Monday, June 9, 2008
LONG AND WINDING ROAD
Once in a while, nagpupunta kami kung saang saang lugar na kasama namin ang pinsan ko at ang family niya. Sa Baguio, sa Baler, sa Laguna, and this time sa farm naman nila sa Calauag Quezon at Pakil Laguna.
Na-challenge ang hiking skill namin nina Nanay, hehe.
Pero ano ba ang maganda sa nangyari bukod sa pamamasyal, paghahahiking, pagpapagod, pagtulog sa hotel, pagkain ng marami sa isang restaurant sa tabing dagat, pagbibiyahe mula farm sa Calauag Quezon patungo sa Casa Real Farm sa Pakil Laguna. Maraming nangyari. Maraming marami pa.
Well, it's a family bonding para sa aming lahat. Sa amin ni Nanay, kina Apa at sa Mommy niya, kina Kuya Cesar at Ate Lea, etc, etc. Minsan kasi kailangan pang lumayo at magsama-sama para buksan ang mga saradong usaping pampamilya. Masarap mag-unwind at mag-reflect kasama ang pamilya. Masarap pag-usapan ang mga isyung kayo kayo ang sangkot. Alam ang mga detalye at pangyayari, kilala ang kalooban ng bawat isa, batid ang kayang sabihin, at higit sa lahat, pinakikinggan ang mga opinyon at saloobin.
Marami kaming topic na napag-usapan. Ika nga, anything under the sun. Mula kay Juan Tamad at kung paano at bakit ito puwedeng gawing idolo ng mga Filipino, hanggang sa mga Babaylan na sa hinuha ko ay reincarnation sa katauhan ng nanay ko na tila ang papel sa buhay ay maging spiritual healer ng mga naghihingalong puso, hanggang sa pagiging writer ko na hinamon nilang gawan ng tatlong POV ang kuwento ng tatlong tauhang may iisang kuwento pero bida sa kani-kanilang kuwento ng buhay. Ang kuwento ng aking ina, ama, at ang other woman na sangkot dito. Medyo salbahe ata ako sa nanay ko. Biro mo namang gawin kong bida sa kuwento ko ang other woman ng tatay ko, hehe. Well, ito'y paghamon lamang marahil sa akin bilang manunulat kung paano bigyang justification na ang bawat tauhan ay bida sa kanya kanyang kuwento ng buhay.
Pinalagyan nila sa akin ng ending ang kuwento ng tatlong ito, sa paraang ano ang kanilang nararamdaman pag sila ay sumakabilang buhay. Si nanay, kako, nakangiti dahil payapa at nakapagpatawad. Si tatay ay nakangiti subalit may pagsisisi, nakangiti dahil siya'y napatawad ni nanay, may pagsisisi dahil sa siya'y tao na marunong magsisi, ang other woman ay nakatawa o bakas ang paghalakhak sa mukha. Tawanan sila. Bakit daw ang ginawa kong pinakamaligaya ay iyong other woman ng tatay ko? Sa simpleng sagot na dahil sa kanilang tatlo, sa aking hinuha, siya ang hindi pinakanaging maligaya. Bakit ko pa siya bibigyan ng sad ending?
Maraming marami pa kaming napag-usapan. Sinisi pa nila ako sa pagiging excited ko noong dumaan kami sa tatlong M (EME) na sinasabi nila, malabitukang manok na kalsada. Kung saan marami ang nag-aabang na humihingi ng barya kapalit nag paggaguide nila sa mga commuters upang maiwasan ang aksidente. Alimpungatan pa ako nang utusan akong maghagis ng barya. Binigyan ako ni Ate Lea ng barya na may halaga atang isang daang piso at hindi sinasadyang inihagis ko lahat. Aba, malay ko namang isa isa lang dapat. Dahil mahabang mahabang pila pala iyon ng mga guide. Ibig sabihin ay marami-raming dapat bigyan ng pera. Naghahalakhakan sila sa katangahan ko. Nagkuhanan muli sila ng barya at ako na naman ang napag-utusan. Habang ginagawa ko ang paghahagis ng barya ay nakaramdam ako ng guilt feelings, dapat ko ba iyong gawin? Dapat ko ba talagang bigyan ang mga taong iyon ng barya habang nasa panganib ang buhay kapalit ang pagliligtas ng buhay ng mga naglalakbay sa lugar na iyon? Ewan ko. Na-trap ako ng sitwasyon. Ayaw ko dahil nalalagay ako sa estadong nagiging dahilan pa ako para manatili sila doon. Pero gusto ko dahil kaya nga sila nandoon ay dahil kailangan nilang kumita. Maski barya barya. Nalilito ako. Pero ganoon naman talaga ang buhay, nakakalito kung minsan. Akala'y tama ang ginagawa, pero mali pala. Akala'y mali, pero iyon pala ang tama. Salamat na lang at nakalampas na kami sa lugar na iyon.
Marami pang nangyari, maraming napag-usapan. Maraming isyung nabuksan ay natuldukan. Maraming pakiramdam na nailabas. Sa unang pagkakataon ay nagsalita ako tungkol sa aking ama. Kailangan kong sagutin kung ano ang nararamdaman ko sa kanya sa kabila ng ginawa niya sa aming pamilya. Mahal ko ang tatay ko, iyon ang una kong sinabi. Sabi naman ni Kuya Cesar ay mabait si tatay. Patas na tao. Hindi mapang-abuso. Mahinahong lalaki. Guwapo. Sinang-ayunan ko ang sinabi ng aking pinsan. Sinabi ko ring masilbing ama at asawa si tatay. Magaling magbasketball, magaling na coach, guro, atbp. Sa kanya ako nagmana sa pagiging mahilig magluto, sa kanya ako nagmana sa pagkanta, sa kanya ako nagmana sa maraming ugali at gesture. Pero sa kabila ng lahat, sa kabila ng sinabi kong katangian niya, mahina siyang lalaki pagdating sa tukso. Nagawa niyang saktan ang aking ina at ipagpalit sa ibang babae. Nagawa niya kaming ipagpalit sa iba niyang pamilya. Cancer survivor siya at matapos siyang alagaan at ipagamot ng aking ina, iniwan pa rin niya kami. Ano bang klaseng hinanakit at sama ng loob ang maaari kong maramdaman? Natural, masakit na masakit. Pero sa kabila noon, walang tunay na galit at sama ng loob sa puso ko. Dahil mahal siya ng nanay ko, dahil mahal namin siyang magkakapatid. Anuman ang mangyari, anuman ang nangyari.
Sinubukan kong analisahin ang nangyari kay tatay. Kako sa kanilang lahat sa loob ng sasakyan, may dahilan ang bawat tao sa mga nangyayari sa kanyang buhay. Naniniwala ako na ang nangyari kay tatay ay may kinalaman ang kanyang nakaraan noong mga bata pa sila. Napabayaan sila, lalo na raw noong panahon ng Hapon, panahon ng giyera kung saan dala-dala sila ng nanay nila (lola Charing ko). Iginagaod silang limang magkakapatid na lalaki ng kanilang ina. Marami silang hirap na naranasan. Kulang sila sa pagmamahal. Kulang sila sa kalinga. May kakulangan daw sa pag-iisip ang kanilang ina. Utal ito kung magsalita. Nagkasakit daw kasi ito ng meningitis noong sanggol pa. Pero malakas ang karakter nito bilang babae, maganda ang mukha, anak ng mayor ng kanilang bayan, dahilan daw kaya ito nakapag-asawa. Sa kabila ng kakulangan ay nagawang igaod ni Lola Charing ang mga anak na lalaki sa gitna ng giyera, sa gitna ng pagbagsak ng mga bomba, sa gitna ng kanyang pag-iisa. Dahil iniwan siya ng kanyang asawa sa panahong ito at sumama sa ibang babae.
May kulang sa paglaki ng aking ama. May kakulangan sa kanyang puso. At naniniwala ako, ang mga kakulangan na ito ay pinunan niya sa labas ng kanyang pamilya. Sa labas namin. Dahilan upang masaktan niya kami. Nauunawaan ko na marahil ay ito ang dahilan. Pero sa palagay ko, sa paglipas ng panahon ay hindi niya naunawaan ang kanyang sarili. Hindi niya na-out grow ang lahat. Kinatandaan niya ang lahat. Iyon ang malungkot dahil hindi niya naiwasto ang anuman sa kanyang naging pagkakamali.
Maraming usapin ang napag-usapan. Usapin ng nanay ko, usapin nila, usapin ko. Pero isasara ko ang kuwento ito sa iniwang mensahe ni nanay sa aming lahat. Ang tao ay may kanya kanyang krus, kanya kanyang laki, kanya kanyang bigat, at kung ano ang iyong mabuhat ay iyon ang krus mo. Kayang kaya ni Nanay ang kanyang krus, dahil sa kabila ng lahat, nagawa niyang buhatin ito na mag-isa, nagawa niyang magpatawad at patuloy na magmahal. Ang krus na ating binubuhat ay bumabawas sa bigat ng krus na pinapasan ng Diyos para sa atin kaya't kailangan nating buhatin ang atin.
Madaling magdasal, madaling magsimba, madaling sabihin na tayo'y pumapasan ng krus na laan sa atin, pero ang pinakamahirap ay ang isabuhay ito. At alam kong ito ang ginawa ng aking ina. Hindi ako relihiyosong tao. Madalas nga akong mapagkamalan na rebelde ako sa simbahan dahil sa mga pananaw ko sa buhay, hehe. Nanay ko lang naman ata ang nambibintang, hehe. Pero sa sinabing ito ng aking ina, buong puso akong naniniwala sa kanya. Na ang tao ay may kanya kanyang krus na dala-dala, na ang pagsasabuhay ng tao sa salita ng Diyos ang tunay na pagsubok at kalbaryong kanyang pinagdaraanan. At kung hanggang saan ang kanyang mararating, ay iyon lang ang kanyang tunay na hangganan.
***
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
4 comments:
minsan naiisip ko worth it naman na mag aksaya ko ng oras magbasa ng blog mo hahhaha (yabang eh noh!)yeah, tama si nanay mo (as always i think) each one has his own cross to bear.about sa hagisan ng barya,tama ka nakakalito nga,,,minsan may mga mali na nagmumukhang tama dahil hinihingi ng pagkakataon...til next time..ciao.
ay salamat worth it naman pala ang mga pinagsasasabi ko dito, hehe.
ciao.
Ganda naman ng dalawang farms na ito. Bagay na bagay ang setting sa usapang pampamilya.
Ano'ng prutas iyong may nakakumpol na bunga? Ngayon lang ako nakakita niyan.
Tama ang ginawa mong characterization sa kontravida. Ako, kung nagsusulat, ganito rin ang diskarte ko sa mga kontravida. Binibigyan ko ng kumpletong buhay, ng sariling niyang mga kabiguan at tagumpay, mga kabutihang ginawa sa kanyang kapuwa pati na rin ang kanyang mga pangarap, kaligayahan at kalungkutan.
At dahil dito, bago matapos ang kasaysayan, "mapapamahal" tuloy ang reader sa kontravida, maski pa ba sa kasalukuyang kasaysayang ginagalawan nito ay salbahe siya.
At ang pag-aagawan ng awa sa bida at kontrabida (albeit, argumentum ad misericordiam) ay sapat nang magbigay ng dilemma sa mambabasa.
Walang kamalay-malay ang kawawang mga readers na sila'y sadyang BININGWIT upang "mahuli" ng manunulat :-D
Hello Kuya,
Ang tawag ni mother dear (ni nanay) sa bunga na iyan ay bunga ng "painog" na punong kahoy na ginagawa daw nilang gulong ng kanilang trak-trakan nung sila ay bata pa. Laking probinsiya si mother at hanggang ngayon na mahigit 40 years na siya sa Maynila ay may punto pa rin kung magsalita, hehe. Taga-Infanta Quezon siya.
Tama ka sa mga sinabi mo tungkol sa characterization at tunay na napakalaking challenge sa isang manunulat na gawing tao ang isang antagonist ng kwento. Nasa frame of mind na kasi ng ibang manunulat na ang kontrabida ay naka-hulwaran sa masasamang elemento at nilalang. Kadalasan, ang kontrabida ay sapat na para gawing masama at patayin sa ending para bigyang justification ang naging kasamaan nito. Kadalasan nakakalimutan na ang kontrabida ay tao, may mga sangkot na damdamin, may manipestasyon ang kasamaan, at may sariling laban ng buhay. Ang kontrabida ay bida ng kanyang sariling kwento ng buhay. Nagkataon lang na iyon ang naging role niya, sa kuwento man o sa tunay na buhay.
Maraming salamat. Godbless.
Post a Comment