Tuesday, December 25, 2007

GREETINGS!!!

HAPPY CHRISTMAS TO ALL!!!


PEACE BE WITH YOU.


MORE BLESSINGS TO COME, ESP. SA MGA KOMIKS CREATOR AT SA MISMONG KOMIKS!!!


NEXT YEAR(2008) AY MAGSAMA-SAMA ULIT TAYO SA PAGSUSULONG NG INDUSTRIYANG MINAHAL NATING LAHAT.


ANG KOMIKS!!!!

Wednesday, December 12, 2007

ANG PASKO SA KOMIKS (PAGLALAGOM)











Isang napakalaking tagumpay ang Pasko sa Komiks (PASKOM) kung ang pag-uusapan ay ang naging resepsiyon o pagtanggap ng Unibersidad ng Pilipinas sa pangunguna ni Dean Virgilio Almario (National Artist), Prof. Bienvenido Lumbera (National Artist), Prof. Vim Nadera (Director, creative writing center), ang moderator na si Sir Xiao, Prof. Emil Flores, ang isa sa mga organizer na si Eva (barkada ko, UP days), si Mang Enteng (ang tagapangasiwa ng Bulwagang Claro M. RECTO), atbp. Pasensiya na po sa mga hindi ko nabanggit. Sa lahat ng mga guro at estudyanteng nanood, bumili ng komiks at sumuporta. Maraming salamat po sa inyong lahat mga Sir at Mam, mga kaibigan at kasamahan sa kolehiyo!

Sinimulan ko ang talk ko tungkol sa unang mga meeting na naganap para buuin ang kongreso sa Komiks sa MAX restaurant. Ito ang sinabi ko sa unang meeting na dinaluhan ko. Panahon na upang itaas ang antas o kalagayan ng komiks dahil sinisimulan na itong kilalanin at pag-aaralan ng malalaking pamantasan bilang isang lehitimong panitikan o pop lit. Sa katunayan, kasama na ito sa kurikulum ng subject na Kulturang Popular. Sinabi ko rin ang ilang kuwentong natunghayan ko kay Prof. Almario noong guro ko siya sa UP. Ilang beses din siyang nagkuwento tungkol sa komiks at may mataas siyang pagtingin dito.

Kaya noong may mga nagsabi na panahon na para itayo ang komiks o ipagtanggol ang komiks sa darating na PASKO SA KOMIKS na gaganapin sa UP, at binalaan o pinagsabihan na magsipaghanda ang lahat, totoong napangiti ako. Hindi dahil masyado akong kumpiyansa. Kundi dahil alam kong makakakuha ang mga taga-komiks ng malaking suporta sa pinanggalingan kong kolehiyo. At siguradong sigurado ako d'yan!

Handa naman talaga ako sa pakikipagbalitaktakan, at sa lahat ng oras ay handa ako para manindigan sa komiks. Siguro lang ay dahil alam ko kung ano ang sasabihin ko sa sinumang makaharap ko. Siguro ay dahil hindi ako basta bumabanat ng kulang ako sa "armas" o panangga. Sanay ako sa banatan sa mga symposium sa UP. Napakaraming beses ko ng naimbita para magsalita sa CM Recto kaya't hindi na bago sa akin ang humarap sa mga mag-aaral ng UP at maging sa mga guro. Kaya hindi ko talaga inisip na magiging "hot cake" kami. In fairness sa pinagmulan kong departamento o kolehiyo, napakarasyunal nila sa usaping pangkultura at mga esensiyal na usaping pangsining. Bagama't naniniwala ako na may mga "ilan" d'yan na totoong nagtatakwil sa kontribusyon ng komiks pero hindi naman nangangahulugang lahat. Hindi ako nagkamali dahil ipinakita ni Sir Almario (RIO ALMA) ang kanyang napakalaking suporta at mataas na pagtingin sa komiks. Sa katunayan ay pinasubalian o pinatotohanan pa nga niya ang sinabing namatay na raw ang komiks may 20 taon na ang nakakaraan at sa pagbabalik ng isang Carlo J. Caparas ay muling nabuhay. Sinabi lang naman niya ito sa porma ng pagtatanong dahil nga sa may mga nakita siyang komiks sa galeria na hindi naman akda ni Carlo. Kaya't isang malaking kuwestiyon sa kanya kung namatay nga ba ang komiks. O baka naman daw ang namatay lang ay ang akda na sana'y isusulat pa ng isang Carlo J. Caparas. Mga tanong niya itong iniwan na naging hamon sa mga panelista na sagutin sa buong maghapon na iyon ng talakayan.

Nagpapasalamat din ako sa napakalaking suporta ni Prof. Vim Nadera (isang multi awardee na makata, napakagaling na guro, at director ng CWC). Bilang moderator sa hapon, nakakatawa ang mga banat niya at mga pagbibiro pero seryosong tinatanggap niya ang mga sinasabi ng panelista. Ang hindi ko malilimutan ay ang mali-maling intro ng pagpapakilala sa mga panelista, kaya nga biro niya'y "susunugin daw" ng buhay ang gumawa nito. Haha! Kaya nga ba nagbigay ako ng sariling intro sa akin. Una, ayokong maging eksaherada ang pagpapakilala sa akin, ikalawa sayang sa oras ang gagawin ko pang pagwawasto sakaling may maling introduksiyon na sabihin tungkol sa akin.

Napakahusay ng paglalatag ni Prof. Patrick Flores tungkol sa aesthetic sense at value ng sining biswal (gayundin sa akda) na ginawa ni Francisco Coching. Nakakatuwang isipin na ang isang professor sa ilalim ng departamento ng Art Studies ay kinikilala ang kontribusyon ng isang komiks creator na may kapantay na lebel tulad ng mga artist na sina Malang o iba pang mga national artist. Maging si prof. Patrick ay naniniwala na ang isang Coching ay maaaring ihanay o nararapat na maging isang national artist sa sining biswal.

Nakakatuwang isipin na may isang international magazine na ipinakita ni Gerry Alanguilan kung saan sinabi niyang 70% (correct me if i'm wrong, sir) na may mga pag-aaral doon tungkol sa Filipino komiks o mga Filipino komiks creator. Nangangahulugan lamang na kinikilala sa buong mundo ang husay at galing ng mga Filipino Komiks Creator. At kung ang pagkilalang ito ay nagmumula sa labas ng bansa, bakit hindi ito mangyayari sa loob at sa sariling bansa? Kaya't nakapagtataka kung bakit may kumukuwestiyon sa aesthetic value ng komiks at sa cultural value nito na mga Filipino rin? Sana'y pag-aralan muna ang konteksto, ugat, pinagmulan, kultura, ang iba't ibang transpormasyon, ang iba't ibang anyo ng komiks bago manuligsa. Sa simpleng paliwanag, maging grade one muna bago magtapos ng kolehiyo.

Para sa akin ay dapat bigyan ng standing ovation ang naging paglalagom ni Prof. Joey Baquiran tungkol sa kinabukasan ng komiks. Eto ang pinakaesensiya at sana'y matunghayan at maunawaan ito ng lahat ng komiks creator upang sa gayun ay ganahan naman ang lahat na magpatuloy na lumaban at tumayo para sa komiks.

Ayon nga kay Prof. Joey Baquiran ng UP, sa PASKO SA KOMIKS, hindi mamamatay ang komiks dahil may kakanyahan ito. Ang katangiang biswal at teksto. Isang kakanyahang hinding hindi mamamatay sa kulturang Filipino hangga't ang mga Filipino ay may mga mata para makakita at bibig para makabasa-- magpapatuloy ang eksistensiya ng komiks. Mabuhay ka Sir Joey!!!

Ipinakilala ako ni Ms. Sally Eugenio bilang "palaban" o "babaeng palaban." Haha! Pinagtatawanan ito ng isip ko. Oo, palaban ako, para sa alam kong tama. Oo, palaban ako, dahil alam ko ang ipinaglalaban ko. Oo, palaban ako, para iwasto ang mga maling datos na naitatala sa kasaysayan. Hindi ko basta tatanggapin ang mga "pag-aangkin ng titulo na hindi naman karapat-dapat. Hindi ko tatanggapin ang isang akdang sinasabing kabilang sa isangdaang nangunguna sa komiks ng hindi ko alam kung ano ang pinagbasehang pamantayan o pag-aaral. Hindi ko tatanggapin ang sinumang magsasabing ako ang "hari", o ako ang "reyna" hangga't wala akong nakikitang nakaputong na korona.

Marahil para sa iba ay sasabihing ngang palaban ako, matapang, etc. Pero para sa akin, hindi ko iniisip na palaban ako o matapang lang ako. Mas gusto kong isipin na hindi lang ako "TANGA!"

Sabi sa akin ni Sir Vim, "hindi ko akalain na ganyan na kataas kung basahin mo ang komiks, Glady."

Oo naman, dapat naman, bakit naman ang hindi? At napapanahon na upang kilalanin itong lehitimong panitikan o pop lit na nangangailangan ng obhektibong pag-aaral sa ilalim ng panunuring pampanitikan.

Nais kong ibahagi ang naging introduksiyon ko sa talakayan sa PASKO SA KOMIKS bilang pagtataya ko sa naging kalagayan at kontribusyon ng komiks noon at ngayon.


KULTURANG KOMIKS
Hindi matatawaran ang naging kontribusyon ng komiks sa lipunang Filipino bilang isang pamanang kultural. Ang naging eksistensiya nito sa loob ng mahigit na anim na dekada o higit pa ay maituturing na isang “social phenomena”.

Sino ang makakalimot sa mga akda ni Mars Ravelo tulad ng Darna, Dyesebel, atbp. Kilala natin ang Zuma ni Jim Fernandez. Ang Barok ni Bert Sarile. Si Mang Kepweng ay naging bahagi “noon” ng pang-araw araw na buhay ng mga Filipino bilang isang “albularyong pulpol.” Ang karakter na si Pokwang na nilikha ni Vincent Benjamin Kua Jr. bilang isang batang babae na kakandi-kandirit.

Hindi malilimutan ang mga akda ng mga babaeng nobelista katulad nina Elena Patron, Nerissa Carbal, Helen Meriz, Zoila, Flor Apable Olazo, Gilda Olvidado, Ofelia Concepcion, Josie Aventurado at marami pang iba.

Napakaraming naging ambag ng komiks sa kultura, panitikan at lipunang Filipino. Hindi lamang dahil sa karamihan ng mga akdang ito’y naisapelikula, kundi nag-iwan ito ng mga subliminal na kahulugan sa kamalayan ng mambabasang Filipino. Isang araw, natitiyak kong karamihan sa akda sa komiks ay maisusulat na rin sa “dula”. Malay man o hindi malay ang isang mambabasa, subalit napakaraming konseptong iniluwal sa komiks na magpahanggang ngayon ay patuloy nating tinatangkilik tulad ng Zsa Zsa Zaturnah.

Naging daluyan ang komiks ng napakaraming konsepto ng “social norm”. Mga hindi malilimutang tauhan o karakter. Cliché man o hindi cliché pero naging hulmahan o modelo ng mga bagong manunulat na lumilikha ng panibagong karakter sa bawat henerasyon. Sina Facifica Falaypay, Panday, Pedro Penduko, at marami pang iba.

Naging instrumento ang komiks ng paglalantad ng mga isyung kinasangkutan ng lipunan. Mga isyu ng kababaihan, kabaklaan, suliraning pampamilya, social protest, at pag-ibig. Madalas sinasampal ang isang “babaeng buntis” at tunay na nagpapalaganap ito ng negatibong kamalayan para sa mga kababaihan. Pero nangangahulugan na ganito ang lipunan natin, dahil ito ang manunulat natin na nililikha din ng kung anong uri ng mambabasa mayroon tayo. Ginagawa nating katatawanan ang isyu ng mga bakla, ayaw nating seryosohin ito. Dahil ganito tinitingnan ng lipunan natin ang kalagayan ng mga gay at lesbian, isang malaking katatawanan lang.

Naging repleksiyon ang komiks kung ano ang uri o antas ng kamalayan mayroon ang mambabasang Filipino sa pamamagitan ng mga naisulat na akda. Sino ang mga tumangkilik at anu-ano ang mga akdang tinangkilik? Isang malinaw na pamantayan o framework na maaaring paghugutan ng batayang pag-aaral o pananaliksik sa panunuring pampanitikan.

Maraming naturuang magbasa ang komiks (literal man o kritikal na pagbasa sa teksto) dahil napakaraming Filipino ang tumangkilik nito. Isang popular na babasahin na nagbigay aliw sa mambabasa, nagturo ng iba't ibang kaalaman at nagsulong ng Kulturang Filipino. Ito ang pinakamalaking kontribusyon ng komiks na hindi kayang pasinungalinan ninuman at hindi kayang "talunin" maski pa anong klaseng genre sa pop lit man o panitikang Filipino. Ipinagtibay din ito ng naging pahayag ni Dean Almario na sa komiks siya natutong magbasa at ang pagbabasa ang dahilan kaya siya palaging first honnor sa klase. Mayroon din kaming taxi driver na nakakuwentuhan bago kami pumunta noon sa meeting ng KOMIKS sa NCCA, sinabi niyang natuto daw siyang bumasa dahil sa komiks at sa komiks din daw siya natuto ng maraming mga bagay o tip.

Ang isang pinakamapait na karanasan ng komiks ay naging sentro ito ng mga panunuri at panunuligsa. Tinawag na bakya, baduy, may mga bastos o taboo na eksena, babasahin ng mga taong hindi nakapag-aral, pambalot ng tinapa, pampunas ng--, etc. Nangangahulugan lamang ito na may malinaw na “puwang” sa lipunang ito ang mga bagay na pilit na itinatago ng mga konserbatibong pananaw o paniniwala. At ang puwang na ito ay natagpuan nila sa mga “pahina” ng komiks. Bago pa man ilathala ang aklat na “Erotika”, may “Tiktik” na ang komiks.

Ang komiks ay naging hulmahan ng napakaraming manunulat na ngayon ay manunulat ng telebisyon, pelikula, teksbook, atbp. Mayroon akong kaibigang manunulat na nagsabing sa komiks siya natutong magsulat at utang na loob niya sa komiks ang kinikita niyang mahigit daan daang libong piso na kinikita niya sa pagsusulat ng pelikula at telebisyon ngayon. At ako, kinikilala ko ang komiks bilang hulmahan ng aking talento sa pagsusulat. Anuman ang isulat o isinulat ko, lagi’t laging bumabalik ako sa katotohanang ang komiks ang naging hulmahan ko sa pagsusulat. Hinding hindi ko itatakwil ang katotohanang ito, sabihin mang baduy o bakya ito.

At ngayon, sa loob ng bulwagang ito, ang pasasama-sama nating lahat ay isang malinaw na pagtataya sa komiks bilang isang lehitimong panitikang popular na nangangailangang ng obhektibong pag-aaral bilang kasaysayang pampanitikan at hindi isang pagtitipon lamang para magkaroon ng pag-uusapan, kasiyahan o katuwaan.

Sa bulwagang ito bubuksan ko ang tanong na maaaring sagutin ng lahat ng mga magiging panelista sa talakayang ito. Namatay nga ba ang komiks? Nabuhay ba itong muli? O nagkasakit lang at naghihingalo pa rin hanggang sa kasalukuyan? At kung anuman ang tunay na kalagayan nito ngayon, ANO PA BA ANG MAGAGAWA NG PAGSASAMA-SAMA NATIN NGAYON PARA SA KOMIKS?

ANO PA BA ANG MAGAGAWA NG KOMIKS SA ATIN UPANG MAGTIPON-TIPON TAYONG LAHAT SA LOOB NG BULWAGANG ITO?
***

Kasunod nito ay ang aking powerpoint presentation tungkol sa mga katangian, kahalagahan at elemento ng kuwento sa komiks bilang bahagi ng Kasaysayang Pampanitikan at Kulturang Popular.


Maraming salamat sa lahat ng sumuporta at tumangkilik sa Pasko sa Komiks upang maging isang malaking tagumpay ito ng mga organizer (Read or Die), sponsors, Kolehiyo ng Arte at Literatura, at higit sa lahat, ang tagumpay ng Komiks at lahat ng komiks creator ng Pilipinas. Binabati ko ang lahat, at MALIGAYANG PASKO!

Monday, December 3, 2007

ang maliliit na kuwento (pero kuwento)

May maliliit akong kuwento noong nagtuturo pa ako o maski mga karanasan ko bilang manunulat.


SUBJECT: PRE-MARITAL SEX

Sa isang subject na itinuturo ko tungkol sa research paper, isang diskusyon tungkol sa pre-marital sex ang nabuksan.
“Open ba sa mga kalalakihan ang pre-marital sex?”
Sagot ng isang estudyante, “Yes mam, condom lang ang katapat niyan. Para iwas aids mam!”
“So ibig sabihin hindi bawal sa lalaki ang pre-marital sex at ang kailangan lang ay iwasan ang pagkalat ng aids?”
“Yes mam, condom lang talaga ‘yan, dami sa 711 niyan!”
Follow up question ko. “E ang babae? Ok na ba ang pre-marital sex sa kanila?”
Huhhhhhhh!!! Kantiyawan ang mga lalaki, nag-blush ang mga babae.
Isang estudyanteng babae ang tinanong ko, “Ano iha? Open na ba ang mga kabataang babae sa pre-marital sex?
Nahihiya, “M-mam, hindi po.”
Huuuuuuuuhhh!!!! Kantiyawan ulit ng mga lalaking estudyante.
Tanong ko ulit sa estudyante kong babae, “Bakit hindi open?”
“P-pokpok daw po kasi siya kapag inamin niya.”
Tumindi ang hiyawan at palakpakan sa loob ng klase ko. Grabe!!! Parang pandemonium. Tuwang tuwa ang mga estudyante kong lalaki ng marinig ang salitang pokpok!
Nag-follow up question ako. “Eh kanino makikipagsex ang lalaki kung puwede sila at hindi puwede ang babae?”
Biglang natahimik ang lahat. Nagkatinginan. Walang makasagot sa mga lalaki.
Isang babaeng pilya ang tumayo at agad malakas na malakas na sumagot, “Eh di sa kapwa po lalaki, mam!”
Huuuuuuhhhhhh!!!! Mas malakas, mas matindi, walang patid na hiyawan ng mga babae. Pinakawalan nila ang isang klase ng tili na mababasag ang eardrum ng mga lalaki.
Natapos ang argumento sa klase ko.

Pero may isa pang humirit, isang gay na estudyante ko ang tumayo at nagtaray, “Tapos ngayon magtataka kayo kung bakit dumadami ang bakla?”

Muling nagkalampagan ang buong classroom, hagalpakan ng tawa ang mga estudyante ko: babae, lalaki, tomboy, bakla.


SUBJECT: VIRGINITY

Isang malaking isyu na ang virginity ng babae ay kailangang manatiling intact bago magpakasal para ituring na mabuting babae. Hindi makawala ang mga Filipino sa ganitong konsepto.

Isang research paper na naman ang gagawin ng mga estudyante ko.

Bawat section ay may 300 respondent na lalaki sa survey. Ang paksa ay kung "Gaano Kahalaga ang Virginity sa Pag-aasawa?"

Ang naging resulta: Ito daw ang batayan ng maayos na pamilya.

Inis na inis ang mga estudyante kong babae.
“Mam Glady, bakit ganoon? Unfair ang resulta.”
Sabi ko, “Dayain natin, gusto n’yo?” Pagbibiro ko para medyo gumaan ang pakiramdam nila dahil “unfair” daw ang resulta.
“No mam, ayaw naming dayain ang resulta. Debate na lang. Idaan sa debate!” Hamon ng mga estudyante kong babae.
“Call,” sigaw ng mga lalaki.
Umpisa ng argumento, “Importante ang virginity!” Deklarasyon ng estudyante.
Sabi ko, “Bakit?”
“Kasi mam, gaya ng nanay ko, matino siyang babae, maayos ang pamilya namin, hindi siya nanlalalaki.”
Malakas ang palakpakan ng mga lalaki.
Isang babae na mainit na mainit ang ulo ang tumayo. Hinarap ang kaklase.
“Paano ka nakasigurado na virgin ang nanay mo ng pakasalan niya ang tatay mo?” Galit at nanghahamong tanong ng estudyante kong babae.
“Siyempre first love niya ang tatay ko.” Madiing tugon ng lalaking kaargumento.
“So dapat kapag first love, suko na ang bataan?”
“Siyempre.” Mayabang pang tugon ng lalaki.
“Puwes, hindi kita first love!” Sigaw ng estudyante kong babae.
Nagtawanan ang buong klase ko.
Magboyfriend pala iyong nagdebate.


SINONG BAKLA?

To be fair, siyempre’t hindi naman lahat ng lalaki ay ganoon mag-isip. May isang lalaki ngang napagbintangang bakla kasi kampi daw sa mga babae. Magkaibigan ito at lagi akong pinupuntahan sa faculty. Minsan ay nag-argumento sila sa harapan ko habang binabasa ko yung research proposal nila.

“Pare, sa grupo ka na namin, hayaan mo na ang mga babae na kumampi sa kapwa babae.”
“Ayoko.”
“Bakit ka ba kamping kampi sa mga babae?”
“Siyempre babae ang nanay ko.”
Pilosopo ang isang esudyante, “Lalaki naman ang tatay mo, ah.”
“Oo nga, pero hindi dapat ipinaaapi ang babae.”
“Hindi naman natin sila inaapi ah? Pero grade mula kay Mam Glady ang pinag-uusapan dito, dapat full force tayong mga lalaki.” May segway pa iyon na, “Mam, ang kuripot nyo kasing magbigay ng grade, ayan tuloy.”
Hindi ko pinansin ang sinabi ng estudyante ko. Panay ang lagay ko ng red mark sa research proposal para ayusin, daming mali eh.
“Pare sige na.” Pamimilit pa ng isa.
“Ayoko nga.”
“Bakla ka ata eh.”

Nagprotesta agad ang estudyante kong pinagbintangang bakla, “Loko, pare, sapakin kita, sinong bakla? Ikaw nga itong nakita kong sinisilipan sa CR si Benson eh.”

Lihim akong napatawa. Ewan ko kung alam nila. Pero ang pagkakaalam ko, ang tsismis ng mga estudyante tungkol sa kanila ay magboyfriend sila.


Sa loob ng limang taong pagtuturo ko sa kolehiyo, wala pa naman akong estudyanteng nagsuntukan sa loob ng klase dahil sa mga debateng ganyan. Pero masaya silang nakakapag-express ng mga ganitong opinion. Katuwiran ko, hindi man agad-agad maitutuwid ang mga pananaw ng lalaki tungkol sa babae. But at least maging conscious naman sila kung anu-ano ang mga negatibong pananaw na naipalalaganap sa mga kakabaihan. Somehow, baka mai-apply na nila ang ganitong pagbabago sa magiging asawa nila o sa mga magiging anak nilang babae.

Alam ko, namimiss ng mga estudyante ko ang isang gurong tulad ko. Obvious sa mga text messages na natatanggap ko mula sa kanila. Mam, may teacher pa bang kagaya mo? Pasaway!!!


BUNTIS

Sa isang pagtitipon na may mga komiks, nagkaroon ng multi-media presentation sa mga nobela sa komiks. May isang portion na nakatawag ng pansin sa akin. Eto ang dialogue.

"Buntis ka? hayop ka! tanga ka!" Habang binubugbog 'yung babaeng buntis. Eh buntis na nga, bugbugin pa ba?

Nagtataka ako kung ano ang ikinaganda ng nobela na may mga ganitong dayalog at kailangang gawan ng multi-media presentation. Kinikilabutan ako. Babae ang sumulat ng akda, pero mismong siya ay hindi niya alam ang karapatan niya bilang babae. At para ipamura at ipagbugbog niya ang tauhan niyang babae dahil lang sa buntis ito.

Sinulyapan ko ‘yung manunulat na babae, nakangiti, buong pagmamalaki siyempre’t dami ang nanonood. Tiningnan ko ‘yung babaeng buntis na binubugbog sa kuwento.

Nagkakapalit na ata sila ng mukha sa paningin ko.


PAGKAIN

Sa isang workshop naman na ako ang "facilitator.” Grupo o organisasyon sila ng "women against violence, sexual harassment, battered wife, etc..."

Tanong ko bago ko umpisahan ang workshop, “Gaano na po ba kalawak ang sakop ng pag-aaral at naaabot ng kaisipan natin sa pagsusulong ng ganitong kamalayan?”

May isang sumagot, buong pagmamalaki, “malawak na malawak na po.”

A, ok, sa isip-isip ko, hindi na ako magkakaproblema sa nilalaman. Maaari na akong mag-focus sa anyo at ilang teknikalidad.

Tumambad sa aking paningin ang isang frame ng komiks script. Eto ang eksena, madilim na sinehan, hinahalikan ng lalaki ang babae at ang sabi ay ito.

Lalaki (bulong): ang sarap mo….

babae: (daing) oooohhhh….


Nabigla ako. Hindi ko napigilan ang pagtawa. Sabi ko, “Ano to? kumakain? At ang babae ang pagkain?”

Nagkatinginan sila. Alam kong napahiya sila. Ikaw ba naman ang nagsusulong ng ganitong advocacy tapos mako-caught in the act ka?

Nag-preno agad ako. Napahiya din kasi ako.


INA

Tanong ng isang guro namin noong nag-aaral pa ako, “Ano ba kasi ang papel ng ina sa lipunan natin?”
“Miss Gimena, ano ba ang nanay mo sa pamilya ninyo?”
Hindi agad ako nakasagot. Background check. Bigla akong napaisip, ano nga ba ang nanay ko sa pamilya namin?
May isang nagtaas ng kamay. Sa isip-isip ko, ang bobo ko naman, para iyon lang hindi ko agad nasagot. Nakakahiya ako.
Sinagot ng isang kaklase kong lalaki. “Mam, ang nanay ko po ay masipag, gumagawa ng lahat ng trabaho sa bahay, martir na asawa, mabait na ina, hindi marunong magalit at higit sa lahat, magaling maglaba!”
“Iho, bakit hindi mo pa sinabing, ang nanay ko po ay katulong namin!”
Save by the bell ako. Dahil ang sagot ng kaklase ko ay ang sagot na muntik ko sanang maisagot.
Ulit-ulit ko na lang binatukan ang sarili ko sa isip ko.


LIBOG

Sabi sa akin ng isang editor sa romance novel, “Masyado ka namang idealistic magsulat. Hindi ito babasahin ng readers. Landian mo. Lagyan mo ng libog.”

Ah ok, libog. Gumawa ako ng isang kuwento ng babaeng may “libog” daw sa katawan.

Binasa ng editor. Tapos pinare-revise. Tanong ko, “Bakit kailangan ng revision?”
“Masyadong “malibog” para maging babae.”
Haha! Putik na buhay ‘to, pati libog ng babae, sinusukat? Eh paano ko lalagyan ng “landi o libog” ang karakter ko kung lalagyan ko ng sukat?
Hindi pa doon natapos sa hirit ng editor, “Oy, Glady, gawin mong “virgin na malibog ha?”
Hahahaha!!!!! Kainis!!! Ang sakit ng tiyan ko sa katatawa. Malibog na virgin. Kaaawa-awang kalagayan naman ng babae, hindi na baleng malibog pero nasasatisfy naman niya ang gusto niya. Kaso ikakahon pa pati libog niya bilang isang babaeng virgin?
Hindi ko isinulat. Naaawa ako sa karakter na gagawin ko. Kung sa akin ay hindi ko gustong mangyari iyon. Hindi ko na inirevise o ibinalik. Minsan ay nagkita kami ulit ng editor na iyon.
“O, nasaan na ang nobela mo?”
Tanong ko, “alin ‘yung kuwento ng virgin na malibog?”
Seryosong naghihintay ng sagot ang editor ko.
“Ayun, lola na at malibog na virgin pa rin!”


Ang dami kong maliliit na kuwentong ganito na nararanasan ko sa mga estudyante, kapwa guro, kaibigan, kasamahang manunulat, at maging sa sarili ko. Pero masisisi ba tayo sa mga ganitong kamalayan gayung ganito nga tayo pinalaki sa ilalim ng “patriarchal” na lipunan?


Hindi ako advocate ng feminist movement o gay lit. Paulit-ulit kong sinasabi yan. Hindi naman kasi kailangang maging miyembro nito para magsulong ka ng isang kamalayan o para lang maunawaan mo ang iyong karapatan bilang tao at bilang mamamayan ng lipunan.

Sabi nga ni Marx tungkol sa false ideology, may karapatan tayong iwasto o itama ito. Wala ba tayong gagawing pagwawasto dito? Lalo’t mga manunulat tayo?

Sige, payag naman ako na ganito ang lipunan natin. Sige, hindi ko babaguhin. Sige, wala akong gagawin. Kailangan kong kumita. Kailangan ko ng pera. Kailangan kong makipag-compromise para basahin ako at kunin pa ang serbisyo ko bilang manunulat. But the least thing na maaaring kong i-contribute ay ang huwag nang dagdagan ang mga maling konsepto sa pamamagitan ng akda ko, na “malay” ako.

Ito ang dahilan kung bakit kami nina Tita Opie (Ofelia Concepcion), Josie Aventurado, Maia Jose, Leslie Navarro ay naniniwala na may pangangailangan sa mga manunulat ng komiks o romansang nobela na dumaan sa workshop at pag-aaral. Dahil maraming maraming kailangan pang matutuhan. Hindi pa tayo dapat huminto sa pag-aaral. Hindi pa tayo dapat huminto sa pagbabasa. Hindi pa tayo dapat huminto sa pag-unlad. Hindi ba’t gusto natin na ang ating mga akda ay kilalanin bilang isang lehitimong panitikan at hindi maging pambalot ng tinapa lang?

Maski pakonti-konti lang ang pag-aangat o pagbabasag ng mga kumbensiyon. Hindi naman kailangang isagad. Maski ipakita lang muna, ipa-aware lang muna. Maski nakikipag-compromise pa muna. Sa paunti-unting pagmumulat ay kaalinsunod na ang unti-unting pagwawasto.

Krimen na maituturing bilang manunulat ay ang magsulat ng isang paksa o isang bagay na wala siyang lubos na nauunawaan pero nakapagpapalaganap ng maling kamalayan. Ngunit ang pinakamalaking krimen sa lahat, ay ang isang paksang alam na ngang mali, pero isinulat pa rin ng walang ginawang pagwawasto.


And there's no excuse for that.

Sunday, December 2, 2007

LOVE 101. love means you never have to say sorry

Huusss, mukhang umuusok ang isyu ko sa Starry, Starry night... Vincent Kua Jr., et al. Na-segway ito sa gay lit o pink lit o gay issue sa PKMB. Well, bukas na akda naman iyon kaya ano ba ang inaasahan ko? May mainit ang ulo na ilang kalalakihan sa mga isyung ganyan, ang iba ay logical, meron ding ilogical, ang iba ay deadma, ang iba ay skeptic, ang iba naman ay very passive.

But whatever it is, may free will ang bawat indibiduwal na magbigay ng kanya-kanyang opinyon. Ang mabuting bagay na nilikha nito ay ang "pagkalampag" ng isyu sa mundo ng "komiks" na medyo "macho" ang imahe. Hehe. Tila nagsasabing "Hey, bro, eto lang kami. Hala ka!" Pagkabahala sa ilan ang paglikha ng statement ng gay lit at "nagbababala" ng pagdami. They are coming here! Lagot na tayo! Magugunaw na ang mundo! Hahahaha!!!!

Hindi ako advocate ng gay lit sa Pilipinas. I myself ay wala pang naisulat na akda o artikulo tungkol dito maliban sa school/study paper na may pangangailangan sa aking grado sa isang subject. Maliban sa Silahis Komiks na may pitong isyu lang ata at may serye ako na "I AM WHAT I AM." Pero noong ginawa ito, hindi pa malinaw sa akin ang pagsusulong ng ganitong kamalayan. Nagkukuwento lang ako ng tungkol sa mga karakter na gay at lesbian. Wala pa akong dala-dalang armas o makinarya, ika nga.

Maraming beses na akong inalok na sumulat ng artikulo o kuwento tungkol sa gay at lesbian. Isa sa mga miyembro ng UP Babaylan ang nag-alok sa akin, sa iba't ibang mga school journal, mga librong may tema tulad ng Ladlad, etc. But for some personal reason ay hindi ko nagawa o nagagawa pa. Alam kong marami pa akong hindi alam tungkol sa isyu. Mas malalim pa sana ang gusto kong malaman dito. Pangalawa, may ilang bagay na hindi ko pa kayang i-compromise bilang manunulat. Para din 'yan noong alukin ako ni Prof. Joey Baquiran na magsulat ng isang paksang taboo o mala-erotica na pumapaloob sa study ng literary criticism. Batid kong napapanahon na 'yan. Gustong gusto ko sana pero alam kong kulang pa ako sa tapang. Maliban sa salitang "libog," ano pa ba ang alam kong kaya kong sabihin ng direstahan? Haha! So mahaba-habang karanasan pa at mga pag-aaral ang kailangan ko, bago ako maging kasing tapang ng mga manunulat na bumabasag ng mga tradisyunal na konsepto upang makalikha ng "bagong anyo" at magkapagsulong ng bagong kamalayan.

Segway na ako. Na-miss ko ang love 101. Nakakamiss kasi ang pakiramdam na in love, 'yung kilig, 'yung punong puno ng romansa at "ka-elan." Haha. Baka may mambatikos sa akin nito at magtanong. "Prof Glady, ikaw ba 'yan? Can you explain further?"

Pero gaya nga ng nasabi ko, at paulit-ulit kong nasasabi sa mga kaibigan ko, isang malaking frustration ko bilang manunulat ay ang makasulat ng kuwentong taboo. Straight na lalaki o babae man ang paksa. Gay or lesbian man ang tema. Hindi pa ako handa. Sa totoo lang, conservative ako! Haha. Hindi lang halata. Pero mas tama siguro sabihing hindi pa lubos ang pagiging "rebolusyunaryo" ko bilang manunulat.

Pumapaloob pa rin ako sa mga tradisyunal na konsepto na pakonti-konti lang, pasundot-sundot lang kung mag-deconstruct. It is my personal advocacy. Naniniwala kasi ako na hindi dapat binibigla ang mambabasa, pero kailangang inihahanda na, o inaangat maski bahagya hanggang sa tuluyang matanggap ang isang teksto.

Mahirap kasing maghain ng isang akda na "bago ang panlasa" sa mambabasa. Baka lang hindi basahin. Sayang naman. Pero kung kayang mag-segway, why not? sa akin lang pananaw ito. Kaya nga hanga ako sa mga manunulat na walang takot bumasag ng kumbensiyon na katulad ni Vincent. Iilan lang at bibihira ang hinahanggan kong manunulat. Napakahirap kong umappreciate ng kuwento kung palagi kong paiiralin ang pamantayang natutuhan ko sa loob ng unibersidad. Pero isa si Vincent sa talagang nagpahanga sa akin, may gamit man akong panukat o wala.

Love of my life? meron ako niyan.... marami. First love, true love, greatest love, platonic love, etc.... lahat ng klase ng love. Kasi, may "enlargement of heart" ata ako pagdating sa pag-ibig. Hehe. Siguro naman ay may katulad ako.

Pero hindi ako madaling magkagusto. Hindi ako madaling ma-inlove. Hindi ako madaling attract. Sa lagay na 'yan, ha? Hehe. Ang pag-ibig kasi, para 'yang kuwento sa akin na sinusukat ko sa iba't ibang pamantayan na natutuhan ko sa loob ng unibersidad. Sinusukat ko ang pag-ibig sa iba't ibang pamantayan na natutuhan ko sa aking mga naging "karanasan" sa buhay.

Maraming karanasan na hindi natin nakakalimutan. Ang madalas na hindi nakakapaglimot sa atin ay ang mga salitang may pinaka. Pinakamasarap, pinakamasaya, pinakamaligalig, pinakamasakit, etc. Kaya nga sumikat ANG PINAKA ni Pia Guanio sa QTV eh, hehe.

Pinakamasarap: puwedeng pagkain, puwedeng halik.
Pinakamasaya: puwedeng pamamasyal, puwedeng birthday, puwedeng Pasko.
Pinakamaligalig: puwedeng away-bati, puwedeng walang katapusang palitan ng mga argumento sa text messages.
Pinakamasakit: puwedeng pinakamahabang iyak sa napakaraming gabi, puwedeng break-up, puwedeng paghihiwalay na walang closure.

Maraming mga bagay na hindi nagpapalimot sa atin. Maraming mga bagay na hindi tayo makapag-let go kaya hindi tayo maka-move on. At ang laging skeptic ng mga kaibigang nagpapayo sa atin, o maski ng mga nanay natin, "Don't worry, time heals all wounds." Subukan mong iwan o pabayaan ang pag-ibig, palipasin ang isang panahon at saka na lang balikan kapag naghilom na ang sugat.

Baka nga mas tamang saka na muling harapin ang lahat kapag naibalik ko na ang composure at tiwala ko sa sarili. O kaya'y kapag gumaling na ako mula sa isang "temporary insanity" dulot ng epekto ng opyum ng pag-ibig. Kapag makakatingin na ako ng diretso sa salamin at masabi kong "been there, done that." Kapag kaya ko ng sabihin ang lahat ng nasa loob ko sa taong minahal ko na "minahal" ko siya, kapag kaya ko ng aminin na nasaktan ako at nagkunwari lang ako na hindi nasasaktan para lang protektahan ang pakiramdam niya. Saka na, kapag may wisyo na ako. Dahil paano ako mamahalin ng iba, paano pa ako matututong magmahal ng iba, kung ang mismong sarili ko'y watak-watak at hindi alam kung paano ito bubuuin.

At napatunayan ko itong tama. Lahat ng sugat ay nagagamot ng panahon.

Maaaring nasaktan tayo o ako. Pero sa kabilang banda, maaaring hindi natin alam na nakasakit din tayo o ako. Kasi, subjective tayo kapag nagmamahal. Sarili lang natin ang iniisip natin.

Ganun din sa isyu ng gay lit. Sariling opinyon lang natin ang gusto nating pakinggan at tila ayaw nating makinig sa iba.

Medyo guilty ako kung minsan sa mga akusasyon na ganyan. Minsan, sarili ko lang ang iniisip ko. Akala ko, ako lang ang nagmahal o nagmamahal.

The bright side of it, I'm starting to be more objective. Marami pa akong hindi alam. Marami pa akong gustong matutuhan. Gusto kong maunawaang mabuti ang mga pinanggagalingan at mga dalang bagahe ng ilan, lalo na iyong mga may "machong kaisipan" na "nasasagi ang ego" sa isyung inilalatag ng ilang mga kababaihan at maging ang gay issue. Hindi ako kasing galing ng inaakala ng iba. I'm still hunger for wisdom and truth. Dahil kung hindi ko ito iisipin, naniniwala ako na simula na ng pagtigil ng pag-unlad ko bilang manunulat ang ganitong klaseng "kayabangan" sa sarili. Gusto ko pang umunlad.

Para pa ring pag-ibig 'yan. Kung magpapatuloy akong maniwala na ako lang ang nasaktan at hindi ako nakasakit, para ko na ring pinahinto ng kusa ang "tibok" ng puso ko sa pag-ibig. Na ayokong mangyari, dahil ayokong huminto ang "enlargement of heart" ko. Hehe. Sa kabila ng maraming karanasan, pagkabugbog ng puso, pagkamatay at pagkabuhay na muli, sa pinakadulo nito'y hindi pa rin ako matatakot magmahal. Gusto ko pang magmahal.


Dito ko gustong paniwalaan ang kasabihang "love means you never have to say sorry."


Maging sa isyung natalakay ko sa Starry, Starry Night... kay Vincent at sa pagmamahal ko sa komiks, I'll never have to say sorry.


At kung alam mong minahal kita, so with you.

Tuesday, November 27, 2007

STARRY, STARRY NIGHT... (Kua, Vincent Jr., et al)

Nagtataka lang ako kung nasaan ang pangalan ni Vincent Kua Jr., na lumikha ng karakter na Pokwang na ngayon ay pangalan ng isang kilalang komedyana. Gusto ko lamang ipabatid sa kaalaman ng nakararami na si Vincent ang una (o isa kung hindi man una) sa mga nagbasag ng kumbensiyon at nagdikonstrak ng mga tradisyunal na konsepto ng komiks para magsulong ng mas napapanahong pagtalakay sa mga sensitibong isyu tulad ng “gay love” o “third sex.”

Bago pa sumikat ang gay lit o pink literature sa Pilipinas, si Vincent ang matapang na tumalakay nito at walang takot na naghubad at naglantad ng mga katawan ng lalaking “pinagnanasaan” daw ng mga bakla o matrona upang iwasto o i-redefine ang gay at lesbianismo sa konteksto ng lipunang Filipino. At upang bigyan ng mas wastong pagpapakahulugan o pag-aangkop ang pag-iibigan ng homoseksuwal at ituring na isang “social norm.”

Hindi pa nalilikha ang karakter ni Zsa Zsa Zaturnah ni Carlo Vergara na tungkol sa isang gay hero ay nandiyan na si Vincent para isulong bilang isang literary rights ang “gay love.” Paksang hindi basta-basta maisusulat ng mga taong "nagpapakilalang" morally upright dahil sa pagiging "nakakahon" ng mentalidad sa mga sensitibong isyu.

Ang iniwang "legacy" ni Vincent Kua Jr., ay hindi basta ang talento niya sa pagguhit at pagsusulat ng akda, kundi ang subliminal na mensaheng nakaukit na sa kamalayan ng kulturang Filipino at mambabasa ng komiks.

Hinanap ko rin ang mga pangalan nina Bert Sarile, Helen Meriz, Zoila, Ofelia Concepcion, Pat V. Reyes, L.P. Calixto, Roger Santos, Galauran, Pat V. Oniate, Tony Tenorio, Joelad Santos at si Flor Apable Olazo na komiks awardee ng CMMA. Marami pang iba. Maraming marami pa. Bukas sa/ang nominasyon sa mga pangalang mas karapat-dapat piliin.

Narito ang pinakasimpleng basehan o proseso ng pag-aaral, pagsusuri at pananaliksik sa isang pambansang yaman o “heritage” na usapin. Pinakasimple at hindi ito kumplikado kumpara sa ilang kumparatibong pag-aaral. Maari pa itong madagdagan depende sa obhektibong dala-dala ng isang mananaliksik. Alalahanin natin na accountable ang sinumang mananaliksik sa paglalabas ng datos o kasaysayang nililikha niya sa mamamayan Filipino.

THE TOP 20 QUESTION:
1. Anu-ano ang mga pamantayan ng pamimili?
2. Sino-sino ang namili o hurado?
3. Ang mga namili o hurado kaya ay may sapat na awtorisasyon o kwalipikasyon?
4. May naganap kayang nominasyon tulad nang isinasagawa sa mga award giving body?
5. Ito kaya ay ginamitan ng pamamaraan ng pananaliksik?
6. Anong metodo o approach ng pananaliksik?
7. Ano ang layunin ng pananaliksik?
8. Ano ang sakop at limitasyon?
9. Naglabas kaya ng mga datos, batayan o ebidensiya, pag-aaral na nakalapat sa
mga teoretikal na pagsusuri o pag-aanalisa?
10. May naipamigay kayang survey sheet?
11. Ilan kaya ang respondent ng survey sheet?
12. Balido kaya ang mga tanong sa survey sheet?
13. Sinasagot ba ito ng yes or no lang?
14. Ano kaya ang naging resulta ng survey?
15. Ginamitan kaya ito ng malinaw na chart o graph para interpretasyon ng mga datos at tala?
16. Anu-ano kayang sanggunian o aklat ang naging basehan at batayan ng pananaliksik?
17. May adviser, lupon o panelista ba para kumuwestiyon ng integridad at pamamaraan ng pananaliksik?
18. Sumangguni ba ang mananaliksik sa mga taong may “tamang awtoridad” tulad halimbawa ng mga namahala ng publikasyon o institusyon, mga manunulat at artist, lupon ng mga editor, mga mag-aaral at sa mga mambabasang Filipino, etc.
19. Pumasok kaya sa tamang pagsangguni ang lupon? Halimbawa’y pagsangguni sa isang sangay ng gobyerno o pribadong samahan o foundation o lehitimong unibersidad sa Pilipinas na awtentikadong magparangal o magsagawa ng pananaliksik.
20. Ano ang napatunayan sa pag-aaral ng mananaliksik?

Wala akong matandaan minsan man sa mga pagpupulong sa komiks kongres (noon) na inilapit ang isang proyekto o pag-aaral na ganito. Dahil isa ako sa pinakaaktibong miyembro (noon), isa sa mga nahalal na pansamantalang opisyal sa pagbuo o pagbubuo ng proyekto (noon), isa sa mga facilitator ng komiks na kinuha ng KWF at NCCA na ipinadala sa probinsiya (noon), at awtor ng isang module sa kung paano sumulat ng kuwento sa komiks (hanggang ngayon). Kung mayroong ganyang proyekto na idinulog sa komiks kongres noon ay siguradong susuportahan iyan dahil magsusulong ng interes ng komiks at mga manlilikha ng komiks.

Naniniwala ako na ang komiks at ang iniwang “legacy” ng mga manlilikha ng komiks ay nangangailangan ng isang malawak na pagsusuri o pagbabalik tanaw sa isang kasaysayan. Wala itong ipinagkaiba sa mga fossils at relics na inaral ng mga arkeyolohista para gawing batayan sa pagsulat ng kasaysayan. Wala itong ipinagkaiba sa mga naiwang kuwentong bayan, awit, ritwals, chant, etc. ng mga katutubo na naging ebidensiya ng kanilang eksistensiya.

Kung at kung lamang naman, na may maling mga tala o datos sa pag-aaral at pananaliksik, magbibigay ito ng isang maling kasaysayan sa mga susunod na henerasyon. Nararapat lamang na ang isang datos ay i-redefine, ire-contextualize, saliksiking muli at gawan ng mas masinop na pag-aaral para sa mas kumprehensibo at lehitimong resulta.

Sapagkat “legacy” ng isang kulturang Filipino ang pinag-uusapan. Kayamanan o “heritage” ng Filipino. Talino, talento, kamalayan, lahi, uri, etnisidad at ang mismong esensiya ng pagiging isang Filipino ang nakataya sa pag-aaral ng kasaysayan at kulturang nakapaloob dito. Hindi pansariling pagkilala o pagtatataas ng sarili. Ang karangalang mapasama “bilang yamang lahi” ay hindi basta-basta maaaring angkinin, ipagkaloob o i-award ng kung sinuman sa sinuman. Katulad din ito ng naging pag-aaral sa kasaysayan ni Resil Mojares tungkol sa “Nobelang Filipino” na isa niyang thesis sa kanyang doctoral degree na ginamitan niya ng datos, ebidensiya, pagsusuri, teoretikal na paglalapat, etc. Dumaan ang kanyang pag-aaral sa lupon, sa maraming obserbasyon, sa mga pagtatanong, pagrerebisa at kung anu-ano pa bago maging isang lehitimong akda.

May tamang proseso. May tamang lupon. May tamang venue. May tamang intensiyon. At higit sa lahat, may tamang tao.

Anuman ang ating sabihin at ilathala ay ating responsibilidad at pananagutan sa ating sarili, kapwa tao at sa lipunan. Higit sa lahat, pananagutan natin ito sa Panginoong Diyos na nagkaloob ng talento at galing sa ating lahat.


Godbless you all!!!

Friday, October 19, 2007

coming soon

Naka-out na sa National Bookstore ang aking serye na romance novel, ang Korean Drama Novel. At ang susunod ay isinakomiks kong awit/korido na Ibong Adarna at ang Florante at Laura. May ginawa akong studies dito pero sa susunod ko na tatalakayin. Paano isinasakomiks ang mga akdang pampantikinang tulad nito na hindi ikino-compromise ang bisa at katangiang pampanitikan sa medium ng pop lit na Komiks. Mula sa lengguwahe hanggang sa pagpili ng mga mahahalagang eksena, sangkap at pagpapahalaga. Hindi ito madali. Pero tumulay ako. Sinikap ko na hindi maging boring ang mga eksena para makaayon naman ito sa anyo ng Komiks ngunit hindi rin dapat makompromiso ang nilalaman nito bilang isang akdang pampanitikan lalo't isang klasikong literatura.

Marahil ay tatalakayin ko ang ginawa kong studies at pamamaraan sa mga susunod na araw.

Thursday, October 18, 2007

DIGITAL KARMA PRESENTS ... NUNANG














Pamangkin ko siya. Anak ng panganay kong kapatid na lalaki. Kami ang nagbansag sa kanya ng pangalang Nunang bilang kanyang pet name sa amin. Mahal na mahal namin siya dahil siya ang unang apo sa side namin, at una naming pamangkin na magkakapatid. Mahal siya ng nanay ko, ng tatay ko. Ang tawag niya sa nanay ko ay Mama. Teacher ang nanay ko, natatandaan ko noon na sa tuwing sumusuweldo siya, halos buong suweldo niya ay ipinamimili niya para kay Nunang. Gamit, damit, gatas, bitamins, pagkain, etc. Inisip ko na lamang na ang effort na iyon ay dahil sa pagkasabik sa unang apo ng nanay ko. Natatandaan ko na kapag nabi-birthday si Nunang ay dinadalhan namin siya ng handa at cake. Natatandaan ko ang detalye ng kasiyahang dinala at ibinigay niya sa pamilya namin, sa buhay namin noong maliit pa siyang bata. Matalino siyang bata, pero kalbo. Pinatay niya sa sakal at kagat ang isang Japanese chicken dahil sa panggigigil dito. Hindi naman ata agad namatay, pero nanghina, kalaunan ay namatay din.

Grade three siya nang iwanan siya sa amin ng kanyang nanay para magtrabaho sa Japan, sa loob ng American Base sa Japan. Mula noon, sa Marikina na tumira si Nunang. Ang Mama niya ang nagsilbing ina niya, ang mga pinsan niya ang nagsilbing mga kapatid niya. At dahil siya ang panganay na pinsan, maniwala kayong takot lahat sa kanya ang lima niyang pinsan. Takot bilang respeto at pagmamahal sa kanilang ate Nunang. Si Christian na ngayon ay magse-17 na, anak ng ate Nini ko. Sina Pupu (13) at Mai-mai (9), anak ng ate Bingbing ko, at sina Yeye (7)at Megmeg (3), anak ng kuya Iboy ko. Bale para siyang panganay na kapatid ng lima niyang pinsan.

Dalawang beses nakapunta ng Japan si Nunang para magbakasyon sa kanyang nanay. And take note, mag-isa siyang nagbibiyahe pauwi ng Pilipinas gayung elementary pa lang siya. Sa edad na walong taong gulang, maagang nalito sa buhay si Nunang. Magulong magulo ang tingin niya sa mundo dahil hiwalay ang mga magulang niya. Sa pakiwari niya ay salbahe siyang bata. Hindi siya masuweto ng maski na sino. Minsan ay kinausap ko siya. Mas kinakausap ko siya kaysa mas pinagagalitan. Sabi ko, huwag siyang sumagot-sagot sa mga nakakatanda sa kanya. Sabi ko pa, may panahon ng pag-e-express sa sarili. Sabi niya sa akin, gusto raw niyang magbago pero hindi raw niya alam kung paano. Sabi pa niya, sino raw ang tutulong sa kanya? Na-touch ako sa sinabi niya. Sa edad na iyon ay nakapagsalita na siya ng ganoon. May guilty feelings na agad siya sa mundo gayung wala pa siyang muwang, wala pa siyang alam sa kung anuman ang kasalanan sa mundo ng tao. Hindi pa niya alam kung ano ang kasalanan ng kanyang mga magulang sa kanyang paglaki. Basta’t ang tanging nauunawaan niya noon, ay ang kasalanan niya bilang salbaheng bata, dahil natuto na siyang sumagot-sagot sa mga nakakatanda. Pero alam ko na higit pa roon ang nararanasan niya, ang pinanggagalingan niya, ang kalituhan niya. Hindi ma-express ng bata niyang isipan ang lungkot na kanyang nararamdaman, na lumalaki siyang hiwalay ang kanyang mga magulang, na nagkakaisip siyang sa pakiwari niya’y wala siyang isang buong pamilyang makakapitan—at pakiwari niya’y kasalanan niyang lahat iyon.

Naawa ako sa pamangkin ko. Lalo na nang titigan ko ang mga mata niya na may namumuong luha. Kung kaya ko lang siyang isalba sa ganoong pakiramdam. Kung kaya ko lang ipaunawa sa kanya na wala siyang kasalanan kung anong klaseng bata siya at hindi niya pananagutan sa lipunan kung paano siya lumalaki. Kung kaya ko lang ipaunawa sa kanya na wala siyang kasalanan kung hindi man niya maunawaan ang takbo ng mundo.

Masasabi kong pinalaki namin siya, pinalaki ko siya—kung paano siya mag-isip, magsalita, magmahal at lumaban. Third year high school na si Nunang nang magbalik bayan ang kanyang ina at kunin siya sa amin. May half sister na siya sa mother side Samantalang ang kuya ko—binata ulit dahil annulled ang kasal nila ng dati niyang asawa na nanay ni Nunang. Hindi na nag-asawa ang kapatid ko hanggang ngayon, at iisa lang ang anak niya—si Nunang lang. Pero maski kinuha na si Nunang sa amin, madalas pa rin siyang nasa amin, sa amin pa rin siya tumitira kung bakasyon, o maski pa nag-aaral siya ng kolehiyo. Sa tuwing magkakabanggaan silang mag-ina, sa amin ang takbo niya. Hindi siya maunawaan ng nanay niya, dahil hindi naman nito nakita ang kanyang paglaki. The same thing na hindi rin maunawaan ni Nunang ang kanyang ina. Unti-unti, naka-adjust na rin sila sa isa’t isa, kung gaano kalalim—-hindi ko alam.

Labing anim na taon si Nunang nang magka-boyfriend, first love ika nga. Dahil kauuwi ng nanay niya mula Japan at hindi sila magkaunawaan—-maging ang pakikipag-boyfriend ni Nunang ay naging isang malaking isyu sa kanilang mag-ina. Sa side man ng tatay niya ay ganoon din. Para sa isang ama ay hindi madaling pakawalan ang anak na babae sa ganitong stage ng buhay. Walang nakaunawa sa kanya dahil nga bata pa raw siya. Except me. Muli ay kinausap ko siya para malaman kung ano ang nararamdaman niya. Noong una ay hesitant si Nunang na magkuwento sa akin, marahil ay iniisip niya na ang loyalty ko ay nasa matatanda. Pero hindi ako ganoon, ang loyalty ko ay wala kaninuman. Kundi bilang isang tita niya, bilang pangalawang magulang niya, na gustong maunawaan ang pinagdadaanan niya. Nagkuwento sa akin si Nunang, detalyado. Pinayuhan ko siya. Sabi ko, okey lang ‘yan, first love, patago-tago, padate-date, pinagdadaanan ng lahat ‘yan. Kaya okey lang na pagdaanan niya. Isa lang ang bilin ko sa kanya, magbilang na siya ng boyfriend basta’t huwag lang siyang uuwi na malaki ang tiyan. Puwedeng mag-fool around, basta’t huwag lang sayangin ang kabataan. Ganoon ako kakunsintidorang tita. Ako ang ginagamit niyang dahilan sa tuwing makikipagdate siya. At okey lang sa akin with a certain limitation. Hindi siya dapat umuwi ng gabi. Ganoon lang kasimple ang rules ko at okey na sa akin ang lahat. Katuwiran ko kasi, mas maraming nangyayari sa gabi. Hehe. Pero higit na dahilan ko sa aking sarili, malaki ang tiwala ko kay Nunang. Hindi ako naniniwala na may gagawin siya na higit pa sa kung ano lang ang nararapat. Ipinaglaban ko siya sa lahat, to the point na awayin ako ng nanay niya, ng tatay at pati ng Mama niya (nanay ko). Hindi ako natatakot o naniniwala na baka umuwi si Nunang na malaki ang tiyan, at mas lalong hindi ako naniniwala na magda-drugs siya. Kabilin-bilinan ko rin sa kanya, malulong ka na sa barkada, sa banda, sa computer, huwag na huwag lang siyang malululong sa droga. Dahil naniniwala ako na doon magsisimulang masira ang buhay niya.

Umuwi ako isang gabi, sinabi sa akin ng nanay ko na naglayas daw si Nunang sa bahay ng nanay niya nang araw na iyon. Pero wala sa amin. Sabi ko, nasaan siya? Ang hinala ng lahat ay sumama sa kanyang boyfriend. Tulog ang tatay niya, wala ring ginagawa ang nanay niya. In other words, walang humahanap sa kanya. Walang may pakialam sa kanya. Lahat ay suko na. Maliban na naman sa akin. Ayokong sumuko. Dahil ayokong isuko si Nunang sa kanyang laban sa buhay. Naniniwala akong maisasalba ko pa siya, maisasalba pa niya ang buhay niya. Magulo ang isip ko noong gabing iyon. Umalis ulit ako ng bahay, may dala akong sasakyan. Hindi ko alam kung saan ako pupunta, hindi ko alam kung saan ko siya hahanapin. Hanggang sa natagpuan ko ang sarili ko sa bahay ng isa kong kaibigan. Nalaman nila kung anong nangyari at sinamahan nila akong maghanap. Na-trace ko sa cellphone ko ang isang number na nagte-text kay Nunang, at bingo—ang bestfriend pala niya iyon. Na-confirm ko na kasama nga ng pamangkin ko ang boyfriend nito. Natakot ata sa akin ang bestfriend at napilitang i-reveal lahat pati sarili nitong address. Nagmamadali akong pumunta sa bahay ng bestfriend ni Nunang. Kasama na namin itong naghanap sa Blumentritt, sa mga bahay sa riles ng tren hanggang sa humantong kami sa isang slum area. Pasikot-sikot, maliliit na bahay, basa ang makipot na eskinita. Sa tanang buhay ko ay noon lang ako nakakita na may ganoon palang klase ng mundo o buhay. Buong akala ko ay expose na ako dahil lumaki ako sa Tondo Maynila, nag-aral ako sa MLQHS Blumentritt, at noong manunulat na ako ay nakapunta ako sa mga lugar tulad ng smokey mountain, sa mga eskuwater’s area, sa mga bahay sa gilid-gilid ng Ilog Pasig, sa Mabini, sa mga gay bar, sa mga pub house, sa mga third class na sinehan at maging sa torohan. Buong akala ko, lahat ay nakita ko na. Buong akala ko ay sapat na ang mga naging exposure ko para masabi kong nakapasok na ako sa iba’t ibang klase ng mundo bilang isang manunulat. Pero noon lamang ako nakapasok sa ganoon kakipot na lugar, ganoon karumi at kamiserable. Noon lang ako nakaramdaman ng ganoong klase ng pakiramdam. Magkahalong awa, takot at matinding pagkailang ang naramdaman ko sa nasabing lugar. Doon daw nakatira ang boyfriend ni Nunang. At dahil si Nunang ang pinag-uusapan, iyon marahil ang dahilan kung bakit nagkaroon ako ng ganoong klase ng pakiramdam, pamangkin ko na ang pinag-uusapan dito at hindi ko gustong masadlak o mamuhay ang pamangkin ko sa ganoong klase ng lugar. Masyado akong subjective ng mga sandaling iyon. Pilit kong inuunawa ang ganoong klase ng kalagayan pero umiiral sa akin ang pakiramdam na walang sinumang tao—- siguro ay maski pa ang mga tagaroon, na nagnanais manirahan sa lugar na iyon. Naisip ko lang naman, alam kong subjective ito. Pero ibigay na sana sa akin ang bagay na ito.

Bigo kami sa paghahanap namin kay Nunang. Umuwi kami sa bahay ng bestfriend niya. Sabi niya, baka daw dumaan doon. Matagal kaming naghintay. Ayokong umalis dahil iniisip kong kapag napalipas ko ang gabing iyon, marami na ang puwedeng mangyari. Baka hindi na namin mahabol si Nunang. Hanggang sa isang bata ang nagtatakbo at nagsabi sa amin na nakita raw nila si Nunang. Agad akong nagtatakbo sa lugar na itinuturo ng bata at nakita ko si Nunang na nagtatago sa isang malaking truck na nakaparada. Umiyak, pumalahaw agad nang makita ako, akala’y sasaktan ko o may gagawin akong hindi niya magugustuhan. Hindi naman daw siya makikipagtanan. Kasama lang daw niya ang lalaki pero hindi raw siya makikipagtanan. Pero ayaw sumama sa akin ni Nunang maski anong sabihin ko, maski anong paliwanag ko. Naroon ang boyfriend niya. Pinagmasdan kong mabuti ang lalaki. Inalam ko ang dahilan kung bakit nagkaganoon si Nunang dito. Kung magagawa nga ba ni Nunang na sumamang magtanan dito. Wala akong nakitang dahilan. Pandak ang lalaki, maitim, walang hitsura sa paningin ko. Inisip kong galit lang ako sa lalaki kaya ganoon ang tingin ko dito. 5’6 ang height ni Nunang, sexy, may hitsurang babae. Parehong teacher ang mga magulang ni Nunang, nagmula siya sa mga nag-aral na pamilya. Sa aking palagay, maski paano, pinalaki namin siyang may proper breeding. Paanong magiging personal choice ni Nunang na sumama sa isang lalaking tulad nito? Noon ko agad naisip, kung totoong magagawa ni Nunang na sumama sa lalaking ito, walang problema sa lalaki, na kay Nunang ang problema. Kung wala siyang problema, hindi niya gugustuhin na sumama sa ganoong klase ng lalaki. Hindi ko isinama si Nunang sa Marikina dahil natatakot siya sa gagawin ng tatay niya sa kanya. Kahit sabihin ko nang paulit-ulit na walang gagawin sa kanya. Napilitan akong kausapin ang mga magulang ng bestfriend niya para ipagbilin si Nunang na maski anong mangyari ay huwag pasamahin sa lalaki, dahil susunduin ko lang ng gabi rin iyon ang Mama ni Nunang para ito ang kumausap. Laking pasasalamat ko at nakipagtulungan sa akin ang mga magulang ng bestfriend niya. Pinapasok si Nunang sa loob ng bahay, kasama ang bestfriend, pinakain at pinatulog. Kinausap ko ang lalaki bago ako umalis. Pinauwi at pinagbilinan ko ang lalaki. Isa lang ang sabi ko sa kanya, hindi ako tutol na maging magboyfriend sila, pero huwag siyang gagawa ng bagay na makakasira sa buhay ni Nunang dahil talagang hahantingin ko siya. Natakot ata sa akin ang lalaki at umuwi na ng bahay. Nagbalik kami sa bahay ng bestfriend ni Nunang, kasama ko na ang Mama niya (nanay ko), para sunduin na si Nunang. At porket lola na niya ang sumusundo sa kanya, hindi na nagdalawang isip si Nunang na sumama. Naiuwi namin si Nunang nang gabing iyon. Nailigtas ko siya nang gabing iyon. Nalagpasan niya ang gabing iyon at naniniwala akong hinding hindi na iyon mauulit pa.

Kinausap ko ng masinsinan ang nanay ko, sinabi ko na huwag pagalitan si Nunang. Sinabi ko na sabihan ang kuya ko, at lalong huwag sasaktan. Sinabi ko na ako ang bahala kay Nunang. Nangako na ako sa nanay ko na ako ang mananagot anuman ang mangyari kay Nunang. Basta’t hayaan lang ako. Pinalipas ko ang ilang araw, pagkatapos ay kinausap ko si Nunang. Inassure ko sa kanya na okey lang sa akin na mag-boyfriend siya. Noon ko sinabi sa kanya na nauunawan ko siya, ipagtatanggol ko siya at hindi ko siya pababayaan kahit anong mangyari. Isa lang ang hihilingin ko, huwag siyang sasamang magtanan maski kaninong lalaki na ang dahilan niya ay dahil lang sa tumatakas siya sa problema—dahil sisirain ng mali niyang desisyon ang buhay niya. Sa akin na lang siya pumunta o tumakbo at ako na ang bahala sa lahat. Sinabi ko rin sa kanya na mag-boyfriend lang siya ng mag-boyfriend, i-enjoy lang niya ang buhay. Huwag niyang intindihin ang galit ng nanay at tatay niya, basta’t ipangako niya sa akin na hindi siya uuwing malaki ang tiyan. Hindi sumagot si Nunang, hindi siya nangako, nakikinig lang siya. Nakinig lang siya pero wala siyang ipinangako.

Isang taon ang lumipas, siya mismo ang nakipag-break sa boyfriend niya. Kung anuman ang kanyang personal na dahilan—kanya na lang iyon. Basta na-justify ko ang naging pagtingin at pakiramdam ko noon. Totoo pala ang naging tingin ko sa hitsura ng lalaki base na rin sa pagkumpirma ko kay Nunang. Pagkalipas ng ilang taon ay nag-asawa na ang lalaki (ewan kung kasal) at ngayon ay may anak na. Bata pa itong nag-asawa. Sumulat pa sa email kay Nunang, nagso-sorry sa lahat ng kasalanan at nagpapasalamat sa lahat ng nagawa at naibigay (materyal) ni Nunang sa kanya. Deadma ever na ang pamangkin ko. Wala raw sa kanya iyon dahil hindi siya guilty! Mas lalong hindi siya bitter! Napangiti ako, kung paniniwalaan kong mana sa ugali ko ang pamangkin ko, masasabi kong sa edad niyang ito ay buo na ang kanyang pagkatao at alam na niya ang kanyang ginagawa. Sa totoo lang ay si Nunang ang dapat magpasalamat ng malaki sa lalaking ito, ako, at ang buong pamilya namin. Salamat at hindi si Nunang ang nasa kalagayan ng babaeng kinakasama niya. At ang bestfriend ni Nunang na pinuntahan ko noon ay maaga ring nag-asawa at ngayon ay may anak na rin. Samantalang si Nunang na buong akala ko’y maagang mapupunta sa ganoong kalagayan, hanggang ngayon ay dalaga pa, masaya at puno ng buhay! Napaka-ironic talaga ng buhay.

Lumipas ang panahon at tuluyang nawala na sa sistema ng buhay niya ang kanyang “first love” na ngayon ay itinatatwa na niyang “first love” niya. Hehe. Nagkaroon ako ng sariling bahay at buhay. Sa akin madalas tumira si Nunang. Tuwing bakasyon ay sa akin siya tumitira. Isang buwan umaabot hanggang limang buwan at ang pinakahuli ay umabot ng halos isang taon, pabalik balik siya sa Marikina at San Mateo.

Minsan ay kumakain kami ng niluto kong adobong gizzard. Noon lang siya nakakakain ng ganoong pagkain, nasarapan at nagtanong, “Tita Glady, anong ulam ‘to?” Pinasakay ko siya, sabi ko adobong lizard. Nagtaka ang mukha niya. Pero magaling akong umarte, pinanindigan kong kumakain ako ng butiki! Hindi na siya kumibo. Ilang buwan ang lumipas, umabot pa nga ata ng isang taon. Tinanong niya ako kung kailan daw ba uli ako magluluto ng butiki! Nasarapan pala ang luka-luka, fan ko kasi siya sa pagluluto. Tawa ako ng tawa lalo’t noong nakakita siya ng maraming butiki sa kisame ay itinuro niya sa akin. “Ayun, tita Glady! Ayun! Hulihin natin!” All this time, naniniwala pala siyang kumakain ako ng butiki! Pati siya, paniniwala pala niya’y kumakain siya ng butiki!

Noon ko napatunayan na bata pa si Nunang. Inosente pa, nagtitiwala at naniniwala pala siya sa lahat ng sinasabi ko. Lalo akong naniwala na hindi lang siya basta nakikinig sa mga sinasabi ko, naniniwala pala siya.

Isang gabi ay pinag-usapan namin ang lahat-lahat. Sa buhay niya, sa buhay ko, isang gabing nag-iyakan kami. Buong magdamag. Wala kaming problema, nasumpungan lang naming mag-emote, magkuwentuhan ng mga natapos na naming pag-ibig. Alam kong sa sulok ng puso niya ay nagpapasalamat siya sa ginawa ko sa isang gabing pagliligtas ko sa buhay niya. Iisa lang ang tugtog na paulit-ulit niyang pinatutugtog ng gabing iyon, ang kantang What’s Forever for? Ang pinag-uusapan namin ay kung bakit kailangang magmahal ang isang tao na tapos ay mawawala rin naman ang pagmamahal. Para saan pa raw ang salitang forever kung wala naman itong paggagamitan? Sa panahong iyon ay mas nauunawaan ko na ang lalim ng pagkatao ni Nunang, at mas nauunawaan na niya ang lalim ko. Noon ko napatunayang hinding hindi nga pala niya magagawa na sirain ang pagtitiwala namin sa kanya, ang paraan ng pagpapalaki ng nanay ko sa amin, sa kanya, na may dignidad bilang tao, bilang babae. Nagmahal lang siya pero hindi kasama sa pagmamahal na iyon ang i-compromise ang kanyang buong pagkatao. Isang bagay na tiniyak niya sa akin, hindi siya gagawa ng isang bagay na magpapasama ng loob ng kanyang mga magulang, lalo na ng kanyang Mama.

Para kaming baliw, umiiyak at tumatawa kami sa mga kuwento namin buong magdamag na iisa ang tugtog, hanggang sa kapwa kami natigilan nang mapasulyap kami sa bintana, dahil umaga na pala. Ang lakas ng tawa namin ni Nunang. Hindi na kami na nakatulog pa. Magang maga ang mata namin at ang sakit ng ulo namin buong maghapon.

Mahilig akong kumanta, sabi ni Les, magaling daw akong kumanta. O masasabing maganda raw ang boses ko. Sabi rin ng ilang kaibigan ko na nakarinig ng boses ko. Pero bihira ang nakakaalam nito dahil hindi ako kumakanta kung saan-saan. Sa mga okasyon lang sa pamilya, sa bahay. At kung hindi ka pa nakakapunta sa isa sa mga okasyon sa amin, hindi mo pa ako naririnig kumanta. Hehe. Mana raw ako sa tatay ko, kasi magaling ang tatay kong kumanta. Pero siyempre, mas magaling ang original. Masasabi ko na malaki ang naging impluwensiya ko kay Nunang sa pagkanta bagama’t magaling din kumanta ang tatay niya. Sa akin siya nagpaturo ng mga old songs na hindi niya alam kantahin tulad ng mga kanta ng Air Supply at Melissa Manchester’s Don’t Cry Out Loud, atbp. At maniwala kayo, magaling kumanta si Nunang. Kinakanta niya ang Power of Love nang nakaupo, sa pinakamataas na tono pero walang ka-effort effort, kung paano at kung saan siya kumukuha ng hangin sa pagkanta ay hindi ko alam. Dumating ang oras na sa tuwing nagkakantahan kami ay nagpapasahan na kami ng mikropono. Kapag mataas na ang tono, siya na ang kumakanta. Sa tuwing hindi niya alam ang tono ay ibabalik niya sa akin. Hindi kami nagdu-duet, pasahan ang tawag namin doon. Minsan, pinakanta niya ako ng pinakanta sa videoke microphone ko. Akala ko ay galing na galing siyang kumanta sa akin, iyon pala ay gusto lang niyang malaman ang mga lumang kanta na paborito ng kasalukuyan niyang boyfriend noon. Lihim pa akong pinagtatawanan ng luka-luka dahil naisahan niya ako. Ginantihan ko naman siya, birthday ni Les at nasa bahay ang lahat ng barkada namin para mag-celebrate. Pinaupo namin si Nunang sa gitna ng salas at pinakanta ng pinakanta. As if akala mo ay may singer sa harapan namin at nagre-request lang kami ng mga gusto naming kanta. Lahat ng request namin ay nakanta niya. Mula sa pinakamahirap hanggang sa pinakamataas na tono. Sabi pa nga ng mga barkada ko, para daw plaka si Nunang.

Two years ago ay nagpunta siya ng Canada dahil nag-migrate na sila doon ng nanay at half sister niya. Ayaw niya, dahil ayaw niyang iwanan ang boyfriend niya noon. As usual. After one month, tumawag siya sa amin, nagpapasundo sa airport dahil uuwi na raw siya. Takang taka kaming lahat. Walang nagawa ang nanay niya, ang mahal ng pamasahe pero walang nagawa sa kanya. Ganoon katigas ang loob at ang ulo ni Nunang. Imagine, almost 60k ang nagastos ng nanay niya para lang bumalik siya ulit ng Pilipinas pagkaraan lang ng isang buwan? Pagsundo namin sa kanya sa airport, ang saya-saya niya, tawa ng tawa, at ang sabi, waahhhhhhh naisahan ko si Nanay!!!

Malungkot daw siya sa Canada. Gusto raw niya sa Pilipinas. Gusto raw niya sa tatay niya, sa Mama niya, sa mga pinsan niya, sa mga tito at tita niya, -- sa akin. Masaya daw siya sa amin, mahal daw niya kami. Biro ko sa kanya, lalaki lang ang dahilan kaya siya umuwi. Pero ilang buwan pagkalipas, nakipag-break siya sa boyfriend niya. At ilang buwan din ang lumipas may bago na naman siyang boyfriend. Parang gusto kong magsisi na pinayuhan ko siyang magboyfriend lang ng mag-boyfriend. Masyado niyang sineryoso ang payo ko.

Sa akin siya halos tumira sa loob ng isang taong mula nang nagbalik siya ng Pilipinas. Pero iyon ang usapan nila ng kanyang nanay, isang taon lang siya dito at babalik na ulit siya ng Canada para mag-migrate na ng tuluyan. Sa panahong ipinamalagi niya dito, defined na ng husto ang closeness niya sa aming lahat, sa Mama niya (na okey nang makipag-boyfriend siya), sa mga mga tito at tita niya, sa mga pinsan niya at sa one and only tita Les niya na kakampi niya at ka-conspiracy na niya sa marami niyang secret. Pinalitan na ni Les ang role ko. Favorite daw niya ang pochero, ang luto ni Les na pochero. Nagtataka ako kung bakit. Sarap na sarap siya sa luto ni Les eh samantalang hindi naman ako nasasarapan kasi parang mechado. Tinanong ko siya, bakit mo paborito ang pochero ni Tita Les? Sagot niya, kasi ito pa lang ang pocherong natikman ko. Hahaha!

Ilang araw bago siya bumalik ng Canada, iyak siya ng iyak. Ako din ay iyak ng iyak, pero hindi na niya alam siyempre iyon, kasi ayokong madagdagan ang lungkot niya. Akin na lang iyon. Hindi pa man lang kasi siya nakakaalis ay nami-miss ko na siya. Nami-miss ko ang mga Pasko, Bagong Taon, Birthday, etc. na okasyong magkakasama kami. Ma-mimiss namin ang pag-aalaga niya sa kanyang mga pet (nagkaroon ako ng hayupan dito sa San Mateo dahil sa sobra niyang hilig sa hayop). May pusaan siya sa likod ng bahay ko, may isdaan siya sa harapan ng bahay ko. May alaga siyang pusa at mga aso sa Marikina. Mayroon siyang pagong na itinakas niya sa LRT2. Nahuli kasi siyang may dalang pagong at ayaw siyang papasukin. Inilagay niya sa kasuluk-sulakan ng bag niya. Naitimbre pala sa ibang mga guard ng LRT2 at kung paano niya nagawang ipuslit, hindi ko alam. Basta’t nakarating ang pagong niya sa bahay namin sa Marikina. At hanggang ngayon ay buhay pa ang pagong niya at mag-isang naglalangoy sa aquarium na animo’y isa ng pawikan.

Araw ng alis niya papuntang Canada, nagpunta sa bahay namin ang kasalukuyang boyfriend niya. Nasa labas lang, hindi pa rin kasi alam ng tatay niya na may boyfriend siya, kami-kami lang ang nakakaalam (pati Mama niya ay kasabwat na namin). Nilabas ng Mama niya ang boyfriend niya na noon ay umiiyak, pinayuhan silang dalawa at sinabing may tamang panahon sa kanila. Iyak ng iyak si Nunang, bagama’t buong akala ng tatay niya ay siya ang iniiyakan. Hehe. Sa airport, bumunghalit ng iyak si Nunang, niyakap niya kaming lahat, hinalikan at sinabing mahal na mahal niya kami. Bilin niya sa kanyang Mama, huwag pang mamamatay. Hintayin daw ang pagbabalik niya, dahil mag-aalaga pa raw ng anak niya. Kaya’t ang biro namin sa nanay ko, wala siyang karapatang mamatay hangga’t hindi pa siya nagkakaapo kay Nunang. Pag meron na, puwede na. hehe. Joke, joke, joke...

Ngayon ay 22 years old na si Nunang, totoong nakinig siya sa mga sinabi ko. Nakikipag-break lang siya kung ayaw na niya at nakikipag-boyfriend siya kung gusto niya. At minsan man ay hindi siya umuwing malaki ang tiyan (pero malaki ang tiyan niya dahil sa bilbil). Ang ironic nga, nangyari iyon sa iba niyang kaibigan at pinsan. Expect the unexpected ika nga. Nasa Canada na siya ngayon at madalas namin siyang ka-chat. Lagi niyang tinatanong ang mga alaga niya, ang pusa niyang si Sabina, ang mga anak ng aso naming si Obol, si Potchie, etc. Hindi ko pa pala nasabi sa kanya na namatay ang tanim niyang papaya sa likuran ng bahay ko pagkatapos namin maharvest ang bunga at gagawin kong atchara. Kuwento niya sa akin ay madalas siyang manghabol sa Canada ng mga naggalang rabbit. Nasa kalsada lang daw ang mga rabbit doon. Tumatawid sa kalye. Nai-imagine ko kung paano niya ginagawa ang panghahabol ng rabbit, hehe. Mahigit isang buwan na siya doon at hindi pa naman siya tumatawag para sabihing uuwi na uli siya ng Pilipinas. Parang Baguio lang ang Canada sa kanya kapag ginawa niya ulit iyon. May trabaho na siya ngayon. Sa isang fastfood daw at sumuweldo daw siya sa loob ng 2 linggo ng 350 dollars dahil part time lang siya. Nag-aaral pa kasi siya doon. Kumukuha siya ng kursong care giver.

Bilin ko ay mag-ipon siya ng pera. Pagandahin niya ang buhay niya. Bumuo siya ng pamilya niya, isang buong pamilya na hindi niya naranasan noong bata pa siya. Boyfriend pa rin niya ngayon ang boyfriend niya bago siya umalis ng Pilipinas. At sabi niya sa akin, seryoso na siya this time. Oo naniniwala ako, naniniwala naman ako sa lahat ng sinasabi niya. Nagtitiwala ako. At alam ko, sa sulok ng puso niya, naniwala siyang mahal namin siya, naniwala siyang nagtiwala ako sa kanya, at naniniwala siyang lagi’t lagi ay may isa pa rin siyang pamilyang babalikan dito sa Pilipinas. At may tita Glady siya na mananatili niyang tita Glady, forever!!!

What is the essence of digital karma? Well, It speaks for itself.


PS: Ngayong Oct. 22, Happy birthday Nunang!!! Ka-beerday pa talaga niya ang tatay niya! We love you! MWAAAHHH!!!

Thursday, October 4, 2007

DIGITAL KARMA PRESENTS... SNOW IN AUGUST

Katatapos ko lang panoorin ang 20 episodes ng Korean drama na "Snow in August" na ang bida ay sina Chu Sang-Mi at Jo Dong-Hyuk. Mahilig ako sa Korean drama dahil marami akong natututuhan na mga teknik sa pagsusulat at execution ng kuwento. Siguro ay matatawa ang iba ngunit totoo ito. Ginagawa kong study ang Korean drama sa pagbuo ng premise, plot, characterization, twist at ending. Magaling ang mga writer ng Korean drama pagdating sa puntong ito. May mga disiplina sila sa pagsusulat. Hindi nila ikino-compromise ang salitang "happy ending" sa kanilang kuwento. Ang higit na mahalaga sa kanila ay makatugon sila sa premise ng kuwento, at ma-achieve nila ang aspirasyon nila bilang manunulat. Nahuhusayan ako sa pagbuo nila ng time frame. Wala akong makitang loopholes o daya man lang. So far, sa mahigit na 30 korean drama na napanood ko, nakita ko ang pagiging maingat nila sa paggamit ng oras. Ang plot nila ay simple lang at makakakonekta ang mga Filipino viewers dahil sa ilang kultura na may pagkakapareho sa atin. Pati ang paggamit nila ng pagkain ay isang mabisang elemento para maka-attract ng viewers. Maingat sila sa pagbuo ng twist at element of surprise. Nagiging makatarungan ang ending (happy o sad ending man) dahil hindi sila nagkukulang ng "planting" sa kuwento na ginagamit naman nila sa kanilang twist at mga rebelasyon.

Ang plot ng "Snow in August" ay simple lang. Isang babaeng (Chu Sang-Mi) niloko ng asawa, may isang anak na batang lalaki at sa gabi ng kaarawan ng bata ay nasagasaan at namatay. Apat na taong nag-mourn ang ina (babae) hanggang sa nakatagpo siya ng panibagong pag-ibig. Isang lalaki (Jo Dong-Hyuk) na may anak na batang lalaki na ang edad ay limang taong gulang. Ang kuwento naman ng lalaki ay iniwanan ito ng asawa at mag-isang nagpalaki ng anak. Ang bidang lalaki ang naging hero ng bidang babae, ito ang naging dahilan upang ang babae ay magtagumpay at makaahon mula sa kaapihan ng asawa nito at kabit ng asawa nito. Nagpakasal at naging buo ang pamilya ng dalawang tauhan at may instant anak na sila sa katauhan ng batang lalaki na anak ng bidang lalaki. Only to find out, ang nakasagasa sa anak ng babae (Chu Sang-Mi), ay ang lalaking kanyang pinakasalan(Jo Dong-Hyuk). Walang kamalay-malay ang bidang lalaki na nakasagasa siya at nakapatay ng isang inosenteng bata, may apat na taon na ang nakakaraan.

Matitinding drama, iyakan at flashback ang nagaganap sa kuwento. May halong komedi sa pamamagitan ng ibang tauhan, may halong aksiyon at lumulutang na ito'y isang family oriented movie.

Nakialam ako sa kuwento. Nag-fill in the gaps ako sa mga eksena. Umasa ako sa ending na inaakala kong magiging ending nito. Gusto ko ay happy ending. Dahil katuwiran ko'y napakarami na nang pinagdanaang hirap ng bidang lalaki at bidang babae. They deserve to be happy, gusto ko na may rebelasyon sa dulo ng kuwento na iba pala ang nakasagasa. Gusto ko na ang nakasagasa ay iyong kontrabida sa kuwento. Pero sa huli'y binigo ako ng ending ng Snow in August. Ang nakasagasa talaga ay ang bidang lalaki. Nahatulan at nakulong. Nagalit for a while ang bidang babae sa bidang lalaki at sa batang lalaki na anak nito. Bumalik ang emotional trauma ng babae. Ang ending, magkasamang naglalakad ang bidang babae at ang batang lalaki (anak ng bidang lalaki) sa isang kalsada, maraming puno at may mga snow. Implied na naghihintay sila sa paglaya ng bidang lalaki.

Hindi ako solved sa ending. Ayoko ng ganoong ending. Maraming hindi naisarang mga isyu sa kuwento. Ano na ang nangyari sa ibang mga tauhan na may malaking kaugnayan sa kuwento? Hindi na nagpakita ng compromise o dialogue sa dalawang bidang tauhan after ng ilang confrontation scene ng dalawa. Umaasa ako na putol lang ang nabili kong dvd at may susunod pa itong mga episode. Nag-research ako sa internet at nakita ko na 20 episode lang talaga ito. Unless, hindi pa talaga ito natatapos ipalabas sa Korea. Pero kung ang ending talaga nito ay makukulong ang bidang lalaki at dadaan na naman sa emotional trauma ang bidang babae, nakakainis ang ending na ito. Sabi ko nga sa sarili ko, napakawalang kuwenta ng ending na ito. Na-frustrate talaga ako!!! Napapaloob na ako sa "Readers Response Theory". Nakikialam na ako sa kuwento. May pakialam na ako sa mga tauhan at nagiging bahagi na ako ng kuwento unconsciously.

Binalikan ko ang premise ng kuwento. Hinanap ko ang aspirasyon ng manunulat. Hindi ako titigil hangga't hindi ko nauunawaan kung bakit kailangan na ang makasagasa sa anak ng bidang babae ay ang bidang lalaki na kanyang pinakasalan. Bumuo ako ng premise mula sa point of view ng bidang lalaki. Ang premise ay isang lalaki na nakasagasa sa anak ng babaeng kanyang pinakasalan, ang babaeng iniligtas ng lalaki ang buhay ng paulit-ulit. Ano ba ang gustong patunayan ng manunulat? Ano ang gustong sabihin at aspirasyon ng manunulat ng Snow in August?

At ito ang na-realize kong sagot. Ang tao ay deserve na malaman ang kanyang naging pagkakamali sa buhay, at makatarungan na ituwid ang pagkakamaling iyon. Hindi man batid ng isang tao ang kanyang naging pagkakamali, hindi excuse iyon upang makaligtas siya sa salitang KARMA.


fin.

Saturday, September 29, 2007

ANG NOBELANG FILIPINO (Isang Kasaysayang Pampanitikan)

Ang study na ito bilang final paper sa aking MA subject (Panitikan ng Pilipinas 222) sa ilalim ng magaling na professor sa Unibersidad ng Pilipinas na si Prof. Vim Nadera (Kasalukuyang Director ng Creative Writing Center, UP Diliman) ay nais ko lamang ipabasa upang magsilbing batayan ng ilang pop lit writers. Hangad kong may paghugutan ang sinumang nagnanais na pop lit writers ng batayang kaalaman tungkol sa ugat at kasaysayan ng Nobelang Filipino. Ang ilang bahagi ng papel na ito ay natalakay ko rin sa aking report sa isa ko pang subject sa MA na Litery Criticism (Panunuring Pampanitikan) sa ilalim naman ng aking guro na si Prof. Virgilio Almario (National Artist at kasalukuyang Dean ng CAL o College of Arts and Letters).

Inihihingi ko ng paumanhin ang ilang pagbabago sa porma ng papel (study) na ito dahil sa hindi pagka-adapt ng blog na ito sa ilang teknikalidad. Nawala ang bahagi ng footnoting at ibid, gayundin ang ilan pang component tulad ng pagsasaayos ng peryodisasyon at mga graph bilang batayang datos ng pananaliksik na ito. Inilagay ko na lamang (sa ilalim na bahagi) ang mga sangguniang aklat na aking ginamit sa pag-aaral na ito.

May ilang bahagi akong na-edit at naidagdag din para sa mas napapanahong pagtalakay.

Ang kasaysayang pampanitikan ay nakaugnay sa pag-aaral ng kasaysayan ng isang bansa kung saan nakaangkla ang buong tradisyon at kultura ng isang bayan o ng buong pamayanan. Ito ang mga dokumentong nakatala na magiging sandigan ng katotohanan at magiging banal na aklat ng mga taong kumikilala ng lahi, uri at etnisidad ng isang lipunan. Sa pamamagitan ng kasaysayang pampanitikan, maaari nitong ipakilala ang bayang nagmamay-ari sa kanya. Sa pamamagitan ng panitikan ay maaari nitong ipakilala kung anong uri ng tao mayroon ang isang bayan, ano ang lugar na ginagalawan ng tao, ano ang kanilang mga gawaing pang-araw-araw, ano ang uri ng lipunan at pulitikang umiiral sa kanila lalo’t higit kung ano ang relihiyon at edukasyong umiimpluwensiya sa kamalayan ng tao. Ang kasaysayang pampanitikan ay nagpapakilala at nagpapahayag ng damdamin ng isang tao o ng buong sambayanan sa partikular na panahong kanyang kinabibilangan. Ito rin ang nag-uugnay ng tao sa kalikasan, sa iba’t ibang yugto ng panahon at sa anumang pananampalatayang pinaniniwalaan niya.

Ang pag-aaral ng kasaysayang pampanitikan ay maaring gamitan ng isang framework ng pag-aaral na naaayon sa peryodisasyon. Problematiko ang kalagayan ng kasaysayang pampanitikan kaya’t higit na nangangailangan ng mga datos at dokumento na siyang batayan ng pag-aaral. Bunga na rin ng tatlong beses na pananakop ng iba’t ibang bansa sa Pilipinas sa iba’t iba ring panahon kaya’t higit na nagdulot ng kumplikadong kalagayan nito. Ang ilang natitirang mga tala at ang mga naunang pananaliksik ay maaaring gamiting muli’t muli sa mga pag-aaral, pananaliksik, pagsusuri at pagtataya ng mga kritikal na pananaw na lalong magpapatingkad ng ating kasaysayang pampanitikan. Nararapat na simulan ang pag-aaral sa panahon ng oral tradisyon, panahon ng pananakop ng Kastila, panahon ng pagbabagong–isip, panahon ng pananakop ng Amerikano, panahon ng pananakop ng Hapon hanggang sa kontemporaryong panahon. Ang pag-aaral ay maaaring gamitan ng ilang mahahalagang aspeto na umiiral at umuugnay sa buong konteksto ng isang bansa. (1) panahon (2)uri ng lipunan (3)genre (4) continuities ng bawat panahon (5) commonalities ng bawat panahon (6) tema (7) moralidad. Maaari pang dagdagan ng ilan o mas marami pang sangkap ang pag-aaral na ito upang higit na magpatibay ang mga paglalagom na posibleng mabuo.

Mahalagang tingnan ang isang partikular na panahon kung kailan ito umusbong upang maunawaan ang mga impluwensiyang nagmumula rito. Ang uri ng lipunan ay naka-depende kung sino ang namamayani o dominant figure kaya't mahalagang nakatala ito. Ang genre ay umuusbong sa bawat partikular na panahon, ang pag-usbong ng genre ay nangangahulugan ng pag-usbong ng isang trend o ang sinasabing "uso". Sa pamamagitan ng pag-usbong ng "genre" ay higit na mauunawaan ang mga pinagdadaanang klase ng buhay ng lipunan sa isang partikular na panahon. Ang kasaysayan ay nagpapatuloy at hindi maaaring itakwil ang nakaraan, kaya't mahalagang nauunawaan ang continuities ng bawat panahon upang maunawaan ang "pinanggalingan" o ugat para higit na maunawaan ang kasalukuyang umiiral na sitwasyon at maging ang patutunguhan nito.Commonalities ng bawat panahon, bawat yugto-yugtong panahon ay may pagkakapareho (bagama't may pagkakaiba rin) ngunit may maiiwanan "practice" na maia-adopt o mamanahin ng isang lipunan sa kanyang pinagdaanang panahon. Ang "tema" ay nakabase sa situasyong panlipunan at kultura at maging sa mga umiiral na mga kundisyong politikal (may political correctness o politically incorrect na mga tema). Ang pagtalay sa moralidad ay pangkalahatang isyu ng moralidad ng tao, at hindi lamang isyu ng moralidad ng Kristiyanismo. Mahalagang maunawaan ang mga batayang moralidad ng tao sa pangkalahatan upang maunawaan ang mga pilosopiya, pananaw, paniniwala, edukasyon, kultrura, pananampalataya, atbp ng bawat indibiduwal na nakapaloob sa isang partikular na panahon ng isang partikular na lipunan.

Ang kasaysayan ng nobelang Filipino ang aking papaksain sa papel na ito upang matukoy kung ano ang pinagmulan nito, kung ano ang naging kalagayan sa bawat panahon at kung ano ang kinahinatnan nito sa kasalukuyang panahon. Nagkaroon ng transpormasyon ang bawat yugto ng nobelang tagalog, at ang bawat transpormasyon na ito ay nagdulot ng maraming pagbabago-- maaring sa wika o maaring sa mismong kontekstong kinapapalooban nito.

Para kay Resil Mojares na nag-aral ng mahigit isang daang primary text sa ilang piling wika, ang pag-aaral ng nobelang Filipino ay nakaugnay sa katutubong panitikan. Ang pinagmulan nito ay epiko at tumulay sa iba’t ibang transpormasyon tulad ng metrical romansa, buhay ng mga santo, asal at moralidad, nobela at nobeleta. Ayon naman kay Iñigo Ed. Regalado, ang nobelang tagalog ay umunlad na noon pang matandang panahon sa pamamagitan ng mga matatandang awitin ng mga katutubo. Bagama’t ang matatandang awit ay masasabing nahahanay sa yari ng tula o poema, hindi maikaila ng mga sumuri ng nobela na nagtataglay ito ng mga katangian na kinakailangan sa pagsulat ng nobela. Ang kaibahan nga lamang daw ng awit ay yari sa tula at hindi sa tuluyan. Ibinigay niyang halimbawa ang akda ni Francisco Baltazar na Florante at Laura, na bagama’t ang kayarian ng anyo ay sa tula, ay isang malaking potensiyal ng Literatura Universal kung naisulat sa tuluyan o prosa. Para sa kanya, kahit walang naiwang bakas si Francisco Baltazar sa pagsulat ng tuluyan, ay kababakasan ito ng talino’t kakayahan na makasulat ng isang maganda at mahusay na nobela.

Ang binigyang pansin ni Mojares ay ang problemang nakapaloob sa pag-aaral ng Philippine Literary History. Naglatag siya ng apat na suliraning nakapaloob dito at ang mga ito ay: (1) kakulangan ng esensiyal na pag-aaral; (2) bunga ng maling pagtingin o pagbasa ng mga naunang manunulat ng kasaysayan at gumawa ng pag-aaral tungkol sa naratibong anyo ng panitikan at ang pagkiling ng mga kastilang historyador sa sarili nitong kultura kaya’t maraming naitagong katotohanan sa kasaysayan at panitikan ng Pilipinas; (3) magkakasama o labo-labo at hindi maayos ang naging pag-aaral; at (4) maiksi lamang ang ginawang pag-aaral ng mga nag-umpisang iskolar ng kasaysayan kaya’t wala o mababaw ang nagagawang malaking paglalagom na may malawak na perspektibang magbibigay ng malinaw na framework tungkol sa pag-aaral ng naratibong anyo. Kung pakakasurin ang problemang tinalakay ni Mojares, isang malinaw na repleksiyon ng kakulangan ng esensiyal na pag-aaral ang "kakulangan" ng batayang kaalaman ng mga manunulat at mambabasa sa kasaysayang pampanitikan. Malabnaw lamang ang mga naitakdang pamantayan ng pag-aaral at hindi sapat upang higit na maunawaan ng mga Filipino ang "ugat" at mga "pinanggagalingan" nito. Ang bunga ng maling pagtingin at pagbasa ay nagdulot ng pagiging "politically incorrect" ng mga Filipino (in all aspect), at ang kababawan ng mambabasang bumasa at umunawa ng isang teksto. Ang pagkiling sa mga kastilang historyador ng ilang mga Filipinong iskolar ay bunga ng "cultural assassination" upang higit na mamayani ang kamalayang maka-Kanluranin. Ito'y isang aparato (Ideological State Aparratus) upang higit na masakop ang kamalayan ng mga Filipino noon man at magpahanggang ngayon. Makikita natin sa problemang tinalakay ni Mojares sa pag-aaral ng kasaysayang pampanitikan ang ating mga sarili at ang kondisyong politikal ng lipunang Filipino. Maiksi ang pag-aaral o hindi masinop ang pananaliksik. Labo-labo ang mga datos at hindi naayon sa wastong peryodisasyon. Maraming naitagong katotohanan at may kinikilingang dominant culture. Ang ganitong suliranin ay malinaw na repleksiyon ng mga Filipino ngayon, maging ng ilang mga manunulat at maging ng ilang pop lit writers. Kakulangan sa batayang kaalaman, kakulangan sa pananaliksik, kakulangan sa kaalaman sa kulturang namamayani, at kakulangan sa marami pang ibang batayang pag-aaral. Nangangahulugan ito na magdudulot sa mga Filipino ang ganitong kakulangan ng higit na kamalayang maka-Kanluran, politically incorrect na mga kaalaman, kawalan ng gana sa panananaliksik, at iba pang mga loopholes.

Ang theoretical framework na nabuo sa pag-aaral ng kasaysayang pampanitikan ng mga iskolar ay nagkaroon ng mga basehan at empirical data kaya’t ang naging resulta ng pagtuklas at pagsasaayos ng mga data o order- generating scheme. Problematiko ito ayon kay Mojares dahil nakadepende ito sa historical evaluation. Marahil, ang ibig sabihin nito ay nawawalan ng pokus ang pag-aaral sa naratibong anyo kundi mas nabibigyan ng diin ang kalagayang pangkasaysayan at higit na nasusuri ang nilalaman, pulitika at ideolohiya ng mga akda. Kung ganito ang istilo ng pag-aaral, higit na mamamayani ang pag-aanalisa sa mga "cultural studies" kung ano ang dominant figure kung saan ito ay ang West culture.

Ang ganitong pamimili o seleksiyon ay nangangahulugang may nawawala at may natitira. Nananatili kung sino ang dominante at mayroong nagiging sekondarya lamang (ito ay ang mga wala sa mainstream). Sa puntong ito, bagama’t maaaring sabihing hindi sapat o may kakulangan ang mga naging pag-aaral ng mga historyan at iskolar, ang mga datos na nakalap ay nagamit sa mga pagtatangka at pagtataya bilang panimulang pag-aaral sa nobelang Filipino.

Isa sa mga problema ay ang pagkakaroon ng iba’t ibang tradisyon at ang nobelang Filipino ay naisulat sa iba’t ibang lengguwahe. Malinaw sa pag-aaral na ito, na mula pa man noong una, sa pag-aaral ng kasaysayan ay problematiko na ang isyu ng iba't ibang lenguwahe. Naisulat sa iba't ibang lengguwahe. Ibig sabihin ay binibigyan ng tukoy o emphasis ni Mojares na hindi lamang ang wikang Tagalog ang dapat ituring na isang "Nobelang Filipino", ito'y maging nasulat sa ibang wika o lengguwahe na nasa loob ng Pilipinas o ginagamit ng isang Filipino. (Ang portion na ito ay para sa nagpapanggap na Robby na kung saan-saan gumagala sa internet at nagtatanong ng kung ano daw ba ang depenisyon ng Pilipino,etc.)

Binigyang pansin ni Mojares ang kahalagahan ng transpormasyon upang malaman kung ano ang anyo o istrukturang nabago at muling naisaayos. Ibig sabihin, ang porma o anyo ng isang teksto (anumang genre sa panitikan o pop lit) ay dumadaan talaga sa transpormasyon o pagbabagong anyo, depende sa mga impluwensiyang pumapasok at umiiral sa isang lipunan sa isang partikular na panahon. (Para din sa iyo ang portion na ito, Robi-Robihan.)

Ayon pa kay Mojares, may dalawang pag-uuri ang anyo ng naratibo sa usapin ng haba at istruktura. Narito ang isang talaan na makakatukoy kung ano ang katangian ng simple narratives at complex narratives ng kanyang study.

SIMPLE NARRATIVE : Folktales and ballads Short Entertainment, social indoctrination Few plot elements, told in prose as in most tales; sung in verse, as in ballads Verbal Simple narratives are of a later stage of development. Dito humugot o humuhugot ng batayang kaalaman at pinagmulan ang popular na literatura.


COMPLEX NARRATIVE : Epics Long narratives or narrative cycles in verse Traditional ritual, cultic function Combination with elements of music, dance. Ritual action Verbal, action, movement Developed out of simple narrative, incantations.

May iba pang uri ng naratibo na tinawag na Quasi narratives, isa itong ceremonial chants. Ang Alim ng Ifugao at ang Gindaya ng Bagobo na ang panlipunang gamit ay magico-devotional. Subalit ang mga ganitong uri ng chants ay hindi nagpaunlad o nagpanatili ng naratibo. Hindi tuloy-tuloy o hati-hating mythic action ang istilo o ibig sabihin ay walang malinaw na istruktura.

Ayon naman kay E. Arsenio Manuel, ang Alim ay ginagampanan ng grupo ng mga lalaki bilang isang uri ng dasal (baki), bilang koneksiyon sa kanilang seremonyas, at popular na kinikilala bilang isang epiko. Ngunit para kina R.F. Barton at Manuel, ito ay isang uri ng “ballad”. Para kay Manuel, ang Alim ay nagmistulang isang “detached pictures without a coherent story. It is like a diorama in a museum, with the viewer filling in the wide gaps.” Walang sentrong karakter at ito’y mistulang serye ng isang presentasyong ritwal.

Ang epiko ang pangunahing batayan ng naratibong tradisyon. Ito ay isang uri ng pamumuhay ng mga katutubo. Ito ang nagtatakda ng batas, kumikilala ng kasaysayan at relihiyon, at naitatala ang nakaraan ng isang etnikong grupo. Sa kasalukuyan, humigit kumulang sa tatlumpung epiko ang kinikilala. Kabilang dito ang dalawang epiko na sinasabing na-christianized na ng lowland groups, ang Biag ni Lam-Ang ng Iloko at ang Handiong ng Bikol. Kilala din ang Hudhud ng Ifugao at Ullalim ng Kalinga. Ang Hinilawod ay epiko sa Visayas at ang Sulod ay sa Central Panay. Ang mga Muslim group sa Mindanao ay may limang epiko at mayroon ding tinatawag na Hindu epics kung saan ito naman ay impluwensiya ng mga Indian. May ilang study rin mula sa ibang iskolar tungkol sa epiko ng "Biag ni Lam-Ang", kung saan lumilitaw sa pag-aaral na ang konsepto ng pagkabayani sa lipunang Filipino ay nagmula sa mga "epiko". Kung pakakasuring mabuti, makikita nga ang pag-aaral na ito ng iskolar na maging ang pinagmulang kamalayan ng konsepto ng pagkabayani mula sa kuwento ni "Panday", (Carlo J. Caparas), hanggang sa imahe ng pagiging isang tunay na bayani ng namayapang "action superstar" na si Fernando Poe Jr., ay nagmula sa epiko.

Ang tumutukoy ng multi-formality ng epiko ay ang tradisyong oral. Sa pamamagitan nito ay nakakalikha, nakakaganap at nakakapaglipat ng mga awit at epiko na nagmula pa sa lumang panahon patungo sa kasalukuyang panahon. Ang epiko ay kinapapalooban ng mga supernatural events o ng mga bayani na may kapangyarihang taglay. Ang mundo ng tradisyunal na epiko ay mythic kung saan ang mga batas ng kalikasan ay napipigilan. Ngunit sa kabila ng mga supernatural na tema, ang epiko ay nagpapatotoo rin sa mga paniniwala, kaugalian, kaisipan at pamamaraan ng pamumuhay ng mga katutubo.

Tinawag na protohistoric period ang ika-labing apat na siglo hanggang unang bahagi ng ika-labing anim na siglo. Ito ay panahon ng dinamikong pagbabago dahil naging maluwag ang pakikipagkalakalan sa ibang bansa at nagdulot ito ng pagpasok ng mga bagong kultural na ideya. Sa panahong ito masasabing ang umunlad ng husto ang pagsulat sa anyong panitikan.

Ang pag-unlad ng nobela ay nakaangkla sa pag-unlad ng prosa bilang midyum. Ang bagong epiko o ang Pasyon ang isa sa mga anyo na ipinakilala ng mga Kastila. Ang anyong protean o korido ay tungkol sa pag-ibig, at mga didaktikong tema ng relihiyon. Ito ay tumatalakay din tungkol sa pananampalataya at tunggalian ng mga Kristiyano at Moro.

Nagkaroon ng pag-unlad sa komersiyo ang ika-labing siyam na siglo. Naging malaya ang pagpasok ng mga kalakal mula sa labas ng bansa. Kasabay nito ang pagpasok ng edukasyon sa Pilipinas. Taong 1865 ay ipinakilala ang reporma sa pamamagitan ng pagtatangkang maglagay ng pampublikong pampaaralan at mga programa sa kaguruan. Samantala ang kurikulum ay tumatalakay sa theology at morals, ang mga institution ng mataas na paaralan tulad ng Sto. Tomas ay naghahain ng iba’t ibang pag-aaral ng siyensiya.

Sa unang bahagi ng dekada, ang mga publikasyon ay naglathala ng mga sulating pinamumunuan na mga Kastila para sa kanilang pangsariling interes kung saan kontrolado nila ang mga limbagan. Nang lumaon ay umusbong ang mga pribadong pag-aari ng limbagan at nawalan ng kontrol ang simbahang Katoliko. Dahil sa nagkaroon na ng mga pribadong limbagan, hindi na limitado ang mga printed material sa mga akdang pangrelihiyon lamang. Nagkaroon na ng produksiyon ng mga libro at paglathala ng mga diaryo. Ngunit karamihan pa rin sa mga malalaking lathalain ay nasusulat sa wikang Kastila. May ilang publikasyon tulad ng El Pasig (1862) ay naglathala ng ilang sulatin sa Tagalog. Taong 1882 naman nalathala ang Diaryong Tagalog ni M.H. Del Pilar na tinawag na “The First Tagalog Paper.” Unti-unting lumaganap ang paglilimbag ng diaryo sa mga probinsiya tulad ng Vigan (1884), Visayas (1884-1898), Iloilo at Cebu). Ang mga katutubong wika ay unti-unting naging prominente bilang midyum ng komunikasyon. Sa panahong 1888- 1896 ay nagkaroon ng malawakang paglathala ng mga diaryo dahil sa pagbawas ng sensura at umunlad ang kamalayang demokratiko at nasyonalismo. Sunod- sunod ang paglabas ng mga diaryo na nasusulat sa Tagalog at nagkaroon ng Propaganda Movement, na sinasabing naging sanhi ng pag-usbong ng literaturang maka-Filipino. Makikita ang pangkalahatang tema ng Propaganda Movement at maging ang layunin nito na lumikha ng national conciousness.

Ang Ninay ay nalimbag sa Madrid noong 1885, at tinaguriang ang unang nobelang Filipino. Ang nobela ay isang romantikong melodrama, gumamit ng milyu ng Pilipinas at nagpakilala ng kaugalian at kasaysayan ng Pilipinas.
Ang Fray Botod ni Marcelo H. del Pilar ay isang nobeleta noong 1874, kung saan ginawa niyang karikatyur ang mga Kastilang prayle sa pamamagitan ng satirikong lengguwahe at panunuligsa.

Ang pag-usbong ng dalawang nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo ang nagpabago naman ng kasaysayan ng Pilipinas. Isinulat ang dalawang nobela ni Rizal sa wikang Kastila pero itinuring itong nobela na nagpalaya sa bansang Pilipinas at mamamayang Filipino. (Para pa rin ito sa kaalaman ng hindi tunay na Robby).

Ang pag-unlad ng nobela ay nakabigkis sa layunin ng pagbabago sa lipunang Filipino. Ang huling bahagi ng ika-labing siyam na siglo ay ang susi ng pag-unlad ng nobelang Filipino. Naging mahalagang bahagi sa pagbubuo ng nobela ang pagbibigay ng direktang pangdaigdigang pananaw.

Ang unang mga dekada ng pangkasalukuyang siglo ay tinawag na gintong panahon ng nobelang bernakular. Ang pag-unlad ng nobela sa panahong ito ay dahilan sa ilang mga salik. Una, ang panahon ay saksi sa momentum ng Propaganda Movement at ng Revolution, at gumising ng kamalayan at national conciousness na ipinahiwatig ng mga samahan. Pangalawa, nakita rin sa panahong ito ang paglaganap ng sekular na paniniwala at ang pagbagsak ng pamahalaang Kastila habang pumapasok ang panibagong impluwensiya ng mga Amerikano. Pangatlo, nagkaroon ng kalayaan ng paglalathala at paglilimbag ng mga aklat na nakatulong sa paglaganap ng edukasyon. Ikaapat, nagkaroon ng pag-usbong at paglaki ng dami ng mambabasa na may panlasa sa mga diaryo, prosa, piksyon at iba pang babasahin. Ikalima, ang sigla sa pagpapalit ng siglo at pagbabagong panlipunan ay lumikha ng ugong para sa marami pang sulatin at babasahin. Panghuli, ang pag-unlad ng nobela sa larangan ng katutubong wika ay maaring maipaliwanag sa katotohanang sa unang dalawang dekada, ang wikang Kastila ay nagsimula nang bumagsak habang ang wikang Ingles ay nag-uumpisa pa lamang magpakilala Sa gitna nito, ang katutubong wika ay yumabong bilang midyum ng pagpapahayag sa literatura.

Samantalang para kay Regalado, ang nobela ay bunga ng panitik ng isang manunulat na naglalarawan ng buong kabuhayan o bahagi ng isang buhay na hiniyasan ng mga bagay-bagay na nangyari o maaaring mangyari, na ang layon ay magbinhi ng mga simulain o aral na hangad pagbungahin ng sumulat, o magdulot ng aliw sa mga mambabasa sa pamamagitan ng magandang paglalarawan, ng mga gawi at galaw sa pamumuhay, o maglahad kaya ng panganib o sama na makalalason sa kadakilaang-asal upang maiwasan at malayuan.

May dalawang dahilang binanggit si Regalado kung bakit ang pagkaunlad ng mga awit ay hindi naging simula ng pagkaunlad ng mga nobelang tagalong. Ang una niyang nakitang dahilan ay ang kahigpitan ng Comision Permanente de Censura, hindi madaling makapagpalathala ng mga nobela dahil dumadaan pa ito sa mga censorship. Dahilan nito kung bakit sa halip na nobela ang isulat, ito ay nagiging novena. Kaya’t ang mga manunulat na naghangad gawing kabuhayan ang pagsulat ay nagkontento na lamang sa pagsulat ng tula upang hindi magkaroon ng suliranin sa pagpapalimbag o paglalathala. Ikalawang kadahilan ay ang likas na pagkahilig ng mga tao sa pagsulat ng tula o ang likas na pagiging makata ng mga tagalog. Ayon pa sa kanya, kung hindi man lubos na patula, ang mga kilos at galaw ng tao noon ay tila sinasabi nang patugma katulad ng “Matulog ka na bunso, ang ina mo ay malayo…” Kahit ang sulat o sulat pag-ibig ay nasusulat sa anyong patula tulad halimbawa ng isang pilas ng papel na natagpuan ni Regalado sa lumang aklat ng tiyuhin niyang si Gabriel Beato Francisco : “Ang buhok mo Iray na color de oro, siyang naka-perder ng aking studio.” Ang isa pang ipinakitang ebidensiya ni Regalado ay ang imbitasyon sa kanyang ama na nakasulat din sa tula: “Sa pamumulaga ng magandang araw, samo ko’y tumungo sa ating simbahan, anak na bunso ko doon ikakasal, madlang kakilala ay sasamang abay. Ang mga kadahilanang ito ang nakitang dahilan ni Regalado kung bakit nabansot ang pag-unlad ng nobelang tagalog hanggang sa dumating ang araw na nagawa ng isulat ang tungkol sa buhay sa paraang pasalaysay at kinakatha.

Malaki ang paniniwala ni Regalado na mayaman na ang wikang tagalog noon pa mang 1610 dahil sa paglilimbag ng Gramatikang Tagalog na gawa ni Fr. Francisco de San Jose. Isang dahilan ito upang makasulat na ng isang aklat sa tuluyan si Antonio de Borja noong 1830. Isinalin ni de Borja sa tagalog ang Historia Magistral de Barlaan at Josaphat ni Juan Damaceno at ito’y may titulong Aral na totoong nag-aacay sa tauo ng mga cabanalang gawa ng mga maloalhating Santos na si Barlaan at Josaphat, nalimbag noong 1837.

Ang kakayahan sa pagsulat sa tuluyan ng mga tagalog ay naipakilala noong 1872 nang isalin ni Juan Evangelista ang Martir del Golgota. Bunga ng pagkalathala ng salin, napagtibay ang wikang Tagalog bilang kayamanang may kakayahang makayari ng isang nobela. Noong 1879, ay isinalin naman ni Joaquin Tuason ang aklat na El Nuevo Robinson o Ang Bagong Robinson. Naniniwala si Regalado na kaya sa wikang Kastiila isinulat ni Jose Rizal ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay sapagkat ang nais nitong kausapin ay ang matatalinong tao upang maipaalam ang kasamaang pinalalaganap ng pamahalaang Espanya at simbahang Katoliko sa Pilipinas.

Ang unang bakas ng pag-unlad ng nobelang tagalog ay natagpuan sa Kaliwanagan noong 1900, dito nalathala ang nobela ni Lope K. Santos na Salawahang pag-ibig. Nalathala din sa Ang Kapatid ng bayan ang nobela ni Modesto Santiago na Pagsintang Naluoy. Humantong sa kataasan ang nobelang tagalog dahil sa pagkalathala ng mga nobela ni Valeriano Hernandez Peña, o mas kilala sa tawag na Tandang Anong tulad ng Nena at Neneng (nagsimulang malathala sa Muling Pagsilang noong Enero 30, 1903) at Mag-inang Mahirap (sinumulan noong Hulyo 11, 1904). Gayundin ang nobelang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, at Anino ng Kahapon ni Francisco Laksamana nakipagsalitan din ng pagkalathala sa Muling Pagsilang. Bunga ng kataasang ito, dumating ang panahong ang naging halaga ng isang pahayagan ay nakadepende sa ganda ng mga nobelang nalalathala at hindi na dahil sa balita o komentaryo ng patnugot.

Sa panahong din ng ika-20 siglo, ang pangunahing itinatampok ng nobelang bernakular ay malinaw at may kaayusan. Ang tendensiya tungkol sa didacticism o aral ang tumutukoy sa tinatawag na “novel manners” at ang naging pokus ng atensiyon ay panglipunang moralidad. Ito ang kadalasang pinupunto ng plot o banghay. Kasabay nito ang pagpapayabong ng formal values at nang lumaon ay naging mataas na ang kakanyahan o katangian sa isang ng bernakular na piksyon.

Ang panitikan sa panahong ito ay masasabing instrumento para sa moral at social form. May kaibahan ito sa religious didactic sa panahong Kastila kung saan nakasentro ang pangangaral tungkol sa simbahang Katoliko.
May pagpapatuloy ang mga konsepto ng kamalayang sosyal sa nobela ni Rizal sa katauhan nina Faustino Aguilar (Pinaglahuan) at Iñigo Ed. Regalado (Madaling Araw). Ang nobela ng mga ito’y tumatalakay sa kahirapan, prostitusyon at sa pangkaraniwang tema ng tunggalian ng mayaman at mahirap (social class). Nagpatuloy sa mga nobelang ito ang problema sa ekonomiya at kolonyalismo. Pero masasabing sa panahon ding ito ang nobela ay nagkaroon ng inobasyon ang genre ng nobelang bernakular. Umusbong ang penomena ng hybrid character .

Ang nobela bilang komodeti ang sumunod na yumabong. Ayon kay Iñigo Ed Regalado, taong 1921 sinasabing nagsimula ang panlalamig ng nobelang tagalog at ang sinasabing dahilan ay ang pagdami ng mga manunulat na walang kasanayan sa pagsulat at ang pagkalulong nito sa komersiyalismo. Noon namang taong 1932 ay sinubukan ng limbagang Ilagan and Sañga na pagmamay-ari ni Isabelo Sañga na pasiglahing muli ang nobelang tagalog sa pamamagitan ng paglalathala ng mga nobelang Luha ng Dalaga ni Antonio Sempio, Doktor Kuba ni Fausto Galauran, Anak ng Dumalaga ni Iñigo Ed. Regalado, Ang Maria ni Antonio Sempio at Makiling ni Remigio Mat. Castro. Sa kabila ng pagtatangkang ito ay hindi pa rin ganap na naibalik ang sigla ng nobelang tagalog dahil nalulong na ang mambabasa sa mga nobelang itutuloy na nalathala sa mga mumurahing babasahin. Nagbunga ito ng pag-aaway o alitan sa pagitan ng mga matatandang manunulat dahil sa paninisi sa mga baguhang manunulat na ang mga ito ang nagpabagsak sa kalidad at antas ng nobelang tagalog.

Dumagsa ang mga profit-minded na tagapaglathala. Si Ramon Roces ay naglathala ng mga bernakular na magasin tulad ng Tagalog-Liwayway, Cebuano- Bisaya, Iloko-Bannawag at Hiligaynon. Ang lingguhang sirkulasyon nito ay ay 3,000. Nagkaroon din ng mga provincial magazines kagaya ng Cebuano Bag-ong Kusog na nagsimula sa 500 copies noong 1915 at umabot ang sirkulasyon sa 5,200 noong 1928. Ang mga magasin na ito ay nagkaroon ng mahalagang tungkulin sa pag-unlad ng regional literatures. Sinasabing ang pagtaas ng demand ng magasin ang nagbukas ng pintuan kaya’t naging komersiyal ang piksyon. Ang bunga ng penomenang ito ay ang pagkakaroon ng paniniwalang ang nobela ay isang komoditi. Ang syndrome na ito ay nagkaroon ng konsekuwensiya sa anyo at nilalaman ng nobela. Nagkaroon ng mga konbensiyunal na banghay, tema, tauhan, at pormula. Alam na kaagad ng mambabasa ang dapat mangyari o isusulat ng manunulat. Inaasahan na ito kaya’t hindi na umuunlad ang kuwento.

Kabilang sa naging resulta ng penomenang ito ay ang pagkakaroon ng dalawang kategorya, ang high at low literature. Ang high ay nanatili sa mga pampanitikang akda at ang low ay sinasabing ang literaturang popular. Nagbunga rin ito ng konseptong ang English literature ang high standard at ang wikang bernakular ay pambakya. (Palagay ko ay ito ang oryentasyon ng hindi tunay na Robby, itinatakda niya ang kanyang sarili bilang bahagi ng low literature). Ito rin ang oryentasyon ng ilang pop lit writers na sumasang-ayon na tawagin silang nasa "low literature". Ang ganitong pagtatakda ay nangangailangan ng kaayusan at pagbabago, kaya nga ang isang pagwawasto ay ang tawaging "popular na literatura" pero hindi nangangahulugan na mababang klase ng literatura. Base sa pag-aaral ng kasaysayang pampantikan, ang isang partikular na panahon ng kasaysayan ang nagtatakda kung ano kalalagyan at magiging "function" ng isang partikular na genre sa kanyang mambabasa. Kung patuloy ang kamalayan na nagpapababa sa kalagayan at katayuan ng "pop lit", tulad ng "komiks", hindi na ito mababago sa kasaysayan hanggang sa mga susunod pang mga siglo. At anuman ang gawin ng mga iskolar at manunulat, maging mga pop lit writers sa panahong ito, alalahaning ito'y maitatala sa buong kasaysayan ng bawat panahon ng Pilipinas.

Malinaw na ang nobelang Filipino ay nag-ugat sa naratibong anyo ng oral tradisyon at dumaan ito sa proseso ng mutation (pagbabagong anyo) ng proto-nobela, metrikal romansa, buhay ng mga santo, conduct moral, nobeleta hanggang sa dumating ang puntong naging ganap ang anyo bilang isang nobela. Hanggang sa ito'y naging isang popular na nobela, kung saan ito rin ang pinagmulan at pinag-ugatan ng Komiks na ang anyo o form ay galing sa Kanluran at ang nilalaman ay mula sa kulturang Filipino na nakatanim sa kasaysayan ng Pilipinas at lipunang Filipino.





Mga Sanggunian

Mojares, Resil B., Origins and Rise of Filipino Novel: A Generic Study of The Novel Until 1940,
Quezon City; University of the Philippines Press, 1983 at 1998.

Regalado, Iñigo Ed., Ang Pagkaunlad ng Nobelang Tagalog, Publications of the Institute of
National Language June, 1948.

Reyes, Soledad S., Kritisismo, Pasig City; Anvil Publishing, Inc., 1992.

Mendiola, Lazaro V. at Ramos, Victoria Ines, Kritisismo: Teorya at Paglalapat, Manila; Rex
Book Store, 1994.



GLADY E. GIMENA
Unibersidad ng Pilipinas, 2007