Thursday, February 14, 2008
LOVE 101. MY VALENTINE BOY
He’s a big boy now. Sabi ko sa sarili ko kani-kanina lang. Kasi nakita ko siyang naglalakad, dala ang kanyang knapsack, papunta sa kanyang school service, guwapong guwapo, bagong paligo, maputi at neat na neat magdamit. Mabangong batang lalaki. Suklay na suklay ang buhok. Mapula ang lips. At ang height ay hindi na makontrol sa paglaki. Who else but my one and only baby or bebe, none other than, Emmanuel Richard Neri, aka Pupu, ang poging pogi kong pamangkin!
He’s 13 years old now. At marami akong kuwento sa kanya kasi mula nang ipanganak siya ay nakasama ko na siya hanggang sa kanyang paglaki. Dec 24, 1994 nang ipinanganak siya. Gabi iyon kaya’t nag-noche buena ang buong pamilya namin sa Perpetual Succor Hospital.
Excited ang lahat sa paglabas niya. Nagwa-wonder kasi kaming lahat how beautiful baby he is, kasi maganda ang mother niya (kapatid ko) at napakaguwapo ng daddy niya (care of Ric Neri, hehe). The first time I ever saw him, para akong nakakita ng baby angel. Nakakaguwapong baby, napakacute, akala mo isang anghel na bumagsak sa langit. Kulot, mapulang mapula ang skin at pati lips, matabang baby. Excited ang nanay ko kay Pupu. Mama ang tawag ng lahat ng apo sa nanay ko. Nakita ko sa mga mata ni nanay ang matinding tuwa sa unang pagkakataon pagkaraang mamatay ang lola Pansang ko (nanay ng nanay ko). November 13 namatay ang lola ko, Dec 24 ipinanganak si Pupu, same year. Ang kalungkutan ni nanay ay masasabi kong biglang napawi sa unang pagkakakita pa lang niya kay Pupu. Matagal na kasi siyang hindi “nakakapagbunso” ng apo. Si Christian ay 5 years old nang mga panahong ipinanganak si Pupu. Si Christian ang sumunod sa panganay na apo (si Rona ang una). Pero siyempre, may ibang kuwento ako kay Christian, sa susunod na siya. Hehe.
Therapy, sa loob loob ko. Regalo mula sa langit ang pagdating ni Pupu dahil naging therapy siya ng nanay ko. Ako mismo ay nag-aalala ng husto sa kalagayan ng nanay ko dahil sa sobrang kalungkutan niya nang mga panahong iyon. At kung dahil sa paglabas ng isang Pupu ay magagamot ang kalungkutang iyon ng aking ina, ituturing kong isang espesyal na bata talaga si Pupu. And he did it! Malay ba niya, sa kawalan niya ng muwang sa mundong ito, ay masahol pa ang epekto niya sa isang malakas na antibiotic para magpahilom ng malalim na sugat at pagnanaknak dulot ng isang kamatayan. Muling naibalik ni Pupu ang saya ng aming pamilya. Ito ang una niyang naging misyon sa buhay.
He’s really a cute baby boy. At sa kanyang paglaki, bagama’t pilyong pilyo, nasa kanya ang katangian para mahalin at ingatan. He’s malambing na baby sa kabila ng kapilyuhan. At hindi nawala ang kanyang bonding sa kanyang “pinakamamahal na mama”. Lumaki siyang kasama ako dahil nagre-rent kami ng apartment ng kapatid ko at share kami. Isang unit ng townhouse ang nirentahan namin katabi ng family house namin sa Greenheights, Marikina.
Isang malungkot na kwento ay ang unang paghihiwalay namin noong nagpunta silang mag-anak sa Malaybalay Bukidnon, Pupu was only 2 years old then. Noong gabing nag-eempake sila, sa kuwarto ko natulog si Pupu, ako ang nagpatulog sa kanya. Nakahiga siya sa dibdib ko at buong magdamag siyang natulog doon. Ang lungkot lungkot ng pakiramdam ko dahil first time na mahihiwalay sa amin ang baby namin for a family vacation. First thing in the morning ay inihatid na namin sila sa domestic airport at kasama ko ang mama niya sa paghahatid. Alam ko na mahabang biyahe ng kalungkutan ang pagkakalayo nilang maglola. At ang unang salita na binigkas ni Pupu noong nasa probinsiya na siya at kausap niya ang mama niya ay, “aguy mama, aguy!”
First crush niya si Ara Mina. May malaking poster si Ara Mina na nasa ilalim ng hagdanan namin noon at madalas iyong titigan ni Pupu. Talaga namang naging stage tita ako sa pakikipag-usap kay Ara Mina para sa kanilang pictorial, hehe. Kinantahan pa niya si Ara Mina ng isang kanta habang nagpe-perform ito. Nailagay pa nga sa poster ng Kislap Magasin si Pupu, courtesy of Tita Swannie, dahil na rin sa pagiging stage tita ko, hehe. Sayang lang at hindi ko nagawang i-guest si Pupu sa tv gaya noong ginawa ko kina Rona at Christian na naging anak nina Jestoni Alarcon at Karla Estrada sa isang GMA TRUE STORIES. Bukod sa hindi na ako active sa tv ngayon, parang wala na akong time na gawin iyan tulad ng ginawa ko noon.
At the age of four years old, nagworkshop na si Pupu kay Fernando Sena at kumuha siya ng basic drawing kung saan siya ay naging gold medalist dahil sa kanyang mahuhusay na artworks. Likas sa kanya ang pagkahilig sa drawing dahil may pagmamanahan naman siya (sino pa eh di ang daddy niya). Ako rin ang naghahatid sundo noon kay Pupu. Nag-attend na rin ako ng workshop kaya’t maski paano ay may natutuhan ako sa pagdo-drowing. Supportive ako sa kanya dahil alam kong iyon ang gusto ng Mama niya. Parang ako ang ekstensiyon ng mga gustong gawin ni Nanay kay Pupu, at dahil hindi na rin kaya ni nanay ang ibang pisikal na aktibidad (gaya ng ginagawa niya kay Pupu noon na paghahatid sundo sa UP at St. Joseph College noong nag-aral ito ng prep), ako ang tumutugon sa ibang pangangailangan ni Pupu maski sa ganoong pamamaraan lang.
Lumipat na ako ng bahay sa San Mateo pagkaraang maipagawa ko ang extension ng bahay na nabili ko. Ilang buwan lang at lumipat na rin sila sa bahay na nabili naman nila, katabi lang din ng bahay ko. Kaya maski magkaibang pinto kami, one big happy family pa rin kami. Madalas kong iangkas si Pupu sa scooter. Promise ko sa kanya na tuturuan ko siyang magmaneho at mag-scooter kapag right time na. Promise ko nga sa kanya na pamana ko na sa kanya ang kotse ko sakaling bumili ako ng bago, hehe. How he wish. Minsan ay nagpupunta kami sa school nila na angkas ko siya. Nahihiya siya sa tuwing bumababa siya sa scooter na nakatingin ang mga classmate niyang babae. Nangingiti ako sa ngiti niya. Pacute kasi.
He’s a bright boy. He really is. Kaya kong patunayan ‘yan. Napakaintelehente niyang kausap lalo na kung Science na subject ang pag-uusapan. Napakarami niyang alam na hindi ko alam at natutuwa ako sa tuwing nagkukuwento siya ng mga natutuhan niya sa school. Elementary pa lang siya noon pero napakataas na ng kanyang reading and comprehension skill. Sa totoo lang ay nagagawa niyang unawain ang mga sinasabi ko at ipinapaliwanag ko tungkol sa isang akda. Sa totoo lang ay naiitindihan niya ang lalim ko bilang manunulat. Kaya kung kausapin ko siya tungkol sa bagay na ito ay mataas at malalim. Dahil nauunawaan niya ako. Madalas ko siyang nahuhuli na binabasa ang mga sinusulat ko ng walang paalam. Minsan, kapag nakabukas ang computer ko at nagpapahinga ako, bigla na lang iyan uupo at babasahin ang sinusulat ko. Minsan ay palihim pa dahil nagagalit ako kapag nakikialam siya. Kako baka may mapindot siya at mabura ang sinusulat ko. Pero maski sa computer ay mas magaling siya sa akin, ina-under estimate ko lang ang kakayahan niya bilang bata dahil hindi ko pa alam noon kung ano ang abot ng kaalaman niya. Wala pa siyang naburang mahalagang files sa computer ko sa dinami-dami ng pakikialam na ginawa niya sa mga sinusulat ko. Dumating ang point na inuutusan ko na siyang dagdagan ang isinusulat ko at never niyang binigo ang expectation ko sa kanya. Napakahusay ng story telling niya. Maraming beses niya akong napabilib.
Minsan ay papunta kaming palengke at naglalakad, tinanong ko siya, ano ang mas gusto niyang maging, maging artist na kapareho ng daddy niya o maging writer na kapareho ng tita Glady niya. Hehe. Sagot niya ay pareho. Safe answer. Eh makulit ako, gusto ko ay isa lang. Dahil gusto kong malaman kung ano ang mas matimbang sa kanya. “Gusto kong maging writer tulad mo, ‘yung tulad ng mga sinusulat mo.” Natawa ako. Alam kong bola kasi kaharap ako. Sabi ko bakit? Sagot niya, mas nakakapag-express daw siya ng pakiramdam sa salita. Sa drawing daw, medyo hirap pa siya. Paglipas nang mga araw, napatunayan kong hindi pala ako binobola ni Pupu. Dahil nabasa ko ang isang sulat niya sa isang kaibigan na nagpapaalam na siya dahil pupunta na ang kaibigan niyang ito sa probinsiya. At totoong mas nakapag-express siya ng kanyang kalungkutan sa sulat na iyon sa pamamagitan ng salita. Wala ni isa mang drawing ng anime na idino-drowing nilang magkakaibigan noon.
Tinuruan ko siyang magsulat at ang unang akdang nai-publish niya ay ang KALYE TRESE, isang short horror story. Tinuruan ko na rin siyang sumulat ng komiks at nakagawa siya inspired sa sinulat kong KARNIVAL. Alam kong malayo ang mararating niya sa pagsusulat. Mas malayong malayo pa.
He’s a very sensitive and emotional person. Madali ko siyang ma-touch sa mga kuwento ko. Madali siyang maapektuhan ng mga balita. Umiyak siya nang umiyak ng malaman niyang naaksidente si Rona sa Canada. Lagi niyang sinasabi na mahal niya ang ate Rona niya at nami-miss na niya ito. Madalas siyang nagtatanong kung kailan uuwi ang ate Rona niya. Palagi siyang nakasunod sa Kuya Christian niya maski saan ito nagpupunta kung nasa bahay lang sila. Mahilig silang manood ng horror films na magkuya at maglaro ng PS2. Mabait siyang kuya ni Maimai, maski pa madalas silang magtalo at mag-away. Diretso siya sa bahay ko sa tuwing galing ng school para humalik sa akin at magkuwento ng buong maghapon na ginawa niya sa school. Napapalo siya sa mga kasalbahehan niya pero umiiyak siya at nagtatampo pagkatapos. Tipikal na bata. salbahe kung minsan, behave kung minsan, pero nagtataglay ng lalim ng pagmamahal.
Minsan nga sabi niya sa mommy niya, “Mommy okey lang bang mas mahal ko si Mama kesa sa inyo ni Daddy? Lamang lang siya ng mga 10%.” And he really means it. Kung gusto mo siyang paiyakin, lokohin mo siyang may sakit ang Mama niya. Kung gusto mo siyang palungkutin, magkuwento ka ng mga kuwentong malungkot tungkol sa Mama niya. Kung gusto mo siyang mas lalong palungkutin, sabihin mong hindi na aabutan ng Mama niya ang magiging anak niya. Tiyak na dadalhin niya ang kalungkutan na iyon hanggang sa pagdarasal bago matulog.
A week before Valentines day, inamin sa akin ni Pupu na may crush na siya na madalas niyang inaabangan tuwing uwian. Mayroon daw siyang kaibigan na laging kasama na “sumisilay” din sa crush naman nito. Tinanong ko siya kung ano ang nararamdaman niya sa tuwing nakikita niya ang crush niya. Sabi niya’y nakakaramdaman naman daw siya ng ligaya at haplos daw sa puso. Exact word iyan ng naging sagot niya sa akin. Natawa ako ng lihim. Siyempre’t hindi ko ipinakita sa kanya na natatawa ako. Kasi nama’y may taglay din pala siyang kakornihan sa katawan. Tinanong ko kung maganda ang crush niya, sabi niya’y ok lang, maputi, one length ang buhok pero hindi naman daw gaanong kagandahan. Simple lang daw at saka medyo mahinhin. Iyon daw kasi ang type niya.
Kahapon, umuwi si Pupu at tatawa-tawang nagkuwento sa akin, si Mai-Mai daw (bunso niyang kapatid) pinuntahan daw siya sa classroom at may dalang sanitary napkin na ipinamigay daw sa mga babae sa school. Sa kanya daw ipinatatago ni Maimai. May mga classmate daw siyang babae na nakatingin at nagtatawanan. Dali-dali daw niyang ibinalot at nagtatakbo siya para itago ang napkin ni Maimai. Hindi siya nagrereklamo sa kanyang pagkukuwento, parang nasanay na siya sa kapatid niyang bunso na ang tawag naming lahat ay stage sister ng kuya Pupu niya. Paano naman, halos araw -araw daw ay pumupunta si Mai-mai sa classroom niya at kung anu ano ang ibinibigay, kalahating pastilyas, kapirasong cookies, hinating kendi at kung anu-ano pa. Hindi naman daw magawang awatin ni Pupu. Minsan nga kapag late daw si Pupu pinalalabas ng classroom, kinakausap ni Maimai ang adviser ni Pupu at sinasabing “Teacher, nagagalit po ang mommy namin kapag nale-late kaming umuwi.” Hehe. Walang magawa si Pupu dahil parang ate niya si Maimai kung magsalita. Pero minsan ay narinig kong pinagsabihan niya ito, “Maimai, mag-reduce ka, walang manliligaw sa iyo kapag ganyan ang katawan mo.” Haha! Ang lakas ng tawa ko talaga.
Kaninang umaga, binigyan ni nanay si Pupu ng 20 pesos (courtesy mula sa pitaka ko), kasi baka daw may pagbibigyan ng card o bulaklak o chocolate. Naalala ko ang sinabi ko sa kanya na gumawa ng isang tula at i-post sa bulletin board ng school para mabasa ng crush niya. Ayaw niya. Hindi pa raw siya manliligaw. Basta masaya na raw siyang sumisilay lang. Sabi ko, kapag manliligaw na siya, sabihin niya sa akin, tuturuan ko pa siyang gumawa ng love letter. Pero ayaw daw talaga niya. Basta daw sa Valentine’s day ang plano niya ay maupo lang sa isang tabi habang nagkakagulo ang mga classmate niya sa pagbibigyan ng kung anu anong valentine’s stuff. Pero siyempre daw sisilay at silalay din naman daw siya.
Para sa aking Bebe, na ngayon ay binatilyo na at alam kong isang araw, maski pigilan ko pa ay tiyak na hindi mapipigilan… na maglalabas ng mga kakornihan tungkol sa pag-ibig, pagliligawan, pagseselosan, etc… etc… this poem is for you my boy. Describing how you feel and how it goes.
And here it goes…
FIRST
Isang araw ako’y gumising,
may nagbulong sa aking kung anong hangin,
ang sabi’y boy you’re so duling,
ang crush mo, sa iyo’y may crush din.
Ayaw ko pa siyang pangalanan,
tawag ko sa kanya’y Ms. Smile ka lang d’yan,
nadudurog na kasi ako sa ngiti pa lang,
what more kung may I love you pa yan?
Etong friend ko na tawagin nating Mr. Torpe,
ako nama’y counterpart na si Mr. Tyope,
mag-bestfriend kaming parehong maarte,
sa harap ng crush nami’y natotorete.
Inaabangan ni bestfriend si Ms. Pretty,
ako nama’y si Ms. Smiley,
kapwa kami naririndi,
sa tilian ng mga cute na girlie.
Sabi ni Mommy bata pa ako,
“panliligaw ay di pa pwede bebe ko”,
there comes a right time, so and so…
tinandaan ng kukote ko ito.
Pero bakit ba ganoon?
may kung anong bulabog sa puson,
este sa puso palang parang maton,
na ibig ng maglimayon.
Sa ngayon ay masayang nasisilayan,
ang crush kong crush ng bayan,
pero promise my love, my only one,
sa right time, we’ll be as one.
HV TO ALL!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
5 comments:
bb. glad-ly,
crush niya si ara mina? encourage him to learn boxing and take the sport as a second career. i hope you're into showbiz too and get what i mean! :)
cute pala ang mom ni pupu :)
ginoong KC,
hindi na niya crush ngauon si ara, kaya di na niya kailangang mag-boxing, hehe. si angel locsin na pero turn off na din siya. ngayon ay si marian rivera na ang pinagpapantasyahan ng mokong na un. any advice? hehe.
cute talaga ang mommy ni pupu. hmnnn.... hehe.
yah talentado maxado ang pinsan kong yan. db bebe? tawag namin sa kanya batang emosyonal. mdali magalit pro mbilis dn mwala. mahal na mahal ko yan. hindi lang basta pinsan ang turing ko sa kanya. kundi kapatid. hnd lang siya kundi lahat ng pinsan ko. apa, pupu, mai, yeye, meg meg. iloveyou - ate nunang!
pause.......Um, tita, mukhang rumaratsada na naman tayo! buti wala kang binanggit na pangalan, tenx(hehe, tepox ako s mga classmate ko if you name her!) ayos! piling ko binayaran ako nang malaki para sa isang interview na hindi na ako tinanong! hehe. medyo nakakahiya yung tula kc parang hindi totoo na may crush din xa sakin. pero ok lang. saka, mas interesado pa ko dun sa tula kaysa sa iba e.(joke!) dapat cnulat mu rin ung conflict namin ni bestfriend, alam ko na, gawa ka nang continuation nung kwento tapos isulat mo dun ung conflict. :-)
luv, pupu
beh,
'yung tula na pinasusulat ko sa'yo. gawin mo ha? para ma-post ko na dito, wait ko.
love you.
Post a Comment