Sinimulan ko ang pagtalakay ng romansang nobela sa blog na ito sa pamamagitan ng artikulo na UNDYING ROMANCE. Sinimulan kong buksan ang paksa sa pagtalakay ng mga suliraning nakapaloob dito. Mga suliraning nakapaloob sa konteksto nito, mga manunulat, publisher, mambabasa atbp. Hindi sa nais kong gawing negatibo ang artikulong iyon, kundi dahil para buksan ang paksang ito sa isang mas makatotohanang pagtalakay. Ang romansang nobela at maging ang kasaysayang nakapaloob dito ay hindi isang escapismo, kundi may totoong kasaysayang pinagdaraanan sa lipunang Filipino. Bata pa ang romansang nobela dito sa Pilipinas kung ikukumpara sa ibang bansa. Naging masigla ito sa market simula 1980's-90's dahil sa ilang pangunahing dahilan. Taong 2000 nang unti-unti itong nanamlay dahil sa mga sangkot na isyung pulitikal, pagbaba ng ekonomiya ng bansa, pag-unlad ng teknolohiya (internet, video games, etc.) paglakas ng telebisyon at iba pang libangang o aliw ng mga Filipino. Pero sa kabila ng pagsasara ng ilang malalaking publikasyon(Valentine Romances, ABS-CBN Publishing House, etc), nanatili itong nasa market (bookstore man o bangketa) dahil patuloy na may mambabasang tumatangkilik dito.
Narito ang unang bahagi ng artikulo na isinulat ko bilang papel at pagsusuri sa aking masteral tungkol sa mga tradisyunal na konsepto ng romance novel na unti-unting nagkakaroon ng inobasyon sa pagsulong ng panahon.
GLADY E. GIMENA
98-78027
MALIKHAING PAGSULAT 215 (UP DILIMAN)
DR. LILIA QUINDOZA SANTIAGO
ANG TRADISYUNAL AT INOBASYON SA ROMANSANG NOBELA (PART 1)
Sa konteksto ng lipunang Pilipino, malaki ang kadahilanan ng malaking populasyon ng mahihirap, pagbagsak ng ekonomiya, at pagdami ng OFW kung bakit naging popular ang romansang nobela. Naging panandaliang paglimot nila ang pagbabasa ng ganitong uri ng babasahin na may temang mababaw, at mga feel good na istorya. Sa kaso naman ng mga OFW sa ibang bansa, naging libangan nila ito at pampatid ng kanilang pagkasabik sa bansang Pilipinas. Dahil ang pakiramdam nila, sa pagbabasa ng romansang nobela ay nakapaglalakbay ang kanilang isip patungo sa mga tauhan, pook, pangyayari na nagaganap sa Pilipinas.
Ang romansang nobela ay may pormula na love story, kadalasan ay love triangle ang conflict,pero happy ending pa rin sa kabila ng mga paghihirap ng bidang tauhan. Magaan lang ang pagkukuwento o ang naratibo upang madaling maunawaan ng mga mambabasa nito. Ang bawat eksena ay may laging mayroong tinatawag na kilig moments para sa mga bidang babae at bidang lalaki. Lantad na ang pormulang ito ng romansang nobela. Magpapaiyak, magpapakilig, magpapalibog, at sa bandang huli’y magpapaligaya ng mambabasa dahil sa konsepto ng happy ending o sa konsepto ng aliw bilang escape.
Bakit nga ba kailangan ay happy ending? Para maging magaan dalhin ng mambabasa ang buhay na nakapaloob sa romansang nobelang kanyang binasa. Ang pagbabasa ng mga ganitong tema ay isang paraan ng escapism o pagtakas sa realidad. Iyon ang gusto ng tao, dahil sa totoong buhay ang gusto ng tao ay may happy ending, at walang may gusto ng tragic ending. Pandadaya man ito o hindi, ang mahalaga`y panandaliang makalimot ang tao sa kahirapan.
Palaging bida ang babae na api, katulong o anak ng dukha. Makikilala niya ang isang lalaking adonis, mayaman at bohemyo, pero iibigin siya ng lalaki maging sino man siya. Pag-asa at pagkakataon ang ibinibigay ng ganitong tema sa kamalayan ng mambabasa. Malinaw na nakaangkla ang pormulang ito sa Cinderella plot. Inaapi ang bidang babae, may kontrabida na magpapahirap ng buhay niya at sa bandang huli ay darating ang kanyang prince charming na magsasalba sa kanya mula sa kaapihan. Ang bidang babae kadalasan ay nagiging idolo ng kanyang mambabasa. Kagaya ni Sharon Cuneta na iniidolo ng kanyang mga fans bilang babaeng mahirap na yumayaman dahil sa taglay na katangian ng magandang tinig o galing sa pag-awit, o kaya’y babaeng basurera na masikap sa buhay, o mabait na anak, o babaeng lumalaban sa asawa. Dahil sa mga ganitong role na ginampanan ni Sharon Cuneta kaya siya minahal ng kanyang mga fans at kung bakit siya patuloy na tinatangkilik sa kasalukuyan. Naka-pattern din siya sa Cinderella plot. Dahil pamilyar na sa mga mambabasa ang ganitong pormula, madaling nalangoy ng romansang nobela ang tagumpay nang ginamit din ang ganitong pormula.
Ngunit sa paglipas ng ilang panahon, nagkakaroon na rin ng mga pagbabago ang romansang nobela. Mula sa ganitong tradisyunal na konsepto ay unti-unti na ring nagkakaron ng mga inobasyon. Ang babae ay hindi na lamang basta api. Nagbago na rin ang trend sa mga kababaihan. Mas naging liberated na ang pananaw ng ilang manunulat tungkol sa gender issue kaya’t nagiging repleksiyon ang kanilang mga tauhang babae ng mga makabagong pananaw na ito.
Ayon sa nobelistang si Maia Jose, paniniwala niya`y isang legal na labasan ng “libog” ng mga kababaihan ang romansang nobela. Kung sa lalaki `y legal na ang magbasa ng playboy magazine, dito sa ating bansa ay ito naman ang legal na basahin ng mga babae. Sa pamamagitan ng ganitong uri ng babasahin ay napapalaya ang mga inhibisyon ng babae sa sex. Naipapakita sa lipunan na ang babae `y may pangangailangang seksuwal. Hindi na ang babae ay basta na lamang naghihintay na sipingan sa kama ng lalaki kundi ang babae ay nagyaya na rin at sumisiping na rin sa isang lalaki ng kusa. Sa pamamagitan ng ganitong pagpapalaya, hindi na isang imahe lamang ng kaapihan ng patiarchal society ang role ng mga babae. Hindi na siya basta ina, asawa, madre, puta, bruha. Isa na siyang tao na may mahalagang papel sa lipunan. Sa pamamagitan ng romansang nobela ay nagkaroon na ang babae ng pisikal na anyo. May “libog” na kailangang tugunan, may pangangailangang seksuwal, may kayang gawin upang humubog ng isang lipunan. Ang ganitong pagbabagong anyo mula sa tradisyunal na karakter ng isang tauhang babae ay masasabing mapangahas. Matibay at matatag ang mga kumbensiyong binabasag ng mga gumagawa nito kaya’t pagkaminsan ay nahahatulan ang isang romansang nobela bilang isang “porno magazine”. Tinutuligsa na rin ito ng mga kritiko at moralista bilang isang basurang babasahin. Hindi nasusuring mabuti ang mahalagang kontribusyon nito sa lipunan bilang daluyan ng progresibong kamalayan ng mga kababaihan.
Totoong ang romansang nobela ay naging daluyan ng progresibong kamalayan ng isang babae. Ang nagbabasa nito ay inang maybahay, empleyada, guro, estudyante, tindera, katulong, at iba pang magkakategorya sa mga pangkaraniwang babae ng lipunan. Dahil na rin sa pagtatangka ng ilang manunulat na palayain ang mga babae sa mula sa kulungan ng patriyarkal na sistema, ang mga mambabasa’y nagiging conscious na rin sa isyu ng “kaapihan ng mga babae” sa lakas at kapangyarihan ng lalaki sa lipunang patriyarkal.
Noon, ang mga karakter o tauhan na ginagamit sa mga babae ay babaeng mahina o martir, babaeng puta, babaeng asawa o ina, babaeng bruha, babaeng kabit, babaeng api. Ngayon ay nagre-react na ang mga manunulat dito. Tumutugon sila sa kanilang mga nababasa. Lumilikha na sila ng mga karakter o tauhan na ultra independent, o bidang liberated. Nagagalit na ang mambabasa sa ginagawang panggigipit ng mga karakter o tauhang lalaki sa babae. Nagwawala sila sa panghahalay na ginagawa sa imahe ng babae. Nagrerebelde sila sa ginagawang pang-aapi sa bidang babae. At sa huli `y lumalaya sila sa tuwing nagtatagumpay ang bidang babae. Idolo nila ito. Dahil isinasantinig ng bidang babae ang kanilang kalooban. Nakakamit nila ang tagumpay kung nagtagumpay ang kanilang idolo.
Sa romansang nobela, bagama`t hindi malay ang ilang manunulat nito sa isyung pangkababaihan, ang iba’y mayroon na ring tendensiya na kumawala sa kahon ng tradisyunal na konsepto. May isinusulong na rin ang ilan na mga progresibong ideya na nagtatangkang basagin ang kumbensiyunal na karakter ng mga babae. Kahit sa mga simpleng salita o dialogue ay mapapansin ang mga ito. Halimbawa, kung dati rati’y sasabihin ng isang babae sa isang lalaki ang : “Mahal kita, ikaw ang buhay ko. Ngayon ay sinasabi na ng babae sa isang lalaki ang : “Mahal kita, pero may sarili akong buhay.” Sa simpleng pagbabago ng salita ay nagkaroon ng isang malaking pagbabago sa kalagayan ng isang babae. Mula sa isang babaeng dependent sa isang lalaki, naging dependent na siya sa kanyang sarili.
ANG ILANG MANUNULAT NG VALENTINE ROMANCES
Sa romansang nobela ay tahasang tinalakay na rin ng ilang manunulat kung paano ang lalaki ang kabit at hindi ang babae. Pagtalakay ng mga kuwento ng lalaking nasa bahay habang ang babae ang nasa opisina. May kuwento ng isang babaeng siya ang nanligaw sa kanyang nobyo. May kuwento ang isang babaeng nakipag-one night stand siya sa isang lalaki at pagkatapos ay nagpakasal siya sa ibang lalaki kinabukasan. May kuwentong walang takot na humiwalay ang isang babae sa kanyang asawang babaero at hindi na siya bumalik pa kahit sampu ang anak niya. Mga kuwento ng babaeng hindi nakadepende sa lakas ng isang lalaki. Higit pa dito ang lawak na maaaring languyan ng isang babae. Higit pa dito ang kapal ng teksto na maari nilang isipin at gawin. Sa loob ng romansang nobela, malayang nalalaro ng mga babaeng manunulat ang mga bagay na nais nilang gawin sa kanilang sarili na hindi nila nagagawa sa tunay na buhay.
Ang ganitong proseso ang nagpapakawala ng takot sa mga mambabasang babae o sa mismong manunulat na babae upang isang araw ay harapin nila ang hamon ng lipunan at sagutin ang tanong na “babae, ano nga ba ang kaya mo pang gawin?”
May mga nagsasabi na ang lalaki pa rin naman daw ang mas malakas sa babae sa loob ng romansang nobela dahil lagi pa rin daw nakadepende ang kuwento ng isang happy ending sa lalaki. Babalikan ng lalaki ang babae at magiging masaya na sila. Makikita ng babae ang balahibo ng lalaki sa dibdib at lilibugan na siya. Machismo pa rin ang umiiral na kamalayan sa mga babae. Simple lang ang tugon dito. Dahil ang romansang nobela ay hindi isang kilusan na pangkakababaihan na may isinusulong na pansariling interes. Ang mga akdang mababasa sa romansang nobela ay pagpapakilala lamang kung ano at sino ang babae ng lipunan ngayon at kung ano pa ang mga potensiyal niya at kayang gawin sa susunod pang panahon.
***
Tuesday, June 17, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Ang mga nabanggit mong pagpapalaya sa kababaihan ay mababasa lamang sa napakaliit na bilang ng mga romansang nobela. NAPAKArarami pa rin ang may temang Cinderella Complex.
Post a Comment