
Matagal-tagal na rin ang blog ko pero hindi pa rin ako tumatalakay ng isyu tungkol sa romance novel. May isa akong kaibigan na nagtanong, kailan ko naman daw maiisipang sumulat ng tungkol dito.
Isa akong romance novelist. Mas nakilala nga akong manunulat ng romantikong nobela kaysa komiks writer. Marahil ay dahil hanggang ngayon ay nagsusulat pa rin naman ako ng romance novel. Sa maniwala kayo't sa hindi, humigit kumulang ay nasa 200 romance novel na ang naisulat ko mula ng 1990's kung saan nagsulat ako ng mini-pocketbook sa GASI, kung saan saang publication hanggang sa makarating ako ng Precious Hearts, Valentine Romances, ABS-CBN Publishing, ATLAS at Vibal Publication. Puwera pa ang maliliit na publication kung saan kapag ka minsan ay nagpe-pen name ako.
Isa sa mga naging problema ko sa pagsusulat ng romance novel ay ang estilo ko sa pagsusulat. Mahilig kasi akong magbasag ng kumbensiyon. Minsan ay gumawa ako ng kuwento tungkol sa babaeng nagkaroon ng selective memory o alzheimer's disease sa edad na 20's. Na reject ito ng tatlong malalaking publication. Ang dahilan, hindi raw totoo ito. Ikinontest ko ito na niresearch ko ito kaya totoo, hindi pa raw alam ng tao ang ganitong sakit kaya magmumukhang imbento. Matagal na naimbak ang kuwento hanggang sa nagpasya akong irevise at ipasa sa isang publication kung saan gumamit ako ng pen name. Kako, para hindi masayang ang effort kong gumawa ng bagong plot base on research. Ilang taon ang lumipas, magkasunod na ipinalabas ang The Notebook at A Moment To Remember. Parehong succesful at katanggap-tanggap ang dalawang pelikulang ito. Sabi ko sa sarili ko, nagawa ko na ang ganitong plot. But sad to say, ni-reject ito ng tatlong editors na pinagsabmitan ko.
Nagsasawa ako sa paulit-ulit na klase ng plot at characters kaya nagbabago ako. D'yan ako nasisita ng mga editors. Nagmumukha tuloy akong bobo minsan. Dahil kung hindi pinarerevise ay narereject. Pero okey lang. Sa totoo lang ay hindi ako apektado sa mga ganun kaya lang ay nadodoble ang trabaho ko. Dahil gusto kong mapublish ang trabaho ko, nakikipag-compromise ako sa editors. Lalong lalo na sa mga traditional na editors na ang iniisip, ang bebenta lang na romance novel ay may ganitong formula, 1) kilig, 2) taglish, 3) happy ending.
Story wise? Hindi na pag-uusapan iyon kung minsan. Ang importante ay bebenta o kung ano ang bumebenta. Kapag nagpunta ka sa isang publication, minsan ay hindi malinaw ang gusto nila o hindi malinaw ang mga pamantayan kung ano ang magandang romance novel sa kanila. Subjective ito. Depende kung sino ang editor o publisher. Depende kung sino ang saleable nilang manunulat at doon idedepende kung ano ang maganda sa kanila. Economic reason ito. Pero sabihin mong magse-set sila ng standard para sa readers na ito ang maganda, ito ang kailangan at dapat basahin o tangkilin, ito ang matino at makakasabay sa nagbabagong panahon, etc... etc... Hindi mangyayari ito. Inuulit ko, sa ibang publisher, economic reason ito. Kung ano ang mabenta, iyon ang magiging pamantayan. Kasi nga ay ito ang mabenta.
Kaya dagsa ang problema o mga violation sa paggamit ng wika, konteksto, characterization, politically correctness, etc... etc... dahil hindi malinaw ang ilang mga pamantayan kung saan lulutang ang aesthetic value ng isang akda.
Ang romance novel ay may formula, nakakahon ang mga characters, at inuulit kong maraming violation sa paggamit ng wikang Filipino pero tinatanggap o naging katanggap-tanggap na nagpalala ng wikang Filipino bilang taglish. Iyong taglish na may maling gamit ng wikang Filipino at English. Iyong salitang masakit na sa tenga. Okey lang kung dialogue lalo't in character ang nagsasalitang tauhan. Halimbawa'y isang tauhang trying hard na mag-ingles. Pero kadalasan, mismong narration ang may problema sa paggamit o kawastuan ng wika. Kaya't minsan tuloy, ang nagmumukhang trying hard mag-ingles dito ay hindi ang character kung hindi ang mismong manunulat na. Pati ang pagbuo ng mundo o ng konteksto, maraming manunulat na sumasablay dito. Gagawing posible ang imposible. Dito nagsisimulang maging illogical ang takbo ng kwento. Minsan naman ay may manunulat na nag-aadapt ng terminolohiya mula sa mga English pocketbook para magmukhang maganda, pero mali naman ang ginagawang adaptation. Halimbawa: governess. Sa kultura natin ay yaya ito o kaya'y mayordoma sa mayayaman. O kaya'y si manang yan o si Inday. Hindi mo tatawaging governess si Manang. Napaka-trying hard ang atakeng ito. Dahil hindi natin ginagamit ang salitang governess sa loob ng ating pamamahay o sa mismong kultura natin. Ang pag-adapt ng isang terminolohoya ay may kaakibat na gamit sa kultura. Halimbawa na ang mga salita tulad ng spaghetti, text messages, xerox machine, etc... etc... Bahagi ng pang-araw araw na komodeti ito kaya't bahagi ng kultura natin ito.
Libog. Speaking of libog, isa 'yan sa formula na meron daw dapat ang romance novel. Kailangan daw may libog ang kuwento. Kaya tuloy maraming pagkakataon na ginamit sa mga eksena ang mabalahibong dibdib ng isang lalaki na nagpapatili ng utak ng babae. Lumilikha tayo ng cliche at stereo type characters at eksena. Nagpapalala tayo ng machoismo sa lipunan at tila balahibo lang sa dibdib ay lalabas na ang kahinaan ng isang babae. Minsan naman, dahil nasosobrahan ng libog ang kuwento, taboo ang kinalalabasan ng eksena. Dulot ito ng kakulangan ng pamantayan kung saan may measurement o hangganan sa pagitan ng art at pornography. Dumako pa rin tayo sa adaptation, may isang gumamit ng linyang "It hardens her niples." Obviously ay hinango o kinuha ito sa isang linya sa English pocketbooks. Sa orihinal na konteksto ay katanggap-tanggap ito, dahil culture bound ang language. Pero kung titingnan sa local context, hindi swak sa kultura natin ang paggamit ng linyang ito. Lalo't gagamitan natin ng translation na may katumbas na "pinatigas nito ang kanyang utong." Ang love scene kung saan dine-describe na naa-arouse ang isang babae ay hindi dinadaan sa patigasan lang ng utong. It's more of romantic feelings and passion rather the act itself. The physical intimacy between partners is base on emotion rather than detailed description of sexual act.
Problematiko ang romance novel kung talagang papakasuriing mabuti. Minsan nga ay maski dumaan pa ito sa mga editors ng isang publication. What more kung hindi? Totoo. Maraming romance novel ang naipa-publish na hindi dumadaan sa kamay ng editors, lalong lalo na iyong mga ibinebenta sa bangketa. Hindi naman lahat pero karamihan. Kaya magandang i-check kung may pangalan ng editor sa isang pocketbook. Ibig sabihin, may quality control ito. May pinagdaanang mga kamay na nagtatama o pumupuna sa mga mali o sa mga dapat ayusin. Kung wala, d'yan mas lumalaki ang problema. Lalong hindi maiwasan ang maraming violation. Mula sa mga typo errors, maling spelling, wrong grammar, wrong characterization, wrong context, at wrong kind of stories.
Umpisa pa lang ito. Ilang percent pa lang ito ng tatalakayin ko sa problemang kinasasangkutan ng romance novel. May panahon pa naman. May pagkakataon pa. Puwede pa naman siguro itong gamutin o ayusin dahil marami pang publisher at mga pocketbook na lumalabas. Ibig sabihin ay may mambabasa pa. May tumatangkilik pa. Sana'y hindi natin pagsawain ang readers. Gaya ng kung paanong nagsawa ang ilan sa mga traditional komiks na naging sanhi ng pagsasara ng mga higanteng komiks publication. Nagbabago ang panahon. Kailangang kasama sa mga umuunlad at sumusulong ang bawat konsepto ng pagsusulat upang hindi dumating ang panahon ng pagkawala ng espasyo sa malakihang market ang romance novel.
Bukas ang espasyong ito sa lahat ng romance novelist na nais magbigay ng puna, komento at mga suhestiyon bilang isang constructive criticism. Subukan nating suriin ang lumalalim na problema pagkatapos ay hanapan ng solusyon. Sino ba ang mag-aangat ng kalagayan at antas ng romance novel na minahal at tinangkilik nating lahat? Marahil ay magsisimula ito sa atin. Sino ba ang higit na makikinabang?
Walang iba kundi ang tatlong ugnayang mayroon ito, publisher --- manunulat --- mambabasa.