PLANTING O PAGTATANIM
Pagtatanim. Kadalasan ito ang nagiging problema o loopholes ng maikling kuwento o nobela. Ang nobelang hindi nagkaroon ng pagtatanim sa umpisa pa lamang ng kuwento ay walang aanihing bunga sa dulo ng istorya. Kapag hindi nagkaroon ng planting o pagtatanim ang dulo ng kuwento’y nagiging kabigla-bigla. Hindi kapani-paniwala ang biglaang pangyayari. Ang isa pang negatibong resulta ng hindi pagtatanim sa umpisa, nagiging mahirap lagyan ng resolusyon ang problema sa dulo. At upang mabigyan ng solusyon ang problema ay mamamatay ang antagonist sa pamamagitan ng aksidente o pinaparusahan upang magkaroon ng happy ending. Hindi na binibigyan ng importansiya ang malaking role ng antagonist kaya nagiging cliché ang ending. Kung walang back story ang antagonist, mas nagiging illogical at lalong nawawalan ng katarungan ang pagbibigay sa kanya ng characterization. Ginagawang masyadong masama ang antagonist para lang masabing kontrabida siya ngunit hindi na-establish ang mga pinanggagalingan niya.
Sa nobelang Remember Me Once More, Chapter 1, pahina 14- 17, isa ito sa halimbawa ng planting sa character nina Meg at Joshua.
Nasa harapan si Meg ng Film Center dahil manonood siya ng isang German Experimental Fil. Marami siyang kaklase at kakilala na manonood din, grupo-grupo ang mga ito. Napansin niya na nakatayo si Joshua sa isang sulok, panay ang hitit-buga sa hawak nitong sigarilyo. Napansin na naman ni Meg ang pag-iisa ng lalaki. Madalas ay ganoon si Joshua, nasa sirkulasyon, subalit parang wala. Hindi ito kasama ng maski na anong grupo; lagi itong isolated.
“Puwede nang pumasok! Itapon na ang mga sigarilyo, bawal ang usok sa loob,” announce ng isang lalaking may hawak na megaphone. Nagpasukan na ang mga manonood na estudyante. Nagpaiwan si Meg sa grupong kasama nya.
“O, bakit?” tanong ng isa sa mga kaibigan niya, si Haidee.
“Mauna na kayo, may hihintayin pa akong friend. Ipagreserba n’yo na lang ako ng upuan."
Wala naman talaga siyang hinihintay. Tumayo lang din siya sa isang sulok at matamang pinagmasdan ang kilos ni Joshua. Parang walang anuman dito ang nagaganap sa paligid. Nagmamadaling nagpasukan ang mga estudyante sa loob ng Film Center samantalang ito’y relaxed lang na nakatayo at panay pa rin ang hitit-buga ng sigarilyo. Nginitian pa siya nito nang magtama ang paningin nila. Nilapitan siya nito nang gumanti siya ng ngiti.
“May hinihintay ka?” Tanong sa kanya ng lalaki.
Marahan siyang tumango.
“Baka hindi na dumating iyon,” sabi pa ni Joshua.
“Ikaw, hindi ka pa ba papasok?” tanong naman ni Meg.
”Mamaya nang konti, inuubos ko kasi ito, sayang kasi.”
“Sayang ang usok?” nagawa niyang itanong sa lalaki.
Nagtama ang paningin nila at nakita niya ang makahulugang tingin ni Joshua, tinging tila sinusuri ang sinabi niya.
“I know you’re a critic, pero hindi ako pelikula na pinapanood,” sabi pa ni Meg.
Napangiti si Joshua sa kanyang sinabi, “Hindi naman kasi ako sa usok nanghihinayang.”
“Ano pa ba ang puwedeng panghinayangan sa sigarilyo bukod sa usok nito? Nicotine?”
Umiling si Joshua. “Sayang ang naiisip ko habang inuubos ko ang sigarilyo.”
At natigilan siya sa sinabing iyon ni Joshua. Ibang klase talaga ang pananaw at ideya ng lalaking ito, sa isip-isip ni Meg. Ubos na ang sigarilyo ay itinapon na ni Joshua ang upos sa basurahan.
“Let’s go inside, kung hindi mo na hihintayin ang hinihintay mo.”
Sumabay na si Meg kay Joshua sa pagpasok sa loob ng Film Center. Marami pang bakanteng upuan.
“Saan ka uupo?” Tanong sa kanya ni Joshua.
“Nasa harapan ang mga kaibigan ko, doon kami madalas na pumuwesto. Ikaw?
“Dito sa likuran ang paborito kong puwesto.”
“Nag-iisa ka na naman diyan,” puna pa ni Meg sa lalaki.
“Okey lang. Mas nag-iisa, mas maraming napapanood.”
“What do you mean?”
“Hindi lang naman pelikula ang dapat panoorin. Pati mga tao.”
“Then ayokong kasama ako sa mga panonoorin mo.”
At magkatabi silang nanood ng experimental film na nakasalang sa telon nang mga sandaling iyon.
Mula Kabanata 1 hanggang Kabanata 7 ay maraming nangyari hanggang sa nagkahiwalay sila. Muli silang nagkita sa Kabanata 8 pahina 99-100, ganito na ang usapan nila at dito ko na inani ang mga itinanim ko noon.
Nagkita sina Meg at Joshua sa cafeteria ng isang sikat na hotel. Malaki na nga ang pagbabago ng personalidad ng lalaki.
“You look good,” bati pa ni Meg.
Mas disente nang tingnan at kumilos si Joshua ngayon. Mas credible na ang personalidad at ugali nito.
“You look great,” ganting papuri naman ni Joshua.
Inaasahan na niya ang mga papuring iyon dahil totoong mas gumanda pa siya sa paglipas ng panahon. Mas lumutang ang kanyang kagandahan ng mag-late –twenties na siya. Nagsalo sila sa isang dinner at pagkatapos ay nagsindi ng sigarilyo si Meg. Napansin niyang pinagmamasdan siya ni Joshua.
“Why?” usisa niya sa lalaki.
“Naninigarilyo ka na pala ngayon,” nakangiting puna ng lalaki.
“Ikaw ang nagturo sa akin nito, remember?” nakangiti ring tugon niya.
“Napaka-bad influence ko pala sa’yo noon.”
“Don’t say that, choice ko naman ito.”
“Hindi na ako naninigarilyo.”
Siya naman ang natigilan sa sinabi ni Joshua at matamang pinagmasdan niya ang lalaki.
“Really?”
“Noon kasi, ginagamit ko ‘yan para mag-isip.”
“So, hindi ka na nag-iisip ngayon.”
At natawa na naman ng mahina si Joshua. Napansin ni Meg na kakambal na ni Joshua ang mga ngiti’t tawa ngayon. Parang ang gaan at ang saya na ng buhay nito.
“Ginagamit ko ang sigarilyo noon sa pag-iisip ng mga problema ko sa buhay.”
“So wala ka ng problema ngayon? Nagkabalikan na ba ang daddy at mommy mo?”
Umiling si Joshua. “It’s not like that. Hindi na big deal sa akin ang problema. I can handle it relaxed and easy. Sabihin na nating composed na ako ngayon. Alam ko na ang gusto ko, alam ko na ang ayaw ko.”
“Good thing for you, huh?”
“You look troubled,” puna naman sa kanya ni Joshua.
“What?”
“Hindi ka kasi mapakali kanina pa. Naiilang ka yata sa akin.”
Pinilit ni Meg na I-relax ang sarili. “Hindi naman, medyo naninibago lang ako.”
“How’s Gary?”
Natigilan siya sa tanong ni Joshua. “What about him?”
“Kumusta na kayo?”
Ayaw niyang pag-usapan si Gary; ayaw niyang magkuwento ng maski na ano tungkol dito; ayaw niyang ma-spoil ang gabi nila ni Joshua, ayaw niyang may masayang na moment dahil hinahabol niya ang oras lalo’t bukas ay ikakasal na siya kay Gary.
Sa umpisa ng kuwento, si Joshua ang lalaking maraming hang -ups sa buhay kaya’t naninigarilyo siya. Iyon ang kanyang manifestation. Si Meg naman ang naninigarilyo ngayon dahil pagkaraang makamit niya ang maraming tagumpay at ipagpalit si Joshua kay Gary --- sa paglipas ng panahon ay napagtanto niyang hindi ‘yon talaga ang tunay niyang kaligayahan at hindi si Gary ang lalaking papalit kay Joshua sa puso niya. Siya naman ngayon ang maraming hang- ups.
Ang kuwento ay tungkol sa dalawang tauhan na ang goal ay “searching for ultimate happiness.” Nagamit ang planting sa pagko-contrast ng personality ng dalawang tauhan at gawing cycle ang mga pangyayari sa buhay nila. Hindi na kailangang palabasing masama si Gary upang magback-out sa kasal nila si Meg. Si Meg mismo ang antagonist ng sarili niyang puso kaya hindi siya lumiligaya. Kailangan niyang ma-realize iyon para magkaroon siya ng happy ending. Kailangan niyang amining all these years, everything is a lie. And Joshua is the only real thing.
Friday, July 17, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment