Saturday, February 16, 2008
LOVE 101.IF THIS IS LOVE?
Natatandaan mo ba ang mga panahong nagpapa-cute ka pa at hindi mo alam kung bakit kailangan mong gawin iyon? Pasilip-silip ka sa classroom. Palundag-lundag sa hagdanan habang kunwa’y nakikipagharutan sa kaklase, pero ang totoo’y nagpapapansin ka lang. Ang lakas ng boses mo, dinig hanggang sa pinakadulo ng classroom. At sinasadya mo iyon para marinig ka niya. Mapansin, mapansin at mapansin pa.
Natatandaan mo ba ang mga kantang usong uso noon na pang-dedicate mo sa kanya? Iyong kantang If this is love? Iyong bumibirit na kanta ni Melissa Manchester at may lyrics na…
Guess I'm just afraid
I'm not the kind who makes it last forever
And in my selfish way I think I'm clever
Until you cry
Do you wanna leave?
You can let it go because you're strong
But one day without your love seemed so long
And I sigh, how I sigh
If this is love, darling
Now's the time to wake up
Hurting words can't really shake up someone's life
If this is love, darling
It's time to stop pretending
We'll never have a happy ending while we cry
Natatandaan mo ba nang unang maramdaman mong seryoso ka na, at tinatanong mo na sa sarili mo kung ano ang nararamdaman mo? Iyong hindi ka mapakali. Iyong natutulala ka, pero napapangiti pagkatapos, pagtingin mo sa nanay mo, gustong gusto mo siyang halikan at pasalamatang buti na lang at naging tao ka. Kung hindi—hindi mo mararamdaman ang ganoong klase ng pakiramdam. Iyong bang gusto mong umiyak sa tuwa, sa kilig, sa aliw, sa lungkot kasi hindi mo nakikita ang taong nagpapatibok ng puso mo. Iyong pakiramdam na puwede kang batukan ng maski na sino at hindi ka magagalit dahil mabait ang pakiramdam mo. At bakit mabait? Kasi’y nakausap mo siya o nakangitian pa.
Natatandaan mo ba ng una kang gumawa ng love letter at ipinadala mo sa kanya? Pinagpunit-punit pa nga niya. At ikaw, habang nakikita mong pinupunit niya, nakatulala ka. Mangiyak-ngiyak. Pahiyang pahiya ang pakiramdam mo. Iniwasan mo siya. Bakit naman ang hindi, eh ipinahiya ka na nga niya? Tapos isang araw nabigla ka, sabi niya sa’yo, friends? Nahihiya kang inabot ang kamay mo at ang sabi mo pa, “S-sige, friends.”
Naging friends nga kayo at tuwang tuwa siya sa’yo dahil nalaman niya ang other side mo. Makulit ka raw pala. Palabiro. Masayang kasama. Korning mag-jokes. At naging number one fan mo siya sa mga knock-knock mo.
Natatandaan mo ba nang bigla na lang siyang mag-I love you sa’yo? Nabigla ka, oo nabigla ka. Hindi mo inaasahan. Akala mo kasi friends lang hindi ba? Bakit may I love you na? Hindi ka nakasagot? Sabi niya, ba’t di ka sumagot? Sagot mo, tanong ba iyon na kailangang sagutin? Nainis siya sa sagot mo, nag-walk out siya, hinabol mo siya at sinabi mong “sorry”. Hindi siya huminto sa paglalakad, at isinigaw mong “I’m sorry”. Diretso siya sa paglalakad kaya napilitan kang sumigaw ng “I love you!”
Huminto na siya sa paglalakad. Hinarap ka. Nakangiti ang mga mata niya. Nagtatanong. Nagkukumpirma kung totoo ba o hindi bola. Hindi bola. Iyon ang sagot ng mga labi mong may ngiti. Nilapitan mo siya. Sabi mo, “tayo na?” Sagot niya, “tanong ba ‘yan na kailangang sagutin?” Natawa ka. Natawa rin siya. Tapos hinawakan niya ang kamay mo. Tapos kayo na pala talaga.
Natatandaan mo ba nang araw-araw kayong umuuwing magkasabay maski pa magkaiba ang daan pauwi ng mga bahay ninyo? Gumagawa kayo ng sariling daan. Parang daan ng mga puso ninyo patungo sa isa’t isa. Tapos kapag naglalakad kayo, holding hands kayo. Maski pawis pa mga kamay n’yo. Okey lang talaga. Parang ang gaan-gaan ng mundo. Parang nabubuhat n’yo. Ang saya-saya ng buhay. Parang walang problema.
Natatandaan mo ba nang isang araw ay nagkita kayong malungkot ang mga mata niya? Tanong mo bakit? Sabi niya wala. Napuwing lang daw siya. Tanong mo pa nga sa kanya, anong koneksiyon? Umiling siya, sabay sabing wala. Na ang ibig sabihin ay walang koneksiyon ang pagkapuwing ng mata niya sa kalungkutang ipinakikita niya sa’yo. Naramdaman mong iwas na iwas siya sa’yo. May na-sense kang kung anong problema niya. Pero ayaw niyang sabihin. Ayaw niyang kumpirmahin. Hanggang isang araw, sinabi na lang niyang mag-uusap kayo ng seryoso, at kung puwede ba?
Natatandaan mo ba ang break-up n’yong dalawa? Sa may riles ng tren ata iyon. Oo, umiiyak siya nang sabihing “It’s over.” At nagtataka ka kung bakit siya umiiyak pero sinasabi naman niyang “I’ts over.” Sabi mo, bakit? Anong nagawa mo? Anong kasalanan mo? Sabi niya, wala. Bata pa raw kasi kayo. Sabi mo, oo nga bata pa tayo. At pilit mong ni-rationalize na kapag bata pala, wala pang karapatang makaramdam ng ganoong klase ng pakiramdam at kapag nagpilit ay masasaktan lang.
Umuwi ka. Ang lungkot-lungkot ng pakiramdam mo. Nag-iisa ka sa loob ng silid, nakaupo ka sa sahig na makintab, patay ang ilaw pero may bahagyang liwanag na dulot ng maliit na mapulang ilaw na nagmumula sa sounds ng radyo, habang panay ang birit ng kantang If this is Love. Nang-iinis ‘no? Nasasaktan ka na nga, may ganoon pang background. Kaya tuloy kahit anong pigil mong umiyak, eh umiyak ka pa rin ng umiyak. Sabi mo sa sarili, ok lang ‘yan. Bata ka pa naman… bata ka pa naman…
Isn't it a shame
How one excuse still leads into another
After all this time we hurt each other?
Isn't it a shame?
Time to make a change
Time to find the things we both believe in
Talk about the staying, not the leaving
If this is love, darling
Now's the time to wake up
Hurting words can't really shake up someone's life
If this is love, darling
It's time to stop pretending
We'll never have a happy ending while we cry
Lumipas ang mga araw at sa tuwing nakikita mo siya, nagtatampo ka, kasi nasasaktan ka pa. Ngumingiti siya pero umiiwas ka, kasi nasasaktan ka pa. Malay mo namang nasasaktan din siya.
Nagbakasyon na at pagkakataon mo ng kalimutan siya. Ano nga bang ginawa mo buong summer? Ah, kumanta ng kumanta habang panay ang kalabit ng gitara. Parang doon mo itinuon ang lahat ng pag-ibig mo sa kanya, sabay paglimot.
Noong pasukan na ulit, dapat pala magkaklase kayo, pero nagpalipat siya ng section. Hinayaan mo lang siya. Parang siya na ngayon ang galit, pero ikaw hindi na. Lumipas ang mga araw, nginingitian mo na siya, pero ikaw naman ang hindi na niya nginingitian. Hindi mo alam kung bakit, gusto mong isipin na kaya siya hindi ngumingiti dahil ayaw lang niya. Walang ibang dahilan.
Hanggang isang araw, nabalitaan mong nakipagtanan na siya sa iba. Biglang bigla ka. Sabi mo sa sarili mo, ‘kala ko ba bata pa tayo? Pero wala ka namang natanggap na sagot mula sa kanya, kasi nga nakipagtanan na siya sa iba. Inisip mo na lang na ikaw na lang ang bata sa inyong dalawa, siya ay hindi na.
Hindi niya alam kung paano ka nasaktan sa loob mo, sa kaloob-looban ng sarili mo, kasi pilit mong binalewala ang lahat. Hindi mo nga ipinakita sa lahat na umiyak ka na naman. Na naman. Na naman at na naman. Basta ipinakikita mo sa lahat at sinasabi sa sariling “I’m over you.” Pero totoo ba? Alam mo namang hindi totoo. At matagal din bago naging totoo. Bumilang ka nga ng taon. College ka na nga pero iniisip mo pa rin kung ilan na ba ang anak niya? College ka na nga ay dumaraan ka pa rin sa mga daang ginawa ninyong daanan noon. Tinatanaw mo pa rin ang bahay nila maski alam mong wala na siya doon, dahil nandoon na siya sa bahay nilang mag-asawa.
Isang araw nabigla ka dahil may natanggap kang sulat mula sa kanya. Nakikipagkita siya sa’yo. Ang alam mo, dalawa na ang anak niya. Kaya nakapagtatakang nakikipagkita siya sa’yo. Pero nakipagkita ka. Siya iyong taong hindi mo magagawang tanggihan. At noong nagkita na kayo, sa harapan ng simbahan ng Sto. Niño, malaki na rin ang pagbabago niya sa paningin mo. Pero parang walang pagbabago sa pakiramdam mo. Eto lang naman ang sinabi niya, “sorry sa lahat-lahat ha?” Sabi mo naman “bakit?” “Nasaktan ata kita.” Sabi mo ulit, “bakit ang tagal mo naman atang nag-sorry?” Sabi niya, “It’s better late than never,” may tonong pagbibiro pa siya. Tumango ka na lang sabay sabing, “Wala na ‘yon. Matagal na ‘yon.” “Oo, matagal na.” Sabi naman niya. “Dalawa na nga ang anak ko eh.” Naisip mong iyon na ang pagkakataon na matanong siya. “May gusto lang akong itanong. Bakit ka ba talaga nakipag-break?” Hindi agad siya nakasagot sa tanong mong iyon. “Kinausap kasi ako ng teacher natin sa Science eh, sabi niya huwag ko raw sirain ang buhay mo.” Nabigla ka. “Anong buhay ko raw ang sisirain mo?” Eto lang ang sagot niya, “Basta lang, sabi lang ni Mam iyon.” “Ang babaw pala ng dahilan.” Tumango lang siya sa sinabi mo, “Oo nga, eh. Ang babaw lang naman talaga. Pero gaano man kababaw iyon, hindi mababaw ang pakiramdam na involved doon.” Pagtatapos sa sinabi niya.
Tapos naghiwalay na ulit kayo. Puno ka pa rin ng pagtatanong sa isip mo. Totoo kaya ang mga sinabi niya?
Sampung taon, dalawampung taon ang lumipas. Ngayon natatandaan mo pa ba talaga ang lahat? Parang hindi na. Parang limot mo na. Natural, kasabihan ngang time heals all wounds di ba? Narinig mo lang ulit ang kantang If this Is love kaya mo siya naalala. At pilit inalala.
If this is love, darling
Now's the time to wake up
Hurting words can't really shake up someone's life
If this is love, darling
It's time to stop pretending
We'll never have a happy ending while we cry…
Pero bakit ganoon, bakit inedit mo iyong part ng buhay ninyong nagkita pa ulit kayo pagkatapos ninyong magkita sa harapan ng simbahan ng Sto. Niño? Bakit inedit mo ang part na pinuntahan mo siya, dinalaw ulit sa hospital? Bakit inedit mo ang part na sinabi niya sa’yo habang umiiyak siya na hindi mo lang alam kung gaano ka niya kamahal o minahal sa kabila ng nangyari sa inyo? Bakit inedit mo ang part na kinarga mo pa ang mga anak niya, kinamayan ang asawa niya, at pagkaraan ng ilang araw ay nakipaglibing ka pa sa kanya?
Bakit nga ba?
Minsan talaga ang gusto natin ay kuwentong happy ending lang ‘no? Lalo’t kuwentong first love ang ikinukuwento natin sa mismong sarili natin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment