Tuesday, November 27, 2007

STARRY, STARRY NIGHT... (Kua, Vincent Jr., et al)

Nagtataka lang ako kung nasaan ang pangalan ni Vincent Kua Jr., na lumikha ng karakter na Pokwang na ngayon ay pangalan ng isang kilalang komedyana. Gusto ko lamang ipabatid sa kaalaman ng nakararami na si Vincent ang una (o isa kung hindi man una) sa mga nagbasag ng kumbensiyon at nagdikonstrak ng mga tradisyunal na konsepto ng komiks para magsulong ng mas napapanahong pagtalakay sa mga sensitibong isyu tulad ng “gay love” o “third sex.”

Bago pa sumikat ang gay lit o pink literature sa Pilipinas, si Vincent ang matapang na tumalakay nito at walang takot na naghubad at naglantad ng mga katawan ng lalaking “pinagnanasaan” daw ng mga bakla o matrona upang iwasto o i-redefine ang gay at lesbianismo sa konteksto ng lipunang Filipino. At upang bigyan ng mas wastong pagpapakahulugan o pag-aangkop ang pag-iibigan ng homoseksuwal at ituring na isang “social norm.”

Hindi pa nalilikha ang karakter ni Zsa Zsa Zaturnah ni Carlo Vergara na tungkol sa isang gay hero ay nandiyan na si Vincent para isulong bilang isang literary rights ang “gay love.” Paksang hindi basta-basta maisusulat ng mga taong "nagpapakilalang" morally upright dahil sa pagiging "nakakahon" ng mentalidad sa mga sensitibong isyu.

Ang iniwang "legacy" ni Vincent Kua Jr., ay hindi basta ang talento niya sa pagguhit at pagsusulat ng akda, kundi ang subliminal na mensaheng nakaukit na sa kamalayan ng kulturang Filipino at mambabasa ng komiks.

Hinanap ko rin ang mga pangalan nina Bert Sarile, Helen Meriz, Zoila, Ofelia Concepcion, Pat V. Reyes, L.P. Calixto, Roger Santos, Galauran, Pat V. Oniate, Tony Tenorio, Joelad Santos at si Flor Apable Olazo na komiks awardee ng CMMA. Marami pang iba. Maraming marami pa. Bukas sa/ang nominasyon sa mga pangalang mas karapat-dapat piliin.

Narito ang pinakasimpleng basehan o proseso ng pag-aaral, pagsusuri at pananaliksik sa isang pambansang yaman o “heritage” na usapin. Pinakasimple at hindi ito kumplikado kumpara sa ilang kumparatibong pag-aaral. Maari pa itong madagdagan depende sa obhektibong dala-dala ng isang mananaliksik. Alalahanin natin na accountable ang sinumang mananaliksik sa paglalabas ng datos o kasaysayang nililikha niya sa mamamayan Filipino.

THE TOP 20 QUESTION:
1. Anu-ano ang mga pamantayan ng pamimili?
2. Sino-sino ang namili o hurado?
3. Ang mga namili o hurado kaya ay may sapat na awtorisasyon o kwalipikasyon?
4. May naganap kayang nominasyon tulad nang isinasagawa sa mga award giving body?
5. Ito kaya ay ginamitan ng pamamaraan ng pananaliksik?
6. Anong metodo o approach ng pananaliksik?
7. Ano ang layunin ng pananaliksik?
8. Ano ang sakop at limitasyon?
9. Naglabas kaya ng mga datos, batayan o ebidensiya, pag-aaral na nakalapat sa
mga teoretikal na pagsusuri o pag-aanalisa?
10. May naipamigay kayang survey sheet?
11. Ilan kaya ang respondent ng survey sheet?
12. Balido kaya ang mga tanong sa survey sheet?
13. Sinasagot ba ito ng yes or no lang?
14. Ano kaya ang naging resulta ng survey?
15. Ginamitan kaya ito ng malinaw na chart o graph para interpretasyon ng mga datos at tala?
16. Anu-ano kayang sanggunian o aklat ang naging basehan at batayan ng pananaliksik?
17. May adviser, lupon o panelista ba para kumuwestiyon ng integridad at pamamaraan ng pananaliksik?
18. Sumangguni ba ang mananaliksik sa mga taong may “tamang awtoridad” tulad halimbawa ng mga namahala ng publikasyon o institusyon, mga manunulat at artist, lupon ng mga editor, mga mag-aaral at sa mga mambabasang Filipino, etc.
19. Pumasok kaya sa tamang pagsangguni ang lupon? Halimbawa’y pagsangguni sa isang sangay ng gobyerno o pribadong samahan o foundation o lehitimong unibersidad sa Pilipinas na awtentikadong magparangal o magsagawa ng pananaliksik.
20. Ano ang napatunayan sa pag-aaral ng mananaliksik?

Wala akong matandaan minsan man sa mga pagpupulong sa komiks kongres (noon) na inilapit ang isang proyekto o pag-aaral na ganito. Dahil isa ako sa pinakaaktibong miyembro (noon), isa sa mga nahalal na pansamantalang opisyal sa pagbuo o pagbubuo ng proyekto (noon), isa sa mga facilitator ng komiks na kinuha ng KWF at NCCA na ipinadala sa probinsiya (noon), at awtor ng isang module sa kung paano sumulat ng kuwento sa komiks (hanggang ngayon). Kung mayroong ganyang proyekto na idinulog sa komiks kongres noon ay siguradong susuportahan iyan dahil magsusulong ng interes ng komiks at mga manlilikha ng komiks.

Naniniwala ako na ang komiks at ang iniwang “legacy” ng mga manlilikha ng komiks ay nangangailangan ng isang malawak na pagsusuri o pagbabalik tanaw sa isang kasaysayan. Wala itong ipinagkaiba sa mga fossils at relics na inaral ng mga arkeyolohista para gawing batayan sa pagsulat ng kasaysayan. Wala itong ipinagkaiba sa mga naiwang kuwentong bayan, awit, ritwals, chant, etc. ng mga katutubo na naging ebidensiya ng kanilang eksistensiya.

Kung at kung lamang naman, na may maling mga tala o datos sa pag-aaral at pananaliksik, magbibigay ito ng isang maling kasaysayan sa mga susunod na henerasyon. Nararapat lamang na ang isang datos ay i-redefine, ire-contextualize, saliksiking muli at gawan ng mas masinop na pag-aaral para sa mas kumprehensibo at lehitimong resulta.

Sapagkat “legacy” ng isang kulturang Filipino ang pinag-uusapan. Kayamanan o “heritage” ng Filipino. Talino, talento, kamalayan, lahi, uri, etnisidad at ang mismong esensiya ng pagiging isang Filipino ang nakataya sa pag-aaral ng kasaysayan at kulturang nakapaloob dito. Hindi pansariling pagkilala o pagtatataas ng sarili. Ang karangalang mapasama “bilang yamang lahi” ay hindi basta-basta maaaring angkinin, ipagkaloob o i-award ng kung sinuman sa sinuman. Katulad din ito ng naging pag-aaral sa kasaysayan ni Resil Mojares tungkol sa “Nobelang Filipino” na isa niyang thesis sa kanyang doctoral degree na ginamitan niya ng datos, ebidensiya, pagsusuri, teoretikal na paglalapat, etc. Dumaan ang kanyang pag-aaral sa lupon, sa maraming obserbasyon, sa mga pagtatanong, pagrerebisa at kung anu-ano pa bago maging isang lehitimong akda.

May tamang proseso. May tamang lupon. May tamang venue. May tamang intensiyon. At higit sa lahat, may tamang tao.

Anuman ang ating sabihin at ilathala ay ating responsibilidad at pananagutan sa ating sarili, kapwa tao at sa lipunan. Higit sa lahat, pananagutan natin ito sa Panginoong Diyos na nagkaloob ng talento at galing sa ating lahat.


Godbless you all!!!

1 comment:

Anonymous said...

Mahirap tawaran ang naging kontribusyon ni Vincent, sa panulat man at sa dibuho. Ang kanyang sining ay nakaukit na sa isip at alaala ng lahat ng nakatunghay sa kanyang mga obra. Natitiyak ko, kapag muling inilathala ang mga iyon, mag-iiwan ng kapareho o marahil ay mas matining pang impresyon sa mga bagong mambabasa.

Ang tanong ko: binigyan ba siya ng puwang sa listahan ng supposedly ay sandaang pinakamahuhusay na nobela sa komiks?

* * * * * * * * * * * * * *

Pinupuri ko ang paglalatag mo sa 20 tanong na batayan ng isang matinong pananaliksik. Marahil, kung ang mga ito ang ginamit na gabay ng ISANG nanaliksik sa datos para sa nakalathala, online, na Top 100, malamang na marami sa mga binanggit mong awardees ang naisama sa listahan.

Pero naniniwala ako na maitutumpak ang mga maling entries sa nabanggit na listahan.

Paano?

Habang nagkakaisa ang tinig ng mga taga-komiks na alisin ang mga entries doon na walang karapatang ituring bilang "pambansang yaman" at ihalili ang mga tunay na karapat-dapat parangalan, makararating at tiyak itong makararating sa kinauukulan upang ituwid ang ilang mali roon.

Sa darating na a-onse ng Disyembre, umaasa akong ang mga panelists / speakers sa Pasko ng Komiks event sa UP Diliman, tulad mo, ay mag-uukol ng kahit ilang sandali para ungkatin ang isyung ito.

Please also take note, Gerry, KC, Randy, etc.

Maraming salamat!