Siguro totoo. Puwede ring hindi. Depende sa pagtingin at paniniwala ng tao. Sa iba, ang soulmate eh yung lovers, o yung mag-asawa, basta yung may romantic feelings. Sa kaso ko ay iba, in this life, naniniwala akong natagpuan ko ang aking soulmate sa katauhan ng isang matalik na kaibigan.
During my younger years, I've met someone na maski ako ay hindi ko lubusang mapaniwalaan na malayo ang mararating ng aming pinagsamahan. She is Sonja Barbara de Lima Munoz. She's 45 years old then and I'm 18. Halos mag-ina ang aming age gap. Kaedaran ko nga ang panganay niyang anak na si Bembet. Halos magpang-abot kami ng isip ng binatilyo niyang si Miko, at gayundin si Chico na bunso niya. Pero si Son ang gusto kong kaibigan, walang iba.
Sa likod ng CCP, kami ata ang orig na nagpauso ng tiangge, hehe. Sa stall na ito, mga design ni Son ang produkto na ibinebenta.
Kaklase ko siya ng directing at production design under kay Rolando Tinio noong nag-aral ako ng theater arts sa MET (Metropolitan Theater). First day ng school ay natawag agad ang pansin ko. Nakaupo siya sa isang tabi, laging naka-smile, mabait ang mukha. Nakita ko siyang pumasok sa comfort room during breaktime. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin para sundan siya doon at lapitan. Nakipagkilala ako sa kanya. After ng konti naming chit-chat, sumama na ako sa kanya sa Dunkin Donut para magkape. Kinabukasan din ng umaga, alas siyete ng umaga, kumakatok na ako sa pintuan ng bahay nila. Hehe. And the rest is history.
Araw-araw na kaming magkasama. Kung saan saang lakaran niya ako isinasama. Kung kani-kanino niya akong kaibigan ipinakilala. Ganun din siya sa akin. Kung paanong nakilala ko ang buong pamilya't angkan niya, ganoon din siya sa akin. Nakilala ko ang mga kapatid niya, ang mga anak, ang mga apo, ang mga kaibigan, ang mga boyfriends at nais maging boyfriends. Hehe. Naging bahagi siya ng pamilya namin. Dalawang kasal ng kapatid ko na siya ang nagdesign ng wedding gown. Lahat ng play ko halos ay siya ang production designer, kung hindi man, siya pa rin ang adviser ko. Siya ang impluwensiya ko sa maraming bagay lalo na pagbabasa ng mga libro ni Edgar Cayce. Napakarami niyang itinuro sa aking mga bagay na hindi alam ng isang taong wala pang direksiyon sa buhay na tulad ko. Hanggang isang araw, sinabi ko sa kanya na balang araw ay may mararating ako bilang manunulat gayung hindi ko alam kung totoong marunong akong magsulat. Sabi niya, naniniwala siya sa akin. Sabi ko pa nga yayaman ako sa pagsusulat (hehe) though hindi pa iyon nagkakatotoo. Sinabi ko iyon sa kanya na ang laman lang ata ng pitaka ko ay limang piso, pamasahe ko lang pauwi. Ganun kalakas ang fighting spirit ko, ganun din kalakas ang fighting spirit niya para sa akin. Hehe. Pero anu't anuman ang nangyari sa buhay ko, mula teatro, komiks, tv, UP, etc, lagi siyang nandiyan. Hindi siya nawawala sa tabi ko.
Pareho pa kaming naka tuck-in. Hehe.
Son is a very talented person. An artist, a designer, a writer. Nakapag-one woman show na siya sa Manila Hotel sa kanyang mga painting. Ako ang number one fan niya. Hindi lang dahil sa magaling siyang writer at artist, kundi magaling siyang tao. Mabuti siyang ina, mabuti siyang kaibigan.
Galit siguro sa akin ang kumuha ng pix kaya kalahati lang ako, hehe.
Dahil sa marami naming pinagdaanang problema na magkasama kami, dahil sa mga nakakatuwang karanasang hindi naming makalimutan, dahil sa mga pagkakataong ibinigay sa amin para patunayan ang aming friendship, sabi namin sa isa't isa, siguro soulmate kami. Kasi hindi pangkaraniwan na maging matalik na magkaibigan at maging magka wave length ang dalawang taong magkaiba ang henerasyon. Enjoy ako sa mga kuwento niya tungkol sa kanyang nakaraan. Ewan, pero napipiktyur sa isipan ko ang mga kuwento niya sa akin. Nakatatak ang bawat detalye. At maski ang lugar na hindi ko napupuntahan ay tila detalyadong nakalarawan sa aking diwa't isipan. Basta pakiramdam ko ay napuntahan ko na ang mga napuntahan niya. Parang naroon ako sa mga pinagdaanan niya. Parang saksi ako sa mga pangyayaring ikinukuwento niya sa akin. Hindi ko alam kung bakit may ganoon akong pakiramdam. Sa kanya lang naman. Maski ipaulit-ulit sa akin ng maski na sinong tao ang kuwento ng buhay ni Son ay kaya kong ikuwento. Mula pagkabata niya, hanggang pagdadalaga, ang pag-aartista (nag-artista siya noong 60's pero sandali lang), hanggang pag-aasawa, detalyado ang mga kuwentong ito sa isipan ko. Hindi ko nakakalimutan ang mga kuwento niya sa akin tungkol sa nakaraan niya.
At maging siya rin naman, anuman ang pinagdaanan ko'y nasaksihan din niya. Nakita niya ang bawat iyak ko, narinig niya ang bawat hagulhol ko, naramdaman niya ang mga sakit at sugat ng puso ko. Maraming pagkakataon na tinulungan niya akong mapaghilom ang mga sugat na iyon. Saksi siya sa mga pangarap na binuo at unti unti kong tinupad. Saksi siya sa mga kabiguan ko at sa mga pagtatangka kong makabangon. Walang sawa din siyang nakinig sa mga kuwento ng buhay ko. Kung ano ako ngayon, kung paano ako mag-isip, kung paano ako magsulat, kung paano ako magmahal, alam kong hinugot ko ang mga ito sa buhay at karanasang kasama siya.
Nitong nakaraang mga taon ay hindi kami masyadong nagkikita at nagkakausap ni Son. Naging abala ako sa maraming bagay. Wala pang isang linggo nang maalala kong tawagan siya sa telepono, mahigit tatlong taon na ata kaming hindi nagkikitang dalawa. Maminsang dalawin ko siya sa bahay, makipagkita sa kanya, o kaya'y tawagan. Ganoon na lang ang komunikasyon naming dalawa nitong mga huling araw. Pero walang nagbabago sa tono ng boses namin, sa paraan ng pag-uusap namin, sa mga biruan namin, sa mga patutsadang kami lang ang nagkakaunawaang dalawa.
Kaninang tanghali, naalala ko na naman siyang tawagan. Eto ang aming naging pag-uusap.
Sinagot niya ang telepono, "Hello."
Ako: O Son, aalis ka ba?
Hindi ako nagpakilala sa kanya, pero alam niyang ako ang kausap niya, alam ko ring siya ang nakasagot ng phone.
Siya: Ay teka, oo.
Ako: San ka punta?
Siya: Bakit?
Ako: Puntahan sana kita.
Siya: Aalis ako, may dinner kami mam'ya.
Ako: Ganun?
Siya: Teka, nabuksan mo na ba ang e-mail mo?
Ako: Alin? Bakit nag-email ka na ba sa akin?
Siya: Hindi nga eh. Pero...
Ako: Bakit nabasa mo na ang blog ko?
Siya: Oo, yun nga, sumulat nga ako sayo dun kaya lang... ano eh... teka, hindi ata nagsend.
Ako: Ay bakit sayang? Nakita mo na ang bahay ko?
Siya: Oo, sabi ko nga sayo dun kelan mo ako dadalhin sa bahay mo? Kaso nag-hang na eh.
Ako: Ngayon, kaya nga kita tinawagan eh. Pupuntahan ka sana namin ni Les. Dito ka matulog sa bahay ko. Kaso may dinner ka naman. Teka, bakit ka ba may dinner?
Siya: Bakit ka ba tumawag?
Ako: Ayun nga, gusto nga kitang makita.
Siya: Namimiss mo na ako 'no?
Ako: Oo, namimiss na kita. Kaya nga pupuntahan na kita eh.
Siya: Akala ko pa naman may importante kang sasabihin sa akin.
Ako: Yun nga, hindi ba importante yun? Gusto nga kitang puntahan. Ano ka ba naman?
Siya: Hindi 'yun. Wala ka man lang sasabihin? Wala ka bang naalala?
Ayun na. Tumawa na ako ng malakas. "Happy birthday!!! Birthday mo nga pala!!! Teka, bakit nga ba? Teka, bigla ko na nga lang naalalang tawagan ka. Tapos inisip ko nga na sunduin ka para dalhin kita dito. Ay grabe soulmate talaga kita."
Tumawa rin siya.
So nagkasundo kami na bukas na lang ang date naming dalawa para sa kanyang birthday. Susunduin ko siya para dito siya sa bahay ko magstay at matulog. Dahil hinahanap na rin siya ni nanay at ng mga kapatid ko. Saka malalaki na sina Pupu, gusto rin siyang makita. Sabi pa niya, "Oo nga, gusto ko ring makita si Len". Nanay ko si Len, hehe. Leni kasi si mother. Iyon ang tawag niya kay nanay.
Sina Son at Len, kasama sina Arline, Apa at Rona.
Tapos tumawag ulit ako. "May picture ka ba sa e-mail mo? Forward mo naman sa akin kasi gagawa ako ng article ko sa blog tungkol sa iyo.
Na-excite siya. "Uy talaga? May picture ako sa friendster."
"May friendster ka?"
"Oo naman, anong palagay mo sa akin?"
"Anong address mo?"
"Ay hindi ko alam."
Tumawa ako ng malakas. "Ano ka ba? May friendster ka hindi mo alam ang address?"
"E kasi si ano ang nagbubukas lang... ano eh..." Si ano, apo ata niya yun.
"O eh paano ko makukuha ang friendster account mo? A siguro sa email no?"
"Oo nga siguro, kasi bakit si ano, natitingnan niya ang friendster ko pero hindi ko naman ibinibigay yun address. Naisip ko, puwede siguro makita iyon kahit na sino."
Oo nga naman sa loob-loob ko, kaso nagtuut na ang phone ko. Naubos na ang load kaya hindi ko na siya natawagan ulit.
Eto ang bumulaga sa friendster niya, hehe.

Si Son noong kapanahunan niya.
Ganyan kami mag-usap. Parang walang kwenta. Parang napakaordinaryo. Parang kwentong barbero lang namin ang mga pinagdaanan naming magkaibigan. Parang hindi totoong may isang taong gaya niya na konektado sa buong pagkatao ko. Dahil ang importansiya niya sa akin, ang halaga niya sa buhay ko ay hindi basta hanggang kuwento lang o isang kuwento lang.
Sa puso ko, sa isipan ko, sa pagkatao ko, karugtong ng buong ako ang mga pinagsamahan namin. She's my bestfriend, my soulmate, she's within me and i'm within her. At alam kong ang friendship namin na ito ay kapwa namin babaunin saan man kami magpunta. Naniniwala nga kaming magkikita at magkakasama pa kami 'til next life eh. Hehe.
May kanta ako sa kanya noon at kanta ko pa rin ito sa kanya magpahanggang ngayon. Eto 'yun...
If I have only one friend left, i want it to be you...
Love you Son, happy __th birthday, hehe.