Tuesday, January 8, 2008

SALAMAT, RENE

Isa si Rene Villanueva sa hindi ko makakalimutan na sikat na personalidad at manunulat sa Pilipinas. Bukod sa kanyang angking galing at talino sa pagsusulat, may ilang mga kuwentong hindi ko malilimutan.


ANG UNA NAMING PAGKIKITA SA PETA
Labing walong taong gulang pa lang ako noon. Neneng nene, ika nga. Unang sabak ko sa mundo kung saan nakasama at naging kaklase ko ang ilang mga aktibista at radikal. Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang PETA noon, kung ano ang dala-dala nilang adhikain o kung anupaman. Basta’t ang alam ko’y nag-aaral ako ng theater acting. Malaking frustration ko ang maging artista (running joke nga hanggang ngayon ‘yan, hahaha!)

Ang dami kong natutuhan sa PETA, magsulat ng dula, mag-direk, at umarte.

Isang critic night ang sumailalim sa mga kamay ni Rene Villanueva at kabilang doon ang isinulat kong dula na may titulong KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG. One act play ito.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na isinalang ako bilang manunulat sa isang workshop. At sa edad na disiotso ay iniharap ako (in person) sa isang Rene Villanueva, at ang unang dulang isinulat ko sa tanang buhay ko.

Ngatog na ngatog pa ako noon. At pagod na pagod sa mga rehearsal. Ilang gabing nagpuyat kami dahil malapit na ang araw ng pagtatanghal. Hindi naman kasi basta nagsulat lang ako, kundi ako rin ang isa sa mga bidang tauhan.

Ang dami-daming sinabi ni Rene. Pakiramdam ko’y nagdidilim na ang paningin ko sa mga sinabi niya. Sa apat na dulang dumaan sa kanya, ako ang pinakahuli. Nasulyapan ko ang isang manunulat na umiiyak, napakaemosyunal dahil sa mga ginawang pangtsutsugi ni Rene. At ako, sa kabila ng pangangatog ko sa harapan niya, may composure pa rin ako sa harapan niya. Pangako ko sa sarili ko, hindi ako iiyak. Bakit ako iiyak? Eh para script lang, iiyakan ko.

Ang dami daming sinabi ni Rene (hindi ko na halos matandaan iyong iba) siguro ay dahil ayokong tanggapin ang mga sinasabi niya noon. Paiyakin ba naman ang mga kasamahan ko. Natural na may negatibong pakiramdam na agad ako sa harapan niya.

Marahil ay likas sa akin na hindi ako basta sumusuko sa isang laban. Natatandaan ko na sa lahat ng manunulat na naroon ay mag-isa akong nagsalita at nagsabi kay Rene ng saloobin.

Ang sabi ko sa kanya, bukas na ito ipapalabas, paano mo mae-expect na mababago pa namin ang mga gusto mong baguhin namin?

Sabi niya, kung kaya n’yo lang naman.

Ang sagot ko, hindi na namin kaya.

Ang daming sumunod na nagsalita pagkatapos ko. Hindi ko na alam kung ano ang ginawa ni Rene dahil tumayo na ako at naglakad, sa aktong tila nag-walk out.

Kinabukasan, nabigla ang buong grupo ko dahil may revision ang script ko. Hindi makapaniwala ang director namin na ang last dry run namin ay tila unang salang na naman dahil sa napakaraming revision ng script. Ayaw baguhin ng director. Ang sabi ko, “kung ayaw mong gawin, ako na ang gagawa ng mga pagbabago.” Nainis ang director at nagwalk out. Hinayaan ko lang siya. Ako ang nag-sub na director. Final dry run namin ay nagre-rehearse kami ng panibagong mga linya. Bago sa akin ang lahat kaya’t gustong gusto ko ang ginawa ko maski hirap na hirap din ako.

Sa gabi ng pagtatanghal sa PETA GARDEN, nakakuha ng iba’t ibang award ang KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG. Nanalo ding best director ang director nito maski nag-walk out sa huling araw ng rehearsal. Hindi ko na kinuha sa kanya ang credit. Siya pa rin ang tumanggap ng award. After all, nanalo naman akong best actress of my own right sa role na “lukaret na lola.” Ahehe.

Ang susi ng aming pagkakapanalo? Hindi pala totoong hindi ako nakinig sa mga sinabi ng isang Rene Villanueva noon.

Totoong na-challenge ako sa kanya-- bilang isang baguhan, uhugin at wala pang direksyon sa buhay. Masasabi kong starting point ko si Rene bilang isang manunulat at kung ano ako bilang manunulat ngayon.


ANG IKALAWANG PAGSASANGA NG LANDAS NAMIN NI RENE
Narinig ko na naman ang pangalang Rene Villanueva na faculty daw ng Filipino department sa UP Diliman. Marami sa mga kaklase ko na natatakot siyang maging teacher dahil sa reputasyon “daw” na ibinabato ang mga script. Wala akong matandaan na ganoon. Hindi naman kasi niya ibinato ang mga script namin sa PETA, kundi tsinugi lang. Hehe. Manunulat na ako noon sa komiks. Marami na akong series at nobelang naisulat. Nakapagsulat na ako ng mahigit isang daang romance novel, nakapagsulat na ako ng mahigit 20 dula na ipinalabas sa iba’t ibang mga paaralan tulad ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, San Sebastian College, Trinity College, etc. Kasalukuyan akong manunulat noon ng 143 ni Vic Sotto at Rosanna Roces, gayundin ng mga Telesine ng GMA at ilang mga drama series dito.

Sabi ko sa sarili ko, bakit ba ako matatakot na maging guro ang isang Rene Villanueva? Nagawa ko nga siyang harapin noon (maski pa nangangatog ako), mas magandang makaharap ko siyang muli. Pakiramdam ko’y marami na akong maisasagot sa mga tanong niya. Pangako ko iyon sa sarili ko.

Nag-enrol ako at siya ang naging guro ko sa pagsulat ng dula.

Ang ibang mga kaklase ko’y nagpalipat ng section.

Ako, nanatili akong nasa section ni Rene. Excited na ako sa first day of class namin sa kabila ng pangangatog ko pa rin. Pero hindi siya pumasok sa unang araw. Nagtaka kaming lahat. Ang iba’y natuwa. Parang nakalaya ng isang araw sa pagkakabilanggo. Ang sumunod na meeting ay tila naging isang great announcement, napalitan ang guro namin. Hindi na si Rene. Tuwang tuwa ang ilan. Maski ako, pakiramdam ko’y parang nabunutan ako ng malaking tinik na nakabaon sa dibdib ko. Hindi pa oras na magkaharap kaming muli ni Rene, sa loob-loob ko.

Pagkatapos ng semester, nawish kong sana’y hindi na lang napalitan ang guro namin. Dahil sa totoo lang, sa pakiramdam ko lang naman ay nag-aksaya ako ng isang semester sa ilalim ng ipinalit na guro dahil walang ginawa sa klase ang malaking “mama” na ito kundi ang manakot ng mga estudyanteng babae, manindak ng mga kapwa lalaki, at magkaroon ng favoritism na “magaganda’t seksing estudyante.” Hehe. Natuwa ako ng mabalitaan ko na hindi na siya nagtuturo noong mga sumunod na semester. Ewan kung ano ang dahilan. Kung dahil ba ayaw na niyang magturo, may mga nagreklamo sa kanya o bagsak siya sa popularity rating. Hehe.

Naalala ko si Rene. Ang laki pala ng nawala sa klase namin dahil hindi siya ang naging guro namin. Ang laki pala ng nawala sa akin.


ANG BATIBOT
Aktibo ako sa pagsusulat ng telebisyon. May isang lumapit sa akin na EP, kung gusto ko raw bang magsulat ng pambatang show. Usong uso iyon noon. Sabi ko, puwede naman siguro. Saan ba? Subukan ko daw makipag-brain storming sa Batibot.

Natigilan ako, sabi ko, sige bah. Pero wala sa loob kong totohanin iyon. Alam ko kasi na naroon si Rene Villanueve bilang head writer. At kung unang pagkakataon kong magsulat ng kuwentong pambata sa telebisyon, hindi ko ba alam kung ano ang magiging kapalaran ko sa mga kamay ni Rene? Parang nakikini-kinita ko na. Hehe. Ang dami kong trabaho noon dahil ilang teleserye ang ginawa ko at may GMA True Stories pa ako. Nagpasya akong mag-focus na lang muna doon.


ANG PAGSUSULAT KO SANA NG DRAMA SA RADYO
Etong si Bebang (Beverly Sy) naisipan kaming isama ni Leslie sa isang opisina ng NGO, kailangan daw ng writer sa radio. Sige, try lang, wala namang masama. Nagmeeting kami, kasama ang ilang mga writer din at miyembro ng NGO. Sabi, si Rene daw ang head writer kaso hindi makakarating. Nagbrainstorm kami at pasado ang mga pitch in at concept ko sa mga ka-meeting namin. Isabmit na lang daw namin ang synopsis proposal para mabasa ni Rene.

Natigilan na naman ako. Hindi dahil sa ayokong makatrabaho si Rene. Kundi sa mga pagkakataon na makakatrabaho ko sana siya pero hindi matuloy-tuloy. Dahil sa mga oras na sinasabi iyon, may nagtext sa akin na approve na ang isang bagong project na sisimulan ko ng gawin at nauna ko iyong commitment. Alam kong hindi ko magagawa ang assignment kong synopsis proposal. Sabi ko kay Les, siya na lang ang gumawa kasi tambak ang mga susunod na trabaho ko. Malaking project ang susunod kong gagawin.

Hindi na ako nakabalik. Alam iyon ni Bebang. Hindi rin ata nakapagsulat si Les.


SI RENE AT ANG PAGKIKITA NAMIN SA SEMINAR
May isang seminar symposium na ginanap sa UP Vargas Museum tungkol sa romance novel. Isa ako sa naimbitahang speaker. May kasama akong dalawa pang speaker pero hindi nakarating si Gilda Olvidado.

Si Rene ang tagapagpadaloy ng symposium. Na-introduce ulit kami sa isa’t isa. Graduate na ako ng UP, nagtuturo ako sa Kalayaan College at nasa unang taon ako ng masteral ko.

Na-impress ako sa galing ni Rene bilang tagapagpadaloy. Naging napakaganda ng talakayan dahil sa naging flow ng kanyang mga pagtatanong.

Nakita ko ang malaking respeto niya sa mga manunulat ng romansang nobela. Biglang bigla, nawala na rin ang pangangatog ko sa tuwing maririnig ko ang pangalan niya. Sa una ring pagkakataon ay nakipagpalitan ako ng cellphone number sa kanya.

Mula noon, paminsan-minsan ay nagpapalitan na kami ng mga text messages.


SI RENE, KAKLASE KO?

Hindi ako makapaniwala na magiging kaklase ko si Rene sa isang subject ko sa masteral degree. Sa ilalim ng gurong si Joey Baquiran. Isang workshop class ito ng mga tula at maikling kuwento.

Ito ang subject kung saan walang preno ang bibig ng mga kaklase ko sa pangtsutsugi ng maski na anong script. Mga walang patumanggang laitan at kontrahan. Sanay na ako sa mga panahong ito. Wala na akong takot makipagbaliktaktakan. Sa totoo lang, isa na ako sa pinakamatapang magbigay ng mga statement. Ang dami ko na “atang” napaiyak sa iba’t ibang mga workshop. Hehe. O nabarag na mga kuwento. Sa tuwing magsasalita na ako, medyo kinikindatan na ako ni Sir Joey na tila nagpapaalalang, o Glady hinay-hinay, baka ma-culture shock ang mga kaklase lalo na iyong mga bagong salta. May kaklase kaming galing ng Ateneo de Manila, medyo lutong luto sa akin. Ang joke ko nga noon, paghihigantihan niya ako kapag ako naman ang nagpunta ng Ateneo. Haha!

Hindi kami nag-usap ni Rene na magkampihan kami. Pero hindi ko alam kung bakit nagkakaayon kami ng mga pananaw sa ilang “trabaho” ng mga kaklase namin. May mga script na “napagtutulungan” naming tsugiin. May mga trabahong pareho naming napupuri.

Panahon na ng paghihiganti, dahil script ko na ang isasalang. Na-publish na ang maikling kuwentong ito sa Diwa Scholastica, sa ilalim ng pamamatnugot ni Dr. Jimmuel Naval. Puwede naman iyon eh. Mas maganda nga daw kung na-publish na para malaman o mapatunayan kung maski mga na-publish na ay may mga maling konsepto pa ring lumulutang.

Ano pa ba ang aasahan ko? Katakot-takot na mga tanong mula sa mga kaklase kong naghihiganti. Hindi pa ako sumasagot. Kasi huli daw akong magsasalita. Isinusulat ko isa-isa ang mga tanong na nakamamatay na kailangan kong sagutin.

Kaso mo, hindi pa man lang ako nakakapagsalita, etong si Rene Villanueva ang aking Knight of Shining Armor. Pati rin itong si Sir Joey, na panay ang singit para sagutin na ang mga tanong sa akin.

Natatawa ako. Kapag pala kasama mo ang isang Rene Villanueva at naniwala siya sa isinulat mo, hindi mo na kailangan ng armas. Siya lang ay sapat na.

Ang ganda ng sinabi ni Rene tungkol sa isinulat ko. Plain ang kwento, walang climax, walang maski na ano, kuwento lang talaga, point of view lang ng central character kaya bias. Diretso. Direkta. Pero eto nga ang bagong inihahain ni Glady. Eto ang estilo niya. Ang binabasag niyang kumbensiyon sa maikling kwento ay ang mismong anyo na nagkakahon sa isang manunulat para eto lang ang sulatin. At ito ang maganda sa kuwento ni Glady. Basta, gusto ko ang kuwento ni Glady. Period.

Sabi sa akin ni Sir Joey, kung may sasabihin pa raw ba ako. Sabi ko wala na. Totoong wala na akong nasabi pa dahil wala ng kailangang sabihin pa. Ang mahalaga sa akin, may isang nakaunawa sa loob ng klaseng iyon kung ano ang ginawa ko sa isinulat ko. Si Rene Villanueva-- na naging instrumento ko noong ako’y nagsisimula pa lamang magsulat para isiping ang revision ang pinakamabisang tools ng isang manunulat. Si Rene Villanueva din ang nagbigay ng inspirasyon sa akin ng mga oras na iyon na magpatuloy sa paghahanap o paglikha ng “bago” sa anumang akdang isusulat ko pa.


ANG PAG-UUSAP NAMIN TUNGKOL SA IBONG ADARNA
Tinext ko si Rene habang patungo kami sa Laguna nina Vicky Nuevas, Leo at Les. May pa-concert kasi kami ng South Border doon. Tinanong ko si Rene kung magkano ang halaga ng isang one act play kung pasusulatin ko siya. May plano kasi ang Star Events noon (kung saan ako ang SP) na mag-produce ng play na Ibong Adarna. Gusto namin na si Rene ang magsulat at ako ang magdi-direct. Hindi ko na kasi kayang sumulat nang mga panahon na iyon dahil fulltime faculty ako ng GCIC (Global City Innovative College) at may hawak pa akong posisyon as Chancellor ng Aeolus House. Bukod pa sa pagiging SP ng Star Events ay busy kami sa concert tour ng South Border. Nagpasya kaming si Rene sana ang pasulatin ng play. Pero nasa stage pa lang kami ng project study, nagback-out ang producer namin.

And sad to say, hindi natuloy ang proyekto. Nanghinayang ako ng malaki dahil pagkakataon ko na sanang makatrabahong muli si Rene.


ANG PALANCA AT SI RENE
Naging judge ako sa Palanca Awards, Maikling Kuwento Category, 2006.

Pero bago mangyari iyon, may entry ako na gusto kong isali sa Kuwentong Pambata Category ng taong iyon. Parang alam ko na kung sino ang makakalaban ko, the likes of Eugene Evasco and Rene Villanueva lang naman. Hehe. Sabi ko sa sarili ko, sana judge si Rene na halos taun-taon ay nanalo sa Palanca. Pakiramdam ko’y wala akong chance manalo kapag kasali si Rene. Pero ang naging judge ay si Eugene Evasco, isa pang multi-awardee na manunulat.

Inimbitahan ako ng Palanca para maging judge. Iminungkahi daw ako ni Prof. Ligaya Tiamson Rubin. Sabi ko sa sarili ko, may choice ako. Sasali ako o magdya-judge ako. Tinanong ko si Dr. Jimmuel Naval, thesis adviser ko, kaibigan at guro na walang sawang nangungumbinse sa akin noon na magsasali sa Palanca (dahil tamad akong magpasa ng entry). Sabi niya, grab the opportunity. Ibang klaseng experience daw kasi. Nagdesisyon akong tanggaping maging judge kaysa sumali. Naalala ko si Rene. May nakapagsabi sa akin na hangga’t maaari daw ay ayaw ni Rene na mag-judge at ang gusto’y sumali ng sumali lang. Ewan kung totoo ito. Ewan din kung bakit.

Makaraang maging judge ako ng Palanca, napatunayan kong tama si Rene. Tama siya kung ang makakamit mo ay ang mga nakamit niyang tagumpay sa Palanca.


ANG HULI NAMING PAGKIKITA NI RENE
Kasama ko si Dr. Ruby Alcantara sa faculty lounge (sa isang coffee table), at nagla-lunch kami. Nakita ko si Rene at nilapitan ko para batiin. Sa tingin ko’y namayat siya kaya’t agad ko siyang kinumusta. Ngumiti agad siya sa akin at sinabi niyang ok lang naman siya. Sandali lang kami nagkuwentuhan at bumalik na ako sa table namin ni Mam Ruby. Narinig ko pa si Mam Ruby na pinagsabihan si Rene na kumakain na naman daw ng matamis. Napangiti pa ako sa sagutan ng dalawa, siyempre daw at masarap kung ano ang bawal.

Iyon na ang pinakahuli.


ANG MAIKLING KUWENTONG ISUSULAT KO PA
Hindi ko alam kung sapat ito sa dami ng natutuhan ko kay Rene, bagama’t baka hindi niya alam na naturuan pala niya ako. Noon ko pa gustong maglagay ng mga maikling kuwento dito sa blog ko kaso’y lagi akong walang oras kaya’t pulos dagli lang ang nailagay ko.

Ang unang maikling kuwento kong isusulat dito, at ito’y mula o hango sa unang dulang isinulat ko… KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG.

At ito’y para sa alaala at inspirasyon ng isang Rene Villanueva.

***


KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG (PART 1)
Kumukuti-kutitap… umiindak-indak… sumusundot-sundot…

Panay lang ang kanta ni Lola Munding habang nagluluto ng kanyang nag-iisang resipe, ang sinampalukang man-ok.

Man-ok talaga, walang kokontra kay Lola Munding kung ayaw mahampas ng siyanseng ipinang-eespada pa niya. Panay ang wasiwas, saka may sundot at mahinang paghampas.

Mahinang hampas ng siyanse sa palayok para lumikha ng tunog bilang beat ng kanyang kanta at kung kailan niya igagalaw ang kanyang balakang sa pag-indak. May tiyempo daw dapat.

Lola. Tawag ni Raffy, ang kanyang kaisa-isang apo na lalaki.

Hmmnn…

Alamusal po.

Kumukulo-kulo… umuusok-usok… Kanta pa ni Lola Munding habang inihahain kay Raffy ang sinampalukang man-ok niya.

Lola, alamusal po.

Alamusal nga iho.

Hindi na kumibo si Raffy. Bakit nga ba hindi pa siya nasanay na ang almusal, tanghalian, at hapunan nila ni Lola Munding ay ang nag-iisa nitong resipe na sinampalukang man-ok. Nakakakain lang siya ng ibang putahe kapag nakikikain siya sa ibang bahay, o kaya’y pinapakain siya ng may-ari ng ulingan na pinagtatrabahuhan niya. Biruan ng ilan nilang kakilala, manok lang daw kasi ang kayang patayin ni Lola Munding. At pasalamat na raw ang lahat, dahil kung kaya daw pumatay ng tao ni Lola Munding, malamang na sinampalukang…

Ayan, humigop ka na ng sab-aw, apo.

Kaisa-isang apo ni Lola Munding si Raffy. Kaisa-isa. Hindi alam iyon ni Raffy, na kaisa-isa siyang apo ni Lola Munding. Dahil buong akala ni Raffy ay napakarami niyang pinsan na nag-aaral sa Maynila. Akala niya’y nasa Maynila ang mga tiyo at tiya niya na may kanya kanyang pamilya. Buong akala niya’y may buhay pa siyang naghihintay sa labas ng baryong kinagisnan niya. Buong paniniwala niya’y may tahanan pang naghihintay sa kanya sa labas ng maliit na kubo ni Lola Munding na gigiray-giray lalo na kung katatapos ang malakas na bagyo.

Sige na lola, magkuwento ka pa.

Ng ano?

Kuwentuhan mo pa ako tungkol sa mga pinsan ko. Kuwentuhan mo pa ako tungkol sa mga anak mo. Kuwentuhan mo pa ako tungkol sa nanay at tatay ko.

Tuloy lang sa pananahi sa kanyang lumang makina si lola Munding ng punda ng unan. Iyon ang pinagkakakitaan niya sa loob ng mahabang panahon.

O, e, ano pa ang kukuwento ko? Lahat ata nakuwento ko na.

Lahat nga. Pero di mo pa nasasabi kung bakit.

Bakit? Umangat ang mukha ni Lola Munding, sinulyapan si Raffy na noon ay nakatalungko sa isang mahabang silya. Seryoso ang mukha.

Bakit tayo lang ang andito sa baryo? Bakit nasa Maynila silang lahat? Anong ginagawa nila sa Maynila, Lola?

E, wala.

Lola, anong wala?

E, basta’t nasa Maynila sila. Iyon lang ang alam ko.

Hindi ba natin sila pwedeng puntahan, Lola?

E, hindi ko alam. Wala tayong pamasahe.

Lola, may naipon na ako. Inilabas ni Raffy ang nakabilot na pera mula sa isang telang hiningi niya sa panederiya. Doon itinatago ni Raffy ang kinita niyang pera mula sa pag-uuling.

Ayan Lola, marami na tayong pera. May pamasahe na tayo pangluwas ng Maynila. Puntahan na natin sila.

O sige, hayaan mo’t luluwas din tayo. Diretso si Lola Munding sa pagtipa ng paa niya sa makina.

Talaga lola? Namilog ang mga mata ni Raffy, iyong bilog ng matang hinding hindi inaasahan ni Lola Munding na makikita niya. Pakiwari ni Lola Munding ay aatakihin siya ng Alzheimer’s dahil sa bilog ng mga mata ni Raffy. Biglang bigla, gusto niyang magkasakit ng ganitong sakit. Iyong makakalimutan niya ang lahat. Iyong hindi na niya maaalala ang anumang ikinuwento niya kay Raffy. Iyong maabuswelto siya sa kasalanan niya sa musmos na isipan ng binatilyong kinuwentuhan niya ng kung anu-ano. Naghabi siya ng kuwento na parang gagamba na naghahabi ng bahay nito. At dahil mananahi siya, nagtahi siya ng kuwento para kay Raffy. Ewan niya kung bakit. Gusto niyang batukan ng paulit-ulit ang sarili. Bakit ba niya pinagpraktisan si Raffy sa kanyang mga kuwento sa loob ng labing pitong taon?

At ngayong may sapat ng isip si Raffy, paano niya haharapin si Raffy para amining…

Alam mo, apo ko… imbento lang ang lahat…

Alam mo, apo ko… napulot lang kita sa tae ng kalabaw!!!

Ngayon pinagsisisihan ni Lola Munding ang ginawa. Paano niyang babawiin sa asang asang si Raffy na hindi totoo ang lahat ng kuwento niya dito? Paano niya sasabihin ang katotohanang napulot lang niya ito sa umpok na tae ng kalabaw? Hindi iyon patawa lang, sa isip isip ni Lola Munding. Totoo talagang napulot niya si Raffy doon. Pero ang katotohanang iyon ay kailangan niyang pasinungalinan na. Dahil sa mga mata ni Raffy, sa mga bilog na mata ni Raffy, kitang kita niya ang pag-asa, ang paniniwala, ang pangarap, ang buhay na pinapangarap, at ang buo nitong kaluluwa.


may part 2.

4 comments:

Anonymous said...

Glad, ikaw na ikaw yung nasa kwento mo tungkol sa una n'yong encounter ni Rene Villanueva. Iyon ang sanhi ng powers mo - mula noon hanggang ngayon, witness ako na lagi kang bukas sa mga puna at pagkatuto. Di nagiging complacent. Kaya naman lagi pa rin akong nakaabang sa mga isusulat mo pa. Walang katapusang pag-inog at pag-unlad. The teacher is also always a student,kaya rin effective kang teacher.

Ayan, bawi na yung ipinang-blowout mo sa amin nung bertdey mo ha? Hehe! Hindi po, biro lang. Totoo po lahat ng sinabi ko sa unang paragraph. Peks man.

gladi said...

Hi Tessa,

May dalawang klase ng impresyon akong naibibigay bilang isang manunulat o bilang tao. Una, akala nila'y masyado akong naggagaling-galingan sa tuwing nagsasalita ako. Ikalawa, masyado akong maraming tanong kaya nagmumukha na akong tanga kung minsan. Ay, madalas pala. Hehe. Alin ba talaga sa dalawa ang totoong ako?

Sa palagay ko, eto lang 'yun talaga... I'm the kind of person na lagalag at nais mag-eksperimento sa mga bagay-bagay. Nag-uulyanin na nga ata ako. Haha!Remember ang birthday celebration ko ay with matching balloons, cakes and candles? Uy, panoorin mo talaga ang A Moment to Remember, para sa akin mas maganda pa siya sa The Notebook.

The bright side of it, retentive ang memory ko sa mga bagay na natutuhan ko o talaga lang tinatandaan ko siguro, (sa loob at labas ng paaralan, sa mga tao, at sa mga karanasang mayroon ako.) At sa tuwing nagsusulat ako, nagagamit ko ito bilang armas na pang-atake, minsan pa nga'y shield ko sa mga umaatake. Lahat ng natutuhan ko... it works deep in my heart and down to my soul. Paanong hindi ko magagawang magpasalamat sa mga taong naging blessing sa buhay ko, sa pagbuo ng pagkatao ko at sa paghubog sa akin bilang isang manunulat.

Kaya hayaan mong ako naman ang mambobola kasi malapit na ang birthday mo sa June, hehe. Alam mo ba na isa ka sa mga hinahangaan kong manunulat? At isa ka rin sa taong dapat kong pasalamatan. Dahil ang dami mong naituro sa akin everytime na magkausap tayo, everytime na nagsasalita ka, lalong lalo na everytime na binabasa ko ang mga isinulat mo. Baka sa susunod ay i-blog na rin kita at isumpa mo rin ako tulad ng ginawang pagsumpa sa akin ni tita Opi. haha!

One thing na naaalala kong sinabi mo sa akin, ang isa sa mahalagang kasangkapan sa pagsusulat ay ang pagiging politically correct at ang pagiging logical sa mga isinusulat. Mula noon ay nagpumilit na akong magka-logic na tao. Haha!

Salamat talaga sa mga panahon ng pagkakaibigan, lalung lalo na sa mga panahon ng pagbibigayan ng mga ideya at walang katapusang kuwentuhan ng buhay at pag-ibig ng ating mga isinusulat na tauhan. At mga kuwentuhan siyempre tungkol sa mga bidang tauhan ng ating tunay na buhay.


PS. ang susunod kong blog siyempre ang tungkol sa birthday ko at mga pix natin, pati na rin ang "the baby boy and the toy balloon."

TheCoolCanadian said...

Hi Glady:

Nag-PETA ka rin pala. Dahil later ka sumali, siguro hindi mo na naabutan doon si Angie Ferro? Si Mars Cavestany? Jojo Purisima? Wala, napaghahalatang-ANCIENT na talaga ako dahil ito ang mga kasabay ko. He-he.

Yung time nina Rene Villanueva at Lito Tiongson, mga late 70s na. I worked with Lito at Imelda's office. Namayapa na rin siya. Halos magkasunod lang sila ni Rene.

Noong kapanahunan namin, walang mga nakatutuwang nangyari na tulad ng time ninyo. We just go there to train how to act, direct, lighting, make-up, depende sa hilig mo. Naabutan mo si Jonas Sebastian? Soxy Topacio? Joel Lamangan? Kasi nagsitagal sila doon.

Nang umalis si Angie Ferro sa Peta, nagtayo ito ng SAMAHANG WALANG PANGALAN at dahil si PAUL DUMOL ang nag-join din, nag-join na rin ako. Saksakan ng talino si Paul from Ateneo (ANG PAGLILITIS NI MANG SERAPIO) at ginawa namin sa Bastion Theater ng Fort Santiago ang MINSAN DINALAW NI JESUS ANG PILIPINAS, from an essay of Jose Rizal, written and directed by Paul Dumol. This was the only time I acted, because Paul insisted that I should, and I did. Huwag ka, Santo pa ang role ko :) at saka Marino. Brechtian kasi ang play naming ito at nakatutuwang gawin. At least, walang restrictions na tulad ng ginagawa noon ng Peta.

After this, we presented my play AMAG SA KARIMLAN and since PETA inisisted to Doroy Valencia that the Bastion must not be used anymore for presentation because they already had the theater close to it, Doroy gave us the PACO ANGELORIO instead and we made it as our own theater. Kakatawa talaga diyan sa ating bansa. Palaging may intriga. Lalo pa kung involved ang government. Lalo na kasi siguro, dahil mas maraming taong nanood ng MINSAN DINALAW NI HESUS ANG PILIPINAS at parang naapi ang PETA na siya naman talagang nauna doon. So it was time to move on and everybody was happy in the end.

Hay, Glady, you just made me realize how old I am already :(

gladi said...

Hi JM,

Late 80's ko na-encounter si Rene sa PETA. Si Apo Chua ang kasalukuyang director noon ng PETA. Sina Mae Quesada at Chito Jao ang facilitator, nasa 20's lang sila noon.

Oo, naabutan ko si Soxy pero hindi niya ako nahandle. Abala nga ata siya sa mga ginawa niyang produksiyon noon sa PETA. Nagkatrabaho kami noong nagsusulat na ako sa tv at kadalasan ay siya ang director ng mga teleplay na isinusulat ko noon sa GMA. Doon ko rin nakilala ang kanyang assistant director na si Phil na aktibo rin sa pag-arte sa teatro. Na-encounter ko ring minsan si Joel Lamangan sa isa niyang produksiyon na ginawang extra ang mga workshopper noon, pero isang beses lang iyon. Nagmeet ulit kami noong aktibo na siya sa pagdidirek ng pelikula, sa VIVA ata kami nagkita.

Magaling talaga si Paul Dumol kaya lang hindi ko siya nakilala personally. Ang natatandaan ko lang ay idinerek ko ANG PAGLILITIS NI MANG SERAFIO sa St. Jude College at isinali ata ito sa isang contest. Kinomisyon lang ako noon ng teatro ng St. Jude. Napanood ko rin ang iba't ibang entry ng PAGLILITIS sa CCP noon. Hay, bigla kong na-miss ang teatro tuloy.

Kapag ganitong nagnonostalgia na tayo, hindi maiwasang isipin ang edad. Hehe.

But I do hope that we're still young... even at heart.