ANG MAG-AALAK
Ang kibal na bunga’y hamog nitong buhay,
Na ang bawat patak ay nagsilbing suhay,
Sa mga paa kong pati kuko’y patay.
Bakas ang putikan lagos hanggang hukay.
Ang sikat ng araw lumilitaw sa parang,
Habang naghihintay, pawis ng sasahan,
Ang disteleriya’y handa ng kuminang,
Sa apoy ng lupang kanyang sinilangan.
Alimangong paslit ang nasusulyapan,
Pakiwal-kiwal lang sa may patubigan,
Siya’y napangiti saka kinindatan,
Ang nakikilangoy, isa ng pulutan.
***
Ang paghahanap ng subject ng tula o anumang akda ay hindi nangangailangan ng matagal na proseso. Maaari itong magmula sa pinakasimpleng bagay o mga pangkaraniwang pangyayari sa araw araw na buhay. Ngunit kung bibigyan ng kahulugan at importansiya ang isang simpleng bagay ay makikita ang value o market value nito. Si Rolando Tinio (isang dakilang poet at mandudula) ay tinaguriang "bagay poet" dahil isa siya sa nagpauso sa paggamit ng mga subject ng tula na hinahango sa mga simpleng bagay lamang tulad ng kanyang tulang "Sa Poetry" kung saan gumamit siya ng mga simpleng bagay bilang mga imahe sa kanyang tula. Pero hindi ibig sabihin ng simple ay walang kawawaan o walang saysay. Madalas kong sabihin, minsan sa mga simpleng bagay tayo makakahugot ng mga sustansiya, malalalim na pakahulugan at ibig sabihin sa isang teksto. At pagkaminsan pa nga, sa mga kumplikadong bagay tayo walang mawawaan o maunawaan. Hindi kailangang maging malalim sa paghahanap ng subject ng tula. Ang lalim ng tula ay nasa kahulugang binuo ng mundong ininugan nito.
Tuesday, April 1, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
salamat po., marami akong natutunan..
hello gerald,
sige, send mo sa akin un tula mo tapos workshop natin.
thanks!
tita glady
Post a Comment