THE BULATE WORKSHOPPER
Sa Bulatete Community, nagkoon ng writing workshop. Pitong bulate ang tumugon at naging participant. Nagpalitan sila ng mga ideya at kuro-kuro.
May isang nagtanong, ano ang ibig sabihin o kahulugan at esensiya ng pagiging isang manunulat? May isang sumagot, basta nakapagsulat at may nasabing maganda, puwede na siyang tawaging manunulat. May isa pang sumagot, basta’t may nagbabasa ng kanyang isinusulat, manunulat na siya. May isa pang sumagot, kapag nanalo na ang akda o nabigyan ng award. May isa pang sumagot, kapag kumikita ng pera sa mga isinusulat niya. May isa pang sumagot, kapag naging boses siya ng masa at sangkot sa usaping panlipunan ang akda niya. May isa pang sumagot, kapag natsugi na siya sa workshop na ito at napaiyak na siya!
Pangalawang katanungan, paano ba bumuo ng kuwento? Eto ang mga sagot: 1) Hindi ko alam kung paano pero alam kong makakabuo ako kapag nakita ko ang inspirasyon ko. 2) Basta’t kung ano lang ang gusto kong sulatin ay isinusulat ko. 3) Basta’t eto ang kuwento ko. 4) Inaalam ko muna kung anong genre ang gusto kong sulatin. 5) Teka, ano ba ang genre?
Ikatlong katanungan, paano ba kayo natutong magsulat? 1) Ako, ginaya ko ang naunang naisulat na, pinakamadali kasi iyon. 2) Nagworkshop ng nagworkshop. 3) Experience is the best teacher, kaya ang isinusulat ko ay panay sex education. 4) Sabi ng teacher ko, ang pagsusulat daw ay mata at kaluluwa. Kaya ang isinulat ko, dinukot ang mata kaya naging kaluluwa. Horror!!!
Ikaapat na katanungan, teka sabay-sabayin na natin, ano ang kahulugan ng genre, premise, banghay, conflict, sub-conflict, major conflict, planting, balance, disturbance, complication, climax, crisis, etc. 1) Dami naman, ewan ko. 2) Ah genre, madali lang ‘yan, kategorisasyon ng mga teksto. 3) Teka, ano nga ang teksto? Ah teksto, ito iyong nasusulat. 4) Nasusulat? Bakit sabi ng titser ko, ang teksto din daw ang picture ko at saka ang mga billboard sa Edsa. 5) Ganun ba? Ngayon ko lang nalaman ‘yan ah. Teksto din pala ako?
Ikalimang katanungan, paano ba ginagamit ang mga ito bilang tools sa pagbuo ng kuwento? 1) alin, premise? Teka, paano nga ba gamitin iyon? 2) What if, only to find out lang ‘yan ‘no? Halimbawa, what if may isang babaeng problemado sa kanyang napakalaking paa kaya hindi siya maligawan, walang magkasyang sapatos sa kanya kaya talagang malaking malaki ang problema niya. Only to find out? ang problema pala niya ay hindi lang ang kanyang paa, kundi pati mukha. Bakit? Kasi mukha rin siyang paa! Ay ang ganda! Develop natin, tapos may isang nagkagusto sa kanya, pinagawan siya ng sapatos, pero korteng mukha, ah alam ko na, kasi napagkamalang paa nga ang mukha niya. Oy, ano ba naman kayo? Diskriminasyon na ‘yan ha? Bakit naman diskriminasyon? Hindi naman pinag-uusapan dito kung mayaman o mahirap. Love story nga ito. Pangit na love story. Parang mas magandang gawing kuwentong pambata! Ah tama, ang title, ANG BATANG MUKHANG PAA!
Ikaanim na katanungan, nasaan ang disturbance ng kuwento? 1)Basahin nyo na lang ang ang kuwento ko. Naroon. 2) Eh nasaan nga? Nagkamot ng ulo ang tinanong, basta lang ang sagot. 3) May isa pang nagtanong, paano mo naisip na ilagay iyon. At ang sagot, eh ganoon talaga ang kuwento ko eh. Kung paano, ewan ko. Paki mo. 4) Teka, huwag kayong mag-away, ano nga ba ang disturbance? Eto ba iyong istorbo?
Ikapitong katanungan, kailangan bang alam ko ang ibig sabihin ng genre bago ako tawaging manunulat? 1) Hindi ‘no. Paano kung hindi ko alam pero magaling naman ako at na-publish ang mga gawa ko? 2) Oo nga, hindi ba’t ang mahalaga sa pagiging manunulat ay ang ma-publish ang gawa niya? O, siya, di huwag na nating alamin ang ibig sabihin ng genre. Basta’t magsulat na lang tayo ng magsulat!
Natapos ang workshop ng PITONG BULATE na nangangarap na maging manunulat at naghiwa-hiwalay na silang gumapang sa mundo para palaganapin ang kanilang mga akda.
Ang unang bulate ay hindi nagkasya sa kanyang natutuhan sa workshop kaya’t nag-aral pa siya ng nag-aral. Ang ikalawang bulate ay sumali sa mga contest at nangarap na makakuha ng award. Ang ikatlong bulate ay gumawa ng bulateblogspot para maging hobby ang pagsusulat. Ang ikaapat na bulate ay nagsulat at nagpa-publish ng mga akdang isinulat. Ang ikalimang bulate ay nagsulat lang ng nagsulat kahit walang tumatanggap. Ang ikaanim na bulate ay namundok at sinimulang sumulat ng kasaysayan sa matulaing kabundukan ng mga Bulatete, at ang huling bulate ay hindi na nagsulat pa kaylanman matapos niyang matuklasan na ang pagsusulat para sa isang bulate ay isang malaking kalokohan.
Paano nga ba masasabing isa akong manunulat?
Sa iba’y madali lamang itong sabihin. Sa iba’y nakapagsulat lang ng isang kuwento, ang tawag sa sarili’y manunulat na. Sa iba’y napakarami na nilang kuwentong naisulat at nai-publish, at ang tawag na nila sa sarili’y manunulat. Sa iba’y hobby lang o libangan ito, pero ang tawag pa rin nila sa sarili’y manunulat. Sa iba’y propesyon ito, sa iba’y bokasyon. Sa iba’y walang kuwentang propesyon. Sa iba’y kahanga-hangang bokasyon. Depende kung sino ang nagsasalita. Depende kung anong oryentasyon ng isang tao.
Anuman ang oryentasyon ng bawat indibiduwal na nagnanais maging manunulat, may mga batayang pag-aaral na kailangan pa rin niyang pag-aralan. Hobby man ito, propesyon, bokasyon, etc. Kung baga sa subject, may mga terminolohiyang dapat ay alam ng isang mag-aaral para maunawaan ang konteksto ng pinag-uusapan.
Kung paanong mahalagang malaman natin ang 1+1 noong elementarya tayo, kung paanong mahalagang alam natin na ang kasunod ng A ay B, kung paanong dapat ay ginagawa natin ang pagsisipilyo ng ngipin at paghihimalos sa umaga, kung paanong alam natin na ang pagkalam ng sikmura ay nangangahulugan ng gutom, kung paanong dapat alam natin na ang halaga ng bawat text messages, kung paanong alam natin na kapag may narinig tayong sumisigaw ng balot ay may nagtitinda ng balot at hindi nagtitinda ng taho, kung paanong alam natin na gusto nating maging manunulat, dapat ay alam natin ang mga batayang pag-aaral na mayroon ito at alam natin ang kahulugan ng salitang genre, kung saan at paano ginagamit ito, at ang pagkakaiba-iba ng mga elementong nakapaloob dito.
Kadalasan, ang kahinaan ng isang tao na ibig maging manunulat ay ang kaayawang pag-aralan ito at ayaw na niyang malaman kung bakit si Juan ay umibig kay Maria at si Maria ay umibig kay Pedro at si Pedro ay umibig kay Juana at si Juana ay umibig kay Maria, etc… etc… Hindi na mahalaga sa kanila kung ano ang pagkakaiba ng drama sa komedi at ng komedi sa love story at love story sa action at action sa horror at horror sa fantasy at fantasy sa tunay na buhay.
Maski halo-halong konsepto ay ok na. After all, ang tawag d’yan ay deconstruction. Kapag lumabas ka sa pamantayan, deconstruction na. Pero alam ba kung ano ang pinagmulang kumbensiyon? Bakit nga ba tinatawag na kumbensiyon?
Iyon ang mahalagang matutuhan muna. Aralin muna ang mga pamantayan, ang basic, ang standard, ang kumbensiyon—- saka na tayo tumalon sa deconstruction. Kung paanong sa pag-aaral, tinatapos muna ang preschool bago mag-elementarya, bago mag-high school, hanggang college, at post graduate studies.
Kaya madalas mapagkamalang madali lang ang maging manunulat.
Wednesday, January 23, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
Glady:
Kailangang magsipagsulat na agad ang mga bulateng nabanggit. Mangyari, ang lifespan ng isang bulate ay 10 years lamang, at iyan ay kung hindi ka napiko ng farmer na inihahanda ang lupang pagtataniman.
Ngayon, kung ang mga bulating ito ay magsulat na at maupo sa harap ng computer at walang pumasok sa kukote kung ano ang susulatin, puwes, may paraan para buksan ang bintana ng kanilang mga utak. Piliin ang subject na gustong i-develop, tapos, siguraduhing gamitin ang CLUSTERING. Di ba, bigla silang magigising at sasabihing... ay, oo nga pala, ano? Maganda nga palang pangontra ito sa writers block.
Kaya mga bulate, mag-isip-isip kayo kung talagang pagsusulat nga ang inyong bokasyon. Hindi po ito kasing dali ng pagsubo ng WHITE RICE!
Ay, nakup... did I say white rice? No, no, no, no. Masama sa katawan ng mga aspiring writers na bulate ang puting bigas. Kung gusto ninyong maging malinaw ang inyong isipan at makapagsulat kayo ng inyong mga obra maestra, puwes, BROWN RICE na lang ang kakainin ninyo mula ngayon. Babawasan din ninyo ang karne sa inyong diet. Damihan ang gulay at prutas, mga whole grains at tiyaking sagana sa pag-inom ng tubig sa araw-araw. Tubig po ang magbibigay sa inyong mukha ng RADIANCE, hindi PAPAYA SOAP! Baka mamaya i-demanda pa kayo diyan ni MELANIE MARQUEZ, kayo rin. Ayaw nyo bang... bongga na ang panulat ninyo, maaliwalas pa ang hilatsa ng pagmumukha ninyo?
O, di ba?
Hello Jm,
Oo nga pala, dahil nabanggit mo na ang salitang writer's block eh baka maaaring humingi sa iyo ng tip at mga teknik ang mga bulateng ito kung ano ang mabisang pangontra. Siyempre ngayon ay alam na nilang kailangan nilang kumain ng brown rice at uminom ng balde baldeng tubig!
Kailangan na nga pala nilang magmadali sa pagsusulat dahil sandali lang silang gagapang sa mundong ibabaw, hehe.
Thanks a lot!
Post a Comment