Monday, March 31, 2008

SAMU'T SARI (pahabol sa buwan ng Marso)

GO RAMIELLE!!!!
I like Ramielle Malubay, sa kasalukuyan ay top 9 siya ng American Idol, 2008. I really really love her! Bilib ako sa kanyang kumanta. Hindi ako naging fan ni Jasmine Trias pero si Rami, nangyaring napahanga niya ako. Sana she can make it maski hanggang top 3, just like Jasmine. Pero kahit na hindi, fan pa rin ako ni Rami!!!

EARTH DAY
Nakiisa ako sa Earth Day nitong March 29, sa pamamagitan ng pagpatay ng lahat ng ilaw sa buong bahay. Isang maliit na electric fan lang ang bukas, dahil baka naman mamatay ako sa init eh hindi na ako umabot ng Earth Day next year. Hehe. The good thing here is, narealize ko na kaya ko palang gawin iyon everyday. Pwede kong i-off ang lahat ng ilaw, tv, aircon, etc sa loob ng isang oras tuwing alas otso ng gabi. Isang maliit na electric fan lang ang ititira ko. After all, 8 pa lang naman ay tulog na ako. Hehe.

I PRAY FOR CORY
Hindi ako fan o naging supporter ni Cory Aquino. Pero nakita ko naman ang naging role niya sa lipunang Filipino lalong lalo na sa pulitika. Sa totoo lang ay mas hinangaan ko siya noong hindi na siya presidente at nagpatuloy siyang maging political figure on her own right. Nabalitaan ko na may colon cancer siya. Nalungkot ako. Sa totoo lang ay napaluha ako. Biglang bigla ay naitanong ko sa sarili ko, may ibang Cory Aquino pa ba ang lipunang ito maliban sa kanya? Wala. Nag-iisa lang pala siya. Sabi nga ni Kris, kung pwede sana, konting panahon pa... makasama pa nila si Cory. Ganun din ang sasabihin ko, kung pwede sana, konting panahon pa, makasama pa natin siyang mga Filipino hanggang sa makamit natin ang magandang pagbabago.


GALO ADOR, may you rest in peace...
He's my friend. Bagama't kaunti lang ang panahon na pinagsamahan namin, naging mabuti kaming magkaibigan sa panahong iyon. Nakasabay ko siya halos sa GASI noon. Palaging nakangiti. Bungisngis. Puno ng buhay. Nauna siya sa sa akin ng isang season na magworkshop sa VIVA television pero halos nagkasabay din kami sa pagsusulat sa tv. Nagkasama kami sa 4D production ng GMA True Stories. Ilang beses ko na siyang nakasama sa bahay nina RJ, ilang beses na rin siyang nakapunta sa bahay namin sa Marikina. Madalas ko siyang isakay sa kotse ko noon at ibaba kung saan-saan sa tuwing nagkakasama kami. Hindi kami nagkasama sa mga gimikan, pero nagkasama kami sa trabaho nang sandaling panahon. Nakita ko kung gaano siya ka-dedicated sa trabaho. Huminto ako sa pagsusulat sa tv dahil nag-aral ako sa UP at nabalitaan ko na lumipat siya ng network (channel 2). Doon na siya gumawa ng career plan bilang manunulat sa telebisyon. Nawalan kami ng communication dahil nagkaroon kami ng kanya kanyang mundo. Nabigla ako nang malaman ko na inatake siya at finally, namaalam na siya. Nalungkot ako. Nabigla. Kung tutuusin ay napakabata pa niya sa edad na 38. But then, as the saying goes... death spares no one.

MY BOOK COLLECTION
First week ng March pa ng mabili ko ang huling libro ng aking collection. Napansin ko sa aking book shelve, marami-rami na rin pala ito. Ang iba nga'y nakalagay na sa ibang cabinet. Sa totoo lang ay project ko na magpagawa ng isang mini-library sa bahay ko once na nagkabudget na ako. Halos makukumpleto ko na ang mga libro ni Julie Garwood nang i-check ko sa kanyang site ang complete list ng libro niya. May bago siyang serye pero hindi ko pa nabibili. Napakarami ko na ring Sandra Brown, Danielle Steel, Nicholas Sparks, at ilang Harry Potter. Siyempre mayroon din akong mga koleksiyon ng mga akda Lualhati Baustista, Liwayway Arceo, F. Sionil Jose, Gabriel Garcia Marquez, etc. Bukod pa rito, napakarami kong literature books, textbooks, manual, etc.

Ang pinakaimportante sa mga koleksiyon ko ay ang mga libro ko sa creative writing na sinimulan kong kolektahin noon ako'y disiotso anyos pa lang. Ang una kong libro tungkol dito ay ang Improvisation for the Theater ni Viola Spolin at pinakahuling nabili ko nito ngang Marso ay ang The Elements of Editing ni Arthur Plotnik, Patterns in Writing ni Robert B. Doremus, at Film: Form and Function ni Wead at Lellis. Binilang ko ang aking creative writing book collection at mahigit 20 na pala. Dadagdagan ko pa ito. Maghahanap at maghahanap pa ako. May kaibigang nagtanong sa akin, aanhin ko pa raw ba lahat ng librong ito. Simple lang ang sagot ko, paniniwala ko kasi'y never ending ang kailangang matutuhan ng tao lalo't ang pinili niyang propesyon ay ang maging isang manunulat. Hindi kasi ako naniniwala na basta na lamang ipinapanganak ang manunulat. Hindi kasi ako naniniwala na hindi natututuhan ang pagsusulat. Ito'y isang escapismo lamang para sa akin. Ngunit... subalit.... datapwa't kung mababasa lamang marahil ang mga librong ito na aking nabanggit, marahil ay mauunawaan ako sa aking mga sinasabi na hindi natatapos ang pagiging manunulat sa pag-upo sa harapan ng makinilya o computer lamang. Hindi dapat matapos ang paniniwala ng isang taong ang manunulat ay basta na lamang ipinapanganak at ang pagsusulat ay hindi natututuhan. Ang panahon ay nagbabago. Kasama sa mga pagbabagong ito ang mga konsepto at elementong umiiral at nakapaloob sa Malikhaing Pagsulat anumang genre ito.

WOMANS MONTH
Mahalaga sa akin ang buwan ng Marso, una dahil Buwan ng Kababaihan. Nakita ko ang kahalagahan ng advocacy para sa karapatan ng mga babae. Sa aking maliit na paraan ay pinipilit kong makiisa sa kanilang advocacy na isulong ang pantay na karapatan ng babae at lalaki, sa pamamagitan ng aking mga isinusulat-- pinipilit kong maging "malay" at pinipilit kong maging politically correct sa abot ng aking makakaya. Kung may mga pagkakataong sumasablay ako, tao lang, at nakikipagkumpromiso pa rin ako sa publisher para ma-publish ang mga isinusulat ko. Unang unang inalis ko sa bokabularyo ko ay ang ipaapi ang karakter ng babae sa lipunan. Iniwasan kong gawing palaging martir ang ina, gawing labis na masamang babae ang puta, ipagbugbog ang buntis sa asawang lalaki, ipasampal ang girlfriend sa boyfriend, etc. Puwede namang alisin ito at gawing mas interesting ang mga karakter at conflict. Alam kong marami pa akong kailangang matuklasan at matutuhan, pero sinimulan ko ang ganitong framework sa pagsusulat at sana'y mapaunlad ko pa ang framework na ito.

BIRTHDAYS
March 3 ang birthday ng pamangkin kong si Maimai (10 years old) at March 7 naman ang kanyang daddy Ric. As usual pinagluto ko siya ng spaghetti at ibinili ko siya ng keyk. Simpleng selebrasyon lang na ginanap sa bahay ko. Ewan ko ba, dati rati ay sa Greenheights Marikina idinadaos ang anumang selebrasyon sa pamilya namin gaya ng mga birthday, Pasko at Bagong Taon. Pero nitong 2007, parang nagbago ng takbo ang hangin, ginaganap na ang lahat ng ito dito sa bahay ko sa San Mateo. Ito pala ang dahilan kung bakit ako nagpagawa ng bahay kubo. Dahil madalas silang nag-iihaw sa likod bahay at nandoon ang mga bata, ang mga pamangkin ko. Kaya naisip ko, gawin na lang itong mala-resort, hehe. Dahil plano kong bumili ng plastic na swimming pool. Hehe.

March ang kaaarawan ng ilang mga kaibigan ko. Nakakasama ko man sila o hindi, gusto ko silang batiin ng happy birthday, si Mayette Calderon, si RJ Nuevas, si Ricky Lee at higit sa lahat, si Leshie!!!! May sakit ako noong birthday ni Leshie (March 14) kaya hindi natuloy ang surprise party ko sa kanya. Naglunch na lang kami together with my family. Bawi na lang ako next time.

March 18 ang kaarawan ng aking pinakamamahal na ina. At maski may sakit pa rin ako ng mga panahong iyon, nagluto pa rin ako ng pansit at ibinili ko siya ng keyk. Seventy (70) years old na si ina. Host ako ng birthday niya habang umiikot-ikot ang paningin at mundo ko, dahil ata sa vertigo. With matching cough and cold. Hehe.

Ngayong huling araw ng Marso, nagpapasalamat ako at magaling na ako. Tapos na rin ang bahay kubo ko. Salamat sa isang masaya at makahulugang buwan ng Marso.

Sunday, March 30, 2008

bahay kubo kahit munti

Matagal na pala akong hindi nakapagpost dito sa blog ko. Unang dahilan, nagkasakit ako bago pa pumasok ang Semana Santa. Mahigit isang linggo akong bed ridden. Na-spoil tuloy ang pagbabakasyon namin ng Mahal na Araw sa Infanta Quezon dahil hindi ko kaya ang long drive. Hindi namin nadalaw ang aming Sepulkro (imahe ng bangkay ni Jesus na panahon pa ng Kastila). May ibang kuwento ako tungkol doon kung bakit napunta iyon sa aming pamilya. Bukod sa may pabasa kami ay may prusisyon din kung saan ay naging panata ko na ang magdala ng pagkarami-raming puting bulaklak na ididisenyo sa andas ng bangkay ng Poon. Hindi namin nagawa iyon ngayong taon na ito, salamat na lang at hindi ipuprusisyon ngayon ang bangkay at hindi kailangan ng bulaklak. Sa isang taon na lang ulit. Pero plano naming pumunta ngayong April para dalawin ang aming Poon. Isang linggo pa lang ang nakakalipas matapos ang Mahal na Araw ay nagpasya akong magpagawa ng pader at bakod na kawayan (mixed) sa likod-bahay with matching bahay kubo. Kasi naman ay pagkarami-raming lamok at delikado sa dengue dahil maraming halaman at lupa pa ito. Nagpasya akong ipasemento ang kalahati at ang natitirang lupa ay nanatiling nakatanim ang mga puno ng saging, avocado at suha. Walang choice dahil kailangang putulin na ang pagkataas-taas na aratilis na lagpas bubong na dahil madalas ay may nakahapon na ditong mga manok kaya dagsa na ng ipot ang bubong ng extension ng bahay ko, hehe. Pinaputol ko na rin ang puno ng malunggay dahil sabi ni nanay ay aagawin daw nito ang sustansiya ng avocado kaya hindi lumaki-laki. Ayun, dalawa sa puno ko ang naputol. Pero may tatlo namang natira. Plus may bahay kubo na rin ako ngayon. Ano naman ang gagawin ko sa bahay kubo? Well, sa susunod ko na ikukuwento kung para saan ito. Pipiktyuran ko pa ito at syempre ay ipagmamalaki ang aking pagkaganda-gandang bahay kubo, kahit munti...

Sunday, March 2, 2008

MALIKHAING PAGSULAT 101 (GENRE)

Ang genre ay kategorisasyon ng isang teksto. Maraming kategorya ito. Puwedeng nakapaloob sa fiction, futuristic fiction, non-fiction, atbp. Narito ang ilang genre na umiral sa mga kuwento ng tradisyunal na komiks.

1.Kuwento ng pag-ibig o love story (boy meets girl, touching one’s lives, true love, hopeless romantic story, first love and first kiss, etc.)Narration, dialogue and caption – light, candid, romantic, tender, passionate, idealistic.

2. Drama (family oriented, forbidden love, death of a loved one, heartbreaking, affecting, etc.)Narration, dialogue and caption – heavy, profound, reflective, intense. Ang powerful drama hindi necessary na ni-reresolve ang conflict ng mga tauhan o naso-solve ang issue. Ang importante ay klaro itong nare-resolve sa isip ng mambabasa.

3. Pantasya (out of this world characters, different dimension milieu)Narration, dialogue and caption – poetic, lyrical, philosophical, insightful, wisdom.

4. Misteryo at katatakutan (human race vs. elemental, good vs. evil)Narration, dialogue and caption – imaginative and creative, deep, mysterious, mystical.

5. Katatawanan (feel good, sexy humor, witty character, funny story conflict)Narration, dialogue and caption – witty, fluid, flowing (dumadaloy ng mabilis).

6. Pakikipagsapalaran (searching, mission, quest, journey, moving, escapade, exciting activity, incidental, futuristic)) Narration, dialogue and caption – serious, inventive, innovative, ingenious.

7. Aksiyon (chasing, mission, present time)Narration, dialogue and caption – frank, straight forward, open.

***


LOVE STORY

Uunahin kong talakayin ang love story, isang genre na umiiral bilang poplit, bilang panitikan at bilang Kulturang Popular.

Ang love story bilang poplit genre.



Ang Dear Heart Series na lumabas nang mahigit pitong taon sa Love Notes Komiks ay may genre ng love story. Ang seryeng ito ay base sa mga tunay kuwento ng buhay ng mga letter sender at naging epektibo ang ginamit kong genre upang tangkilikin ito ng mambabasa sa loob ng maraming taon. Patunay ang dagsang fan mail at mga letter sender na nagbabahagi ng kani-kaniyang kuwento.

Hindi lamang sa komiks naging patok ang genre na ito, lalo na sa romance novel, sa mga pelikulang Ingles o Tagalog, mga soap opera sa telebisyon tulad ng Korean, Mexican , Japanese at higit sa lahat ang Filipino soap opera. Maging sa mga tula at iba pang literary form ay tinatangkilik at umiiral ang genre na love story.

Napakaepektibo ng love story bilang isang genre ng poplit dahil marami ang nakakarelate dito sa paniniwalang ang lahat ng tao ay nakararanas umibig, maging romantic love man ito, platonic love o universal na klase ng pag-ibig. Sabihin mang korni, baduy o cliché na ang mga plot ng love story, pero ito pa rin ang genre na umiiral at patuloy na tinatangkilik bilang isang poplit.

Ang lovestory bilang genre ng panitikan.
Maging ang lehitimong panitikang Filipino at mga klasikong akda ay tinangkilik ang genre na ito. Dito iniluwal ang pag-iibigan nina Ibarra at Maria Clara sa dalawang nobela ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ang klasikong akda ni Francisco Baltazar na Florante at Laura ay nagpatotoo ng walang kamatayang pagmamahalan nina Florante at Laura, at maging ang mga muslim na sina Aladin at Flerida. Ang paghahanap ng tunay na pag-ibig ni Don Juan sa katauhan ni Prinsesa Maria Blanca sa awit at koridong Ibong Adarna ang naging sentro ng major conflict ng nasabing akda. Kung hindi makikilala ni Don Juan kung sino ang kanyang tunay na pag-ibig at patuloy siyang lilinlangin ng mahika, guguho at lulubog sa tubig baha ang buong kaharian ng Berbanya.

Bagama't kung pakakasuriin at palalaliming mabuti ang pag-aaral sa mga akdang ito, issue ng "social protest" at "pag-ibig sa bayan" ang umiiral sa mga akdang binanggit ko, gumamit ang mga manunulat ng atake ng love story sa pamamagitan ng pag-iibigan ng mga pangunahing tauhan upang pagaanin ang tema at "ikubli" ang ilang mararahas na pahayag tungkol sa mga isyung pulitikal at subersibong pag-aaklas na umiiral sa lipunan sa panahong umusbong ang mga akdang ito.

Ang love story bilang genre ng Kulturang Popular.
Ang genre ng love story sa kasalukuyang panahon ay patuloy na umiiral at katanggap-tanggap pa rin sa masa bilang epektibong behikulo sa pagpapalaganap ng iba't ibang konsepto ng Kulturang Popular. Ang mga commercial ay gumagamit din nito gaya ng commercial ng toothpaste, sabong panlaba, deodorant, biskuwit, feminine wash, etc. Ang mga billboard ay makikitaan ng mga imahe at icon ng pag-ibig gaya ng korteng puso, bulaklak, chocolate, nagliligawang babae at lalaki (bata man o matanda,) etc. Maging sa text messages ay patok ang mga quotes tungkol sa pag-ibig. Ang mga forwarded e-mail ay kadalasang may konsepto ng pag-iibigan. Sa internet nga raw (pasubali) unang sumikat at nakilala ang kuwento ng Korean movie na "My Sassy Girl". Ang mga love song o maging mga OPM na may tema ng pag-ibig ay patuloy na tinatangkilik at pinakikinggan sa radyo, component o mp3. Maging sa pagsulong at pag-unlad ng teknolohiya, mananatili at laging kaakibat ang mga temang ito upang palaganapin ang mga bagong produktong inihahain sa masa. May cellphone nga sa bansang Korea na ang tatak ay I-chocolate, at alam natin na ang chocolate ay simbulo ng pagliligawan at pag-iibigan.

Hangga't may kuwento ng pag-ibig, patuloy itong iiral at tatangkilikin bilang isang komodeti o "market tool" sa pagpapalaganap ng Kulturang Popular. Bukod sa may "sure market" ito, nanataling mabisang pang-aliw ng tao at epektibong tools ito ng escapism upang ang tao ay magpatuloy na mangarap at maghangad ng isang love story na may happy ending.


***