Monday, August 3, 2009

txt from a CCP insider

“Lamay at prusisyion: F. Sionil Jose, Arturo Luz, Bienvenido Lumbera, Virgilio Almario, BenCab will lead artists and community in a necrological serviceand funeral march for the national artist awards. Friday Aug 7, 2pm at the CCP front ramp. Makiramay tayo!”

SUPPORT THE PETITION

http://www.petitiononline.com/ccaparas/petition.html

Carlo J. Caparas is Not Qualified to be National Artist Petition
Source: www.petitiononline.com
Carlo J. Caparas is Not Qualified to be National Artist Petition, hosted at PetitionOnline.com

Saturday, August 1, 2009

PAALAM SA ATING INA



PAALAM PANGULONG CORY AQUINO... at maraming marami pong salamat.

Mananatili ka sa puso ng sambayanang Pilipino...

You may rest in peace, Madam president. MAY THE LORD BE WITH YOU ALWAYS.

Saturday, July 18, 2009

POP LIT 101

ANG PAGPAPALAGANAP NG MGA KAHULUGAN AT SIGNS

Ang popular literature ay mabisang daluyan ng kamalayan dahil ito’y accessible sa market at maraming tumatangkilik. Kadalasan ay magaan ang lengguwaheng ginagamit kaya’t madaling maunawaan ang nilalaman. Nagiging instrumento ito sa pagbibigay ng bagong kahulugan ng ilang terminolohiya at ng mga bagong salitang umuusbong sa bawat panahon. Kabilang sa pop lit ang komiks, romance novel, horror stories, magazines, etc.

Ang unang kasangkapan ng pagpapalaganap ng pop lit ay ang wikang ginagamit. Kadalasan na nagagamit ay mga wikang islang at taglish, mga usong salita na dumaan sa proseso ng paglikha ng kahulugan.

Halimbawa, ang salitang papa sa mag-ina ay tumutukoy sa ama ng anak. Pero maaaring ang papa sa magkapatid ay tumutukoy sa boyfriend ng isang kaibigang babae. Ang salitang ang lupit mo naman ay na naging ekspresyon bilang paghanga. Ang lupit mo naman na ang ibig sabihin ay ang galing mo naman. Ang text messages gaya ng where na u? dito na me. Nangangahulugan ito ng usapan, meeting place at paghahanapan. Ang Text text na lang ay nagpapakahulugan ng pagtetext ng isang magkaibigan o magboyfriend. Ang mga ganitong proseso ay lumilikha ng signs at proseso ng komunikasyon. Ang salitang girl ay nangangahulugan ng batang babae subalit ito’y naging expression o pantawag sa isang kikay na babae. Ang salitang kikay ay nangangahulugan ng isang babaeng friendly, makulit, palatawa, palabiro, aktibo, sunod sa uso at may fashion trend.

May mga espekulasyon kung saan nagsimula ang salitang jologs subalit wala pang masasabing malinaw na batayan. May nagsasabing nagsimula ang ito sa fashion ng isang artista na tinawag na jolens at naging jologs. Mayroon din namang nagsasabi na ito’y nagmula sa salitang tuyo at itlog na siyang pagkain ng mga trying hard na maging elite. Hinango raw ito mula sa salitang mongoloid- pinaikli at naging goloid at nang baligtarin ay naging diolog/ diologs/ jologs.

May tatlong pangungusap na maaaring iisa ang pakahulugan subalit maaari din naming magkaroon ng iba’t ibang konotasyon. (1) Puzzle ang lalaki para sa babae.
(2) Pira-piraso ang lalaki para sa babae.
(3) Mahiwaga ang lalaki para sa babae. Sa una, simple lang ang gustong sabihin. Mayroong bagay na naguguluhan ang babae tungkol sa pagkatao ng lalaki, puzzle na kailangang pagdugtong-dugtungin upang maunawaan ang katauhan nito. Sa pangalawa, maaring ang lalaki’y hindi buo sa paningin ng babae dahil kulang ang pagkalalaki o pagkatao nito, pero posible rin na ang ibig sabihin ay ang literal na pira-pirasong katawan ng lalaki. Sa pangatlo, mahiwaga ang lalaki para sa babae, posibleng ang kahulugan nito ay mahiwaga dahil may plano itong pumatay o mahiwaga dahil may lihim ito. Ang paggamit ng salitang taglish ay nagpapagaan sa mga mambabasa kung paano babasahin ang kahulugan ng teksto. Mas madaling unawain ang kahulugan ng puzzle kaysa pira-piraso o mahiwaga dahil na rin sa pagiging biswal at kongkreto ng salitang puzzle. Ang puzzle ay isang uri ng board game na dala ng west culture at karamihan naman ay nakapaglaro na nito kaya’t pamilyar na ang lahat sa salitang puzzle.

May isang eksena sa nobelang When Forever Comes. Sa ilang palitan ng dialogue at ilang description ay maaari ng magkaroon ng iba’t ibang pagpapakahulugan at interpretasyon.

Nakangiti ang lalaki nang pagbuksan niya ito ng pinto. Dalawang taon ang tanda nito sa kanya. Walang okasyon pero may dala itong bote ng champagne. Hinagkan siya nito sa pisngi.
“How are you now?”
“Maganda pa rin.”
Pumasok sila sa loob ng condo unit.
“How’s life? Mukhang busy ka.” Pangungumusta ni Ralf.
“Parang ikaw. Hindi natatapos ang workload. Marami pa ring deadlines,” tugon niya “Hindi nauubos. Maraming problema sa editorial, hindi natatapos.” Tugon ni Kristin.


Sa loob ng ilang pangungusap ay naipakilala na sa mambabasa ang ilang katangian taglay ni Ralf. Sweet at masuyo siyang lalaki. Naipakilala na rin si Kristin bilang isang busy person. Nailarawan na rin ang katangian niya bilang babaeng pretty and witty. Sa palitan ng kanilang dialogue, obvious na magkakilalang- magkakakilala na sila. Nalaman na rin kung saan nakatira si Kristin dahil sa paggamit ng salitang condo unit. Base na rin sa tirahan ni Kristin ay alam na ng mambabasa kung ano ang standard of living niya. Ginamit rin ang champagne upang ipakilalang nasa middle class ang dalawang tauhan. Ang paraan ng kanilang pag-uusap ay nagpakilala rin sa dalawa bilang mga edukadong tao at may hanapbuhay.

Ang mga kahulugan at signs ay nabubuo dahil sa mga nagaganap na inobasyon ng pangungusap at ito'y higit na napapalaganap ng pop lit. Ito ay abstraktong nililikha ng tao’t kapaligiran at napapaunlad bilang instrumento ng komunikasyon sa loob ng isang partikular na lipunan.

Friday, July 17, 2009

MALIKHAING PAGSULAT 101

PLANTING O PAGTATANIM

Pagtatanim. Kadalasan ito ang nagiging problema o loopholes ng maikling kuwento o nobela. Ang nobelang hindi nagkaroon ng pagtatanim sa umpisa pa lamang ng kuwento ay walang aanihing bunga sa dulo ng istorya. Kapag hindi nagkaroon ng planting o pagtatanim ang dulo ng kuwento’y nagiging kabigla-bigla. Hindi kapani-paniwala ang biglaang pangyayari. Ang isa pang negatibong resulta ng hindi pagtatanim sa umpisa, nagiging mahirap lagyan ng resolusyon ang problema sa dulo. At upang mabigyan ng solusyon ang problema ay mamamatay ang antagonist sa pamamagitan ng aksidente o pinaparusahan upang magkaroon ng happy ending. Hindi na binibigyan ng importansiya ang malaking role ng antagonist kaya nagiging cliché ang ending. Kung walang back story ang antagonist, mas nagiging illogical at lalong nawawalan ng katarungan ang pagbibigay sa kanya ng characterization. Ginagawang masyadong masama ang antagonist para lang masabing kontrabida siya ngunit hindi na-establish ang mga pinanggagalingan niya.

Sa nobelang Remember Me Once More, Chapter 1, pahina 14- 17, isa ito sa halimbawa ng planting sa character nina Meg at Joshua.

Nasa harapan si Meg ng Film Center dahil manonood siya ng isang German Experimental Fil. Marami siyang kaklase at kakilala na manonood din, grupo-grupo ang mga ito. Napansin niya na nakatayo si Joshua sa isang sulok, panay ang hitit-buga sa hawak nitong sigarilyo. Napansin na naman ni Meg ang pag-iisa ng lalaki. Madalas ay ganoon si Joshua, nasa sirkulasyon, subalit parang wala. Hindi ito kasama ng maski na anong grupo; lagi itong isolated.

“Puwede nang pumasok! Itapon na ang mga sigarilyo, bawal ang usok sa loob,” announce ng isang lalaking may hawak na megaphone. Nagpasukan na ang mga manonood na estudyante. Nagpaiwan si Meg sa grupong kasama nya.
“O, bakit?” tanong ng isa sa mga kaibigan niya, si Haidee.
“Mauna na kayo, may hihintayin pa akong friend. Ipagreserba n’yo na lang ako ng upuan."

Wala naman talaga siyang hinihintay. Tumayo lang din siya sa isang sulok at matamang pinagmasdan ang kilos ni Joshua. Parang walang anuman dito ang nagaganap sa paligid. Nagmamadaling nagpasukan ang mga estudyante sa loob ng Film Center samantalang ito’y relaxed lang na nakatayo at panay pa rin ang hitit-buga ng sigarilyo. Nginitian pa siya nito nang magtama ang paningin nila. Nilapitan siya nito nang gumanti siya ng ngiti.

“May hinihintay ka?” Tanong sa kanya ng lalaki.
Marahan siyang tumango.
“Baka hindi na dumating iyon,” sabi pa ni Joshua.
“Ikaw, hindi ka pa ba papasok?” tanong naman ni Meg.
”Mamaya nang konti, inuubos ko kasi ito, sayang kasi.”
“Sayang ang usok?” nagawa niyang itanong sa lalaki.

Nagtama ang paningin nila at nakita niya ang makahulugang tingin ni Joshua, tinging tila sinusuri ang sinabi niya.

“I know you’re a critic, pero hindi ako pelikula na pinapanood,” sabi pa ni Meg.
Napangiti si Joshua sa kanyang sinabi, “Hindi naman kasi ako sa usok nanghihinayang.”
“Ano pa ba ang puwedeng panghinayangan sa sigarilyo bukod sa usok nito? Nicotine?”
Umiling si Joshua. “Sayang ang naiisip ko habang inuubos ko ang sigarilyo.”

At natigilan siya sa sinabing iyon ni Joshua. Ibang klase talaga ang pananaw at ideya ng lalaking ito, sa isip-isip ni Meg. Ubos na ang sigarilyo ay itinapon na ni Joshua ang upos sa basurahan.

“Let’s go inside, kung hindi mo na hihintayin ang hinihintay mo.”

Sumabay na si Meg kay Joshua sa pagpasok sa loob ng Film Center. Marami pang bakanteng upuan.

“Saan ka uupo?” Tanong sa kanya ni Joshua.
“Nasa harapan ang mga kaibigan ko, doon kami madalas na pumuwesto. Ikaw?
“Dito sa likuran ang paborito kong puwesto.”
“Nag-iisa ka na naman diyan,” puna pa ni Meg sa lalaki.
“Okey lang. Mas nag-iisa, mas maraming napapanood.”
“What do you mean?”
“Hindi lang naman pelikula ang dapat panoorin. Pati mga tao.”
“Then ayokong kasama ako sa mga panonoorin mo.”

At magkatabi silang nanood ng experimental film na nakasalang sa telon nang mga sandaling iyon.


Mula Kabanata 1 hanggang Kabanata 7 ay maraming nangyari hanggang sa nagkahiwalay sila. Muli silang nagkita sa Kabanata 8 pahina 99-100, ganito na ang usapan nila at dito ko na inani ang mga itinanim ko noon.

Nagkita sina Meg at Joshua sa cafeteria ng isang sikat na hotel. Malaki na nga ang pagbabago ng personalidad ng lalaki.

“You look good,” bati pa ni Meg.
Mas disente nang tingnan at kumilos si Joshua ngayon. Mas credible na ang personalidad at ugali nito.
“You look great,” ganting papuri naman ni Joshua.

Inaasahan na niya ang mga papuring iyon dahil totoong mas gumanda pa siya sa paglipas ng panahon. Mas lumutang ang kanyang kagandahan ng mag-late –twenties na siya. Nagsalo sila sa isang dinner at pagkatapos ay nagsindi ng sigarilyo si Meg. Napansin niyang pinagmamasdan siya ni Joshua.

“Why?” usisa niya sa lalaki.
“Naninigarilyo ka na pala ngayon,” nakangiting puna ng lalaki.
“Ikaw ang nagturo sa akin nito, remember?” nakangiti ring tugon niya.
“Napaka-bad influence ko pala sa’yo noon.”
“Don’t say that, choice ko naman ito.”
“Hindi na ako naninigarilyo.”

Siya naman ang natigilan sa sinabi ni Joshua at matamang pinagmasdan niya ang lalaki.

“Really?”
“Noon kasi, ginagamit ko ‘yan para mag-isip.”
“So, hindi ka na nag-iisip ngayon.”

At natawa na naman ng mahina si Joshua. Napansin ni Meg na kakambal na ni Joshua ang mga ngiti’t tawa ngayon. Parang ang gaan at ang saya na ng buhay nito.

“Ginagamit ko ang sigarilyo noon sa pag-iisip ng mga problema ko sa buhay.”
“So wala ka ng problema ngayon? Nagkabalikan na ba ang daddy at mommy mo?”
Umiling si Joshua. “It’s not like that. Hindi na big deal sa akin ang problema. I can handle it relaxed and easy. Sabihin na nating composed na ako ngayon. Alam ko na ang gusto ko, alam ko na ang ayaw ko.”
“Good thing for you, huh?”
“You look troubled,” puna naman sa kanya ni Joshua.
“What?”
“Hindi ka kasi mapakali kanina pa. Naiilang ka yata sa akin.”
Pinilit ni Meg na I-relax ang sarili. “Hindi naman, medyo naninibago lang ako.”
“How’s Gary?”
Natigilan siya sa tanong ni Joshua. “What about him?”
“Kumusta na kayo?”

Ayaw niyang pag-usapan si Gary; ayaw niyang magkuwento ng maski na ano tungkol dito; ayaw niyang ma-spoil ang gabi nila ni Joshua, ayaw niyang may masayang na moment dahil hinahabol niya ang oras lalo’t bukas ay ikakasal na siya kay Gary.


Sa umpisa ng kuwento, si Joshua ang lalaking maraming hang -ups sa buhay kaya’t naninigarilyo siya. Iyon ang kanyang manifestation. Si Meg naman ang naninigarilyo ngayon dahil pagkaraang makamit niya ang maraming tagumpay at ipagpalit si Joshua kay Gary --- sa paglipas ng panahon ay napagtanto niyang hindi ‘yon talaga ang tunay niyang kaligayahan at hindi si Gary ang lalaking papalit kay Joshua sa puso niya. Siya naman ngayon ang maraming hang- ups.

Ang kuwento ay tungkol sa dalawang tauhan na ang goal ay “searching for ultimate happiness.” Nagamit ang planting sa pagko-contrast ng personality ng dalawang tauhan at gawing cycle ang mga pangyayari sa buhay nila. Hindi na kailangang palabasing masama si Gary upang magback-out sa kasal nila si Meg. Si Meg mismo ang antagonist ng sarili niyang puso kaya hindi siya lumiligaya. Kailangan niyang ma-realize iyon para magkaroon siya ng happy ending. Kailangan niyang amining all these years, everything is a lie. And Joshua is the only real thing.

Monday, June 29, 2009

A GENIUS NEVER SAYS GOODBYE...

"If I knew that today it would be the last time that i will see you, I will embrace you strongly to be the guardian of your soul.

If I would know that there would be the last minutes
that i will see you, I will say to you, "I love you" and wouldn't assume that you would know it."

"Nobody would remember you if you keep your thoughts secret. Force yourself to express them."


GABRIEL GARCIA MARQUEZ

Friday, June 19, 2009

MY FATHER'S DAY

Ano kaya ang mararamdaman ng isang tao sakaling malaman niya na namatay na ang other woman ng kanyang ama?

Ano kaya ang naramdaman ko?

Nalungkot ako. Kahit nakakatawang isipin para sa iba na malungkot para sa kamatayan ng isang taong naging sanhi ng marami nilang kalungkutan sa buhay lalo na sa pamilya. Almost 26 years, mahigit pa sa kalahati ng buhay ko sa mundong ito sila nagsama. At kami ang nagmukhang other family. Kami ang dinadalaw paminsan-minsan. Masuwerte na ang once a month. Minsan nga pag may okasyon lang. Minsan absent pa.

Ngayon ko lang ito aaminin. Malaki ang naging epekto nito sa buhay ko. Sa pagkatao ko. Sa mga naging kalungkutan ko. Sa maraming mga luhang ibinuhos ko, sa script mang isinulat ko, sa loob man ng banyo, at mga paninisi sa bawat kabiguang dinaranas ko sa iba’t ibang yugto ng buhay… sa iba’t ibang phase ng pag-ibig.

Pero nalampasan ko ang pinakamabigat na stage, yung panahon na kailangan ko pa ng ama. Iyong panahon na marami akong tanong na hindi na masagot. Iyong panahon na pinipilit kong maging mabuting tao… baka sakaling kapag natuwa siya sa akin, eh baka maisipan niyang bumalik at huwag na ulit umalis. Nalampasan ko ang oras ng pag-aagaw buhay na wala siya sa tabi ko. Dahil naroon siya. Wala siya dito. Nagawa ko ang papel na dapat ay ginampanan niya.

Sabi nga, walang sakit na hindi napaghihilom ng panahon. Natanggap na namin ang lahat. Isang umaga ay nakita kong wala ng mababakas sa mukha ng aking ina na anumang pait sa dibdib. Sabi niya, nakapagpatawad na siya. Minsan nagdududa ako. Baka sabi lang niya.

Nitong mga huling gabi, nakaramdam ang aking ina ng pagkabalisa at hindi pagkakatulog sa gabi. Sabi niya sa akin, mamatay na raw ata siya. Sabi ko bakit alam niya? May tao bang alam ang oras ng kamatayan? Ewan daw niya kung bakit may ganoon siyang pakiramdam. Now, it make sense. Kahapon ay itinawag sa amin na sumakabilang buhay na ang other woman ng aking ama matapos ang halos sampung taon ng paghihirap. Siguro, may naging struggle pa rin sila sa isa’t isa unconsciously. Anuman iyon. Marahil ay mga pakiramdam iyon at pagtutunggali ng dalawang babae, gaya sa isang script… isang tagpo ng komprontasyong sa isip lang. May humihingi ba ng tawad at may nagpapatawad? Marahil. Siguro. Sana.

Ngayon, ano ang nararamdaman ko? Nagpapasalamat ako. Dahil sa kabila ng lahat… napatunayan kong totoo pala na napatawad na namin sila.

Thursday, June 18, 2009

FROM SCRATCH

SINONIMS

Naiinis ako sa kahol ng aso, nakakatulig
Habang damang dama ko pa naman ang pag-eemote
Sa gitna ng musikang unchained melody
Sa gitna ng tila sasambulat kong utak na mabigat
Sa gitna ng aking pagdadalamhating hindi naman dapat
At ng luhang di naman pumapatak

Tatahimik lang sandali pero ayan na naman
Walang tigil ang habulan ng mga batang kalye
Walang puknat ang satsat ng mga tsismosa sa tabi-tabi
Wala namang pagsidlan ang lungkot
Wala kasing gamot na nabili
para sa pusong tila napepeste

Hay… naalala ko magsasaing pa pala ako
Hindi pa kumakain ang nanay ko
Maghahanda pa ng dogfood ng mga alagang aso
Maglilinis pa ng kotse, maghahanap pa ng liyabe
Eto’t tulala’t wala pa rin sa sarili
Kailangan pang magpagpag ng memory

Biglang nag-ring ang telepono
Nasa kabilang linya ang half sister ko
Sumakabilang buhay na raw ang nanay niya
Nabigla ako’t napatingin naman sa nanay ko, sabay sabi sa sariling…
Nalalaman talaga ang halaga ng buhay
Kapag may namamatay

parang pag-ibig.

Saturday, February 21, 2009

BLOGGERS EFFECT

Busy busy busy days talaga kaya walang entry sa blog na maski ano sa loob ng ilang buwan. Anyway, nakakatuwa na kahit walang latest eh may mga sumusulat pa rin at may nakakabasa ng blog na ito. Karamihan ay iyong tungkol sa malikhaing pagsulat at iyong iba ay tungkol sa nobelang panitikan o mga research work sa schools tungkol sa pop lit.

Kung matatandaan, sinimulan ko ang blog na ito sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa pop lit gaya ng komiks, romance novel, horror stories atbp. Hanggang sa sumegway ako sa malikhaing pagsulat, tula at mga personal na anecdotes ko at iba pang importanteng bagay sa buhay ko. Hanggang sa may nagcomment na nga sa akin na anonymous na ito raw “ang pinakawalang kuwentang blog na nabasa niya.”

Noong mga panahong iyon, plano ko na sana talagang burahin ang blog na ito kasi alam kong magiging busy na ako. Then ang super nega comment na ito ay natanggap ko, at naisip kong baka akalain ng anonymous na ito eh siya ang dahilan kung bakit ko ito biglang buburahin, baka maging guilty ako sa paningin niya, ahaha. Joke… joke… joke…

Ang totoong dahilan eh baka nga dumating ang time na hindi na ako makapag-post ng anumang artikulo dahil sa dami ng workload na tinanggap ko. For the time being ay hinayaan kong floating ang status ng Bulate Spotmind… and surprisingly, may mga natatanggap akong mga sulat every now and then, until I found out na maraming nagreresearch sa blog na ito dahil sa mga topic na naisulat ko na. I’m so flattered. Kaya sa abot ng makakaya ko ay susulat ulit ako maski pakonti-konti lalo na tungkol sa paksang pop lit, malikhaing pagsulat o maski ano pang mga bagay na maisipang isulat.