Thursday, January 10, 2008
I’M GLADY WITHOUT S!
Tandang tanda ko ang kuwento ng ate Nini ko sa akin tungkol sa araw ng kapanganakan ko. Umuwi raw ang tatay ko sa bahay namin ng tanghali at tinanong niya kung nanganak na raw ang nanay namin. Oo daw. Tinanong daw niya, anong pangalan? Sabi, Glady. Tanong pa daw niya, bakit Glady?
Sagot daw ng tatay ko, wala lang, para maiba lang, walang S.
Teka, totoo bang may kinalaman ang pangalan sa ugali at pagkatao ng isang taong nagmamay-ari nito? Hindi ko alam ang logical na sagot dito pero gusto kong sakyan na oo.
Dahil sa unang iyak ko pa lang ata, malamang na tumatawa na rin ako. Glady nga eh. At ang Glady for short eh Glad, tawag sa akin ng mga kaibigan ko, at kung gustong dagdagan ako eh Glads, kapag medyo nang-aasar ay Gladiola, at kung gusto pang lalong mang-asar ay Gladieytor, haha. Sa mga unang taong nakakilala sa akin, kadalasan ay Gladys ang tawag sa akin., iyong iba alam na ngang Glady, eh ginagawa pa talagang Gladys. Eh madalas kong sabihin, singular lang po at hindi plural ang pangalan ko. Nag-iisa lang po ako.
At tunay nga atang nag-iisa lang ako sa mundo. Kung ang pagbabasehan ko ay ang kuwento ng buhay ko mula sa kapanganakan ko hanggang sa huling araw ng kaarawan ko sa taong 2008. Parang tama si father dear, walang S ang pangalan ko, para maiba lang.
Susubukan kong alalahanin ang ilang masasayang sandali ng buhay ko noong bata pa ako. Subok lang naman. Kung may nakalimutan, gawa na lang ako ng part 2. Mabuti na itong naisulat ko na at tumatanda na ako. Bago pa man lang ako magkasakit ng alzheimer’s. Hehe.
May mga naalala ako noong ako’y tatlong taon hanggang pitong taong gulang. Naninirahan kami sa Siniloan Laguna, kung saan ako lumaki at nagkaisip, pero hindi naman ako doon ipinanganak. Tatlong taon ako noon at naalala ko na kung tuksuin ako ng mga kalaro ko ay matang pusa. Kasi ang mata ko raw noong bata ay parang mata ng pusa. Ngayon ata, eh matang baboy na ako. Haha. Naalala ko rin na tukso sa akin ng mga kapatid ko ay palata. Kasi daw lelembot-lembot ako, wala pa sa hinagap nilang tatanda pala akong tigasin. Haha. a.k.a. Palaban daw!!!
Naalala ko ang bahay naming walang hagdan. Kahoy daw kasi ang hagdanan namin at detachable. Eh nakaaway daw ng nanay ko ang bayaw niya (tito Oat ko) kaya ayun inalis ang hagdanan namin. Kapag aakyat kami ay binubuhat kami ng tatay ko at kung paano niya nagagawang umakyat o bumaba na karga kami, iyon ang hindi ko alam. Ayaw na nga kaming pabababain ng bahay noong naiakyat na kami eh. Kung kailan nagbalik o nakabalik ang hagdanan namin, hindi ko na matandaan.
Naalala ko noon si Papot (kapatid kong bunso) nang utusan kong magpatumbling tumbling sa stage ng plaza hanggang sa bumagsak at pumutok ang ulo, ang dahilan, gusto ko lang magpasikat sa mga kalaro namin at the expense of my kapatid na bunso. Siyempre pag-uwi namin, hindi ko sinabi ang totoo.
Naalala ko nang may magbarilan sa plaza at dinala kami ng nanay ko sa kusina, pinadapa kami habang yakap niya kami, sigh, nanay ko siyang talaga. Kinaumagahan, panay tama ng baril ang bahay namin dahil katabing katabi namin ang munisipyo, may isang sundalong namatay, may ilang pulis na namatay at may mga bilanggo pang nadamay. Ang dahilan daw ng barilan, kaunting pagtatalo ng sundalo at ng pulis. Kuwento ng Tita Nessa ko, agaw buhay pa raw ang sundalo at ibinigay sa kanya ang singsing, ipinabibigay sa girlfriend niya. Tapos namatay din.
Naalala ko ang lola ko (nanay ng tatay ko) na nakita ko sa plaza at binigyan ako ng singko. Hindi ko makakalimutan ang alaalang iyon, dahil iyon lang ang natitira kong alaala sa kanya, kasi namatay na rin siya nang mga panahong iyon, singhot. Retarded ang lola ko, sabi nila. Kulang sa pag-iisip, hindi marunong magsalita, pero nanay siya ng limang lalaking pulos pasaway (kabilang ang tatay ko) na iginaod niyang mag-isa sa panahon ng giyera, kuwento sa amin ng tatay ko. Kaya buong pagmamalaki kong sasabihing lola ko siya at hinding hindi ko siya ipagpapalit sa iba. Maski ano pang sabihin sa kanya. Hinding hindi ko rin kalilimutan ang kaisa-isa kong alaala na nakita ko siya habang inaabutan niya ako ng isang malaking singko.
Naalala ko noong ipinasok ko ang ulo ko sa bakod na bakal ng plaza. Katuwiran ko kasi kung maipapasok ko ang ulo ko sa pagitan ng dalawang grills, mailalabas ko rin. Sa edad kong limang taon, hindi ko alam kung saang paaralan ko natutuhan iyon. At tanghaling tapat na eh nakapasok pa rin ang ulo ko, at hindi ko mailabas-labas. Nalaman ng nanay ko dahil sa sumbong ng kapitbahay at agad pinuntahan ako para ipalagare ang grills.
Naalala ko nang habulin ko ang nanay at tatay ko na umiiyak ako. Hindi ko alam kung bakit, basta’t tumatakbo akong ala-Roberta sa kalsada at sumisigaw ng Inaaaayyyyyy!!!! Itayyyyyyyyy!!! Sabay hagulhol ng iyak. Noong umuwi ang nanay at tatay ko, ilang hampas ng ruler sa puwet ang natikman ko.
Naalala ko nang nagpipiknik kami sa palayan sa likod bahay namin. Lumipat na kami sa may BNCAT at wala na kami sa plaza nang mga panahong iyon. May dala akong payong na pula at nagtatakbo ako sa palayan.na mala-Sound of Music ang eksena.
Naalala ko nang nanghuhuli kami ng dalag at hito sa tuwing bumabaha sa palayan at pinalalangoy namin sa timba. Ilang araw naming pinalalangoy bago pa lutuin. Pinasusuka daw ang tawag dun sabi ng tatay ko dahil kumakain daw sila ng putik kaya maglalasa silang putik kung hindi pasusukahin. Ang nakapagtataka, pinasuka na nga’t lahat ang mga dalag at hito, ay kung bakit lasa pa rin silang mga putik! Hehe.
Naalala ko na nanghuhuli ng ibon na pugo ang kuya Naree ko at iniihaw namin iyon. Pati ang kanta niyang Rosemary Blue na kinakanta-kanta ko pa rin magpahanggang ngayon. You tried to wake me in the morning, this was our moment of goodbye… Naks! Senti.
Naalala ko si Titina (Valentina ang tunay niyang pangalan.). Ang alaga naming baboy at iyak kami ng iyak na magkakapatid noong ibinenta na siya. Para ko siyang kapatid. Ngayon ay mas alam ko na kung bakit para ko siyang kapatid. Hehe.
Naalala ko na madalas kaming manood ng sine sa sinehan ng Saldomar ng mga pelikula nina Vilma at Nora. Minsan nga ay may mga singit pang bold na eksena. Takipan ng mga mata pero ang kapatid ko na si Kuya Iboy, nakatakip ang mata pero nakabukas ang dalawang daliri niya. hehe. Naalala ko ang pelikulang Kung Bakit dugo ang Kulay ng Gabi na ang bida ay si Alona Alegre, George Estregan at Celia Rodriguez at talaga namang lagim na lagim ako noon kaya unang pagkakataon kong hindi nakatulog buong magdamag. At sa tuwing may kaluskos, napapatalukbong ako ng kumot.
Naalala ko ang mga sinira kong bag noong nag-aaral ako ng grade one dahil buwan-buwan ay binibili ako ng nanay ko. Hanggang sa isang araw ay umuwi siyang may dalang bag na animo’y yari sa plastic na abaka. Sabi ng nanay ko, hindi mo na masisira iyan. Isang hapon, umuwi akong sira-sira na. Takang taka ang nanay ko kung paano ko iyon nagawang sirain. Nitong mga huling araw ko na lang inamin na araw-araw ko kasing kinakaladkad sa kalsada.
Naalala ko kung magtsinelas ako ay baligtad. Maski anong gawing pagtatama ng nanay ko, baligtad talaga. Hindi ko masyadong napapansin na nadala ko hanggang sa pagtanda. Minsan sabi ng pamangkin kong si Pupu, ay baligtad, parang si Tita. Walang nagkuwento sa kanila, pero napansin nilang hindi ako conscious na magtsinelas nang magkabaglitad. Puwera na lang siyempre kung lalabas ng bahay.
Naalala ko nang makipagluksong baka ako. Mataas ang tatalunin ko, sabi ko kaya ko, sabi ng ate Bingbing ko, huwag. Tumalon pa rin ako. Bumagsak ako at nadaganan ko ang kanang braso ko. Bali. Nakimaw ako. Isang taon kong ininda ang cast, kawayan pa ‘yun. Isang taon akong naging kaliwete. Hehe. Pero medyo kaliwete pa rin ako kung minsan hanggang ngayon. Haha! Kung magsulat.
Naalala ko nang umalis ang nanay ko sa bahay namin para pumunta ng Maynila para magturo. Isang linggo pa lamang ay nag-empake ang tatay ko at isinakay kaming lahat sa mini-bus, biyaheng Maynila. Sabi niya, hindi raw pwedeng magkahiwa-hiwalay kami. Pitong taon ako noon, katatapos lang mag-grade one. Nakasakay kaming anim na magkakapatid, kasama ang tatay ko sa isang mini-bus, palayo, hindi ko alam kung saan kami pupunta. At isa iyon sa pinakamalungkot kong alaala.
Ang mga sumunod na alaala ay mas masalimuot, mas kumplikadong mundo ng Yakal Tundo noong early 80’s. Panahon pa ata nina Boy Pana kung saan nakakakita ako ng saksakan, panaan, barilan at bugbugan. Ang masaya, nakakaaliw na kabataan, mga karanasan ng kalokohan at paglalagalag sa kalye. Ang pagiging musmos na tila walang katapusan.
Maraming kuwento, maraming maraming espasyong kakailanganin sa mga kuwento kong ito. Baka tamang mag-part II o higit pa.
Pero dahil birthday ko, ito lang naman ang gusto ko sa klase ng selebrasyon na mayroon ako nitong huli. Ang minsang maging batang muli ang matatanda, hehe.
Masaya ang birthday celebration ko noong Jan 3 sa bahay namin, sa bahay ko nag-lunch ang buong pamilya ko, nag-online si Nunang, binati ako ng mga kaibigan ko sa text at sa YM. May cake, may candles, may balloons, may mga kaibigan sa party, at may baby boy na cute na nakuha ang balloons ko.
Noong Jan 4 ay celebration ko sa mga kaibigan ko. Tanghali pa lang ay nagpunta na kami ni Les ng Trinoma, sabi ko, mag-scout kami ng resto, magpareserve, at dahil katatapos lang ng holiday, medyo problema ang pagkaing ipapakain ko sa mga invited guest ko. Una, baka hindi pa sila natutunawan, pangalawa, baka handa nila noong Pasko o Bagong Taon ang handa ko ngayon sa birthday ko. Una naming pinuntahan ang Fridays, negative, kasi pasta at pizza ang specialty nila, saka chicken. Sabi ko, mayroon ‘yun noong holiday for sure. Inisa-isa namin ang lahat ng resto sa Trinoma, negative lahat. Dalawa lang ang pagpipilian, Dencio’s o Gerry’s na parehong bar. Sabi ko naman, e di painumin ang matatanda with matching toy balloons, hehe, joke.
Nagpagawa ako ng pitong balloon sa national bookstore, kako ‘yan ang parusa sa mga kakain ng handa sa birthday ko, ang mag-uwi ng balloons. Pito, dahil pito kami, including me. Nagpunta kami ni Les sa Red Ribbon para bumili ng pineapple juice, sakto namang may nagtext sa kanya at kailangan niyang magpaload. Naiwan ako na hawak ko ang pitong lobo. Para akong magbebenta. Isang batang lalaki na cute na cute ang umiiyak, bumibili ng cake ang mommy niya habang kinakantahan siya ng tatay niya ng happy birthday. Nakasakay ang bata sa stroller at talagang walang patid ang pag-iyak niya. Diretso sa pagkanta ‘yun tatay. Sa wakas ay nakuha ng nanay ang cake na binili nila at aktong aalis na sila, dumaan sila sa harapan ko at talaga namang iyak pa rin ng iyak ang bata. Itinuturo ang balloons na hawak ko. Awtomatikong inabot ko sa kanya ang isang balloon na kulay yellow, dapat sana’y akin ang lobo na iyon. Hinding hindi ko makakalimutan ang biglang pagbabago ng ekspresyon ng batang lalaki, ang biglang pagtawa niya habang tumutulo pa ang luha sa mga mata niya. Humagikhik siya na hawak ang balloon. Nagpasalamat ang tatay niya at sabi sa akin, salamat ha? Birthday kasi niya.
Nabawasan ang balloons, anim na lang, pero ang tuwa sa dibdib ko nang araw na iyon ay kakaiba. Hindi nasayang ang pagbili ko ng lobo. Hindi pala totoong nagbata-bataan lang ako.
Masaya ang birthday celebration ko. Kasama ko sina tita Opi, Tita Josie, Tessa, Tita Terry, Jocy at Les. Humabol pa ang guwaping na si Bebong. So what more can I ask? Kita naman sa pix na medyo nabusog kami sa Dencio’s at kita rin sa mga ngiti namin na hindi na kami tatlong itlog lang kundi pito na! haha. They are my friends and I’m very very proud and happy to be one of them!!!
Ang regalo nila sa akin ay kakaiba, cd ng Sherk 1, 2, at 3. Ang saya talaga! Mayroon na ako noong 1 and 2, wala pa ako ng 3. Pero gasgas na gasgas na ang cd ko at talagang panahon na para bumili ng bago, hehe. Kung bakit gusto ko ang Shrek? Saka ko na sasabihin. May tula pa akong ginawa para sa kanya, kay Shrek. Ang pagsulat sa akin ng tula ay minsan lang. Masyadong espesyal sa akin kapag ginawan ko ng tula. At si Sherk ay napakaespesyal sa akin.
Kung ibabalik ko ang alaala ng aking nakaraan, gusto kong i-share ng paulit-ulit sa aking mga kaibigan ang masasayang sandali ng buhay ko kasama man sila o hindi. Dahil alam ko, sa puso ko, nakilala na nila ang totoong ako. And they have accepted me for who I really am. That’s the best gift I’ve ever received.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
10 comments:
Tulad ng dati, labis akong naaliw sa pagbabasa nitong pinakahuli mong post. Pero bago mo isipin na aliw at pagkalibang lamang ang napapala ko rito, idaragdag ko agad ang mga iniiwang gintong butil mula sa mga inilalahad mong mumunting anecdotes.
Kailangan ko ring banggitin dito na mas napatutunayan mo ang iyong galing sa pagsulat. Kunsabagay ay matagal ko na itong alam, kahit hindi pa tayo nagkikita noon ng personal, aware na ako sa galing ng panulat ng isang Glady Gimena. Ngunit kung noon ay hindi ko 'sinusuri' kung bakit ka magaling, ngayon ay may ideya na ako. You write from the heart, and how! Kung paanong mula rin sa puso kung tratuhin mo ang iyong mga kaibigan, ganoon din ang iyong panulat.
(And this, in my opinion, is what every budding writer who reads this blog should know: write from the heart and the reader will likewise respond from the heart.)
Re your _th birthday celebration: it was great to start the year with a fun celebration such as what we had a week ago today. Hindi ang masarap na dinner at mga cute na lobo ang nagpasaya nang husto sa ating lahat kungdi ang ating pagsasama-sama. Which is why I have put all those photos taken during your birthday celebration in a readily accessible niche in my heart. I will revisit those images when I want to be reminded of our fun times, or when I simply want to cheer up myself.
Maraming salamat sa iyo, Glady, gayundin kina Ofelia, Tessa, Leslie, Terry at Jocelyn sa memorableng pagsasama-sama nating lahat. Sabi mo nga, the best gift that one can have is to be accepted for what one really is. I agree with you wholeheartedly. And let me add that it is a blessing to find kindred spirits in one’s friends.
Kailangang maulit ang masayang pagsasama-sama ng pitong M!
(Ang ibig sabihin ng M? Well, tayong pito na lamang ang nakaaalam niyon!!!)
Josie
Nice!isang article based from your own experience! the best talaga c tita! interesadong-interesado talaga aq s kabataan nyo nina mommy at kayong mga magkakapatid. lagi kcng kinukwento sakin ni mommy ang ilan pero mas marami akung nalaman! alam mu tita glady, ang next b-day gift q sau next year ay bag(pwede rin s christmas). anu gusto mo tita? yung hinihila o yung sinsakbit?
Madami talaga akung natututunan mula sau. kagaya ng ilang technique at style s pagsusulat at kung paano ito i-improve. maski sa pag sulat ng comix. lagi ko kcng binabasa yung mga comix mu n cnusulat mu p lng. natutunan q ang paglalahad at ang description ng bawat frame.
tita glady, pwede mu b kung turuan kung panu magsulat nang hindi n masyadong ine-edit?
saka panu b gumawa ng twist at malakas na impact s storya o ending gaya ng technique mu?
yun lng. sobrang belated happy b-day!
love you,
pupu
Hi tita Josie,
I'll take it as a compliment mula sa batikang nobelista at manunulat na si Josephine Aventurado.
Dahil hindi kayang tawaran ang angking galing mo para papurihan ang isang hamak na manunulat na tulad ko, hehe. Pero higit pa roon, mas nais kong bigyan ng timbang ang pagkakaibigan ng grupo natin na sobra mong pinahalagahan. Salamat dahil naging kaibigan kita. Salamat at lagi kang nariyan para suportahan ako, laging papurihan at higit sa lahat ay unawain ang mga pagkukulang ko.
Tama ang ipinayo mo sa akin na mag-blog ako. Maraming maraming salamat. Dahil kung hindi dahil sa'yo, malamang na nakaimbak lang sa utak ko ang mga pinagsasabi ko dito, hehe.
Sana nga marami pa akong masabi. Sana nga marami pa akong pag-ibig at pagmamahal na maranasan. Para sa ganoon, laging aktibo ang puso ko sa pagsusulat ng mga kuwentong kinaaaliwan mong basahin.
From there, I'll make sure to stay in love always, promise. Hehe.
PITONG M stands for magaganda, mababait, matatalino, malalambingm, malalakas kumain, matatapang, at higit sa lahat... maseseksi! Hahaha!
Hi bebe Pupu,
Natutuwa talaga ako kasi napapatunayan ko at tama ang sinabi kong magiging magaling kang writer.
Alam mo kung bakit? Nagsisimula ka ng magtanong ng mga imposible. Hahaha!
Hindi pa naiimbento ang teknik ng pagsusulat na walang editing o ang tinatawag na perfect script. Pero sa ngayon, be, ang pinakamalapit na teknik na magagamit mo ay ang tinatawag na self editing, hindi self censorship ha? Magkaiba iyon.
Self editing, kung mismong ikaw ay hindi nagagandahan sa isinulat mo, ano pa ang aasahan mo sa ibang makakabasa ng akda mo? Kung ikaw mismo ay walang natututuhan sa isinusulat mo, ano pa ang inaasahan mong matututuhan ng mambabasa mo sa'yo? Kung alam may mali sa isinusulat mo, bakit mo pa isusulat? Maliban pa dito ang ilang teknikalidad na kailangan mong malaman. Ang paggamit ng wastong grammar, spelling, etc. Maraming marami pang kung alam mo... basta't ang tatandaan mo, hindi ka nagsusulat para papurihan ka ng ibang tao. Nagsusulat ka dahil may sinasabi kang alam mo na gusto mong malaman din ng iba. Hindi ka nagsusulat dahil nakikipagpagalingan ka sa iba. Nagsusulat ka dahil naniniwala kang may maibibigay ka rin kung paanong tumatanggap ka rin. Higit sa lahat, ang isang katangian ng magaling at mahusay na manunulat ay marunong tumanggap ng mga komento, puna, kritisismo at panunuri mula sa iba't ibang klase ng mga tao. Hindi katangian ang magpalagay sa sarili na akala mo ay lagi siyang magaling at lagi siyang sikat. Hindi ka uunlad bilang tao.
Maraming marami pa, be. At dahil sa request mong turuan kita ng ilang teknik, lalo na sa paggawa ng ending, sisimulan ko ng i-discuss sa blog na ito ang Malikhaing Pagsulat. Yey!!! Malakas ka sa akin eh.
Sa edad mong trese na nakasulat ng kakaibang twist ng kuwentong KALYE TRESE? Malayong malayo ang maaabot mo. Tanong mo pa kay Tita Opi, hehe.
Love you din,
Tita mo
Bb. Glad,
Maligayang kaarawan po! :) At para sa isang indibidwal na nasa kanya na ang lahat, iisa ang wish ko para sa 'yo—sana'y matagpuan na ng pihikan mong puso ang lalaking makakasama mo sa habampanahon. Sana rin ay dummai pa ang iyong outlet para mapalaganap ang iyong panulat, at hinihintay ko rin na makapagsulat ka na sana ng textbook para sa malikhaing pagsusulat at magabayan ang mga kabataan sa tamang landas patungo sa karera ng pagiging isang manunulat.
I'm opening a bottle of champagne here... cheers!
Hello Kuya KC,
'Yaan mo at tsika ko sa'yo pag meron na. Hehe. At sisiguraduhin kong kasing pogi mo talaga.
Dapat talaga grupo tayo na sumulat ng malikhaing pagsulat. Kasi sigurado ako na mas magiging maganda iyon. Simulan na natin ang pagko-conceptualize niyan at panahon na para magsama-sama ang powers natin! Sigurado akong marami tayong gigimbalin. Hehe.
Cheers!
Uy bertdey!!!! Kainan!!!!!
Glady, nakakatuwa naman ang mga experiences mo sa iyong childhood. Diyata't napaka-pilya mo pala? At very daring, ha? Para kang female version ni Che Guevarra. Noong kabataan ni Che, tumatalon si Che mula sa bintana ng bahay nila at sa bintana naman ng kamag-anak niya. Kung may 4 feet ang agwat ng mga bintanang ito. Napakataas ng bahay at kapag nahulog ka'y maaaring ito na ang maging katapusan mo. Pero, wala pa rin siyang pakialam. Talun pa rin ng talon.
Malungkot nga at ngayon yatang mga panahong ito ay hindi na kasing saya ang childhood ng mga batang Pilipino. Lahat na yata, kung hindi hawak ang cell phone, nakatanghod sa harap ng computer at naglalaro ng mga computer games na ginawa ni Randy Valiente. He-he.
Maski nga dito sa north America, ang mga kabataan ay lokung-loko rin sa mga ganitong bagay at nabawasan nang husto ang interaction sa kanilang mga kapuwa bata.
Hindi ko na tatanungin kung ilan na ang edad mo at baka banatan mo ako ng isang Karate Chop, malumpo pa ako.
Belated happy birthday to you. May you have many, many, many, manyyyyyy more :)
JM
Glady, nakakatuwa naman ang mga experiences mo sa iyong childhood. Diyata't napaka-pilya mo pala? At very daring, ha? Para kang female version ni Che Guevarra. Noong kabataan ni Che, tumatalon si Che mula sa bintana ng bahay nila at sa bintana naman ng kamag-anak niya. Kung may 4 feet ang agwat ng mga bintanang ito. Napakataas ng bahay at kapag nahulog ka'y maaaring ito na ang maging katapusan mo. Pero, wala pa rin siyang pakialam. Talun pa rin ng talon.
Malungkot nga at ngayon yatang mga panahong ito ay hindi na kasing saya ang childhood ng mga batang Pilipino. Lahat na yata, kung hindi hawak ang cell phone, nakatanghod sa harap ng computer at naglalaro ng mga computer games na ginawa ni Randy Valiente. He-he.
Maski nga dito sa north America, ang mga kabataan ay lokung-loko rin sa mga ganitong bagay at nabawasan nang husto ang interaction sa kanilang mga kapuwa bata.
Hindi ko na tatanungin kung ilan na ang edad mo at baka banatan mo ako ng isang Karate Chop, malumpo pa ako.
Belated happy birthday to you. May you have many, many, many, manyyyyyy more :)
JM
Hi Jm,
Maraming maraming salamat!!!
At tama ka na napakahalaga talaga ng laro sa isang bata. Nagkakaroon ng malaking kulang sa pagkatao ng isang bata kung hindi siya nakapaglaro o nakipaglaro sa kapwa niya bata. Ayon sa isang thesis study, ang pag-uulyanin at pagbabalik sa pagkabata ng isang matanda ay ang may sikolohikal na kaugnayan sa kakulangan niya sa paglalaro noong siya ay bata pa. At kung totoo ang pag-aaral na ito, malamang na hindi natin magiging problema ang maging ulyanin, hehe.
Salamat uli sa pagbati.
Glady
Post a Comment