo mahinhin. Iyon daw kasi ang type niya.

Kahapon, umuwi si Pupu at tatawa-tawang nagkuwento sa akin, si Mai-Mai daw (bunso niyang kapatid) pinuntahan daw siya sa classroom at may dalang sanitary napkin na ipinamigay daw sa mga babae sa school. Sa kanya daw ipinatatago ni Maimai. May mga classmate daw siyang babae na nakatingin at nagtatawanan. Dali-dali daw niyang ibinalot at nagtatakbo siya para itago ang napkin ni Maimai. Hindi siya nagrereklamo sa kanyang pagkukuwento, parang nasanay na siya sa kapatid niyang bunso na ang tawag naming lahat ay stage sister ng kuya Pupu niya. Paano naman, halos araw -araw daw ay pumupunta si Mai-mai sa classroom niya at kung anu ano ang ibinibigay, kalahating pastilyas, kapirasong cookies, hinating kendi at kung anu-ano pa. Hindi naman daw magawang awatin ni Pupu. Minsan nga kapag late daw si Pupu pinalalabas ng classroom, kinakausap ni Maimai ang adviser ni Pupu at sinasabing “Teacher, nagagalit po ang mommy namin kapag nale-late kaming umuwi.” Hehe. Walang magawa si Pupu dahil parang ate niya si Maimai kung magsalita. Pero minsan ay narinig kong pinagsabihan niya ito, “Maimai, mag-reduce ka, walang manliligaw sa iyo kapag ganyan ang katawan mo.” Haha! Ang lakas ng tawa ko talaga.



Kaninang umaga, binigyan ni nanay si Pupu ng 20 pesos (courtesy mula sa pitaka ko), kasi baka daw may pagbibigyan ng card o bulaklak o chocolate. Naalala ko ang sinabi ko sa kanya na gumawa ng isang tula at i-post sa bulletin board ng school para mabasa ng crush niya. Ayaw niya. Hindi pa raw siya manliligaw. Basta masaya na raw siyang sumisilay lang. Sabi ko, kapag manliligaw na siya, sabihin niya sa akin, tuturuan ko pa siyang gumawa ng love letter. Pero ayaw daw talaga niya. Basta daw sa Valentine’s day ang plano niya ay maupo lang sa isang tabi habang nagkakagulo ang mga classmate niya sa pagbibigyan ng kung anu anong valentine’s stuff. Pero siyempre daw sisilay at silalay din naman daw siya.

Para sa aking Bebe, na ngayon ay binatilyo na at alam kong isang araw, maski pigilan ko pa ay tiyak na hindi mapipigilan… na maglalabas ng mga kakornihan tungkol sa pag-ibig, pagliligawan, pagseselosan, etc… etc… this poem is for you my boy. Describing how you feel and how it goes.

And here it goes…



FIRST

Isang araw ako’y gumising,
may nagbulong sa aking kung anong hangin,
ang sabi’y boy you’re so duling,
ang crush mo, sa iyo’y may crush din.

Ayaw ko pa siyang pangalanan,
tawag ko sa kanya’y Ms. Smile ka lang d’yan,
nadudurog na kasi ako sa ngiti pa lang,
what more kung may I love you pa yan?

Etong friend ko na tawagin nating Mr. Torpe,
ako nama’y counterpart na si Mr. Tyope,
mag-bestfriend kaming parehong maarte,
sa harap ng crush nami’y natotorete.

Inaabangan ni bestfriend si Ms. Pretty,
ako nama’y si Ms. Smiley,
kapwa kami naririndi,
sa tilian ng mga cute na girlie.

Sabi ni Mommy bata pa ako,
“panliligaw ay di pa pwede bebe ko”,
there comes a right time, so and so…
tinandaan ng kukote ko ito.

Pero bakit ba ganoon?
may kung anong bulabog sa puson,
este sa puso palang parang maton,
na ibig ng maglimayon.

Sa ngayon ay masayang nasisilayan,
ang crush kong crush ng bayan,
pero promise my love, my only one,
sa right time, we’ll be as one.



HV TO ALL!

Friday, February 8, 2008

JUST PASSING BY

I met you on a springtime day,
You were minding your life and I was minding mine too.
Lady, when you looked my way,
I had a strange sensation and Darling, that's when I knew...


Narinig ni Kyle ang kanta na tinutugtog sa radio ng jeep, umaambon pa naman, malamig ang paligid dulot ng hamog. Perpektong oras ng dramatikong pakiramdam. Napangiti siya. Parang nakakaloko ang pagkakataon. Parang nananadya. Ngiting may pait na dulot sa kanyang dibdib. Sa lahat naman kasi ng kantang puwede niyang marinig, bakit ang kanta pang paborito ni Maggie ang narinig niya ng mga sandaling iyon? Puwede namang iba.

That it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.
Yes, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.


Wala siyang choice kundi pakinggan ang buong awitin. Maski ayaw sana niya. Hindi niya gusto ang kanta dati pa. Nagkataon lang na paborito ito ni Maggie. Dahilan para maski paano ay magustuhan na rin niya. Ma-appreciate. Dahil si Maggie, si Maggie ang pinakamagandang babae sa buhay niya sa mga oras na iyon.

Oh, I wake up in the night,
And I reach beside me hoping you would be there.
But instead I find someone,
Who believed in me when I said I'd always care...


Nakilala niya ito dahil sa pagcha-chat. Ipinakilala ng isang kaibigan niya. Malungkot daw kasi si Maggie. Bigo daw kasi sa pag-ibig.
“Libangin mo na lang, ‘tol. Malapit na kasing mamatay.”
Natawa lang siya sa sinabi ng kaibigan niyang si Niel. “Loko ka talaga, magrereto ka lang iyong may terminal case pa.”
“Basta makipag-close ka lang sa kanya. Huwag ka lang mai-inlove sa kanya. Kasi talo ka sa ending.” Paalala pa sa kanya ni Niel.

Oh, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.
Yes, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.


Ipinagpalit kasi si Maggie ng dating boyfriend sa ibang babae kaya ito na-depress. Iyon daw ang tunay na dahilan, sabi ni Niel. At kung bakit siya, sa dinami-dami ng puwedeng ireto kay Maggie, ay bakit siya ang naisipang ireto ni Niel, hindi niya alam sa kaibigan. Hindi naman siya mahilig sa mga reto-reto. Ni hindi nga siya totoong mahilig sa babae. Sa edad niyang disiotso ay wala pa siyang nililigawan ng seryoso.
“Bakit ako, ‘tol?”
“Kasi harmless ka.”
“Harmless?”
“Oo, at saka ikaw lang ang puwedeng hindi magkagusto kay Maggie ng totoo.”
“Bakit naman?”
“Tol, ikaw ang taong walang kahilig-hilig sa maganda.”

Totoong napakaganda ni Maggie. Sa mga larawan, sa mga video clip na nakita ni Kyle kay Maggie. At kung ganda ang pagbabasehan, maski si Kyle ay hindi lubos maisip kung paano ba nagawang ipagpalit ng isang lalaki si Maggie sa ibang babae. Kasintigas man daw ang puso ni Kyle ng bato, nagawa itong palambutin ng kagandahan ni Maggie. Sa tuwing sasabihin iyon ni Kyle, walang katapusang tawa ng mga emoticons ang sagot ni Maggie. Hindi na raw kasi siya maganda. Dati raw ‘yon.

So I'll live my life in a dream world,
For the rest of my days.
Just you and me walking hand in hand,
In a wishful memory...
Oh, I guess it's all that it will ever be...


Ilang beses sinabi ni Kyle kay Maggie na magkita naman sila. Pareho naman silang taga-QC. Parang wala naman daw masyadong effort kung gagawin nila iyon. Pero ayaw ni Maggie. Tama na raw sa kanila ang ganoon, masaya na sila sa ganoon.

Ang hindi maintindihan ni Kyle sa sarili, ay kung bakit bawat araw, bawat gabing dumaraan ay tila naiinip siya-- at pinakahihintay ang araw na makikita niya si Maggie.

I wish I had a time machine, I could,
Make myself go back until the day I was born.
Then I would live my life again,
And rearrange it so that I'd be yours from now on.


Isang araw, hindi na nag-online si Maggie. Nagtaka si Kyle kung bakit. Naghintay lang si Kyle. Ilang araw din iyon. Hanggang sa nakausap niya si Niel. Sinabi sa kanya ni Niel na huwag na raw hintaying mag-online pa si Maggie.
“P-patay na siya, ‘tol.”
Hindi makapaniwala si Kyle sa sinabi ni Niel. “Ows?” Simpleng sagot lang niya.
“S-sabi ko naman sa’yo ‘tol, huwag kang mai-inlove sa kanya, kasi masasaktan ka.”
Narinig niya ang paggaralgal ng boses ni Niel.
“K-kaya ko siya iniwan eh kasi alam kong mamamatay na siya.”

Oh, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.
Yes, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.


Nagpasya si Kyle puntahan si Maggie. Huli na ito, sabi ni Kyle sa sarili. At least makita man lang daw niya si Maggie. Kaysa naman tuluyan na niyang hindi ito makita at hintayin na lamang mabura ng tuluyan sa kanyang alaala si Maggie. Nagpakatatag na lang si Kayle. Tinandaang mabuti ang sinabi ni Niel. Pusong bato naman daw siya at kayang kaya niyang makita si Maggie nang hindi maapektuhan. Huminto na ang jeep at eksaktong natapos na ang kantang paborito ni Maggie. Bumaba na si Kyle. At habang naglalakad papasok kung nasaan si Maggie, naririnig pa rin ng diwa niya ang mga huling lyrics ng kantang paborito ni Maggie.

Oh, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.
Yes, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.


Sa wakas ay nakatayo na si Kyle sa harapan ni Maggie. Sa wakas ay nakita na rin niya si Maggie ng personal. Bumulong si Kyle, parang natutulog ka lang ah, biro pa ni Kyle kay Maggie.

Totoo ngang hindi na maganda si Maggie. Mahigit isang taon din itong pinahirapan ng kanser kaya paano pa ba naman ito gaganda? Humpak ang pisngi, malalim ang mata, bakas ang pinagdaanang hirap at lungkot. Sa edad nitong labing walo, dapat ay puno pa ng buhay, ng ngiti’t tawa at hindi ng lumbay. Kasing lungkot ng pakiramdam ni Kyle ang kahulugan sa kanya ng naging buhay ni Maggie.

M-Maggie… muling bulong ni kyle. Hindi ko alam kung kailangan ko pang sabihin ang lahat ng gusto kong sabihin sa’yo. Ang mga panahong hinangad kong magkasama tayo, magkausap, magbiruan, magdate, maglambingan—ang mga oras na iniisip kong hinahalikan kita. Hindi ko alam kung kailangan mo pang malaman na minsan sa puso ko, nangarap akong nagmamahalan tayo.

Muli na namang bumirada sa isipan ni Kyle ang linya ng kantang paborito ni Maggie.

Oh, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.
Yes, it's sad to belong to someone else,
When the right one comes along.


Walang namutawing salita sa bibig ni Kyle. Wala naman siyang totoong nasabi. Sa kanya’y sapat na siguro ang mga sinabi ng isip niya. Marahil naman daw ay narinig lahat iyon ni Maggie.

Nagpasya na si Kyle na magpaalam kay Maggie. Pero pakiramdam niya’y matutumba siyang ewan. Nagpapakatatag si Kyle habang ang totoo’y hinang hina na siya. Hindi niya nga alam kung saan siya hahawak, sa salamin ba, sa metal na naging himlayan ni Maggie, o sa mismong sarili ba niya.

Pumikit si Kyle… muling inaalala ang mga linya ng kantang paborito ni Maggie… sinimulan ulit niya sa umpisa…

I met you on a springtime day,
You were minding your life and I was minding mine too.
Lady, when you looked my way,
I had a strange sensation and Darling, that's when I knew...


Doon sinimulan ni Kyle ang pagpapaalam kay Maggie.

So I'll live my life in a dream world,
For the rest of my days.
Just you and me walking hand in hand,
In a wishful memory...
Oh, I guess it's all that it will ever be...


Hanggang sa nahilam ang mga mata ni Kyle kaya nagmamadaling kinusot iyon. Suminghot saka bumulong.

Bye, Maggie...

At sa diwa ni Kyle, nakita niyang sumagot si Maggie with emoticons pa talaga na nagwe-wave at nagsasabi sa kanyang, bye-bye, Kyle.

Sunday, February 3, 2008

UP SKRIPP presents... PAGSIBOL




Well, gusto ko lang i-share ang masasayang moments ko together with my friends and colleagues, ang oath taking ng UP SKRIPP (kung saan ako ang founding chairman) kasabay ang unang proyekto na pinamagatang PAGSIBOL at namigay kami ng 3 cellphone at pagkarami-raming load, sinabayan ng romance novel exhibit, symposium at kainan!!! Hahaha! Siyempre launching namin 'yan eh.

Saturday, February 2, 2008

MALIKHAING PAGSULAT (KONEKSIYON AT DISKONEKSIYON)

Ang paggamit ng tunggalian o binary opposition ay isa sa mga mabisang tools para bumuo ng conflict sa anumang akda. Kapag nagmamahalan, pag-aawayin, kapag nag-aaway, pagbabatiin. Good vs. evil. Langit at lupa. Mga koneksiyon at diskoneksiyon. Magkakakonekta ang lahat ng bagay. Ang image at tunog. Liwanag at dilim. Ingay at katahimikan. Bida at kontrabida. Para magkaroon ng diskoneksiyon, kailangan muna ng koneksiyon. Kailangang magkakilala ang bida at kontrabida bago maganap ang kanilang tunggalian.

Ang manunulat ay may layuning magkonekta ng mga tauhan at magdiskonekta ng mga magkakaugnay. Ang manunulat ang nagtatanggal ng mga blinders para makakita ang mga mambabasa ng mga bagong imahe, makarinig ng bagong tunog, makakapa ng bagong texture at makasipat ng mga bagong panukat. Ang manunulat rin ang nagsisilbing tulay para makapag-fill in the gaps ang mga mambabasa. Hindi lahat ng kahulugang nakikita, natatagpuan o nababasa ay nanggagaling sa manunulat. Ang mambabasa ay may kapangyarihang magbigay at maglapat ng sariling pakahulugan, bumuo ng mga imahe o lumikha ng mga panibagong tunog sa kanilang isipan.

Halimbawa ng koneksiyon.

 Baliw na umiiyak
 Tabo at balde
 Fetus sa garapon
 Birthday cake
 Manika

Maraming posibilidad na puwedeng mangyari sa mga ibinigay na halimbawa. Isa na rito ang: Isang baliw na umiyak habang hawak niya ang tabo at balde dahil maliligo siya. Kasabay niyang pinaliliguan ang manika niya. Naglaro sa isipan niya na ang manika ay isang fetus. Naalala niya ang kanyang ginagawang pagpapalaglag. Iyon ang naging sanhi ng kanyang pagkabaliw. Lumabas ang fetus sa garapon. Nakarinig siya ng isang birthday song. Sampung taon na sana ang kanyang anak kung hindi niya ito ipinalaglag. Nilaro niya ang tabo sa balde na parang nakikita niyang naglalaro ang kanyang anak ng birthday cake nito.

Ngayon idiskunekta ito. Tatayo ang baliw. Magwawala. Ibabato ang tabo at balde na parang ibinabato ang mga nawawalang alaala. Wawasakin ang manika na parang winawasak ang sarili. Unti-unting bumabalik ang fetus sa garapon at nalulusaw ang birthday cake. Magsisisigaw siya. Walang patid. Hanggang sa matuklasan na lamang niya ang sarili na nawalan na ng lakas at hawak na siya ng mga attendant. Naramdaman niya ang injection. Makirot. Hanggang sa nakabalik na siya sa kanyang nawawalang sarili.

Maaring gumawa ng mas marami pang koneksiyon at diskoneksiyon sa limang halimbawang ibinigay ko, maaaring magdagdag o magbawas, at ang tanging pagaganahin ay ang imahinasyon at ang pagiging malikhain.

Thursday, January 31, 2008

MALIKHAING PAGSULAT (ANG BOSES NG TULA)


NANG AKO’Y MAGING SI BRUTUS

Nang I-abduct si Olive oil, sumigaw siya ng Popeye help!
Litaw ang ngala-ngalang halos iluwa ang kanyang self.

Nang dumating si Popeye to the rescue ang kanyang suit,
with sound effects pang I’m Popeye the tut-tut!

Siyempre’t inombag-ombag lang ang hero ni Olive,
tinadyak-tadyakan at lumuwa pati brief.

Muling binuhat itong si princess sweet,
habang patuloy namang nagpe-plead.

E, itong si Popeye kumain ng spinach,
at maging siya’y naging macho’t malakas.

Ginulpi si Brutus at pinalipad sa air,
naglitawan tuloy ang mga stars at sprinkle.

Siyempre’t naging hero itong si Popeye the sailor,
sa kanyang love interest na si Olive the virgin oil.

Habang si Brutus nama’y naghihilong-talilong,
umiikot-ikot at nagkukulay talong.

Natalo na naman ang aking kakampi,
kaya’t ini-off ko na ang cable tv.

Hay! Ang hirap palang ma-inlove ng truly!
Nagiging cartoon character ang tingin sa sarili.

Kontrabida akong pangit na may balbas,
mabaho’t ang tinig ay tila kay Hudas.

Samantalang ang bida’y pagkapayat-payat,
ngunit isa namang herong walang katapat.

May pinag-aagawan kaming nag-iisang lady,
na ang wangkata’y over ka-sexy!

Ngunit sa kanila’y may happy ending,
ako nama’y luhaan at sad ang feeling.

Kaya’t eto ako ngayon at nasa isang sulok,
gumagawa ng tula’t panay na lamang ang mukmok.

Dear my Olive oil, Olive oil my dear,
hawak ko na ang invitation mo here.

Hayaan mo’t darating naman ako,
sa araw ng kasal mong libing naman ng puso ko.

Ang damit ko’y pamburol for sure,
habang ikaw ay naka-white pure.

Iiyak ako habang ikaw ay naka-smile,
and with poise pa ang pagwo-walk down the aisle.

Mapansin mo pa kaya ako with all the rest,
since I’m just one of the invited guests?

At siyempre pa’t kasunod ay honeymoon,
may toss ng champagne at putukan ng balloon.

Hay! Nakakainggit pa rin si Brutus,
kapag ini-on lang ang tv saka siya nalo-lose.

Samantalang ako’y lost na lost ang feelings,
naglalakad ng pabaligtad hanggang sa may ceiling.

How I wish isa na rin akong cartoon scene,
at ang puso’y pinaandar lamang ng machine.

Pero ganoon nga daw talaga ang life,
sabi nga ng marami’y "well that’s life!"

Hindi lahat ng wish ay wish granted,
kadalasan pa nga’y taken for granted.

Kaya’t eto lang ang aking masasabi,
at pakatandaan mo na lamang mabuti.

Goodbye na lang sa iyo my dearest!
Nagmamahal... Brutus, the brute poet!


***

Isinulat ko ang tulang ito noong graduating ako sa kursong Malikhaing Pagsulat at ang guro ko sa subject na MP TULA ay si Prof. Virgilio Almario (Rio Alma), National Artist. Assignment namin na gumawa ng tulang nakakatawa sa pamamagitan ng boses ng tula. Nagtatawanan naman ang buong klase habang binabasa ko ang tulang ito. Pero sa totoo lang, noong isinusulat ko ito’y hindi ko objective na magpatawa kundi ang sumulat ng tula na ang inspirasyon ko ay isang kaibigan. Nabigyang tinig ng tulang ito ang isang bahagi ng puso kong hindi kayang unawain maski ng sarili ko--para sa kaibigan kong ito.

Yet, this friend of mine still remains dear to me.

***


Mahalaga ang boses o ang nagsasalita sa loob ng tula. Sino ito? Ano ang karakter nito? Makulit ba? Malungkutin o masayahin? In love ba o bigo sa pag-ibig? Idealistic ba? Seryoso? Palaban? Hindi nangangahulugan na ang boses ng tula ay ang makata o ang nagsulat ng tula. Ang boses ng tula ay ang nagmamay-ari ng mga karanasang nakapaloob dito. Ang boses ng tula ang magpapakilala sa tauhang nakapaloob. Ano ang gustong sabihin ng boses na ito? Ang boses ang nagkukuwento ng mga samu’t saring pangyayaring nakapaloob sa bawat taludtod o saknong.


KAMAMEKO
(IKAMA MO AKO)

Sa labas,
parang taytel ng pelikulang bold ang entrada.
Ang mga dagitab ay iba’t ibang kulay na nagbabaga.
Entertainment lang “boss.”
Pampalipas pagod ang beer na nilalagok.
Pampainit ang extreme sensation na pinapanood.

Sa loob,
pasayaw-sayaw na ang hubad na katawan,
pagewang-gewang ang balakang,
pabuka-buka ang legs na sakang.
May nag-iipit ng bente, singkuwenta hanggang
isandaan-- sa bikining kumikinang.

Sa mas loob pa,
nangaghelera ang maliliit na silid sa animo’y kubeta.
May maliit na kama… May bedsheet na may mantsa.
May unang nag-iisa.
Nagkakalansingan ang barya.

Wednesday, January 30, 2008

MALIKHAING PAGSULAT (talinghaga at kariktan)

ALON
Ilang ulit mo akong paaamuin,
Nang iyong marahas na pagsuyo?
Mula sa lalim ng karagatang
Lumunod sa pintig nyaring puso.

Ilang ulit mo akong tatangayin,
Nang iyong makamandag na halik?
Palayo sa dalampasigang tahimik,
Tungo sa daluyong ng pagtatalik.

Ilang ulit mo akong liliyuhin,
Nang uli-uli mong pangako?
Upang muli’t muling magluwal,
Nang buhawing ‘di nahahapo.

***

Ang tula ay may katawan at kaluluwa. Sinisining mabuti sa pamamagitan ng pagbuo at pagbalangkas ng mga salita kung paano nabibigyang buhay ang isang tula.

Ang tugma at sukat ay mga bahagi ng istruktura o anyo ng tula at ito ang nagsisilbing katawan. Samantalang ang talinghaga at kariktan ay ang kaluluwa o ang bahaging espiritwal ng tula.

Ang tulang Alon ay isang tulang may malayang taludturan. Samantalang ang tulang Deadline ay isang halimbawa ng paggamit ko ng lalabingdalawahing sukat na may tugma.


DEADLINE

Tiktak… kring-kring… Panaginip, sinisimsim –
May istorbo sa diwa kong nahihimbing;
Sa pagtulog gusto ko pang magpaangkin,
Sa salamin ang mukha ko’y tila lasing.

Umuusok, sa init ang aking tasa.
Nagwawala, sa ingay ang kutsarita
Gumaguhit, kapeng itim sa panlasa.
Kumukulo, sa isipa’y abakada.

Taktak… riprip… ang sound effect sa ‘king silid
Kailangang magmadali’t magmabilis,
Sobrang inip ang butiki’y napaidlip,
Nang magising ang obra ko’y punit-punit.

***


Ang tula ay hindi paglalaro lamang ng mga salita, pagtutugma o pagriritmo. Kailangang masinop ang paggamit ng mga salita at hindi watak-watak. Bumubuo ng isang ideya sa pamamagitan ng mga taludtod at nangangahulugan ito ng maingat na pamimili ng mga salita. Ang tula ay gumagalaw o may ginagalawang isang mundo. Nagpapakahulugan ng isang buong mundo. Ayon kay Prof. Virgilio Almario, Dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura sa Unibersidad ng Pilipinas, ang isang tula na masinsin ay isang mahusay na tula. At ang tulang masinsin ay hindi kayang ilipat ang ilang taludtod sa ibang saknong.

Kailangan ang tugma at sukat upang sumulat ng mga taludtod, subalit mahalaga ang talinghaga at kariktan upang mabigyang buhay ang tula. Nangangahulugan na ang tula ay hindi ang sukat at tugma kundi ang sinasabing kaluluwa nito at ito ang tinutukoy na talinghaga at kariktan.

Ang tinutukoy na ideya o kaisipan sa tula ang bumabalot na misteryo. Ang tawag kung tumutukoy sa kataga at pangungusap na nagkukubli ng kahulugan ay metapora. Gumagamit naman ng imahe at simbolo kung hindi tuwiran ang pagpapahayag ng kaisipan, damdamin at pagnanais upang higit na mabigyan ng kulay at hugis ang pagpapakahulugan ng tula.

Tuesday, January 29, 2008

mula sa tambakan ng aking musmos na kamalayan

Laking gulat ko dahil sa kakalkal ko ng mga lumang kagamitan ay bigla na lamang tumambad sa aking paningin ang isang gula-gulanit na papel na may nakasulat na tula. Hindi ko na naaalala kung bakit ako sumulat ng ganitong klaseng tula noong teenager pa lamang ako. Ang inaasahan kong tulang dapat na kahuhumalingan ko ay tula ng pag-ibig. Ngunit ewan ko nga ba. Basta't ang naaalalala ko, may isang bahagi ng kamalayan ko ang nagpupumiglas noon at naghahangad na makawala sa bunton ng mga imbakan ng aking braincells. At eto ang isa sa mga unang nakapiglas. Isang tulang nakalaya mula sa nalilito at naguguluhimihang isip at pagkatao ng isang naghahanap na ako.

ANG MGA BANGKAY

karipasan sa pagtakbo...
at sa pag-uunahan

upang makatakas
mula sa ibinubugang armas

ang mainit na apoy
at usok ng kamatayan

sa tinimpla kong
kapeng matapang

doon nananaghoy
sa ibabaw ng tasang

may mga langgam
na unti-unting nangagsisilutang...

Friday, January 25, 2008

LOVE 101. TOUCH ME

Touch me
So I can live again
And love again
As I had yesterday

Touch me
As the raindrops
Touch the barren fields
And fill me with
Blossoming flowers

Until I am whole again
And I can feel again
And dream again

For my dreams had long died
And I can no longer feel
The splash of rain upon my face.

The earth is no longer verdant
with life,
The sky no longer blue
My care- worn soul is weary
In its search for elusive rainbow---
Where had it gone?

But tomorrow will be a new day
Touch me
So I can love you.

Wednesday, January 23, 2008

MALIKHAING PAGSULAT 101 (the bulate workshopper)

THE BULATE WORKSHOPPER

Sa Bulatete Community, nagkoon ng writing workshop. Pitong bulate ang tumugon at naging participant. Nagpalitan sila ng mga ideya at kuro-kuro.

May isang nagtanong, ano ang ibig sabihin o kahulugan at esensiya ng pagiging isang manunulat? May isang sumagot, basta nakapagsulat at may nasabing maganda, puwede na siyang tawaging manunulat. May isa pang sumagot, basta’t may nagbabasa ng kanyang isinusulat, manunulat na siya. May isa pang sumagot, kapag nanalo na ang akda o nabigyan ng award. May isa pang sumagot, kapag kumikita ng pera sa mga isinusulat niya. May isa pang sumagot, kapag naging boses siya ng masa at sangkot sa usaping panlipunan ang akda niya. May isa pang sumagot, kapag natsugi na siya sa workshop na ito at napaiyak na siya!

Pangalawang katanungan, paano ba bumuo ng kuwento? Eto ang mga sagot: 1) Hindi ko alam kung paano pero alam kong makakabuo ako kapag nakita ko ang inspirasyon ko. 2) Basta’t kung ano lang ang gusto kong sulatin ay isinusulat ko. 3) Basta’t eto ang kuwento ko. 4) Inaalam ko muna kung anong genre ang gusto kong sulatin. 5) Teka, ano ba ang genre?

Ikatlong katanungan, paano ba kayo natutong magsulat? 1) Ako, ginaya ko ang naunang naisulat na, pinakamadali kasi iyon. 2) Nagworkshop ng nagworkshop. 3) Experience is the best teacher, kaya ang isinusulat ko ay panay sex education. 4) Sabi ng teacher ko, ang pagsusulat daw ay mata at kaluluwa. Kaya ang isinulat ko, dinukot ang mata kaya naging kaluluwa. Horror!!!

Ikaapat na katanungan, teka sabay-sabayin na natin, ano ang kahulugan ng genre, premise, banghay, conflict, sub-conflict, major conflict, planting, balance, disturbance, complication, climax, crisis, etc. 1) Dami naman, ewan ko. 2) Ah genre, madali lang ‘yan, kategorisasyon ng mga teksto. 3) Teka, ano nga ang teksto? Ah teksto, ito iyong nasusulat. 4) Nasusulat? Bakit sabi ng titser ko, ang teksto din daw ang picture ko at saka ang mga billboard sa Edsa. 5) Ganun ba? Ngayon ko lang nalaman ‘yan ah. Teksto din pala ako?

Ikalimang katanungan, paano ba ginagamit ang mga ito bilang tools sa pagbuo ng kuwento? 1) alin, premise? Teka, paano nga ba gamitin iyon? 2) What if, only to find out lang ‘yan ‘no? Halimbawa, what if may isang babaeng problemado sa kanyang napakalaking paa kaya hindi siya maligawan, walang magkasyang sapatos sa kanya kaya talagang malaking malaki ang problema niya. Only to find out? ang problema pala niya ay hindi lang ang kanyang paa, kundi pati mukha. Bakit? Kasi mukha rin siyang paa! Ay ang ganda! Develop natin, tapos may isang nagkagusto sa kanya, pinagawan siya ng sapatos, pero korteng mukha, ah alam ko na, kasi napagkamalang paa nga ang mukha niya. Oy, ano ba naman kayo? Diskriminasyon na ‘yan ha? Bakit naman diskriminasyon? Hindi naman pinag-uusapan dito kung mayaman o mahirap. Love story nga ito. Pangit na love story. Parang mas magandang gawing kuwentong pambata! Ah tama, ang title, ANG BATANG MUKHANG PAA!

Ikaanim na katanungan, nasaan ang disturbance ng kuwento? 1)Basahin nyo na lang ang ang kuwento ko. Naroon. 2) Eh nasaan nga? Nagkamot ng ulo ang tinanong, basta lang ang sagot. 3) May isa pang nagtanong, paano mo naisip na ilagay iyon. At ang sagot, eh ganoon talaga ang kuwento ko eh. Kung paano, ewan ko. Paki mo. 4) Teka, huwag kayong mag-away, ano nga ba ang disturbance? Eto ba iyong istorbo?

Ikapitong katanungan, kailangan bang alam ko ang ibig sabihin ng genre bago ako tawaging manunulat? 1) Hindi ‘no. Paano kung hindi ko alam pero magaling naman ako at na-publish ang mga gawa ko? 2) Oo nga, hindi ba’t ang mahalaga sa pagiging manunulat ay ang ma-publish ang gawa niya? O, siya, di huwag na nating alamin ang ibig sabihin ng genre. Basta’t magsulat na lang tayo ng magsulat!

Natapos ang workshop ng PITONG BULATE na nangangarap na maging manunulat at naghiwa-hiwalay na silang gumapang sa mundo para palaganapin ang kanilang mga akda.

Ang unang bulate ay hindi nagkasya sa kanyang natutuhan sa workshop kaya’t nag-aral pa siya ng nag-aral. Ang ikalawang bulate ay sumali sa mga contest at nangarap na makakuha ng award. Ang ikatlong bulate ay gumawa ng bulateblogspot para maging hobby ang pagsusulat. Ang ikaapat na bulate ay nagsulat at nagpa-publish ng mga akdang isinulat. Ang ikalimang bulate ay nagsulat lang ng nagsulat kahit walang tumatanggap. Ang ikaanim na bulate ay namundok at sinimulang sumulat ng kasaysayan sa matulaing kabundukan ng mga Bulatete, at ang huling bulate ay hindi na nagsulat pa kaylanman matapos niyang matuklasan na ang pagsusulat para sa isang bulate ay isang malaking kalokohan.


Paano nga ba masasabing isa akong manunulat?

Sa iba’y madali lamang itong sabihin. Sa iba’y nakapagsulat lang ng isang kuwento, ang tawag sa sarili’y manunulat na. Sa iba’y napakarami na nilang kuwentong naisulat at nai-publish, at ang tawag na nila sa sarili’y manunulat. Sa iba’y hobby lang o libangan ito, pero ang tawag pa rin nila sa sarili’y manunulat. Sa iba’y propesyon ito, sa iba’y bokasyon. Sa iba’y walang kuwentang propesyon. Sa iba’y kahanga-hangang bokasyon. Depende kung sino ang nagsasalita. Depende kung anong oryentasyon ng isang tao.

Anuman ang oryentasyon ng bawat indibiduwal na nagnanais maging manunulat, may mga batayang pag-aaral na kailangan pa rin niyang pag-aralan. Hobby man ito, propesyon, bokasyon, etc. Kung baga sa subject, may mga terminolohiyang dapat ay alam ng isang mag-aaral para maunawaan ang konteksto ng pinag-uusapan.

Kung paanong mahalagang malaman natin ang 1+1 noong elementarya tayo, kung paanong mahalagang alam natin na ang kasunod ng A ay B, kung paanong dapat ay ginagawa natin ang pagsisipilyo ng ngipin at paghihimalos sa umaga, kung paanong alam natin na ang pagkalam ng sikmura ay nangangahulugan ng gutom, kung paanong dapat alam natin na ang halaga ng bawat text messages, kung paanong alam natin na kapag may narinig tayong sumisigaw ng balot ay may nagtitinda ng balot at hindi nagtitinda ng taho, kung paanong alam natin na gusto nating maging manunulat, dapat ay alam natin ang mga batayang pag-aaral na mayroon ito at alam natin ang kahulugan ng salitang genre, kung saan at paano ginagamit ito, at ang pagkakaiba-iba ng mga elementong nakapaloob dito.

Kadalasan, ang kahinaan ng isang tao na ibig maging manunulat ay ang kaayawang pag-aralan ito at ayaw na niyang malaman kung bakit si Juan ay umibig kay Maria at si Maria ay umibig kay Pedro at si Pedro ay umibig kay Juana at si Juana ay umibig kay Maria, etc… etc… Hindi na mahalaga sa kanila kung ano ang pagkakaiba ng drama sa komedi at ng komedi sa love story at love story sa action at action sa horror at horror sa fantasy at fantasy sa tunay na buhay.

Maski halo-halong konsepto ay ok na. After all, ang tawag d’yan ay deconstruction. Kapag lumabas ka sa pamantayan, deconstruction na. Pero alam ba kung ano ang pinagmulang kumbensiyon? Bakit nga ba tinatawag na kumbensiyon?

Iyon ang mahalagang matutuhan muna. Aralin muna ang mga pamantayan, ang basic, ang standard, ang kumbensiyon—- saka na tayo tumalon sa deconstruction. Kung paanong sa pag-aaral, tinatapos muna ang preschool bago mag-elementarya, bago mag-high school, hanggang college, at post graduate studies.

Kaya madalas mapagkamalang madali lang ang maging manunulat.

Monday, January 21, 2008

MALIKHAING PAGSULAT 101

BOTETE
----------------------
Mapait... matamis
lasa ng lambanog
parang babaeng
sarap ibigin
nakakaloko,
nakakabaliw,
at ang lasa'y
naiiwan sa labi
para talagang babae.
At ang likidong gumuguhit
tulad ng babae kung makapanakit
na may “after taste” pa sa umaga't
malalasahan, masisimsim, maaamoy pa
masakit na sa ulo'y masakit pa sa bulsa
babae... babae.... babae... at babae pa...
alak... alak... alak... alak at may alak pa...
magkatulad na habang tumatagal sumasarap
at lalong sumasarap, tumitindi ang pagliliyab
nakakalango't katawan ay nagpapaliyad-liyad
may mala-impiyernong init na nagpapalasap
na ang ligaya at kamunduha'y nasa langit
naman ang amats at ang “after shock!”
at sa umaga, pagkatapos na ng lahat
iisa lang din ang tinatawag-tawag
uwak... uwak... uwak... uwak...
guwarrkkk!!! guwarkkkk!!!
guwarrrrrrkkkkkk!!!
-------------------



***

Sa Malikhaing Pagsulat, gumagawa ka ng hugis, ng korte, ng imahe sa pamamagitan ng salita, mga letra, mga simbulo o senyas.

Sa Malikhaing Pagsulat, may mga kahulugang nakatago o nagtatago. Sabi nga ni Rene Villanueva, makintal at magparanas. Hihiramin ko ang dalawang salitang ito ni Rene bilang panimula.

Nagagawang makintal ang kamalayan sa pamamagitan ng paghahanap ng mga kahulugan at pagpapakahulugang nasa imahe, nasa korte, nasa hugis. May mga literal na pagpapakahulugan, subalit higit na matalas ang mga kahulugang nagbubukas ng kamalayan o nagbibigay ng mga samu't saring ideyang hindi binibigkas subalit naitatanim ng malalim o naititimo sa isipan. Nagpaparanas, hindi lamang dahil nakakarating ang imahinasyon sa lalim ng mga kahulugan ng teksto. Kundi ang magparanas na maangkin o angkinin ng mambabasa ang teksto bilang siya o bilang kanya dahil naroon siya o bahagi siya ng tekstong binasa niya at upang lumikha at magluwal ng mga panibagong imahe, mga hugis, mga korte mula sa imaheng nakintal sa kamalayan niya.

Ang Malikhaing Pagsulat ay hindi lamang ang makasulat ng katha o kuwento. May responsibilidad itong lumikha ng mga imaheng magpaparanas at kikintal sa kamalayan ng mambabasa sa pamamagitan ng literal at kritikal na pagbasa sa isang teksto.

Dito ko sisimulan ang Malikhaing Pagsulat 101.

Wednesday, January 16, 2008

Romance Pocketbook


Out na po ito sa National Bookstore!!!

Thursday, January 10, 2008

I’M GLADY WITHOUT S!












Tandang tanda ko ang kuwento ng ate Nini ko sa akin tungkol sa araw ng kapanganakan ko. Umuwi raw ang tatay ko sa bahay namin ng tanghali at tinanong niya kung nanganak na raw ang nanay namin. Oo daw. Tinanong daw niya, anong pangalan? Sabi, Glady. Tanong pa daw niya, bakit Glady?

Sagot daw ng tatay ko, wala lang, para maiba lang, walang S.

Teka, totoo bang may kinalaman ang pangalan sa ugali at pagkatao ng isang taong nagmamay-ari nito? Hindi ko alam ang logical na sagot dito pero gusto kong sakyan na oo.

Dahil sa unang iyak ko pa lang ata, malamang na tumatawa na rin ako. Glady nga eh. At ang Glady for short eh Glad, tawag sa akin ng mga kaibigan ko, at kung gustong dagdagan ako eh Glads, kapag medyo nang-aasar ay Gladiola, at kung gusto pang lalong mang-asar ay Gladieytor, haha. Sa mga unang taong nakakilala sa akin, kadalasan ay Gladys ang tawag sa akin., iyong iba alam na ngang Glady, eh ginagawa pa talagang Gladys. Eh madalas kong sabihin, singular lang po at hindi plural ang pangalan ko. Nag-iisa lang po ako.

At tunay nga atang nag-iisa lang ako sa mundo. Kung ang pagbabasehan ko ay ang kuwento ng buhay ko mula sa kapanganakan ko hanggang sa huling araw ng kaarawan ko sa taong 2008. Parang tama si father dear, walang S ang pangalan ko, para maiba lang.

Susubukan kong alalahanin ang ilang masasayang sandali ng buhay ko noong bata pa ako. Subok lang naman. Kung may nakalimutan, gawa na lang ako ng part 2. Mabuti na itong naisulat ko na at tumatanda na ako. Bago pa man lang ako magkasakit ng alzheimer’s. Hehe.

May mga naalala ako noong ako’y tatlong taon hanggang pitong taong gulang. Naninirahan kami sa Siniloan Laguna, kung saan ako lumaki at nagkaisip, pero hindi naman ako doon ipinanganak. Tatlong taon ako noon at naalala ko na kung tuksuin ako ng mga kalaro ko ay matang pusa. Kasi ang mata ko raw noong bata ay parang mata ng pusa. Ngayon ata, eh matang baboy na ako. Haha. Naalala ko rin na tukso sa akin ng mga kapatid ko ay palata. Kasi daw lelembot-lembot ako, wala pa sa hinagap nilang tatanda pala akong tigasin. Haha. a.k.a. Palaban daw!!!

Naalala ko ang bahay naming walang hagdan. Kahoy daw kasi ang hagdanan namin at detachable. Eh nakaaway daw ng nanay ko ang bayaw niya (tito Oat ko) kaya ayun inalis ang hagdanan namin. Kapag aakyat kami ay binubuhat kami ng tatay ko at kung paano niya nagagawang umakyat o bumaba na karga kami, iyon ang hindi ko alam. Ayaw na nga kaming pabababain ng bahay noong naiakyat na kami eh. Kung kailan nagbalik o nakabalik ang hagdanan namin, hindi ko na matandaan.

Naalala ko noon si Papot (kapatid kong bunso) nang utusan kong magpatumbling tumbling sa stage ng plaza hanggang sa bumagsak at pumutok ang ulo, ang dahilan, gusto ko lang magpasikat sa mga kalaro namin at the expense of my kapatid na bunso. Siyempre pag-uwi namin, hindi ko sinabi ang totoo.

Naalala ko nang may magbarilan sa plaza at dinala kami ng nanay ko sa kusina, pinadapa kami habang yakap niya kami, sigh, nanay ko siyang talaga. Kinaumagahan, panay tama ng baril ang bahay namin dahil katabing katabi namin ang munisipyo, may isang sundalong namatay, may ilang pulis na namatay at may mga bilanggo pang nadamay. Ang dahilan daw ng barilan, kaunting pagtatalo ng sundalo at ng pulis. Kuwento ng Tita Nessa ko, agaw buhay pa raw ang sundalo at ibinigay sa kanya ang singsing, ipinabibigay sa girlfriend niya. Tapos namatay din.

Naalala ko ang lola ko (nanay ng tatay ko) na nakita ko sa plaza at binigyan ako ng singko. Hindi ko makakalimutan ang alaalang iyon, dahil iyon lang ang natitira kong alaala sa kanya, kasi namatay na rin siya nang mga panahong iyon, singhot. Retarded ang lola ko, sabi nila. Kulang sa pag-iisip, hindi marunong magsalita, pero nanay siya ng limang lalaking pulos pasaway (kabilang ang tatay ko) na iginaod niyang mag-isa sa panahon ng giyera, kuwento sa amin ng tatay ko. Kaya buong pagmamalaki kong sasabihing lola ko siya at hinding hindi ko siya ipagpapalit sa iba. Maski ano pang sabihin sa kanya. Hinding hindi ko rin kalilimutan ang kaisa-isa kong alaala na nakita ko siya habang inaabutan niya ako ng isang malaking singko.

Naalala ko noong ipinasok ko ang ulo ko sa bakod na bakal ng plaza. Katuwiran ko kasi kung maipapasok ko ang ulo ko sa pagitan ng dalawang grills, mailalabas ko rin. Sa edad kong limang taon, hindi ko alam kung saang paaralan ko natutuhan iyon. At tanghaling tapat na eh nakapasok pa rin ang ulo ko, at hindi ko mailabas-labas. Nalaman ng nanay ko dahil sa sumbong ng kapitbahay at agad pinuntahan ako para ipalagare ang grills.

Naalala ko nang habulin ko ang nanay at tatay ko na umiiyak ako. Hindi ko alam kung bakit, basta’t tumatakbo akong ala-Roberta sa kalsada at sumisigaw ng Inaaaayyyyyy!!!! Itayyyyyyyyy!!! Sabay hagulhol ng iyak. Noong umuwi ang nanay at tatay ko, ilang hampas ng ruler sa puwet ang natikman ko.

Naalala ko nang nagpipiknik kami sa palayan sa likod bahay namin. Lumipat na kami sa may BNCAT at wala na kami sa plaza nang mga panahong iyon. May dala akong payong na pula at nagtatakbo ako sa palayan.na mala-Sound of Music ang eksena.

Naalala ko nang nanghuhuli kami ng dalag at hito sa tuwing bumabaha sa palayan at pinalalangoy namin sa timba. Ilang araw naming pinalalangoy bago pa lutuin. Pinasusuka daw ang tawag dun sabi ng tatay ko dahil kumakain daw sila ng putik kaya maglalasa silang putik kung hindi pasusukahin. Ang nakapagtataka, pinasuka na nga’t lahat ang mga dalag at hito, ay kung bakit lasa pa rin silang mga putik! Hehe.

Naalala ko na nanghuhuli ng ibon na pugo ang kuya Naree ko at iniihaw namin iyon. Pati ang kanta niyang Rosemary Blue na kinakanta-kanta ko pa rin magpahanggang ngayon. You tried to wake me in the morning, this was our moment of goodbye… Naks! Senti.

Naalala ko si Titina (Valentina ang tunay niyang pangalan.). Ang alaga naming baboy at iyak kami ng iyak na magkakapatid noong ibinenta na siya. Para ko siyang kapatid. Ngayon ay mas alam ko na kung bakit para ko siyang kapatid. Hehe.

Naalala ko na madalas kaming manood ng sine sa sinehan ng Saldomar ng mga pelikula nina Vilma at Nora. Minsan nga ay may mga singit pang bold na eksena. Takipan ng mga mata pero ang kapatid ko na si Kuya Iboy, nakatakip ang mata pero nakabukas ang dalawang daliri niya. hehe. Naalala ko ang pelikulang Kung Bakit dugo ang Kulay ng Gabi na ang bida ay si Alona Alegre, George Estregan at Celia Rodriguez at talaga namang lagim na lagim ako noon kaya unang pagkakataon kong hindi nakatulog buong magdamag. At sa tuwing may kaluskos, napapatalukbong ako ng kumot.

Naalala ko ang mga sinira kong bag noong nag-aaral ako ng grade one dahil buwan-buwan ay binibili ako ng nanay ko. Hanggang sa isang araw ay umuwi siyang may dalang bag na animo’y yari sa plastic na abaka. Sabi ng nanay ko, hindi mo na masisira iyan. Isang hapon, umuwi akong sira-sira na. Takang taka ang nanay ko kung paano ko iyon nagawang sirain. Nitong mga huling araw ko na lang inamin na araw-araw ko kasing kinakaladkad sa kalsada.

Naalala ko kung magtsinelas ako ay baligtad. Maski anong gawing pagtatama ng nanay ko, baligtad talaga. Hindi ko masyadong napapansin na nadala ko hanggang sa pagtanda. Minsan sabi ng pamangkin kong si Pupu, ay baligtad, parang si Tita. Walang nagkuwento sa kanila, pero napansin nilang hindi ako conscious na magtsinelas nang magkabaglitad. Puwera na lang siyempre kung lalabas ng bahay.

Naalala ko nang makipagluksong baka ako. Mataas ang tatalunin ko, sabi ko kaya ko, sabi ng ate Bingbing ko, huwag. Tumalon pa rin ako. Bumagsak ako at nadaganan ko ang kanang braso ko. Bali. Nakimaw ako. Isang taon kong ininda ang cast, kawayan pa ‘yun. Isang taon akong naging kaliwete. Hehe. Pero medyo kaliwete pa rin ako kung minsan hanggang ngayon. Haha! Kung magsulat.

Naalala ko nang umalis ang nanay ko sa bahay namin para pumunta ng Maynila para magturo. Isang linggo pa lamang ay nag-empake ang tatay ko at isinakay kaming lahat sa mini-bus, biyaheng Maynila. Sabi niya, hindi raw pwedeng magkahiwa-hiwalay kami. Pitong taon ako noon, katatapos lang mag-grade one. Nakasakay kaming anim na magkakapatid, kasama ang tatay ko sa isang mini-bus, palayo, hindi ko alam kung saan kami pupunta. At isa iyon sa pinakamalungkot kong alaala.

Ang mga sumunod na alaala ay mas masalimuot, mas kumplikadong mundo ng Yakal Tundo noong early 80’s. Panahon pa ata nina Boy Pana kung saan nakakakita ako ng saksakan, panaan, barilan at bugbugan. Ang masaya, nakakaaliw na kabataan, mga karanasan ng kalokohan at paglalagalag sa kalye. Ang pagiging musmos na tila walang katapusan.

Maraming kuwento, maraming maraming espasyong kakailanganin sa mga kuwento kong ito. Baka tamang mag-part II o higit pa.

Pero dahil birthday ko, ito lang naman ang gusto ko sa klase ng selebrasyon na mayroon ako nitong huli. Ang minsang maging batang muli ang matatanda, hehe.

Masaya ang birthday celebration ko noong Jan 3 sa bahay namin, sa bahay ko nag-lunch ang buong pamilya ko, nag-online si Nunang, binati ako ng mga kaibigan ko sa text at sa YM. May cake, may candles, may balloons, may mga kaibigan sa party, at may baby boy na cute na nakuha ang balloons ko.

Noong Jan 4 ay celebration ko sa mga kaibigan ko. Tanghali pa lang ay nagpunta na kami ni Les ng Trinoma, sabi ko, mag-scout kami ng resto, magpareserve, at dahil katatapos lang ng holiday, medyo problema ang pagkaing ipapakain ko sa mga invited guest ko. Una, baka hindi pa sila natutunawan, pangalawa, baka handa nila noong Pasko o Bagong Taon ang handa ko ngayon sa birthday ko. Una naming pinuntahan ang Fridays, negative, kasi pasta at pizza ang specialty nila, saka chicken. Sabi ko, mayroon ‘yun noong holiday for sure. Inisa-isa namin ang lahat ng resto sa Trinoma, negative lahat. Dalawa lang ang pagpipilian, Dencio’s o Gerry’s na parehong bar. Sabi ko naman, e di painumin ang matatanda with matching toy balloons, hehe, joke.

Nagpagawa ako ng pitong balloon sa national bookstore, kako ‘yan ang parusa sa mga kakain ng handa sa birthday ko, ang mag-uwi ng balloons. Pito, dahil pito kami, including me. Nagpunta kami ni Les sa Red Ribbon para bumili ng pineapple juice, sakto namang may nagtext sa kanya at kailangan niyang magpaload. Naiwan ako na hawak ko ang pitong lobo. Para akong magbebenta. Isang batang lalaki na cute na cute ang umiiyak, bumibili ng cake ang mommy niya habang kinakantahan siya ng tatay niya ng happy birthday. Nakasakay ang bata sa stroller at talagang walang patid ang pag-iyak niya. Diretso sa pagkanta ‘yun tatay. Sa wakas ay nakuha ng nanay ang cake na binili nila at aktong aalis na sila, dumaan sila sa harapan ko at talaga namang iyak pa rin ng iyak ang bata. Itinuturo ang balloons na hawak ko. Awtomatikong inabot ko sa kanya ang isang balloon na kulay yellow, dapat sana’y akin ang lobo na iyon. Hinding hindi ko makakalimutan ang biglang pagbabago ng ekspresyon ng batang lalaki, ang biglang pagtawa niya habang tumutulo pa ang luha sa mga mata niya. Humagikhik siya na hawak ang balloon. Nagpasalamat ang tatay niya at sabi sa akin, salamat ha? Birthday kasi niya.


Nabawasan ang balloons, anim na lang, pero ang tuwa sa dibdib ko nang araw na iyon ay kakaiba. Hindi nasayang ang pagbili ko ng lobo. Hindi pala totoong nagbata-bataan lang ako.

Masaya ang birthday celebration ko. Kasama ko sina tita Opi, Tita Josie, Tessa, Tita Terry, Jocy at Les. Humabol pa ang guwaping na si Bebong. So what more can I ask? Kita naman sa pix na medyo nabusog kami sa Dencio’s at kita rin sa mga ngiti namin na hindi na kami tatlong itlog lang kundi pito na! haha. They are my friends and I’m very very proud and happy to be one of them!!!

Ang regalo nila sa akin ay kakaiba, cd ng Sherk 1, 2, at 3. Ang saya talaga! Mayroon na ako noong 1 and 2, wala pa ako ng 3. Pero gasgas na gasgas na ang cd ko at talagang panahon na para bumili ng bago, hehe. Kung bakit gusto ko ang Shrek? Saka ko na sasabihin. May tula pa akong ginawa para sa kanya, kay Shrek. Ang pagsulat sa akin ng tula ay minsan lang. Masyadong espesyal sa akin kapag ginawan ko ng tula. At si Sherk ay napakaespesyal sa akin.

Kung ibabalik ko ang alaala ng aking nakaraan, gusto kong i-share ng paulit-ulit sa aking mga kaibigan ang masasayang sandali ng buhay ko kasama man sila o hindi. Dahil alam ko, sa puso ko, nakilala na nila ang totoong ako. And they have accepted me for who I really am. That’s the best gift I’ve ever received.

Tuesday, January 8, 2008

SALAMAT, RENE

Isa si Rene Villanueva sa hindi ko makakalimutan na sikat na personalidad at manunulat sa Pilipinas. Bukod sa kanyang angking galing at talino sa pagsusulat, may ilang mga kuwentong hindi ko malilimutan.


ANG UNA NAMING PAGKIKITA SA PETA
Labing walong taong gulang pa lang ako noon. Neneng nene, ika nga. Unang sabak ko sa mundo kung saan nakasama at naging kaklase ko ang ilang mga aktibista at radikal. Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang PETA noon, kung ano ang dala-dala nilang adhikain o kung anupaman. Basta’t ang alam ko’y nag-aaral ako ng theater acting. Malaking frustration ko ang maging artista (running joke nga hanggang ngayon ‘yan, hahaha!)

Ang dami kong natutuhan sa PETA, magsulat ng dula, mag-direk, at umarte.

Isang critic night ang sumailalim sa mga kamay ni Rene Villanueva at kabilang doon ang isinulat kong dula na may titulong KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG. One act play ito.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na isinalang ako bilang manunulat sa isang workshop. At sa edad na disiotso ay iniharap ako (in person) sa isang Rene Villanueva, at ang unang dulang isinulat ko sa tanang buhay ko.

Ngatog na ngatog pa ako noon. At pagod na pagod sa mga rehearsal. Ilang gabing nagpuyat kami dahil malapit na ang araw ng pagtatanghal. Hindi naman kasi basta nagsulat lang ako, kundi ako rin ang isa sa mga bidang tauhan.

Ang dami-daming sinabi ni Rene. Pakiramdam ko’y nagdidilim na ang paningin ko sa mga sinabi niya. Sa apat na dulang dumaan sa kanya, ako ang pinakahuli. Nasulyapan ko ang isang manunulat na umiiyak, napakaemosyunal dahil sa mga ginawang pangtsutsugi ni Rene. At ako, sa kabila ng pangangatog ko sa harapan niya, may composure pa rin ako sa harapan niya. Pangako ko sa sarili ko, hindi ako iiyak. Bakit ako iiyak? Eh para script lang, iiyakan ko.

Ang dami daming sinabi ni Rene (hindi ko na halos matandaan iyong iba) siguro ay dahil ayokong tanggapin ang mga sinasabi niya noon. Paiyakin ba naman ang mga kasamahan ko. Natural na may negatibong pakiramdam na agad ako sa harapan niya.

Marahil ay likas sa akin na hindi ako basta sumusuko sa isang laban. Natatandaan ko na sa lahat ng manunulat na naroon ay mag-isa akong nagsalita at nagsabi kay Rene ng saloobin.

Ang sabi ko sa kanya, bukas na ito ipapalabas, paano mo mae-expect na mababago pa namin ang mga gusto mong baguhin namin?

Sabi niya, kung kaya n’yo lang naman.

Ang sagot ko, hindi na namin kaya.

Ang daming sumunod na nagsalita pagkatapos ko. Hindi ko na alam kung ano ang ginawa ni Rene dahil tumayo na ako at naglakad, sa aktong tila nag-walk out.

Kinabukasan, nabigla ang buong grupo ko dahil may revision ang script ko. Hindi makapaniwala ang director namin na ang last dry run namin ay tila unang salang na naman dahil sa napakaraming revision ng script. Ayaw baguhin ng director. Ang sabi ko, “kung ayaw mong gawin, ako na ang gagawa ng mga pagbabago.” Nainis ang director at nagwalk out. Hinayaan ko lang siya. Ako ang nag-sub na director. Final dry run namin ay nagre-rehearse kami ng panibagong mga linya. Bago sa akin ang lahat kaya’t gustong gusto ko ang ginawa ko maski hirap na hirap din ako.

Sa gabi ng pagtatanghal sa PETA GARDEN, nakakuha ng iba’t ibang award ang KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG. Nanalo ding best director ang director nito maski nag-walk out sa huling araw ng rehearsal. Hindi ko na kinuha sa kanya ang credit. Siya pa rin ang tumanggap ng award. After all, nanalo naman akong best actress of my own right sa role na “lukaret na lola.” Ahehe.

Ang susi ng aming pagkakapanalo? Hindi pala totoong hindi ako nakinig sa mga sinabi ng isang Rene Villanueva noon.

Totoong na-challenge ako sa kanya-- bilang isang baguhan, uhugin at wala pang direksyon sa buhay. Masasabi kong starting point ko si Rene bilang isang manunulat at kung ano ako bilang manunulat ngayon.


ANG IKALAWANG PAGSASANGA NG LANDAS NAMIN NI RENE
Narinig ko na naman ang pangalang Rene Villanueva na faculty daw ng Filipino department sa UP Diliman. Marami sa mga kaklase ko na natatakot siyang maging teacher dahil sa reputasyon “daw” na ibinabato ang mga script. Wala akong matandaan na ganoon. Hindi naman kasi niya ibinato ang mga script namin sa PETA, kundi tsinugi lang. Hehe. Manunulat na ako noon sa komiks. Marami na akong series at nobelang naisulat. Nakapagsulat na ako ng mahigit isang daang romance novel, nakapagsulat na ako ng mahigit 20 dula na ipinalabas sa iba’t ibang mga paaralan tulad ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, San Sebastian College, Trinity College, etc. Kasalukuyan akong manunulat noon ng 143 ni Vic Sotto at Rosanna Roces, gayundin ng mga Telesine ng GMA at ilang mga drama series dito.

Sabi ko sa sarili ko, bakit ba ako matatakot na maging guro ang isang Rene Villanueva? Nagawa ko nga siyang harapin noon (maski pa nangangatog ako), mas magandang makaharap ko siyang muli. Pakiramdam ko’y marami na akong maisasagot sa mga tanong niya. Pangako ko iyon sa sarili ko.

Nag-enrol ako at siya ang naging guro ko sa pagsulat ng dula.

Ang ibang mga kaklase ko’y nagpalipat ng section.

Ako, nanatili akong nasa section ni Rene. Excited na ako sa first day of class namin sa kabila ng pangangatog ko pa rin. Pero hindi siya pumasok sa unang araw. Nagtaka kaming lahat. Ang iba’y natuwa. Parang nakalaya ng isang araw sa pagkakabilanggo. Ang sumunod na meeting ay tila naging isang great announcement, napalitan ang guro namin. Hindi na si Rene. Tuwang tuwa ang ilan. Maski ako, pakiramdam ko’y parang nabunutan ako ng malaking tinik na nakabaon sa dibdib ko. Hindi pa oras na magkaharap kaming muli ni Rene, sa loob-loob ko.

Pagkatapos ng semester, nawish kong sana’y hindi na lang napalitan ang guro namin. Dahil sa totoo lang, sa pakiramdam ko lang naman ay nag-aksaya ako ng isang semester sa ilalim ng ipinalit na guro dahil walang ginawa sa klase ang malaking “mama” na ito kundi ang manakot ng mga estudyanteng babae, manindak ng mga kapwa lalaki, at magkaroon ng favoritism na “magaganda’t seksing estudyante.” Hehe. Natuwa ako ng mabalitaan ko na hindi na siya nagtuturo noong mga sumunod na semester. Ewan kung ano ang dahilan. Kung dahil ba ayaw na niyang magturo, may mga nagreklamo sa kanya o bagsak siya sa popularity rating. Hehe.

Naalala ko si Rene. Ang laki pala ng nawala sa klase namin dahil hindi siya ang naging guro namin. Ang laki pala ng nawala sa akin.


ANG BATIBOT
Aktibo ako sa pagsusulat ng telebisyon. May isang lumapit sa akin na EP, kung gusto ko raw bang magsulat ng pambatang show. Usong uso iyon noon. Sabi ko, puwede naman siguro. Saan ba? Subukan ko daw makipag-brain storming sa Batibot.

Natigilan ako, sabi ko, sige bah. Pero wala sa loob kong totohanin iyon. Alam ko kasi na naroon si Rene Villanueve bilang head writer. At kung unang pagkakataon kong magsulat ng kuwentong pambata sa telebisyon, hindi ko ba alam kung ano ang magiging kapalaran ko sa mga kamay ni Rene? Parang nakikini-kinita ko na. Hehe. Ang dami kong trabaho noon dahil ilang teleserye ang ginawa ko at may GMA True Stories pa ako. Nagpasya akong mag-focus na lang muna doon.


ANG PAGSUSULAT KO SANA NG DRAMA SA RADYO
Etong si Bebang (Beverly Sy) naisipan kaming isama ni Leslie sa isang opisina ng NGO, kailangan daw ng writer sa radio. Sige, try lang, wala namang masama. Nagmeeting kami, kasama ang ilang mga writer din at miyembro ng NGO. Sabi, si Rene daw ang head writer kaso hindi makakarating. Nagbrainstorm kami at pasado ang mga pitch in at concept ko sa mga ka-meeting namin. Isabmit na lang daw namin ang synopsis proposal para mabasa ni Rene.

Natigilan na naman ako. Hindi dahil sa ayokong makatrabaho si Rene. Kundi sa mga pagkakataon na makakatrabaho ko sana siya pero hindi matuloy-tuloy. Dahil sa mga oras na sinasabi iyon, may nagtext sa akin na approve na ang isang bagong project na sisimulan ko ng gawin at nauna ko iyong commitment. Alam kong hindi ko magagawa ang assignment kong synopsis proposal. Sabi ko kay Les, siya na lang ang gumawa kasi tambak ang mga susunod na trabaho ko. Malaking project ang susunod kong gagawin.

Hindi na ako nakabalik. Alam iyon ni Bebang. Hindi rin ata nakapagsulat si Les.


SI RENE AT ANG PAGKIKITA NAMIN SA SEMINAR
May isang seminar symposium na ginanap sa UP Vargas Museum tungkol sa romance novel. Isa ako sa naimbitahang speaker. May kasama akong dalawa pang speaker pero hindi nakarating si Gilda Olvidado.

Si Rene ang tagapagpadaloy ng symposium. Na-introduce ulit kami sa isa’t isa. Graduate na ako ng UP, nagtuturo ako sa Kalayaan College at nasa unang taon ako ng masteral ko.

Na-impress ako sa galing ni Rene bilang tagapagpadaloy. Naging napakaganda ng talakayan dahil sa naging flow ng kanyang mga pagtatanong.

Nakita ko ang malaking respeto niya sa mga manunulat ng romansang nobela. Biglang bigla, nawala na rin ang pangangatog ko sa tuwing maririnig ko ang pangalan niya. Sa una ring pagkakataon ay nakipagpalitan ako ng cellphone number sa kanya.

Mula noon, paminsan-minsan ay nagpapalitan na kami ng mga text messages.


SI RENE, KAKLASE KO?

Hindi ako makapaniwala na magiging kaklase ko si Rene sa isang subject ko sa masteral degree. Sa ilalim ng gurong si Joey Baquiran. Isang workshop class ito ng mga tula at maikling kuwento.

Ito ang subject kung saan walang preno ang bibig ng mga kaklase ko sa pangtsutsugi ng maski na anong script. Mga walang patumanggang laitan at kontrahan. Sanay na ako sa mga panahong ito. Wala na akong takot makipagbaliktaktakan. Sa totoo lang, isa na ako sa pinakamatapang magbigay ng mga statement. Ang dami ko na “atang” napaiyak sa iba’t ibang mga workshop. Hehe. O nabarag na mga kuwento. Sa tuwing magsasalita na ako, medyo kinikindatan na ako ni Sir Joey na tila nagpapaalalang, o Glady hinay-hinay, baka ma-culture shock ang mga kaklase lalo na iyong mga bagong salta. May kaklase kaming galing ng Ateneo de Manila, medyo lutong luto sa akin. Ang joke ko nga noon, paghihigantihan niya ako kapag ako naman ang nagpunta ng Ateneo. Haha!

Hindi kami nag-usap ni Rene na magkampihan kami. Pero hindi ko alam kung bakit nagkakaayon kami ng mga pananaw sa ilang “trabaho” ng mga kaklase namin. May mga script na “napagtutulungan” naming tsugiin. May mga trabahong pareho naming napupuri.

Panahon na ng paghihiganti, dahil script ko na ang isasalang. Na-publish na ang maikling kuwentong ito sa Diwa Scholastica, sa ilalim ng pamamatnugot ni Dr. Jimmuel Naval. Puwede naman iyon eh. Mas maganda nga daw kung na-publish na para malaman o mapatunayan kung maski mga na-publish na ay may mga maling konsepto pa ring lumulutang.

Ano pa ba ang aasahan ko? Katakot-takot na mga tanong mula sa mga kaklase kong naghihiganti. Hindi pa ako sumasagot. Kasi huli daw akong magsasalita. Isinusulat ko isa-isa ang mga tanong na nakamamatay na kailangan kong sagutin.

Kaso mo, hindi pa man lang ako nakakapagsalita, etong si Rene Villanueva ang aking Knight of Shining Armor. Pati rin itong si Sir Joey, na panay ang singit para sagutin na ang mga tanong sa akin.

Natatawa ako. Kapag pala kasama mo ang isang Rene Villanueva at naniwala siya sa isinulat mo, hindi mo na kailangan ng armas. Siya lang ay sapat na.

Ang ganda ng sinabi ni Rene tungkol sa isinulat ko. Plain ang kwento, walang climax, walang maski na ano, kuwento lang talaga, point of view lang ng central character kaya bias. Diretso. Direkta. Pero eto nga ang bagong inihahain ni Glady. Eto ang estilo niya. Ang binabasag niyang kumbensiyon sa maikling kwento ay ang mismong anyo na nagkakahon sa isang manunulat para eto lang ang sulatin. At ito ang maganda sa kuwento ni Glady. Basta, gusto ko ang kuwento ni Glady. Period.

Sabi sa akin ni Sir Joey, kung may sasabihin pa raw ba ako. Sabi ko wala na. Totoong wala na akong nasabi pa dahil wala ng kailangang sabihin pa. Ang mahalaga sa akin, may isang nakaunawa sa loob ng klaseng iyon kung ano ang ginawa ko sa isinulat ko. Si Rene Villanueva-- na naging instrumento ko noong ako’y nagsisimula pa lamang magsulat para isiping ang revision ang pinakamabisang tools ng isang manunulat. Si Rene Villanueva din ang nagbigay ng inspirasyon sa akin ng mga oras na iyon na magpatuloy sa paghahanap o paglikha ng “bago” sa anumang akdang isusulat ko pa.


ANG PAG-UUSAP NAMIN TUNGKOL SA IBONG ADARNA
Tinext ko si Rene habang patungo kami sa Laguna nina Vicky Nuevas, Leo at Les. May pa-concert kasi kami ng South Border doon. Tinanong ko si Rene kung magkano ang halaga ng isang one act play kung pasusulatin ko siya. May plano kasi ang Star Events noon (kung saan ako ang SP) na mag-produce ng play na Ibong Adarna. Gusto namin na si Rene ang magsulat at ako ang magdi-direct. Hindi ko na kasi kayang sumulat nang mga panahon na iyon dahil fulltime faculty ako ng GCIC (Global City Innovative College) at may hawak pa akong posisyon as Chancellor ng Aeolus House. Bukod pa sa pagiging SP ng Star Events ay busy kami sa concert tour ng South Border. Nagpasya kaming si Rene sana ang pasulatin ng play. Pero nasa stage pa lang kami ng project study, nagback-out ang producer namin.

And sad to say, hindi natuloy ang proyekto. Nanghinayang ako ng malaki dahil pagkakataon ko na sanang makatrabahong muli si Rene.


ANG PALANCA AT SI RENE
Naging judge ako sa Palanca Awards, Maikling Kuwento Category, 2006.

Pero bago mangyari iyon, may entry ako na gusto kong isali sa Kuwentong Pambata Category ng taong iyon. Parang alam ko na kung sino ang makakalaban ko, the likes of Eugene Evasco and Rene Villanueva lang naman. Hehe. Sabi ko sa sarili ko, sana judge si Rene na halos taun-taon ay nanalo sa Palanca. Pakiramdam ko’y wala akong chance manalo kapag kasali si Rene. Pero ang naging judge ay si Eugene Evasco, isa pang multi-awardee na manunulat.

Inimbitahan ako ng Palanca para maging judge. Iminungkahi daw ako ni Prof. Ligaya Tiamson Rubin. Sabi ko sa sarili ko, may choice ako. Sasali ako o magdya-judge ako. Tinanong ko si Dr. Jimmuel Naval, thesis adviser ko, kaibigan at guro na walang sawang nangungumbinse sa akin noon na magsasali sa Palanca (dahil tamad akong magpasa ng entry). Sabi niya, grab the opportunity. Ibang klaseng experience daw kasi. Nagdesisyon akong tanggaping maging judge kaysa sumali. Naalala ko si Rene. May nakapagsabi sa akin na hangga’t maaari daw ay ayaw ni Rene na mag-judge at ang gusto’y sumali ng sumali lang. Ewan kung totoo ito. Ewan din kung bakit.

Makaraang maging judge ako ng Palanca, napatunayan kong tama si Rene. Tama siya kung ang makakamit mo ay ang mga nakamit niyang tagumpay sa Palanca.


ANG HULI NAMING PAGKIKITA NI RENE
Kasama ko si Dr. Ruby Alcantara sa faculty lounge (sa isang coffee table), at nagla-lunch kami. Nakita ko si Rene at nilapitan ko para batiin. Sa tingin ko’y namayat siya kaya’t agad ko siyang kinumusta. Ngumiti agad siya sa akin at sinabi niyang ok lang naman siya. Sandali lang kami nagkuwentuhan at bumalik na ako sa table namin ni Mam Ruby. Narinig ko pa si Mam Ruby na pinagsabihan si Rene na kumakain na naman daw ng matamis. Napangiti pa ako sa sagutan ng dalawa, siyempre daw at masarap kung ano ang bawal.

Iyon na ang pinakahuli.


ANG MAIKLING KUWENTONG ISUSULAT KO PA
Hindi ko alam kung sapat ito sa dami ng natutuhan ko kay Rene, bagama’t baka hindi niya alam na naturuan pala niya ako. Noon ko pa gustong maglagay ng mga maikling kuwento dito sa blog ko kaso’y lagi akong walang oras kaya’t pulos dagli lang ang nailagay ko.

Ang unang maikling kuwento kong isusulat dito, at ito’y mula o hango sa unang dulang isinulat ko… KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG.

At ito’y para sa alaala at inspirasyon ng isang Rene Villanueva.

***


KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG (PART 1)
Kumukuti-kutitap… umiindak-indak… sumusundot-sundot…

Panay lang ang kanta ni Lola Munding habang nagluluto ng kanyang nag-iisang resipe, ang sinampalukang man-ok.

Man-ok talaga, walang kokontra kay Lola Munding kung ayaw mahampas ng siyanseng ipinang-eespada pa niya. Panay ang wasiwas, saka may sundot at mahinang paghampas.

Mahinang hampas ng siyanse sa palayok para lumikha ng tunog bilang beat ng kanyang kanta at kung kailan niya igagalaw ang kanyang balakang sa pag-indak. May tiyempo daw dapat.

Lola. Tawag ni Raffy, ang kanyang kaisa-isang apo na lalaki.

Hmmnn…

Alamusal po.

Kumukulo-kulo… umuusok-usok… Kanta pa ni Lola Munding habang inihahain kay Raffy ang sinampalukang man-ok niya.

Lola, alamusal po.

Alamusal nga iho.

Hindi na kumibo si Raffy. Bakit nga ba hindi pa siya nasanay na ang almusal, tanghalian, at hapunan nila ni Lola Munding ay ang nag-iisa nitong resipe na sinampalukang man-ok. Nakakakain lang siya ng ibang putahe kapag nakikikain siya sa ibang bahay, o kaya’y pinapakain siya ng may-ari ng ulingan na pinagtatrabahuhan niya. Biruan ng ilan nilang kakilala, manok lang daw kasi ang kayang patayin ni Lola Munding. At pasalamat na raw ang lahat, dahil kung kaya daw pumatay ng tao ni Lola Munding, malamang na sinampalukang…

Ayan, humigop ka na ng sab-aw, apo.

Kaisa-isang apo ni Lola Munding si Raffy. Kaisa-isa. Hindi alam iyon ni Raffy, na kaisa-isa siyang apo ni Lola Munding. Dahil buong akala ni Raffy ay napakarami niyang pinsan na nag-aaral sa Maynila. Akala niya’y nasa Maynila ang mga tiyo at tiya niya na may kanya kanyang pamilya. Buong akala niya’y may buhay pa siyang naghihintay sa labas ng baryong kinagisnan niya. Buong paniniwala niya’y may tahanan pang naghihintay sa kanya sa labas ng maliit na kubo ni Lola Munding na gigiray-giray lalo na kung katatapos ang malakas na bagyo.

Sige na lola, magkuwento ka pa.

Ng ano?

Kuwentuhan mo pa ako tungkol sa mga pinsan ko. Kuwentuhan mo pa ako tungkol sa mga anak mo. Kuwentuhan mo pa ako tungkol sa nanay at tatay ko.

Tuloy lang sa pananahi sa kanyang lumang makina si lola Munding ng punda ng unan. Iyon ang pinagkakakitaan niya sa loob ng mahabang panahon.

O, e, ano pa ang kukuwento ko? Lahat ata nakuwento ko na.

Lahat nga. Pero di mo pa nasasabi kung bakit.

Bakit? Umangat ang mukha ni Lola Munding, sinulyapan si Raffy na noon ay nakatalungko sa isang mahabang silya. Seryoso ang mukha.

Bakit tayo lang ang andito sa baryo? Bakit nasa Maynila silang lahat? Anong ginagawa nila sa Maynila, Lola?

E, wala.

Lola, anong wala?

E, basta’t nasa Maynila sila. Iyon lang ang alam ko.

Hindi ba natin sila pwedeng puntahan, Lola?

E, hindi ko alam. Wala tayong pamasahe.

Lola, may naipon na ako. Inilabas ni Raffy ang nakabilot na pera mula sa isang telang hiningi niya sa panederiya. Doon itinatago ni Raffy ang kinita niyang pera mula sa pag-uuling.

Ayan Lola, marami na tayong pera. May pamasahe na tayo pangluwas ng Maynila. Puntahan na natin sila.

O sige, hayaan mo’t luluwas din tayo. Diretso si Lola Munding sa pagtipa ng paa niya sa makina.

Talaga lola? Namilog ang mga mata ni Raffy, iyong bilog ng matang hinding hindi inaasahan ni Lola Munding na makikita niya. Pakiwari ni Lola Munding ay aatakihin siya ng Alzheimer’s dahil sa bilog ng mga mata ni Raffy. Biglang bigla, gusto niyang magkasakit ng ganitong sakit. Iyong makakalimutan niya ang lahat. Iyong hindi na niya maaalala ang anumang ikinuwento niya kay Raffy. Iyong maabuswelto siya sa kasalanan niya sa musmos na isipan ng binatilyong kinuwentuhan niya ng kung anu-ano. Naghabi siya ng kuwento na parang gagamba na naghahabi ng bahay nito. At dahil mananahi siya, nagtahi siya ng kuwento para kay Raffy. Ewan niya kung bakit. Gusto niyang batukan ng paulit-ulit ang sarili. Bakit ba niya pinagpraktisan si Raffy sa kanyang mga kuwento sa loob ng labing pitong taon?

At ngayong may sapat ng isip si Raffy, paano niya haharapin si Raffy para amining…

Alam mo, apo ko… imbento lang ang lahat…

Alam mo, apo ko… napulot lang kita sa tae ng kalabaw!!!

Ngayon pinagsisisihan ni Lola Munding ang ginawa. Paano niyang babawiin sa asang asang si Raffy na hindi totoo ang lahat ng kuwento niya dito? Paano niya sasabihin ang katotohanang napulot lang niya ito sa umpok na tae ng kalabaw? Hindi iyon patawa lang, sa isip isip ni Lola Munding. Totoo talagang napulot niya si Raffy doon. Pero ang katotohanang iyon ay kailangan niyang pasinungalinan na. Dahil sa mga mata ni Raffy, sa mga bilog na mata ni Raffy, kitang kita niya ang pag-asa, ang paniniwala, ang pangarap, ang buhay na pinapangarap, at ang buo nitong kaluluwa.


may part 2.

Tuesday, December 25, 2007

GREETINGS!!!

HAPPY CHRISTMAS TO ALL!!!


PEACE BE WITH YOU.


MORE BLESSINGS TO COME, ESP. SA MGA KOMIKS CREATOR AT SA MISMONG KOMIKS!!!


NEXT YEAR(2008) AY MAGSAMA-SAMA ULIT TAYO SA PAGSUSULONG NG INDUSTRIYANG MINAHAL NATING LAHAT.


ANG KOMIKS!!!!

Wednesday, December 12, 2007

ANG PASKO SA KOMIKS (PAGLALAGOM)











Isang napakalaking tagumpay ang Pasko sa Komiks (PASKOM) kung ang pag-uusapan ay ang naging resepsiyon o pagtanggap ng Unibersidad ng Pilipinas sa pangunguna ni Dean Virgilio Almario (National Artist), Prof. Bienvenido Lumbera (National Artist), Prof. Vim Nadera (Director, creative writing center), ang moderator na si Sir Xiao, Prof. Emil Flores, ang isa sa mga organizer na si Eva (barkada ko, UP days), si Mang Enteng (ang tagapangasiwa ng Bulwagang Claro M. RECTO), atbp. Pasensiya na po sa mga hindi ko nabanggit. Sa lahat ng mga guro at estudyanteng nanood, bumili ng komiks at sumuporta. Maraming salamat po sa inyong lahat mga Sir at Mam, mga kaibigan at kasamahan sa kolehiyo!

Sinimulan ko ang talk ko tungkol sa unang mga meeting na naganap para buuin ang kongreso sa Komiks sa MAX restaurant. Ito ang sinabi ko sa unang meeting na dinaluhan ko. Panahon na upang itaas ang antas o kalagayan ng komiks dahil sinisimulan na itong kilalanin at pag-aaralan ng malalaking pamantasan bilang isang lehitimong panitikan o pop lit. Sa katunayan, kasama na ito sa kurikulum ng subject na Kulturang Popular. Sinabi ko rin ang ilang kuwentong natunghayan ko kay Prof. Almario noong guro ko siya sa UP. Ilang beses din siyang nagkuwento tungkol sa komiks at may mataas siyang pagtingin dito.

Kaya noong may mga nagsabi na panahon na para itayo ang komiks o ipagtanggol ang komiks sa darating na PASKO SA KOMIKS na gaganapin sa UP, at binalaan o pinagsabihan na magsipaghanda ang lahat, totoong napangiti ako. Hindi dahil masyado akong kumpiyansa. Kundi dahil alam kong makakakuha ang mga taga-komiks ng malaking suporta sa pinanggalingan kong kolehiyo. At siguradong sigurado ako d'yan!

Handa naman talaga ako sa pakikipagbalitaktakan, at sa lahat ng oras ay handa ako para manindigan sa komiks. Siguro lang ay dahil alam ko kung ano ang sasabihin ko sa sinumang makaharap ko. Siguro ay dahil hindi ako basta bumabanat ng kulang ako sa "armas" o panangga. Sanay ako sa banatan sa mga symposium sa UP. Napakaraming beses ko ng naimbita para magsalita sa CM Recto kaya't hindi na bago sa akin ang humarap sa mga mag-aaral ng UP at maging sa mga guro. Kaya hindi ko talaga inisip na magiging "hot cake" kami. In fairness sa pinagmulan kong departamento o kolehiyo, napakarasyunal nila sa usaping pangkultura at mga esensiyal na usaping pangsining. Bagama't naniniwala ako na may mga "ilan" d'yan na totoong nagtatakwil sa kontribusyon ng komiks pero hindi naman nangangahulugang lahat. Hindi ako nagkamali dahil ipinakita ni Sir Almario (RIO ALMA) ang kanyang napakalaking suporta at mataas na pagtingin sa komiks. Sa katunayan ay pinasubalian o pinatotohanan pa nga niya ang sinabing namatay na raw ang komiks may 20 taon na ang nakakaraan at sa pagbabalik ng isang Carlo J. Caparas ay muling nabuhay. Sinabi lang naman niya ito sa porma ng pagtatanong dahil nga sa may mga nakita siyang komiks sa galeria na hindi naman akda ni Carlo. Kaya't isang malaking kuwestiyon sa kanya kung namatay nga ba ang komiks. O baka naman daw ang namatay lang ay ang akda na sana'y isusulat pa ng isang Carlo J. Caparas. Mga tanong niya itong iniwan na naging hamon sa mga panelista na sagutin sa buong maghapon na iyon ng talakayan.

Nagpapasalamat din ako sa napakalaking suporta ni Prof. Vim Nadera (isang multi awardee na makata, napakagaling na guro, at director ng CWC). Bilang moderator sa hapon, nakakatawa ang mga banat niya at mga pagbibiro pero seryosong tinatanggap niya ang mga sinasabi ng panelista. Ang hindi ko malilimutan ay ang mali-maling intro ng pagpapakilala sa mga panelista, kaya nga biro niya'y "susunugin daw" ng buhay ang gumawa nito. Haha! Kaya nga ba nagbigay ako ng sariling intro sa akin. Una, ayokong maging eksaherada ang pagpapakilala sa akin, ikalawa sayang sa oras ang gagawin ko pang pagwawasto sakaling may maling introduksiyon na sabihin tungkol sa akin.

Napakahusay ng paglalatag ni Prof. Patrick Flores tungkol sa aesthetic sense at value ng sining biswal (gayundin sa akda) na ginawa ni Francisco Coching. Nakakatuwang isipin na ang isang professor sa ilalim ng departamento ng Art Studies ay kinikilala ang kontribusyon ng isang komiks creator na may kapantay na lebel tulad ng mga artist na sina Malang o iba pang mga national artist. Maging si prof. Patrick ay naniniwala na ang isang Coching ay maaaring ihanay o nararapat na maging isang national artist sa sining biswal.

Nakakatuwang isipin na may isang international magazine na ipinakita ni Gerry Alanguilan kung saan sinabi niyang 70% (correct me if i'm wrong, sir) na may mga pag-aaral doon tungkol sa Filipino komiks o mga Filipino komiks creator. Nangangahulugan lamang na kinikilala sa buong mundo ang husay at galing ng mga Filipino Komiks Creator. At kung ang pagkilalang ito ay nagmumula sa labas ng bansa, bakit hindi ito mangyayari sa loob at sa sariling bansa? Kaya't nakapagtataka kung bakit may kumukuwestiyon sa aesthetic value ng komiks at sa cultural value nito na mga Filipino rin? Sana'y pag-aralan muna ang konteksto, ugat, pinagmulan, kultura, ang iba't ibang transpormasyon, ang iba't ibang anyo ng komiks bago manuligsa. Sa simpleng paliwanag, maging grade one muna bago magtapos ng kolehiyo.

Para sa akin ay dapat bigyan ng standing ovation ang naging paglalagom ni Prof. Joey Baquiran tungkol sa kinabukasan ng komiks. Eto ang pinakaesensiya at sana'y matunghayan at maunawaan ito ng lahat ng komiks creator upang sa gayun ay ganahan naman ang lahat na magpatuloy na lumaban at tumayo para sa komiks.

Ayon nga kay Prof. Joey Baquiran ng UP, sa PASKO SA KOMIKS, hindi mamamatay ang komiks dahil may kakanyahan ito. Ang katangiang biswal at teksto. Isang kakanyahang hinding hindi mamamatay sa kulturang Filipino hangga't ang mga Filipino ay may mga mata para makakita at bibig para makabasa-- magpapatuloy ang eksistensiya ng komiks. Mabuhay ka Sir Joey!!!

Ipinakilala ako ni Ms. Sally Eugenio bilang "palaban" o "babaeng palaban." Haha! Pinagtatawanan ito ng isip ko. Oo, palaban ako, para sa alam kong tama. Oo, palaban ako, dahil alam ko ang ipinaglalaban ko. Oo, palaban ako, para iwasto ang mga maling datos na naitatala sa kasaysayan. Hindi ko basta tatanggapin ang mga "pag-aangkin ng titulo na hindi naman karapat-dapat. Hindi ko tatanggapin ang isang akdang sinasabing kabilang sa isangdaang nangunguna sa komiks ng hindi ko alam kung ano ang pinagbasehang pamantayan o pag-aaral. Hindi ko tatanggapin ang sinumang magsasabing ako ang "hari", o ako ang "reyna" hangga't wala akong nakikitang nakaputong na korona.

Marahil para sa iba ay sasabihing ngang palaban ako, matapang, etc. Pero para sa akin, hindi ko iniisip na palaban ako o matapang lang ako. Mas gusto kong isipin na hindi lang ako "TANGA!"

Sabi sa akin ni Sir Vim, "hindi ko akalain na ganyan na kataas kung basahin mo ang komiks, Glady."

Oo naman, dapat naman, bakit naman ang hindi? At napapanahon na upang kilalanin itong lehitimong panitikan o pop lit na nangangailangan ng obhektibong pag-aaral sa ilalim ng panunuring pampanitikan.

Nais kong ibahagi ang naging introduksiyon ko sa talakayan sa PASKO SA KOMIKS bilang pagtataya ko sa naging kalagayan at kontribusyon ng komiks noon at ngayon.


KULTURANG KOMIKS
Hindi matatawaran ang naging kontribusyon ng komiks sa lipunang Filipino bilang isang pamanang kultural. Ang naging eksistensiya nito sa loob ng mahigit na anim na dekada o higit pa ay maituturing na isang “social phenomena”.

Sino ang makakalimot sa mga akda ni Mars Ravelo tulad ng Darna, Dyesebel, atbp. Kilala natin ang Zuma ni Jim Fernandez. Ang Barok ni Bert Sarile. Si Mang Kepweng ay naging bahagi “noon” ng pang-araw araw na buhay ng mga Filipino bilang isang “albularyong pulpol.” Ang karakter na si Pokwang na nilikha ni Vincent Benjamin Kua Jr. bilang isang batang babae na kakandi-kandirit.

Hindi malilimutan ang mga akda ng mga babaeng nobelista katulad nina Elena Patron, Nerissa Carbal, Helen Meriz, Zoila, Flor Apable Olazo, Gilda Olvidado, Ofelia Concepcion, Josie Aventurado at marami pang iba.

Napakaraming naging ambag ng komiks sa kultura, panitikan at lipunang Filipino. Hindi lamang dahil sa karamihan ng mga akdang ito’y naisapelikula, kundi nag-iwan ito ng mga subliminal na kahulugan sa kamalayan ng mambabasang Filipino. Isang araw, natitiyak kong karamihan sa akda sa komiks ay maisusulat na rin sa “dula”. Malay man o hindi malay ang isang mambabasa, subalit napakaraming konseptong iniluwal sa komiks na magpahanggang ngayon ay patuloy nating tinatangkilik tulad ng Zsa Zsa Zaturnah.

Naging daluyan ang komiks ng napakaraming konsepto ng “social norm”. Mga hindi malilimutang tauhan o karakter. Cliché man o hindi cliché pero naging hulmahan o modelo ng mga bagong manunulat na lumilikha ng panibagong karakter sa bawat henerasyon. Sina Facifica Falaypay, Panday, Pedro Penduko, at marami pang iba.

Naging instrumento ang komiks ng paglalantad ng mga isyung kinasangkutan ng lipunan. Mga isyu ng kababaihan, kabaklaan, suliraning pampamilya, social protest, at pag-ibig. Madalas sinasampal ang isang “babaeng buntis” at tunay na nagpapalaganap ito ng negatibong kamalayan para sa mga kababaihan. Pero nangangahulugan na ganito ang lipunan natin, dahil ito ang manunulat natin na nililikha din ng kung anong uri ng mambabasa mayroon tayo. Ginagawa nating katatawanan ang isyu ng mga bakla, ayaw nating seryosohin ito. Dahil ganito tinitingnan ng lipunan natin ang kalagayan ng mga gay at lesbian, isang malaking katatawanan lang.

Naging repleksiyon ang komiks kung ano ang uri o antas ng kamalayan mayroon ang mambabasang Filipino sa pamamagitan ng mga naisulat na akda. Sino ang mga tumangkilik at anu-ano ang mga akdang tinangkilik? Isang malinaw na pamantayan o framework na maaaring paghugutan ng batayang pag-aaral o pananaliksik sa panunuring pampanitikan.

Maraming naturuang magbasa ang komiks (literal man o kritikal na pagbasa sa teksto) dahil napakaraming Filipino ang tumangkilik nito. Isang popular na babasahin na nagbigay aliw sa mambabasa, nagturo ng iba't ibang kaalaman at nagsulong ng Kulturang Filipino. Ito ang pinakamalaking kontribusyon ng komiks na hindi kayang pasinungalinan ninuman at hindi kayang "talunin" maski pa anong klaseng genre sa pop lit man o panitikang Filipino. Ipinagtibay din ito ng naging pahayag ni Dean Almario na sa komiks siya natutong magbasa at ang pagbabasa ang dahilan kaya siya palaging first honnor sa klase. Mayroon din kaming taxi driver na nakakuwentuhan bago kami pumunta noon sa meeting ng KOMIKS sa NCCA, sinabi niyang natuto daw siyang bumasa dahil sa komiks at sa komiks din daw siya natuto ng maraming mga bagay o tip.

Ang isang pinakamapait na karanasan ng komiks ay naging sentro ito ng mga panunuri at panunuligsa. Tinawag na bakya, baduy, may mga bastos o taboo na eksena, babasahin ng mga taong hindi nakapag-aral, pambalot ng tinapa, pampunas ng--, etc. Nangangahulugan lamang ito na may malinaw na “puwang” sa lipunang ito ang mga bagay na pilit na itinatago ng mga konserbatibong pananaw o paniniwala. At ang puwang na ito ay natagpuan nila sa mga “pahina” ng komiks. Bago pa man ilathala ang aklat na “Erotika”, may “Tiktik” na ang komiks.

Ang komiks ay naging hulmahan ng napakaraming manunulat na ngayon ay manunulat ng telebisyon, pelikula, teksbook, atbp. Mayroon akong kaibigang manunulat na nagsabing sa komiks siya natutong magsulat at utang na loob niya sa komiks ang kinikita niyang mahigit daan daang libong piso na kinikita niya sa pagsusulat ng pelikula at telebisyon ngayon. At ako, kinikilala ko ang komiks bilang hulmahan ng aking talento sa pagsusulat. Anuman ang isulat o isinulat ko, lagi’t laging bumabalik ako sa katotohanang ang komiks ang naging hulmahan ko sa pagsusulat. Hinding hindi ko itatakwil ang katotohanang ito, sabihin mang baduy o bakya ito.

At ngayon, sa loob ng bulwagang ito, ang pasasama-sama nating lahat ay isang malinaw na pagtataya sa komiks bilang isang lehitimong panitikang popular na nangangailangang ng obhektibong pag-aaral bilang kasaysayang pampanitikan at hindi isang pagtitipon lamang para magkaroon ng pag-uusapan, kasiyahan o katuwaan.

Sa bulwagang ito bubuksan ko ang tanong na maaaring sagutin ng lahat ng mga magiging panelista sa talakayang ito. Namatay nga ba ang komiks? Nabuhay ba itong muli? O nagkasakit lang at naghihingalo pa rin hanggang sa kasalukuyan? At kung anuman ang tunay na kalagayan nito ngayon, ANO PA BA ANG MAGAGAWA NG PAGSASAMA-SAMA NATIN NGAYON PARA SA KOMIKS?

ANO PA BA ANG MAGAGAWA NG KOMIKS SA ATIN UPANG MAGTIPON-TIPON TAYONG LAHAT SA LOOB NG BULWAGANG ITO?
***

Kasunod nito ay ang aking powerpoint presentation tungkol sa mga katangian, kahalagahan at elemento ng kuwento sa komiks bilang bahagi ng Kasaysayang Pampanitikan at Kulturang Popular.


Maraming salamat sa lahat ng sumuporta at tumangkilik sa Pasko sa Komiks upang maging isang malaking tagumpay ito ng mga organizer (Read or Die), sponsors, Kolehiyo ng Arte at Literatura, at higit sa lahat, ang tagumpay ng Komiks at lahat ng komiks creator ng Pilipinas. Binabati ko ang lahat, at MALIGAYANG PASKO!

Monday, December 3, 2007

ang maliliit na kuwento (pero kuwento)

May maliliit akong kuwento noong nagtuturo pa ako o maski mga karanasan ko bilang manunulat.


SUBJECT: PRE-MARITAL SEX

Sa isang subject na itinuturo ko tungkol sa research paper, isang diskusyon tungkol sa pre-marital sex ang nabuksan.
“Open ba sa mga kalalakihan ang pre-marital sex?”
Sagot ng isang estudyante, “Yes mam, condom lang ang katapat niyan. Para iwas aids mam!”
“So ibig sabihin hindi bawal sa lalaki ang pre-marital sex at ang kailangan lang ay iwasan ang pagkalat ng aids?”
“Yes mam, condom lang talaga ‘yan, dami sa 711 niyan!”
Follow up question ko. “E ang babae? Ok na ba ang pre-marital sex sa kanila?”
Huhhhhhhh!!! Kantiyawan ang mga lalaki, nag-blush ang mga babae.
Isang estudyanteng babae ang tinanong ko, “Ano iha? Open na ba ang mga kabataang babae sa pre-marital sex?
Nahihiya, “M-mam, hindi po.”
Huuuuuuuuhhh!!!! Kantiyawan ulit ng mga lalaking estudyante.
Tanong ko ulit sa estudyante kong babae, “Bakit hindi open?”
“P-pokpok daw po kasi siya kapag inamin niya.”
Tumindi ang hiyawan at palakpakan sa loob ng klase ko. Grabe!!! Parang pandemonium. Tuwang tuwa ang mga estudyante kong lalaki ng marinig ang salitang pokpok!
Nag-follow up question ako. “Eh kanino makikipagsex ang lalaki kung puwede sila at hindi puwede ang babae?”
Biglang natahimik ang lahat. Nagkatinginan. Walang makasagot sa mga lalaki.
Isang babaeng pilya ang tumayo at agad malakas na malakas na sumagot, “Eh di sa kapwa po lalaki, mam!”
Huuuuuuhhhhhh!!!! Mas malakas, mas matindi, walang patid na hiyawan ng mga babae. Pinakawalan nila ang isang klase ng tili na mababasag ang eardrum ng mga lalaki.
Natapos ang argumento sa klase ko.

Pero may isa pang humirit, isang gay na estudyante ko ang tumayo at nagtaray, “Tapos ngayon magtataka kayo kung bakit dumadami ang bakla?”

Muling nagkalampagan ang buong classroom, hagalpakan ng tawa ang mga estudyante ko: babae, lalaki, tomboy, bakla.


SUBJECT: VIRGINITY

Isang malaking isyu na ang virginity ng babae ay kailangang manatiling intact bago magpakasal para ituring na mabuting babae. Hindi makawala ang mga Filipino sa ganitong konsepto.

Isang research paper na naman ang gagawin ng mga estudyante ko.

Bawat section ay may 300 respondent na lalaki sa survey. Ang paksa ay kung "Gaano Kahalaga ang Virginity sa Pag-aasawa?"

Ang naging resulta: Ito daw ang batayan ng maayos na pamilya.

Inis na inis ang mga estudyante kong babae.
“Mam Glady, bakit ganoon? Unfair ang resulta.”
Sabi ko, “Dayain natin, gusto n’yo?” Pagbibiro ko para medyo gumaan ang pakiramdam nila dahil “unfair” daw ang resulta.
“No mam, ayaw naming dayain ang resulta. Debate na lang. Idaan sa debate!” Hamon ng mga estudyante kong babae.
“Call,” sigaw ng mga lalaki.
Umpisa ng argumento, “Importante ang virginity!” Deklarasyon ng estudyante.
Sabi ko, “Bakit?”
“Kasi mam, gaya ng nanay ko, matino siyang babae, maayos ang pamilya namin, hindi siya nanlalalaki.”
Malakas ang palakpakan ng mga lalaki.
Isang babae na mainit na mainit ang ulo ang tumayo. Hinarap ang kaklase.
“Paano ka nakasigurado na virgin ang nanay mo ng pakasalan niya ang tatay mo?” Galit at nanghahamong tanong ng estudyante kong babae.
“Siyempre first love niya ang tatay ko.” Madiing tugon ng lalaking kaargumento.
“So dapat kapag first love, suko na ang bataan?”
“Siyempre.” Mayabang pang tugon ng lalaki.
“Puwes, hindi kita first love!” Sigaw ng estudyante kong babae.
Nagtawanan ang buong klase ko.
Magboyfriend pala iyong nagdebate.


SINONG BAKLA?

To be fair, siyempre’t hindi naman lahat ng lalaki ay ganoon mag-isip. May isang lalaki ngang napagbintangang bakla kasi kampi daw sa mga babae. Magkaibigan ito at lagi akong pinupuntahan sa faculty. Minsan ay nag-argumento sila sa harapan ko habang binabasa ko yung research proposal nila.

“Pare, sa grupo ka na namin, hayaan mo na ang mga babae na kumampi sa kapwa babae.”
“Ayoko.”
“Bakit ka ba kamping kampi sa mga babae?”
“Siyempre babae ang nanay ko.”
Pilosopo ang isang esudyante, “Lalaki naman ang tatay mo, ah.”
“Oo nga, pero hindi dapat ipinaaapi ang babae.”
“Hindi naman natin sila inaapi ah? Pero grade mula kay Mam Glady ang pinag-uusapan dito, dapat full force tayong mga lalaki.” May segway pa iyon na, “Mam, ang kuripot nyo kasing magbigay ng grade, ayan tuloy.”
Hindi ko pinansin ang sinabi ng estudyante ko. Panay ang lagay ko ng red mark sa research proposal para ayusin, daming mali eh.
“Pare sige na.” Pamimilit pa ng isa.
“Ayoko nga.”
“Bakla ka ata eh.”

Nagprotesta agad ang estudyante kong pinagbintangang bakla, “Loko, pare, sapakin kita, sinong bakla? Ikaw nga itong nakita kong sinisilipan sa CR si Benson eh.”

Lihim akong napatawa. Ewan ko kung alam nila. Pero ang pagkakaalam ko, ang tsismis ng mga estudyante tungkol sa kanila ay magboyfriend sila.


Sa loob ng limang taong pagtuturo ko sa kolehiyo, wala pa naman akong estudyanteng nagsuntukan sa loob ng klase dahil sa mga debateng ganyan. Pero masaya silang nakakapag-express ng mga ganitong opinion. Katuwiran ko, hindi man agad-agad maitutuwid ang mga pananaw ng lalaki tungkol sa babae. But at least maging conscious naman sila kung anu-ano ang mga negatibong pananaw na naipalalaganap sa mga kakabaihan. Somehow, baka mai-apply na nila ang ganitong pagbabago sa magiging asawa nila o sa mga magiging anak nilang babae.

Alam ko, namimiss ng mga estudyante ko ang isang gurong tulad ko. Obvious sa mga text messages na natatanggap ko mula sa kanila. Mam, may teacher pa bang kagaya mo? Pasaway!!!


BUNTIS

Sa isang pagtitipon na may mga komiks, nagkaroon ng multi-media presentation sa mga nobela sa komiks. May isang portion na nakatawag ng pansin sa akin. Eto ang dialogue.

"Buntis ka? hayop ka! tanga ka!" Habang binubugbog 'yung babaeng buntis. Eh buntis na nga, bugbugin pa ba?

Nagtataka ako kung ano ang ikinaganda ng nobela na may mga ganitong dayalog at kailangang gawan ng multi-media presentation. Kinikilabutan ako. Babae ang sumulat ng akda, pero mismong siya ay hindi niya alam ang karapatan niya bilang babae. At para ipamura at ipagbugbog niya ang tauhan niyang babae dahil lang sa buntis ito.

Sinulyapan ko ‘yung manunulat na babae, nakangiti, buong pagmamalaki siyempre’t dami ang nanonood. Tiningnan ko ‘yung babaeng buntis na binubugbog sa kuwento.

Nagkakapalit na ata sila ng mukha sa paningin ko.


PAGKAIN

Sa isang workshop naman na ako ang "facilitator.” Grupo o organisasyon sila ng "women against violence, sexual harassment, battered wife, etc..."

Tanong ko bago ko umpisahan ang workshop, “Gaano na po ba kalawak ang sakop ng pag-aaral at naaabot ng kaisipan natin sa pagsusulong ng ganitong kamalayan?”

May isang sumagot, buong pagmamalaki, “malawak na malawak na po.”

A, ok, sa isip-isip ko, hindi na ako magkakaproblema sa nilalaman. Maaari na akong mag-focus sa anyo at ilang teknikalidad.

Tumambad sa aking paningin ang isang frame ng komiks script. Eto ang eksena, madilim na sinehan, hinahalikan ng lalaki ang babae at ang sabi ay ito.

Lalaki (bulong): ang sarap mo….

babae: (daing) oooohhhh….


Nabigla ako. Hindi ko napigilan ang pagtawa. Sabi ko, “Ano to? kumakain? At ang babae ang pagkain?”

Nagkatinginan sila. Alam kong napahiya sila. Ikaw ba naman ang nagsusulong ng ganitong advocacy tapos mako-caught in the act ka?

Nag-preno agad ako. Napahiya din kasi ako.


INA

Tanong ng isang guro namin noong nag-aaral pa ako, “Ano ba kasi ang papel ng ina sa lipunan natin?”
“Miss Gimena, ano ba ang nanay mo sa pamilya ninyo?”
Hindi agad ako nakasagot. Background check. Bigla akong napaisip, ano nga ba ang nanay ko sa pamilya namin?
May isang nagtaas ng kamay. Sa isip-isip ko, ang bobo ko naman, para iyon lang hindi ko agad nasagot. Nakakahiya ako.
Sinagot ng isang kaklase kong lalaki. “Mam, ang nanay ko po ay masipag, gumagawa ng lahat ng trabaho sa bahay, martir na asawa, mabait na ina, hindi marunong magalit at higit sa lahat, magaling maglaba!”
“Iho, bakit hindi mo pa sinabing, ang nanay ko po ay katulong namin!”
Save by the bell ako. Dahil ang sagot ng kaklase ko ay ang sagot na muntik ko sanang maisagot.
Ulit-ulit ko na lang binatukan ang sarili ko sa isip ko.


LIBOG

Sabi sa akin ng isang editor sa romance novel, “Masyado ka namang idealistic magsulat. Hindi ito babasahin ng readers. Landian mo. Lagyan mo ng libog.”

Ah ok, libog. Gumawa ako ng isang kuwento ng babaeng may “libog” daw sa katawan.

Binasa ng editor. Tapos pinare-revise. Tanong ko, “Bakit kailangan ng revision?”
“Masyadong “malibog” para maging babae.”
Haha! Putik na buhay ‘to, pati libog ng babae, sinusukat? Eh paano ko lalagyan ng “landi o libog” ang karakter ko kung lalagyan ko ng sukat?
Hindi pa doon natapos sa hirit ng editor, “Oy, Glady, gawin mong “virgin na malibog ha?”
Hahahaha!!!!! Kainis!!! Ang sakit ng tiyan ko sa katatawa. Malibog na virgin. Kaaawa-awang kalagayan naman ng babae, hindi na baleng malibog pero nasasatisfy naman niya ang gusto niya. Kaso ikakahon pa pati libog niya bilang isang babaeng virgin?
Hindi ko isinulat. Naaawa ako sa karakter na gagawin ko. Kung sa akin ay hindi ko gustong mangyari iyon. Hindi ko na inirevise o ibinalik. Minsan ay nagkita kami ulit ng editor na iyon.
“O, nasaan na ang nobela mo?”
Tanong ko, “alin ‘yung kuwento ng virgin na malibog?”
Seryosong naghihintay ng sagot ang editor ko.
“Ayun, lola na at malibog na virgin pa rin!”


Ang dami kong maliliit na kuwentong ganito na nararanasan ko sa mga estudyante, kapwa guro, kaibigan, kasamahang manunulat, at maging sa sarili ko. Pero masisisi ba tayo sa mga ganitong kamalayan gayung ganito nga tayo pinalaki sa ilalim ng “patriarchal” na lipunan?


Hindi ako advocate ng feminist movement o gay lit. Paulit-ulit kong sinasabi yan. Hindi naman kasi kailangang maging miyembro nito para magsulong ka ng isang kamalayan o para lang maunawaan mo ang iyong karapatan bilang tao at bilang mamamayan ng lipunan.

Sabi nga ni Marx tungkol sa false ideology, may karapatan tayong iwasto o itama ito. Wala ba tayong gagawing pagwawasto dito? Lalo’t mga manunulat tayo?

Sige, payag naman ako na ganito ang lipunan natin. Sige, hindi ko babaguhin. Sige, wala akong gagawin. Kailangan kong kumita. Kailangan ko ng pera. Kailangan kong makipag-compromise para basahin ako at kunin pa ang serbisyo ko bilang manunulat. But the least thing na maaaring kong i-contribute ay ang huwag nang dagdagan ang mga maling konsepto sa pamamagitan ng akda ko, na “malay” ako.

Ito ang dahilan kung bakit kami nina Tita Opie (Ofelia Concepcion), Josie Aventurado, Maia Jose, Leslie Navarro ay naniniwala na may pangangailangan sa mga manunulat ng komiks o romansang nobela na dumaan sa workshop at pag-aaral. Dahil maraming maraming kailangan pang matutuhan. Hindi pa tayo dapat huminto sa pag-aaral. Hindi pa tayo dapat huminto sa pagbabasa. Hindi pa tayo dapat huminto sa pag-unlad. Hindi ba’t gusto natin na ang ating mga akda ay kilalanin bilang isang lehitimong panitikan at hindi maging pambalot ng tinapa lang?

Maski pakonti-konti lang ang pag-aangat o pagbabasag ng mga kumbensiyon. Hindi naman kailangang isagad. Maski ipakita lang muna, ipa-aware lang muna. Maski nakikipag-compromise pa muna. Sa paunti-unting pagmumulat ay kaalinsunod na ang unti-unting pagwawasto.

Krimen na maituturing bilang manunulat ay ang magsulat ng isang paksa o isang bagay na wala siyang lubos na nauunawaan pero nakapagpapalaganap ng maling kamalayan. Ngunit ang pinakamalaking krimen sa lahat, ay ang isang paksang alam na ngang mali, pero isinulat pa rin ng walang ginawang pagwawasto.


And there's no excuse for that.

Sunday, December 2, 2007

LOVE 101. love means you never have to say sorry

Huusss, mukhang umuusok ang isyu ko sa Starry, Starry night... Vincent Kua Jr., et al. Na-segway ito sa gay lit o pink lit o gay issue sa PKMB. Well, bukas na akda naman iyon kaya ano ba ang inaasahan ko? May mainit ang ulo na ilang kalalakihan sa mga isyung ganyan, ang iba ay logical, meron ding ilogical, ang iba ay deadma, ang iba ay skeptic, ang iba naman ay very passive.

But whatever it is, may free will ang bawat indibiduwal na magbigay ng kanya-kanyang opinyon. Ang mabuting bagay na nilikha nito ay ang "pagkalampag" ng isyu sa mundo ng "komiks" na medyo "macho" ang imahe. Hehe. Tila nagsasabing "Hey, bro, eto lang kami. Hala ka!" Pagkabahala sa ilan ang paglikha ng statement ng gay lit at "nagbababala" ng pagdami. They are coming here! Lagot na tayo! Magugunaw na ang mundo! Hahahaha!!!!

Hindi ako advocate ng gay lit sa Pilipinas. I myself ay wala pang naisulat na akda o artikulo tungkol dito maliban sa school/study paper na may pangangailangan sa aking grado sa isang subject. Maliban sa Silahis Komiks na may pitong isyu lang ata at may serye ako na "I AM WHAT I AM." Pero noong ginawa ito, hindi pa malinaw sa akin ang pagsusulong ng ganitong kamalayan. Nagkukuwento lang ako ng tungkol sa mga karakter na gay at lesbian. Wala pa akong dala-dalang armas o makinarya, ika nga.

Maraming beses na akong inalok na sumulat ng artikulo o kuwento tungkol sa gay at lesbian. Isa sa mga miyembro ng UP Babaylan ang nag-alok sa akin, sa iba't ibang mga school journal, mga librong may tema tulad ng Ladlad, etc. But for some personal reason ay hindi ko nagawa o nagagawa pa. Alam kong marami pa akong hindi alam tungkol sa isyu. Mas malalim pa sana ang gusto kong malaman dito. Pangalawa, may ilang bagay na hindi ko pa kayang i-compromise bilang manunulat. Para din 'yan noong alukin ako ni Prof. Joey Baquiran na magsulat ng isang paksang taboo o mala-erotica na pumapaloob sa study ng literary criticism. Batid kong napapanahon na 'yan. Gustong gusto ko sana pero alam kong kulang pa ako sa tapang. Maliban sa salitang "libog," ano pa ba ang alam kong kaya kong sabihin ng direstahan? Haha! So mahaba-habang karanasan pa at mga pag-aaral ang kailangan ko, bago ako maging kasing tapang ng mga manunulat na bumabasag ng mga tradisyunal na konsepto upang makalikha ng "bagong anyo" at magkapagsulong ng bagong kamalayan.

Segway na ako. Na-miss ko ang love 101. Nakakamiss kasi ang pakiramdam na in love, 'yung kilig, 'yung punong puno ng romansa at "ka-elan." Haha. Baka may mambatikos sa akin nito at magtanong. "Prof Glady, ikaw ba 'yan? Can you explain further?"

Pero gaya nga ng nasabi ko, at paulit-ulit kong nasasabi sa mga kaibigan ko, isang malaking frustration ko bilang manunulat ay ang makasulat ng kuwentong taboo. Straight na lalaki o babae man ang paksa. Gay or lesbian man ang tema. Hindi pa ako handa. Sa totoo lang, conservative ako! Haha. Hindi lang halata. Pero mas tama siguro sabihing hindi pa lubos ang pagiging "rebolusyunaryo" ko bilang manunulat.

Pumapaloob pa rin ako sa mga tradisyunal na konsepto na pakonti-konti lang, pasundot-sundot lang kung mag-deconstruct. It is my personal advocacy. Naniniwala kasi ako na hindi dapat binibigla ang mambabasa, pero kailangang inihahanda na, o inaangat maski bahagya hanggang sa tuluyang matanggap ang isang teksto.

Mahirap kasing maghain ng isang akda na "bago ang panlasa" sa mambabasa. Baka lang hindi basahin. Sayang naman. Pero kung kayang mag-segway, why not? sa akin lang pananaw ito. Kaya nga hanga ako sa mga manunulat na walang takot bumasag ng kumbensiyon na katulad ni Vincent. Iilan lang at bibihira ang hinahanggan kong manunulat. Napakahirap kong umappreciate ng kuwento kung palagi kong paiiralin ang pamantayang natutuhan ko sa loob ng unibersidad. Pero isa si Vincent sa talagang nagpahanga sa akin, may gamit man akong panukat o wala.

Love of my life? meron ako niyan.... marami. First love, true love, greatest love, platonic love, etc.... lahat ng klase ng love. Kasi, may "enlargement of heart" ata ako pagdating sa pag-ibig. Hehe. Siguro naman ay may katulad ako.

Pero hindi ako madaling magkagusto. Hindi ako madaling ma-inlove. Hindi ako madaling attract. Sa lagay na 'yan, ha? Hehe. Ang pag-ibig kasi, para 'yang kuwento sa akin na sinusukat ko sa iba't ibang pamantayan na natutuhan ko sa loob ng unibersidad. Sinusukat ko ang pag-ibig sa iba't ibang pamantayan na natutuhan ko sa aking mga naging "karanasan" sa buhay.

Maraming karanasan na hindi natin nakakalimutan. Ang madalas na hindi nakakapaglimot sa atin ay ang mga salitang may pinaka. Pinakamasarap, pinakamasaya, pinakamaligalig, pinakamasakit, etc. Kaya nga sumikat ANG PINAKA ni Pia Guanio sa QTV eh, hehe.

Pinakamasarap: puwedeng pagkain, puwedeng halik.
Pinakamasaya: puwedeng pamamasyal, puwedeng birthday, puwedeng Pasko.
Pinakamaligalig: puwedeng away-bati, puwedeng walang katapusang palitan ng mga argumento sa text messages.
Pinakamasakit: puwedeng pinakamahabang iyak sa napakaraming gabi, puwedeng break-up, puwedeng paghihiwalay na walang closure.

Maraming mga bagay na hindi nagpapalimot sa atin. Maraming mga bagay na hindi tayo makapag-let go kaya hindi tayo maka-move on. At ang laging skeptic ng mga kaibigang nagpapayo sa atin, o maski ng mga nanay natin, "Don't worry, time heals all wounds." Subukan mong iwan o pabayaan ang pag-ibig, palipasin ang isang panahon at saka na lang balikan kapag naghilom na ang sugat.

Baka nga mas tamang saka na muling harapin ang lahat kapag naibalik ko na ang composure at tiwala ko sa sarili. O kaya'y kapag gumaling na ako mula sa isang "temporary insanity" dulot ng epekto ng opyum ng pag-ibig. Kapag makakatingin na ako ng diretso sa salamin at masabi kong "been there, done that." Kapag kaya ko ng sabihin ang lahat ng nasa loob ko sa taong minahal ko na "minahal" ko siya, kapag kaya ko ng aminin na nasaktan ako at nagkunwari lang ako na hindi nasasaktan para lang protektahan ang pakiramdam niya. Saka na, kapag may wisyo na ako. Dahil paano ako mamahalin ng iba, paano pa ako matututong magmahal ng iba, kung ang mismong sarili ko'y watak-watak at hindi alam kung paano ito bubuuin.

At napatunayan ko itong tama. Lahat ng sugat ay nagagamot ng panahon.

Maaaring nasaktan tayo o ako. Pero sa kabilang banda, maaaring hindi natin alam na nakasakit din tayo o ako. Kasi, subjective tayo kapag nagmamahal. Sarili lang natin ang iniisip natin.

Ganun din sa isyu ng gay lit. Sariling opinyon lang natin ang gusto nating pakinggan at tila ayaw nating makinig sa iba.

Medyo guilty ako kung minsan sa mga akusasyon na ganyan. Minsan, sarili ko lang ang iniisip ko. Akala ko, ako lang ang nagmahal o nagmamahal.

The bright side of it, I'm starting to be more objective. Marami pa akong hindi alam. Marami pa akong gustong matutuhan. Gusto kong maunawaang mabuti ang mga pinanggagalingan at mga dalang bagahe ng ilan, lalo na iyong mga may "machong kaisipan" na "nasasagi ang ego" sa isyung inilalatag ng ilang mga kababaihan at maging ang gay issue. Hindi ako kasing galing ng inaakala ng iba. I'm still hunger for wisdom and truth. Dahil kung hindi ko ito iisipin, naniniwala ako na simula na ng pagtigil ng pag-unlad ko bilang manunulat ang ganitong klaseng "kayabangan" sa sarili. Gusto ko pang umunlad.

Para pa ring pag-ibig 'yan. Kung magpapatuloy akong maniwala na ako lang ang nasaktan at hindi ako nakasakit, para ko na ring pinahinto ng kusa ang "tibok" ng puso ko sa pag-ibig. Na ayokong mangyari, dahil ayokong huminto ang "enlargement of heart" ko. Hehe. Sa kabila ng maraming karanasan, pagkabugbog ng puso, pagkamatay at pagkabuhay na muli, sa pinakadulo nito'y hindi pa rin ako matatakot magmahal. Gusto ko pang magmahal.


Dito ko gustong paniwalaan ang kasabihang "love means you never have to say sorry."


Maging sa isyung natalakay ko sa Starry, Starry Night... kay Vincent at sa pagmamahal ko sa komiks, I'll never have to say sorry.


At kung alam mong minahal kita, so with you.

Friday, November 30, 2007

COMING SOON NA!!!!

Tuesday, November 27, 2007

STARRY, STARRY NIGHT... (Kua, Vincent Jr., et al)

Nagtataka lang ako kung nasaan ang pangalan ni Vincent Kua Jr., na lumikha ng karakter na Pokwang na ngayon ay pangalan ng isang kilalang komedyana. Gusto ko lamang ipabatid sa kaalaman ng nakararami na si Vincent ang una (o isa kung hindi man una) sa mga nagbasag ng kumbensiyon at nagdikonstrak ng mga tradisyunal na konsepto ng komiks para magsulong ng mas napapanahong pagtalakay sa mga sensitibong isyu tulad ng “gay love” o “third sex.”

Bago pa sumikat ang gay lit o pink literature sa Pilipinas, si Vincent ang matapang na tumalakay nito at walang takot na naghubad at naglantad ng mga katawan ng lalaking “pinagnanasaan” daw ng mga bakla o matrona upang iwasto o i-redefine ang gay at lesbianismo sa konteksto ng lipunang Filipino. At upang bigyan ng mas wastong pagpapakahulugan o pag-aangkop ang pag-iibigan ng homoseksuwal at ituring na isang “social norm.”

Hindi pa nalilikha ang karakter ni Zsa Zsa Zaturnah ni Carlo Vergara na tungkol sa isang gay hero ay nandiyan na si Vincent para isulong bilang isang literary rights ang “gay love.” Paksang hindi basta-basta maisusulat ng mga taong "nagpapakilalang" morally upright dahil sa pagiging "nakakahon" ng mentalidad sa mga sensitibong isyu.

Ang iniwang "legacy" ni Vincent Kua Jr., ay hindi basta ang talento niya sa pagguhit at pagsusulat ng akda, kundi ang subliminal na mensaheng nakaukit na sa kamalayan ng kulturang Filipino at mambabasa ng komiks.

Hinanap ko rin ang mga pangalan nina Bert Sarile, Helen Meriz, Zoila, Ofelia Concepcion, Pat V. Reyes, L.P. Calixto, Roger Santos, Galauran, Pat V. Oniate, Tony Tenorio, Joelad Santos at si Flor Apable Olazo na komiks awardee ng CMMA. Marami pang iba. Maraming marami pa. Bukas sa/ang nominasyon sa mga pangalang mas karapat-dapat piliin.

Narito ang pinakasimpleng basehan o proseso ng pag-aaral, pagsusuri at pananaliksik sa isang pambansang yaman o “heritage” na usapin. Pinakasimple at hindi ito kumplikado kumpara sa ilang kumparatibong pag-aaral. Maari pa itong madagdagan depende sa obhektibong dala-dala ng isang mananaliksik. Alalahanin natin na accountable ang sinumang mananaliksik sa paglalabas ng datos o kasaysayang nililikha niya sa mamamayan Filipino.

THE TOP 20 QUESTION:
1. Anu-ano ang mga pamantayan ng pamimili?
2. Sino-sino ang namili o hurado?
3. Ang mga namili o hurado kaya ay may sapat na awtorisasyon o kwalipikasyon?
4. May naganap kayang nominasyon tulad nang isinasagawa sa mga award giving body?
5. Ito kaya ay ginamitan ng pamamaraan ng pananaliksik?
6. Anong metodo o approach ng pananaliksik?
7. Ano ang layunin ng pananaliksik?
8. Ano ang sakop at limitasyon?
9. Naglabas kaya ng mga datos, batayan o ebidensiya, pag-aaral na nakalapat sa
mga teoretikal na pagsusuri o pag-aanalisa?
10. May naipamigay kayang survey sheet?
11. Ilan kaya ang respondent ng survey sheet?
12. Balido kaya ang mga tanong sa survey sheet?
13. Sinasagot ba ito ng yes or no lang?
14. Ano kaya ang naging resulta ng survey?
15. Ginamitan kaya ito ng malinaw na chart o graph para interpretasyon ng mga datos at tala?
16. Anu-ano kayang sanggunian o aklat ang naging basehan at batayan ng pananaliksik?
17. May adviser, lupon o panelista ba para kumuwestiyon ng integridad at pamamaraan ng pananaliksik?
18. Sumangguni ba ang mananaliksik sa mga taong may “tamang awtoridad” tulad halimbawa ng mga namahala ng publikasyon o institusyon, mga manunulat at artist, lupon ng mga editor, mga mag-aaral at sa mga mambabasang Filipino, etc.
19. Pumasok kaya sa tamang pagsangguni ang lupon? Halimbawa’y pagsangguni sa isang sangay ng gobyerno o pribadong samahan o foundation o lehitimong unibersidad sa Pilipinas na awtentikadong magparangal o magsagawa ng pananaliksik.
20. Ano ang napatunayan sa pag-aaral ng mananaliksik?

Wala akong matandaan minsan man sa mga pagpupulong sa komiks kongres (noon) na inilapit ang isang proyekto o pag-aaral na ganito. Dahil isa ako sa pinakaaktibong miyembro (noon), isa sa mga nahalal na pansamantalang opisyal sa pagbuo o pagbubuo ng proyekto (noon), isa sa mga facilitator ng komiks na kinuha ng KWF at NCCA na ipinadala sa probinsiya (noon), at awtor ng isang module sa kung paano sumulat ng kuwento sa komiks (hanggang ngayon). Kung mayroong ganyang proyekto na idinulog sa komiks kongres noon ay siguradong susuportahan iyan dahil magsusulong ng interes ng komiks at mga manlilikha ng komiks.

Naniniwala ako na ang komiks at ang iniwang “legacy” ng mga manlilikha ng komiks ay nangangailangan ng isang malawak na pagsusuri o pagbabalik tanaw sa isang kasaysayan. Wala itong ipinagkaiba sa mga fossils at relics na inaral ng mga arkeyolohista para gawing batayan sa pagsulat ng kasaysayan. Wala itong ipinagkaiba sa mga naiwang kuwentong bayan, awit, ritwals, chant, etc. ng mga katutubo na naging ebidensiya ng kanilang eksistensiya.

Kung at kung lamang naman, na may maling mga tala o datos sa pag-aaral at pananaliksik, magbibigay ito ng isang maling kasaysayan sa mga susunod na henerasyon. Nararapat lamang na ang isang datos ay i-redefine, ire-contextualize, saliksiking muli at gawan ng mas masinop na pag-aaral para sa mas kumprehensibo at lehitimong resulta.

Sapagkat “legacy” ng isang kulturang Filipino ang pinag-uusapan. Kayamanan o “heritage” ng Filipino. Talino, talento, kamalayan, lahi, uri, etnisidad at ang mismong esensiya ng pagiging isang Filipino ang nakataya sa pag-aaral ng kasaysayan at kulturang nakapaloob dito. Hindi pansariling pagkilala o pagtatataas ng sarili. Ang karangalang mapasama “bilang yamang lahi” ay hindi basta-basta maaaring angkinin, ipagkaloob o i-award ng kung sinuman sa sinuman. Katulad din ito ng naging pag-aaral sa kasaysayan ni Resil Mojares tungkol sa “Nobelang Filipino” na isa niyang thesis sa kanyang doctoral degree na ginamitan niya ng datos, ebidensiya, pagsusuri, teoretikal na paglalapat, etc. Dumaan ang kanyang pag-aaral sa lupon, sa maraming obserbasyon, sa mga pagtatanong, pagrerebisa at kung anu-ano pa bago maging isang lehitimong akda.

May tamang proseso. May tamang lupon. May tamang venue. May tamang intensiyon. At higit sa lahat, may tamang tao.

Anuman ang ating sabihin at ilathala ay ating responsibilidad at pananagutan sa ating sarili, kapwa tao at sa lipunan. Higit sa lahat, pananagutan natin ito sa Panginoong Diyos na nagkaloob ng talento at galing sa ating lahat.


Godbless you all!!!

Friday, October 19, 2007

coming soon

Naka-out na sa National Bookstore ang aking serye na romance novel, ang Korean Drama Novel. At ang susunod ay isinakomiks kong awit/korido na Ibong Adarna at ang Florante at Laura. May ginawa akong studies dito pero sa susunod ko na tatalakayin. Paano isinasakomiks ang mga akdang pampantikinang tulad nito na hindi ikino-compromise ang bisa at katangiang pampanitikan sa medium ng pop lit na Komiks. Mula sa lengguwahe hanggang sa pagpili ng mga mahahalagang eksena, sangkap at pagpapahalaga. Hindi ito madali. Pero tumulay ako. Sinikap ko na hindi maging boring ang mga eksena para makaayon naman ito sa anyo ng Komiks ngunit hindi rin dapat makompromiso ang nilalaman nito bilang isang akdang pampanitikan lalo't isang klasikong literatura.

Marahil ay tatalakayin ko ang ginawa kong studies at pamamaraan sa mga susunod na araw.

Thursday, October 18, 2007

DIGITAL KARMA PRESENTS ... NUNANG














Pamangkin ko siya. Anak ng panganay kong kapatid na lalaki. Kami ang nagbansag sa kanya ng pangalang Nunang bilang kanyang pet name sa amin. Mahal na mahal namin siya dahil siya ang unang apo sa side namin, at una naming pamangkin na magkakapatid. Mahal siya ng nanay ko, ng tatay ko. Ang tawag niya sa nanay ko ay Mama. Teacher ang nanay ko, natatandaan ko noon na sa tuwing sumusuweldo siya, halos buong suweldo niya ay ipinamimili niya para kay Nunang. Gamit, damit, gatas, bitamins, pagkain, etc. Inisip ko na lamang na ang effort na iyon ay dahil sa pagkasabik sa unang apo ng nanay ko. Natatandaan ko na kapag nabi-birthday si Nunang ay dinadalhan namin siya ng handa at cake. Natatandaan ko ang detalye ng kasiyahang dinala at ibinigay niya sa pamilya namin, sa buhay namin noong maliit pa siyang bata. Matalino siyang bata, pero kalbo. Pinatay niya sa sakal at kagat ang isang Japanese chicken dahil sa panggigigil dito. Hindi naman ata agad namatay, pero nanghina, kalaunan ay namatay din.

Grade three siya nang iwanan siya sa amin ng kanyang nanay para magtrabaho sa Japan, sa loob ng American Base sa Japan. Mula noon, sa Marikina na tumira si Nunang. Ang Mama niya ang nagsilbing ina niya, ang mga pinsan niya ang nagsilbing mga kapatid niya. At dahil siya ang panganay na pinsan, maniwala kayong takot lahat sa kanya ang lima niyang pinsan. Takot bilang respeto at pagmamahal sa kanilang ate Nunang. Si Christian na ngayon ay magse-17 na, anak ng ate Nini ko. Sina Pupu (13) at Mai-mai (9), anak ng ate Bingbing ko, at sina Yeye (7)at Megmeg (3), anak ng kuya Iboy ko. Bale para siyang panganay na kapatid ng lima niyang pinsan.

Dalawang beses nakapunta ng Japan si Nunang para magbakasyon sa kanyang nanay. And take note, mag-isa siyang nagbibiyahe pauwi ng Pilipinas gayung elementary pa lang siya. Sa edad na walong taong gulang, maagang nalito sa buhay si Nunang. Magulong magulo ang tingin niya sa mundo dahil hiwalay ang mga magulang niya. Sa pakiwari niya ay salbahe siyang bata. Hindi siya masuweto ng maski na sino. Minsan ay kinausap ko siya. Mas kinakausap ko siya kaysa mas pinagagalitan. Sabi ko, huwag siyang sumagot-sagot sa mga nakakatanda sa kanya. Sabi ko pa, may panahon ng pag-e-express sa sarili. Sabi niya sa akin, gusto raw niyang magbago pero hindi raw niya alam kung paano. Sabi pa niya, sino raw ang tutulong sa kanya? Na-touch ako sa sinabi niya. Sa edad na iyon ay nakapagsalita na siya ng ganoon. May guilty feelings na agad siya sa mundo gayung wala pa siyang muwang, wala pa siyang alam sa kung anuman ang kasalanan sa mundo ng tao. Hindi pa niya alam kung ano ang kasalanan ng kanyang mga magulang sa kanyang paglaki. Basta’t ang tanging nauunawaan niya noon, ay ang kasalanan niya bilang salbaheng bata, dahil natuto na siyang sumagot-sagot sa mga nakakatanda. Pero alam ko na higit pa roon ang nararanasan niya, ang pinanggagalingan niya, ang kalituhan niya. Hindi ma-express ng bata niyang isipan ang lungkot na kanyang nararamdaman, na lumalaki siyang hiwalay ang kanyang mga magulang, na nagkakaisip siyang sa pakiwari niya’y wala siyang isang buong pamilyang makakapitan—at pakiwari niya’y kasalanan niyang lahat iyon.

Naawa ako sa pamangkin ko. Lalo na nang titigan ko ang mga mata niya na may namumuong luha. Kung kaya ko lang siyang isalba sa ganoong pakiramdam. Kung kaya ko lang ipaunawa sa kanya na wala siyang kasalanan kung anong klaseng bata siya at hindi niya pananagutan sa lipunan kung paano siya lumalaki. Kung kaya ko lang ipaunawa sa kanya na wala siyang kasalanan kung hindi man niya maunawaan ang takbo ng mundo.

Masasabi kong pinalaki namin siya, pinalaki ko siya—kung paano siya mag-isip, magsalita, magmahal at lumaban. Third year high school na si Nunang nang magbalik bayan ang kanyang ina at kunin siya sa amin. May half sister na siya sa mother side Samantalang ang kuya ko—binata ulit dahil annulled ang kasal nila ng dati niyang asawa na nanay ni Nunang. Hindi na nag-asawa ang kapatid ko hanggang ngayon, at iisa lang ang anak niya—si Nunang lang. Pero maski kinuha na si Nunang sa amin, madalas pa rin siyang nasa amin, sa amin pa rin siya tumitira kung bakasyon, o maski pa nag-aaral siya ng kolehiyo. Sa tuwing magkakabanggaan silang mag-ina, sa amin ang takbo niya. Hindi siya maunawaan ng nanay niya, dahil hindi naman nito nakita ang kanyang paglaki. The same thing na hindi rin maunawaan ni Nunang ang kanyang ina. Unti-unti, naka-adjust na rin sila sa isa’t isa, kung gaano kalalim—-hindi ko alam.

Labing anim na taon si Nunang nang magka-boyfriend, first love ika nga. Dahil kauuwi ng nanay niya mula Japan at hindi sila magkaunawaan—-maging ang pakikipag-boyfriend ni Nunang ay naging isang malaking isyu sa kanilang mag-ina. Sa side man ng tatay niya ay ganoon din. Para sa isang ama ay hindi madaling pakawalan ang anak na babae sa ganitong stage ng buhay. Walang nakaunawa sa kanya dahil nga bata pa raw siya. Except me. Muli ay kinausap ko siya para malaman kung ano ang nararamdaman niya. Noong una ay hesitant si Nunang na magkuwento sa akin, marahil ay iniisip niya na ang loyalty ko ay nasa matatanda. Pero hindi ako ganoon, ang loyalty ko ay wala kaninuman. Kundi bilang isang tita niya, bilang pangalawang magulang niya, na gustong maunawaan ang pinagdadaanan niya. Nagkuwento sa akin si Nunang, detalyado. Pinayuhan ko siya. Sabi ko, okey lang ‘yan, first love, patago-tago, padate-date, pinagdadaanan ng lahat ‘yan. Kaya okey lang na pagdaanan niya. Isa lang ang bilin ko sa kanya, magbilang na siya ng boyfriend basta’t huwag lang siyang uuwi na malaki ang tiyan. Puwedeng mag-fool around, basta’t huwag lang sayangin ang kabataan. Ganoon ako kakunsintidorang tita. Ako ang ginagamit niyang dahilan sa tuwing makikipagdate siya. At okey lang sa akin with a certain limitation. Hindi siya dapat umuwi ng gabi. Ganoon lang kasimple ang rules ko at okey na sa akin ang lahat. Katuwiran ko kasi, mas maraming nangyayari sa gabi. Hehe. Pero higit na dahilan ko sa aking sarili, malaki ang tiwala ko kay Nunang. Hindi ako naniniwala na may gagawin siya na higit pa sa kung ano lang ang nararapat. Ipinaglaban ko siya sa lahat, to the point na awayin ako ng nanay niya, ng tatay at pati ng Mama niya (nanay ko). Hindi ako natatakot o naniniwala na baka umuwi si Nunang na malaki ang tiyan, at mas lalong hindi ako naniniwala na magda-drugs siya. Kabilin-bilinan ko rin sa kanya, malulong ka na sa barkada, sa banda, sa computer, huwag na huwag lang siyang malululong sa droga. Dahil naniniwala ako na doon magsisimulang masira ang buhay niya.

Umuwi ako isang gabi, sinabi sa akin ng nanay ko na naglayas daw si Nunang sa bahay ng nanay niya nang araw na iyon. Pero wala sa amin. Sabi ko, nasaan siya? Ang hinala ng lahat ay sumama sa kanyang boyfriend. Tulog ang tatay niya, wala ring ginagawa ang nanay niya. In other words, walang humahanap sa kanya. Walang may pakialam sa kanya. Lahat ay suko na. Maliban na naman sa akin. Ayokong sumuko. Dahil ayokong isuko si Nunang sa kanyang laban sa buhay. Naniniwala akong maisasalba ko pa siya, maisasalba pa niya ang buhay niya. Magulo ang isip ko noong gabing iyon. Umalis ulit ako ng bahay, may dala akong sasakyan. Hindi ko alam kung saan ako pupunta, hindi ko alam kung saan ko siya hahanapin. Hanggang sa natagpuan ko ang sarili ko sa bahay ng isa kong kaibigan. Nalaman nila kung anong nangyari at sinamahan nila akong maghanap. Na-trace ko sa cellphone ko ang isang number na nagte-text kay Nunang, at bingo—ang bestfriend pala niya iyon. Na-confirm ko na kasama nga ng pamangkin ko ang boyfriend nito. Natakot ata sa akin ang bestfriend at napilitang i-reveal lahat pati sarili nitong address. Nagmamadali akong pumunta sa bahay ng bestfriend ni Nunang. Kasama na namin itong naghanap sa Blumentritt, sa mga bahay sa riles ng tren hanggang sa humantong kami sa isang slum area. Pasikot-sikot, maliliit na bahay, basa ang makipot na eskinita. Sa tanang buhay ko ay noon lang ako nakakita na may ganoon palang klase ng mundo o buhay. Buong akala ko ay expose na ako dahil lumaki ako sa Tondo Maynila, nag-aral ako sa MLQHS Blumentritt, at noong manunulat na ako ay nakapunta ako sa mga lugar tulad ng smokey mountain, sa mga eskuwater’s area, sa mga bahay sa gilid-gilid ng Ilog Pasig, sa Mabini, sa mga gay bar, sa mga pub house, sa mga third class na sinehan at maging sa torohan. Buong akala ko, lahat ay nakita ko na. Buong akala ko ay sapat na ang mga naging exposure ko para masabi kong nakapasok na ako sa iba’t ibang klase ng mundo bilang isang manunulat. Pero noon lamang ako nakapasok sa ganoon kakipot na lugar, ganoon karumi at kamiserable. Noon lang ako nakaramdaman ng ganoong klase ng pakiramdam. Magkahalong awa, takot at matinding pagkailang ang naramdaman ko sa nasabing lugar. Doon daw nakatira ang boyfriend ni Nunang. At dahil si Nunang ang pinag-uusapan, iyon marahil ang dahilan kung bakit nagkaroon ako ng ganoong klase ng pakiramdam, pamangkin ko na ang pinag-uusapan dito at hindi ko gustong masadlak o mamuhay ang pamangkin ko sa ganoong klase ng lugar. Masyado akong subjective ng mga sandaling iyon. Pilit kong inuunawa ang ganoong klase ng kalagayan pero umiiral sa akin ang pakiramdam na walang sinumang tao—- siguro ay maski pa ang mga tagaroon, na nagnanais manirahan sa lugar na iyon. Naisip ko lang naman, alam kong subjective ito. Pero ibigay na sana sa akin ang bagay na ito.

Bigo kami sa paghahanap namin kay Nunang. Umuwi kami sa bahay ng bestfriend niya. Sabi niya, baka daw dumaan doon. Matagal kaming naghintay. Ayokong umalis dahil iniisip kong kapag napalipas ko ang gabing iyon, marami na ang puwedeng mangyari. Baka hindi na namin mahabol si Nunang. Hanggang sa isang bata ang nagtatakbo at nagsabi sa amin na nakita raw nila si Nunang. Agad akong nagtatakbo sa lugar na itinuturo ng bata at nakita ko si Nunang na nagtatago sa isang malaking truck na nakaparada. Umiyak, pumalahaw agad nang makita ako, akala’y sasaktan ko o may gagawin akong hindi niya magugustuhan. Hindi naman daw siya makikipagtanan. Kasama lang daw niya ang lalaki pero hindi raw siya makikipagtanan. Pero ayaw sumama sa akin ni Nunang maski anong sabihin ko, maski anong paliwanag ko. Naroon ang boyfriend niya. Pinagmasdan kong mabuti ang lalaki. Inalam ko ang dahilan kung bakit nagkaganoon si Nunang dito. Kung magagawa nga ba ni Nunang na sumamang magtanan dito. Wala akong nakitang dahilan. Pandak ang lalaki, maitim, walang hitsura sa paningin ko. Inisip kong galit lang ako sa lalaki kaya ganoon ang tingin ko dito. 5’6 ang height ni Nunang, sexy, may hitsurang babae. Parehong teacher ang mga magulang ni Nunang, nagmula siya sa mga nag-aral na pamilya. Sa aking palagay, maski paano, pinalaki namin siyang may proper breeding. Paanong magiging personal choice ni Nunang na sumama sa isang lalaking tulad nito? Noon ko agad naisip, kung totoong magagawa ni Nunang na sumama sa lalaking ito, walang problema sa lalaki, na kay Nunang ang problema. Kung wala siyang problema, hindi niya gugustuhin na sumama sa ganoong klase ng lalaki. Hindi ko isinama si Nunang sa Marikina dahil natatakot siya sa gagawin ng tatay niya sa kanya. Kahit sabihin ko nang paulit-ulit na walang gagawin sa kanya. Napilitan akong kausapin ang mga magulang ng bestfriend niya para ipagbilin si Nunang na maski anong mangyari ay huwag pasamahin sa lalaki, dahil susunduin ko lang ng gabi rin iyon ang Mama ni Nunang para ito ang kumausap. Laking pasasalamat ko at nakipagtulungan sa akin ang mga magulang ng bestfriend niya. Pinapasok si Nunang sa loob ng bahay, kasama ang bestfriend, pinakain at pinatulog. Kinausap ko ang lalaki bago ako umalis. Pinauwi at pinagbilinan ko ang lalaki. Isa lang ang sabi ko sa kanya, hindi ako tutol na maging magboyfriend sila, pero huwag siyang gagawa ng bagay na makakasira sa buhay ni Nunang dahil talagang hahantingin ko siya. Natakot ata sa akin ang lalaki at umuwi na ng bahay. Nagbalik kami sa bahay ng bestfriend ni Nunang, kasama ko na ang Mama niya (nanay ko), para sunduin na si Nunang. At porket lola na niya ang sumusundo sa kanya, hindi na nagdalawang isip si Nunang na sumama. Naiuwi namin si Nunang nang gabing iyon. Nailigtas ko siya nang gabing iyon. Nalagpasan niya ang gabing iyon at naniniwala akong hinding hindi na iyon mauulit pa.

Kinausap ko ng masinsinan ang nanay ko, sinabi ko na huwag pagalitan si Nunang. Sinabi ko na sabihan ang kuya ko, at lalong huwag sasaktan. Sinabi ko na ako ang bahala kay Nunang. Nangako na ako sa nanay ko na ako ang mananagot anuman ang mangyari kay Nunang. Basta’t hayaan lang ako. Pinalipas ko ang ilang araw, pagkatapos ay kinausap ko si Nunang. Inassure ko sa kanya na okey lang sa akin na mag-boyfriend siya. Noon ko sinabi sa kanya na nauunawan ko siya, ipagtatanggol ko siya at hindi ko siya pababayaan kahit anong mangyari. Isa lang ang hihilingin ko, huwag siyang sasamang magtanan maski kaninong lalaki na ang dahilan niya ay dahil lang sa tumatakas siya sa problema—dahil sisirain ng mali niyang desisyon ang buhay niya. Sa akin na lang siya pumunta o tumakbo at ako na ang bahala sa lahat. Sinabi ko rin sa kanya na mag-boyfriend lang siya ng mag-boyfriend, i-enjoy lang niya ang buhay. Huwag niyang intindihin ang galit ng nanay at tatay niya, basta’t ipangako niya sa akin na hindi siya uuwing malaki ang tiyan. Hindi sumagot si Nunang, hindi siya nangako, nakikinig lang siya. Nakinig lang siya pero wala siyang ipinangako.

Isang taon ang lumipas, siya mismo ang nakipag-break sa boyfriend niya. Kung anuman ang kanyang personal na dahilan—kanya na lang iyon. Basta na-justify ko ang naging pagtingin at pakiramdam ko noon. Totoo pala ang naging tingin ko sa hitsura ng lalaki base na rin sa pagkumpirma ko kay Nunang. Pagkalipas ng ilang taon ay nag-asawa na ang lalaki (ewan kung kasal) at ngayon ay may anak na. Bata pa itong nag-asawa. Sumulat pa sa email kay Nunang, nagso-sorry sa lahat ng kasalanan at nagpapasalamat sa lahat ng nagawa at naibigay (materyal) ni Nunang sa kanya. Deadma ever na ang pamangkin ko. Wala raw sa kanya iyon dahil hindi siya guilty! Mas lalong hindi siya bitter! Napangiti ako, kung paniniwalaan kong mana sa ugali ko ang pamangkin ko, masasabi kong sa edad niyang ito ay buo na ang kanyang pagkatao at alam na niya ang kanyang ginagawa. Sa totoo lang ay si Nunang ang dapat magpasalamat ng malaki sa lalaking ito, ako, at ang buong pamilya namin. Salamat at hindi si Nunang ang nasa kalagayan ng babaeng kinakasama niya. At ang bestfriend ni Nunang na pinuntahan ko noon ay maaga ring nag-asawa at ngayon ay may anak na rin. Samantalang si Nunang na buong akala ko’y maagang mapupunta sa ganoong kalagayan, hanggang ngayon ay dalaga pa, masaya at puno ng buhay! Napaka-ironic talaga ng buhay.

Lumipas ang panahon at tuluyang nawala na sa sistema ng buhay niya ang kanyang “first love” na ngayon ay itinatatwa na niyang “first love” niya. Hehe. Nagkaroon ako ng sariling bahay at buhay. Sa akin madalas tumira si Nunang. Tuwing bakasyon ay sa akin siya tumitira. Isang buwan umaabot hanggang limang buwan at ang pinakahuli ay umabot ng halos isang taon, pabalik balik siya sa Marikina at San Mateo.

Minsan ay kumakain kami ng niluto kong adobong gizzard. Noon lang siya nakakakain ng ganoong pagkain, nasarapan at nagtanong, “Tita Glady, anong ulam ‘to?” Pinasakay ko siya, sabi ko adobong lizard. Nagtaka ang mukha niya. Pero magaling akong umarte, pinanindigan kong kumakain ako ng butiki! Hindi na siya kumibo. Ilang buwan ang lumipas, umabot pa nga ata ng isang taon. Tinanong niya ako kung kailan daw ba uli ako magluluto ng butiki! Nasarapan pala ang luka-luka, fan ko kasi siya sa pagluluto. Tawa ako ng tawa lalo’t noong nakakita siya ng maraming butiki sa kisame ay itinuro niya sa akin. “Ayun, tita Glady! Ayun! Hulihin natin!” All this time, naniniwala pala siyang kumakain ako ng butiki! Pati siya, paniniwala pala niya’y kumakain siya ng butiki!

Noon ko napatunayan na bata pa si Nunang. Inosente pa, nagtitiwala at naniniwala pala siya sa lahat ng sinasabi ko. Lalo akong naniwala na hindi lang siya basta nakikinig sa mga sinasabi ko, naniniwala pala siya.

Isang gabi ay pinag-usapan namin ang lahat-lahat. Sa buhay niya, sa buhay ko, isang gabing nag-iyakan kami. Buong magdamag. Wala kaming problema, nasumpungan lang naming mag-emote, magkuwentuhan ng mga natapos na naming pag-ibig. Alam kong sa sulok ng puso niya ay nagpapasalamat siya sa ginawa ko sa isang gabing pagliligtas ko sa buhay niya. Iisa lang ang tugtog na paulit-ulit niyang pinatutugtog ng gabing iyon, ang kantang What’s Forever for? Ang pinag-uusapan namin ay kung bakit kailangang magmahal ang isang tao na tapos ay mawawala rin naman ang pagmamahal. Para saan pa raw ang salitang forever kung wala naman itong paggagamitan? Sa panahong iyon ay mas nauunawaan ko na ang lalim ng pagkatao ni Nunang, at mas nauunawaan na niya ang lalim ko. Noon ko napatunayang hinding hindi nga pala niya magagawa na sirain ang pagtitiwala namin sa kanya, ang paraan ng pagpapalaki ng nanay ko sa amin, sa kanya, na may dignidad bilang tao, bilang babae. Nagmahal lang siya pero hindi kasama sa pagmamahal na iyon ang i-compromise ang kanyang buong pagkatao. Isang bagay na tiniyak niya sa akin, hindi siya gagawa ng isang bagay na magpapasama ng loob ng kanyang mga magulang, lalo na ng kanyang Mama.

Para kaming baliw, umiiyak at tumatawa kami sa mga kuwento namin buong magdamag na iisa ang tugtog, hanggang sa kapwa kami natigilan nang mapasulyap kami sa bintana, dahil umaga na pala. Ang lakas ng tawa namin ni Nunang. Hindi na kami na nakatulog pa. Magang maga ang mata namin at ang sakit ng ulo namin buong maghapon.

Mahilig akong kumanta, sabi ni Les, magaling daw akong kumanta. O masasabing maganda raw ang boses ko. Sabi rin ng ilang kaibigan ko na nakarinig ng boses ko. Pero bihira ang nakakaalam nito dahil hindi ako kumakanta kung saan-saan. Sa mga okasyon lang sa pamilya, sa bahay. At kung hindi ka pa nakakapunta sa isa sa mga okasyon sa amin, hindi mo pa ako naririnig kumanta. Hehe. Mana raw ako sa tatay ko, kasi magaling ang tatay kong kumanta. Pero siyempre, mas magaling ang original. Masasabi ko na malaki ang naging impluwensiya ko kay Nunang sa pagkanta bagama’t magaling din kumanta ang tatay niya. Sa akin siya nagpaturo ng mga old songs na hindi niya alam kantahin tulad ng mga kanta ng Air Supply at Melissa Manchester’s Don’t Cry Out Loud, atbp. At maniwala kayo, magaling kumanta si Nunang. Kinakanta niya ang Power of Love nang nakaupo, sa pinakamataas na tono pero walang ka-effort effort, kung paano at kung saan siya kumukuha ng hangin sa pagkanta ay hindi ko alam. Dumating ang oras na sa tuwing nagkakantahan kami ay nagpapasahan na kami ng mikropono. Kapag mataas na ang tono, siya na ang kumakanta. Sa tuwing hindi niya alam ang tono ay ibabalik niya sa akin. Hindi kami nagdu-duet, pasahan ang tawag namin doon. Minsan, pinakanta niya ako ng pinakanta sa videoke microphone ko. Akala ko ay galing na galing siyang kumanta sa akin, iyon pala ay gusto lang niyang malaman ang mga lumang kanta na paborito ng kasalukuyan niyang boyfriend noon. Lihim pa akong pinagtatawanan ng luka-luka dahil naisahan niya ako. Ginantihan ko naman siya, birthday ni Les at nasa bahay ang lahat ng barkada namin para mag-celebrate. Pinaupo namin si Nunang sa gitna ng salas at pinakanta ng pinakanta. As if akala mo ay may singer sa harapan namin at nagre-request lang kami ng mga gusto naming kanta. Lahat ng request namin ay nakanta niya. Mula sa pinakamahirap hanggang sa pinakamataas na tono. Sabi pa nga ng mga barkada ko, para daw plaka si Nunang.

Two years ago ay nagpunta siya ng Canada dahil nag-migrate na sila doon ng nanay at half sister niya. Ayaw niya, dahil ayaw niyang iwanan ang boyfriend niya noon. As usual. After one month, tumawag siya sa amin, nagpapasundo sa airport dahil uuwi na raw siya. Takang taka kaming lahat. Walang nagawa ang nanay niya, ang mahal ng pamasahe pero walang nagawa sa kanya. Ganoon katigas ang loob at ang ulo ni Nunang. Imagine, almost 60k ang nagastos ng nanay niya para lang bumalik siya ulit ng Pilipinas pagkaraan lang ng isang buwan? Pagsundo namin sa kanya sa airport, ang saya-saya niya, tawa ng tawa, at ang sabi, waahhhhhhh naisahan ko si Nanay!!!

Malungkot daw siya sa Canada. Gusto raw niya sa Pilipinas. Gusto raw niya sa tatay niya, sa Mama niya, sa mga pinsan niya, sa mga tito at tita niya, -- sa akin. Masaya daw siya sa amin, mahal daw niya kami. Biro ko sa kanya, lalaki lang ang dahilan kaya siya umuwi. Pero ilang buwan pagkalipas, nakipag-break siya sa boyfriend niya. At ilang buwan din ang lumipas may bago na naman siyang boyfriend. Parang gusto kong magsisi na pinayuhan ko siyang magboyfriend lang ng mag-boyfriend. Masyado niyang sineryoso ang payo ko.

Sa akin siya halos tumira sa loob ng isang taong mula nang nagbalik siya ng Pilipinas. Pero iyon ang usapan nila ng kanyang nanay, isang taon lang siya dito at babalik na ulit siya ng Canada para mag-migrate na ng tuluyan. Sa panahong ipinamalagi niya dito, defined na ng husto ang closeness niya sa aming lahat, sa Mama niya (na okey nang makipag-boyfriend siya), sa mga mga tito at tita niya, sa mga pinsan niya at sa one and only tita Les niya na kakampi niya at ka-conspiracy na niya sa marami niyang secret. Pinalitan na ni Les ang role ko. Favorite daw niya ang pochero, ang luto ni Les na pochero. Nagtataka ako kung bakit. Sarap na sarap siya sa luto ni Les eh samantalang hindi naman ako nasasarapan kasi parang mechado. Tinanong ko siya, bakit mo paborito ang pochero ni Tita Les? Sagot niya, kasi ito pa lang ang pocherong natikman ko. Hahaha!

Ilang araw bago siya bumalik ng Canada, iyak siya ng iyak. Ako din ay iyak ng iyak, pero hindi na niya alam siyempre iyon, kasi ayokong madagdagan ang lungkot niya. Akin na lang iyon. Hindi pa man lang kasi siya nakakaalis ay nami-miss ko na siya. Nami-miss ko ang mga Pasko, Bagong Taon, Birthday, etc. na okasyong magkakasama kami. Ma-mimiss namin ang pag-aalaga niya sa kanyang mga pet (nagkaroon ako ng hayupan dito sa San Mateo dahil sa sobra niyang hilig sa hayop). May pusaan siya sa likod ng bahay ko, may isdaan siya sa harapan ng bahay ko. May alaga siyang pusa at mga aso sa Marikina. Mayroon siyang pagong na itinakas niya sa LRT2. Nahuli kasi siyang may dalang pagong at ayaw siyang papasukin. Inilagay niya sa kasuluk-sulakan ng bag niya. Naitimbre pala sa ibang mga guard ng LRT2 at kung paano niya nagawang ipuslit, hindi ko alam. Basta’t nakarating ang pagong niya sa bahay namin sa Marikina. At hanggang ngayon ay buhay pa ang pagong niya at mag-isang naglalangoy sa aquarium na animo’y isa ng pawikan.

Araw ng alis niya papuntang Canada, nagpunta sa bahay namin ang kasalukuyang boyfriend niya. Nasa labas lang, hindi pa rin kasi alam ng tatay niya na may boyfriend siya, kami-kami lang ang nakakaalam (pati Mama niya ay kasabwat na namin). Nilabas ng Mama niya ang boyfriend niya na noon ay umiiyak, pinayuhan silang dalawa at sinabing may tamang panahon sa kanila. Iyak ng iyak si Nunang, bagama’t buong akala ng tatay niya ay siya ang iniiyakan. Hehe. Sa airport, bumunghalit ng iyak si Nunang, niyakap niya kaming lahat, hinalikan at sinabing mahal na mahal niya kami. Bilin niya sa kanyang Mama, huwag pang mamamatay. Hintayin daw ang pagbabalik niya, dahil mag-aalaga pa raw ng anak niya. Kaya’t ang biro namin sa nanay ko, wala siyang karapatang mamatay hangga’t hindi pa siya nagkakaapo kay Nunang. Pag meron na, puwede na. hehe. Joke, joke, joke...

Ngayon ay 22 years old na si Nunang, totoong nakinig siya sa mga sinabi ko. Nakikipag-break lang siya kung ayaw na niya at nakikipag-boyfriend siya kung gusto niya. At minsan man ay hindi siya umuwing malaki ang tiyan (pero malaki ang tiyan niya dahil sa bilbil). Ang ironic nga, nangyari iyon sa iba niyang kaibigan at pinsan. Expect the unexpected ika nga. Nasa Canada na siya ngayon at madalas namin siyang ka-chat. Lagi niyang tinatanong ang mga alaga niya, ang pusa niyang si Sabina, ang mga anak ng aso naming si Obol, si Potchie, etc. Hindi ko pa pala nasabi sa kanya na namatay ang tanim niyang papaya sa likuran ng bahay ko pagkatapos namin maharvest ang bunga at gagawin kong atchara. Kuwento niya sa akin ay madalas siyang manghabol sa Canada ng mga naggalang rabbit. Nasa kalsada lang daw ang mga rabbit doon. Tumatawid sa kalye. Nai-imagine ko kung paano niya ginagawa ang panghahabol ng rabbit, hehe. Mahigit isang buwan na siya doon at hindi pa naman siya tumatawag para sabihing uuwi na uli siya ng Pilipinas. Parang Baguio lang ang Canada sa kanya kapag ginawa niya ulit iyon. May trabaho na siya ngayon. Sa isang fastfood daw at sumuweldo daw siya sa loob ng 2 linggo ng 350 dollars dahil part time lang siya. Nag-aaral pa kasi siya doon. Kumukuha siya ng kursong care giver.

Bilin ko ay mag-ipon siya ng pera. Pagandahin niya ang buhay niya. Bumuo siya ng pamilya niya, isang buong pamilya na hindi niya naranasan noong bata pa siya. Boyfriend pa rin niya ngayon ang boyfriend niya bago siya umalis ng Pilipinas. At sabi niya sa akin, seryoso na siya this time. Oo naniniwala ako, naniniwala naman ako sa lahat ng sinasabi niya. Nagtitiwala ako. At alam ko, sa sulok ng puso niya, naniwala siyang mahal namin siya, naniwala siyang nagtiwala ako sa kanya, at naniniwala siyang lagi’t lagi ay may isa pa rin siyang pamilyang babalikan dito sa Pilipinas. At may tita Glady siya na mananatili niyang tita Glady, forever!!!

What is the essence of digital karma? Well, It speaks for itself.


PS: Ngayong Oct. 22, Happy birthday Nunang!!! Ka-beerday pa talaga niya ang tatay niya! We love you! MWAAAHHH!!!

Thursday, October 4, 2007

DIGITAL KARMA PRESENTS... SNOW IN AUGUST

Katatapos ko lang panoorin ang 20 episodes ng Korean drama na "Snow in August" na ang bida ay sina Chu Sang-Mi at Jo Dong-Hyuk. Mahilig ako sa Korean drama dahil marami akong natututuhan na mga teknik sa pagsusulat at execution ng kuwento. Siguro ay matatawa ang iba ngunit totoo ito. Ginagawa kong study ang Korean drama sa pagbuo ng premise, plot, characterization, twist at ending. Magaling ang mga writer ng Korean drama pagdating sa puntong ito. May mga disiplina sila sa pagsusulat. Hindi nila ikino-compromise ang salitang "happy ending" sa kanilang kuwento. Ang higit na mahalaga sa kanila ay makatugon sila sa premise ng kuwento, at ma-achieve nila ang aspirasyon nila bilang manunulat. Nahuhusayan ako sa pagbuo nila ng time frame. Wala akong makitang loopholes o daya man lang. So far, sa mahigit na 30 korean drama na napanood ko, nakita ko ang pagiging maingat nila sa paggamit ng oras. Ang plot nila ay simple lang at makakakonekta ang mga Filipino viewers dahil sa ilang kultura na may pagkakapareho sa atin. Pati ang paggamit nila ng pagkain ay isang mabisang elemento para maka-attract ng viewers. Maingat sila sa pagbuo ng twist at element of surprise. Nagiging makatarungan ang ending (happy o sad ending man) dahil hindi sila nagkukulang ng "planting" sa kuwento na ginagamit naman nila sa kanilang twist at mga rebelasyon.

Ang plot ng "Snow in August" ay simple lang. Isang babaeng (Chu Sang-Mi) niloko ng asawa, may isang anak na batang lalaki at sa gabi ng kaarawan ng bata ay nasagasaan at namatay. Apat na taong nag-mourn ang ina (babae) hanggang sa nakatagpo siya ng panibagong pag-ibig. Isang lalaki (Jo Dong-Hyuk) na may anak na batang lalaki na ang edad ay limang taong gulang. Ang kuwento naman ng lalaki ay iniwanan ito ng asawa at mag-isang nagpalaki ng anak. Ang bidang lalaki ang naging hero ng bidang babae, ito ang naging dahilan upang ang babae ay magtagumpay at makaahon mula sa kaapihan ng asawa nito at kabit ng asawa nito. Nagpakasal at naging buo ang pamilya ng dalawang tauhan at may instant anak na sila sa katauhan ng batang lalaki na anak ng bidang lalaki. Only to find out, ang nakasagasa sa anak ng babae (Chu Sang-Mi), ay ang lalaking kanyang pinakasalan(Jo Dong-Hyuk). Walang kamalay-malay ang bidang lalaki na nakasagasa siya at nakapatay ng isang inosenteng bata, may apat na taon na ang nakakaraan.

Matitinding dram