Friday, March 11, 2016
Paano Sumulat ng Dagli at Dagling "WALLET"
Paano sumulat ng dagli?
Ang dagli ay isang maikling maikling kwento. Pwedeng kalahating pahina lang o hindi hihigit sa isang pahina. Kung may sobra ay ok lang, pwedeng i-edit para mas paiksiin, para mas malakas ang impact. Malaking challenge kasi pagtitipid ito ng mga salita sa isang kwentong buhay na may tauhan, milyu, dialogue, conflict at sub conflict, may plot at sub plot at higit sa lahat may statement. May sinabi dahil may nangyari. May dulo dahil may simula. Kahit cliff hanging pa ang ending, isa itong fill in gaps para dugtungan ng readers. Pwedeng makialam, pwedeng buuin ang kwento ng naayon sa gusto nya o pwede ding wasakin-- para buuing muli. Dahil limitado ito salita, pagtitipid ang isang teknik dito, pero hindi pagtitipid ng buhay na nakapaloob sa kwento.
Pwede nating simulan ang dagli sa isang keywords lang. Gaya ng salitang "closure." Marami ng kwentong nasabi tungkol dito. Maikling kwento man o nobela o maging pelikula pa nga. Pero hibdi naman nauubos ang pwedeng sabihin tungkol sa salitang closure. So pag sinabing closure, kwentong pag-ibig lang ba ito? Hindi naman. Pwede ito sa kahit na anong may bagay na may kinalaman ang salitang unfinished business. Halimbawa isang lalaking nagbalik sa riles ng tren na may dalang walllet. Ang wallet ay kahulugan ng buhay nya. Ang gusto kong statement sa kwentong ito ay kung paano ang wallet na sira sira ang magiging dahilan paano nya lalagyan ng closure ang kanyang buhay. Ang wallet ang natitirang nag-uugnay sa kanyang ama dahil iyon ang tanging naiwang alaala nito, kasama sa wallet ang mga lumang larawan. May tauhan na, may milyu, may plot at sub-plot, may conflict at sub-conflict, at higit sa lahat may gusto ng sabihin. Ang materyal na koneksiyon ng tao sa kanyang sarili at sa iba.
Ganito ko isusulat ang dagli.
"WALLET"
Sa riles ng tren na ito babalikan ko ang lahat. Isang gabi dinala ako dito ni tatay, sabi nya "eto ang tiket intoy, sumakay ka na patungong bicol. Puntahan mo'ng nanay mo." Sa pagitan ng pag-ubo at paghihit ng sigarilyo, pinagmamasdan ko ang may katandaan na nyang mukha. Sabi, tumanda sa init ng araw at sa pagpupukpok ng mga kinukumpuning bahay. "Eto wallet ko, yan lang mapapamana ko sayo. Hindi na siguro tayo magkikita pagkatapos ng gabing ito. Ingatan mo na lang, intoy."
Marami pang sinabi si tatay pero maingay na ang paparating na tren kaya't buka na lang ng bibig ang nakita ko, na may kasamang pag-ubo. At laway na kulay dugo sa bawat pagdahak niya.
Hindi ko na nakita si tatay mula noon. Tumira ako kay nanay kasama ang bago nyang asawa at dalawa kong kapatid sa ina. Sampung taon ang lumipas at nagbalik ako sa lugar kung saan ko huling nakita si tatay. Sa sulok ng puso ko'y umaasa akong naroon pa din sya, nag-aabang, naghihintay, umaasa sa aking pagbabalik.
Hawak ko ang wallet ni tatay. Sa loob ng mahabang panahon, hindi ko iyon binuksan minsan man. Itinago ko yun na parang itinatagong alaala. Hindi ko nagawang silipin o tingnan man lang ang laman. Noon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na buksan. Isang lumang larawan, namin ni tatay. Napahikbi ako sa unang silip pa lang. Tinatagan ko ang loob ko. Nakita ko ang ilang dadaanin, may singkuwenta, may limang pisong papel pa nga. May kalakip na payslip na naroon ang date at halaga.
Sa likod ay may nakasulat, "huling sweldo ko na, anak."
Hindi ko maunawaan kung bakit ako ibinigay ni tatay kay nanay. Masaya naman kaming dalawa lang na namumuhay, kahit sa gitna ng kahirapan. Kaya kahit pagkaraan ng ilang araw ay may bali-balitang may tumalon daw sa riles ng tren ng huling magkasama kami ni tatay, parang wala sa loob ko ang balita. Hindi ko pinansin, hindi ko ininda. Kahit may isang gabing nakita ko si nanay na umiiyak at may hawak na dyaryo. Niyakap lang nya ako ng mahigpit, lumuluha sya habang blangkado ang mukha ko. Ayokong marinig ang kahit anong sasabihin nya. Ayokong malaman ang laman ng dyaryo. Dahil ayokong malaman ang totoo. Tinalikuran ko lang si nanay na parang walang nangyari.
Sampung taon, noon lang ako nagkalakas ng loob na harapin ang lahat. Noon lang ako umiyak, nagpalahaw at sumigaw. Noon ko lang hinarap ang katotohanang itinatago sa akin ni tatay, may sakit sya. Malalang sakit na sa musmos kong isip ay alam kong wala ng lunas. Inilihim ni tatay. Akala niya'y nailihim nya.
Habang umaalingawngaw ang boses ko sa abandonadong lugar na iyon istasyong ng tren. Nakikita ko sa aking diwa ang aking ama at rumaragasang tren na sumalpok sa kanyang kaluluwa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment