Monday, January 21, 2008

MALIKHAING PAGSULAT 101

BOTETE
----------------------
Mapait... matamis
lasa ng lambanog
parang babaeng
sarap ibigin
nakakaloko,
nakakabaliw,
at ang lasa'y
naiiwan sa labi
para talagang babae.
At ang likidong gumuguhit
tulad ng babae kung makapanakit
na may “after taste” pa sa umaga't
malalasahan, masisimsim, maaamoy pa
masakit na sa ulo'y masakit pa sa bulsa
babae... babae.... babae... at babae pa...
alak... alak... alak... alak at may alak pa...
magkatulad na habang tumatagal sumasarap
at lalong sumasarap, tumitindi ang pagliliyab
nakakalango't katawan ay nagpapaliyad-liyad
may mala-impiyernong init na nagpapalasap
na ang ligaya at kamunduha'y nasa langit
naman ang amats at ang “after shock!”
at sa umaga, pagkatapos na ng lahat
iisa lang din ang tinatawag-tawag
uwak... uwak... uwak... uwak...
guwarrkkk!!! guwarkkkk!!!
guwarrrrrrkkkkkk!!!
-------------------



***

Sa Malikhaing Pagsulat, gumagawa ka ng hugis, ng korte, ng imahe sa pamamagitan ng salita, mga letra, mga simbulo o senyas.

Sa Malikhaing Pagsulat, may mga kahulugang nakatago o nagtatago. Sabi nga ni Rene Villanueva, makintal at magparanas. Hihiramin ko ang dalawang salitang ito ni Rene bilang panimula.

Nagagawang makintal ang kamalayan sa pamamagitan ng paghahanap ng mga kahulugan at pagpapakahulugang nasa imahe, nasa korte, nasa hugis. May mga literal na pagpapakahulugan, subalit higit na matalas ang mga kahulugang nagbubukas ng kamalayan o nagbibigay ng mga samu't saring ideyang hindi binibigkas subalit naitatanim ng malalim o naititimo sa isipan. Nagpaparanas, hindi lamang dahil nakakarating ang imahinasyon sa lalim ng mga kahulugan ng teksto. Kundi ang magparanas na maangkin o angkinin ng mambabasa ang teksto bilang siya o bilang kanya dahil naroon siya o bahagi siya ng tekstong binasa niya at upang lumikha at magluwal ng mga panibagong imahe, mga hugis, mga korte mula sa imaheng nakintal sa kamalayan niya.

Ang Malikhaing Pagsulat ay hindi lamang ang makasulat ng katha o kuwento. May responsibilidad itong lumikha ng mga imaheng magpaparanas at kikintal sa kamalayan ng mambabasa sa pamamagitan ng literal at kritikal na pagbasa sa isang teksto.

Dito ko sisimulan ang Malikhaing Pagsulat 101.

5 comments:

Anonymous said...

informative.hopefully matuto nga akong magsulat dahil dito..thanks

gladi said...

hi missungit,

fan n'yo kaya ako ni bombilyang grin.

thanks.

Anonymous said...

hello po! onga, naisip ko tuloy, hindi lang basta makapagsulat at makapagkwento ang malikhaing pagsulat... salamat po!

gladi said...

Hi Nez,

Nakakatuwa naman at nabisita mo ang site ko. Marami pa akong diskusyon at mga nais talakayin sa blog na ito tungkol sa Malikhaing Pagsulat.

Sana ay makatulong ako sa iyo at sa marami pang tao na gustong magkaroon ng kaalaman tungkol sa kursong Malikhaing Pagsulat, sa iba't ibang anyo na nakapaloob dito, mga istilo, elemento at kung anu-ano pa.

Maraming salamat. Godbless.

Anonymous said...

SANA po meron kayong nilagay about pagsulat..

ung as in definisyon nya lang poh..

thanks