Thursday, January 31, 2008

MALIKHAING PAGSULAT (ANG BOSES NG TULA)


NANG AKO’Y MAGING SI BRUTUS

Nang I-abduct si Olive oil, sumigaw siya ng Popeye help!
Litaw ang ngala-ngalang halos iluwa ang kanyang self.

Nang dumating si Popeye to the rescue ang kanyang suit,
with sound effects pang I’m Popeye the tut-tut!

Siyempre’t inombag-ombag lang ang hero ni Olive,
tinadyak-tadyakan at lumuwa pati brief.

Muling binuhat itong si princess sweet,
habang patuloy namang nagpe-plead.

E, itong si Popeye kumain ng spinach,
at maging siya’y naging macho’t malakas.

Ginulpi si Brutus at pinalipad sa air,
naglitawan tuloy ang mga stars at sprinkle.

Siyempre’t naging hero itong si Popeye the sailor,
sa kanyang love interest na si Olive the virgin oil.

Habang si Brutus nama’y naghihilong-talilong,
umiikot-ikot at nagkukulay talong.

Natalo na naman ang aking kakampi,
kaya’t ini-off ko na ang cable tv.

Hay! Ang hirap palang ma-inlove ng truly!
Nagiging cartoon character ang tingin sa sarili.

Kontrabida akong pangit na may balbas,
mabaho’t ang tinig ay tila kay Hudas.

Samantalang ang bida’y pagkapayat-payat,
ngunit isa namang herong walang katapat.

May pinag-aagawan kaming nag-iisang lady,
na ang wangkata’y over ka-sexy!

Ngunit sa kanila’y may happy ending,
ako nama’y luhaan at sad ang feeling.

Kaya’t eto ako ngayon at nasa isang sulok,
gumagawa ng tula’t panay na lamang ang mukmok.

Dear my Olive oil, Olive oil my dear,
hawak ko na ang invitation mo here.

Hayaan mo’t darating naman ako,
sa araw ng kasal mong libing naman ng puso ko.

Ang damit ko’y pamburol for sure,
habang ikaw ay naka-white pure.

Iiyak ako habang ikaw ay naka-smile,
and with poise pa ang pagwo-walk down the aisle.

Mapansin mo pa kaya ako with all the rest,
since I’m just one of the invited guests?

At siyempre pa’t kasunod ay honeymoon,
may toss ng champagne at putukan ng balloon.

Hay! Nakakainggit pa rin si Brutus,
kapag ini-on lang ang tv saka siya nalo-lose.

Samantalang ako’y lost na lost ang feelings,
naglalakad ng pabaligtad hanggang sa may ceiling.

How I wish isa na rin akong cartoon scene,
at ang puso’y pinaandar lamang ng machine.

Pero ganoon nga daw talaga ang life,
sabi nga ng marami’y "well that’s life!"

Hindi lahat ng wish ay wish granted,
kadalasan pa nga’y taken for granted.

Kaya’t eto lang ang aking masasabi,
at pakatandaan mo na lamang mabuti.

Goodbye na lang sa iyo my dearest!
Nagmamahal... Brutus, the brute poet!


***

Isinulat ko ang tulang ito noong graduating ako sa kursong Malikhaing Pagsulat at ang guro ko sa subject na MP TULA ay si Prof. Virgilio Almario (Rio Alma), National Artist. Assignment namin na gumawa ng tulang nakakatawa sa pamamagitan ng boses ng tula. Nagtatawanan naman ang buong klase habang binabasa ko ang tulang ito. Pero sa totoo lang, noong isinusulat ko ito’y hindi ko objective na magpatawa kundi ang sumulat ng tula na ang inspirasyon ko ay isang kaibigan. Nabigyang tinig ng tulang ito ang isang bahagi ng puso kong hindi kayang unawain maski ng sarili ko--para sa kaibigan kong ito.

Yet, this friend of mine still remains dear to me.

***


Mahalaga ang boses o ang nagsasalita sa loob ng tula. Sino ito? Ano ang karakter nito? Makulit ba? Malungkutin o masayahin? In love ba o bigo sa pag-ibig? Idealistic ba? Seryoso? Palaban? Hindi nangangahulugan na ang boses ng tula ay ang makata o ang nagsulat ng tula. Ang boses ng tula ay ang nagmamay-ari ng mga karanasang nakapaloob dito. Ang boses ng tula ang magpapakilala sa tauhang nakapaloob. Ano ang gustong sabihin ng boses na ito? Ang boses ang nagkukuwento ng mga samu’t saring pangyayaring nakapaloob sa bawat taludtod o saknong.


KAMAMEKO
(IKAMA MO AKO)

Sa labas,
parang taytel ng pelikulang bold ang entrada.
Ang mga dagitab ay iba’t ibang kulay na nagbabaga.
Entertainment lang “boss.”
Pampalipas pagod ang beer na nilalagok.
Pampainit ang extreme sensation na pinapanood.

Sa loob,
pasayaw-sayaw na ang hubad na katawan,
pagewang-gewang ang balakang,
pabuka-buka ang legs na sakang.
May nag-iipit ng bente, singkuwenta hanggang
isandaan-- sa bikining kumikinang.

Sa mas loob pa,
nangaghelera ang maliliit na silid sa animo’y kubeta.
May maliit na kama… May bedsheet na may mantsa.
May unang nag-iisa.
Nagkakalansingan ang barya.

5 comments:

TheCoolCanadian said...

Kamameko.
Extremely risqué.
Erotically charged.
Powerfully expressed.
Poignantly delivered with care.

CANDLELIZARDEGG said...

(a tear drop fell)

minsan lang ako makakita ng isang magandang tula....

kaya hindi na kita pwedeng pakawalan.

exchange links na tayo.

here is mine

www.geekerzz.blogspot.com

tnx ., ingat.

gladi said...

hello gerald,

thanks a lot sa pagdalaw mo sa site ko. nakita ko na ang site mo at very impressive. sure na madalas akong bibisita sa site mo.

maraming maraming salamat sa pagli-link.


glady

Hanggang Kailan Para Sa'yo Ang Aking Mga Tula said...

Hello po author.. Maraming salamat dito... Nainggit ako sayo nang mabasa ko na prof mo si Ginoong Almario... Mahiligin din ako sa pagsusulat ng tula... Pero, marami pa yata akong kakaining bigas kumpara sa husay mo... Malaki ang tulong nito sa pagtuturo ko tungkol sa PERSONA at BOSES ng tula... Unang karanasan ko kasi ng pagtuturo (teacher po ako ng Filipino, high school). Thank you po talaga. Nais ko po sanang gamitin ang akda ninyo para mas bigyang linaw ang kaibahan ng persona at boses ng tula... Iki-credit ko po sa inyo at sa blog ninyong ito. Salamat po.

Hanggang Kailan Para Sa'yo Ang Aking Mga Tula said...

Hello po author.. Maraming salamat dito... Nainggit ako sayo nang mabasa ko na prof mo si Ginoong Almario... Mahiligin din ako sa pagsusulat ng tula... Pero, marami pa yata akong kakaining bigas kumpara sa husay mo... Malaki ang tulong nito sa pagtuturo ko tungkol sa PERSONA at BOSES ng tula... Unang karanasan ko kasi ng pagtuturo (teacher po ako ng Filipino, high school). Thank you po talaga. Nais ko po sanang gamitin ang akda ninyo para mas bigyang linaw ang kaibahan ng persona at boses ng tula... Iki-credit ko po sa inyo at sa blog ninyong ito. Salamat po.