Saturday, September 29, 2007

ANG NOBELANG FILIPINO (Isang Kasaysayang Pampanitikan)

Ang study na ito bilang final paper sa aking MA subject (Panitikan ng Pilipinas 222) sa ilalim ng magaling na professor sa Unibersidad ng Pilipinas na si Prof. Vim Nadera (Kasalukuyang Director ng Creative Writing Center, UP Diliman) ay nais ko lamang ipabasa upang magsilbing batayan ng ilang pop lit writers. Hangad kong may paghugutan ang sinumang nagnanais na pop lit writers ng batayang kaalaman tungkol sa ugat at kasaysayan ng Nobelang Filipino. Ang ilang bahagi ng papel na ito ay natalakay ko rin sa aking report sa isa ko pang subject sa MA na Litery Criticism (Panunuring Pampanitikan) sa ilalim naman ng aking guro na si Prof. Virgilio Almario (National Artist at kasalukuyang Dean ng CAL o College of Arts and Letters).

Inihihingi ko ng paumanhin ang ilang pagbabago sa porma ng papel (study) na ito dahil sa hindi pagka-adapt ng blog na ito sa ilang teknikalidad. Nawala ang bahagi ng footnoting at ibid, gayundin ang ilan pang component tulad ng pagsasaayos ng peryodisasyon at mga graph bilang batayang datos ng pananaliksik na ito. Inilagay ko na lamang (sa ilalim na bahagi) ang mga sangguniang aklat na aking ginamit sa pag-aaral na ito.

May ilang bahagi akong na-edit at naidagdag din para sa mas napapanahong pagtalakay.

Ang kasaysayang pampanitikan ay nakaugnay sa pag-aaral ng kasaysayan ng isang bansa kung saan nakaangkla ang buong tradisyon at kultura ng isang bayan o ng buong pamayanan. Ito ang mga dokumentong nakatala na magiging sandigan ng katotohanan at magiging banal na aklat ng mga taong kumikilala ng lahi, uri at etnisidad ng isang lipunan. Sa pamamagitan ng kasaysayang pampanitikan, maaari nitong ipakilala ang bayang nagmamay-ari sa kanya. Sa pamamagitan ng panitikan ay maaari nitong ipakilala kung anong uri ng tao mayroon ang isang bayan, ano ang lugar na ginagalawan ng tao, ano ang kanilang mga gawaing pang-araw-araw, ano ang uri ng lipunan at pulitikang umiiral sa kanila lalo’t higit kung ano ang relihiyon at edukasyong umiimpluwensiya sa kamalayan ng tao. Ang kasaysayang pampanitikan ay nagpapakilala at nagpapahayag ng damdamin ng isang tao o ng buong sambayanan sa partikular na panahong kanyang kinabibilangan. Ito rin ang nag-uugnay ng tao sa kalikasan, sa iba’t ibang yugto ng panahon at sa anumang pananampalatayang pinaniniwalaan niya.

Ang pag-aaral ng kasaysayang pampanitikan ay maaring gamitan ng isang framework ng pag-aaral na naaayon sa peryodisasyon. Problematiko ang kalagayan ng kasaysayang pampanitikan kaya’t higit na nangangailangan ng mga datos at dokumento na siyang batayan ng pag-aaral. Bunga na rin ng tatlong beses na pananakop ng iba’t ibang bansa sa Pilipinas sa iba’t iba ring panahon kaya’t higit na nagdulot ng kumplikadong kalagayan nito. Ang ilang natitirang mga tala at ang mga naunang pananaliksik ay maaaring gamiting muli’t muli sa mga pag-aaral, pananaliksik, pagsusuri at pagtataya ng mga kritikal na pananaw na lalong magpapatingkad ng ating kasaysayang pampanitikan. Nararapat na simulan ang pag-aaral sa panahon ng oral tradisyon, panahon ng pananakop ng Kastila, panahon ng pagbabagong–isip, panahon ng pananakop ng Amerikano, panahon ng pananakop ng Hapon hanggang sa kontemporaryong panahon. Ang pag-aaral ay maaaring gamitan ng ilang mahahalagang aspeto na umiiral at umuugnay sa buong konteksto ng isang bansa. (1) panahon (2)uri ng lipunan (3)genre (4) continuities ng bawat panahon (5) commonalities ng bawat panahon (6) tema (7) moralidad. Maaari pang dagdagan ng ilan o mas marami pang sangkap ang pag-aaral na ito upang higit na magpatibay ang mga paglalagom na posibleng mabuo.

Mahalagang tingnan ang isang partikular na panahon kung kailan ito umusbong upang maunawaan ang mga impluwensiyang nagmumula rito. Ang uri ng lipunan ay naka-depende kung sino ang namamayani o dominant figure kaya't mahalagang nakatala ito. Ang genre ay umuusbong sa bawat partikular na panahon, ang pag-usbong ng genre ay nangangahulugan ng pag-usbong ng isang trend o ang sinasabing "uso". Sa pamamagitan ng pag-usbong ng "genre" ay higit na mauunawaan ang mga pinagdadaanang klase ng buhay ng lipunan sa isang partikular na panahon. Ang kasaysayan ay nagpapatuloy at hindi maaaring itakwil ang nakaraan, kaya't mahalagang nauunawaan ang continuities ng bawat panahon upang maunawaan ang "pinanggalingan" o ugat para higit na maunawaan ang kasalukuyang umiiral na sitwasyon at maging ang patutunguhan nito.Commonalities ng bawat panahon, bawat yugto-yugtong panahon ay may pagkakapareho (bagama't may pagkakaiba rin) ngunit may maiiwanan "practice" na maia-adopt o mamanahin ng isang lipunan sa kanyang pinagdaanang panahon. Ang "tema" ay nakabase sa situasyong panlipunan at kultura at maging sa mga umiiral na mga kundisyong politikal (may political correctness o politically incorrect na mga tema). Ang pagtalay sa moralidad ay pangkalahatang isyu ng moralidad ng tao, at hindi lamang isyu ng moralidad ng Kristiyanismo. Mahalagang maunawaan ang mga batayang moralidad ng tao sa pangkalahatan upang maunawaan ang mga pilosopiya, pananaw, paniniwala, edukasyon, kultrura, pananampalataya, atbp ng bawat indibiduwal na nakapaloob sa isang partikular na panahon ng isang partikular na lipunan.

Ang kasaysayan ng nobelang Filipino ang aking papaksain sa papel na ito upang matukoy kung ano ang pinagmulan nito, kung ano ang naging kalagayan sa bawat panahon at kung ano ang kinahinatnan nito sa kasalukuyang panahon. Nagkaroon ng transpormasyon ang bawat yugto ng nobelang tagalog, at ang bawat transpormasyon na ito ay nagdulot ng maraming pagbabago-- maaring sa wika o maaring sa mismong kontekstong kinapapalooban nito.

Para kay Resil Mojares na nag-aral ng mahigit isang daang primary text sa ilang piling wika, ang pag-aaral ng nobelang Filipino ay nakaugnay sa katutubong panitikan. Ang pinagmulan nito ay epiko at tumulay sa iba’t ibang transpormasyon tulad ng metrical romansa, buhay ng mga santo, asal at moralidad, nobela at nobeleta. Ayon naman kay Iñigo Ed. Regalado, ang nobelang tagalog ay umunlad na noon pang matandang panahon sa pamamagitan ng mga matatandang awitin ng mga katutubo. Bagama’t ang matatandang awit ay masasabing nahahanay sa yari ng tula o poema, hindi maikaila ng mga sumuri ng nobela na nagtataglay ito ng mga katangian na kinakailangan sa pagsulat ng nobela. Ang kaibahan nga lamang daw ng awit ay yari sa tula at hindi sa tuluyan. Ibinigay niyang halimbawa ang akda ni Francisco Baltazar na Florante at Laura, na bagama’t ang kayarian ng anyo ay sa tula, ay isang malaking potensiyal ng Literatura Universal kung naisulat sa tuluyan o prosa. Para sa kanya, kahit walang naiwang bakas si Francisco Baltazar sa pagsulat ng tuluyan, ay kababakasan ito ng talino’t kakayahan na makasulat ng isang maganda at mahusay na nobela.

Ang binigyang pansin ni Mojares ay ang problemang nakapaloob sa pag-aaral ng Philippine Literary History. Naglatag siya ng apat na suliraning nakapaloob dito at ang mga ito ay: (1) kakulangan ng esensiyal na pag-aaral; (2) bunga ng maling pagtingin o pagbasa ng mga naunang manunulat ng kasaysayan at gumawa ng pag-aaral tungkol sa naratibong anyo ng panitikan at ang pagkiling ng mga kastilang historyador sa sarili nitong kultura kaya’t maraming naitagong katotohanan sa kasaysayan at panitikan ng Pilipinas; (3) magkakasama o labo-labo at hindi maayos ang naging pag-aaral; at (4) maiksi lamang ang ginawang pag-aaral ng mga nag-umpisang iskolar ng kasaysayan kaya’t wala o mababaw ang nagagawang malaking paglalagom na may malawak na perspektibang magbibigay ng malinaw na framework tungkol sa pag-aaral ng naratibong anyo. Kung pakakasurin ang problemang tinalakay ni Mojares, isang malinaw na repleksiyon ng kakulangan ng esensiyal na pag-aaral ang "kakulangan" ng batayang kaalaman ng mga manunulat at mambabasa sa kasaysayang pampanitikan. Malabnaw lamang ang mga naitakdang pamantayan ng pag-aaral at hindi sapat upang higit na maunawaan ng mga Filipino ang "ugat" at mga "pinanggagalingan" nito. Ang bunga ng maling pagtingin at pagbasa ay nagdulot ng pagiging "politically incorrect" ng mga Filipino (in all aspect), at ang kababawan ng mambabasang bumasa at umunawa ng isang teksto. Ang pagkiling sa mga kastilang historyador ng ilang mga Filipinong iskolar ay bunga ng "cultural assassination" upang higit na mamayani ang kamalayang maka-Kanluranin. Ito'y isang aparato (Ideological State Aparratus) upang higit na masakop ang kamalayan ng mga Filipino noon man at magpahanggang ngayon. Makikita natin sa problemang tinalakay ni Mojares sa pag-aaral ng kasaysayang pampanitikan ang ating mga sarili at ang kondisyong politikal ng lipunang Filipino. Maiksi ang pag-aaral o hindi masinop ang pananaliksik. Labo-labo ang mga datos at hindi naayon sa wastong peryodisasyon. Maraming naitagong katotohanan at may kinikilingang dominant culture. Ang ganitong suliranin ay malinaw na repleksiyon ng mga Filipino ngayon, maging ng ilang mga manunulat at maging ng ilang pop lit writers. Kakulangan sa batayang kaalaman, kakulangan sa pananaliksik, kakulangan sa kaalaman sa kulturang namamayani, at kakulangan sa marami pang ibang batayang pag-aaral. Nangangahulugan ito na magdudulot sa mga Filipino ang ganitong kakulangan ng higit na kamalayang maka-Kanluran, politically incorrect na mga kaalaman, kawalan ng gana sa panananaliksik, at iba pang mga loopholes.

Ang theoretical framework na nabuo sa pag-aaral ng kasaysayang pampanitikan ng mga iskolar ay nagkaroon ng mga basehan at empirical data kaya’t ang naging resulta ng pagtuklas at pagsasaayos ng mga data o order- generating scheme. Problematiko ito ayon kay Mojares dahil nakadepende ito sa historical evaluation. Marahil, ang ibig sabihin nito ay nawawalan ng pokus ang pag-aaral sa naratibong anyo kundi mas nabibigyan ng diin ang kalagayang pangkasaysayan at higit na nasusuri ang nilalaman, pulitika at ideolohiya ng mga akda. Kung ganito ang istilo ng pag-aaral, higit na mamamayani ang pag-aanalisa sa mga "cultural studies" kung ano ang dominant figure kung saan ito ay ang West culture.

Ang ganitong pamimili o seleksiyon ay nangangahulugang may nawawala at may natitira. Nananatili kung sino ang dominante at mayroong nagiging sekondarya lamang (ito ay ang mga wala sa mainstream). Sa puntong ito, bagama’t maaaring sabihing hindi sapat o may kakulangan ang mga naging pag-aaral ng mga historyan at iskolar, ang mga datos na nakalap ay nagamit sa mga pagtatangka at pagtataya bilang panimulang pag-aaral sa nobelang Filipino.

Isa sa mga problema ay ang pagkakaroon ng iba’t ibang tradisyon at ang nobelang Filipino ay naisulat sa iba’t ibang lengguwahe. Malinaw sa pag-aaral na ito, na mula pa man noong una, sa pag-aaral ng kasaysayan ay problematiko na ang isyu ng iba't ibang lenguwahe. Naisulat sa iba't ibang lengguwahe. Ibig sabihin ay binibigyan ng tukoy o emphasis ni Mojares na hindi lamang ang wikang Tagalog ang dapat ituring na isang "Nobelang Filipino", ito'y maging nasulat sa ibang wika o lengguwahe na nasa loob ng Pilipinas o ginagamit ng isang Filipino. (Ang portion na ito ay para sa nagpapanggap na Robby na kung saan-saan gumagala sa internet at nagtatanong ng kung ano daw ba ang depenisyon ng Pilipino,etc.)

Binigyang pansin ni Mojares ang kahalagahan ng transpormasyon upang malaman kung ano ang anyo o istrukturang nabago at muling naisaayos. Ibig sabihin, ang porma o anyo ng isang teksto (anumang genre sa panitikan o pop lit) ay dumadaan talaga sa transpormasyon o pagbabagong anyo, depende sa mga impluwensiyang pumapasok at umiiral sa isang lipunan sa isang partikular na panahon. (Para din sa iyo ang portion na ito, Robi-Robihan.)

Ayon pa kay Mojares, may dalawang pag-uuri ang anyo ng naratibo sa usapin ng haba at istruktura. Narito ang isang talaan na makakatukoy kung ano ang katangian ng simple narratives at complex narratives ng kanyang study.

SIMPLE NARRATIVE : Folktales and ballads Short Entertainment, social indoctrination Few plot elements, told in prose as in most tales; sung in verse, as in ballads Verbal Simple narratives are of a later stage of development. Dito humugot o humuhugot ng batayang kaalaman at pinagmulan ang popular na literatura.


COMPLEX NARRATIVE : Epics Long narratives or narrative cycles in verse Traditional ritual, cultic function Combination with elements of music, dance. Ritual action Verbal, action, movement Developed out of simple narrative, incantations.

May iba pang uri ng naratibo na tinawag na Quasi narratives, isa itong ceremonial chants. Ang Alim ng Ifugao at ang Gindaya ng Bagobo na ang panlipunang gamit ay magico-devotional. Subalit ang mga ganitong uri ng chants ay hindi nagpaunlad o nagpanatili ng naratibo. Hindi tuloy-tuloy o hati-hating mythic action ang istilo o ibig sabihin ay walang malinaw na istruktura.

Ayon naman kay E. Arsenio Manuel, ang Alim ay ginagampanan ng grupo ng mga lalaki bilang isang uri ng dasal (baki), bilang koneksiyon sa kanilang seremonyas, at popular na kinikilala bilang isang epiko. Ngunit para kina R.F. Barton at Manuel, ito ay isang uri ng “ballad”. Para kay Manuel, ang Alim ay nagmistulang isang “detached pictures without a coherent story. It is like a diorama in a museum, with the viewer filling in the wide gaps.” Walang sentrong karakter at ito’y mistulang serye ng isang presentasyong ritwal.

Ang epiko ang pangunahing batayan ng naratibong tradisyon. Ito ay isang uri ng pamumuhay ng mga katutubo. Ito ang nagtatakda ng batas, kumikilala ng kasaysayan at relihiyon, at naitatala ang nakaraan ng isang etnikong grupo. Sa kasalukuyan, humigit kumulang sa tatlumpung epiko ang kinikilala. Kabilang dito ang dalawang epiko na sinasabing na-christianized na ng lowland groups, ang Biag ni Lam-Ang ng Iloko at ang Handiong ng Bikol. Kilala din ang Hudhud ng Ifugao at Ullalim ng Kalinga. Ang Hinilawod ay epiko sa Visayas at ang Sulod ay sa Central Panay. Ang mga Muslim group sa Mindanao ay may limang epiko at mayroon ding tinatawag na Hindu epics kung saan ito naman ay impluwensiya ng mga Indian. May ilang study rin mula sa ibang iskolar tungkol sa epiko ng "Biag ni Lam-Ang", kung saan lumilitaw sa pag-aaral na ang konsepto ng pagkabayani sa lipunang Filipino ay nagmula sa mga "epiko". Kung pakakasuring mabuti, makikita nga ang pag-aaral na ito ng iskolar na maging ang pinagmulang kamalayan ng konsepto ng pagkabayani mula sa kuwento ni "Panday", (Carlo J. Caparas), hanggang sa imahe ng pagiging isang tunay na bayani ng namayapang "action superstar" na si Fernando Poe Jr., ay nagmula sa epiko.

Ang tumutukoy ng multi-formality ng epiko ay ang tradisyong oral. Sa pamamagitan nito ay nakakalikha, nakakaganap at nakakapaglipat ng mga awit at epiko na nagmula pa sa lumang panahon patungo sa kasalukuyang panahon. Ang epiko ay kinapapalooban ng mga supernatural events o ng mga bayani na may kapangyarihang taglay. Ang mundo ng tradisyunal na epiko ay mythic kung saan ang mga batas ng kalikasan ay napipigilan. Ngunit sa kabila ng mga supernatural na tema, ang epiko ay nagpapatotoo rin sa mga paniniwala, kaugalian, kaisipan at pamamaraan ng pamumuhay ng mga katutubo.

Tinawag na protohistoric period ang ika-labing apat na siglo hanggang unang bahagi ng ika-labing anim na siglo. Ito ay panahon ng dinamikong pagbabago dahil naging maluwag ang pakikipagkalakalan sa ibang bansa at nagdulot ito ng pagpasok ng mga bagong kultural na ideya. Sa panahong ito masasabing ang umunlad ng husto ang pagsulat sa anyong panitikan.

Ang pag-unlad ng nobela ay nakaangkla sa pag-unlad ng prosa bilang midyum. Ang bagong epiko o ang Pasyon ang isa sa mga anyo na ipinakilala ng mga Kastila. Ang anyong protean o korido ay tungkol sa pag-ibig, at mga didaktikong tema ng relihiyon. Ito ay tumatalakay din tungkol sa pananampalataya at tunggalian ng mga Kristiyano at Moro.

Nagkaroon ng pag-unlad sa komersiyo ang ika-labing siyam na siglo. Naging malaya ang pagpasok ng mga kalakal mula sa labas ng bansa. Kasabay nito ang pagpasok ng edukasyon sa Pilipinas. Taong 1865 ay ipinakilala ang reporma sa pamamagitan ng pagtatangkang maglagay ng pampublikong pampaaralan at mga programa sa kaguruan. Samantala ang kurikulum ay tumatalakay sa theology at morals, ang mga institution ng mataas na paaralan tulad ng Sto. Tomas ay naghahain ng iba’t ibang pag-aaral ng siyensiya.

Sa unang bahagi ng dekada, ang mga publikasyon ay naglathala ng mga sulating pinamumunuan na mga Kastila para sa kanilang pangsariling interes kung saan kontrolado nila ang mga limbagan. Nang lumaon ay umusbong ang mga pribadong pag-aari ng limbagan at nawalan ng kontrol ang simbahang Katoliko. Dahil sa nagkaroon na ng mga pribadong limbagan, hindi na limitado ang mga printed material sa mga akdang pangrelihiyon lamang. Nagkaroon na ng produksiyon ng mga libro at paglathala ng mga diaryo. Ngunit karamihan pa rin sa mga malalaking lathalain ay nasusulat sa wikang Kastila. May ilang publikasyon tulad ng El Pasig (1862) ay naglathala ng ilang sulatin sa Tagalog. Taong 1882 naman nalathala ang Diaryong Tagalog ni M.H. Del Pilar na tinawag na “The First Tagalog Paper.” Unti-unting lumaganap ang paglilimbag ng diaryo sa mga probinsiya tulad ng Vigan (1884), Visayas (1884-1898), Iloilo at Cebu). Ang mga katutubong wika ay unti-unting naging prominente bilang midyum ng komunikasyon. Sa panahong 1888- 1896 ay nagkaroon ng malawakang paglathala ng mga diaryo dahil sa pagbawas ng sensura at umunlad ang kamalayang demokratiko at nasyonalismo. Sunod- sunod ang paglabas ng mga diaryo na nasusulat sa Tagalog at nagkaroon ng Propaganda Movement, na sinasabing naging sanhi ng pag-usbong ng literaturang maka-Filipino. Makikita ang pangkalahatang tema ng Propaganda Movement at maging ang layunin nito na lumikha ng national conciousness.

Ang Ninay ay nalimbag sa Madrid noong 1885, at tinaguriang ang unang nobelang Filipino. Ang nobela ay isang romantikong melodrama, gumamit ng milyu ng Pilipinas at nagpakilala ng kaugalian at kasaysayan ng Pilipinas.
Ang Fray Botod ni Marcelo H. del Pilar ay isang nobeleta noong 1874, kung saan ginawa niyang karikatyur ang mga Kastilang prayle sa pamamagitan ng satirikong lengguwahe at panunuligsa.

Ang pag-usbong ng dalawang nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo ang nagpabago naman ng kasaysayan ng Pilipinas. Isinulat ang dalawang nobela ni Rizal sa wikang Kastila pero itinuring itong nobela na nagpalaya sa bansang Pilipinas at mamamayang Filipino. (Para pa rin ito sa kaalaman ng hindi tunay na Robby).

Ang pag-unlad ng nobela ay nakabigkis sa layunin ng pagbabago sa lipunang Filipino. Ang huling bahagi ng ika-labing siyam na siglo ay ang susi ng pag-unlad ng nobelang Filipino. Naging mahalagang bahagi sa pagbubuo ng nobela ang pagbibigay ng direktang pangdaigdigang pananaw.

Ang unang mga dekada ng pangkasalukuyang siglo ay tinawag na gintong panahon ng nobelang bernakular. Ang pag-unlad ng nobela sa panahong ito ay dahilan sa ilang mga salik. Una, ang panahon ay saksi sa momentum ng Propaganda Movement at ng Revolution, at gumising ng kamalayan at national conciousness na ipinahiwatig ng mga samahan. Pangalawa, nakita rin sa panahong ito ang paglaganap ng sekular na paniniwala at ang pagbagsak ng pamahalaang Kastila habang pumapasok ang panibagong impluwensiya ng mga Amerikano. Pangatlo, nagkaroon ng kalayaan ng paglalathala at paglilimbag ng mga aklat na nakatulong sa paglaganap ng edukasyon. Ikaapat, nagkaroon ng pag-usbong at paglaki ng dami ng mambabasa na may panlasa sa mga diaryo, prosa, piksyon at iba pang babasahin. Ikalima, ang sigla sa pagpapalit ng siglo at pagbabagong panlipunan ay lumikha ng ugong para sa marami pang sulatin at babasahin. Panghuli, ang pag-unlad ng nobela sa larangan ng katutubong wika ay maaring maipaliwanag sa katotohanang sa unang dalawang dekada, ang wikang Kastila ay nagsimula nang bumagsak habang ang wikang Ingles ay nag-uumpisa pa lamang magpakilala Sa gitna nito, ang katutubong wika ay yumabong bilang midyum ng pagpapahayag sa literatura.

Samantalang para kay Regalado, ang nobela ay bunga ng panitik ng isang manunulat na naglalarawan ng buong kabuhayan o bahagi ng isang buhay na hiniyasan ng mga bagay-bagay na nangyari o maaaring mangyari, na ang layon ay magbinhi ng mga simulain o aral na hangad pagbungahin ng sumulat, o magdulot ng aliw sa mga mambabasa sa pamamagitan ng magandang paglalarawan, ng mga gawi at galaw sa pamumuhay, o maglahad kaya ng panganib o sama na makalalason sa kadakilaang-asal upang maiwasan at malayuan.

May dalawang dahilang binanggit si Regalado kung bakit ang pagkaunlad ng mga awit ay hindi naging simula ng pagkaunlad ng mga nobelang tagalong. Ang una niyang nakitang dahilan ay ang kahigpitan ng Comision Permanente de Censura, hindi madaling makapagpalathala ng mga nobela dahil dumadaan pa ito sa mga censorship. Dahilan nito kung bakit sa halip na nobela ang isulat, ito ay nagiging novena. Kaya’t ang mga manunulat na naghangad gawing kabuhayan ang pagsulat ay nagkontento na lamang sa pagsulat ng tula upang hindi magkaroon ng suliranin sa pagpapalimbag o paglalathala. Ikalawang kadahilan ay ang likas na pagkahilig ng mga tao sa pagsulat ng tula o ang likas na pagiging makata ng mga tagalog. Ayon pa sa kanya, kung hindi man lubos na patula, ang mga kilos at galaw ng tao noon ay tila sinasabi nang patugma katulad ng “Matulog ka na bunso, ang ina mo ay malayo…” Kahit ang sulat o sulat pag-ibig ay nasusulat sa anyong patula tulad halimbawa ng isang pilas ng papel na natagpuan ni Regalado sa lumang aklat ng tiyuhin niyang si Gabriel Beato Francisco : “Ang buhok mo Iray na color de oro, siyang naka-perder ng aking studio.” Ang isa pang ipinakitang ebidensiya ni Regalado ay ang imbitasyon sa kanyang ama na nakasulat din sa tula: “Sa pamumulaga ng magandang araw, samo ko’y tumungo sa ating simbahan, anak na bunso ko doon ikakasal, madlang kakilala ay sasamang abay. Ang mga kadahilanang ito ang nakitang dahilan ni Regalado kung bakit nabansot ang pag-unlad ng nobelang tagalog hanggang sa dumating ang araw na nagawa ng isulat ang tungkol sa buhay sa paraang pasalaysay at kinakatha.

Malaki ang paniniwala ni Regalado na mayaman na ang wikang tagalog noon pa mang 1610 dahil sa paglilimbag ng Gramatikang Tagalog na gawa ni Fr. Francisco de San Jose. Isang dahilan ito upang makasulat na ng isang aklat sa tuluyan si Antonio de Borja noong 1830. Isinalin ni de Borja sa tagalog ang Historia Magistral de Barlaan at Josaphat ni Juan Damaceno at ito’y may titulong Aral na totoong nag-aacay sa tauo ng mga cabanalang gawa ng mga maloalhating Santos na si Barlaan at Josaphat, nalimbag noong 1837.

Ang kakayahan sa pagsulat sa tuluyan ng mga tagalog ay naipakilala noong 1872 nang isalin ni Juan Evangelista ang Martir del Golgota. Bunga ng pagkalathala ng salin, napagtibay ang wikang Tagalog bilang kayamanang may kakayahang makayari ng isang nobela. Noong 1879, ay isinalin naman ni Joaquin Tuason ang aklat na El Nuevo Robinson o Ang Bagong Robinson. Naniniwala si Regalado na kaya sa wikang Kastiila isinulat ni Jose Rizal ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay sapagkat ang nais nitong kausapin ay ang matatalinong tao upang maipaalam ang kasamaang pinalalaganap ng pamahalaang Espanya at simbahang Katoliko sa Pilipinas.

Ang unang bakas ng pag-unlad ng nobelang tagalog ay natagpuan sa Kaliwanagan noong 1900, dito nalathala ang nobela ni Lope K. Santos na Salawahang pag-ibig. Nalathala din sa Ang Kapatid ng bayan ang nobela ni Modesto Santiago na Pagsintang Naluoy. Humantong sa kataasan ang nobelang tagalog dahil sa pagkalathala ng mga nobela ni Valeriano Hernandez Peña, o mas kilala sa tawag na Tandang Anong tulad ng Nena at Neneng (nagsimulang malathala sa Muling Pagsilang noong Enero 30, 1903) at Mag-inang Mahirap (sinumulan noong Hulyo 11, 1904). Gayundin ang nobelang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, at Anino ng Kahapon ni Francisco Laksamana nakipagsalitan din ng pagkalathala sa Muling Pagsilang. Bunga ng kataasang ito, dumating ang panahong ang naging halaga ng isang pahayagan ay nakadepende sa ganda ng mga nobelang nalalathala at hindi na dahil sa balita o komentaryo ng patnugot.

Sa panahong din ng ika-20 siglo, ang pangunahing itinatampok ng nobelang bernakular ay malinaw at may kaayusan. Ang tendensiya tungkol sa didacticism o aral ang tumutukoy sa tinatawag na “novel manners” at ang naging pokus ng atensiyon ay panglipunang moralidad. Ito ang kadalasang pinupunto ng plot o banghay. Kasabay nito ang pagpapayabong ng formal values at nang lumaon ay naging mataas na ang kakanyahan o katangian sa isang ng bernakular na piksyon.

Ang panitikan sa panahong ito ay masasabing instrumento para sa moral at social form. May kaibahan ito sa religious didactic sa panahong Kastila kung saan nakasentro ang pangangaral tungkol sa simbahang Katoliko.
May pagpapatuloy ang mga konsepto ng kamalayang sosyal sa nobela ni Rizal sa katauhan nina Faustino Aguilar (Pinaglahuan) at Iñigo Ed. Regalado (Madaling Araw). Ang nobela ng mga ito’y tumatalakay sa kahirapan, prostitusyon at sa pangkaraniwang tema ng tunggalian ng mayaman at mahirap (social class). Nagpatuloy sa mga nobelang ito ang problema sa ekonomiya at kolonyalismo. Pero masasabing sa panahon ding ito ang nobela ay nagkaroon ng inobasyon ang genre ng nobelang bernakular. Umusbong ang penomena ng hybrid character .

Ang nobela bilang komodeti ang sumunod na yumabong. Ayon kay Iñigo Ed Regalado, taong 1921 sinasabing nagsimula ang panlalamig ng nobelang tagalog at ang sinasabing dahilan ay ang pagdami ng mga manunulat na walang kasanayan sa pagsulat at ang pagkalulong nito sa komersiyalismo. Noon namang taong 1932 ay sinubukan ng limbagang Ilagan and Sañga na pagmamay-ari ni Isabelo Sañga na pasiglahing muli ang nobelang tagalog sa pamamagitan ng paglalathala ng mga nobelang Luha ng Dalaga ni Antonio Sempio, Doktor Kuba ni Fausto Galauran, Anak ng Dumalaga ni Iñigo Ed. Regalado, Ang Maria ni Antonio Sempio at Makiling ni Remigio Mat. Castro. Sa kabila ng pagtatangkang ito ay hindi pa rin ganap na naibalik ang sigla ng nobelang tagalog dahil nalulong na ang mambabasa sa mga nobelang itutuloy na nalathala sa mga mumurahing babasahin. Nagbunga ito ng pag-aaway o alitan sa pagitan ng mga matatandang manunulat dahil sa paninisi sa mga baguhang manunulat na ang mga ito ang nagpabagsak sa kalidad at antas ng nobelang tagalog.

Dumagsa ang mga profit-minded na tagapaglathala. Si Ramon Roces ay naglathala ng mga bernakular na magasin tulad ng Tagalog-Liwayway, Cebuano- Bisaya, Iloko-Bannawag at Hiligaynon. Ang lingguhang sirkulasyon nito ay ay 3,000. Nagkaroon din ng mga provincial magazines kagaya ng Cebuano Bag-ong Kusog na nagsimula sa 500 copies noong 1915 at umabot ang sirkulasyon sa 5,200 noong 1928. Ang mga magasin na ito ay nagkaroon ng mahalagang tungkulin sa pag-unlad ng regional literatures. Sinasabing ang pagtaas ng demand ng magasin ang nagbukas ng pintuan kaya’t naging komersiyal ang piksyon. Ang bunga ng penomenang ito ay ang pagkakaroon ng paniniwalang ang nobela ay isang komoditi. Ang syndrome na ito ay nagkaroon ng konsekuwensiya sa anyo at nilalaman ng nobela. Nagkaroon ng mga konbensiyunal na banghay, tema, tauhan, at pormula. Alam na kaagad ng mambabasa ang dapat mangyari o isusulat ng manunulat. Inaasahan na ito kaya’t hindi na umuunlad ang kuwento.

Kabilang sa naging resulta ng penomenang ito ay ang pagkakaroon ng dalawang kategorya, ang high at low literature. Ang high ay nanatili sa mga pampanitikang akda at ang low ay sinasabing ang literaturang popular. Nagbunga rin ito ng konseptong ang English literature ang high standard at ang wikang bernakular ay pambakya. (Palagay ko ay ito ang oryentasyon ng hindi tunay na Robby, itinatakda niya ang kanyang sarili bilang bahagi ng low literature). Ito rin ang oryentasyon ng ilang pop lit writers na sumasang-ayon na tawagin silang nasa "low literature". Ang ganitong pagtatakda ay nangangailangan ng kaayusan at pagbabago, kaya nga ang isang pagwawasto ay ang tawaging "popular na literatura" pero hindi nangangahulugan na mababang klase ng literatura. Base sa pag-aaral ng kasaysayang pampantikan, ang isang partikular na panahon ng kasaysayan ang nagtatakda kung ano kalalagyan at magiging "function" ng isang partikular na genre sa kanyang mambabasa. Kung patuloy ang kamalayan na nagpapababa sa kalagayan at katayuan ng "pop lit", tulad ng "komiks", hindi na ito mababago sa kasaysayan hanggang sa mga susunod pang mga siglo. At anuman ang gawin ng mga iskolar at manunulat, maging mga pop lit writers sa panahong ito, alalahaning ito'y maitatala sa buong kasaysayan ng bawat panahon ng Pilipinas.

Malinaw na ang nobelang Filipino ay nag-ugat sa naratibong anyo ng oral tradisyon at dumaan ito sa proseso ng mutation (pagbabagong anyo) ng proto-nobela, metrikal romansa, buhay ng mga santo, conduct moral, nobeleta hanggang sa dumating ang puntong naging ganap ang anyo bilang isang nobela. Hanggang sa ito'y naging isang popular na nobela, kung saan ito rin ang pinagmulan at pinag-ugatan ng Komiks na ang anyo o form ay galing sa Kanluran at ang nilalaman ay mula sa kulturang Filipino na nakatanim sa kasaysayan ng Pilipinas at lipunang Filipino.





Mga Sanggunian

Mojares, Resil B., Origins and Rise of Filipino Novel: A Generic Study of The Novel Until 1940,
Quezon City; University of the Philippines Press, 1983 at 1998.

Regalado, Iñigo Ed., Ang Pagkaunlad ng Nobelang Tagalog, Publications of the Institute of
National Language June, 1948.

Reyes, Soledad S., Kritisismo, Pasig City; Anvil Publishing, Inc., 1992.

Mendiola, Lazaro V. at Ramos, Victoria Ines, Kritisismo: Teorya at Paglalapat, Manila; Rex
Book Store, 1994.



GLADY E. GIMENA
Unibersidad ng Pilipinas, 2007

Thursday, September 27, 2007

DELETED MESSAGES

Hello Auggie,

Pasensiya ka na at nagkaroon ata ng problema sa pagpasok ng message mo sa blog ko. Hindi ko kasi nabasa at hindi ko natanggap. Hinanap ko nga maski sa trash pero hindi ko na na-retrieve. Sayang naman!

Anyway, salamat sa pagbisita mo sa blog ko at sa kumpirmasyon tungkol sa pagpapadala mo ng mensahe sa akin.

Hindi ko kasi alam kung saan kita masusulatan kaya nagpasya na lang ako na i-post ang message na ito.





Leshie,

Wala akong nababasang message mo sa horror!!!

Pero sasagutin ko ang tanong mo sa akin tungkol sa horror na itinext mo. Sabi mo, mahilig ka sa horror, magbasa at manood ng horror, lahat ng klase ng genre ng horror ay tinangkilik mo, pero ang problema mo ay hindi ka natatakot. Paano ka matatakot?

Magbasa ka kaya ng Stephen King. Kapag hindi ka pa rin natakot, humarap ka na lang sa salamin. Hehe.

Sige, para sa iyo, gagawa ako ng study kung paano maging o nagiging nakakatakot ang isang horror story. Pero huwag muna ngayon, kasi pagod pa ako. Hehe. Kadarating ko lang kaya.


P.S. Hoy Wendy (este Leshie) hindi ako spirit questor ha? Lalong hindi ako adviser ng katatakutan. Hehe.

DIGITAL KARMA PRESENTS…. SINO ANG HINDI NAKAKAKILALA KAY TITA OPI?

Naisip kong gawin ang DIGITAL KARMA PRESENTS kasi maraming maliliit na kuwentong masarap ikuwento tungkol dito. Ang karma daw kasi sa panahon ngayon ay digital na. Digital na kasi mabilis na ang proseso ng lahat ng bagay sa mundo. Digital na kasi mabilis na ang mga pagbabago ng panahon, tao, at pangyayari sa buhay.

Kung naniniwala ang isang tao sa “Law of Karma”, hindi naman ito negative side lang. May tinatawag na good and bad karma. Binary opposition pa rin. Kapag gumawa ka ng mabuti, may good karma ka. Kapag gumawa ka ng masama, may bad karma ka. So ganoon lang kasimple ang formula na ito. “Don’t do to others what you don’t want others do unto you.” Sabi nga sa isang kasabihan.

Huwag sanang isipin na ang karma ay isang porma ng paghihiganti o pag-“get even” ng isang taong nadehado sa laban. Dumarating ito sa panahon na hindi inaasahan ng tao. Kung matagal ba o tunay na mabilis ang pagdating ng salitang “karma” ay depende sa situasyon at sa taong nakaranas nito. Sa akin, ang karma ay isang karanasan sa buhay ng tao na nagsisilbing “timbangan”. Hindi dahil may hinihintay kang kapalit sa magandang ginawa mo, o dahil naghihintay ka na maparusahan ang taong may ginawang masama sa iyo. Sa aking sariling pananaw, ang karma ay pinaniniwalan ng tao bilang pangbalanse ng kanyang sarili. Ang “maliliit na karma” ay pagpapaalala lang para sa isang “mas malaking karma” na maaaring maranasan ninuman. “Kung anuman ang iyong itinanim ay siya mo ring aanihin.”

SINO ANG HINDI NAKAKAKILALA KAY TITA OPI?

Sino nga ba siya? Isang magaling na editor, sensible writer, anak, ina, asawa, kapatid, kaibigan, at isang tunay na tao. Maari na siyang sabitan ng medalya dahil napagsasabay-sabay niya ang mga tungkulin na ito na wala siyang napapabayaan isa man.

Hindi siya isang pulitikong tao. Wala siyang posisyon. Ayaw niya ng posisyon. Dahil isa siyang tahimik na mamamayan ng Pilipinas na nagsusulong lamang ng “interes” at nakikipaglaban para sa “kapakanan” at “kabutihan” ng nakakararami.

Hindi commissioned writing itong ginagawa ko, isa itong “self confession”. Hindi nga niya alam ito, at hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon niya sa pagsulat ko nito. Pero kilala niya ako sa isang bagay na gusto kong gawin. Alam niyang hindi niya ako mapipigilan o mapipilit kapag nakapagdesisyon na ako.

Isinusulat ko ito bilang pasasalamat sa lahat ng kabutihan, “ambag” at mga naituro niya sa akin. Hindi magiging buo ang pagkatao ko kung wala siya. Dahil malaking bahagi siya ng kabuuan ko. Estudyante pa lang ako sa UP ay nariyan na siya sa akin para gabayan at suportahan ako. Bata pa ako sa pagsusulat ay isa siya sa mga “editor” na inirespeto ko. Mahal ko siya bilang isang ina, kapatid, kaibigan at kasamahan sa “trabaho” na kapwa namin piniling magpakatotoo. Idolo ko siya bilang isang tao. Dahil marami akong hindi kayang gawin na ginagawa niya. Marami siyang kabutihan sa puso na wala ako. Hindi ko ito sinasabi sa kanya, bihira kasi kaming magseryoso. Mas madalas, sa gitna ng seryosong usapan ay nagbibiruan kami, ang tawag niya sa akin (pati si tita josie) ay beybi. At paano mo seseryosohin ang isang beybi? Ngunit sa kaibuturan ng puso ko’y ito ang tunay na nilalaman. Words cannot express but my action speaks well for it.

Si Tita Opi ang isa sa pinakamabait na taong nakilala ko. Ewan kung nagbabait-baitan lang siya. Hehe. Pero mahirap magbait-baitan sa loob ng mahabang panahon. Consistent kasi siya na matulungin, mapagbigay at lumalaban sa kapakanan ng nakararami. Minsan nga ay naaapektuhan na ang “personal’ niyang buhay, at maging ang kanyang trabaho o pinagkakakitaan para lang ito i-share sa iba o sa mga itinuturing niyang “kasamahan sa hanapbuhay.”

Napakarami ni Tita Opi na nabigyan ng trabaho. Napakarami niyang taong natulungan. Marami ang makapagpapatunay niyan. Hinahamon kong lumantad ang mga taong ito para patotohanan ang mga sinasabi ko. Mga natulungang kaibigan, manunulat, artist, kapwa editor, atbp. Walang hindi lumapit sa kanya na hindi niya ina-accommodate. Walang text sa kanya (mula sa mga taong nag-iinquire at humihingi ng trabaho) na hindi niya sinasagot. Tumutulong siya sa abot ng kakayahan niya, sa maliit man o malaking paraan ng pagtulong. Nakita iyon ng dalawang mata ko. Nasaksihan ko iyon. Naranasan ko. Kapag wala akong pera o trabaho sa pagsusulat, dumarating ang biyaya mula sa isang Tita Opi. Minsan nga ay hindi na ako nagsasabi sa kanya pero nararamdaman niya ang pangangailangan ko. She is sensitive enough para maramdaman iyon. Kaya’t kampante ako hangga’t nariyan ang isang Tita Opi. Noon man hanggang ngayon.

Minsan ay magkasama kami sa isang workshop at sinabi ko sa kanya na huwag siyang “masyadong mabait” at “isipin niya ang kanyang sarili”. Pero wala, dedma lang siya. Naniniwala siyang marami siyang kaibigan. Naniniwala siya na sa kabila ng kanyang mga pagsasakripisyo at paghihirap ay naka-gain siya ng maraming “kaibigan”. Totoo iyon at naniniwala ako doon. Kung ang pagbabasehan ay ang dami ng nagte-text at humihingi ng tulong sa kanya (anumang klase ng tulong iyon), talaga namang napakarami kong nakita na kaibigan niya.

Siguro ay “naiinis” siya minsan sa mga kakulitan o sa mga kaprangkahan ko. Minsan kasi ay wala akong prenong magsalita. At mas madalas na mauna akong “kutuban” ng masama sa mga intensiyon ng taong nakapaligid sa amin. In other words, masama akong mag-isip. Hehe. Oo, dahil si Tita Opi ay mahilig magbigay ng benefit of the doubt sa isang tao, sa isang situasyon, sa isang pangyayari. Hindi siya judgmental na tao. Lagi niya akong pinagagalitan kapag “hyper” ako at may “pinaprangka” akong tao. Ayaw niya na basta basta ako nagagalit. Bihira kasi siyang magalit. Hindi ko nga natatandaan na nagalit na siya ng totoo sa loob ng mga panahong pinagsamahan namin. Gusto niyang maging rasyunal din akong mag-isip. Kaya minsan, maski inis na inis na ako, “oo na nga, rasyunal na kung rasyunal!” ang nasasabi ko sa sarili ko. Siya ang “cooling system” ko. Kung baga sa makina ng kotse, siya ang "radiator" ko. Madalas niya akong "buhusan ng tubig" para hindi ako mag-"over heat!" Hehe. Kasi kung i-define nila ako (mga kaibigan namin) ay “hot blood” na laging kumukulo kapag may mga taong nagpapakulo ng mga dugo namin. Habang “kumukulo” ang dugo ko ay nananatili naman siyang “compose”. Compose silang lahat, (Tita Josie, Tessa, Les) habang mainit na ang ulo ko. Hehe. Sorry to mention your name mga friend.

Hanggang sa dumating ang isang malaking hamon sa buhay ni “Tita Opi”. Kailangan niyang harapin ang isang “laban” sa kanyang buhay na nag-iisa siya. Walang kaibigan, walang kasamahan sa “hanap-buhay” at wala isa man sa mga taong natulungan niya. Sa gitna ng kalungkutan sa pagkamatay ng kanyang “Tatang”, bagama’t tunay na napakaraming dumamay, halos hindi pa natatapos ang kanyang pagdadalamhati ay dumating na ang pagkakataong kailangan niyang manindigan sa kung ano ang pinaniniwalaan niyang “tama” at kung ano ang sa palagay niya’y “nararapat” niyang gawin. Hindi siya nagdalawang isip na lumaban, hindi siya nagdalawang isip na mag-isa. Hindi siya natakot na harapin ang laban na mag-isa. Wala siyang pakialam kung may kakampi siya o wala. Naiwanan ang mga taong natulungan at “ipinaglaban” ni Tita Opi sa sistemang umiiral at tuluyang nagpalamon ang mga ito sa sistema.

Sa nangyaring ito ay nalaman at natuklasan ni Tita Opi kung sino ang mga “tunay niyang kaibigan.” Ipinakilala ito sa kanya ng isang masalimuot na pagkakataon. At ito ang good karma sa kanya.

Naiisip ko lang ngayon, ano kaya ang sasabihin o isasagot ni Tita Opi kung ang isa sa mga taong nang-iwan sa kanya sa ere ay mag-text sa kanya at humingi ng tulong o trabaho? Huwag sanang painitin ang ulo ko ng mga taong ito. Hehe.

Let’s just wait and see how digital karma works…


GULONG

Nagmamaniobra ako ng aking kotse palabas sa garahe ng family house namin sa Marikina dahil uuwi na ako sa sarili ko namang bahay. Nagmabuting loob ang bunso kong kapatid na si Ferdie. Lumapit siya para senyasan ako. Nawalan ako ng control sa preno at hindi ko inaasahan na magugulungan ko ang paa niya. Napasigaw siya. Agad ko namang naalis ang gulong ng kotse ko sa paa niya.

Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko, natatakot ako pero natatawa at the same time. Naawa din ako sa kanya. Kasi naman, masyado siyang kampante na magaling akong magmaneho at hindi mangyayari sa kanya ang ganoong klase ng aksidente. Pero sa totoo lang, sa loob ng 17 years ko na pagda-drive noon lang ako nakagawa ng aksidente sa isang tao, sa sarili ko pang kapatid, at sa loob pa mismo ng garahe ng bahay namin.

Wala namang sugat ang kapatid ko. Halata lang na bumukol o namaga ang bahaging nagulungan ko. Agad ko siyang binigyan ng pambili ng antibiotic. Nagbibiruan at nagtatawanan pa nga kami. Pati siya ay natatawa rin. “Eto ang singkuwenta pesos, danyos perwisyo.” Hehe. Bilin ko naman sa nanay ko na kung mamamaga ng husto ay ipa-x ray ang paa ng kapatid ko kinabukasan. Siyempre’t sagot ko ang lahat ng gastos.

Umuwi na ako ng bahay at habang nasa kotse ay tawa ako ng tawa, kasama ko si Les (dahil may project kaming tatapusin sa bahay). Maging siya ay natatawa rin. Dumaan kami sa tindahan at pinabili ko si Les ng malaking lata ng pineapple juice. Iyong malaki talaga para hindi bitin. Kasi tiyak na mangungulit ang mga pamangkin kong sina Pupu, Maimai at Rona (ngayon ay nasa Canada na si Rona), at tiyak na kukulangin kung maliit na pineapple juice ang titimplahin.

Iginarahe ko na ang kotse at bumaba na kami. Naiwan ang malaking lata ng pineapple juice sa kotse at agad kong naalalang kunin. Sa hindi ko alam na kadahilanan ay nabutas ang plastic na pinaglagyan nito at noon din ay bumagsak sa paa ko. Parehong kaliwang paa tulad ng nagulungang paa ng kapatid kong si Ferdie.

Noon din ay namaga ang kaliwang paa ko. Noon din ay uminom ako ng antibiotic.

Wednesday, September 26, 2007

ANG KOMIKS SA BANGKETA (BATU-BATO SA LANGIT, ANG TAMAAN AY HUWAG MAGALIT KAHIT MAGKABUKOL!!!)

Nais kong pasalamatan ang paglilinaw sa akin ni Roberto Villabona sa ilang mga bagay-bagay tungkol sa isyu ng komiks, mga pagtatalong kinasangkutan at kumukuwestiyon sa pagka “Filipino” ng mga komiks artist na sinasabing may “western influence” daw. May sulat ako sa’yo, Robby (I’m addressing it to Mr. Roberto Villabona) pero hindi ko alam kung dapat kong i-post o ipadala na lang sa e-mail mo. What do you think? Okey lang ba sa iyo na i-post ko ang sulat mo at ang sagot ko?

By the way, FYI, okey lang sa akin na i-link mo ang article ko sa PKMB if you think that it will be sensible enough para sa mga taong maaaring makabasa nito. Maraming salamat!

Matagal kong pinag-isipan kung isusulat ko ang artikulong ito. Unang una, “anak” ako ng komiks at dito ako nagsimula bago pa ako magsulat ng script sa GMA, maging writer ng PRECIOUS HEARTS, makapag-aral at makapagtapos sa UP, at makapagturo sa iba’t ibang unibersidad. Mahal ko ang komiks, mahal ko ang itinuturing ng marami na “ina” nito na si Mrs. C.P. Paguio, at maging ang mga “nanay-nanayan” ko dito tulad nina Elena Patron (Tita Lena), at iba pang mga batikang manunulat at dibuhista. Mahal ko ang mga “kakomiks” ko. Isinasaalang-alang ko silang lahat at binibigyan ng malaking respeto sa kanilang mga naging kontribusyon at magiging kontribusyon pa sa pagpapalaganap ng kulturang Filipino. Marami itong naturuang magbasa (literal man o kritikal na pagbasa sa teksto) dahil napakaraming Filipino ang tumangkilik nito. Isang popular na babasahin na nagbigay aliw sa mambabasa, nagturo ng iba't ibang kaalaman at nagsulong ng Kulturang Filipino. Ito ang pinakamalaking kontribusyon ng komiks na hindi kayang pasinungalinan ninuman at hindi kayang "talunin" maski pa anong klaseng genre sa pop lit man o panitikang Filipino. Minsan ay gagawa ako ng isang buong artikulo o comprehensive study na tatalakay sa sensibilidad at kontribusyon ng komiks sa lipunang Filipino upang higit na maunawaan ng mga kritiko sa komiks at mambabasa nito ang mga "pinanggalingang at pinanggagalingang" kamalayan na nagbahagi ng pinakamalaking impluwensiya ng komiks. Hindi kuwestiyon ang naibahagi ng komiks at komiks creator bilang pop lit sa lipunang ito at marapat lamang na ipagpugay at "kilalanin" bilang lehitimong mga tagapagtaguyod ng kultura at sining.

Ngunit sa pagsulong ng panahon, maraming suliranin ang “unti unting” nagpabagsak o patuloy na nagpapabagsak sa napakagandang kontribusyon ng komiks sa lipunang Filipino. Sa kabila ng napakalaking “ambag” ng komiks sa ating lipunan, hindi nangangahulugan na walang suliranin na “nakapaloob” sa komiks industry. Malaki ang naging suliranin sa sistema ng publishing at printing, maging sa distribusyon noon. Malaki ang naging suliranin sa kalidad ng mga "likha" ng ilang mga artist at ilang manunulat sa pagpasok ng 90's. Ang komersiyal na komiks ay lalo pang naging komersiyal. Dumating na nga sa puntong tinawag na ang komiks na “pambalot ng tinapa.”

Wala akong nais ma-offend o “banggain” na sinuman. Kaya nga batu-bato na lang sa langit, ang tamaan ay huwag magalit kahit magkabukol!!!

Hindi personal o atake ang artikulong ito. Hindi ko gusto na ang artikulo na ito ay magbunga ng higit na kaguluhan at paksiyon, o pagbubuga ng apoy sa bawat kampo. Parang gusto kong maging peace maker! O, di ba? Peace maker talaga. Kaya sana, sa umpisa pa lang ay maunawaan na ng lahat na makababasa nito na ang aking artikulo at mga ipapahayag ay isang constructive criticism lang at hindi pag-atake.

Nasabi ko na o nasagot ko na ang mga isyu tungkol sa mga komiks creator na may “western influence” daw. Sino bang wala nito? Maging ang mga komiks na lumalabas sa "market" na bangketa ay bunga rin ng maka-Kanluraning kamalayan.

Nais kong bigyan ng emphasis na ako ay nagmula sa komiks na ibinebenta sa bangketa. Isa ako sa mga manunulat na sumulpot noong late 80’s at nag-explore sa pagsulat hanggang 90’s mula ATLAS hanggang GASI. Karamihan sa mga komiks publication ay nadalaw ko at napagsulatan ko na noon. At isa rin ako sa pinakahuling manunulat na tumayo at nanindigan noong 2002 sa KISLAP PUB., hanggang sa tuluyan na itong nagsara. Tradisyunal ang komiks noon kaya’t tradisyunal ang aking istilo sa pagsusulat. At hindi ko maipagkakaila, na sa kabila ng aking pagiging “tradisyunal na manunulat” sa panahong iyon, ako man ay humuhugot ng iba’t ibang impluwensiyang maka-kanluran. Noon man, at magpahanggang ngayon.

Ang ilang mga nobela at kuwento na lumabas sa OFW Super Stories, first issue, ang ginawa ko study sa pagsusuring ito. Sinadya kong gamitin ang komiks na ito na ang tanging dahilan ay para lamang sa kapakanan ng makababasa upang kung nais nilang mabasa ng buo ang kuwento ay makakabili pa sila ng kopya dahil nasa “market” ito ngayon.

“Pambihira ka naman Gani, na-in love ka sa isang OIL PORTRAIT?” Rico Bello Omagap – ang oil portrait ay art medium na nagmula sa Kanluran. Kung pagbabasehan natin ang linyang ito, parang napaka-kaswal ng pagkakasabi ng tauhan sa salitang oil portrait. Mararamdaman natin ang salitang ito ay bahagi na ng kulturang Filipino at wala ng ipinagkaiba sa ibang salita na namumutawi sa bibig ng tauhan. Ibig sabihin, ang impluwensiyang ito na mula sa kanluran ay katanggap-tanggap bilang bahagi ng Kulturang Filipino.

“Sa subdivision na kami titira... hindi, sa FORBES PARK!” R.R. Marcelino– Ang nagsasalita nito ay isang lalaki na nanalo sa lotto ng 100 milyon. Ibig sabihin, ang isang taong may ganitong karaming salapi ay nangangahulugang nararapat lamang na maging taga-FORBES PARK na siya. Ang konsepto ng subdivision ay mula sa Kanluran.

“Siyempre naman. Pinakamababa ang ranggo, pero ka-ispar naman ang pinakamataas na tao sa call center...” Carlo J. Caparas- Ang call center ngayon ang pinakabagong negosyo ng mga multi-national corporation na nakapasok sa Pilipinas. Ang call center, tulad ng text messages ay hindi maipagkakailang bahagi na ngayon ng kulturang Filipino dahil ito’y tinangkilik ng mga Filipino bilang pambasang interes at tagasulong ng hanapbuhay sa Pilipinas.

“Matagumpay ang aking digital printing at graphic design company...” Andy Beltran– Pumasok na rin sa kamalayan ng manunulat ang salitang digital at graphic. Batid natin na ang konseptong ito ay nagmula sa labas ng bansa. Ang digital ay nangangahulugan ng mabilis na proseso at ang salitang “graphic design” ay isa sa mga bagong technology na naimbento sa printing.

“Kung saan-saang bansa na ako nakapunta pero ‘di ko talaga malilimutan ang Pilipinas.” Andy Beltran- Cliche na ang linyang ito sa subconcious mind ng mga Filipino, may ganitong paniniwala ang mga Filipino na isang malaking tagumpay at pribilehiyo ang makarating sa ibang bansa, at ang bansang Pilipinas ay isa na lamang bayan na hindi na makakalimutan. Maaaring dahil sa isang masayang alaala o pangit na nakaraan. Kung tatanungin naman kung babalik ba sa Pilipinas ang taong hindi nakakalimot, hindi na siya babalik dahil asensado na siya sa ibang bansa. At ang ganitong pag-asenso ay pinupuri at hinahangaan ng mga Filipino, conscious man o unconcious.

Ang mga linyang ito ay halimbawa lamang at pagpapatunay na maging ang mga komiks na ibinebenta sa bangketa o nasa “market” ngayon ay may maka-kanluraning kamalayan at impluwensiya. Maaaring inaakala lamang ng iba na wala. Pero mayroon. Linya pa lamang ito at hindi pa pinag-uusapan ang context reading. Mas malalim ang context reading dahil ito’y pagbibigay ng iba’t ibang pagpapakahulugan sa konteksto ng isang teksto gamit ang iba’t ibang panunuring pampanitikan.

Pero hindi naman talaga ito ang isyu, ito’y isang study lamang na ginamitan ko ng approach na, “Pagkilala sa Batayang Istruktra at Hulwaran ng Iba’t ibang Genre ng Teksto”, kung saan ang teksto ay isang tala, na nangangahulugan na ang teksto ay naisulat na saksi sa iba’t ibang pangyayaring nagaganap sa tunay na buhay. (2004: Rex Bookstore Publishing) Pagbasa at Pagsulat, Paz M. Belvez, Ed.d et al.

Binigyan ko ito ng puwang dahil sa pagkakaroon ng paksyon o paghahati sa uri ng komiks na lumalabas ngayon sa market. Ito ‘yung sinasabing komiks nga daw ng mga “Western influence people” na ang medium na language ay English at ang komiks sa bangketa na ang konsepto ay mas tradisyunal at ang language medium ay Filipino. Lalagyan ko muna sila ng “tag” para sa mas komprehensibong pagtalakay pero ang “tag” na ito ay hindi nangangahulugan ng depenitibong pagpapakahulugan. Ang isyu sa WK ay hindi raw dapat o nararapat na ituring na isa itong Filipino komiks dahil sa Westernize nga at English ang medium nito. Tutuldukan ko na ang isyu na ito dahil lahat naman ng komiks ay may bahid ng Western influence. At ang English na midyum ay natalakay ko na sa BAKIT DAW BA KAILANGANG GUMAWA NG PILIPINO KOMIKS?

Sisipatin ko naman ngayon ang isyu sa komiks sa bangketa bilang “babasahing pangmasa”. Ito naman ang isyu sa BK. Ang BK daw ay pang-masang babasahin kaya’t hindi nangangailangan ng pagtataas ng antas. Sapagkat kung itataas ay hindi na kayang abutin ng masa at hindi na tatangkilikin ng masang mambabasa. Malulugi na raw ang publisher kaya mamamatay na muli ang komiks.

Ang mga ganitong konsepto ay mga subjective na pananaw rin. Depende kung sino ang tumitingin at kaninong personal na panlasa ito nagmumula (sabi nga ni Roberto Villabona). Depende kung sino ang manunulat o artist. Pero hindi ito totoo sa lahat. Dahil hindi ito totoo sa akin, na ang oryentasyon ay nanggaling sa “tradisyunal komiks” na ibinebenta sa bangketa.

Kung ang kakayahan ng isang manunulat o artist ay eto lamang, hindi nangangahulugan na ang kakayahan ng masang mambabasa ay eto lang din. Hindi raw kasi “maaabot” ng masang mambabasa kung “tataasan” daw ang approach sa komiks. Hindi raw kikita. Ang ganitong pahayag ay isang malaking insulto sa “Filipino readership”. Isang subjective na paniniwala na nagpapalaganap ng negatibong kamalayan. Kung hahainan ang mambabasa ng lugaw, kakain sila ng lugaw na ang sustansiya ay “carbo”. Walang problema sa akin ang lugaw kasi kumakain ako nito. Pero hindi naman puwedeng lugaw ang kakainin ko lang o ang kakainin lang ng mambabasang Filipino. I personally believe na kung hahainan ang mambabasa ng pagkaing punong puno ng “protina at bitamina,” natural mente na kakain din sila nito. Ang paghahain sa mambabasa ng isang “babasahin” ay walang ipinagkaiba sa paghahain ng “pagkain” sa hapag kainan. Ang masarap at malinamnam na pagkain ay higit na kaiga-igayang kainin kaysa sa isang lugaw. Kaya’t kung lugaw ay ihahain ng isang manunulat at artist sa mambabasa, kaninong “utak lugaw” kaya nagmumula ang pagpapalaganap ng ganitong kamalayan?

Kung ang kalidad ng komiks sa usaping pang-printing ang isyu, ay maaari akong makipag-compromise. Kung mahal ang papel, okey lang na gumamit ng mumurahing papel. Puwedeng magtipid sa printing costs kung para lang makatugon sa kakayahan ng bibili ang usapin. Pero hindi nangangahulugan na ang kalidad ng nilalaman nito, ng sensibilidad nito, ng konteksto nito, ay mumurahin din o isang “lugaw” na ipapakain sa mambabasa sa araw-araw na nilikha ng Diyos.

Gusto kong isipin at paniwalaan na ang dapat at nararapat lamang na maging pagkakaiba ng WK at BK ay ang presyo lang ng pagbebenta. Mas mahal ang sinasabing coated at glossy paper at colored printing na WK kumpara sa komiks na ibinebenta sa bangketa. Rasyunal ito at hindi na ito dapat maging tanong. Mahal ang klase ng papel at printing cost, at maaaring mataas ang bayad sa artist at manunulat. Kung bakit may ganitong kakayahan ang isang publisher ng mga WK na magbayad ng mahal o kung anuman ang mga dahilang nakapaloob dito ay ibang isyu na. Pero ang kalidad nang pagkakalikha ng dalawang uri ng komiks, sa drawing, lay outing, editing at panulat, dapat ay magkaka-level ito. Hindi dahilan na “kasi nga mas mahal ang bayad sa mga WK na artist at writer kaya nagpapaganda sila ng trabaho”. Nakakainis ang ganitong pananaw ng ilan. Kung magkano lang ang bayad ay iyon lang ang itinatapat na klase ng trabaho. Hindi nga aangat ang antas ng panlasa ng mambabasa kung laging may ganitong pangharang ang mga artist at manunulat na ayaw magpaganda ng trabaho. Kung pumayag ka sa amount na ibinabayad sa iyo, regardless kung mura o mahal, dapat at nararapat na ibigay pa rin ang 100% ng iyong trabaho. Unless kung iyon lang talaga ang kakayahan mo. Maski sarili mo ay wala nang magagawa doon. Pero kung mayroon pa o may ibubuga pa, bakit naman kailangang ipagdamot ito sa mambabasa?

May kilala akong manunulat sa komiks (hindi ko na babanggitin ang pangalan para sa kanyang kapakanan), ang isang plot at isang premise ay ginagawan niya ng hanggang dalawampung kuwento. Kaya pagpunta niya sa publication ay ang dami niyang isinasabmit. Katuwiran niya, kung 20 ang isinabmit niya at na-reject ang sampu, may sampu pa siya! Kung isa lang ang isinabmit niya at na-reject, wala ng matitira! Kung hanggang saan umabot ang powers ng manunulat na ito, ay hindi ko na alam. Mayroon din akong kilalang manunulat na nabasa ko na ang isa niyang kuwento, nabasa ko ulit ito sa ibang komiks, nabasa ko ng paulit-ulit sa iba’t ibang mga komiks, at hanggang ngayon ay nakabakas pa rin ang ganoong klase ng kanyang kuwento. Maraming maraming marami pang kuwentong ganito. Nakakalungkot isipin kung hanggang ngayon ay mag-eexist pa ang mga ganitong klase ng trabaho.

Eh ano raw ang magagawa nila kung ito ang “patok” sa masa? Siyempre’t ibibigay nila kung ano ang “patok”. Eh sa mura lang naman ang bayad, eh di tapatan lang ng mumurahin at komersiyal na istilo ng pagsulat at drowing. Ito ang mga dahilang paulit-ulit kong naririnig sa mga ganitong klase ng konbersasyon.

Sabi ng isang writer, "kung hindi ka handang magtrabaho ng matino, kung hindi ka solve sa bayad ng publisher sa murang halaga, eh di huwag ka munang magtrabaho. Saka ka na lang magtrabaho, saka ka na lang din kumain."

Hindi lang naman kasi ang klase ng manlilikha ang nababansot ng ganitong pangangatuwiran kundi mas higit na nababansot ang mambabasang Filipino na akala ay iyon lang talaga ang “dapat,” at iyon lang talaga ang “kakayahan” ng mga komiks creator. Kung mayroon pang ibibigay nang higit sa halagang ibinabayad, nararapat lamang na ibigay ito. Marami sa mga artist at writer noon na hindi nakinabang sa kanilang mga art at panulat pero nakapag-iwan sila ng legacy sa kasaysayan ng tao katulad nina Vincent Van Gogh at ang pilosoper na si Socrates. Kaya kapag may nagsabi na “we don’t need another hero!” Ang dapat isagot ay, “We don’t need another trash” na magdadagdag ng polusyon sa tumitinding suliranin sa isyu ng global warming.

"Eh masa nga daw ang babasa. Masa!!! Mahirap bang intindihin na ang komiks ay para sa mass reader? Natural mente na kung mass reader, mababang klase lang, abot dapat ng mga hindi nag-aral! Kung ayaw mong magsulat ng pangmasa doon ka sa pang-burgis! Iyong pang-international ang kalidad, iyong nasa crowd AB! Huwag ka dito!"

Ang ibig bang sabihin nito, gumagawa lang ng matinong trabaho at nagpapaganda lang ng trabaho kapag ang market ay pang-international at ang mambabasa ko ay crowd AB?

But in fairness, hindi ito paniniwalaan, susuportahan at sasabihin ng lahat ng komiks creator. Hindi ko ito sasabihin, susuportahan at mas lalong hindi ko ito paniniwalaan.

Pero sige, let’s give the benefit of the doubt. Gawin nating mas healthy ang isyu. Let’s make it more definite and objective. Puntahan natin ang isyu ng masa o ang tinatawag na “mass reader” na sinasabing nagdidikta ng “patok” na basura, este trabaho pala. Gagawa ako ng isang short study na tatalakay sa isyu na ito sangkot ang “mass reader”.

Ang depenisyon ng salitang “masa” sa diksiyunaryong Filipino ay ito: tumpok, pangkat, pulutong, majority, nakararami, malaking pagtitipon, common people o pangkaraniwang tao, karaniwang mamamayan, manggagagawa, obrero.

Ang pinag-ugatan ng salitang ito:

“In the fourteenth century, masse was borrowed into English from Middle French, which derived it from the Latin noun massa that which adheres together like dough, a lump’. In the sixteenth century, mass took on the sense of ‘a large quantity, amount, or number’. Since about the 1830s, masses has been used to refer to ‘the body of people as contrasted with the elite’. The British prime minister, William E. Gladstone, illustrated this usage in 1886, when he proclaimed “the entire world over, I will back the masses against the classes.” Source: The Merriam-Webster New Book of Word Histories. 1991 by Merriam-Webster Inc.

May denotasyon at konotasyon ang kahulugan ng “masa” sa konteksto ng lipunang Filipino. Ang denotasyon ay mga depenisyong nakapaloob dito ayon sa mga diksiyunaryo, at ang konotasyon naman sa konteksto ng lipunang Filipino ay ang “mahihirap na tao” dahil sila ang mas nakararami. Naitakda na ang konotasyong pagpapakahulugan kung sino lang ang masang nakapaloob dito. At sa kahulugang ito sumakay ang salitang “mass reader”. Marami ang mahirap sa lipunang Filipino kaya’t ang “mass reader” ay mahihirap.

Hahatiin ko sa apat ang social status ng lipunang Filipino. Ang elite, middle class, working class, at mga taong nasa below poverty line. Maaari pa itong madagdagan pero ito lang muna ang gagamitin kong framework sa study na ito.

Ang Elite ay pinakamataas kung social status ang pag-uusapan. Maaring sila’y mga old rich o mga yumamang negosyante. Ang middle class ay ang mga umaasenso mula sa malilit na negosyo o na-promote sa mga managerial position (pataas) na ngayon ay de kotse na o nakatira sa mga magagandang subdivision, may taong may mataas at inirerespetong tungkulin o titulo sa lipunan, ang working class ay ang mga empleyado, guro, manggagawa, magsasaka, driver o atbp. Kasama tayong mga manunulat at artist sa atbp. Mayroon din sigurong ilang manunulat at artist na hindi papayag na sila’y nasa working class. Okey lang iyon. Nasa kanila iyon. Ang pinakamababang estado o kalagayan ng tao sa lipunan ay kapag nabilang siya sa tinatawag na below poverty line. Maaring ito iyong mga naninirahan sa eskuwater, smokey mountain, kariton, kalsada atbp. Maaaring subjective ito dahil naniniwala ako na minsan ay mas marami pang pera ang mga taga-eskuwater kaysa sa isang empleyado na maraming “loan” sa mga loan shark bank. Kaya ang depenisyon ng pagiging isang “mahirap” ay nasa mismong tao at sa kung ano ang kakayahan, pag-aari at mayroon sila sa lipunang ito.

Ngayon, ang tanong ay ito: Sino ang tinutukoy na “mass reader?”

Ang “mass reader” ba ay nagmumula sa elite hanggang below poverty line? Ang “mass reader” ba ay mula sa middle class hanggang below poverty line? Ang “mass reader” ba ay mula sa working class hanggang below poverty line? O ang tinutukoy ba talagang “mass reader” ay iyong mga taong ang kalagayan sa buhay ay nasa below poverty line.

Kapag daw kasi gumawa ng komiks na pangbangketa, ang target market ay masa, o ang “mass reader” at ang tinutukoy ngang masa ay ang mga “mahihirap”. Kasi nga daw ang masa ay kung sino ang nakararami at ang nakararami sa atin ay ang mga “mahihirap”. Kung mahirap ang “market” hindi puwedeng taasan ang antas ng panulat o ang mismong komiks sa bangketa dahil marami ang hindi nakakaintindi at hindi nakapag-aral. Hindi ito maa-appreciate. Hindi ito maiintindihan ng babasa.

Pero kung nakapagbabasa sila, paano nangyari na hindi sila nakakaintindi?

Mahirap nga daw makaunawa kasi hindi nag-aral. So, ang isyu dito ay hindi ang pagbabasa per se kundi ang kakayahang makaintindi sa binabasa o kung ano lang ang gustong basahin ng mambabasa na ayon sa abot ng antas ng edukasyon at kamalayan nila.

Pero wala na bang ibang paraan para hindi “mabansot” ang kakayahan ng mambabasang makaunawa? Marami.Maraming paraan na maihahahatid natin ang kuwentong komiks natin sa mambabasa nang hindi nakokompromiso ang kalidad ng trabaho natin.

Isa pang isyu, kung mahirap ang daw ang “market”, siyempre’t ang presyo ng iyong komoditi ay “bagsak presyo” o ‘yung kaya lang bilhin ng isang mahirap na tao. Ang sampung piso hanggang kinse pesos na presyo ng komiks ang sinasabing kaya ng bilhin ng isang mahirap na tao. Kung iyon lang ang presyo, kailangan ng “mass production” para kumita naman ang publisher. At kapag daw sinabing mass production, ito ay mayroong “low quality”. Period. Wala ng maraming usapan. Pero ito ay isang malinaw excuse lang para bigyang katuwiran ang mga “low quality” na babasahin. In and out.

Paano ang mga hindi mahihirap na tao na gustong bumili at magbasa ng komiks na bangketa? Dahil ba sa hindi sila “sakop” sa depenisyon ng “masa” sa konotasyong pagpapakahulugan nito ay wala na silang karapatang bumili ng mura? Paano ang isang batang namumulot lang ng basura pero nag-aaral naman siya at kaya niyang umintindi ng babasahing ito kaya gusto niyang bumili at magbasa ng sinasabing isang Westernized komiks? Hindi ba siya dapat pagbilhan? Pagsasabihan ba siyang “iho, huwag ‘yan ang bilhin mo dahil hindi iyan ang komiks na para sa iyo.”

Sa totoo lang, nagkakaroon lamang ng kategorisasyon ang “mambabasa” sa usaping pang-ekonomiya. Itinatakda agad kung sino ang may kakayahang bumili at hindi kung sino ang gustong bumili. Iniisip agad kung sino ang babasa at hindi kung sino ang makakabasa. Iyon ang nagiging pamantayan ng “paglikha” kaya’t gumawa ng ganitong kategorya para sa “mababang klase” ng mambabasa.

Ang paniniwalang ito ay pagsuporta at pagsusulong ng diskriminasyong nagtatakda bilang “mababang klaseng mambabasa” ang mga mambabasang Filipino. At kung may kakayahan ang isang komiks creator ngayon, na iangat ang kalagayan ng “mas nakararaming” mambabasa, sa pamamagitan ng “intelektuwalisasyon” ng kanyang “likha”, ito’y napapanahon na. Dahil nasa “market” na ulit ang sinasabing komiks na pang “bangketa”.

Kaya’t hindi isyu ang salitang masa o ang “mass reader” para magpaganda ng trabaho. Kapag ang isang babasahin ay nai-publish na, ito ay “accesible” na sa market at ito ay para sa lahat na ng uri ng tao. Bilang komiks creator, may pananagutan tayo sa mga “nilikha” natin na pumapaloob sa kamalayan ng mambabasa (mula sa pinakamataaas na social class hanggang sa pinakamababa. Ito ay nagiging daluyan ng kamalayang Filipino at kinikilala bilang kulturang Filipino. Bilang komiks creator, ibinibigay natin ang karapatan ng pagbabasa sa lipunang kinapapalooban o sa lipunang nagmamay-ari na ng “likha” natin. Mula sa pinakamayaman hanggang sa pinakamahirap na tao sa loob ng lipunang ito, ay may karapatang magbasa ng isang komiks na ibinebenta sa bangketa o ang komiks na sinasabing may westernized concept. May karapatan ang sinuman na bumasa ng matinong babasahin, mura man o mamahaling komiks. Walang karapatan ang sinumang manunulat, artist o manlilikha sa komiks na magtakda sa kung ano lang ang dapat basahin ng isang mahirap na tao na sinasabing “mass reader”.

“Hindi nililimita ang isang babasahin para sa isang partikular na grupo o klase ng mambabasa lamang. Dahil ang kapasidad ng utak ng taong umunawa ay hindi rin nalilimitahan.” Ayon sa isang diskusyon ni Prof. Leslie Navarro sa Kulturang Popular, NCBA, 2007.

Ito’y isang malaking hamon sa ating lahat, at bilang isa sa mga “tradisyunal na manunulat” sa mga bangketa komiks ay mauuna na ako sa pagtanggap ng hamon na ito, kasama ang aking mga kaibigan at kasamahang nagsusulong ng ganitong kamalayan at konsepto. Sana’y may mga kasama pa kami. At may mga kasunod pa kami.


P.S. Magkakaroon po tayo ng workshop online para sa mga manunulat ng komiks. Welcome po ang lahat!!! May bukol man o wala. Hehe. Peace tayo!

Monday, September 24, 2007

LOVE 101. IF I SING YOU A LOVE SONG (Best to read while listening to this song)

Umiiyak ako sa tuwing naririnig ko ang kantang ito. Naaalala ko kasi ang bestfriend ko. Sa mga hindi nakakaalam o nakakakilala sa kanya, carbon copy siya ni Johnny ng Korean Drama na Endless Love.

Siya ang bestfriend ko na nakasama ko sa lahat ng ups and downs ko, ang nakaunawa sa mga pinagdaanan ko. Ako din ang bestfriend niya na nakasama niya sa kanyang mga ups and downs, ang nakaunawa sa mga pinagdaanan niya. Lahat na ata ng taong nakilala at na-involve sa amin noon ay nagselos sa klase ng friendship na mayroon kami. Higit pa sa magkapatid ang naging turingan naming dalawa. Walang makapaniwala sa pinagsamahan naming dalawa. Hindi kami kayang paghiwalayin ng panahon kung ang pinagsamahan namin ang pag-uusapan.

Siya lang ang lalaking nakatabi kong matulog sa kama, nang walang malisya. At alam iyon ng nanay ko kasi nalasing kami sa pag-iinuman sa bahay namin. Kung uminom kami ng kape o beer ay sa isang baso lang. Share kami lagi sa yosi sa katuwirang ayokong maging chain smoker. Comment pa ng mga kaibigan namin, siguro daw ay pareho kaming wet kisser kasi basang basa ang butt ng yosi. Siya 'yung kapag sumuweldo sa trabaho ay nakukuha ko ang lahat ng suweldo kapag kailangan ko ng pera. Siya rin 'yung kapag nakikipag-date ay sa akin humihingi ng pang-date. Siya 'yung kasabay kong matutong mag-drive ng kotse at nagtuturuan kami kung paano kami hindi mababangga sa Cubao dahil kapwa wala kaming lisensiya. Siya 'yung nagsalba sa buhay ko minsang akala ko ay mamamatay na ako at nagsabing huwag akong mamamatay dahil nandiyan pa siya. Siya 'yung napupuyat habang naghihintay sa kotse kapag inaabot ako ng madaling araw sa trabaho noong nagsusulat pa ako sa tv, para lang ipag-drive ako, maka-move on at makapagtrabaho uli. Siya 'yung nayayakap ko at nakakaiyak ako ng isang klase ng iyak na parang wala ng bukas. Siya 'yung nasa tabi ko isang umagang nagising ako at narealize ko na maganda pa ang buhay.

Ginawa ko rin sa kanya ang mga ginawa niya sa akin noong siya naman ang na-depress. Tuwing umaga ay lasing ako dahil lasing siya. Tuwing umaga ay nasa tapat ako ng bahay nila para samahan lang siya. Pinakinggan ko ang lahat ng kuwento niya. Pinakinggan ko ang lahat ng love song na pinatutugtog niya. Para akong naging nanay, kapatid, kaibigan, girlfriend, at lahat lahat sa kanya. Minsang sumugod siya sa bahay namin na lasing, umiiyak at nagwawala at sinasabing “Lumabas ka d'yan! Kausapin mo ako!” Sabay hagulhol ng iyak. Noon din ay lumabas ang nanay ko at sinabihang “Magtigil ka d’yan sa pag-iyak at hahambalusin kita!” Inaaway niya ako sa paraang gusto niyang awayin ang babaeng nanakit sa kanya. Iniiyakan niya ako sa paraang iniiyakan niya ang babaeng umiwan sa kanya. Basta para sa kanya, kailangang nariyan lang ako at nakikita niya ako, habang nasasaktan siya.

Sa tuwing may nakakarinig ng kuwento namin ng bestfriend ko, akala ay may gusto kami sa isa’t isa. Isang ngiti lang ang sagot ko. Oo, mahal ko siya bilang isang matalik na kaibigan. Walang puwedeng kumuwestiyon niyon. At alam kong mahal din niya ako bilang isang matalik na kaibigan din. Nag-share kami ng lahat ng klase ng pagmamahal at pag-ibig sa loob ng aming mga puso.

Hanggang isang araw, araw na ng kasal niya. Walang mag-aakalang hindi ako dadalo sa kasal niya. At mas walang mag-aakalang iiyakan ko ang araw na iyon. Three days na pag-iyak, walang patid. Sabi nga ng nanay ko, tumigil na raw ako sa pag-iyak. Para daw akong pinagtaksilan ng panahon. Pero masahol pa doon ang pakiramdam ko. Wala nga akong natatandaang iniyakan kong kasal maliban sa kanya.

Mula noon, lagi ko siyang ikinukuwento sa malalapit na kaibigan kapag may pagkakataon. Ikinukuwento ko ang araw ng kasal niya na akala mo’y namatayan ako, may pitong taon na ang nakakaraan. Ikinukuwento ko ang kantang If I Sing You A Love Song, na hindi na ata lilipasan ng kahulugan sa buhay ko.

Kasalanan ito ng isang umaga na nasa tapat kami ng bahay nila. Bahagi ng pagtambay namin sa araw araw na magpatugtog ng mga love song at mag-emote. Pinatugtog niya ang If I Sing You A Love Song, sabi niya sa akin bagay daw sa amin ang kantang iyon, kasi daw, kami ‘yung klase ng taong pag nagmahal, wala na ‘yung taong minamahal namin pero patuloy pa rin naming minamahal kahit sa pamamagitan ng kanta, o ng isang love song... sabay patak ng luha naming dalawa. Ganoon kami ka-senting dalawa.

Love songs lasts longer than lovers ever do... so baby let me sing a love song for you... love songs don’t leave you, but lovers often do... oh baby I’m afraid it could happen to me and you...

Ngayon sa tuwing naririnig ko ang kanta ito, gusto ko siyang awayin, gusto ko siyang sumbatan, gusto kong ibalik ang panahong magkasama kami para sagutin niya ang tanong na ito, anong love song ang puwede kong pakinggan na hindi ko na siya maaalala pa?

Saturday, September 22, 2007

BAKIT DAW BA KAILANGANG GUMAWA NG PILIPINO KOMIKS?

Sinadya kong gawing blog ang sagot sa mga katanungan ni Robby sa akin. Mga katanungan na may kinalaman ang komiks, sangkot ang pagka"Pilipino" ng isang "komiks creator" at kanilang mga "likha". Isa itong hamon at isyung panlipunan sa kasalukuyang panahon na sa aking palagay ay kailangang masagot para sa kapakanan ng mambabasa at makababasa lalo na ang mga taong may direktang kinalaman sa kalagayan ng komiks ngayon.

TANONG: Ano po ang inyong masasabi tungkol sa isyu ng ilang mga 'English" or "Western" oriented Filipino comics artist na sa panahon ngayon ay wala na, o mahirap nang magbigay ng depinisyon kung ano ang ibig sabihin ng "Pilipino"? Na dahil nga sa mahirap nang magbigay daw ng depinisyon kung ano ang Pilipino, okey lang daw na ang salita ngayon sa Pilipino comics e ENGLISH at ang tema at milieu nito ay maaaring hango sa America at ibang western media. "Art" lang daw kasi ito and art is UNIVERSAL; walang kinikilalang nationality.

Unang una, nalito ako sa tanong, ano ba ang tanong? Filipino comics artist ba ang isyu o ang Filipino comics per se? Kung ang depinisyon naman ng “Pilipino” ang itinatanong sa akin, nasa lahat ng Filipino dictionary ang sagot.

Pero palalalimin ko ng bahagya ang isyu at lalawakan ang mga perspektiba kung saan nakukuwestiyon ang integridad at pagka"Pilipino" ng mga "Komiks creator" na may western influence. Uunahin kong sagutin ang tanong na mahirap daw magbigay ng depinisyon kung ano ang Pilipino. Ang depinisyon ng Pilipino ay hindi nakasentro lamang sa tradisyunal o conventional na Pilipino. Pumapaloob ang depinisiyon at kahulugan nito sa modernong Filipino, kung saan gumagamit tayo ng titik F bilang manipestasyon ng moderno o makabago(kabilang na ang tradisyunal at modernisasyon) ng kulturang Filipino. Ang Filipino ay pambansang identidad natin bilang isang mamamayang naninirahan sa Pilipinas. May Pambansang Wika na Filipino na nagsilbing “Lingua Franca” sa iba’t ibang lokal at rehiyunal na nasasakupan ng Pilipinas. Hindi tayo tatawaging Filipino kung hindi bahagi ng kultura natin ang adobo, spaghetti, salad, hamburger, pansit, shawarma at kung anu-ano pang pagkain na nakarating na sa teritoryo ng Pilipinas. Hindi tayo tatawaging Filipino kung wala tayong Filipino dub na mga Korean drama, Mexican Drama, Anime at kung anu-ano pang palabas sa telebisyon na nagbuhat sa iba't ibang panig ng mundo. Hindi tayo tatawaging Filipino kung wala tayong komiks na nagmula rin sa impluwensiya ng kanluran. Kaya’t ang pinakaubod (innermost) na pinagmulan ng kahulugan ng Filipino ay nagmumula sa pinagsama-sama at pinaghalo-halong lahi mula sa mga etniko, rehiyunal, iba’t ibang impluwensiyang kanluranin at maging impluwensiya sa iba’t ibang bansa sa Asya at Gitnang Silangan. Ang kabuuan ng mga impluwensiyang iyan ay ang tinatawag na Filipino ngayon.

Kung ang Filipino comics artists na western oriented ang isyu, hindi ko rin kinukuwestiyon ang kanilang integridad at mga umiiral maka-kanluraning kamalayan. Hindi maiiwasan na magkaroon ang mga Filipino ng orientasyong maka-Kanluranin. Tulad ng aking unang nasabi, pinalaki at pinayabong ang kamalayan at idelohiya ng lipunang ito ng iba't ibang impluwensiya na nagmula sa loob at labas ng bansa. Nakaugat sa kasaysayan ng Pilipinas na tayo ay ilang beses nang na-colonize ng mga dayuhan, kasama na rin dito ang wika. Mas malalim ang pinag-ugatan ng west culture sa atin, sapagkat hindi lamang physical or territorial conquership ang namayani kundi pati mental at spiritual na hanggang ngayon ay nananalaytay sa dugo ng bawat Filipino. Ideological State Apparatus ang tawag dito. Nasa kamalayan na ng pagiging isang Filipino ang halo-halong oryentasyon mula sa Kanluran. Bukod pa sa hindi rin mapipigilan ang mabilis na ugnayang global ng bawat bansa kasama na ang Pilipinas bilang tagatangkilik ng mga produktong dayuhan.

Kung Filipino comics per se naman ang usapin, maaring makakuha ng iba’t ibang ideya at estilo sa anyo (form) mula sa mga dayuhan ngunit ang nilalaman (content) nito ay nagde-depict ng kulturang Filipino. Ang komiks o anumang pop lit ay culture bound. At ano ba ang tinatawag na kulturang Filipino? Nakaugnay ito sa paniniwala, pang-araw araw na buhay sa isang lipunan, mga impluwensiya sa loob at labas ng bansa (mula sa impluwensiya ng pagsusuot ng bahag hanggang sa pagsa-surf sa internet, mga taong nagmula sa iba’t ibang panahon at lugar na nakaimpluwensiya sa sitwasyong panlipunan ng Pilipinas, iba't ibang pilosopiya, edukasyon, atbp. At gaya ng nasabi ko sa una pa lang, may malaking kinalaman at kaugnayan ang kasaysayan sa mga bagay na tinatangkilik ng lipunan. At anumang bagay na tinangkilik ng lipunang ito ay bahagi ng kulturang Filipino.

Ang milyu ay maaaring maganap kahit saang bahagi ng mundo, at maski sa ibang dimensiyon pa nga. Malaya ang sinumang “creator” na lumikha ng kanyang milyu. Ang tawag diyan ay “creative license”. Iyon nga lang, kahit may kalayaan tayo sa pamamagitan ng tinatawag na “creative license”, hindi nangangahulugang mawawalan ng logic ang isang manlilikha. Lumilikha ang manunulat o artist ng mundong ginagalawan ng mga tauhan na naaayon sa kanilang mga karakter at klase ng kuwentong nakapaloob dito. Mga klase ng tauhan na universal. At kung sakaling tangkaing i-deconstruct ang isang tauhan tulad ni Darna na napunta sa loob ng karakter ni Zaturnnah ni Carlo Vergara, ay isang lohikal at kahanga-hangang tagumpay. Ito po'y pagbasa ko lamang (sa punto ng dekonstruksiyon) with due respect sa magaling na creator ng Zaturnnah. Walang problema kung gagamitin ang istilo ng dekonstruksiyon sa milyu at tauhan hangga't malinaw kung saang convention nanggaling at nakapaloob ito.

Sa usaping pangwika, katanggap-tanggap sa atin at maging sa buong mundo ang wikang English bilang “Lingua Franca”. Ito ang sanhi at bunga kung bakit "taglish" magsalita ang mga Filipino. Kung paano tayo magsalita ay ganoon din tayo mag-isip. At kung paano tayo mag-isip ay ganoon tayo magsulat. Kaya’t pilitin man ng isang Filipino na magkapa-purista upang matawag na nasyonalista o makabayan ay mahirap itong mapagtagumpayan. Magkagayunman, maski English language pa ang gamitin ng isang manunulat, alalahanin natin na may tinatawag na Filipino English na may malaking kaibahan sa American English. Lulutang at lilitaw ang kaibahan ng gawang Filipino sa komiks sa pamamagitan ng kultura. At ito ang magpapakilala kung ano ang Filipino Komiks.

Hindi nangangahulugan na ang pagtangkilik ng Western culture o art ay katumbas ng pagiging hindi makabayan. Karamihan sa ating “national artist” tulad ni NVM Gonzales ay gumagamit ng wikang English bilang medium ng pagsulat. At maging ang “national artist” na si Napoleon Abueva ay gumagamit ng medium ng Western art na sculpture. Ang mahalaga ay “makalikha” ng isang Komiks na lulutang at maipagmamalaki ang kulturang Filipino kahit ang istilo pa ng drawing nito ay anime at ang language ay English. Ang mahalaga ay ang intensiyon ng isang indibiduwal na paunlarin ang sarili bilang isang Filipino na maipagmamalaki at makakasabay sa pagsulong ng pandaigdigang globalisasyon

TANONG: Kung gayon, ano bang klaseng comics ang magiging resulta kung ang manlilikha nito ay litong-lito o walang pakialam sa kahulugan ng "Pilipino"?

Para sa akin ay subjective ang pananaw at tanong na ito. Maaring ito’y base lang sa sariling obserbasyon, kinalakhang oryentasyon o grupong kinabibilangan ngunit hindi ito maaaring gawing batayan ng isang objektibong pagsusuri o pangkalahatang bisyon. Marami sa manlilikha ng komiks, at kabilang ako sa mga hindi nalilito kung ano ang kahulugan ng “Pilipino”. Marami sa manlilikha ng komiks, at kabilang ako na may pakialam hindi lamang sa kahulugan ng salitang “Pilipino” kundi sa kung paano ang maging isang Filipino.

Sasagutin ko pa rin ang tanong na "ano bang klaseng comics ang magiging resulta kung ang manlilikha nito ay litong-lito o walang pakialam sa kahulugan ng "Pilipino"? Ang magiging resulta ng komiks ay kung sino ang babasa o magiging mambabasa nito. At sino nga ang babasa o magiging mambabasa ng komiks sa kasalukuyang panahon? Nararapat na ito ang unang isaalang-alang ng sinumang komiks creator. Alamin kung sino ang tatangkilik upang ang resulta ng komiks ay umayon sa pangangailangan at kahingian ng mambabasa.

Kung ang makalumang form and content ang lalabas sa mga isyu ng komiks ngayon tulad ng mga tradisyunal komiks noon, sino ang reader? Malamang ay kung sino rin ang mga tumangkilik noon na napako sa pagiging "tradisyunal". Walang problema sa pagiging isang tradisyunal, basta't ang mahalaga'y nakakatugon pa rin ito sa pangangailangan ng kasalukuyang panahon.

Ang pop lit ay mayroong vice-versa na ugnayan o relasyon sa mababasa nito. May tinatawag na Reader’s Response Theory. Manunulat-Mambabasa, Mambabasa- Manunulat. May malaking role na ginagampanan ang mambabasa. Sila ang nagdidikta kung ano ang marketable o saleable. Law of supply and demand lang ‘yan. Kung maraming mambabasa ang tumatangkilik sa isang partikular na genre, tema, language o milyu, ibig sabihin ay ito ang reflection kung anong klase ng lipunan at kulturang kinabibilangan ng manunulat at mambabasa.

Ang pinag-uusapang "market" o mambabasa ay ang kasalukuyang panahon. Kaya't ang isaalang-alang nating mga mambabasa ay ang mga kabataan ngayon. Ang mga kabataan, na ngayon ay advanced ang imahinasyon at futuristic kung mag-isip. Hindi lamang sila concern sa visual kundi pati na rin sa nilalaman ng kuwento. Malaki ang naiambag ng makabagong teknolohiya tulad ng computers, internet, anime, 3D graphics na cartoons, play station, xbox, atbp., upang maging mapaghanap at selective ang mambabasang kabataan. May naka-set na standard sa kanilang mga isipan at kamalayan bunga ng pagpasok ng mga bagong teknolohiya at imbensiyon. Alam nila kung ano ang katanggap-tanggap sa kanilang panahon. Mahalagang pumasok ang salitang INOBASYON sa komiks creator ngayon upang makapaghain ng kabaguhan sa mga mambabasang kabataan. Kinakailangan ng inobasyon sa paglikha ng kahit anong sulatin sa paraan man ng form o sa content kasama na dito ang language. Language is just a medium, kahit ano pang language ang gamitin ay puwede kung may mambabasang tatangkilik nito. Maaari ito sa wikang Filipino, Cebuano, Ilocano, at iba pang wika at dialekto sa Pilipinas. Basta't ang mahalaga'y magkaroon ng inobasyon sa istilo ng anyo at nilalaman ng komiks na hindi magsa-suffer ang kultura at pagka "Pilipino" ng isang Filipino, sa halip ay makapagsusulong pa nga (tulad ng aking naunang sinabi) ng sarili bilang isang Filipino na maipagmamalaki at makakasabay sa pagsulong ng pandaigdigang globalisasyon.

TANONG: Ano nga ba ang Pilipino Komiks?

Ang Pilipino Komiks noon ay defined na. Sa katunayan ay nawala na nga ito sa market. Ang Filipino Komiks ngayon ay nag-e-explore pa at naghahanap pa ngayon ng sariling “identidad”. Bukas ito sa maraming pagbabago, eksperimentasyon, option at inobasyon. Depende sa magiging reaksiyon at response ng mambabasang tatangkilik.


TANONG: Bakit ba kailangang gumawa ng PILIPINO komiks?

Sabi mo nga, ART is UNIVERSAL. At ang bawat manlilikha ng sining in general ay may lisensiya na lumikha ng kanyang obra dahil sa Freedom of Expression. Bakit naman hindi puwedeng magkaroon nito ang isang Pilipino man o Filipino?

According sa isang aklat, "Art is situated within society and history. To distinguish and evaluate aesthetic and cultural positions in the light of our needs and interest; to privilege the Filipino point of view in art and cultural studies, thereby contributing to the development of our national culture and art. At the same time, we do not lose sight of the international perspective which includes contributions, influences, as well as the interaction of forces and interests from within and without."
-Art and Society, 1997 University of The Philippines


TANONG: Para kanino ang Pilipino komiks?

Inuulit ko, ang komiks ay culture bound, kung bahagi ka ng kulturang Filipino, ang komiks ay para rin sa iyo.


Mahaba-haba ang blog na ito at sana'y nasinsin kong mabuti ang mga sagot sa katanungan ni Robby. Sana’y malinaw kong nasagot ang mga isyu na nakapaloob dito. Hindi ko siya kilala ng personal kaya’t hindi ko alam ang kanyang paniniwala, oryentasyon, pinanggagalingan at dala-dalang mga bagahe. Ngunit nagpapasalamat ako ng malaki sa mga tanong niyang mapanghamon at sa pagkakataong makapagbigay ako ng kasagutang mapanghamon din sa pamamagitan ng espasyong ito.


Glady Gimena po, at your service!

LOVE 101. CLOSURE

May nagtanong sa akin na isang espesyal na kaibigan. Naniniwala ka ba sa closure? Sabi ko depende. Minsan effective ang maayos na break up ng dalawang tao, anumang klaseng relasyon mayroon sila. Magboyfriend man, magka-live in, mag-asawa at kahit magbestfriend lang. Magkakaiba naman kasi ang level ng mga relasyon. Magkakaiba rin ang klase ng pinagsamahan ng dalawang tao kaya’t hindi puwedeng magkakapareho ng paraan ng paghihiwalay. Mayroong paghihiwalay na sobrang sakit, mayroong masakit lang at mayroon namang ayos lang. Kaya para sa akin, ang closure ay depende sa taong na-involve sa isang relasyon.

Isang araw, iniwasan na ako ng espesyal kong kaibigan. Nabalitaan ko na lamang na magpapakasal na siya. Nasaktan ako. Sabi ko, puwede naman niyang sabihin sa akin na “tapos” na kung anuman ang mayroon kami. Kasi maski ako ay naguguluhan sa set-up ng relasyon namin. Parang kami, na parang hindi naman. Basta mag-“MU” lang kami. Nag-let go na ako kung iyon ang gusto niyang mangyari.

Nag-move on ako. Ano pa ba ang magagawa ko bukod sa tanggapin ang nangyari sa amin? Dalawang taon ang lumipas. Nabalitaan ko na hindi siya nag-asawa at nangibang bansa na siya. Kagabi ay napanaginipan ko siya. At sa aking panaginip ay nag-break daw kami at tinapos na namin kung anuman ang namagitan sa amin. Umiyak ako ng umiyak sa aking panaginip. Ito iyong klase ng paghihiwalay na “sobrang sakit” maski sa panaginip lang nangyari. Umiiyak pa nga ako ng nagising na ako.

Ngayon ko na-realize kung bakit sa panaginip lang kami nag-break o nagkaroon ng closure. Isang panaginip lang pala ang mahalin siya.

Friday, September 21, 2007

ANG KOMIKS NGAYON, BOW!!!

hi randy,

tama ka sa obserbasyon mo na ilan lang o baka walang tsansa ang mga umaasa na short story writer na maka-penetrate sa komiks na nasa market ngayon. okey ang naging panawagan mo na sana ay magkaroon ng isang komiks na maaaring gawing "pandayan" ng mga manunulat ng henerasyong ito.

"manunulat ng henerasyong ito", ayokong tawaging "baguhan" ang mga manunulat ng henerasyong ito dahil subjective ito. ang baguhan na kadalasan na itinuturing ay iyong nasa edad na late 20's hanggang early 40's. kung mayroon mang nasa edad na early 20's ay mangilan-ngilan lang at marahil ay may karanasan na rin naman sa pagsulat sa ibang genre. naniniwala ako na sakop din sa tinatawag na "baguhan" ay yung mga hindi nagsisikat noong 90's. eto ang napapansin kong pamantayan ng pagtawag sa "baguhan" at sa pagtuturing kung sino ang hindi baguhan. halimbawa sa generation na pumasok noong late 90's, pakiwari ko'y tatawagin pa rin silang baguhan maski sangkatutak na mga obserbasyon at pag-aaral ang kaya nilang sabihin o i-share para sa ikauunlad ng komiks. wala naman kasing tunay na baguhan na ngayon pa lamang magsusulat ng kanilang unang script. kundi baguhang nagsisimula ulit ng kanilang mga career sa mundo ng komiks at naghahangad ng pagkakataong sila naman ang "sumikat". natatawag lamang silang baguhan dahil sa "rate". kapag binigyan ng mababang rate, baguhan daw kasi. maski nagsulat o nagdrawing na noong 90's pa.

ang mas gusto kong bigyan ng papuri, puna, at panunuri, ay ang mga nailabas na kuwento sa 5 komiks ngayon. gusto kong bigyan ng mas malalim na pag-aaral kung saan na nga ba nakarating ang itinuturing nating batikang manunulat at kung maisasalba pa nga ba nila ang komiks kung ang pagsusulat ng nobela at kuwento ang pag-uusapan. higit sa lahat, dapat din nating tingnan na ang pag-unlad ng komiks ay nasa kamay rin ng mga mambabasang tatangkilik nito. paano ba sila nag-react o magre-react sa mga ganitong istilo ngayon ng pagkukuwento? katanggap-tanggap ba ito sa kanila? magiging kritiko ba sila? nais ko ring bigyan ng pansin kung umunlad na ba ang kamalayan o tumaas ba ang panlasa ng mambabasa mula ng magsimula ang komiks noong 40's hanggang sa kasalukuyang panahon. o baka nga tuluyang nabansot na. ang pagsagip sa komiks ay hindi lamang kasi nasa kamay ng mga "creator", higit sa lahat ay nasa kamay ito ng mga tatangkilik na mambabasa. sana ay abangan mo ito blog ko ito.

glady


Eto ang comment ko kay randy sa kanyang blog re-MAY FUTURE NGA BA? mahaba-haba ata ang comment ko. parang blog ko na rin, hehe. anyway, salamat sa blog ni Randy dahil nakapag-komento ako at may pasisimulan akong talakayin tungkol sa komiks.

Sa totoo lang ay masyadong sensitibong isyu o paksa sa akin ang komiks ngayon. marami ang hindi nakakaalam (mayroon din namang ilang nakakaalam) kung ano ang tunay na pinagdaanan ko, (naming tinawag na tatlong itlog sa komiks, ako, tita josie at tita opie). hindi ito sagot o sentimiyento sa kung ano ang nangyari. sa totoo lang, hindi ko pa alam kung kailan namin tunay na babasagin ang aming pananahimik tungkol sa mga isyung nasangkot ang "tatlong itlog!" hindi ko pa ito ngayon tatalakayin. (baka bukas pa. hehe.)mas pinili naming manahimik, pero hindi namin pinag-usapang manahimik kami. isinusulat ko nga ito nang hindi nila alam at sana'y hindi sila magalit sa akin na nabanggit ko ang pangalan nila bilang nga starring sa "tatlong itlog". marahil ay kapwa lang kami nagpaka-professional at ayaw naming magbigay ng kalituhan, paksiyon o magdagdag ng sentimiyento sa mga nangyari. pero kung isang araw, ay hihingin ng pagkakataon na pagsalitain ako tungkol sa isyu, tatayo ako at hahawak ng mikropono para magsalita(hindi second opinion lang) kung ano ang kailangang marinig ng mga taong sangkot at nagsasangkot-sangkutan lang tungkol sa mga isyu. isa lang naman ang gusto kong ipaliwanag sa lahat, kung paanong kami nina tita opie at tita josie ay tinawag na "tatlong itlog" sa isang poison letter (isang poison letter na kumukuwestiyon sa layunin naming ibalik ang komiks sa Pilipinas) habang may advocacy kami na pataasin ang antas ng panulat sa komiks sa buong Pilipinas sa ilalim ng pangangasiwa ng komiks kongres (noon) at sa tulong ng KWF at NCAA. at kung paanong ang mga taong tumawag sa amin nito at nagpadala ng nasabing poison letter ay "nakikinabang" ngayon sa komiks. kung paano ito nangyari? bwahahahahaha! hindi ko alam.

pero sa kabilang banda ay baka nga mas tamang ituloy na lang namin ang pananahimik. baka nga mas tamang gawing dead issue na ito. nabanggit ko lamang ito para sabihin at patunayang "hindi sa isang pananahimik" lamang natatapos ang tunay na laban. hindi mamamatay ang aming advocacy na "itaas ang antas ng panulat sa komiks" dahil lamang sa "iilang" personalidad na taliwas ang advocacy sa amin. o dahil lamang sa isang "poison letter". kaya nga ako gumawa ng blog ay upang ipagpatuloy ang advocacy naming ito. mahal po namin ang komiks at mga taga-komiks! iyan po ang tunay na niloloob ng "tatlong itlog". magkakarugtong po ang mga mga puso't bituka namin kung usaping pang-komiks ang pag-uusapan.

sa pagkakataong ito ay mas nais kong pagtuunan ng pansin ang komiks at ang kalagayan nito sa panulat, gayundin ang mambabasang tatangkilik at babasa nito. nakita ko ang pangangailangan ng isang objective na pagtalakay sa kalagayan ng komiks ngayon. bilang isang manunulat ng pop lit (kabilang na ang genre ng komiks), bilang guro sa panitikan, pop lit at wika, bilang isang iskolar ng bayan na patuloy na naghahangad ng kabaguhan at higit na kabutihan, bilang isang mambabasa na magpapatuloy magbasa at magsusulat (komiks man o mga disertasyon), at bilang isang tao na bahagi ng lipunang sangkot sa mga sistemang umiiral, nais kong pagtuunan ng pansin ang mga kuwento/ nobela kung paano ito nagdudulot ng epekto sa "stream of conciousness" ng isang mambabasa. positibo o negatibo man ito, mahalagang talakayin ito upang higit na maunawaan ang kalagayan ngayon ng panulat ng mga manunulat at ang epekto ng kanilang mga isinusulat sa kamalayan ng mambabasa. ang komiks ay popular na babasahin at accessible ito ngayon sa market. lahat ng uri, antas, gender, edad ng tao ay maaaring makabasa nito. mahalagang maunawaan ng mga manunulat ng komiks (in general)kung anong klaseng "readership" mayroon ang panahong ito upang ang panulat ay higit na makatugon sa pangangailangan ng mambabasang mayroon ang lipunan at henerasyong ito.


MAGPAPATULOY PO ANG PAGTAKALAY KO SA MGA LUMABAS NA NOBELA AT KUWENTO SA MGA SUSUNOD NA ARAW...

Wednesday, September 19, 2007

TIPS OF THE DAY (ang milyu ng horror)

ang horror stories ay biswal. mas biswal, mas may pangangailangang maging detalyado sa deskripsiyon sa lugar, panahon, oras, ambiance, temperatura, at mga tauhan. at upang higit na maging biswal ang pagkukuwento ng horror ay kailangang ng maingat na pagpili ng milyu o tagpuan. sa mga pelikula ay nangangailangan ng isang location shooting. halimbawa'y mga barriotic scene para sa mga konsepto ng asuwang, manananggal, mangkukulam, kapre atbp. isang haunted house naman para sa mga kuwentong multo, third eye, werewolf, mummy atbp. ang lumang sementeryo ay paboritong milyu para sa mga konsepto ng zombie, ghoul, atbp. ang kalsada tulad ng Balete Drive ay paboritong tagpuan ng white lady o mga batang nasagasaan. ang mga dungeon at tunnel ay tagpuan naman para sa mga na-trap na kaluluwa mula pa noong panahon ng Kastila o Hapon, ang abandonadong simbahan ay ginagamit na tagpuan para sa mga evil spirit at iba pang masasamang elemento sa mundo. ang lumang paaralan ay multuhan ng mga pinatay na guro o estudyanteng nag-suicide. sa isipan ng isang manunulat ng horror stories ay gumagawa siya ng sarili niyang lokasyon para sa mga gaganaping eksena. mga lokasyong pamilyar na ang mga mambabasa para madaling maka-relate ang mga ito. mga tagpuang inaasahan ng nagaganap ang mga katatakutan. sa pamamagitan ng mga ganitong atake ay lalong nakapagtatakda ang isang manunulat ng "standard" na istilo o tradisyunal na konsepto ng isang horror stories. nakapag-iiwan tuloy minsan ng "negatibong" imahe ang ganitong lugar.

hindi pa man lang o wala pa man lang napapatunayan, ay naitatakda na ang mga ganitong pakiramdam sa lipunan. nakakakilabot pumunta kung gabi sa isang lumang sementeryo. parang may nagpaparamdam na multo sa isang lumang bahay. hindi dapat dumaan ang sasakyan sa Balete Drive kung gabi. ang mga baryo ay inaasahan ng nakakatakot kung gabi at ang mga bahay na kubo ay may nararapat lamang na may mga nakasabit na bawang. hindi safe ang mag-tour sa mga old tunnel o dungeon para sa mga estudyante, pakiwari ba'y laging magdudulot ng trahedya o kapahamakan. ang demonyo ay nakakapamahay sa mga abandonadong kapilya o simbahan kaya't hindi na ito dapat pang pagmisahan. marami pang pananaw na ganito. nagdudulot man ito ng mga negatibong pakiramdam ay nagsisilbing bahagi na ito ng ating kultura at katanggap-tanggap na ang ganitong milyu bilang tagpuan ng mga katatakutan.

maaari bang mag-innovate?

puwede siyempre. ang isang bagong subdivision ay maaaring maging milyu o tagpuan ng isang horror stories. maaaring may back story ito. isa pala itong old cementery o barracks noong unang panahon, bago pa ito maging palayan na naging subdivision. maaaring gumawa ng kuwento sa isang rooftop ng building o isang condominium unit na hindi nangangailangang gawing luma ang buidling o abandonado. mas maraming gumagalaw na tauhan ay may mas misteryong maaaring idagdag o gawing twist. ang isang computer shop ay maaring gawing tagpuan, ang isang blog o website tulad ng isinulat ko sa text novella na ASUWANG DOT COM. ang isang cellphone ay maaaring maging milyu tulad sa short story na PICTURE MESSAGE na isinulat ni Les Navarro at ang KALYE TRESE ni Eman Neri na ginanap sa isang maliit na village. Ang kuwento kong BUS STOP ay naganap ang maraming pangitain ng aking bida na napakaraming namatay sa isang aksidente. Ang Betty Go Station (LRT) ay ginawa kong milyu sa isang horror romance love story na isinulat ko. Ang isang bar ay naging milyu ko at ang naging inspirasyon ko dito ay ang "OZONE DISCO" kung saang marami ang namatay sa sunog. Maraming inobasyon na puwedeng gawin sa isang milyu para maka-adopt sa pagbabago ng panahon. Upang hindi "makahon" ang isang manunulat sa mga "tradisyunal na milyu" na nakasanayang gamitin.

Sa pamamagitan ng mga ganitong pagbabasag ng tradisyunal na konsepto, nakapaghahain na ng kabaguhan ang isang manunulat ay nakapagbabago pa ito ng isang "negatibong imahe" sa mga nakasanayang milyu ng katatakutan. ang manunulat ay may kapangyarihang makapagbigay ng "bagong bihis" at makawala sa mga "kahon" na pinaglalagakan sa atin ng mga naunang manunulat ng kani-kaniyang panahon. YOU HAVE THE POWER TO MOVE ON!



NEXT IN LINE... ANG TAUHAN SA MGA HORROR STORIES

Tuesday, September 18, 2007

LOVE 101.COM

Nakasanayan ko na gawing parte ng klase ko sa kolehiyo ang LOVE 101. sa totoo lang ay wala naman itong kinalaman sa mga subject na itinuturo ko. wala ito sa syllabus o sa curriculum ng Filipino 1 (Pagbasa at Pagsulat) at maging sa Filipino 2 ( Research) at lalo naman sa Rizal o sa Humanidades. Basta nakasanayan ko lang. Isa kasi sa mga final project sa akin sa Filipino 1 na isinasabmit ng mga estudyante ko ay ang dyornal. at bahagi ng dyornal nila ang mag-share ng pang-araw araw na buhay nila. hindi nawawala ang isyu ng pag-ibig. may mga nagbabasa ng love letter sa klase, may mga notes at kung anu-ano pa. memories. sentimental things na nais nilang i-share sa klase. nakakatuwang basahin ang mga tunay na love story ng mga estudyante. inspiring. nakakakilig. parang lagi mong gustong ma-in love. mas nauunawaan ko bilang guro nila ang kanilang mga pinagdadaanan. bagama't batid kong nape-pressure sila sa hirap ng mga lesson ko sa klase (ikaw ba naman daw ang maging estudyante ni Prof. Glady), may breaker naman kami sa tuwing LOVE 101 na. breaker ko ito sa kanila. pampasigla. pampagana para sa mga susunod na assignment, paper at reporting na gagawin nila sa klase ko.

gusto kong i-share ang mga kuwentong narinig ko, natuklasan, nabasa, napanood, naranasan ng iba at naranasan ko na may kinalaman sa pag-ibig. gusto kong i-share ang noon, ngayon at ang mga darating pa.

nasanay akong magpayo tungkol sa pag-ibig. sa mga kaibigan. sa mga kakilala. nagkaroon ako ng serye sa LOVENOTES komiks na tumagal ng humigit kumulang na pitong taon, ang DEAR HEART SERIES ni Ate Glady. partner ko ditong illustrator ang kaibigan kong si El Ortiz. Totoong dinagsa ito ng mga sulat na humihingi ng payo sa pag-ibig at totoong nahasa ako sa pagpapayo sa mga isyung minsan ay sensitibo.

sa puntong ito ay hindi ako magpapayo, kundi magse-share lang. kung may ibig magpayo at mag-comment ay bukas ang blog na ito para sa lahat ng babasa ng LOVE 101. com. welcome kayong lahat dito. mga pusong in-love, mga pusong sugatan, mga pusong may lamat, mga pusong walang pag-ibig, mga pusong tunay na may puso.


MA'AM
isang estudyante ko ang nagkagusto sa isang teacher. tinanong niya ako kung posible ba daw yun. sabi ko, oo naman, posible naman. pero bawal. bakit daw bawal? for professional reason. puwedeng maalis sa trabaho ang isang guro na mapapatunayang nagkaroon ng relasyon sa isang estudyante. hindi na pinag-uusapan dito ang edad o katayuan sa buhay. basta ang isyu lang dito ay baka makasuhan ng sexual harrasment o corruption of minor yung guro. eh kelan daw puwede? sabi ko, basta kapag hindi ka na niya estudyante. ilang taon ang lumipas at hindi na ako nagtuturo sa dating school na pinagtuturuan ko. nag-text sa akin ang estudyanteng iyon, ang sabi sa text. hi mam, miss you na, siguro naman ngayon ay puwede na.

TIPS OF THE DAY (pagsulat ng horrorrrrr!!!)

paano nga ba ang sumulat ng isang horror stories? may kaibahan ba ito sa pagsulat ng ibang kuwento o iba pang genre?

well, mayroon din siyempre. sa pagsulat ng horror stories, hindi mawawala ang ilang elemento na taglay ng pagsulat ng maikling kuwento, pero may mga elemento na kailangang idagdag at pag-aralan o paghusaying mabuti. kailangang maging skill ng isang manunulat na ibig sumulat ng horror stories ay ang pagiging madetalye ng mga pangyayari o nangyayari, emosyon at mga galaw ng tauhan. less dialogue the scarier. ang dialogue ang magsisilbing breaker lamang, para makapag-pause lamang ika nga ang mambabasa, at para makapagpahinga lang sandali, pero hindi ito dapat ang magpapalamlam ng kuwento. sa halip, may malaking impact dapat na idudulot ito. halimbawa sa aking isinulat na dagli na may titulong YOSI, eto lang halos ang dialogue- "kilala ko ang lalaking ito, si Jose ito!" ang dialogue na ito ang nagsilbi na isang rebelasyon na ang Jose na kasama ng mga kalalakihang nakikihukay ng mga bangkay na natabunan ng lupa ay isa ng multo.

unang kailangang isaisip ng manunulat na mas descriptive ang pagsulat ng horror stories kumpara sa ibang genre. mas madetalye ang emosyon, ang mga nakikita at kung ano ang mga hindi nakikita-- sa ganitong istilo ay mas nakapaglalaro ang imahinasyon ng isang mambabasa. mas involve ang imahinasyon ng isang mambabasa, mas epektibo ang istilo dahil nagc-create na sila sa kanilang mga isipan ng mas maraming pangyayari at mas katatakutan. ito ang ang unang kailangang ma-achieve ng manunulat, ang mapasok at mapagalaw ang imahinasyon ng mambabasa. sa pamamagitan ng kanilang pagkukuwento, ang kailangang ma-achieve ay ang pagkakaroon ng mas malalim na ugnayan ng kamalayan at makapag-fill in the gaps sa mga eksena ang mambabasa. dito mas nakakalikha ng katatakutan ang manunulat.




TO BE CONTINUED PA ITO...