Monday, June 16, 2008

PET NAME

OBOL

Ang pamilya namin ay napakahilig mag-alaga ng hayop. Pusa, aso, manok, baboy, kambing, bibe, pagong, ibon, kalapati, Japanese chicken, isda at marami pang iba. May pusa nga kaming umabot ang edad sa fifteen years (15), at ang aso namin na si Snowball a.k.a. Obol ay halos magsasampung taon na ngayon. Ang hayop na mga inalagaan namin ay hindi nakaligtas sa pagbibigay namin ng petname o tagunya. Petname talaga, dahil pet namin sila. Hehe.

Eto ang ilang memories ko tungkol sa kanila at tungkol sa mga pangalan nila at sa mga unique na katangian ng mga pet naming ito.

KYUTAY AND KOPIT
Bata pa ako ay may kuting na kami na ang pangalan ay Kyutay at Kopit. Magkapatid ang dalawang ito. Si Nanay ang nagpaanak sa nanay nilang pusa. Noong lumipat kami sa Yakal Tondo noong pitong taong gulang pa lang ako, naiwan sila sa BNCAT Siniloan Laguna. After one year, binalikan namin sila. Si Kopit, nabalitaan namin na namatay ito kaya't si Kyutay na lang ang nadala namin ng Manila. Noong kinse anyos na ako, nakakuha ng bahay through PAG-IBIG si nanay sa Greenheights, Marikina. Kabilang ang pamilya namin sa kauna-unahang pamilya na tumira sa lugar na iyon na naroon pa rin magpahanggang ngayon. Dinala namin si Kyutay sa Marikina, kasama siya sa lipat-bahay na trak. Naging lola ang pusang si Kyutay. Nag-ulyanin. To the point na manguha ng kung sino sinong kuting para kanyang pasusuhin. Noong huling araw na nakita namin siya, naglalambing siya kay Nanay. Hindi na siya umuwi mula noon. Sabi ni Nanay, ganoon daw talaga ang hayop pag malapit nang mamatay dahil sa katandaan. Hindi na raw umuuwi ng bahay. Sayang at hindi namin siya nabigyan ng marangal na libing. Hehe.

BIBI
Anak ni Kyutay si Bibi. Kabaligtaran ito ng nanay niyang si Kyutay na napakabait na pusa. Dahil si Bibi, matapang at masama ang ugali. Hehe. Marahil ay nagmana sa barakong ama na palaboy na madalas dalawin si Kyutay sa likod-bahay namin sa Yakal. Pero hindi rin nagtagal ang buhay nito, dahil nawala ito at noong hinanap namin, natagpuan namin na nakabigti ito sa punong aratilis. Pinaglaruan daw ng mga adik sa lugar na iyon. Hindi iyon ang dahilan kaya kami umalis ng Yakal. Pero isa iyon sa nagpapaalala sa akin kung gaano karahas ang lugar na iyon noong mga panahong nakatira kami doon.

AMPUNANG
Si Ampunang ay ipinanganak ng kung sinong pusang ina sa likod bahay namin sa Marikina. Inampon ito ni Rona at isinunod sa kanyang pangalan na Banunang kaya’t naging Ampunang. Ampon ito ni Rona. Hanggang sa naging pusa ni Ate Nini si Garfield a.k.a Gagi, malaki at imported na pusa ito, halos doble ang laki kay Ampunang, nag-away ang dalawang pusang ito. Pinagulong-gulong ni Gagi si Ampunang. Mula noon ay naglayas na si Ampunang. Maminsang umuwi ng bahay, pero sa tuwing nakikita ang kanyang pusang kaaway, binibirahan na naman nito ng layas.

SABINA OR SABINONG
Isang kuting ang pumasok sa kusina ng bahay namin sa Marikina, at ayaw ng lumabas maski anong gawing taboy. As usual, naispatan na naman ito ni Rona at muli, inampon na naman niya ito. Pinangalanan niya ito ng Sabina dahil kasikatan noong ng teleserye ni Angel Locsin na Mahika kung saan ang pangalan niya dito ay Sabina. Kalaunan ay tinawag namin itong Sabining. Hanggang sa isang araw, natuklasan ni Rona na lalaki pala ito dahil lumaki ang balls. Agad pinalitan ni Rona ng pangalan at ginawang Sabinong, ngayon ang tawag na sa kanya ay si Nong o Nong-Nong. Lumaki si Nong na ang amo ay si Rona. Sa sobrang pagmamahal nito kay Rona, tuwing umaga ay gumigising si Rona na may katabing patay na daga. Lahat nang nahuhuli at napapatay ni Nong na daga ay ipiniprisinta muna nito kay Rona. Hehe.


SASSY
Bago pa sumikat ang Korean movie na Sassy Girl, nagkaroon kami ng Persian cat na ang pangalan ay Sassy. Maganda ito, malaking pusa, maraming balahibo. Plano sana namin itong ihanap ng asawa para magkaroon kami ng maraming kutingis na cute. Kaso isang araw, nagpunta ito ng bubong ng bahay sa Marikina. Inaakyat namin ito para hulihin. Hanggang sa nakasanayan na nitong gawing teritoryo ang bubong. Isang araw, nawala si Sassy. Nabalitaan namin na kinuha ito ng binatilyong si Badong at ibinenta sa isang Japayuki raw (eto ang term ng kapit-bahay na nagreport sa amin). Taga-Greenland daw ang nakabili. Hindi pumayag si Papot na basta na lang ninakaw si Sassy. Hinanap namin ang bahay ng nakabili. Nakita namin na alaga ng isang batang babae si Sassy. Nakatali na ito at iba na ang pangalan. Sabi ko kay Papot, pabayaan na lang. Dahil kung totoong ang nanay noong bata ay Japayuki at madalas na nasa Japan, baka mas kailangan ng batang babae ang pusa naming si Sassy kaysa kailangan namin ito. Pumayag si Papot sa sinabi ko na huwag nang bawiin si Sassy. Hinarap na lang ni Papot si Badong na balita ko’y kinotongan na lang niya, hehe. Dagdag na anecdote: Hindi na ako nagtaka na si Badong ang nagnakaw ng pusa namin para ibenta. Natatandaan ko na madalas niyang nakawan ng baon na tinapay si Nunang noon habang nasa school service sila. Sinita ko nga ito eh, sabi ko, oy Badong, ba’t mo inaagawan ng tinapay si Rona? Natakot ito sa akin. Sa isip-isip ko, pati ba naman baon ng pamangkin ko eh aagawin pa? Isang araw, nakita ko ang baon ni Nunang. Napahagalpak ako ng tawa. Kaya naman pala inaagawan si Nunang ng tinapay, dahil isang supot ng tasty bread ang pabaon sa kanya ng tatay niya. Akala mo, meryenda ng isang baranggay ang baon ng batang ito. Mula noon, hinayaan ko na si Badong na humingi ng tinapay kay Nunang. Hehe.

GARFIELD aka GAGI (Ang pinakakawawang pusa sa balat ng lupa)
Imported ang pusang ito, kulay gray pero kamukha ng character na pusang si Garfield. Marahil kaya ito rin ang ipinangalan dito. Maganda ang pusang ito. Malaki. Lalaki. Pero sabi ni Nanay, si Gagi raw ang pinakakawawang pusa sa balat ng lupa. Dahil nakatali na ay nakakulong pa. Hahahaha. Nagkatrauma si Ate Nini mula nang manakaw si Sassy. Para siguradong hindi na mananakaw. Ibinili niya ng kulungan, at itinali pa niya. Wahahaha. Nakakawala lang ito pag kakain kasalo ang malalaking aso naming sina Peipei, Pawpaw, Owi at Obol. Kaya akala ni Gagi, aso siya at hindi pusa. Kaya noong nakita niya si Ampunang, binugbog niya ito. Hindi niya alam na ang sounds na lumalabas sa bibig niya ay ngiyaw at hindi tahol. Pero noong si Nong ay inampon na ni Rona, hindi naman niya ito sinaktan. Marahil ay narealize niyang pusa pala siya at hindi aso.

Gagi ang tawag dito ni nanay, dahil napakagagong pusa raw nito. Hehe.

PRETTY CAT
Kung uso sa Marikina ang pusang basta na lamang nangungusina, nauso din ito sa bahay ko sa San Mateo. Unang pusang nagpunta sa likod bahay ko ay si Pretty cat. Tinawag ko itong Pretty cat dahil maganda ang mukha at mata. Ewan kung anong toyo ang naisipan ko at itinali ko. Iniisip ko kasing kailangan ko muna itong sanayin para hindi na umalis. Isang buong gabi kong narinig na ngumingiyaw si Pretty cat. Kinabukasan pagbukas ko ng pinto sa labas ng bahay, tali na lang ang nakita ko. Nakakawala na si Pretty cat. Natawa ako. Ito pala ang teknik kung gusto mong layasan ka ng pusang gala na nagpapaampon sa iyo. Itali at pilit itong kakawala. Hindi na bumalik si Pretty cat mula noon. Marahil ay natandaan niyang hindi siya dapat maligaw sa likod-bahay ko dahil may naghihintay na tali sa kanya.

PIPI the TRI-COLOR CAT
Unang taon ko sa San Mateo at gustong gusto kong mag-alaga ng pusa. Isang gabi, nadaanan ko sa kalsada ang isang kuting na palaboy, tri-color ito. Kasama ko noon si Rona at Les. Nilagpasan ito ng sasakyan namin pero makulit si Rona na balikan ito. Binaba niya ito at kinuha. Na-amaze kami sa kuting na ito dahil hindi ngumingiyaw. Tuwing bubuka ang bibig ay walang sounds. Sabi ko iba ito, pusang pipi. Hahahaha. Ayan at may pusa na kami sa San Mateo sabi ko sa sarili ko. Pipi nga lang. Okey ito. Iba. Bago. Inuwi namin ng bahay. Hindi ko inilagay sa likod-bahay. Sabi ko, sa loob ito para hindi na umalis gaya ni Pretty cat na tinakasan ako. Kinaumagahan, panay dumi ng piping kutingis na ito ang kusina ko. No choice ako kundi ang linisin. Bahagi ng kagustuhan kong mag-alaga ng pusa ang i-train ito at linisin ko ang duming ikakalat. Ilang araw namin siyang inalagaan. Okey naman noong una. Okey lang sa akin na magdumi siya. Zonrox at soap powder lang naman ang katapat niyan. Saka may kakain na ng tira kong pagkain na dati-rati ay diretso na sa kaning baboy. Isang araw, inabot ako ng umaga sa pagsusulat dahil sa deadline. Gutom na gutom ako at noon ko lang naisipang kumain. May natirang isang pirasong isda sa ref. Sa gutom ko ay hindi ko na naisipang initin. Pati kaning lamig ay handa na akong lantakan. Ang siste, nilundag ang pagkain ko at nilantakan ni Pipi. Nagdilim ang paningin ko. Nadampot ko at naibato sa bintana. Swak na swak naman ito sa bintana. At dahil pipi nga ay hindi ko narinig na ngumiyaw man lang o nagreact sa nagawa ko. Ilang oras ang lumipas at noong nahimasmasan na ako ay binuksan ko ang pinto ng likod-bahay, wala na si Pipi. Nilayasan din ako.

CHIPIPAY O PIPAY
Ipinangako ko sa sarili ko na ayaw ko ng pumulot o umampon ng kuting. Hindi ko na hahayaan si Rona sa mga padiser niya sa pag-aalaga ng pusa dito sa San Mateo. Hanggang sa napansin ko na madalas na nasa likod bahay si Rona. At sa tuwing pumapasok ay pangiti-ngiti lang. Noong una, deadma sa akin ang mga reaksiyong pinakakawalan nito. Tapos siya ang nagmimismis ng kinainan namin. Siya ang naghuhugas ng pinggan. Aba, bumabait ata si Rona sa loob-loob ko. Sumisipag. Hanggang sa nahuli ko siya, hala, may bago siyang alagang pusa! Ilang araw na pala iyon. At may pangalan na. Si Chipipay a.k.a. Pipay. Chipipay dahil cheap na cheap ang hitsura ng kuting na ito. Mukhang ipinanganak sa basurahan. Kay Rona kasi, pangit o magandang pusa, isa lang ito sa kanya, pusa pa rin ito. Nagtatalak ako. Tawa lang ng tawa si Rona dahil nabuking ko siya na may ampon na naman siyang kuting. Ang sabi ko, “Itatapon ko ang kuting.” Nagsisisigaw naman si Rona, “Tita Glady!!!! Huwag!!!!” Pati sina Pupu at Maimai ay kasama ng nakikiusap sa akin. “Sige, sa isang kundisyon, hindi papasok yan dito sa loob ng bahay. Baka mamya eh lantakan na naman ang pagkain ko.” Tuwang tuwa ang mga luko-luko kong pamangkin. Nagkikindatan sila. Ewan kung bakit.

KIT-KAT
At nalaman ko kung bakit sila nagkikindatan. Dahil isang umaga, nagtatakbo si Rona pauwi ng bahay, nagsisigaw, nagtititili sa kalye, “Tita Glady, Tita Glady!!!” hawak ang isang kuting na inabduct mula sa ipinapagawang bahay ng ate Nini ko. Habol-habol si Rona ng nanay ng kuting para kunin ang ninakaw na anak. “Rona, ano na naman yan? “ sigaw ko. Sabi niya, “Kuting! Sabi mo naman basta hindi papasok sa loob ng bahay mo. Basta sa labas lang.” Tiklop ako. Sa akin nga naman nanggaling ang rules na ito at wala silang binabaling rules ko. No choice ako kundi ang pumayag. Noong araw ding iyon ay pupukpok-pukpok si Rona sa likod-bahay, ginawan ng bahay ang kuting na inabduct niya, pinangalan niya itong Kit-kat. Bale dalawa na ang kuting sa likod-bahay ko, sina Pipay at Kit-kat. Doon sila kapwa lumaki at nagkaisip, sa piling ng kanilang ina-inahan na si Rona. Hehe. Ngunit, subalit, datapwa’t, natuklasan ko na binuhay ni Rona ang mga kuting na ito hindi lang sa pamamagitan ng mga mismis na pagkain kundi sa gatas na bear brand. Bente pesos ang isang pack noon. Tuwing umaga ay may bente pesos akong inilalagay sa ibabaw ng ref, o kaya’y mga barya, pambili ng kung anu-anu sa kusina, asin, bawang, etc. Kinukuha iyon ni Rona pambili ng gatas ng anak-anakan niya. Marami akong piso piso na nagkalat sa paligid, kinukuha iyon ni Rona ng lihim. Siya rin ang naglalaba ng damit ko, at paborito niya ang pantalon at polo. Dahil marami siyang nakukuhang barya at minsan ay bente pa, may swerte pa yan dahil may singkuwenta pesos pa kung minsan. Finders keepers ang laban niyan sa akin. Pambili ng gatas ng kanyang mga kutingis. Nagagalit ako syempre. Kalaunan, hindi na basta niya kinukuha, inihihingi na niya sa akin ng tahasan ang pambili ng gatas ng mga kutingis na ito.


TIGER, KITTY, PRETTY
Nagpunta na ng Canada si Rona. Naturalmente na maiwan sa akin ang kanyang mga alaga sa likod-bahay. Ako na ang nagpalaki ika nga. Si Pipay ay naglayas na dahil hindi sila nagkasundo ni Kit-kat. Nagpunta ito sa harapan ng bahay ni Ate Nini at may nagpapakain na ditong iba. Minsan ay dinadalhan ko rin ito ng pagkain. Kilala kami ni Pipay dahil malaki na naman siya noong nagstow away siya, hehe. Alam din niya na ang pangalan niya ay Pipay dahil lumilingon at lumalapit siya para maglambing sa tuwing tinatawag ko ito.

Si Kitkat ay hindi umalis sa likod-bahay. Naging teritoryo na niya ito. Pero teenager pa lang ito ay nabuntis na. Pinuwersa daw ito ng isang PUSAkal sa creek. Ayaw daw ni Kit-Kat, kuwento nina Pupu. Sila ang nakasaksi. Binabato pa nga raw nila iyong PUSAkal na iyon. Ayun, kay agang naging dalagang ina ni Kit-kat. Ang liit-liit na pusa ay buntis na agad, at ang liliit pa ng tutu. Sabi ko nga, mabubuhay kaya ang anak nito?

Isang tanghaling malakas ang ulan, panay ang hilihid sa akin ni Kit-kat, naiinis pa nga ako kaya itinutulak-tulak ko siya. Malay ko bang naglelabor na ito dahil basa na ang balahibo nito sa bandang pwetan. Kumaang siya sa harapan ko at bigla na lang lumawit ang isang kuting. Nabigla ako. Napasigaw. “Nanganganak na! Nanay, nanganganak na!” Napasugod ang nanay ko at nagtawa. Ayun, ako ang nakasaksi ng panganganak ni Kit-kat. Hindi ko alam ang gagawin ko. Kwento ni Nanay, siya ang humugot kay Kyutay. Hindi ko naman magawa dahil natatakot ako. Kumuha na lang agad ako ng sako. Inilagay ko ang dalawang kuting na halos magkasunod ipinanganak. Akala ko’y tapos na, konti pa ay may nakita na naman ako, “ay may isa pa!”

Ang liliit ng kutingis. Akala mo ay hindi mabubuhay. Pero kahit pala batang ina si Kit-kat, napakabuti niyang ina, wala siyang ginawa kundi ang alagaan at pasusuhin ang anak niya. Kaya naman hindi ko ginutom si Kit-kat minsan man. Lagi siyang may share na isda sa akin. Pinangalanan kong Tiger ang panganay, Kitty ang sumunod at Pretty ang bunso. Si Tiger ang pinakawitty at pinakamatalino sa kanilang tatlo. Pagkaliit-liit nito ay pinanindigan nito ng balahibo si Pochie, astang lalaban ang lokong kuting na ito sa isang maingay na aso. Si Kitty ay junior na junior ni Kit-kat kung hitsura ang pag-uusapan, si Pretty, siya ang pinakamaganda sa tatlo, siya ang bunso, kaso mo ang tanga tanga namang kuting, hehe. Buti na lang at maganda siya. Maski pala sa pusa, uso ang magandang tanga. Ngayon, malalaki na sila at kumakain na ng kanin. Pagkukulit nila sa may kubo, at tuwing nasa likod bahay ako, lagi silang nasa paanan ko. May apo na si Rona. At ako, ang mga kuting na ito ay apo ko sa tuhod. Hahahaha!

Nabili na ni Rona ang katabing bahay ko at may malaking bakuran din siya sa likod. Plano kong ilipat si Kit-kat at ang pamilya nito sa likod-bahay ni Rona. Hehe.

ORANGE CAT
Hay, ewan kung bakit ang likod-bahay ko ay naging pusaan o ampunan ng mga pusa. May isang pusa na ako at tatlong kuting (dahil nagstow away na nga si Pipay), mayroon na namang gustong magpaampon. Isang kuting na kulay orange. Malaki ang mata, bilog na bilog at laging nakikikain sa mga pakainan ng mga kutingis ko. Madalas ko siyang bugawin. Ayoko siyang masanay. Kaso tuwing umaga, nakikita kong kayakap na siya ng tatlong kuting sa pagtulog. Ayun, pinalalayas ko talaga. Pinagagalitan ako ni nanay. Hayaan ko lang daw. Sabi ko, paano kung babae, eh di manganganak na naman yan? Mano daw, sabi ni nanay. Gusto kong pagbigyan ang kuting na ito na makipamilya na kina Kit-kat, kaso naman, naiisip ko, baka may sumunod na naman. Nagpunta kami sa Calauag Quezon, Linggo kami umuwi. Lunes ng umaga, natagpuan siyang patay sa higaan ng mga kutingis. Ewan kung bakit. Sabi ni Ate Bingbing, nakikipaglaro pa raw yun dun sa tatlong kuting noong Linggo ng umaga. Hindi ko alam kung bakit namatay. Wala kaming ideya. Alangan namang ipa-autopsy ko pa siya, hehe. Sabi na lang ni Pupu, naubos na ang nine lives niya. Hahahaha!

TITINA
Tapos na akong magkuwento sa pusa kaya baboy naman. Maliit pa ako nang mag-alaga kami ng baboy na ang pangalan ay Valentina, ang palayaw ay Titina. Ang naalala ko, noong ibinenta ito ni nanay, umiiyak si Titina, at kaming anim na magkakapatid ay nag-iiyakan din at nagpapalahawan ng TITINAAAAAAA!!!!!

MIMI
Pati naman kambing ay ginawa naming pet. Nakatali ito sa loob ng bahay namin. At ang kambing na ito ay kumakawag ang buntot sa tuwing dumarating kami. Akala ata niya’y aso siya. Umiiyak ito kapag nag-aakyatan na kami ng bahay at naiiwan na itong mag-isa. Naghahahalakhakan kami sa itaas ng bahay. Akalain mo naman kasing ang isang kambing ay maging kapamilya namin. Ibinenta ito ni nanay. Marahil noong kinakatay ito, tinatawag nito isa-isa ang pangalan namin pero iisa lang ang sounds na lumalabas sa bibig, miiihhhhh-miiihhhhh.

TIA
Si Nanay ang mahilig mag-alaga ng manok. Si Tia daw ay isang manok na SASU na umaabot ng pitong kilo ang timbang. Hindi raw ito lumilipad dahil maliit ang pakpak at sa sobrang bigat. Nauupo na lang daw ito at wala itong kahirap-hirap hulihin. Lagi itong nasa paanan ni nanay. Isang araw, umuwi si nanay na hinahanap si Tia. Inihain daw ito ni tatay sa kanya at sinabing, “ayan si Tia.” Muntik na raw mahambalos ni Nanay ng palo-palo si Tatay. Hehe.

SALO-SALO TOGETHER

Sina Tiger, Pretty at Kitty, kasalo sa pagkain sina Krukya at Krukyo (SISIW NA SASU). Hehe.

To be continued pa ito...

No comments: