Thursday, January 31, 2008

MALIKHAING PAGSULAT (ANG BOSES NG TULA)


NANG AKO’Y MAGING SI BRUTUS

Nang I-abduct si Olive oil, sumigaw siya ng Popeye help!
Litaw ang ngala-ngalang halos iluwa ang kanyang self.

Nang dumating si Popeye to the rescue ang kanyang suit,
with sound effects pang I’m Popeye the tut-tut!

Siyempre’t inombag-ombag lang ang hero ni Olive,
tinadyak-tadyakan at lumuwa pati brief.

Muling binuhat itong si princess sweet,
habang patuloy namang nagpe-plead.

E, itong si Popeye kumain ng spinach,
at maging siya’y naging macho’t malakas.

Ginulpi si Brutus at pinalipad sa air,
naglitawan tuloy ang mga stars at sprinkle.

Siyempre’t naging hero itong si Popeye the sailor,
sa kanyang love interest na si Olive the virgin oil.

Habang si Brutus nama’y naghihilong-talilong,
umiikot-ikot at nagkukulay talong.

Natalo na naman ang aking kakampi,
kaya’t ini-off ko na ang cable tv.

Hay! Ang hirap palang ma-inlove ng truly!
Nagiging cartoon character ang tingin sa sarili.

Kontrabida akong pangit na may balbas,
mabaho’t ang tinig ay tila kay Hudas.

Samantalang ang bida’y pagkapayat-payat,
ngunit isa namang herong walang katapat.

May pinag-aagawan kaming nag-iisang lady,
na ang wangkata’y over ka-sexy!

Ngunit sa kanila’y may happy ending,
ako nama’y luhaan at sad ang feeling.

Kaya’t eto ako ngayon at nasa isang sulok,
gumagawa ng tula’t panay na lamang ang mukmok.

Dear my Olive oil, Olive oil my dear,
hawak ko na ang invitation mo here.

Hayaan mo’t darating naman ako,
sa araw ng kasal mong libing naman ng puso ko.

Ang damit ko’y pamburol for sure,
habang ikaw ay naka-white pure.

Iiyak ako habang ikaw ay naka-smile,
and with poise pa ang pagwo-walk down the aisle.

Mapansin mo pa kaya ako with all the rest,
since I’m just one of the invited guests?

At siyempre pa’t kasunod ay honeymoon,
may toss ng champagne at putukan ng balloon.

Hay! Nakakainggit pa rin si Brutus,
kapag ini-on lang ang tv saka siya nalo-lose.

Samantalang ako’y lost na lost ang feelings,
naglalakad ng pabaligtad hanggang sa may ceiling.

How I wish isa na rin akong cartoon scene,
at ang puso’y pinaandar lamang ng machine.

Pero ganoon nga daw talaga ang life,
sabi nga ng marami’y "well that’s life!"

Hindi lahat ng wish ay wish granted,
kadalasan pa nga’y taken for granted.

Kaya’t eto lang ang aking masasabi,
at pakatandaan mo na lamang mabuti.

Goodbye na lang sa iyo my dearest!
Nagmamahal... Brutus, the brute poet!


***

Isinulat ko ang tulang ito noong graduating ako sa kursong Malikhaing Pagsulat at ang guro ko sa subject na MP TULA ay si Prof. Virgilio Almario (Rio Alma), National Artist. Assignment namin na gumawa ng tulang nakakatawa sa pamamagitan ng boses ng tula. Nagtatawanan naman ang buong klase habang binabasa ko ang tulang ito. Pero sa totoo lang, noong isinusulat ko ito’y hindi ko objective na magpatawa kundi ang sumulat ng tula na ang inspirasyon ko ay isang kaibigan. Nabigyang tinig ng tulang ito ang isang bahagi ng puso kong hindi kayang unawain maski ng sarili ko--para sa kaibigan kong ito.

Yet, this friend of mine still remains dear to me.

***


Mahalaga ang boses o ang nagsasalita sa loob ng tula. Sino ito? Ano ang karakter nito? Makulit ba? Malungkutin o masayahin? In love ba o bigo sa pag-ibig? Idealistic ba? Seryoso? Palaban? Hindi nangangahulugan na ang boses ng tula ay ang makata o ang nagsulat ng tula. Ang boses ng tula ay ang nagmamay-ari ng mga karanasang nakapaloob dito. Ang boses ng tula ang magpapakilala sa tauhang nakapaloob. Ano ang gustong sabihin ng boses na ito? Ang boses ang nagkukuwento ng mga samu’t saring pangyayaring nakapaloob sa bawat taludtod o saknong.


KAMAMEKO
(IKAMA MO AKO)

Sa labas,
parang taytel ng pelikulang bold ang entrada.
Ang mga dagitab ay iba’t ibang kulay na nagbabaga.
Entertainment lang “boss.”
Pampalipas pagod ang beer na nilalagok.
Pampainit ang extreme sensation na pinapanood.

Sa loob,
pasayaw-sayaw na ang hubad na katawan,
pagewang-gewang ang balakang,
pabuka-buka ang legs na sakang.
May nag-iipit ng bente, singkuwenta hanggang
isandaan-- sa bikining kumikinang.

Sa mas loob pa,
nangaghelera ang maliliit na silid sa animo’y kubeta.
May maliit na kama… May bedsheet na may mantsa.
May unang nag-iisa.
Nagkakalansingan ang barya.

Wednesday, January 30, 2008

MALIKHAING PAGSULAT (talinghaga at kariktan)

ALON
Ilang ulit mo akong paaamuin,
Nang iyong marahas na pagsuyo?
Mula sa lalim ng karagatang
Lumunod sa pintig nyaring puso.

Ilang ulit mo akong tatangayin,
Nang iyong makamandag na halik?
Palayo sa dalampasigang tahimik,
Tungo sa daluyong ng pagtatalik.

Ilang ulit mo akong liliyuhin,
Nang uli-uli mong pangako?
Upang muli’t muling magluwal,
Nang buhawing ‘di nahahapo.

***

Ang tula ay may katawan at kaluluwa. Sinisining mabuti sa pamamagitan ng pagbuo at pagbalangkas ng mga salita kung paano nabibigyang buhay ang isang tula.

Ang tugma at sukat ay mga bahagi ng istruktura o anyo ng tula at ito ang nagsisilbing katawan. Samantalang ang talinghaga at kariktan ay ang kaluluwa o ang bahaging espiritwal ng tula.

Ang tulang Alon ay isang tulang may malayang taludturan. Samantalang ang tulang Deadline ay isang halimbawa ng paggamit ko ng lalabingdalawahing sukat na may tugma.


DEADLINE

Tiktak… kring-kring… Panaginip, sinisimsim –
May istorbo sa diwa kong nahihimbing;
Sa pagtulog gusto ko pang magpaangkin,
Sa salamin ang mukha ko’y tila lasing.

Umuusok, sa init ang aking tasa.
Nagwawala, sa ingay ang kutsarita
Gumaguhit, kapeng itim sa panlasa.
Kumukulo, sa isipa’y abakada.

Taktak… riprip… ang sound effect sa ‘king silid
Kailangang magmadali’t magmabilis,
Sobrang inip ang butiki’y napaidlip,
Nang magising ang obra ko’y punit-punit.

***


Ang tula ay hindi paglalaro lamang ng mga salita, pagtutugma o pagriritmo. Kailangang masinop ang paggamit ng mga salita at hindi watak-watak. Bumubuo ng isang ideya sa pamamagitan ng mga taludtod at nangangahulugan ito ng maingat na pamimili ng mga salita. Ang tula ay gumagalaw o may ginagalawang isang mundo. Nagpapakahulugan ng isang buong mundo. Ayon kay Prof. Virgilio Almario, Dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura sa Unibersidad ng Pilipinas, ang isang tula na masinsin ay isang mahusay na tula. At ang tulang masinsin ay hindi kayang ilipat ang ilang taludtod sa ibang saknong.

Kailangan ang tugma at sukat upang sumulat ng mga taludtod, subalit mahalaga ang talinghaga at kariktan upang mabigyang buhay ang tula. Nangangahulugan na ang tula ay hindi ang sukat at tugma kundi ang sinasabing kaluluwa nito at ito ang tinutukoy na talinghaga at kariktan.

Ang tinutukoy na ideya o kaisipan sa tula ang bumabalot na misteryo. Ang tawag kung tumutukoy sa kataga at pangungusap na nagkukubli ng kahulugan ay metapora. Gumagamit naman ng imahe at simbolo kung hindi tuwiran ang pagpapahayag ng kaisipan, damdamin at pagnanais upang higit na mabigyan ng kulay at hugis ang pagpapakahulugan ng tula.

Tuesday, January 29, 2008

mula sa tambakan ng aking musmos na kamalayan

Laking gulat ko dahil sa kakalkal ko ng mga lumang kagamitan ay bigla na lamang tumambad sa aking paningin ang isang gula-gulanit na papel na may nakasulat na tula. Hindi ko na naaalala kung bakit ako sumulat ng ganitong klaseng tula noong teenager pa lamang ako. Ang inaasahan kong tulang dapat na kahuhumalingan ko ay tula ng pag-ibig. Ngunit ewan ko nga ba. Basta't ang naaalalala ko, may isang bahagi ng kamalayan ko ang nagpupumiglas noon at naghahangad na makawala sa bunton ng mga imbakan ng aking braincells. At eto ang isa sa mga unang nakapiglas. Isang tulang nakalaya mula sa nalilito at naguguluhimihang isip at pagkatao ng isang naghahanap na ako.

ANG MGA BANGKAY

karipasan sa pagtakbo...
at sa pag-uunahan

upang makatakas
mula sa ibinubugang armas

ang mainit na apoy
at usok ng kamatayan

sa tinimpla kong
kapeng matapang

doon nananaghoy
sa ibabaw ng tasang

may mga langgam
na unti-unting nangagsisilutang...

Friday, January 25, 2008

LOVE 101. TOUCH ME

Touch me
So I can live again
And love again
As I had yesterday

Touch me
As the raindrops
Touch the barren fields
And fill me with
Blossoming flowers

Until I am whole again
And I can feel again
And dream again

For my dreams had long died
And I can no longer feel
The splash of rain upon my face.

The earth is no longer verdant
with life,
The sky no longer blue
My care- worn soul is weary
In its search for elusive rainbow---
Where had it gone?

But tomorrow will be a new day
Touch me
So I can love you.

Wednesday, January 23, 2008

MALIKHAING PAGSULAT 101 (the bulate workshopper)

THE BULATE WORKSHOPPER

Sa Bulatete Community, nagkoon ng writing workshop. Pitong bulate ang tumugon at naging participant. Nagpalitan sila ng mga ideya at kuro-kuro.

May isang nagtanong, ano ang ibig sabihin o kahulugan at esensiya ng pagiging isang manunulat? May isang sumagot, basta nakapagsulat at may nasabing maganda, puwede na siyang tawaging manunulat. May isa pang sumagot, basta’t may nagbabasa ng kanyang isinusulat, manunulat na siya. May isa pang sumagot, kapag nanalo na ang akda o nabigyan ng award. May isa pang sumagot, kapag kumikita ng pera sa mga isinusulat niya. May isa pang sumagot, kapag naging boses siya ng masa at sangkot sa usaping panlipunan ang akda niya. May isa pang sumagot, kapag natsugi na siya sa workshop na ito at napaiyak na siya!

Pangalawang katanungan, paano ba bumuo ng kuwento? Eto ang mga sagot: 1) Hindi ko alam kung paano pero alam kong makakabuo ako kapag nakita ko ang inspirasyon ko. 2) Basta’t kung ano lang ang gusto kong sulatin ay isinusulat ko. 3) Basta’t eto ang kuwento ko. 4) Inaalam ko muna kung anong genre ang gusto kong sulatin. 5) Teka, ano ba ang genre?

Ikatlong katanungan, paano ba kayo natutong magsulat? 1) Ako, ginaya ko ang naunang naisulat na, pinakamadali kasi iyon. 2) Nagworkshop ng nagworkshop. 3) Experience is the best teacher, kaya ang isinusulat ko ay panay sex education. 4) Sabi ng teacher ko, ang pagsusulat daw ay mata at kaluluwa. Kaya ang isinulat ko, dinukot ang mata kaya naging kaluluwa. Horror!!!

Ikaapat na katanungan, teka sabay-sabayin na natin, ano ang kahulugan ng genre, premise, banghay, conflict, sub-conflict, major conflict, planting, balance, disturbance, complication, climax, crisis, etc. 1) Dami naman, ewan ko. 2) Ah genre, madali lang ‘yan, kategorisasyon ng mga teksto. 3) Teka, ano nga ang teksto? Ah teksto, ito iyong nasusulat. 4) Nasusulat? Bakit sabi ng titser ko, ang teksto din daw ang picture ko at saka ang mga billboard sa Edsa. 5) Ganun ba? Ngayon ko lang nalaman ‘yan ah. Teksto din pala ako?

Ikalimang katanungan, paano ba ginagamit ang mga ito bilang tools sa pagbuo ng kuwento? 1) alin, premise? Teka, paano nga ba gamitin iyon? 2) What if, only to find out lang ‘yan ‘no? Halimbawa, what if may isang babaeng problemado sa kanyang napakalaking paa kaya hindi siya maligawan, walang magkasyang sapatos sa kanya kaya talagang malaking malaki ang problema niya. Only to find out? ang problema pala niya ay hindi lang ang kanyang paa, kundi pati mukha. Bakit? Kasi mukha rin siyang paa! Ay ang ganda! Develop natin, tapos may isang nagkagusto sa kanya, pinagawan siya ng sapatos, pero korteng mukha, ah alam ko na, kasi napagkamalang paa nga ang mukha niya. Oy, ano ba naman kayo? Diskriminasyon na ‘yan ha? Bakit naman diskriminasyon? Hindi naman pinag-uusapan dito kung mayaman o mahirap. Love story nga ito. Pangit na love story. Parang mas magandang gawing kuwentong pambata! Ah tama, ang title, ANG BATANG MUKHANG PAA!

Ikaanim na katanungan, nasaan ang disturbance ng kuwento? 1)Basahin nyo na lang ang ang kuwento ko. Naroon. 2) Eh nasaan nga? Nagkamot ng ulo ang tinanong, basta lang ang sagot. 3) May isa pang nagtanong, paano mo naisip na ilagay iyon. At ang sagot, eh ganoon talaga ang kuwento ko eh. Kung paano, ewan ko. Paki mo. 4) Teka, huwag kayong mag-away, ano nga ba ang disturbance? Eto ba iyong istorbo?

Ikapitong katanungan, kailangan bang alam ko ang ibig sabihin ng genre bago ako tawaging manunulat? 1) Hindi ‘no. Paano kung hindi ko alam pero magaling naman ako at na-publish ang mga gawa ko? 2) Oo nga, hindi ba’t ang mahalaga sa pagiging manunulat ay ang ma-publish ang gawa niya? O, siya, di huwag na nating alamin ang ibig sabihin ng genre. Basta’t magsulat na lang tayo ng magsulat!

Natapos ang workshop ng PITONG BULATE na nangangarap na maging manunulat at naghiwa-hiwalay na silang gumapang sa mundo para palaganapin ang kanilang mga akda.

Ang unang bulate ay hindi nagkasya sa kanyang natutuhan sa workshop kaya’t nag-aral pa siya ng nag-aral. Ang ikalawang bulate ay sumali sa mga contest at nangarap na makakuha ng award. Ang ikatlong bulate ay gumawa ng bulateblogspot para maging hobby ang pagsusulat. Ang ikaapat na bulate ay nagsulat at nagpa-publish ng mga akdang isinulat. Ang ikalimang bulate ay nagsulat lang ng nagsulat kahit walang tumatanggap. Ang ikaanim na bulate ay namundok at sinimulang sumulat ng kasaysayan sa matulaing kabundukan ng mga Bulatete, at ang huling bulate ay hindi na nagsulat pa kaylanman matapos niyang matuklasan na ang pagsusulat para sa isang bulate ay isang malaking kalokohan.


Paano nga ba masasabing isa akong manunulat?

Sa iba’y madali lamang itong sabihin. Sa iba’y nakapagsulat lang ng isang kuwento, ang tawag sa sarili’y manunulat na. Sa iba’y napakarami na nilang kuwentong naisulat at nai-publish, at ang tawag na nila sa sarili’y manunulat. Sa iba’y hobby lang o libangan ito, pero ang tawag pa rin nila sa sarili’y manunulat. Sa iba’y propesyon ito, sa iba’y bokasyon. Sa iba’y walang kuwentang propesyon. Sa iba’y kahanga-hangang bokasyon. Depende kung sino ang nagsasalita. Depende kung anong oryentasyon ng isang tao.

Anuman ang oryentasyon ng bawat indibiduwal na nagnanais maging manunulat, may mga batayang pag-aaral na kailangan pa rin niyang pag-aralan. Hobby man ito, propesyon, bokasyon, etc. Kung baga sa subject, may mga terminolohiyang dapat ay alam ng isang mag-aaral para maunawaan ang konteksto ng pinag-uusapan.

Kung paanong mahalagang malaman natin ang 1+1 noong elementarya tayo, kung paanong mahalagang alam natin na ang kasunod ng A ay B, kung paanong dapat ay ginagawa natin ang pagsisipilyo ng ngipin at paghihimalos sa umaga, kung paanong alam natin na ang pagkalam ng sikmura ay nangangahulugan ng gutom, kung paanong dapat alam natin na ang halaga ng bawat text messages, kung paanong alam natin na kapag may narinig tayong sumisigaw ng balot ay may nagtitinda ng balot at hindi nagtitinda ng taho, kung paanong alam natin na gusto nating maging manunulat, dapat ay alam natin ang mga batayang pag-aaral na mayroon ito at alam natin ang kahulugan ng salitang genre, kung saan at paano ginagamit ito, at ang pagkakaiba-iba ng mga elementong nakapaloob dito.

Kadalasan, ang kahinaan ng isang tao na ibig maging manunulat ay ang kaayawang pag-aralan ito at ayaw na niyang malaman kung bakit si Juan ay umibig kay Maria at si Maria ay umibig kay Pedro at si Pedro ay umibig kay Juana at si Juana ay umibig kay Maria, etc… etc… Hindi na mahalaga sa kanila kung ano ang pagkakaiba ng drama sa komedi at ng komedi sa love story at love story sa action at action sa horror at horror sa fantasy at fantasy sa tunay na buhay.

Maski halo-halong konsepto ay ok na. After all, ang tawag d’yan ay deconstruction. Kapag lumabas ka sa pamantayan, deconstruction na. Pero alam ba kung ano ang pinagmulang kumbensiyon? Bakit nga ba tinatawag na kumbensiyon?

Iyon ang mahalagang matutuhan muna. Aralin muna ang mga pamantayan, ang basic, ang standard, ang kumbensiyon—- saka na tayo tumalon sa deconstruction. Kung paanong sa pag-aaral, tinatapos muna ang preschool bago mag-elementarya, bago mag-high school, hanggang college, at post graduate studies.

Kaya madalas mapagkamalang madali lang ang maging manunulat.

Monday, January 21, 2008

MALIKHAING PAGSULAT 101

BOTETE
----------------------
Mapait... matamis
lasa ng lambanog
parang babaeng
sarap ibigin
nakakaloko,
nakakabaliw,
at ang lasa'y
naiiwan sa labi
para talagang babae.
At ang likidong gumuguhit
tulad ng babae kung makapanakit
na may “after taste” pa sa umaga't
malalasahan, masisimsim, maaamoy pa
masakit na sa ulo'y masakit pa sa bulsa
babae... babae.... babae... at babae pa...
alak... alak... alak... alak at may alak pa...
magkatulad na habang tumatagal sumasarap
at lalong sumasarap, tumitindi ang pagliliyab
nakakalango't katawan ay nagpapaliyad-liyad
may mala-impiyernong init na nagpapalasap
na ang ligaya at kamunduha'y nasa langit
naman ang amats at ang “after shock!”
at sa umaga, pagkatapos na ng lahat
iisa lang din ang tinatawag-tawag
uwak... uwak... uwak... uwak...
guwarrkkk!!! guwarkkkk!!!
guwarrrrrrkkkkkk!!!
-------------------



***

Sa Malikhaing Pagsulat, gumagawa ka ng hugis, ng korte, ng imahe sa pamamagitan ng salita, mga letra, mga simbulo o senyas.

Sa Malikhaing Pagsulat, may mga kahulugang nakatago o nagtatago. Sabi nga ni Rene Villanueva, makintal at magparanas. Hihiramin ko ang dalawang salitang ito ni Rene bilang panimula.

Nagagawang makintal ang kamalayan sa pamamagitan ng paghahanap ng mga kahulugan at pagpapakahulugang nasa imahe, nasa korte, nasa hugis. May mga literal na pagpapakahulugan, subalit higit na matalas ang mga kahulugang nagbubukas ng kamalayan o nagbibigay ng mga samu't saring ideyang hindi binibigkas subalit naitatanim ng malalim o naititimo sa isipan. Nagpaparanas, hindi lamang dahil nakakarating ang imahinasyon sa lalim ng mga kahulugan ng teksto. Kundi ang magparanas na maangkin o angkinin ng mambabasa ang teksto bilang siya o bilang kanya dahil naroon siya o bahagi siya ng tekstong binasa niya at upang lumikha at magluwal ng mga panibagong imahe, mga hugis, mga korte mula sa imaheng nakintal sa kamalayan niya.

Ang Malikhaing Pagsulat ay hindi lamang ang makasulat ng katha o kuwento. May responsibilidad itong lumikha ng mga imaheng magpaparanas at kikintal sa kamalayan ng mambabasa sa pamamagitan ng literal at kritikal na pagbasa sa isang teksto.

Dito ko sisimulan ang Malikhaing Pagsulat 101.

Wednesday, January 16, 2008

Romance Pocketbook


Out na po ito sa National Bookstore!!!

Thursday, January 10, 2008

I’M GLADY WITHOUT S!












Tandang tanda ko ang kuwento ng ate Nini ko sa akin tungkol sa araw ng kapanganakan ko. Umuwi raw ang tatay ko sa bahay namin ng tanghali at tinanong niya kung nanganak na raw ang nanay namin. Oo daw. Tinanong daw niya, anong pangalan? Sabi, Glady. Tanong pa daw niya, bakit Glady?

Sagot daw ng tatay ko, wala lang, para maiba lang, walang S.

Teka, totoo bang may kinalaman ang pangalan sa ugali at pagkatao ng isang taong nagmamay-ari nito? Hindi ko alam ang logical na sagot dito pero gusto kong sakyan na oo.

Dahil sa unang iyak ko pa lang ata, malamang na tumatawa na rin ako. Glady nga eh. At ang Glady for short eh Glad, tawag sa akin ng mga kaibigan ko, at kung gustong dagdagan ako eh Glads, kapag medyo nang-aasar ay Gladiola, at kung gusto pang lalong mang-asar ay Gladieytor, haha. Sa mga unang taong nakakilala sa akin, kadalasan ay Gladys ang tawag sa akin., iyong iba alam na ngang Glady, eh ginagawa pa talagang Gladys. Eh madalas kong sabihin, singular lang po at hindi plural ang pangalan ko. Nag-iisa lang po ako.

At tunay nga atang nag-iisa lang ako sa mundo. Kung ang pagbabasehan ko ay ang kuwento ng buhay ko mula sa kapanganakan ko hanggang sa huling araw ng kaarawan ko sa taong 2008. Parang tama si father dear, walang S ang pangalan ko, para maiba lang.

Susubukan kong alalahanin ang ilang masasayang sandali ng buhay ko noong bata pa ako. Subok lang naman. Kung may nakalimutan, gawa na lang ako ng part 2. Mabuti na itong naisulat ko na at tumatanda na ako. Bago pa man lang ako magkasakit ng alzheimer’s. Hehe.

May mga naalala ako noong ako’y tatlong taon hanggang pitong taong gulang. Naninirahan kami sa Siniloan Laguna, kung saan ako lumaki at nagkaisip, pero hindi naman ako doon ipinanganak. Tatlong taon ako noon at naalala ko na kung tuksuin ako ng mga kalaro ko ay matang pusa. Kasi ang mata ko raw noong bata ay parang mata ng pusa. Ngayon ata, eh matang baboy na ako. Haha. Naalala ko rin na tukso sa akin ng mga kapatid ko ay palata. Kasi daw lelembot-lembot ako, wala pa sa hinagap nilang tatanda pala akong tigasin. Haha. a.k.a. Palaban daw!!!

Naalala ko ang bahay naming walang hagdan. Kahoy daw kasi ang hagdanan namin at detachable. Eh nakaaway daw ng nanay ko ang bayaw niya (tito Oat ko) kaya ayun inalis ang hagdanan namin. Kapag aakyat kami ay binubuhat kami ng tatay ko at kung paano niya nagagawang umakyat o bumaba na karga kami, iyon ang hindi ko alam. Ayaw na nga kaming pabababain ng bahay noong naiakyat na kami eh. Kung kailan nagbalik o nakabalik ang hagdanan namin, hindi ko na matandaan.

Naalala ko noon si Papot (kapatid kong bunso) nang utusan kong magpatumbling tumbling sa stage ng plaza hanggang sa bumagsak at pumutok ang ulo, ang dahilan, gusto ko lang magpasikat sa mga kalaro namin at the expense of my kapatid na bunso. Siyempre pag-uwi namin, hindi ko sinabi ang totoo.

Naalala ko nang may magbarilan sa plaza at dinala kami ng nanay ko sa kusina, pinadapa kami habang yakap niya kami, sigh, nanay ko siyang talaga. Kinaumagahan, panay tama ng baril ang bahay namin dahil katabing katabi namin ang munisipyo, may isang sundalong namatay, may ilang pulis na namatay at may mga bilanggo pang nadamay. Ang dahilan daw ng barilan, kaunting pagtatalo ng sundalo at ng pulis. Kuwento ng Tita Nessa ko, agaw buhay pa raw ang sundalo at ibinigay sa kanya ang singsing, ipinabibigay sa girlfriend niya. Tapos namatay din.

Naalala ko ang lola ko (nanay ng tatay ko) na nakita ko sa plaza at binigyan ako ng singko. Hindi ko makakalimutan ang alaalang iyon, dahil iyon lang ang natitira kong alaala sa kanya, kasi namatay na rin siya nang mga panahong iyon, singhot. Retarded ang lola ko, sabi nila. Kulang sa pag-iisip, hindi marunong magsalita, pero nanay siya ng limang lalaking pulos pasaway (kabilang ang tatay ko) na iginaod niyang mag-isa sa panahon ng giyera, kuwento sa amin ng tatay ko. Kaya buong pagmamalaki kong sasabihing lola ko siya at hinding hindi ko siya ipagpapalit sa iba. Maski ano pang sabihin sa kanya. Hinding hindi ko rin kalilimutan ang kaisa-isa kong alaala na nakita ko siya habang inaabutan niya ako ng isang malaking singko.

Naalala ko noong ipinasok ko ang ulo ko sa bakod na bakal ng plaza. Katuwiran ko kasi kung maipapasok ko ang ulo ko sa pagitan ng dalawang grills, mailalabas ko rin. Sa edad kong limang taon, hindi ko alam kung saang paaralan ko natutuhan iyon. At tanghaling tapat na eh nakapasok pa rin ang ulo ko, at hindi ko mailabas-labas. Nalaman ng nanay ko dahil sa sumbong ng kapitbahay at agad pinuntahan ako para ipalagare ang grills.

Naalala ko nang habulin ko ang nanay at tatay ko na umiiyak ako. Hindi ko alam kung bakit, basta’t tumatakbo akong ala-Roberta sa kalsada at sumisigaw ng Inaaaayyyyyy!!!! Itayyyyyyyyy!!! Sabay hagulhol ng iyak. Noong umuwi ang nanay at tatay ko, ilang hampas ng ruler sa puwet ang natikman ko.

Naalala ko nang nagpipiknik kami sa palayan sa likod bahay namin. Lumipat na kami sa may BNCAT at wala na kami sa plaza nang mga panahong iyon. May dala akong payong na pula at nagtatakbo ako sa palayan.na mala-Sound of Music ang eksena.

Naalala ko nang nanghuhuli kami ng dalag at hito sa tuwing bumabaha sa palayan at pinalalangoy namin sa timba. Ilang araw naming pinalalangoy bago pa lutuin. Pinasusuka daw ang tawag dun sabi ng tatay ko dahil kumakain daw sila ng putik kaya maglalasa silang putik kung hindi pasusukahin. Ang nakapagtataka, pinasuka na nga’t lahat ang mga dalag at hito, ay kung bakit lasa pa rin silang mga putik! Hehe.

Naalala ko na nanghuhuli ng ibon na pugo ang kuya Naree ko at iniihaw namin iyon. Pati ang kanta niyang Rosemary Blue na kinakanta-kanta ko pa rin magpahanggang ngayon. You tried to wake me in the morning, this was our moment of goodbye… Naks! Senti.

Naalala ko si Titina (Valentina ang tunay niyang pangalan.). Ang alaga naming baboy at iyak kami ng iyak na magkakapatid noong ibinenta na siya. Para ko siyang kapatid. Ngayon ay mas alam ko na kung bakit para ko siyang kapatid. Hehe.

Naalala ko na madalas kaming manood ng sine sa sinehan ng Saldomar ng mga pelikula nina Vilma at Nora. Minsan nga ay may mga singit pang bold na eksena. Takipan ng mga mata pero ang kapatid ko na si Kuya Iboy, nakatakip ang mata pero nakabukas ang dalawang daliri niya. hehe. Naalala ko ang pelikulang Kung Bakit dugo ang Kulay ng Gabi na ang bida ay si Alona Alegre, George Estregan at Celia Rodriguez at talaga namang lagim na lagim ako noon kaya unang pagkakataon kong hindi nakatulog buong magdamag. At sa tuwing may kaluskos, napapatalukbong ako ng kumot.

Naalala ko ang mga sinira kong bag noong nag-aaral ako ng grade one dahil buwan-buwan ay binibili ako ng nanay ko. Hanggang sa isang araw ay umuwi siyang may dalang bag na animo’y yari sa plastic na abaka. Sabi ng nanay ko, hindi mo na masisira iyan. Isang hapon, umuwi akong sira-sira na. Takang taka ang nanay ko kung paano ko iyon nagawang sirain. Nitong mga huling araw ko na lang inamin na araw-araw ko kasing kinakaladkad sa kalsada.

Naalala ko kung magtsinelas ako ay baligtad. Maski anong gawing pagtatama ng nanay ko, baligtad talaga. Hindi ko masyadong napapansin na nadala ko hanggang sa pagtanda. Minsan sabi ng pamangkin kong si Pupu, ay baligtad, parang si Tita. Walang nagkuwento sa kanila, pero napansin nilang hindi ako conscious na magtsinelas nang magkabaglitad. Puwera na lang siyempre kung lalabas ng bahay.

Naalala ko nang makipagluksong baka ako. Mataas ang tatalunin ko, sabi ko kaya ko, sabi ng ate Bingbing ko, huwag. Tumalon pa rin ako. Bumagsak ako at nadaganan ko ang kanang braso ko. Bali. Nakimaw ako. Isang taon kong ininda ang cast, kawayan pa ‘yun. Isang taon akong naging kaliwete. Hehe. Pero medyo kaliwete pa rin ako kung minsan hanggang ngayon. Haha! Kung magsulat.

Naalala ko nang umalis ang nanay ko sa bahay namin para pumunta ng Maynila para magturo. Isang linggo pa lamang ay nag-empake ang tatay ko at isinakay kaming lahat sa mini-bus, biyaheng Maynila. Sabi niya, hindi raw pwedeng magkahiwa-hiwalay kami. Pitong taon ako noon, katatapos lang mag-grade one. Nakasakay kaming anim na magkakapatid, kasama ang tatay ko sa isang mini-bus, palayo, hindi ko alam kung saan kami pupunta. At isa iyon sa pinakamalungkot kong alaala.

Ang mga sumunod na alaala ay mas masalimuot, mas kumplikadong mundo ng Yakal Tundo noong early 80’s. Panahon pa ata nina Boy Pana kung saan nakakakita ako ng saksakan, panaan, barilan at bugbugan. Ang masaya, nakakaaliw na kabataan, mga karanasan ng kalokohan at paglalagalag sa kalye. Ang pagiging musmos na tila walang katapusan.

Maraming kuwento, maraming maraming espasyong kakailanganin sa mga kuwento kong ito. Baka tamang mag-part II o higit pa.

Pero dahil birthday ko, ito lang naman ang gusto ko sa klase ng selebrasyon na mayroon ako nitong huli. Ang minsang maging batang muli ang matatanda, hehe.

Masaya ang birthday celebration ko noong Jan 3 sa bahay namin, sa bahay ko nag-lunch ang buong pamilya ko, nag-online si Nunang, binati ako ng mga kaibigan ko sa text at sa YM. May cake, may candles, may balloons, may mga kaibigan sa party, at may baby boy na cute na nakuha ang balloons ko.

Noong Jan 4 ay celebration ko sa mga kaibigan ko. Tanghali pa lang ay nagpunta na kami ni Les ng Trinoma, sabi ko, mag-scout kami ng resto, magpareserve, at dahil katatapos lang ng holiday, medyo problema ang pagkaing ipapakain ko sa mga invited guest ko. Una, baka hindi pa sila natutunawan, pangalawa, baka handa nila noong Pasko o Bagong Taon ang handa ko ngayon sa birthday ko. Una naming pinuntahan ang Fridays, negative, kasi pasta at pizza ang specialty nila, saka chicken. Sabi ko, mayroon ‘yun noong holiday for sure. Inisa-isa namin ang lahat ng resto sa Trinoma, negative lahat. Dalawa lang ang pagpipilian, Dencio’s o Gerry’s na parehong bar. Sabi ko naman, e di painumin ang matatanda with matching toy balloons, hehe, joke.

Nagpagawa ako ng pitong balloon sa national bookstore, kako ‘yan ang parusa sa mga kakain ng handa sa birthday ko, ang mag-uwi ng balloons. Pito, dahil pito kami, including me. Nagpunta kami ni Les sa Red Ribbon para bumili ng pineapple juice, sakto namang may nagtext sa kanya at kailangan niyang magpaload. Naiwan ako na hawak ko ang pitong lobo. Para akong magbebenta. Isang batang lalaki na cute na cute ang umiiyak, bumibili ng cake ang mommy niya habang kinakantahan siya ng tatay niya ng happy birthday. Nakasakay ang bata sa stroller at talagang walang patid ang pag-iyak niya. Diretso sa pagkanta ‘yun tatay. Sa wakas ay nakuha ng nanay ang cake na binili nila at aktong aalis na sila, dumaan sila sa harapan ko at talaga namang iyak pa rin ng iyak ang bata. Itinuturo ang balloons na hawak ko. Awtomatikong inabot ko sa kanya ang isang balloon na kulay yellow, dapat sana’y akin ang lobo na iyon. Hinding hindi ko makakalimutan ang biglang pagbabago ng ekspresyon ng batang lalaki, ang biglang pagtawa niya habang tumutulo pa ang luha sa mga mata niya. Humagikhik siya na hawak ang balloon. Nagpasalamat ang tatay niya at sabi sa akin, salamat ha? Birthday kasi niya.


Nabawasan ang balloons, anim na lang, pero ang tuwa sa dibdib ko nang araw na iyon ay kakaiba. Hindi nasayang ang pagbili ko ng lobo. Hindi pala totoong nagbata-bataan lang ako.

Masaya ang birthday celebration ko. Kasama ko sina tita Opi, Tita Josie, Tessa, Tita Terry, Jocy at Les. Humabol pa ang guwaping na si Bebong. So what more can I ask? Kita naman sa pix na medyo nabusog kami sa Dencio’s at kita rin sa mga ngiti namin na hindi na kami tatlong itlog lang kundi pito na! haha. They are my friends and I’m very very proud and happy to be one of them!!!

Ang regalo nila sa akin ay kakaiba, cd ng Sherk 1, 2, at 3. Ang saya talaga! Mayroon na ako noong 1 and 2, wala pa ako ng 3. Pero gasgas na gasgas na ang cd ko at talagang panahon na para bumili ng bago, hehe. Kung bakit gusto ko ang Shrek? Saka ko na sasabihin. May tula pa akong ginawa para sa kanya, kay Shrek. Ang pagsulat sa akin ng tula ay minsan lang. Masyadong espesyal sa akin kapag ginawan ko ng tula. At si Sherk ay napakaespesyal sa akin.

Kung ibabalik ko ang alaala ng aking nakaraan, gusto kong i-share ng paulit-ulit sa aking mga kaibigan ang masasayang sandali ng buhay ko kasama man sila o hindi. Dahil alam ko, sa puso ko, nakilala na nila ang totoong ako. And they have accepted me for who I really am. That’s the best gift I’ve ever received.

Tuesday, January 8, 2008

SALAMAT, RENE

Isa si Rene Villanueva sa hindi ko makakalimutan na sikat na personalidad at manunulat sa Pilipinas. Bukod sa kanyang angking galing at talino sa pagsusulat, may ilang mga kuwentong hindi ko malilimutan.


ANG UNA NAMING PAGKIKITA SA PETA
Labing walong taong gulang pa lang ako noon. Neneng nene, ika nga. Unang sabak ko sa mundo kung saan nakasama at naging kaklase ko ang ilang mga aktibista at radikal. Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang PETA noon, kung ano ang dala-dala nilang adhikain o kung anupaman. Basta’t ang alam ko’y nag-aaral ako ng theater acting. Malaking frustration ko ang maging artista (running joke nga hanggang ngayon ‘yan, hahaha!)

Ang dami kong natutuhan sa PETA, magsulat ng dula, mag-direk, at umarte.

Isang critic night ang sumailalim sa mga kamay ni Rene Villanueva at kabilang doon ang isinulat kong dula na may titulong KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG. One act play ito.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na isinalang ako bilang manunulat sa isang workshop. At sa edad na disiotso ay iniharap ako (in person) sa isang Rene Villanueva, at ang unang dulang isinulat ko sa tanang buhay ko.

Ngatog na ngatog pa ako noon. At pagod na pagod sa mga rehearsal. Ilang gabing nagpuyat kami dahil malapit na ang araw ng pagtatanghal. Hindi naman kasi basta nagsulat lang ako, kundi ako rin ang isa sa mga bidang tauhan.

Ang dami-daming sinabi ni Rene. Pakiramdam ko’y nagdidilim na ang paningin ko sa mga sinabi niya. Sa apat na dulang dumaan sa kanya, ako ang pinakahuli. Nasulyapan ko ang isang manunulat na umiiyak, napakaemosyunal dahil sa mga ginawang pangtsutsugi ni Rene. At ako, sa kabila ng pangangatog ko sa harapan niya, may composure pa rin ako sa harapan niya. Pangako ko sa sarili ko, hindi ako iiyak. Bakit ako iiyak? Eh para script lang, iiyakan ko.

Ang dami daming sinabi ni Rene (hindi ko na halos matandaan iyong iba) siguro ay dahil ayokong tanggapin ang mga sinasabi niya noon. Paiyakin ba naman ang mga kasamahan ko. Natural na may negatibong pakiramdam na agad ako sa harapan niya.

Marahil ay likas sa akin na hindi ako basta sumusuko sa isang laban. Natatandaan ko na sa lahat ng manunulat na naroon ay mag-isa akong nagsalita at nagsabi kay Rene ng saloobin.

Ang sabi ko sa kanya, bukas na ito ipapalabas, paano mo mae-expect na mababago pa namin ang mga gusto mong baguhin namin?

Sabi niya, kung kaya n’yo lang naman.

Ang sagot ko, hindi na namin kaya.

Ang daming sumunod na nagsalita pagkatapos ko. Hindi ko na alam kung ano ang ginawa ni Rene dahil tumayo na ako at naglakad, sa aktong tila nag-walk out.

Kinabukasan, nabigla ang buong grupo ko dahil may revision ang script ko. Hindi makapaniwala ang director namin na ang last dry run namin ay tila unang salang na naman dahil sa napakaraming revision ng script. Ayaw baguhin ng director. Ang sabi ko, “kung ayaw mong gawin, ako na ang gagawa ng mga pagbabago.” Nainis ang director at nagwalk out. Hinayaan ko lang siya. Ako ang nag-sub na director. Final dry run namin ay nagre-rehearse kami ng panibagong mga linya. Bago sa akin ang lahat kaya’t gustong gusto ko ang ginawa ko maski hirap na hirap din ako.

Sa gabi ng pagtatanghal sa PETA GARDEN, nakakuha ng iba’t ibang award ang KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG. Nanalo ding best director ang director nito maski nag-walk out sa huling araw ng rehearsal. Hindi ko na kinuha sa kanya ang credit. Siya pa rin ang tumanggap ng award. After all, nanalo naman akong best actress of my own right sa role na “lukaret na lola.” Ahehe.

Ang susi ng aming pagkakapanalo? Hindi pala totoong hindi ako nakinig sa mga sinabi ng isang Rene Villanueva noon.

Totoong na-challenge ako sa kanya-- bilang isang baguhan, uhugin at wala pang direksyon sa buhay. Masasabi kong starting point ko si Rene bilang isang manunulat at kung ano ako bilang manunulat ngayon.


ANG IKALAWANG PAGSASANGA NG LANDAS NAMIN NI RENE
Narinig ko na naman ang pangalang Rene Villanueva na faculty daw ng Filipino department sa UP Diliman. Marami sa mga kaklase ko na natatakot siyang maging teacher dahil sa reputasyon “daw” na ibinabato ang mga script. Wala akong matandaan na ganoon. Hindi naman kasi niya ibinato ang mga script namin sa PETA, kundi tsinugi lang. Hehe. Manunulat na ako noon sa komiks. Marami na akong series at nobelang naisulat. Nakapagsulat na ako ng mahigit isang daang romance novel, nakapagsulat na ako ng mahigit 20 dula na ipinalabas sa iba’t ibang mga paaralan tulad ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, San Sebastian College, Trinity College, etc. Kasalukuyan akong manunulat noon ng 143 ni Vic Sotto at Rosanna Roces, gayundin ng mga Telesine ng GMA at ilang mga drama series dito.

Sabi ko sa sarili ko, bakit ba ako matatakot na maging guro ang isang Rene Villanueva? Nagawa ko nga siyang harapin noon (maski pa nangangatog ako), mas magandang makaharap ko siyang muli. Pakiramdam ko’y marami na akong maisasagot sa mga tanong niya. Pangako ko iyon sa sarili ko.

Nag-enrol ako at siya ang naging guro ko sa pagsulat ng dula.

Ang ibang mga kaklase ko’y nagpalipat ng section.

Ako, nanatili akong nasa section ni Rene. Excited na ako sa first day of class namin sa kabila ng pangangatog ko pa rin. Pero hindi siya pumasok sa unang araw. Nagtaka kaming lahat. Ang iba’y natuwa. Parang nakalaya ng isang araw sa pagkakabilanggo. Ang sumunod na meeting ay tila naging isang great announcement, napalitan ang guro namin. Hindi na si Rene. Tuwang tuwa ang ilan. Maski ako, pakiramdam ko’y parang nabunutan ako ng malaking tinik na nakabaon sa dibdib ko. Hindi pa oras na magkaharap kaming muli ni Rene, sa loob-loob ko.

Pagkatapos ng semester, nawish kong sana’y hindi na lang napalitan ang guro namin. Dahil sa totoo lang, sa pakiramdam ko lang naman ay nag-aksaya ako ng isang semester sa ilalim ng ipinalit na guro dahil walang ginawa sa klase ang malaking “mama” na ito kundi ang manakot ng mga estudyanteng babae, manindak ng mga kapwa lalaki, at magkaroon ng favoritism na “magaganda’t seksing estudyante.” Hehe. Natuwa ako ng mabalitaan ko na hindi na siya nagtuturo noong mga sumunod na semester. Ewan kung ano ang dahilan. Kung dahil ba ayaw na niyang magturo, may mga nagreklamo sa kanya o bagsak siya sa popularity rating. Hehe.

Naalala ko si Rene. Ang laki pala ng nawala sa klase namin dahil hindi siya ang naging guro namin. Ang laki pala ng nawala sa akin.


ANG BATIBOT
Aktibo ako sa pagsusulat ng telebisyon. May isang lumapit sa akin na EP, kung gusto ko raw bang magsulat ng pambatang show. Usong uso iyon noon. Sabi ko, puwede naman siguro. Saan ba? Subukan ko daw makipag-brain storming sa Batibot.

Natigilan ako, sabi ko, sige bah. Pero wala sa loob kong totohanin iyon. Alam ko kasi na naroon si Rene Villanueve bilang head writer. At kung unang pagkakataon kong magsulat ng kuwentong pambata sa telebisyon, hindi ko ba alam kung ano ang magiging kapalaran ko sa mga kamay ni Rene? Parang nakikini-kinita ko na. Hehe. Ang dami kong trabaho noon dahil ilang teleserye ang ginawa ko at may GMA True Stories pa ako. Nagpasya akong mag-focus na lang muna doon.


ANG PAGSUSULAT KO SANA NG DRAMA SA RADYO
Etong si Bebang (Beverly Sy) naisipan kaming isama ni Leslie sa isang opisina ng NGO, kailangan daw ng writer sa radio. Sige, try lang, wala namang masama. Nagmeeting kami, kasama ang ilang mga writer din at miyembro ng NGO. Sabi, si Rene daw ang head writer kaso hindi makakarating. Nagbrainstorm kami at pasado ang mga pitch in at concept ko sa mga ka-meeting namin. Isabmit na lang daw namin ang synopsis proposal para mabasa ni Rene.

Natigilan na naman ako. Hindi dahil sa ayokong makatrabaho si Rene. Kundi sa mga pagkakataon na makakatrabaho ko sana siya pero hindi matuloy-tuloy. Dahil sa mga oras na sinasabi iyon, may nagtext sa akin na approve na ang isang bagong project na sisimulan ko ng gawin at nauna ko iyong commitment. Alam kong hindi ko magagawa ang assignment kong synopsis proposal. Sabi ko kay Les, siya na lang ang gumawa kasi tambak ang mga susunod na trabaho ko. Malaking project ang susunod kong gagawin.

Hindi na ako nakabalik. Alam iyon ni Bebang. Hindi rin ata nakapagsulat si Les.


SI RENE AT ANG PAGKIKITA NAMIN SA SEMINAR
May isang seminar symposium na ginanap sa UP Vargas Museum tungkol sa romance novel. Isa ako sa naimbitahang speaker. May kasama akong dalawa pang speaker pero hindi nakarating si Gilda Olvidado.

Si Rene ang tagapagpadaloy ng symposium. Na-introduce ulit kami sa isa’t isa. Graduate na ako ng UP, nagtuturo ako sa Kalayaan College at nasa unang taon ako ng masteral ko.

Na-impress ako sa galing ni Rene bilang tagapagpadaloy. Naging napakaganda ng talakayan dahil sa naging flow ng kanyang mga pagtatanong.

Nakita ko ang malaking respeto niya sa mga manunulat ng romansang nobela. Biglang bigla, nawala na rin ang pangangatog ko sa tuwing maririnig ko ang pangalan niya. Sa una ring pagkakataon ay nakipagpalitan ako ng cellphone number sa kanya.

Mula noon, paminsan-minsan ay nagpapalitan na kami ng mga text messages.


SI RENE, KAKLASE KO?

Hindi ako makapaniwala na magiging kaklase ko si Rene sa isang subject ko sa masteral degree. Sa ilalim ng gurong si Joey Baquiran. Isang workshop class ito ng mga tula at maikling kuwento.

Ito ang subject kung saan walang preno ang bibig ng mga kaklase ko sa pangtsutsugi ng maski na anong script. Mga walang patumanggang laitan at kontrahan. Sanay na ako sa mga panahong ito. Wala na akong takot makipagbaliktaktakan. Sa totoo lang, isa na ako sa pinakamatapang magbigay ng mga statement. Ang dami ko na “atang” napaiyak sa iba’t ibang mga workshop. Hehe. O nabarag na mga kuwento. Sa tuwing magsasalita na ako, medyo kinikindatan na ako ni Sir Joey na tila nagpapaalalang, o Glady hinay-hinay, baka ma-culture shock ang mga kaklase lalo na iyong mga bagong salta. May kaklase kaming galing ng Ateneo de Manila, medyo lutong luto sa akin. Ang joke ko nga noon, paghihigantihan niya ako kapag ako naman ang nagpunta ng Ateneo. Haha!

Hindi kami nag-usap ni Rene na magkampihan kami. Pero hindi ko alam kung bakit nagkakaayon kami ng mga pananaw sa ilang “trabaho” ng mga kaklase namin. May mga script na “napagtutulungan” naming tsugiin. May mga trabahong pareho naming napupuri.

Panahon na ng paghihiganti, dahil script ko na ang isasalang. Na-publish na ang maikling kuwentong ito sa Diwa Scholastica, sa ilalim ng pamamatnugot ni Dr. Jimmuel Naval. Puwede naman iyon eh. Mas maganda nga daw kung na-publish na para malaman o mapatunayan kung maski mga na-publish na ay may mga maling konsepto pa ring lumulutang.

Ano pa ba ang aasahan ko? Katakot-takot na mga tanong mula sa mga kaklase kong naghihiganti. Hindi pa ako sumasagot. Kasi huli daw akong magsasalita. Isinusulat ko isa-isa ang mga tanong na nakamamatay na kailangan kong sagutin.

Kaso mo, hindi pa man lang ako nakakapagsalita, etong si Rene Villanueva ang aking Knight of Shining Armor. Pati rin itong si Sir Joey, na panay ang singit para sagutin na ang mga tanong sa akin.

Natatawa ako. Kapag pala kasama mo ang isang Rene Villanueva at naniwala siya sa isinulat mo, hindi mo na kailangan ng armas. Siya lang ay sapat na.

Ang ganda ng sinabi ni Rene tungkol sa isinulat ko. Plain ang kwento, walang climax, walang maski na ano, kuwento lang talaga, point of view lang ng central character kaya bias. Diretso. Direkta. Pero eto nga ang bagong inihahain ni Glady. Eto ang estilo niya. Ang binabasag niyang kumbensiyon sa maikling kwento ay ang mismong anyo na nagkakahon sa isang manunulat para eto lang ang sulatin. At ito ang maganda sa kuwento ni Glady. Basta, gusto ko ang kuwento ni Glady. Period.

Sabi sa akin ni Sir Joey, kung may sasabihin pa raw ba ako. Sabi ko wala na. Totoong wala na akong nasabi pa dahil wala ng kailangang sabihin pa. Ang mahalaga sa akin, may isang nakaunawa sa loob ng klaseng iyon kung ano ang ginawa ko sa isinulat ko. Si Rene Villanueva-- na naging instrumento ko noong ako’y nagsisimula pa lamang magsulat para isiping ang revision ang pinakamabisang tools ng isang manunulat. Si Rene Villanueva din ang nagbigay ng inspirasyon sa akin ng mga oras na iyon na magpatuloy sa paghahanap o paglikha ng “bago” sa anumang akdang isusulat ko pa.


ANG PAG-UUSAP NAMIN TUNGKOL SA IBONG ADARNA
Tinext ko si Rene habang patungo kami sa Laguna nina Vicky Nuevas, Leo at Les. May pa-concert kasi kami ng South Border doon. Tinanong ko si Rene kung magkano ang halaga ng isang one act play kung pasusulatin ko siya. May plano kasi ang Star Events noon (kung saan ako ang SP) na mag-produce ng play na Ibong Adarna. Gusto namin na si Rene ang magsulat at ako ang magdi-direct. Hindi ko na kasi kayang sumulat nang mga panahon na iyon dahil fulltime faculty ako ng GCIC (Global City Innovative College) at may hawak pa akong posisyon as Chancellor ng Aeolus House. Bukod pa sa pagiging SP ng Star Events ay busy kami sa concert tour ng South Border. Nagpasya kaming si Rene sana ang pasulatin ng play. Pero nasa stage pa lang kami ng project study, nagback-out ang producer namin.

And sad to say, hindi natuloy ang proyekto. Nanghinayang ako ng malaki dahil pagkakataon ko na sanang makatrabahong muli si Rene.


ANG PALANCA AT SI RENE
Naging judge ako sa Palanca Awards, Maikling Kuwento Category, 2006.

Pero bago mangyari iyon, may entry ako na gusto kong isali sa Kuwentong Pambata Category ng taong iyon. Parang alam ko na kung sino ang makakalaban ko, the likes of Eugene Evasco and Rene Villanueva lang naman. Hehe. Sabi ko sa sarili ko, sana judge si Rene na halos taun-taon ay nanalo sa Palanca. Pakiramdam ko’y wala akong chance manalo kapag kasali si Rene. Pero ang naging judge ay si Eugene Evasco, isa pang multi-awardee na manunulat.

Inimbitahan ako ng Palanca para maging judge. Iminungkahi daw ako ni Prof. Ligaya Tiamson Rubin. Sabi ko sa sarili ko, may choice ako. Sasali ako o magdya-judge ako. Tinanong ko si Dr. Jimmuel Naval, thesis adviser ko, kaibigan at guro na walang sawang nangungumbinse sa akin noon na magsasali sa Palanca (dahil tamad akong magpasa ng entry). Sabi niya, grab the opportunity. Ibang klaseng experience daw kasi. Nagdesisyon akong tanggaping maging judge kaysa sumali. Naalala ko si Rene. May nakapagsabi sa akin na hangga’t maaari daw ay ayaw ni Rene na mag-judge at ang gusto’y sumali ng sumali lang. Ewan kung totoo ito. Ewan din kung bakit.

Makaraang maging judge ako ng Palanca, napatunayan kong tama si Rene. Tama siya kung ang makakamit mo ay ang mga nakamit niyang tagumpay sa Palanca.


ANG HULI NAMING PAGKIKITA NI RENE
Kasama ko si Dr. Ruby Alcantara sa faculty lounge (sa isang coffee table), at nagla-lunch kami. Nakita ko si Rene at nilapitan ko para batiin. Sa tingin ko’y namayat siya kaya’t agad ko siyang kinumusta. Ngumiti agad siya sa akin at sinabi niyang ok lang naman siya. Sandali lang kami nagkuwentuhan at bumalik na ako sa table namin ni Mam Ruby. Narinig ko pa si Mam Ruby na pinagsabihan si Rene na kumakain na naman daw ng matamis. Napangiti pa ako sa sagutan ng dalawa, siyempre daw at masarap kung ano ang bawal.

Iyon na ang pinakahuli.


ANG MAIKLING KUWENTONG ISUSULAT KO PA
Hindi ko alam kung sapat ito sa dami ng natutuhan ko kay Rene, bagama’t baka hindi niya alam na naturuan pala niya ako. Noon ko pa gustong maglagay ng mga maikling kuwento dito sa blog ko kaso’y lagi akong walang oras kaya’t pulos dagli lang ang nailagay ko.

Ang unang maikling kuwento kong isusulat dito, at ito’y mula o hango sa unang dulang isinulat ko… KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG.

At ito’y para sa alaala at inspirasyon ng isang Rene Villanueva.

***


KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG (PART 1)
Kumukuti-kutitap… umiindak-indak… sumusundot-sundot…

Panay lang ang kanta ni Lola Munding habang nagluluto ng kanyang nag-iisang resipe, ang sinampalukang man-ok.

Man-ok talaga, walang kokontra kay Lola Munding kung ayaw mahampas ng siyanseng ipinang-eespada pa niya. Panay ang wasiwas, saka may sundot at mahinang paghampas.

Mahinang hampas ng siyanse sa palayok para lumikha ng tunog bilang beat ng kanyang kanta at kung kailan niya igagalaw ang kanyang balakang sa pag-indak. May tiyempo daw dapat.

Lola. Tawag ni Raffy, ang kanyang kaisa-isang apo na lalaki.

Hmmnn…

Alamusal po.

Kumukulo-kulo… umuusok-usok… Kanta pa ni Lola Munding habang inihahain kay Raffy ang sinampalukang man-ok niya.

Lola, alamusal po.

Alamusal nga iho.

Hindi na kumibo si Raffy. Bakit nga ba hindi pa siya nasanay na ang almusal, tanghalian, at hapunan nila ni Lola Munding ay ang nag-iisa nitong resipe na sinampalukang man-ok. Nakakakain lang siya ng ibang putahe kapag nakikikain siya sa ibang bahay, o kaya’y pinapakain siya ng may-ari ng ulingan na pinagtatrabahuhan niya. Biruan ng ilan nilang kakilala, manok lang daw kasi ang kayang patayin ni Lola Munding. At pasalamat na raw ang lahat, dahil kung kaya daw pumatay ng tao ni Lola Munding, malamang na sinampalukang…

Ayan, humigop ka na ng sab-aw, apo.

Kaisa-isang apo ni Lola Munding si Raffy. Kaisa-isa. Hindi alam iyon ni Raffy, na kaisa-isa siyang apo ni Lola Munding. Dahil buong akala ni Raffy ay napakarami niyang pinsan na nag-aaral sa Maynila. Akala niya’y nasa Maynila ang mga tiyo at tiya niya na may kanya kanyang pamilya. Buong akala niya’y may buhay pa siyang naghihintay sa labas ng baryong kinagisnan niya. Buong paniniwala niya’y may tahanan pang naghihintay sa kanya sa labas ng maliit na kubo ni Lola Munding na gigiray-giray lalo na kung katatapos ang malakas na bagyo.

Sige na lola, magkuwento ka pa.

Ng ano?

Kuwentuhan mo pa ako tungkol sa mga pinsan ko. Kuwentuhan mo pa ako tungkol sa mga anak mo. Kuwentuhan mo pa ako tungkol sa nanay at tatay ko.

Tuloy lang sa pananahi sa kanyang lumang makina si lola Munding ng punda ng unan. Iyon ang pinagkakakitaan niya sa loob ng mahabang panahon.

O, e, ano pa ang kukuwento ko? Lahat ata nakuwento ko na.

Lahat nga. Pero di mo pa nasasabi kung bakit.

Bakit? Umangat ang mukha ni Lola Munding, sinulyapan si Raffy na noon ay nakatalungko sa isang mahabang silya. Seryoso ang mukha.

Bakit tayo lang ang andito sa baryo? Bakit nasa Maynila silang lahat? Anong ginagawa nila sa Maynila, Lola?

E, wala.

Lola, anong wala?

E, basta’t nasa Maynila sila. Iyon lang ang alam ko.

Hindi ba natin sila pwedeng puntahan, Lola?

E, hindi ko alam. Wala tayong pamasahe.

Lola, may naipon na ako. Inilabas ni Raffy ang nakabilot na pera mula sa isang telang hiningi niya sa panederiya. Doon itinatago ni Raffy ang kinita niyang pera mula sa pag-uuling.

Ayan Lola, marami na tayong pera. May pamasahe na tayo pangluwas ng Maynila. Puntahan na natin sila.

O sige, hayaan mo’t luluwas din tayo. Diretso si Lola Munding sa pagtipa ng paa niya sa makina.

Talaga lola? Namilog ang mga mata ni Raffy, iyong bilog ng matang hinding hindi inaasahan ni Lola Munding na makikita niya. Pakiwari ni Lola Munding ay aatakihin siya ng Alzheimer’s dahil sa bilog ng mga mata ni Raffy. Biglang bigla, gusto niyang magkasakit ng ganitong sakit. Iyong makakalimutan niya ang lahat. Iyong hindi na niya maaalala ang anumang ikinuwento niya kay Raffy. Iyong maabuswelto siya sa kasalanan niya sa musmos na isipan ng binatilyong kinuwentuhan niya ng kung anu-ano. Naghabi siya ng kuwento na parang gagamba na naghahabi ng bahay nito. At dahil mananahi siya, nagtahi siya ng kuwento para kay Raffy. Ewan niya kung bakit. Gusto niyang batukan ng paulit-ulit ang sarili. Bakit ba niya pinagpraktisan si Raffy sa kanyang mga kuwento sa loob ng labing pitong taon?

At ngayong may sapat ng isip si Raffy, paano niya haharapin si Raffy para amining…

Alam mo, apo ko… imbento lang ang lahat…

Alam mo, apo ko… napulot lang kita sa tae ng kalabaw!!!

Ngayon pinagsisisihan ni Lola Munding ang ginawa. Paano niyang babawiin sa asang asang si Raffy na hindi totoo ang lahat ng kuwento niya dito? Paano niya sasabihin ang katotohanang napulot lang niya ito sa umpok na tae ng kalabaw? Hindi iyon patawa lang, sa isip isip ni Lola Munding. Totoo talagang napulot niya si Raffy doon. Pero ang katotohanang iyon ay kailangan niyang pasinungalinan na. Dahil sa mga mata ni Raffy, sa mga bilog na mata ni Raffy, kitang kita niya ang pag-asa, ang paniniwala, ang pangarap, ang buhay na pinapangarap, at ang buo nitong kaluluwa.


may part 2.