Ang genre ay kategorisasyon ng isang teksto. Maraming kategorya ito. Puwedeng nakapaloob sa fiction, futuristic fiction, non-fiction, atbp. Narito ang ilang genre na umiral sa mga kuwento ng tradisyunal na komiks.
1.Kuwento ng pag-ibig o love story (boy meets girl, touching one’s lives, true love, hopeless romantic story, first love and first kiss, etc.)Narration, dialogue and caption – light, candid, romantic, tender, passionate, idealistic.
2. Drama (family oriented, forbidden love, death of a loved one, heartbreaking, affecting, etc.)Narration, dialogue and caption – heavy, profound, reflective, intense. Ang powerful drama hindi necessary na ni-reresolve ang conflict ng mga tauhan o naso-solve ang issue. Ang importante ay klaro itong nare-resolve sa isip ng mambabasa.
3. Pantasya (out of this world characters, different dimension milieu)Narration, dialogue and caption – poetic, lyrical, philosophical, insightful, wisdom.
4. Misteryo at katatakutan (human race vs. elemental, good vs. evil)Narration, dialogue and caption – imaginative and creative, deep, mysterious, mystical.
5. Katatawanan (feel good, sexy humor, witty character, funny story conflict)Narration, dialogue and caption – witty, fluid, flowing (dumadaloy ng mabilis).
6. Pakikipagsapalaran (searching, mission, quest, journey, moving, escapade, exciting activity, incidental, futuristic)) Narration, dialogue and caption – serious, inventive, innovative, ingenious.
7. Aksiyon (chasing, mission, present time)Narration, dialogue and caption – frank, straight forward, open.
***
LOVE STORY
Uunahin kong talakayin ang love story, isang genre na umiiral bilang poplit, bilang panitikan at bilang Kulturang Popular.
Ang love story bilang poplit genre.
Ang Dear Heart Series na lumabas nang mahigit pitong taon sa Love Notes Komiks ay may genre ng love story. Ang seryeng ito ay base sa mga tunay kuwento ng buhay ng mga letter sender at naging epektibo ang ginamit kong genre upang tangkilikin ito ng mambabasa sa loob ng maraming taon. Patunay ang dagsang fan mail at mga letter sender na nagbabahagi ng kani-kaniyang kuwento.
Hindi lamang sa komiks naging patok ang genre na ito, lalo na sa romance novel, sa mga pelikulang Ingles o Tagalog, mga soap opera sa telebisyon tulad ng Korean, Mexican , Japanese at higit sa lahat ang Filipino soap opera. Maging sa mga tula at iba pang literary form ay tinatangkilik at umiiral ang genre na love story.
Napakaepektibo ng love story bilang isang genre ng poplit dahil marami ang nakakarelate dito sa paniniwalang ang lahat ng tao ay nakararanas umibig, maging romantic love man ito, platonic love o universal na klase ng pag-ibig. Sabihin mang korni, baduy o cliché na ang mga plot ng love story, pero ito pa rin ang genre na umiiral at patuloy na tinatangkilik bilang isang poplit.
Ang lovestory bilang genre ng panitikan.
Maging ang lehitimong panitikang Filipino at mga klasikong akda ay tinangkilik ang genre na ito. Dito iniluwal ang pag-iibigan nina Ibarra at Maria Clara sa dalawang nobela ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ang klasikong akda ni Francisco Baltazar na Florante at Laura ay nagpatotoo ng walang kamatayang pagmamahalan nina Florante at Laura, at maging ang mga muslim na sina Aladin at Flerida. Ang paghahanap ng tunay na pag-ibig ni Don Juan sa katauhan ni Prinsesa Maria Blanca sa awit at koridong Ibong Adarna ang naging sentro ng major conflict ng nasabing akda. Kung hindi makikilala ni Don Juan kung sino ang kanyang tunay na pag-ibig at patuloy siyang lilinlangin ng mahika, guguho at lulubog sa tubig baha ang buong kaharian ng Berbanya.
Bagama't kung pakakasuriin at palalaliming mabuti ang pag-aaral sa mga akdang ito, issue ng "social protest" at "pag-ibig sa bayan" ang umiiral sa mga akdang binanggit ko, gumamit ang mga manunulat ng atake ng love story sa pamamagitan ng pag-iibigan ng mga pangunahing tauhan upang pagaanin ang tema at "ikubli" ang ilang mararahas na pahayag tungkol sa mga isyung pulitikal at subersibong pag-aaklas na umiiral sa lipunan sa panahong umusbong ang mga akdang ito.
Ang love story bilang genre ng Kulturang Popular.
Ang genre ng love story sa kasalukuyang panahon ay patuloy na umiiral at katanggap-tanggap pa rin sa masa bilang epektibong behikulo sa pagpapalaganap ng iba't ibang konsepto ng Kulturang Popular. Ang mga commercial ay gumagamit din nito gaya ng commercial ng toothpaste, sabong panlaba, deodorant, biskuwit, feminine wash, etc. Ang mga billboard ay makikitaan ng mga imahe at icon ng pag-ibig gaya ng korteng puso, bulaklak, chocolate, nagliligawang babae at lalaki (bata man o matanda,) etc. Maging sa text messages ay patok ang mga quotes tungkol sa pag-ibig. Ang mga forwarded e-mail ay kadalasang may konsepto ng pag-iibigan. Sa internet nga raw (pasubali) unang sumikat at nakilala ang kuwento ng Korean movie na "My Sassy Girl". Ang mga love song o maging mga OPM na may tema ng pag-ibig ay patuloy na tinatangkilik at pinakikinggan sa radyo, component o mp3. Maging sa pagsulong at pag-unlad ng teknolohiya, mananatili at laging kaakibat ang mga temang ito upang palaganapin ang mga bagong produktong inihahain sa masa. May cellphone nga sa bansang Korea na ang tatak ay I-chocolate, at alam natin na ang chocolate ay simbulo ng pagliligawan at pag-iibigan.
Hangga't may kuwento ng pag-ibig, patuloy itong iiral at tatangkilikin bilang isang komodeti o "market tool" sa pagpapalaganap ng Kulturang Popular. Bukod sa may "sure market" ito, nanataling mabisang pang-aliw ng tao at epektibong tools ito ng escapism upang ang tao ay magpatuloy na mangarap at maghangad ng isang love story na may happy ending.
***
Sunday, March 2, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
mabuti naman poh at meron pang mga kagaya nyo na nagtataguyod ng sining ng pagsusulat,
sa wikang engles po kasi ako hiyang,
pero gusto ko rin po sana gumawa ng mga tulang tagalog
Hi Gerald,
So how are you now? Binisita ko palagi ang site mo at binabasa ang mga tula mo. Sigurado kong kayang kaya mo ring sumulat ng tulang tagalog. Sumali ka rin sa mga writing contest gaya ng Palanca at sa mga pakontest ng KWF kung hindi mo ba nasusubukan. Siguradong malayo ang mararating mo. Goodluck sa iyo at sana'y marami ka pang tulang maisulat sa mga susunod na araw o panahon.
Godbless.
Post a Comment