Wednesday, December 12, 2007
ANG PASKO SA KOMIKS (PAGLALAGOM)
Isang napakalaking tagumpay ang Pasko sa Komiks (PASKOM) kung ang pag-uusapan ay ang naging resepsiyon o pagtanggap ng Unibersidad ng Pilipinas sa pangunguna ni Dean Virgilio Almario (National Artist), Prof. Bienvenido Lumbera (National Artist), Prof. Vim Nadera (Director, creative writing center), ang moderator na si Sir Xiao, Prof. Emil Flores, ang isa sa mga organizer na si Eva (barkada ko, UP days), si Mang Enteng (ang tagapangasiwa ng Bulwagang Claro M. RECTO), atbp. Pasensiya na po sa mga hindi ko nabanggit. Sa lahat ng mga guro at estudyanteng nanood, bumili ng komiks at sumuporta. Maraming salamat po sa inyong lahat mga Sir at Mam, mga kaibigan at kasamahan sa kolehiyo!
Sinimulan ko ang talk ko tungkol sa unang mga meeting na naganap para buuin ang kongreso sa Komiks sa MAX restaurant. Ito ang sinabi ko sa unang meeting na dinaluhan ko. Panahon na upang itaas ang antas o kalagayan ng komiks dahil sinisimulan na itong kilalanin at pag-aaralan ng malalaking pamantasan bilang isang lehitimong panitikan o pop lit. Sa katunayan, kasama na ito sa kurikulum ng subject na Kulturang Popular. Sinabi ko rin ang ilang kuwentong natunghayan ko kay Prof. Almario noong guro ko siya sa UP. Ilang beses din siyang nagkuwento tungkol sa komiks at may mataas siyang pagtingin dito.
Kaya noong may mga nagsabi na panahon na para itayo ang komiks o ipagtanggol ang komiks sa darating na PASKO SA KOMIKS na gaganapin sa UP, at binalaan o pinagsabihan na magsipaghanda ang lahat, totoong napangiti ako. Hindi dahil masyado akong kumpiyansa. Kundi dahil alam kong makakakuha ang mga taga-komiks ng malaking suporta sa pinanggalingan kong kolehiyo. At siguradong sigurado ako d'yan!
Handa naman talaga ako sa pakikipagbalitaktakan, at sa lahat ng oras ay handa ako para manindigan sa komiks. Siguro lang ay dahil alam ko kung ano ang sasabihin ko sa sinumang makaharap ko. Siguro ay dahil hindi ako basta bumabanat ng kulang ako sa "armas" o panangga. Sanay ako sa banatan sa mga symposium sa UP. Napakaraming beses ko ng naimbita para magsalita sa CM Recto kaya't hindi na bago sa akin ang humarap sa mga mag-aaral ng UP at maging sa mga guro. Kaya hindi ko talaga inisip na magiging "hot cake" kami. In fairness sa pinagmulan kong departamento o kolehiyo, napakarasyunal nila sa usaping pangkultura at mga esensiyal na usaping pangsining. Bagama't naniniwala ako na may mga "ilan" d'yan na totoong nagtatakwil sa kontribusyon ng komiks pero hindi naman nangangahulugang lahat. Hindi ako nagkamali dahil ipinakita ni Sir Almario (RIO ALMA) ang kanyang napakalaking suporta at mataas na pagtingin sa komiks. Sa katunayan ay pinasubalian o pinatotohanan pa nga niya ang sinabing namatay na raw ang komiks may 20 taon na ang nakakaraan at sa pagbabalik ng isang Carlo J. Caparas ay muling nabuhay. Sinabi lang naman niya ito sa porma ng pagtatanong dahil nga sa may mga nakita siyang komiks sa galeria na hindi naman akda ni Carlo. Kaya't isang malaking kuwestiyon sa kanya kung namatay nga ba ang komiks. O baka naman daw ang namatay lang ay ang akda na sana'y isusulat pa ng isang Carlo J. Caparas. Mga tanong niya itong iniwan na naging hamon sa mga panelista na sagutin sa buong maghapon na iyon ng talakayan.
Nagpapasalamat din ako sa napakalaking suporta ni Prof. Vim Nadera (isang multi awardee na makata, napakagaling na guro, at director ng CWC). Bilang moderator sa hapon, nakakatawa ang mga banat niya at mga pagbibiro pero seryosong tinatanggap niya ang mga sinasabi ng panelista. Ang hindi ko malilimutan ay ang mali-maling intro ng pagpapakilala sa mga panelista, kaya nga biro niya'y "susunugin daw" ng buhay ang gumawa nito. Haha! Kaya nga ba nagbigay ako ng sariling intro sa akin. Una, ayokong maging eksaherada ang pagpapakilala sa akin, ikalawa sayang sa oras ang gagawin ko pang pagwawasto sakaling may maling introduksiyon na sabihin tungkol sa akin.
Napakahusay ng paglalatag ni Prof. Patrick Flores tungkol sa aesthetic sense at value ng sining biswal (gayundin sa akda) na ginawa ni Francisco Coching. Nakakatuwang isipin na ang isang professor sa ilalim ng departamento ng Art Studies ay kinikilala ang kontribusyon ng isang komiks creator na may kapantay na lebel tulad ng mga artist na sina Malang o iba pang mga national artist. Maging si prof. Patrick ay naniniwala na ang isang Coching ay maaaring ihanay o nararapat na maging isang national artist sa sining biswal.
Nakakatuwang isipin na may isang international magazine na ipinakita ni Gerry Alanguilan kung saan sinabi niyang 70% (correct me if i'm wrong, sir) na may mga pag-aaral doon tungkol sa Filipino komiks o mga Filipino komiks creator. Nangangahulugan lamang na kinikilala sa buong mundo ang husay at galing ng mga Filipino Komiks Creator. At kung ang pagkilalang ito ay nagmumula sa labas ng bansa, bakit hindi ito mangyayari sa loob at sa sariling bansa? Kaya't nakapagtataka kung bakit may kumukuwestiyon sa aesthetic value ng komiks at sa cultural value nito na mga Filipino rin? Sana'y pag-aralan muna ang konteksto, ugat, pinagmulan, kultura, ang iba't ibang transpormasyon, ang iba't ibang anyo ng komiks bago manuligsa. Sa simpleng paliwanag, maging grade one muna bago magtapos ng kolehiyo.
Para sa akin ay dapat bigyan ng standing ovation ang naging paglalagom ni Prof. Joey Baquiran tungkol sa kinabukasan ng komiks. Eto ang pinakaesensiya at sana'y matunghayan at maunawaan ito ng lahat ng komiks creator upang sa gayun ay ganahan naman ang lahat na magpatuloy na lumaban at tumayo para sa komiks.
Ayon nga kay Prof. Joey Baquiran ng UP, sa PASKO SA KOMIKS, hindi mamamatay ang komiks dahil may kakanyahan ito. Ang katangiang biswal at teksto. Isang kakanyahang hinding hindi mamamatay sa kulturang Filipino hangga't ang mga Filipino ay may mga mata para makakita at bibig para makabasa-- magpapatuloy ang eksistensiya ng komiks. Mabuhay ka Sir Joey!!!
Ipinakilala ako ni Ms. Sally Eugenio bilang "palaban" o "babaeng palaban." Haha! Pinagtatawanan ito ng isip ko. Oo, palaban ako, para sa alam kong tama. Oo, palaban ako, dahil alam ko ang ipinaglalaban ko. Oo, palaban ako, para iwasto ang mga maling datos na naitatala sa kasaysayan. Hindi ko basta tatanggapin ang mga "pag-aangkin ng titulo na hindi naman karapat-dapat. Hindi ko tatanggapin ang isang akdang sinasabing kabilang sa isangdaang nangunguna sa komiks ng hindi ko alam kung ano ang pinagbasehang pamantayan o pag-aaral. Hindi ko tatanggapin ang sinumang magsasabing ako ang "hari", o ako ang "reyna" hangga't wala akong nakikitang nakaputong na korona.
Marahil para sa iba ay sasabihing ngang palaban ako, matapang, etc. Pero para sa akin, hindi ko iniisip na palaban ako o matapang lang ako. Mas gusto kong isipin na hindi lang ako "TANGA!"
Sabi sa akin ni Sir Vim, "hindi ko akalain na ganyan na kataas kung basahin mo ang komiks, Glady."
Oo naman, dapat naman, bakit naman ang hindi? At napapanahon na upang kilalanin itong lehitimong panitikan o pop lit na nangangailangan ng obhektibong pag-aaral sa ilalim ng panunuring pampanitikan.
Nais kong ibahagi ang naging introduksiyon ko sa talakayan sa PASKO SA KOMIKS bilang pagtataya ko sa naging kalagayan at kontribusyon ng komiks noon at ngayon.
KULTURANG KOMIKS
Hindi matatawaran ang naging kontribusyon ng komiks sa lipunang Filipino bilang isang pamanang kultural. Ang naging eksistensiya nito sa loob ng mahigit na anim na dekada o higit pa ay maituturing na isang “social phenomena”.
Sino ang makakalimot sa mga akda ni Mars Ravelo tulad ng Darna, Dyesebel, atbp. Kilala natin ang Zuma ni Jim Fernandez. Ang Barok ni Bert Sarile. Si Mang Kepweng ay naging bahagi “noon” ng pang-araw araw na buhay ng mga Filipino bilang isang “albularyong pulpol.” Ang karakter na si Pokwang na nilikha ni Vincent Benjamin Kua Jr. bilang isang batang babae na kakandi-kandirit.
Hindi malilimutan ang mga akda ng mga babaeng nobelista katulad nina Elena Patron, Nerissa Carbal, Helen Meriz, Zoila, Flor Apable Olazo, Gilda Olvidado, Ofelia Concepcion, Josie Aventurado at marami pang iba.
Napakaraming naging ambag ng komiks sa kultura, panitikan at lipunang Filipino. Hindi lamang dahil sa karamihan ng mga akdang ito’y naisapelikula, kundi nag-iwan ito ng mga subliminal na kahulugan sa kamalayan ng mambabasang Filipino. Isang araw, natitiyak kong karamihan sa akda sa komiks ay maisusulat na rin sa “dula”. Malay man o hindi malay ang isang mambabasa, subalit napakaraming konseptong iniluwal sa komiks na magpahanggang ngayon ay patuloy nating tinatangkilik tulad ng Zsa Zsa Zaturnah.
Naging daluyan ang komiks ng napakaraming konsepto ng “social norm”. Mga hindi malilimutang tauhan o karakter. Cliché man o hindi cliché pero naging hulmahan o modelo ng mga bagong manunulat na lumilikha ng panibagong karakter sa bawat henerasyon. Sina Facifica Falaypay, Panday, Pedro Penduko, at marami pang iba.
Naging instrumento ang komiks ng paglalantad ng mga isyung kinasangkutan ng lipunan. Mga isyu ng kababaihan, kabaklaan, suliraning pampamilya, social protest, at pag-ibig. Madalas sinasampal ang isang “babaeng buntis” at tunay na nagpapalaganap ito ng negatibong kamalayan para sa mga kababaihan. Pero nangangahulugan na ganito ang lipunan natin, dahil ito ang manunulat natin na nililikha din ng kung anong uri ng mambabasa mayroon tayo. Ginagawa nating katatawanan ang isyu ng mga bakla, ayaw nating seryosohin ito. Dahil ganito tinitingnan ng lipunan natin ang kalagayan ng mga gay at lesbian, isang malaking katatawanan lang.
Naging repleksiyon ang komiks kung ano ang uri o antas ng kamalayan mayroon ang mambabasang Filipino sa pamamagitan ng mga naisulat na akda. Sino ang mga tumangkilik at anu-ano ang mga akdang tinangkilik? Isang malinaw na pamantayan o framework na maaaring paghugutan ng batayang pag-aaral o pananaliksik sa panunuring pampanitikan.
Maraming naturuang magbasa ang komiks (literal man o kritikal na pagbasa sa teksto) dahil napakaraming Filipino ang tumangkilik nito. Isang popular na babasahin na nagbigay aliw sa mambabasa, nagturo ng iba't ibang kaalaman at nagsulong ng Kulturang Filipino. Ito ang pinakamalaking kontribusyon ng komiks na hindi kayang pasinungalinan ninuman at hindi kayang "talunin" maski pa anong klaseng genre sa pop lit man o panitikang Filipino. Ipinagtibay din ito ng naging pahayag ni Dean Almario na sa komiks siya natutong magbasa at ang pagbabasa ang dahilan kaya siya palaging first honnor sa klase. Mayroon din kaming taxi driver na nakakuwentuhan bago kami pumunta noon sa meeting ng KOMIKS sa NCCA, sinabi niyang natuto daw siyang bumasa dahil sa komiks at sa komiks din daw siya natuto ng maraming mga bagay o tip.
Ang isang pinakamapait na karanasan ng komiks ay naging sentro ito ng mga panunuri at panunuligsa. Tinawag na bakya, baduy, may mga bastos o taboo na eksena, babasahin ng mga taong hindi nakapag-aral, pambalot ng tinapa, pampunas ng--, etc. Nangangahulugan lamang ito na may malinaw na “puwang” sa lipunang ito ang mga bagay na pilit na itinatago ng mga konserbatibong pananaw o paniniwala. At ang puwang na ito ay natagpuan nila sa mga “pahina” ng komiks. Bago pa man ilathala ang aklat na “Erotika”, may “Tiktik” na ang komiks.
Ang komiks ay naging hulmahan ng napakaraming manunulat na ngayon ay manunulat ng telebisyon, pelikula, teksbook, atbp. Mayroon akong kaibigang manunulat na nagsabing sa komiks siya natutong magsulat at utang na loob niya sa komiks ang kinikita niyang mahigit daan daang libong piso na kinikita niya sa pagsusulat ng pelikula at telebisyon ngayon. At ako, kinikilala ko ang komiks bilang hulmahan ng aking talento sa pagsusulat. Anuman ang isulat o isinulat ko, lagi’t laging bumabalik ako sa katotohanang ang komiks ang naging hulmahan ko sa pagsusulat. Hinding hindi ko itatakwil ang katotohanang ito, sabihin mang baduy o bakya ito.
At ngayon, sa loob ng bulwagang ito, ang pasasama-sama nating lahat ay isang malinaw na pagtataya sa komiks bilang isang lehitimong panitikang popular na nangangailangang ng obhektibong pag-aaral bilang kasaysayang pampanitikan at hindi isang pagtitipon lamang para magkaroon ng pag-uusapan, kasiyahan o katuwaan.
Sa bulwagang ito bubuksan ko ang tanong na maaaring sagutin ng lahat ng mga magiging panelista sa talakayang ito. Namatay nga ba ang komiks? Nabuhay ba itong muli? O nagkasakit lang at naghihingalo pa rin hanggang sa kasalukuyan? At kung anuman ang tunay na kalagayan nito ngayon, ANO PA BA ANG MAGAGAWA NG PAGSASAMA-SAMA NATIN NGAYON PARA SA KOMIKS?
ANO PA BA ANG MAGAGAWA NG KOMIKS SA ATIN UPANG MAGTIPON-TIPON TAYONG LAHAT SA LOOB NG BULWAGANG ITO?
***
Kasunod nito ay ang aking powerpoint presentation tungkol sa mga katangian, kahalagahan at elemento ng kuwento sa komiks bilang bahagi ng Kasaysayang Pampanitikan at Kulturang Popular.
Maraming salamat sa lahat ng sumuporta at tumangkilik sa Pasko sa Komiks upang maging isang malaking tagumpay ito ng mga organizer (Read or Die), sponsors, Kolehiyo ng Arte at Literatura, at higit sa lahat, ang tagumpay ng Komiks at lahat ng komiks creator ng Pilipinas. Binabati ko ang lahat, at MALIGAYANG PASKO!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
ang ganda ng sinulat niyo mam glady, sayang at may pasok kaya di ako nakapunta doon.
hello ner,
sayang at hindi ka nakapunta. sana ay nakilala na rin kita sa personal o nagkakilala na tayo ng personal. anyway, salamat sa patuloy na pagsuporta.
baka sakali na makadalo kami sa Christmas party sa Dec. 21. pinag-uusapan naming pumunta doon, kami nina Tita Opie at Tita Josie.
Hope to see you there.
Advance Happy Christmas!
Glady
Post a Comment