Sunday, March 30, 2008

bahay kubo kahit munti

Matagal na pala akong hindi nakapagpost dito sa blog ko. Unang dahilan, nagkasakit ako bago pa pumasok ang Semana Santa. Mahigit isang linggo akong bed ridden. Na-spoil tuloy ang pagbabakasyon namin ng Mahal na Araw sa Infanta Quezon dahil hindi ko kaya ang long drive. Hindi namin nadalaw ang aming Sepulkro (imahe ng bangkay ni Jesus na panahon pa ng Kastila). May ibang kuwento ako tungkol doon kung bakit napunta iyon sa aming pamilya. Bukod sa may pabasa kami ay may prusisyon din kung saan ay naging panata ko na ang magdala ng pagkarami-raming puting bulaklak na ididisenyo sa andas ng bangkay ng Poon. Hindi namin nagawa iyon ngayong taon na ito, salamat na lang at hindi ipuprusisyon ngayon ang bangkay at hindi kailangan ng bulaklak. Sa isang taon na lang ulit. Pero plano naming pumunta ngayong April para dalawin ang aming Poon. Isang linggo pa lang ang nakakalipas matapos ang Mahal na Araw ay nagpasya akong magpagawa ng pader at bakod na kawayan (mixed) sa likod-bahay with matching bahay kubo. Kasi naman ay pagkarami-raming lamok at delikado sa dengue dahil maraming halaman at lupa pa ito. Nagpasya akong ipasemento ang kalahati at ang natitirang lupa ay nanatiling nakatanim ang mga puno ng saging, avocado at suha. Walang choice dahil kailangang putulin na ang pagkataas-taas na aratilis na lagpas bubong na dahil madalas ay may nakahapon na ditong mga manok kaya dagsa na ng ipot ang bubong ng extension ng bahay ko, hehe. Pinaputol ko na rin ang puno ng malunggay dahil sabi ni nanay ay aagawin daw nito ang sustansiya ng avocado kaya hindi lumaki-laki. Ayun, dalawa sa puno ko ang naputol. Pero may tatlo namang natira. Plus may bahay kubo na rin ako ngayon. Ano naman ang gagawin ko sa bahay kubo? Well, sa susunod ko na ikukuwento kung para saan ito. Pipiktyuran ko pa ito at syempre ay ipagmamalaki ang aking pagkaganda-gandang bahay kubo, kahit munti...

2 comments:

misminchin said...

wow! avocado, sarap nun! pahingi!

gladi said...

sige bah, dalaw ka muna dito sa bahay kubo ko. hehe.