Friday, April 11, 2008
UNDYING ROMANCE
Matagal-tagal na rin ang blog ko pero hindi pa rin ako tumatalakay ng isyu tungkol sa romance novel. May isa akong kaibigan na nagtanong, kailan ko naman daw maiisipang sumulat ng tungkol dito.
Isa akong romance novelist. Mas nakilala nga akong manunulat ng romantikong nobela kaysa komiks writer. Marahil ay dahil hanggang ngayon ay nagsusulat pa rin naman ako ng romance novel. Sa maniwala kayo't sa hindi, humigit kumulang ay nasa 200 romance novel na ang naisulat ko mula ng 1990's kung saan nagsulat ako ng mini-pocketbook sa GASI, kung saan saang publication hanggang sa makarating ako ng Precious Hearts, Valentine Romances, ABS-CBN Publishing, ATLAS at Vibal Publication. Puwera pa ang maliliit na publication kung saan kapag ka minsan ay nagpe-pen name ako.
Isa sa mga naging problema ko sa pagsusulat ng romance novel ay ang estilo ko sa pagsusulat. Mahilig kasi akong magbasag ng kumbensiyon. Minsan ay gumawa ako ng kuwento tungkol sa babaeng nagkaroon ng selective memory o alzheimer's disease sa edad na 20's. Na reject ito ng tatlong malalaking publication. Ang dahilan, hindi raw totoo ito. Ikinontest ko ito na niresearch ko ito kaya totoo, hindi pa raw alam ng tao ang ganitong sakit kaya magmumukhang imbento. Matagal na naimbak ang kuwento hanggang sa nagpasya akong irevise at ipasa sa isang publication kung saan gumamit ako ng pen name. Kako, para hindi masayang ang effort kong gumawa ng bagong plot base on research. Ilang taon ang lumipas, magkasunod na ipinalabas ang The Notebook at A Moment To Remember. Parehong succesful at katanggap-tanggap ang dalawang pelikulang ito. Sabi ko sa sarili ko, nagawa ko na ang ganitong plot. But sad to say, ni-reject ito ng tatlong editors na pinagsabmitan ko.
Nagsasawa ako sa paulit-ulit na klase ng plot at characters kaya nagbabago ako. D'yan ako nasisita ng mga editors. Nagmumukha tuloy akong bobo minsan. Dahil kung hindi pinarerevise ay narereject. Pero okey lang. Sa totoo lang ay hindi ako apektado sa mga ganun kaya lang ay nadodoble ang trabaho ko. Dahil gusto kong mapublish ang trabaho ko, nakikipag-compromise ako sa editors. Lalong lalo na sa mga traditional na editors na ang iniisip, ang bebenta lang na romance novel ay may ganitong formula, 1) kilig, 2) taglish, 3) happy ending.
Story wise? Hindi na pag-uusapan iyon kung minsan. Ang importante ay bebenta o kung ano ang bumebenta. Kapag nagpunta ka sa isang publication, minsan ay hindi malinaw ang gusto nila o hindi malinaw ang mga pamantayan kung ano ang magandang romance novel sa kanila. Subjective ito. Depende kung sino ang editor o publisher. Depende kung sino ang saleable nilang manunulat at doon idedepende kung ano ang maganda sa kanila. Economic reason ito. Pero sabihin mong magse-set sila ng standard para sa readers na ito ang maganda, ito ang kailangan at dapat basahin o tangkilin, ito ang matino at makakasabay sa nagbabagong panahon, etc... etc... Hindi mangyayari ito. Inuulit ko, sa ibang publisher, economic reason ito. Kung ano ang mabenta, iyon ang magiging pamantayan. Kasi nga ay ito ang mabenta.
Kaya dagsa ang problema o mga violation sa paggamit ng wika, konteksto, characterization, politically correctness, etc... etc... dahil hindi malinaw ang ilang mga pamantayan kung saan lulutang ang aesthetic value ng isang akda.
Ang romance novel ay may formula, nakakahon ang mga characters, at inuulit kong maraming violation sa paggamit ng wikang Filipino pero tinatanggap o naging katanggap-tanggap na nagpalala ng wikang Filipino bilang taglish. Iyong taglish na may maling gamit ng wikang Filipino at English. Iyong salitang masakit na sa tenga. Okey lang kung dialogue lalo't in character ang nagsasalitang tauhan. Halimbawa'y isang tauhang trying hard na mag-ingles. Pero kadalasan, mismong narration ang may problema sa paggamit o kawastuan ng wika. Kaya't minsan tuloy, ang nagmumukhang trying hard mag-ingles dito ay hindi ang character kung hindi ang mismong manunulat na. Pati ang pagbuo ng mundo o ng konteksto, maraming manunulat na sumasablay dito. Gagawing posible ang imposible. Dito nagsisimulang maging illogical ang takbo ng kwento. Minsan naman ay may manunulat na nag-aadapt ng terminolohiya mula sa mga English pocketbook para magmukhang maganda, pero mali naman ang ginagawang adaptation. Halimbawa: governess. Sa kultura natin ay yaya ito o kaya'y mayordoma sa mayayaman. O kaya'y si manang yan o si Inday. Hindi mo tatawaging governess si Manang. Napaka-trying hard ang atakeng ito. Dahil hindi natin ginagamit ang salitang governess sa loob ng ating pamamahay o sa mismong kultura natin. Ang pag-adapt ng isang terminolohoya ay may kaakibat na gamit sa kultura. Halimbawa na ang mga salita tulad ng spaghetti, text messages, xerox machine, etc... etc... Bahagi ng pang-araw araw na komodeti ito kaya't bahagi ng kultura natin ito.
Libog. Speaking of libog, isa 'yan sa formula na meron daw dapat ang romance novel. Kailangan daw may libog ang kuwento. Kaya tuloy maraming pagkakataon na ginamit sa mga eksena ang mabalahibong dibdib ng isang lalaki na nagpapatili ng utak ng babae. Lumilikha tayo ng cliche at stereo type characters at eksena. Nagpapalala tayo ng machoismo sa lipunan at tila balahibo lang sa dibdib ay lalabas na ang kahinaan ng isang babae. Minsan naman, dahil nasosobrahan ng libog ang kuwento, taboo ang kinalalabasan ng eksena. Dulot ito ng kakulangan ng pamantayan kung saan may measurement o hangganan sa pagitan ng art at pornography. Dumako pa rin tayo sa adaptation, may isang gumamit ng linyang "It hardens her niples." Obviously ay hinango o kinuha ito sa isang linya sa English pocketbooks. Sa orihinal na konteksto ay katanggap-tanggap ito, dahil culture bound ang language. Pero kung titingnan sa local context, hindi swak sa kultura natin ang paggamit ng linyang ito. Lalo't gagamitan natin ng translation na may katumbas na "pinatigas nito ang kanyang utong." Ang love scene kung saan dine-describe na naa-arouse ang isang babae ay hindi dinadaan sa patigasan lang ng utong. It's more of romantic feelings and passion rather the act itself. The physical intimacy between partners is base on emotion rather than detailed description of sexual act.
Problematiko ang romance novel kung talagang papakasuriing mabuti. Minsan nga ay maski dumaan pa ito sa mga editors ng isang publication. What more kung hindi? Totoo. Maraming romance novel ang naipa-publish na hindi dumadaan sa kamay ng editors, lalong lalo na iyong mga ibinebenta sa bangketa. Hindi naman lahat pero karamihan. Kaya magandang i-check kung may pangalan ng editor sa isang pocketbook. Ibig sabihin, may quality control ito. May pinagdaanang mga kamay na nagtatama o pumupuna sa mga mali o sa mga dapat ayusin. Kung wala, d'yan mas lumalaki ang problema. Lalong hindi maiwasan ang maraming violation. Mula sa mga typo errors, maling spelling, wrong grammar, wrong characterization, wrong context, at wrong kind of stories.
Umpisa pa lang ito. Ilang percent pa lang ito ng tatalakayin ko sa problemang kinasasangkutan ng romance novel. May panahon pa naman. May pagkakataon pa. Puwede pa naman siguro itong gamutin o ayusin dahil marami pang publisher at mga pocketbook na lumalabas. Ibig sabihin ay may mambabasa pa. May tumatangkilik pa. Sana'y hindi natin pagsawain ang readers. Gaya ng kung paanong nagsawa ang ilan sa mga traditional komiks na naging sanhi ng pagsasara ng mga higanteng komiks publication. Nagbabago ang panahon. Kailangang kasama sa mga umuunlad at sumusulong ang bawat konsepto ng pagsusulat upang hindi dumating ang panahon ng pagkawala ng espasyo sa malakihang market ang romance novel.
Bukas ang espasyong ito sa lahat ng romance novelist na nais magbigay ng puna, komento at mga suhestiyon bilang isang constructive criticism. Subukan nating suriin ang lumalalim na problema pagkatapos ay hanapan ng solusyon. Sino ba ang mag-aangat ng kalagayan at antas ng romance novel na minahal at tinangkilik nating lahat? Marahil ay magsisimula ito sa atin. Sino ba ang higit na makikinabang?
Walang iba kundi ang tatlong ugnayang mayroon ito, publisher --- manunulat --- mambabasa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
9 comments:
Glady:
Those nincompoop ignoramuses.
I know someone who was in his late 30s when hit by Alzheimer's. He told me that while there's still some memory left, he would rather go. He disappeared one day and was never seen again, until his body was fished out of the lake.
This is the problem with some editors (or publishers). They don't seem to read, read, read. Quite ironic since their business is about reading, reading, reading.
Did you know that romance novel writing is a course offered in schools here in north America? This course is solely about Romance writing. I had a classmate in university who took romance writing before she studied screenplay writing. Naturally, since she was into romance, she wrote a screenplay with romance content. She was also working as a waitress while going to school. One day, Michael Douglas had coffee in the restaurant where she was working and she mentioned her script. Douglas agreed to read it and that script became a movies called ROMANCING THE STONE. It became very successful and she made a lot of money from it. After this, Spielberg signed her up to write 3 films for him. Got paid 4.5 Mil for the first one. Her boyfriend asked her to buy him a brand new Porsche which she gladly did. He was driving and she was a passenger, and they had an accident. She was killed instantly, and the boyfriend survived.
Quite romantic, I must say, but a tragic one, but still very romantic. Papasa kaya ang ganitong tragi-romance sa mga hinayupak na mga publishers na walang panahong magbasa?
bb. glady,
may nabasa akong interview sa isang romance novelist na pinay na aniya ay BINAGO raw niya ang landscape ng pagsusulat ng tagalog romance [sigh]. minsang nagbabasa ako ng 'malibog' na paerback (foreign) ay napansin ko na parang nabasa ko na ang malilibog na eksena sa isang nobela ng 'sikat' na pinay romance writer. hinanap ko ang kopya at eksakto nga ang mga wordings, nagkaiba lang sa halinghing.
alam mo tita,
bilib na bilib ako sayo as in..
gustong gusto ko rin pong gumawa ng nobela. pero bakit parang di ko masimulan..
bukod sa aking paggawa tula
http://geekerzz.blogspot.com
napaka kitid po pala ng mga pag-iisip ng mga oppotunistang publishing companies, pera lang ang naiisip nila...
kayo po pala ang unang gumawa ng alzheimerz-love-plot.. ang galing nyo!
Mabuhay po kayo...
Gerald
Hello kuya JM,
May mga nakita ako sa internet na course offered sa North America ang Romance Writing. Sad to say, dito sa Pilipinas, maski workshop ay wala. Bihirang bihira. At masasabi ko na isa ako sa mga madalas magbigay ng workshop, seminar at talk sa romance novel writing. Last year ay dalawang workshop ang hinandle ko sa UP Diliman.
Self learning ang pagsusulat ng romance novel dito sa Pilipinas. Kung may magbigay na publisher o editor na pamantayan, ito ay ayon sa kanilang "taste" o kung ano sa palagay nila ang mabenta at hindi kung ano ang maganda. Subjective ang magandang romance novel dahil walang depenetibong istruktura na maaaring maging batayan ng mga gustong matutong magsulat. Maski raw pinabili ng suka ay maaaring magsulat dito ng romance novel. Iyan ang masaklap na katotohanan. Magpalipat-lipat ka man ng publishing house, ang ibibigay lang ay ang number of pages, ilang teknikalidad sa pagsulat tulad ng paggamit ng "nang" na mahaba at "ng" na maiksi. Pero subukan mong sumulat na mamamatay ang bida, ipabubuhay ito ng editor. Minsan ay gumawa ako na namatay sa sakit sa puso ang bida kong character, nakakaiyak daw ang kuwento, pinagbigyan ako ng editor, aba, ilang panahon ang lumipas at ipinatawag ako ng publisher. Gawan ko raw ng part 2, gawan ko raw ng paraan na buhayin ang bidang character na pinatay ko sa part 1. Masahol pa ito sa reincarnation! Hahaha. Gumawa ako ng gay and lesbian story na ang title ay Toni and Jeri, komedi ito na mala-Jack and Jill ang dating pero mas non-conventional ang approach, pero katakot-takot na editing ng editor ang ginawa sa kuwento ko. What more ang isang tragic romance na istorya? Malamang na gawin na lang iyang horror story. Hehe.
Iyan ang dahilan kung bakit kailangang kailangan ang mga workshop at seminar ng romance writing. Malaki ang impluwensiya ng isang print materials sa kamalayan ng mambabasa. Malaki ang potensiyal nito na magbago ng kundisyon ng pag-iisip ng mambabasa, mabuti man o masamang impluwensiya ang likhain nito.
Thanks kuya. Oo nga pala, ok lang po ba na tawagin kitang kuya Jm?
Hi kuya KC,
Kilala ko ba ang sinasabi mong "sikat" na romance writer na iyan? Hehe. Malamang.
Oo, totoo na dumating ang point na malala ang plagiarism ng romance novel dito sa Pilipinas. Hindi lang ang pangongopya ng mga plot sa English pocketbook gaya ng mga libro ni Sidney Sheldon, nauso rin ang pangongopya ng linya o minsan nga ay paragraph pa. Hindi ko alam kung conscious sila na plagiarism ang ginagawa nila o wala silang alam tungkol dito. Never naman kasi itong naging concern ng ibang publisher o ibang editor kasi baka sa dami ng ginagawa nila ay hindi naman nila malalaman kung orihinal na manuskrito ang isinabmit sa kanila ng isang manunulat. Mabuti ang isang gaya mo na editor na palabasa at aware sa mga ganitong malalang sistema ng plagiarism.
May isa akong kuwento tungkol din sa isang "sikat" na romance writer. Hindi ko lang alam kung pareho tayo ng tinutukoy o ibang "sikat" na writer ito. Ayon ito sa kaibigan kong editor. Best seller daw ang mga romance novel ng "sikat" na writer na ito, grabe kung magreprint, masasabi nga raw na pinayaman niya ang publisher nito. Nasa publication ako noon kaya May isang fan na sumulat sa editor na kaibigan ko. Pinuna ng fan na ito ang isang romance novel ng "sikat" na writer na ito, (1) nakahighlight ang kinopya niyang paragraph sa isang English pocketbook, (2) naka-highlight ang mga maling grammar sa romance novel ng "sikat" na writer na ito.
Ano ang reaksiyon ng publisher? As in dedmang dedma raw. Money maker daw niya eh. Kesehodang nangopya o mali ang grammar, ang mahalaga ay kung ilang libong reprint na ang nagagawa ng romance title na iyon.
Ang tanong ko ay ito Kuya KC, wala ba tayong sense of responsibility sa mambabasa? Bilang isang magaling na editor ay masasagot mo iyan, Papa KC, este Kuya pala. Hehe.
Speaking of halinghing... pasensiya na ha? Hindi ako masyadong eksperto d'yan! Hahaha.
bb. glady,
ang responsibilidad ay nagsisimula sa writer dapat. dahil kung sensible writer ka, hindi ka pahahawak sa leeg ng editor at ng publisher.
isa sa mga dahilan ng pagbagsak ng komiks at ng romance pocketbook ay dahil sa maling ugnayan ng writer, editor at publisher.
kagaya ng kuwento sa mga sinulat ng isang talagang sikat na writer 9now RIP), ini-scan na lang ng mga fly-by-night na publishers at pinapalitan ng cover at title.
kaya nga nang naging ganito na ang sitwasyon sa komiks at sa pocketbook ay tumigil na muna ako pansamantala at nagbalik sa PAGSASAKA. hindi ko nga alam kung bakit nakabalik pa ako.
anyway, salamat at may isang tulad mo na concern sa tamang linya ng pagsusulat, at hinahangaan kita sa 'yong layunin.
btw, hindi naman ako mahusay, akala lang ng iba 'yon, hehehe.
Puwede naman ang kuya, diko o kaya LOLO. Ika nga'y whatever turns your crank. He-he.
Meron pa nga pala dito ng course sa Romance Fiction Writing na naka-package pa ang travel. Minsan, pupunta ang buong class sa Britain, Italy, France or Spain - at doon sila mag-ka-conduct ng classess nila. Tipong Socratic baga ang approach. Minsan, sa outdoor coffee shop nila ginagawa ang klase. I remember NICK BANTOC (who lives here in BC), I think in one of the classes he attended, they all went to France, this was way before he wrote the very successful romantic trilogy novel GRIFFIN AND SABINE: AN EXTRAORDINARY CORRESPONDENCE. And since Nick is also an artist, he included many drawings in the book, plus those envelopes inside where, as a reader, you will open them to read the correspondences of the leading characters. It is indeed very romantic and when I read the book, I just couldn't put it down :-D
Though there is some sort of bitter-sweet ending (one that those fly-by-night romance pocketbooks publishers you mentioned will surely reject), the overall emotional impact remained pleasant. The movie version has reached second-script stage. Rick Ramage is doing it, and the first draft was pretty darn good.
Sana gumawa rin ng Filipino film na romance na may seryosong palaman. Kaso, laging nauuwi lang sa mga tipong Juday-Ryan movies na para lang kilitiin ang mga tagahanga ni Judy Ann Santos. He-he. Wala tuloy pinatutunguhan ang material kahit gaano ito ka-seryoso.
isang malugod na pagbati sa iyo bb. gladi. una sa lahat, gusto kong magpasalamat sa iyo at ibinahagi mo ang mga pananaw mo tungkol sa paksang ito.
kung iyong mamarapatin, gusto ko lang sanang ibahagi ang mga saloobin ko.
nakakalungkot isipin na sadyang marami ang bumabatikos sa panitikan ng tagalog romance. sang-ayon ako sa punto mo hinggil sa grammar, spelling atbp. lalong bumababa ang impresyon ng mga mambabasa/kritiko sa TR dahil sa mga nabanggit. isang konkretong halimbawa itong blog
na ito mula sa isang dismayadong mamabasa.
mapunta naman tayo sa mga nabanggit mo hinggil sa kontento ng istorya. sa pagkakaintindi ko, hindi ka nasisiyahan dahil hindi mo makuhang "maglaro" sa iyong panulat. ngunit sa iyo na rin nanggaling na ang romance genre ay may sinusundang formula. kaya malamang ay nauunawaan mo ang dahilan kung bakit nililimitahan tayo ng mga publishers.
masasabing ang formula na ito ay hango lamang sa formula na ginagamit sa ibang bansa. formula na nakasanayan na at inaasahan na ng mga mambabasa. pinili nating magsulat ng romance--genre writing ang romance--samakatuwid pinili nating isailalim ang panulat natin sa mga pamantayan ng genre na ito.
sa isang banda, may nabasa na akong mga libro kung saan lumihis sa formula ang manunulat (halimbawa: rape o phedophile victim ang bida) at sa tingin ko ay epektibo naman ang kinalabasan ng kuwento. suma-tutal, nasa paraan ng paghilot ng plot ang kasagutan.
ngunit ang paglihis sa kahon sa puntong mamatay ang bida o hindi magkakatuluyan ang mga bida, sa palagay ko ay ibang usapan na iyon. hindi na maaaring ikategorya sa kombensyonal na romance genre ang kuwento. huwag nating kalimutan na hindi talaga maaaring mawala ang HEA sa romance genre.
kung gusto nating magsulat ng kuwentong kakaiba, huwag nating asahan na malilimbag ito sa ilalim ng tagalog romance kung sadyang hindi ito maaaring ikategorya sa naturang genre.
marami pa sana akong gustong sabihin ngunit gahol na ako sa oras. kaya bilang panghuli, gusto ko lang sanang ipunto/ipaalala na ang romance genre sa kabuoan ay nagsisilbing behikulo ng mambabasa upang makalimot kahit pansumandali sa realidad ng buhay. kaya naman tungkulin natin bilang manunulat ng genre na ito ay tulungan silang makamit ang hangad nila.
peace :)
- almira jose
Hi Gerald,
Hindi naman ako ang unang sumulat ng ganitong plot pero marahil ay kabilang ako sa mga nagtangka na bumasag ng kumbensiyon sa romance. In fairness, hindi naman lahat ng publisher ay ganito. May ilan lang na gumagawa ng ganito na siyempre't nadadamay na rin ang iba sa negatibong impresyon. May mga publisher na patas kung lumaban at naghahangad ng mataas na kalidad ng panulat mula sa kanilang mga romance writers.
Ang pagbabasag ng kumbensiyon ay pagbibigay ng ibang anggulo ng pagsusulat. Paghahanap ng ibang putahe na maihahain. Pag-aakyat ng estado ng kamalayan ng mambabasa. Pagbibigay ng ibang kulay at hugis sa kahulugan ng buhay. Dahil sa totoong buhay tayo tumataya ng mga kuwento. Sa totoong buhay tayo humuhugot ng kasaysayan ng pag-ibig. Sa mga totoong karanasan tayo nagluluwal ng mga "anak" natin o mga likhang isip natin. Hindi depenetibo ang kahulugan ng romance novel kaya hindi ito nakakahon lang sa happy ending, kilig at escapism. Naalala ko ang iniwang sa mensahe sa aming klase ni Ka Rene Villanueva, sa ganitong esensiya ko iyon naaalala, kung walang maisusulat na mabuti o sa ikabubuti at pagbabago ng lipunan (anumang genre o anggulo ito) sayang ang manunulat at mga maisusulat nito. Naalala ko rin ang sinabi sa akin ng aking guro sa MA na si Dr. Joi Barrios, "Glady, kung ito lang din ang ibibigay mong uri ng kuwento sa akin ng romance novel, huwag ka ng mag-aral ng MA." Hindi ako na-offend sa sinabi ni Mam Joi, sa halip ay naunawaan ko siya. Isa lang ang ibig niyang sabihin sa akin, kung mananatili ako na nakakahon sa mga plot na nakasanayan ko ng isulat, para saan pa at nag-aaral ako? Para saan pa at nagpapatuloy akong magsulat kung ang mga naisulat ko na noon ay isusulat kong muli, at muli at muli. Walang katapusan ang pag-aaral ng isang manunulat. Walang katapusan ang paggagalugad at pag-eexplore ng iba't ibang posibilidad. Sabi nga sa libro ni Ricky Lee na Trip to Quaipo. May tatlong uri ng manunulat. Ang isang nagpunta ng Quiapo na diretso lang ang daan. Ang isa'y nag-iba ng daan, naligaw pero nakarating ng Quiapo. Ang pinakahuli'y nag-iba ng direksiyon, naligaw at nakarating kung saan. Ano raw kaya ang pinakamasayang karanasan sa tatlo? Depende iyan sa pananaw ng bawat isa sa atin. Pero pinakamahusay na lalabas daw na manunulat ang ikatlo na walang takot na maligaw at makahantong ng ibang pupuntahan maliban sa Quaipo lamang.
Maraming salamat Gerald, sa mga susunod na araw ay susubukan kong maglagay ng iba't ibang pamamaraan ng pagsulat ng romance novel. Sana'y makatulong ito sa iyo.
Post a Comment