Saturday, July 18, 2009

POP LIT 101

ANG PAGPAPALAGANAP NG MGA KAHULUGAN AT SIGNS

Ang popular literature ay mabisang daluyan ng kamalayan dahil ito’y accessible sa market at maraming tumatangkilik. Kadalasan ay magaan ang lengguwaheng ginagamit kaya’t madaling maunawaan ang nilalaman. Nagiging instrumento ito sa pagbibigay ng bagong kahulugan ng ilang terminolohiya at ng mga bagong salitang umuusbong sa bawat panahon. Kabilang sa pop lit ang komiks, romance novel, horror stories, magazines, etc.

Ang unang kasangkapan ng pagpapalaganap ng pop lit ay ang wikang ginagamit. Kadalasan na nagagamit ay mga wikang islang at taglish, mga usong salita na dumaan sa proseso ng paglikha ng kahulugan.

Halimbawa, ang salitang papa sa mag-ina ay tumutukoy sa ama ng anak. Pero maaaring ang papa sa magkapatid ay tumutukoy sa boyfriend ng isang kaibigang babae. Ang salitang ang lupit mo naman ay na naging ekspresyon bilang paghanga. Ang lupit mo naman na ang ibig sabihin ay ang galing mo naman. Ang text messages gaya ng where na u? dito na me. Nangangahulugan ito ng usapan, meeting place at paghahanapan. Ang Text text na lang ay nagpapakahulugan ng pagtetext ng isang magkaibigan o magboyfriend. Ang mga ganitong proseso ay lumilikha ng signs at proseso ng komunikasyon. Ang salitang girl ay nangangahulugan ng batang babae subalit ito’y naging expression o pantawag sa isang kikay na babae. Ang salitang kikay ay nangangahulugan ng isang babaeng friendly, makulit, palatawa, palabiro, aktibo, sunod sa uso at may fashion trend.

May mga espekulasyon kung saan nagsimula ang salitang jologs subalit wala pang masasabing malinaw na batayan. May nagsasabing nagsimula ang ito sa fashion ng isang artista na tinawag na jolens at naging jologs. Mayroon din namang nagsasabi na ito’y nagmula sa salitang tuyo at itlog na siyang pagkain ng mga trying hard na maging elite. Hinango raw ito mula sa salitang mongoloid- pinaikli at naging goloid at nang baligtarin ay naging diolog/ diologs/ jologs.

May tatlong pangungusap na maaaring iisa ang pakahulugan subalit maaari din naming magkaroon ng iba’t ibang konotasyon. (1) Puzzle ang lalaki para sa babae.
(2) Pira-piraso ang lalaki para sa babae.
(3) Mahiwaga ang lalaki para sa babae. Sa una, simple lang ang gustong sabihin. Mayroong bagay na naguguluhan ang babae tungkol sa pagkatao ng lalaki, puzzle na kailangang pagdugtong-dugtungin upang maunawaan ang katauhan nito. Sa pangalawa, maaring ang lalaki’y hindi buo sa paningin ng babae dahil kulang ang pagkalalaki o pagkatao nito, pero posible rin na ang ibig sabihin ay ang literal na pira-pirasong katawan ng lalaki. Sa pangatlo, mahiwaga ang lalaki para sa babae, posibleng ang kahulugan nito ay mahiwaga dahil may plano itong pumatay o mahiwaga dahil may lihim ito. Ang paggamit ng salitang taglish ay nagpapagaan sa mga mambabasa kung paano babasahin ang kahulugan ng teksto. Mas madaling unawain ang kahulugan ng puzzle kaysa pira-piraso o mahiwaga dahil na rin sa pagiging biswal at kongkreto ng salitang puzzle. Ang puzzle ay isang uri ng board game na dala ng west culture at karamihan naman ay nakapaglaro na nito kaya’t pamilyar na ang lahat sa salitang puzzle.

May isang eksena sa nobelang When Forever Comes. Sa ilang palitan ng dialogue at ilang description ay maaari ng magkaroon ng iba’t ibang pagpapakahulugan at interpretasyon.

Nakangiti ang lalaki nang pagbuksan niya ito ng pinto. Dalawang taon ang tanda nito sa kanya. Walang okasyon pero may dala itong bote ng champagne. Hinagkan siya nito sa pisngi.
“How are you now?”
“Maganda pa rin.”
Pumasok sila sa loob ng condo unit.
“How’s life? Mukhang busy ka.” Pangungumusta ni Ralf.
“Parang ikaw. Hindi natatapos ang workload. Marami pa ring deadlines,” tugon niya “Hindi nauubos. Maraming problema sa editorial, hindi natatapos.” Tugon ni Kristin.


Sa loob ng ilang pangungusap ay naipakilala na sa mambabasa ang ilang katangian taglay ni Ralf. Sweet at masuyo siyang lalaki. Naipakilala na rin si Kristin bilang isang busy person. Nailarawan na rin ang katangian niya bilang babaeng pretty and witty. Sa palitan ng kanilang dialogue, obvious na magkakilalang- magkakakilala na sila. Nalaman na rin kung saan nakatira si Kristin dahil sa paggamit ng salitang condo unit. Base na rin sa tirahan ni Kristin ay alam na ng mambabasa kung ano ang standard of living niya. Ginamit rin ang champagne upang ipakilalang nasa middle class ang dalawang tauhan. Ang paraan ng kanilang pag-uusap ay nagpakilala rin sa dalawa bilang mga edukadong tao at may hanapbuhay.

Ang mga kahulugan at signs ay nabubuo dahil sa mga nagaganap na inobasyon ng pangungusap at ito'y higit na napapalaganap ng pop lit. Ito ay abstraktong nililikha ng tao’t kapaligiran at napapaunlad bilang instrumento ng komunikasyon sa loob ng isang partikular na lipunan.

No comments: