Gusto kong tumalakay ng iba't ibang approach na maaaring gamitin sa pagsulat ng kuwento sa komiks bilang pagtugon sa nagbabagong panahon. Halimbawa'y gamitin ang approach na may tema ng magic realism, iba't ibang istilo ng deconstruction, post modernism, metafiction, etc. Ang mga ganitong istilo o tema ay umiiral na at ginagamit na sa pagsusulat ng mga akdang pampanitikan. Halimbawa ng mga akdang may lapat ng metafiction ay ang Lost In The Funhouse ni Jhon Barth, City Life ni Donald Barthelmes, Pricksongs and Descants ni Robert Coover at In The Heart Of The Country ni W.H. Gass. Ang mga nobela ni Gabriel Garcia Marquez ay may approach na magic realism. Kahanga-hanga ang mga maikling kuwento at nobelang naisulat niya tulad ng One Hundred Years of Solitude, dahilan upang parangalan siya ng Nobel Prize in Literature.
Maaring gamitin sa pagsulat ng komiks o pagbuo ng mga tauhan at karakter ang iba't ibang approach na ito. Ito'y isang epektibong tools upang makapag-innovate ng mga karakter, milyu at banghay. Ang Elmer ni Gerry Alanguilan ay kinakitaan ko ng approach ng magic realism. Ang Zsa Zsa Zaturnah ay kinakitaan ko ng approach ng deconstruction. Naniniwala ako na napapanahon na ang mga ganitong tema at katanggap-tanggap na ito sa mga mambabasa bilang isang akdang tinatangkilik.
Pero kagaya nga ng madalas sabihin ng ilang mga mahuhusay na manunulat at kritiko, bago aralin ang mga ganitong paglabas sa istandard o pagwasak ng mga kumbensiyon, kailangan munang aralin kung ano ang kumbensiyon at tradisyunal. Sa mga workshop at seminar na aking nadaluhan, gumagamit ako ng sarili kong module sa pagtuturo kung paano sumulat ng kuwento o nobela (komiks man o prosa). Hindi nawawala ang sampung elemento ng istorya dahil bukod sa ito ang istandard na kakailanganing pag-aralan ng sinumang nagnanais na maging manunulat, gabay ito sa ilang mga pamantayan ng kuwentong katanggap-tanggap. At anumang genre ang piliin, nauugnay ang mga elementong ito sa isang akda, malay man o hindi malay ang isang manunulat.
At bago ako tumalakay ng mga approach o lapit na nabanggit ko sa pagsulat ng komiks, uunahin ko munang ipakita ang maikling kuwentong tradisyunal na nilapatan ko ng sampung elemento ng istorya. Sa susunod naman ay susubukan kong wasakin ang tradisyunal na konseptong nakapaloob dito para lapatan ng metafiction o anumang konseptong babagay sa uri ng kuwentong ito.
ANG SAMPUNG ELEMENTO NG ISTORYA
Ayon sa diksyunaryo, story is a sequence of events connected and arranged chronologically. ACD/ 12345/ I II III IV. Mahalagang talakayin ang sampung elemento ng istorya para gamiting sangkap sa pagsulat ng kuwento o nobela. Sa pamamagitan ng paggamit nito, bagama’t isang formula na sinusunod, mas mapapabilis ang pag-aaral kung paano bumuo ng kuwento.
DISTURBANCE
• Upsets the balanced situation and the start the action. Kung saan nagsisimula ang pagbabago ng kuwento.
• Maaaring sa simula ng kuwento ay nagpapakita na ng disturbance, maaari ring sa gitna o kaya’y bago maganap ang pagrereveal ng major conflict.
• Sa kuwentong ito’y naganap na agad ang disturbance, ipinakita na may pagbabago na sa buhay ng bidang tauhan dahil magkasunod na nilapa ng asuwang ang matalik na kaibigan at ang nobyong si Luis.
BALANCE
• Two contrasting or opposing forces. Show the positive and the negative sides. Binary opposition. Mabuti laban sa masama. Sa pamamagitan ng balance, nabibigyan ng kuwento at struggle ang bida o kontrabida.
• Sa frame na ito, dalawang mukha ng isang nilalang ang ipinakikita, ang isang ina at isang asuwang.
PROTAGONIST
• Main character, instrumento ng manunulat sa kanyang aspirasyon. Bibigyan ng mga problema na lulutasin. Bibigyan ng pagsubok na mapagtatagumpayan.
• Ang problema ng pangunahing tauhan dito ay ang pagkamatay ng mga mahal niya sa buhay na nilalapa ng asuwang.
PLAN
• Ano ang aspirasyon ng manunulat sa katauhan ng bida na hahadlangan ng antagonist? Ang aspirasyon ng manunulat dito ay gamitin ang bidang tauhan para magwakas ang pambibiktima ng asuwang.
• May mga plano ang bida sa buhay pero may plano din ang kontrabida sa kanya. Ano ang ipinakitang plano dito ng kontrabida? Sa pamamagitan ng dialogue na “H-HINDI MANGYAYARI ‘YON, ANAK. IKAMAMATAY KO KAPAG NANGYARI ‘YON.
• Hindi magiging madali ang lahat sa bidang tauhan. Pinamamahayan ng takot ang bidang tauhan, gayung ang direksiyon ng kuwento ay siya ang kailangang makaresolba sa suliranin ng kuwento. Paano matatapos ang lagim na dulot ng isang gumagalang asuwang?
• Sa kuwentong ito, may planting o pagtatanim na ginawa sa kuwento upang anihin ang isang “statement” sa dulo ng kuwento. “H-HINDI MANGYAYARI ‘YON, ANAK. IKAMAMATAY KO KAPAG NANGYARI ‘YON. Ang dialogue na ito ay isang malinaw na pagtatanim sa kuwento.
SUB- STORY
• Ito ay kadalasang nakikita bilang mga kadahilanan kung bakit ang isang tauhan ay may aspirasyon o gustong mangyari.
• Maaring magkaroon ng sub-story ang lahat ng tauhan. Bakit masama ang kontrabida? Bakit may weakness ang bida? Nagsisilbi rin itong back story o pagbibigay ng katarungan sa ugali’t gustong gawin ng mga tauhan.
• Sa kuwentong ito, nagiging masama ang kontrabida dahil siya’y nagugutom at kailangan niyang kumain. Kalikasan niyang manlapa ng tao bilang asuwang. Sa dialogue na HINDI NA MAHALAGA. ANG IMPORTANTE’Y BUSOG NA NAMAN AKO. Kailangan niyang kumain para mabuhay. Jina-justify ang character na pinagmumulan ng isang tauhan sabihin pang ito ang kontrabida, isang masamang nilalang, etc. Nangangahulugan lamang na kailangang may pinagmumulan o pinanggagalingang motibasyon ang isang karakter.
OBSTACLE
• Maaaring physical, emotional, o mystic forces.
• Physical forces, hinarangan ng isang malaking tao ang tauhan kaya’t hindi nakadaan sa kalsada at hindi nakapunta sa dapat puntahan.
• Emotional forces, gustong magmahal ng tauhan pero natatakot kaya’t tumandang dalaga.
• Sa frame na ito, ipinakikita na ang obstacle o ang hadlang ay ang isang mystic forces. Isang aso ang gumagala. Pero aso nga ba? Nagpapakita ang frame na ito ng hadlang sa kapayapaan at kaligtasan ng baryo. Ito rin ang imaheng ginamit na ang panganib ay nasa paligid lang.
COMPLICATIONS
• Ito ang sanhi at bunga ng mga desisyon ng tauhan. Anuman ang desisyon ng tauhan ay kailangang may sanhi at bunga, mabuti man o masamang pangyayari.
• Sa frame na ito, nagpagabi ang tauhan sa pag-uwi sa kabila ng gumagalang panganib sa baryo. Ngayon ay may kumpklikasyong naghihintay sa kanya.
CRISIS
• It forces change. May isang malaking pagbabago o major turning point sa buhay ng tauhan.
• Ano ang major turning point sa bida ng tauhan? Kailangan niyang humarap sa pinakamalaking takot niya sa buhay, ang malapa ng asuwang at maganap ang kanyang kinatatakutan na siya na ang susunod na biktima.
CLIMAX
• Discovery and realization. It flows natural. Hindi pilit.
• Ano ang natuklasan ng ina? Ang nalapa ng asuwang ay walang iba kundi ang kanyang anak.
RESOLUTION
• He gets what he wants. Mapagtatagumpayan ng bida ang kailangan niyang mapagtagumpayan.
• Mapagtatagumpayan ng manunulat ang kanyang aspirasyon sa pamamagitan ng tagumpay na natamo ng bidang tauhan.
• Ang aspirasyon ng manunulat na mapuksa ang asuwang sa pamamagitan ng bidang tauhan ay nangyari. Napuksa ang asuwang dahil hindi nakayanan ng asuwang na siya mismo ang lumapa at pumatay sa sariling anak.
• Nangyari na ang pag-ani ng naunang statement sa dialogue na “H-HINDI MANGYAYARI ‘YON, ANAK. IKAMAMATAY KO KAPAG NANGYARI ‘YON.
• Hindi kailangang happy ending, ang mahalaga'y napagtagumpayan ng manunulat ang kanyang aspirasyon. Ang aspirasyong ito ang magbubuo ng isang thesis statement: ANG DALAMHATI NG ISANG INA sa pagkitil ng buhay ng sariling anak ay katumbas ng pagkitil ng sariling buhay.
SANGUNIAN
Smiley, Sam. Playwriting : The Structure of Action. Prentice Hall, Inc. 1971. 299 pp.
John Singleton, Mary Luckhurst. The Creative Writing Handbook, Techniques for New Writers.Mcmillan Press LTD, 1996.283 pp.
Lavonne Mueller, Jerry D. Reynolds. Creative Writing. NTC Publishing Group.1990.256 pp.
Wednesday, February 20, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
10 comments:
salamat po sa explanation, madali lang intindihin! mahilig din kasi ako magsulat at nagpaplano palang akong mag-take ng malikhaing pagsulat sa filipino. pero sa totoo lang, natatakot ako, hehe...
Hi Nez,
Maraming salamat sa pagbisita mo sa site ko.
Alam mo, kung talagang hilig mo ang pagsusulat ay wala kang dapat ikatakot. Patuloy ang pangangailangan ng mundo sa pagsibol ng mahusay na manunulat. Sana ay makatulong ang site na ito para maging isang ganap at mahusay kang manunulat. Kung hindi mo naitatanong ay Malikhaing Pagsulat sa Filipino ang kursong tinapos ko sa UP Diliman. Masaya at enjoy ang kursong ito. Napakaraming workshop. Naparaming oportunidad na makakilala at makahalubilo ng iba't ibang uri ng tao.
Muli, maraming salamat sa iyo.
ay talaga po? yun nga din balak ko, mag-take ng SMPF sa upd. nag-attend ako ng orientation nung feb22.
natutuwa naman ako na nag-take pala kayo nun, at least kahit papano, naeencourage ako dahil may nakilala akong nag-take din nun. thanks ulit!
Hi Nez,
Oo nga, nakakatuwa dahil d'yan ako nagsimula pagkatapos ay ipinagpatuloy ko sa BA Malikhaing Pagsulat at nag-MA din ako ng Malikhaing Pagsulat sa Filipino. Baka isang araw ay PHD ko na rin iyan. Haha. Loyal talaga ako sa MP.
Goodluck!
hello ulit, ms. gladi, hingin ko na lang po advice nyo.
kasi meron na kong degree na AB Communication Arts tapos ngaun gusto ko talagang magsulat pero focus sa filipino language. eh iniisip ko kung mag-take ako ng SMPF o pwedeng dumirecho na ko sa MA Malikhaing Pagsulat?
sabi kasi sa kin sa department, uulit daw sa simula kapag SMPF.
thanks po ulit, ma'am! :)
Hi Nez,
Pareho pala tayo ng naging kaso. Pero ako inulit ko ang SMPF saka ko itinuloy sa Malikhaing Pagsulat then MA. Writer na ako nang mag-aral ako sa UP Diliman. Nagsusulat na ako sa komiks, telebisyon at ng romance novel noong mag-aral ako. Pero wala akong pinagsisihan sa pagpapasya kong magsimula sa umpisa dahil napakarami kong natutuhan. At napatunayan ko na sa kabila ng pagiging manunulat ko sa loob ng sampung taon, sa kabila ng mga karanasan ko sa pagsusulat, narealize kong marami pa pala akong hindi alam. Kaya talagang nakatulong sa akin ng malaki ang pag-aaral ng Malikhaing Pagsulat. Nagamit ko rin ito sa pagtuturo sa kolehiyo.
Kung SMPF, totoong kukunin mo lahat. Simula ka sa basic. Pati mga subject na nakuha mo na ay posibleng kunin mo ulit gaya ng Natural Science, Math, Humanidades, etc. Well, minsan ay nakakainis at minsan ay nakakainip kasi feeling mo ay napag-aralan mo na eh bakit uulitin mo pa, hindi ba? Ganoon ako naging matiyaga noon. Hehe.
Kung MA Malikhaing Pagsulat naman, ang alam ko ay bibigyan ka nila ng 6 units na undergrad subject muna bago ka magdire-diretso sa programa ng MA MP. Depende kung iyon pa rin ang regulasyon nila o baka rin naman nagbago na.
Ang pagkakaiba lang, mas enjoy ang SMPF kasi bukod sa basic ito ay parang narefresh ang lahat ng pinag-aralan ko at wala akong na-miss na lesson na dapat pag-aralan sa pagsusulat. Sa MA, medyo mag-aadjust ka dahil maraming mga teknikalidad na natutuhan mula sa SMPF pa lang. Halimbawa, MP pagsulat ng tula, MP, pagsulat ng dula, MP, pagsulat ng maikling kuwento, etc. Sa MA, wala ng ganyan. Maganda siguro na check mo ang bagong kurikulum para magka-idea ka sa mga sinasabi ko. Baka kasi may bago sila at hindi na ako updated. Though kung may pagbabago man ay kaunti lang naman siguro. Enrolled pa rin naman kasi ako ngayon, under residency.
Ang advantage ng MA ay panahon. Madali itong matapos at magagamit mo na ito sakaling gusto mong magturo sa kolehiyo. Puwedeng dumiretso ka na rin dito kung may basic knowledge ka na naman sa writing lalo't com arts naman pala ang tinapos mong kurso.
Ngayon kung ang nais mo ay matutong magsulat at gusto mong magsimula sa simula, palagay ko ay wala namang masama kung kunin mo ang SMPF lalo't 2 taon lang ito. Kung wala ka namang balak ipagpatuloy pa ito sa apat na taon. Kung sakaling matapos mo ang 2 years na SMPF ay maaari ka pa rin namang mag-MA sa Malikhaing Pagsulat, at maaaring ang una mong kursong natapos ang gamitin mo para makapasok ka sa programa.
Sa MA nga pala ay more on theories and application na. Pero hindi na halos mapagdadanaan ang basic na natututuhan sa SMPF. Well, I'm speaking from my own experience pero iba-iba pa rin naman palagay ko ang karanasan at pagtingin ng iba't ibang mga tao.
Goodluck sa iyo.
ah, gusto ko nga kunin din yung basic. meron nga kaming writing sa CA pero more on news writing.
anyway, maganda yung advice nyo. sige ikonsider ko din yan, tsaka check ko yung curriculum ng SMPF ngaun. salamat po ulit, ms. glady!!!! :)
anyway, ano pala ang kurso nyo noon bago kayo kumuha ng SMPF?
com scie, hehe.
sige, goodluck sa iyo. thanks.
Ang ganda naman nito.Para akong dumalo sa isang klase ng MP!
Siyanga pala, may isinusulat akong nobela sa aking site.Pagsasanay magsulat at *subok lang ang dahilan ng aking pagtatangka.
Inilalagay ko ang bawat kabanata sa aking blogsite. Makabubuti bang gawin ko ito?
Sa palagay ko naman ay makakabuti ito. Maaaring maging inspirasyon ang mga komento sa blog, maganda man o hindi ang komento. Pero higit sa lahat, nakakabuti ito kung nagiging praktisan mo ang blog sa pagsusulat. iyan kasi ang hindi nagagawa ng ilan, ang magpraktis. Minsan ay may nagsabi sa akin, bakit pa raw ba ako nagsusulat sa blog, eh puwede ko na namang pagkakitaan ang mga isinusulat ko, dito libre. simple lang ang dahilan ko, malaya ako dito. at importante sa akin na maging malaya sa pagsusulat maski sa isang blog lang.
may isang nagkomento sa akin na anonymous, lahat daw ng blog ay may kuwenta, ito lang daw blog ko ang pinakawalang kuwenta. natawa ako. hindi ko pinatulan. hindi naman ako apektado. dahil maaaring sa kanya'y walang kuwenta itong blog ko, pero para sa akin, dito ko mas higit na napapalaya ang sarili ko bilang isang manunulat na hindi nakakakahon sa mga regulasyon ng publikasyon o mga do's and donts ng mga editor.
maaaring wala itong kuwenta sa iba, pero para sa akin, kahulugan ng buhay ko ito.
maraming salamat.
Post a Comment