Monday, July 26, 2010

PAGLAKI KO, GUSTO KONG MAGING...

Sa pagitan ng mga deadlines at trabahong bahay, pakikipag-chat, FB at panonood ng dvd, may ilang sandaling natitigilan ako at nagtatanong sa sarili. Ito na lang ba ang gusto kong gawin sa buhay?

Ang magsulat, magsulat, magsulat at magsulat pa...? Ang sagot ko ay isang malaking OO! Dahil kahit ano pang gawin ko, bumabalik at bumabalik ako dito. Ito ang aking comfort zone. Sa mundong ito, may pakiramdam akong ligtas ako. Nandito ang tunay na hamon ng buhay ko at paglabang naitutulak ko ng husto ang sarili ko.

Noong nasa elementarya pa ako, tinanong ako ng isang guro kung ano ang gusto kong “maging” paglaki ko. Ang isinagot ko, “gusto kong maging artista!” Nagtawanan ang mga kaklase ko. Hindi ko alam kung bakit sila nagtawanan. Dahil ba sa nakakatawa ang sagot ko (dahil kengkoy ako sa klase maski noon pa) o dahil hindi naman ako mukhang artista talaga. Pero totoo sa loob ko ang sagot ko na iyon. Hindi ako nagpapatawa. Mukha lang kasi akong nagpapatawa. Mukha lang kasi akong tanga. Pero mahilig talaga akong umarte. Sa isip ko ay marami akong role na ginampanan. Minsan bida ako, minsan kontrabida, minsan pusong (komedyante), minsan pulis na tagahuli ng kriminal, minsan killer, hehe. Hindi ako natatakot gampanan ang anumang role na gusto kong gampanan sa isip ko. E, ano kung magmukhang aning-aning? Ang mahalaga’y makapag-emote ng husto, kahit sa loob ng banyo, kahit sa harapan ng salamin, kahit pa nga sa loob ng bus. May pagkakataong tatawa-tawa ako habang nakaupo sa bus, komedi kasi ang eksena at komedyante ang role ko. Mayroong silent movie akong ginagawa sa isip ko, ayun, tahimik ako kapag ganoon! Silent nga eh, hehe. Pero kapag may mga dialogue, gusto ko sa sarili kong silid ako nag-e-emote habang nire-rehearse ang mga pamatay na dialogue gaya ng : “Oo, minahal kita, pero hindi ko ‘yon kasalanan! Hinde… hinde… hinde!” Hehe.

First year high school ako noon nang magdeklara ako ng panibagong pangarap o gusto kong maging paglaki ko. Gusto kong maging singer. At iyan ay dahil sa pagkahaling kong tumugtog ng gitara at pagkahilig na kumanta. May ilan pa nga akong sariling komposisyon. Pulos mellow rock at love song ang naging kanta ko noon dahil sa impluwensiya ng dalawa kong kapatid na lalaki na nagturo sa akin na maggitara. Pero marahil ay hindi ako kagalingang kumanta, o baka hindi ko naman totoo na gustong maging singer, kaya't hindi rin ako nagkaroon ng recording album. Hehe. Ngayon kapag sinusumpong akong maging singer, videoke lang ang katapat niyan! Haha!

Lumipas ang panahon at hindi ako naging artista o singer. Pero may mga naging karanasan naman ako sa pag-arte sa teatro pagkatapos kong mag-workshop sa PETA at MET. Humigit kumulang ay nakapag-direct ako ng nasa 20 stage play. Ang una kong play ay may titulong “BUWAN SA TANGHALING TAPAT!” Itinatag ko ang MUNTING TANGHALAN sa PLM, na natutuwa ako dahil hanggang ngayon eh stage group pa rin ito sa nasabing pamantasan. Sinundan ito ng mga play ko na ipinalabas sa SAN SEBASTIAN COLLEGE, TRINITY COLLEGE at iba’t iba pang school. Hanggang Greenheights Subdivision ay nakagawa pa rin kami ng another ng version ng PASKO NA, SINTA KO, isang community play. Ang isa sa hindi ko malilimutang play na nagawa ko ay “ANG BUTANGERA” na ang lead role ay si Jet Pascua. Paano ko ito malilimutan eh remake ito? Ipinalabas ito noong (1950’s) 15 years old pa lang ang aking nanay at siya ang bida. Sa kanya talaga ginawa ng kanyang guro ang role na Butangera. Kakatuwa hindi ba? Musical drama ito. Naging successful ito in terms of feed back at dami ng mga taong nanood. Hindi ako napahiya sa nanay ko at sa original director na dumalo ng unang gabing ipalabas ito. Kabilang sa mga nagawa kong play ay ang DARAKULA (ISANG PANAGINIP), BITAY, GUNI-GUNI NG KISLAP ISIP, etc. Nagwakas ang aking pagte-teatro ng magsimula na akong magsulat sa komiks, telebisyon at romance novel.

Hanggang sa naranasan kong umarte sa harapan ng camera nang maging tauhan ako ng shortfilm na JUAN ORASAN. Nanalo pa ito ng awards na ipinalabas sa iba't ibang kompetisyon, at ang director ay ang aking kaibigan na si Geraldine Flores aka “Ging Maganda” sa kanyang “sikat” na blogsite. Jejeje. Sumunod na offer niya sa akin ay makipag-kissing scene na daw ako sa harapan ng kamera. Haha! Hindi ko iyon kinaya. Doon natapos ang aking acting career.

Sa masalimuot na mundong tinahak ko, ang dami kong tanong na hindi masagot-sagot, sa edad na disiotso ay tila may kung anong puwersang nagtulak sa akin para pagalawin ang bolpen sa pamamagitan ng imahinasyon. Para lang sumagot sa mga tambak na tanong tungkol sa buhay at pakikipagsapalaran ng isang malikot at maligalig na taong tulad ko. Isang araw, sinabi ko sa sarili ko, gusto kong maging writer. Wala akong direkta o tiyak na impluwensiya noong una pero kalaunan ay binasa ko na ang akda ng mga awtor na sina LUALHATI BAUTISA (Dekada 70, Bata-Bata Paano ka Ginawa, Gapo, etc) LIWAYWAY ARCEO (Canal dela Reina, Ang Mag-anak na Cruz, Titser, etc.) F. SIONIL JOSE (The Mass, Viajeros, etc.) RICARDO LEE (Si Tatang at ang mga Himala, Brutal na isinalibrong script sa pelikula, etc.) EDGARDO REYES (Sa mga Kuko ng Liwanag, Laro sa Baga, etc), GARBRIEL GARCIA MARQUEZ (100 Years of Solitude, etc.

At isang araw, natagpuan ko ang sarili na nagmamakinilya at sumusulat ng nobelang may titulong MALALIM NA SUGAT, isang nobela na hanggang ngayon ay hindi pa rin napa-publish. Kung bakit, ewan ko. Baka natatakot akong ipaangkin sa iba ang kuwentong ito. Sabi kasi, inaangkin na ng sinumang mambabasa ang kuwentong kanyang nabasa sa pamamagitan ng pagbibigay ng sariling pagpapakahulugan. Sa ganitong proseso ay “namamatay na ang awtor” sapagkat hindi na kanya ang kahulugan ng akda. May sense ang teoryang ito, hindi ba? Malay nga naman ng manunulat sa sariling pagbasa at impluwensiyang nakukuha ng mambabasa sa isang akda? Siguro, ayaw ko pang ipamigay ang “kahulugan” ng aking nobelang MALALIM NA SUGAT. Baka masyado ko itong pinepersonal at itinatayang isang pinakamahalagang “posesyon” ng pagka-manunulat. Baka lang naman. O baka wala lang talagang “matagpuang” makakagustong publisher, hehe. Lalo’t di ko naman inilalapit.

Noong kumuha ako ng kursong Malikhaing Pagsulat sa UP. Maraming nagtanong sa akin kung bakit mag-aaral pa ako eh nagsusulat na nga ako? Noong una ay hindi ko masagot ng malinaw ang tanong, basta gusto ko lang mag-aral, ganoon lang kasimple. Kalaunan ay natuklasan kong ang pagiging manunulat ay walang katapusang pag-aaral, pagtuturo, pagbabasa at pagsusulat, walang katapusang pagdaragdag ng mga kaalaman at karanasan. Walang katapusang pagba-blog, hehe. May ilan namang nagsabi sa akin, libre ang blog ah, sayang ang mga materyales na inilalagay at ipinababasa mo ng libre. Para sa akin, hindi sayang kahit kailan ang makapagbahagi ng isa, o dalawang kaalaman sa mga nais matuto at makatuklas ng mga bagay-bagay sa paligid. Hindi maramot magbigay ng kaalaman ang manunulat. Iyan ang “katangiang” nakatitiyak akong taglay ng lahat ng manunulat sa mundo!

Hanggang ngayon, may mga pagkakataong nagtatanong pa rin ako tungkol sa kung ano ba ang gusto kong “maging” paglaki ko. Eh malaki (physically) na nga ako ngayon, hehe. At kabilang sa mga tanong na naglalaro pa rin sa isipan ko kung minsan-- kung naging artista ba ako sa tunay na buhay, ano kaya ang mga papel na ginagampanan ko? At kung naging singer ako, ano naman kaya ang kantang kinakanta ko?

Siguro... siguro lang naman, ang papel na ginagampanan ko sa pelikula, telebisyon at maging sa teatro ay ang mga tauhang isinusulat ko rin. At ang mga kantang kinakanta ko ay mga awiting isinasama ko rin sa mga romance novel na isinusulat ko. 

Sunday, July 25, 2010

FREE WRITING WORKSHOP


Sampu hanggang kinse minutos lang, isang maikling kuwento na ang magagawa ng isang manunulat sa pamamagitan ng paggamit ng teknik na free writing.

Maraming nagsasabing gusto nilang maging manunulat, ang problema ay kung paano ito sisimulan. Mayroong hindi agad makabuo ng plot, mayroong mahina sa characterization, at mayroon cliché mag-dialogue. Maraming gustong maging manunulat o kung minsan nga’y manunulat na ngang talaga pero mayroong “weakness.” At ang weakness na ito ay tinatawag nilang mental block o kaya’y black moment ng kanilang mga sarili.

Kapag nasa ganitong kondisyon ang utak ng isang manunulat pero gusto niya o may pangangailangan siyang magsulat, may ilang pamamaraan para makapagsimula o may masimulan. Mahalaga sa pagsusulat ang may nasisimulan para may maide-develop na plot kaysa nananatiling hindi gumagalaw ang bolpen.

Maaaring pumili ng isang tahimik na lugar kung nanaisin. Pero ito hindi necessary. Kahit maingay, kahit magulo, kahit matao, kahit sa loob ng bus o jeepney, kahit nga sa mga fastfood, effective ang free writing sa mga ganitong lugar upang may makitang mga detalye, maliliit na bagay o mga pangyayaring puwedeng ipaloob sa plot na nais buuin.

Kung nasa mataong lugar, mas mabuting gumamit ng papel at bolpen upang mas madali ang pamamaraan kumpara sa laptop o makinilya. Isulat ang oras, lugar, panahon (temperature o ambiance), mga taong naglalakad o nakikita, mga karakter na may potensiyal na gamitin sa plot. Isulat ang mga walang kawawaaang naririnig sa paligid. Halimbawa, may dalawang batang namamalimos, “Ate pahinging piso. Ate ako rin. Alis, alis, ang babaho n’yo!” Isulat ang naririnig sa dalawang mag-boyfriend na nag-aaway, “Ano ba? Ano bang problema mo? Wala akong problema, nanakakainis ka. Akala mo hindi ko alam na itine-text mo si Anna.” Isulat ang aleng nagtitinda, “o suki, mura lang, bili na.” Isulat ang sinasabi ng jeepney driver sa pulis na nanghuhuli, “Boss kalalabas ko lang eh. Pasensiya na.”

Kapag naisulat na ang lahat ng bagay na narinig at nakita ay puwede na itong i-plot.

MILYU: KALSADA
ORAS: alas tres ng hapon
AMBIANCE: matao, magulo ang paligid, maingay, may mga vendor, maraming jeep sa kalye, mabibilis ang mga sasakyan, maalinsangan ang paligid.
MGA TAUHAN: mag-boyfriend, ale, dalawang bata, pulis, jeepney driver, tindera.
TITULO: may kinalaman sa kalsada.

Simulan na ang pagsulat ng plot o kuwento. Ano ba ang posibleng kuwento ng ganitong tagpo at mga tauhan? Drama ba ito? Comedy ba? Horror ba? Uso ang horror.

Ah, horror. Sige, horror.

Anong mga elemento ang puwedeng ilagay para maging horror ang kuwentong nasa gitna ng kalsada, alas tres ng hapon, at sa isang mataong lugar?

Challenge ito. Isang napakalaking challenge.

So, ang mga elemento ng horror na puwedeng ilagay ay asuwang, maligno, mga pangyayaring kakila-kilabot, multo, etc.

Okey multo. Challenging ang kuwentong multo sa katanghaliang tapat.

Ganito ko isusulat ang kuwentong nakita ko sa paligid.

Ang title: SA KABILANG KALSADA

Magulo ang paligid. Kasing gulo ng isipan ni Harvey, pagkatapos ay inaaway pa siya ni Marie. Maingay ang kalsada dahil sa mabilis na takbo at salitan ng mga pumapasadang jeepney. Makulit at maligalig pa ang dalawang bata na kanina pa nanghihingi ng pera kung kani-kanino. At naispatan pa ng dalawang ito ang isang aleng may kasungitan.

“Ate pahinging piso.”

“Ate ako rin.”

“ Alis, alis, ang babaho n’yo!”

Tapos itong si Marie, ayaw pang tumigil sa kangunguyngoy kay Harvey.

“Ano ba? Ano bang problema mo?”

“ Wala akong problema, nanakakainis ka. Akala mo hindi ko alam na itine-text mo si Anna?”

“Namputsa! Marie, ang tagal na noon! Matagal na kaming hindi nagkikita ni Anna!”

“Sinungaling ka! Kanina pa kaya siya nasa likuran natin! Kanina ka pa kaya niya sinusundan!”

“Ano?” Buong pagtataka ni Harvey. Nagpalinga-linga pa ito at tiningnan ang paligid para hanapin si Anna.

Narinig pa ni Harvey ang jeepney driver na nagpapaliwanag sa pulis na nanghuhuli. “Boss kalalabas ko lang eh, pasensiya na.” sabay kamot ng ulo.

Tumunog ang cellphone ni Harvey. May nag-text. Agad inagaw ni Marie ang cellphone at binasa.

“Marie, ano ba?”

“Sinungaling ka talaga, bakit mo sasabihing hindi na kayo nagkikita ni Anna? Bakit sinasabi niya ditong hihintayin ka niya sa kabilang kalsada?”

“Ano?” Lalong nagulat si Harvey. Hindi niya alam ang mga sinasabi ni Marie.

Pag-angat ng mukha niya, nakita nga niyang papatawid si Anna papunta sa kabilang kalsada, habang may paparating at rumaragasang sasakyan.

Sumigaw si Harvey. Para siyang namamalik-mata lang pero totoong lahat ang nakikita niya. Masasagasaan si Anna.

“Anna!!!”

Iglap at nawalan ng kontrol sa sarili si Harvey. Awtomatikong gumalaw ang mga paa niya para tumakbo, para iligtas si Anna sa tiyak na kapahamakan.

Hindi nakakilos si Marie. Natigagal siya. Lalo na ng makita niyang si Harvey ang sumalpok sa rumaragasang sasakyan. Hindi niya nakita si Anna. Hindi niya alam kung saan nakita ni Harvey si Anna at bigla na lamang itong sumigaw at nagtatakbo.

Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Nagkakagulo ang mga tao. Nakahandusay sa kalsada si Harvey. Wala ng buhay. Basag ang bungo. Pinaalis ng pulis ang mga taong nag-uusyoso. Napahesusmaryosep ang aleng hinihingan ng dalawang bata ng pera at dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay agad nitong naabutan ng tigsi-singkuwenta pesos ang dalawang bata. Parang walang anuman ang nangyaring aksidente para sa tindera, patuloy lang itong nagtinda. Ilang beses na raw kasi itong nakakita ng na-hit and run sa lugar na iyon.

Muling tumunog ang cellphone ni Harvey na hawak ng tigagal pa ring si Marie. Hindi pa nito nababasa ang text messages mula sa kapatid ni Anna na si Pol.

“Bro, patay na’ng kapatid ko, kaninang alas tres, pinaaalam ko lang para alam mo ang nangyari sa ex mo.”

Ilang minuto pa lang ang nakakalipas, nakipagkita na nga si Harvey kay Anna sa kabilang kalsada.

eNd.

Marami pang posibilidad na maaaring gawin sa plot na nabuo o sa kuwentong nasimulang sulatin. Puwede itong maging drama, love story, comedy, etc. Mula sa dagli (o maikling maikling kuwento), puwede itong maging isang maikling kuwento o kaya'y maging isang nobela. Bakit ang hindi? Ang lahat ng malaki ay nagsisimula sa maliit. At ang maliliit ay ang mga detalyeng naka-ugnay sa malalaki.

Kasama sa workmode ng isang manunulat ay ang bumuhay ng mas maraming posibilidad na kuwento at pangyayari sa isang simpleng plot na nabuo. Habang gumagana ang isip sa isang nabuong plot mula sa mga nakita't napakinggan sa pali-paligid, patuloy lang ang manunulat sa pagtanggap ng mga ideyang payayabungin pa niya hanggang sa marating na niya ang pinakadulo ng kanyang isinusulat na kuwento. :)

Saturday, July 24, 2010

ILANG TIPS SA PAGSULAT NG HORROR STORY









Sa pagsulat ng horror story, dapat ay mas less ang dialogue at piling pili ang mga sasabihin ng tauhan dahil mas madalas ay lagi silang nakikiramdam lang.

“L-loleng… ikaw na ba ‘yan?” May mababakas na takot sa tinig ni Alva.

Sa pamamagitan ng dialogue na ito ay malalaman na may hinihintay si Alva pero hindi siya nakakatiyak kung sino ang darating o dumating. Tiyak may dumating dahil may naramdaman si Alva. At sa pamamagitan ng pakiramdam ni Alva, maaaring paglaruin ng manunulat ang imahinasyon ng mambabasa. Maaaring ang dumating ay hindi ang hinihintay ni Alva kundi isang malaking banta sa kanyang buhay o anumang bagay na may kinalaman sa takbo ng kuwento.

Parang laging time space warp dahil nagse-set muna ng mood sa eksena bago i-reveal ang mga nakakatakot na bagay. Kapag nauna na ang nakakatakot na mga eksena, wala ng thrill ang mga susunod na pangyayari. Parang ibinabad na agad sa suka ang pakiramdam ng mambabasa.

Maraming mga images o dark images na gumagalaw sa kuwento. Hindi necessary na i-reveal agad ito sa mambabasa. Mas maganda kung kusang nakikita ng reader ang mga images sa pamamagitan ng paglalaro sa kanilang imahinasyon.

Umatungal ang mga aso. May narinig si Alva na mga yabag… papalapit… Umangat ang pinto. Umingit. May aninong gumalaw at naglaro sa diwa ni Alva, ang karit ni kamatayan. Naglaro lang. Dahil hinding hindi niya gustong magkatotoo. Na dinalaw na naman siya ni kamatayan sa kanyang panaginip.

Mas descriptive ang lugar pero mas dark ang mood at description. Maraming nakikita sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga naririnig kadalasan ay tunog lang, musika, tili, panaghoy, o kawalan. Gloomy ang kapaligiran o ambience. Mausok o mahamog. Malamig ang klima. Palaging nagbabanta ng malakas na pag-ulan. O akala mo’y uulan ng malakas o kauulan ng malakas. Mababa ang emosyon ng mga tauhan. Palaging cool, pati kilos, pati mga tingin. Mabagal ang kilos nila at palaging tumitingin sa takbo ng orasan. Kapag humahangos o nagmamadali, nariyan na ang panganib. Mas mae-excite ang mambabasa kapag ginamit ang mataas na emosyon, pagiging hyper, mabilis na pagkilos kapag nasa climax na ng istorya o nasa maigiting na pakikipagtunggali ang tauhan. Ang panahon ay mas nakakapagbigay ng malamig na pakiramdam sa mambabasa. At kung ang layunin ng manunulat ay ang manakot, kailangang mailagay muna niya sa ganitong pakiramdam ang mambabasa.

"Alas-tres na ba? Parang sais na ah. Naku, Pedro, sumilong ka na nga at mamya ay magsisimula ng mag-atungalan ang mga aso.”

Mas mabagal ang galaw ng oras at araw. Nakakainip sa simula ang kuwento na akala mo’y walang malaking pangyayaring magaganap. Isang tipikal na kuwentong pang-araw-araw lang. Parang walang anumang lumilipas ang oras. At kung kailan papadilim na ang buong paligid, ay saka pa matutuklasan ang isang bangkay na wakwak ang dibdib at laslas ang bituka. Tipong halimaw ang may kagagawan.

Mas epektib ang sigaw na walang sounds. Mas epektibo minsan ang mga sounds lang kaysa sa deskripsiyon.

“Bebong! Bebong! Maryosep na bata ka! Anong nangyayari sa’yo?Magsalita ka!”
Panay lang ang kumpas ng kamay ni Bebong na nagtuturo ng isang bagay na natuklasan. Parang ibinabad sa suka ang kanyang mukha dahil sa sobrang takot na nararamdaman. Hindi siya makasigaw. Ang kanyang tinig ay tila naibaon sa ilalim ng hukay dahil sa takot na nararamdaman.


Less blood. Kapag nai-set sa mambabasa ang bloody scene, nawawala sa kanila ang thrill at suspense. Masasanay na agad sila sa mga eksenang nakakabigla at nakakatakot. Kailangang makapag-set muna ang manunulat ng mga eksenang mambibigla.

Naglalakad si Bebong sa gitna ng talahiban. Ewan kung bakit bigla siyang nakaramdaman ng antok. Humikab siya, at habang nakapikit ay natalisod siya. Pagmulat ng kanyang mga mata, isang bangkay na nakataob ang gumimbal sa kanya.

“P-pa… patay!”


Marami ang mabubuong misteryo at mga kuwestiyon. Kaninong bangkay iyon? Bakit pinatay? Paanong pinatay? Bakit nasa lugar na iyon? Ang ang tunay na anyo, hitsura at kalagayan ng bangkay? Sa oras na iharap ang bangkay ay saka pa lamang malalaman na wakwak ang dibdib nito at laslas ang bituka.

Kailangang bigyang konsiderasyon ng manunulat kung ano ang kakayahan ng mambabasa na maging malikhain at magpagana ng imahinasyon. Laging isaisip na mas maraming nai-imagine ang readers habang sila’y nagbabasa kaysa sa ating mga nagsusulat. Huwag tawaran ang kakayahan nila o huwag limitahan ang kakayahan nilang makakita ng mga bagay na hindi nakikita ng manunulat. Hayaang papaglaruin ang kanilang imahinasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga “open images.” Sa ganoong paraan naise-set ang mood nila at mas nagiging nakakatakot sa kanila ang binabasa. Gumamit ng mga imahe na kabisado o nakaka-identify ang readers gaya halimbawa ng Friday the13th, malas na lugar, mga kasabihan, spirit of the glass, etc. Maaring gumamit ng milyu na masikip at madilim tulad ng tunnel, basement o abandonadong building. Maaaring gumamit ng konsepto ng luma gaya ng old house, portrait, old cementery, etc. Subukang bumasag ng mga kumbensiyon after makabuo ng isang traditional na plot. Halimbawa, ang white lady ay binasag ni Sadako bilang isang batang babaeng ghost. Lalaki naman halimbawa ang gawing multo, isang makisig na lalaki at tipong artistahin, tipong crush ng bayan! Only to find out, he’s dead a long time ago.

Gumawa ng hindi malilimutang ending.

Tumatakbo si Alva. Nakaligtas na siya. Tiyak niya sa sariling nakaligtas na siya. Nagpapasalamat na nga siya ng husto sa Diyos dahil sa kanyang kaligtasan. Hanggang sa mahapo siya sa pagtakbo dahil pakiwari niya’y paikot-ikot lang siya. Natigilan siya. Nakita niya ang sariling bangkay. Wakwak ang dibdib, laslas ang bituka. Nakasubo sa bibig niya ang lamang loob. May naalala siya. Naglaro sa diwa niya ang ilang eksenang naganap ilang sandali pa lamang ang nakalilipas. Mismong siya ang nakakita kung paano niya kinain ang sarili niyang lamang-loob hanggang sa tuluyan siyang malagutan ng hininga. Nakikipag-agawan ang katinuan ng kanyang isipan upang labanan ang kagimbal-gimbal na paglamon sa sarili niyang lamang loob. Huli na ng natuklasan ni Alva na nabigo siya. Nananaghoy na ang kanyang kaluluwa.