Monday, September 24, 2007

LOVE 101. IF I SING YOU A LOVE SONG (Best to read while listening to this song)

Umiiyak ako sa tuwing naririnig ko ang kantang ito. Naaalala ko kasi ang bestfriend ko. Sa mga hindi nakakaalam o nakakakilala sa kanya, carbon copy siya ni Johnny ng Korean Drama na Endless Love.

Siya ang bestfriend ko na nakasama ko sa lahat ng ups and downs ko, ang nakaunawa sa mga pinagdaanan ko. Ako din ang bestfriend niya na nakasama niya sa kanyang mga ups and downs, ang nakaunawa sa mga pinagdaanan niya. Lahat na ata ng taong nakilala at na-involve sa amin noon ay nagselos sa klase ng friendship na mayroon kami. Higit pa sa magkapatid ang naging turingan naming dalawa. Walang makapaniwala sa pinagsamahan naming dalawa. Hindi kami kayang paghiwalayin ng panahon kung ang pinagsamahan namin ang pag-uusapan.

Siya lang ang lalaking nakatabi kong matulog sa kama, nang walang malisya. At alam iyon ng nanay ko kasi nalasing kami sa pag-iinuman sa bahay namin. Kung uminom kami ng kape o beer ay sa isang baso lang. Share kami lagi sa yosi sa katuwirang ayokong maging chain smoker. Comment pa ng mga kaibigan namin, siguro daw ay pareho kaming wet kisser kasi basang basa ang butt ng yosi. Siya 'yung kapag sumuweldo sa trabaho ay nakukuha ko ang lahat ng suweldo kapag kailangan ko ng pera. Siya rin 'yung kapag nakikipag-date ay sa akin humihingi ng pang-date. Siya 'yung kasabay kong matutong mag-drive ng kotse at nagtuturuan kami kung paano kami hindi mababangga sa Cubao dahil kapwa wala kaming lisensiya. Siya 'yung nagsalba sa buhay ko minsang akala ko ay mamamatay na ako at nagsabing huwag akong mamamatay dahil nandiyan pa siya. Siya 'yung napupuyat habang naghihintay sa kotse kapag inaabot ako ng madaling araw sa trabaho noong nagsusulat pa ako sa tv, para lang ipag-drive ako, maka-move on at makapagtrabaho uli. Siya 'yung nayayakap ko at nakakaiyak ako ng isang klase ng iyak na parang wala ng bukas. Siya 'yung nasa tabi ko isang umagang nagising ako at narealize ko na maganda pa ang buhay.

Ginawa ko rin sa kanya ang mga ginawa niya sa akin noong siya naman ang na-depress. Tuwing umaga ay lasing ako dahil lasing siya. Tuwing umaga ay nasa tapat ako ng bahay nila para samahan lang siya. Pinakinggan ko ang lahat ng kuwento niya. Pinakinggan ko ang lahat ng love song na pinatutugtog niya. Para akong naging nanay, kapatid, kaibigan, girlfriend, at lahat lahat sa kanya. Minsang sumugod siya sa bahay namin na lasing, umiiyak at nagwawala at sinasabing “Lumabas ka d'yan! Kausapin mo ako!” Sabay hagulhol ng iyak. Noon din ay lumabas ang nanay ko at sinabihang “Magtigil ka d’yan sa pag-iyak at hahambalusin kita!” Inaaway niya ako sa paraang gusto niyang awayin ang babaeng nanakit sa kanya. Iniiyakan niya ako sa paraang iniiyakan niya ang babaeng umiwan sa kanya. Basta para sa kanya, kailangang nariyan lang ako at nakikita niya ako, habang nasasaktan siya.

Sa tuwing may nakakarinig ng kuwento namin ng bestfriend ko, akala ay may gusto kami sa isa’t isa. Isang ngiti lang ang sagot ko. Oo, mahal ko siya bilang isang matalik na kaibigan. Walang puwedeng kumuwestiyon niyon. At alam kong mahal din niya ako bilang isang matalik na kaibigan din. Nag-share kami ng lahat ng klase ng pagmamahal at pag-ibig sa loob ng aming mga puso.

Hanggang isang araw, araw na ng kasal niya. Walang mag-aakalang hindi ako dadalo sa kasal niya. At mas walang mag-aakalang iiyakan ko ang araw na iyon. Three days na pag-iyak, walang patid. Sabi nga ng nanay ko, tumigil na raw ako sa pag-iyak. Para daw akong pinagtaksilan ng panahon. Pero masahol pa doon ang pakiramdam ko. Wala nga akong natatandaang iniyakan kong kasal maliban sa kanya.

Mula noon, lagi ko siyang ikinukuwento sa malalapit na kaibigan kapag may pagkakataon. Ikinukuwento ko ang araw ng kasal niya na akala mo’y namatayan ako, may pitong taon na ang nakakaraan. Ikinukuwento ko ang kantang If I Sing You A Love Song, na hindi na ata lilipasan ng kahulugan sa buhay ko.

Kasalanan ito ng isang umaga na nasa tapat kami ng bahay nila. Bahagi ng pagtambay namin sa araw araw na magpatugtog ng mga love song at mag-emote. Pinatugtog niya ang If I Sing You A Love Song, sabi niya sa akin bagay daw sa amin ang kantang iyon, kasi daw, kami ‘yung klase ng taong pag nagmahal, wala na ‘yung taong minamahal namin pero patuloy pa rin naming minamahal kahit sa pamamagitan ng kanta, o ng isang love song... sabay patak ng luha naming dalawa. Ganoon kami ka-senting dalawa.

Love songs lasts longer than lovers ever do... so baby let me sing a love song for you... love songs don’t leave you, but lovers often do... oh baby I’m afraid it could happen to me and you...

Ngayon sa tuwing naririnig ko ang kanta ito, gusto ko siyang awayin, gusto ko siyang sumbatan, gusto kong ibalik ang panahong magkasama kami para sagutin niya ang tanong na ito, anong love song ang puwede kong pakinggan na hindi ko na siya maaalala pa?

6 comments:

Anonymous said...

haaais! nakakalungkot talaga ang kuwento n'yo at nakakainggit rin at the same time. at least there was once a person like him sa buhay mo. Mukha lang hindi totoo...kasi He's too good to be true, para sa iba na hindi pa nakaranas nang ganyang klase ng relationship...pero mga KABABAYAN, i can attest TRUE TO LIFE PO ITO!, ika nga ni Nicole Eala ng Love Radio, B-a-s-e-d on E-x-p-e-r-i-e-n-c-e! Buwahahaha.

saka reveal lang po...habang isinusulat niya itong blog niyang ito, mugto ang mga mata niya (hindi katatapos umiyak...kundi naagos pa rin ang luha) with matching singhot...singhot...Bwhahahaha!

Anonymous said...

How touching, how poignant, how revealing!

No-one would suspect you carry so much emotion in your heart, and for just one person. You look cool IRL and parang wala lang ang life involving such deep feelings.

But I should have known better. Where else would you draw all those romantic novels you've written if not from the depths of your heart and your well of first-hand experience? Your friendship with him might not be romantic in the usual sense but it was still romantic in another sense, maybe even in a metaphysical sense.

Like Tessa suggested, we should sit down with you one day and make you tell us more!

:D

Anonymous said...

parang hindi ako makapaniwala na may isang bahagi ng buhay mo ay na-involved ka with a MAN! at hindi ordinaryong involvment, ha. kakaiba. aba'y magandang plot 'yan, ah. mag-bestfiend na sobrang close, natutulog sa isang kama, nagsasabihan ng problema, nagdadamayan ng sobra...and yet, hindi naging mag-on? o baka naman pinigil mo lang. magabi ka ng totoo!

seriously speaking (serious raw) very touching ang iyong love story. as if napaka-unbelievable na mangyari sa isang katulad mo pero tunay na nangyari.

what an experience, a friend already away but always remembered.

aiRa L

gladi said...

hi tita aira,

oo nga, ako nga mismo ay hindi makapaniwala. parang isa lang sa mga isinulat ko sa romance novel 'no? hehe.

isa lang ang dahilan ko kaya ako nagpasyang i-share ang kuwentong ito, hindi sa kung anupamang dahilan. ang pag-ibig o ang pagmamahal sa akin ay universal. hindi lamang "romantic feeling", ang iniiyakan natin. kundi 'yung mismong sense ng kung paano ka ba nagmahal at kung paano ka ba minahal.

maaaring isipin talaga ng iba, na "in love" ako sa bestfriend ko romantically. pero sa totoo lang, mas malalim doon ang pagmamahal ko sa kanya. Yun kasing "in love" pag nawala na ito, hindi mo na mahal ang isang tao. mahal ko siya in a real sense of the word "love". mahal ko siya sa paraang kung paano ko minahal ang sarili ko.

thanks tita!!!

Anonymous said...

Tama ka, Glad, maaaring mas malalim pa sa romantic love ang namagitan sa inyo. Ibang level. Pero sino nga bang wife ang makakaintindi at makakatanggap na ang kanyang husband ay may best friend na ibang babae? So sad na doon sa pag-aasawa niya naputol ang inyong closeness. Like Josie said, malalim pala ang napaghuhugutan mo ng emosyon sa iyong panulat.

- tessa

gladi said...

Hi Tessa,

Sometimes, it should be that way. But that's life. Ang importante ay 'yung essence ng friendship namin na bumuo sa kakulangan ng pagkatao ko. I'm lucky dahil marami pa akong kaibigan na tulad niya. Dahil nariyan pa naman kayo bilang mga kaibigan ko.

Marami akong pinaghuhugutan dahil marami akong pag-ibig, iba't ibang klase ng pag-ibig. Hinding hindi ako mauubusan niyan.

Glad