Nais kong pasalamatan ang paglilinaw sa akin ni Roberto Villabona sa ilang mga bagay-bagay tungkol sa isyu ng komiks, mga pagtatalong kinasangkutan at kumukuwestiyon sa pagka “Filipino” ng mga komiks artist na sinasabing may “western influence” daw. May sulat ako sa’yo, Robby (I’m addressing it to Mr. Roberto Villabona) pero hindi ko alam kung dapat kong i-post o ipadala na lang sa e-mail mo. What do you think? Okey lang ba sa iyo na i-post ko ang sulat mo at ang sagot ko?
By the way, FYI, okey lang sa akin na i-link mo ang article ko sa PKMB if you think that it will be sensible enough para sa mga taong maaaring makabasa nito. Maraming salamat!
Matagal kong pinag-isipan kung isusulat ko ang artikulong ito. Unang una, “anak” ako ng komiks at dito ako nagsimula bago pa ako magsulat ng script sa GMA, maging writer ng PRECIOUS HEARTS, makapag-aral at makapagtapos sa UP, at makapagturo sa iba’t ibang unibersidad. Mahal ko ang komiks, mahal ko ang itinuturing ng marami na “ina” nito na si Mrs. C.P. Paguio, at maging ang mga “nanay-nanayan” ko dito tulad nina Elena Patron (Tita Lena), at iba pang mga batikang manunulat at dibuhista. Mahal ko ang mga “kakomiks” ko. Isinasaalang-alang ko silang lahat at binibigyan ng malaking respeto sa kanilang mga naging kontribusyon at magiging kontribusyon pa sa pagpapalaganap ng kulturang Filipino. Marami itong naturuang magbasa (literal man o kritikal na pagbasa sa teksto) dahil napakaraming Filipino ang tumangkilik nito. Isang popular na babasahin na nagbigay aliw sa mambabasa, nagturo ng iba't ibang kaalaman at nagsulong ng Kulturang Filipino. Ito ang pinakamalaking kontribusyon ng komiks na hindi kayang pasinungalinan ninuman at hindi kayang "talunin" maski pa anong klaseng genre sa pop lit man o panitikang Filipino. Minsan ay gagawa ako ng isang buong artikulo o comprehensive study na tatalakay sa sensibilidad at kontribusyon ng komiks sa lipunang Filipino upang higit na maunawaan ng mga kritiko sa komiks at mambabasa nito ang mga "pinanggalingang at pinanggagalingang" kamalayan na nagbahagi ng pinakamalaking impluwensiya ng komiks. Hindi kuwestiyon ang naibahagi ng komiks at komiks creator bilang pop lit sa lipunang ito at marapat lamang na ipagpugay at "kilalanin" bilang lehitimong mga tagapagtaguyod ng kultura at sining.
Ngunit sa pagsulong ng panahon, maraming suliranin ang “unti unting” nagpabagsak o patuloy na nagpapabagsak sa napakagandang kontribusyon ng komiks sa lipunang Filipino. Sa kabila ng napakalaking “ambag” ng komiks sa ating lipunan, hindi nangangahulugan na walang suliranin na “nakapaloob” sa komiks industry. Malaki ang naging suliranin sa sistema ng publishing at printing, maging sa distribusyon noon. Malaki ang naging suliranin sa kalidad ng mga "likha" ng ilang mga artist at ilang manunulat sa pagpasok ng 90's. Ang komersiyal na komiks ay lalo pang naging komersiyal. Dumating na nga sa puntong tinawag na ang komiks na “pambalot ng tinapa.”
Wala akong nais ma-offend o “banggain” na sinuman. Kaya nga batu-bato na lang sa langit, ang tamaan ay huwag magalit kahit magkabukol!!!
Hindi personal o atake ang artikulong ito. Hindi ko gusto na ang artikulo na ito ay magbunga ng higit na kaguluhan at paksiyon, o pagbubuga ng apoy sa bawat kampo. Parang gusto kong maging peace maker! O, di ba? Peace maker talaga. Kaya sana, sa umpisa pa lang ay maunawaan na ng lahat na makababasa nito na ang aking artikulo at mga ipapahayag ay isang constructive criticism lang at hindi pag-atake.
Nasabi ko na o nasagot ko na ang mga isyu tungkol sa mga komiks creator na may “western influence” daw. Sino bang wala nito? Maging ang mga komiks na lumalabas sa "market" na bangketa ay bunga rin ng maka-Kanluraning kamalayan.
Nais kong bigyan ng emphasis na ako ay nagmula sa komiks na ibinebenta sa bangketa. Isa ako sa mga manunulat na sumulpot noong late 80’s at nag-explore sa pagsulat hanggang 90’s mula ATLAS hanggang GASI. Karamihan sa mga komiks publication ay nadalaw ko at napagsulatan ko na noon. At isa rin ako sa pinakahuling manunulat na tumayo at nanindigan noong 2002 sa KISLAP PUB., hanggang sa tuluyan na itong nagsara. Tradisyunal ang komiks noon kaya’t tradisyunal ang aking istilo sa pagsusulat. At hindi ko maipagkakaila, na sa kabila ng aking pagiging “tradisyunal na manunulat” sa panahong iyon, ako man ay humuhugot ng iba’t ibang impluwensiyang maka-kanluran. Noon man, at magpahanggang ngayon.
Ang ilang mga nobela at kuwento na lumabas sa OFW Super Stories, first issue, ang ginawa ko study sa pagsusuring ito. Sinadya kong gamitin ang komiks na ito na ang tanging dahilan ay para lamang sa kapakanan ng makababasa upang kung nais nilang mabasa ng buo ang kuwento ay makakabili pa sila ng kopya dahil nasa “market” ito ngayon.
“Pambihira ka naman Gani, na-in love ka sa isang OIL PORTRAIT?” Rico Bello Omagap – ang oil portrait ay art medium na nagmula sa Kanluran. Kung pagbabasehan natin ang linyang ito, parang napaka-kaswal ng pagkakasabi ng tauhan sa salitang oil portrait. Mararamdaman natin ang salitang ito ay bahagi na ng kulturang Filipino at wala ng ipinagkaiba sa ibang salita na namumutawi sa bibig ng tauhan. Ibig sabihin, ang impluwensiyang ito na mula sa kanluran ay katanggap-tanggap bilang bahagi ng Kulturang Filipino.
“Sa subdivision na kami titira... hindi, sa FORBES PARK!” R.R. Marcelino– Ang nagsasalita nito ay isang lalaki na nanalo sa lotto ng 100 milyon. Ibig sabihin, ang isang taong may ganitong karaming salapi ay nangangahulugang nararapat lamang na maging taga-FORBES PARK na siya. Ang konsepto ng subdivision ay mula sa Kanluran.
“Siyempre naman. Pinakamababa ang ranggo, pero ka-ispar naman ang pinakamataas na tao sa call center...” Carlo J. Caparas- Ang call center ngayon ang pinakabagong negosyo ng mga multi-national corporation na nakapasok sa Pilipinas. Ang call center, tulad ng text messages ay hindi maipagkakailang bahagi na ngayon ng kulturang Filipino dahil ito’y tinangkilik ng mga Filipino bilang pambasang interes at tagasulong ng hanapbuhay sa Pilipinas.
“Matagumpay ang aking digital printing at graphic design company...” Andy Beltran– Pumasok na rin sa kamalayan ng manunulat ang salitang digital at graphic. Batid natin na ang konseptong ito ay nagmula sa labas ng bansa. Ang digital ay nangangahulugan ng mabilis na proseso at ang salitang “graphic design” ay isa sa mga bagong technology na naimbento sa printing.
“Kung saan-saang bansa na ako nakapunta pero ‘di ko talaga malilimutan ang Pilipinas.” Andy Beltran- Cliche na ang linyang ito sa subconcious mind ng mga Filipino, may ganitong paniniwala ang mga Filipino na isang malaking tagumpay at pribilehiyo ang makarating sa ibang bansa, at ang bansang Pilipinas ay isa na lamang bayan na hindi na makakalimutan. Maaaring dahil sa isang masayang alaala o pangit na nakaraan. Kung tatanungin naman kung babalik ba sa Pilipinas ang taong hindi nakakalimot, hindi na siya babalik dahil asensado na siya sa ibang bansa. At ang ganitong pag-asenso ay pinupuri at hinahangaan ng mga Filipino, conscious man o unconcious.
Ang mga linyang ito ay halimbawa lamang at pagpapatunay na maging ang mga komiks na ibinebenta sa bangketa o nasa “market” ngayon ay may maka-kanluraning kamalayan at impluwensiya. Maaaring inaakala lamang ng iba na wala. Pero mayroon. Linya pa lamang ito at hindi pa pinag-uusapan ang context reading. Mas malalim ang context reading dahil ito’y pagbibigay ng iba’t ibang pagpapakahulugan sa konteksto ng isang teksto gamit ang iba’t ibang panunuring pampanitikan.
Pero hindi naman talaga ito ang isyu, ito’y isang study lamang na ginamitan ko ng approach na, “Pagkilala sa Batayang Istruktra at Hulwaran ng Iba’t ibang Genre ng Teksto”, kung saan ang teksto ay isang tala, na nangangahulugan na ang teksto ay naisulat na saksi sa iba’t ibang pangyayaring nagaganap sa tunay na buhay. (2004: Rex Bookstore Publishing) Pagbasa at Pagsulat, Paz M. Belvez, Ed.d et al.
Binigyan ko ito ng puwang dahil sa pagkakaroon ng paksyon o paghahati sa uri ng komiks na lumalabas ngayon sa market. Ito ‘yung sinasabing komiks nga daw ng mga “Western influence people” na ang medium na language ay English at ang komiks sa bangketa na ang konsepto ay mas tradisyunal at ang language medium ay Filipino. Lalagyan ko muna sila ng “tag” para sa mas komprehensibong pagtalakay pero ang “tag” na ito ay hindi nangangahulugan ng depenitibong pagpapakahulugan. Ang isyu sa WK ay hindi raw dapat o nararapat na ituring na isa itong Filipino komiks dahil sa Westernize nga at English ang medium nito. Tutuldukan ko na ang isyu na ito dahil lahat naman ng komiks ay may bahid ng Western influence. At ang English na midyum ay natalakay ko na sa BAKIT DAW BA KAILANGANG GUMAWA NG PILIPINO KOMIKS?
Sisipatin ko naman ngayon ang isyu sa komiks sa bangketa bilang “babasahing pangmasa”. Ito naman ang isyu sa BK. Ang BK daw ay pang-masang babasahin kaya’t hindi nangangailangan ng pagtataas ng antas. Sapagkat kung itataas ay hindi na kayang abutin ng masa at hindi na tatangkilikin ng masang mambabasa. Malulugi na raw ang publisher kaya mamamatay na muli ang komiks.
Ang mga ganitong konsepto ay mga subjective na pananaw rin. Depende kung sino ang tumitingin at kaninong personal na panlasa ito nagmumula (sabi nga ni Roberto Villabona). Depende kung sino ang manunulat o artist. Pero hindi ito totoo sa lahat. Dahil hindi ito totoo sa akin, na ang oryentasyon ay nanggaling sa “tradisyunal komiks” na ibinebenta sa bangketa.
Kung ang kakayahan ng isang manunulat o artist ay eto lamang, hindi nangangahulugan na ang kakayahan ng masang mambabasa ay eto lang din. Hindi raw kasi “maaabot” ng masang mambabasa kung “tataasan” daw ang approach sa komiks. Hindi raw kikita. Ang ganitong pahayag ay isang malaking insulto sa “Filipino readership”. Isang subjective na paniniwala na nagpapalaganap ng negatibong kamalayan. Kung hahainan ang mambabasa ng lugaw, kakain sila ng lugaw na ang sustansiya ay “carbo”. Walang problema sa akin ang lugaw kasi kumakain ako nito. Pero hindi naman puwedeng lugaw ang kakainin ko lang o ang kakainin lang ng mambabasang Filipino. I personally believe na kung hahainan ang mambabasa ng pagkaing punong puno ng “protina at bitamina,” natural mente na kakain din sila nito. Ang paghahain sa mambabasa ng isang “babasahin” ay walang ipinagkaiba sa paghahain ng “pagkain” sa hapag kainan. Ang masarap at malinamnam na pagkain ay higit na kaiga-igayang kainin kaysa sa isang lugaw. Kaya’t kung lugaw ay ihahain ng isang manunulat at artist sa mambabasa, kaninong “utak lugaw” kaya nagmumula ang pagpapalaganap ng ganitong kamalayan?
Kung ang kalidad ng komiks sa usaping pang-printing ang isyu, ay maaari akong makipag-compromise. Kung mahal ang papel, okey lang na gumamit ng mumurahing papel. Puwedeng magtipid sa printing costs kung para lang makatugon sa kakayahan ng bibili ang usapin. Pero hindi nangangahulugan na ang kalidad ng nilalaman nito, ng sensibilidad nito, ng konteksto nito, ay mumurahin din o isang “lugaw” na ipapakain sa mambabasa sa araw-araw na nilikha ng Diyos.
Gusto kong isipin at paniwalaan na ang dapat at nararapat lamang na maging pagkakaiba ng WK at BK ay ang presyo lang ng pagbebenta. Mas mahal ang sinasabing coated at glossy paper at colored printing na WK kumpara sa komiks na ibinebenta sa bangketa. Rasyunal ito at hindi na ito dapat maging tanong. Mahal ang klase ng papel at printing cost, at maaaring mataas ang bayad sa artist at manunulat. Kung bakit may ganitong kakayahan ang isang publisher ng mga WK na magbayad ng mahal o kung anuman ang mga dahilang nakapaloob dito ay ibang isyu na. Pero ang kalidad nang pagkakalikha ng dalawang uri ng komiks, sa drawing, lay outing, editing at panulat, dapat ay magkaka-level ito. Hindi dahilan na “kasi nga mas mahal ang bayad sa mga WK na artist at writer kaya nagpapaganda sila ng trabaho”. Nakakainis ang ganitong pananaw ng ilan. Kung magkano lang ang bayad ay iyon lang ang itinatapat na klase ng trabaho. Hindi nga aangat ang antas ng panlasa ng mambabasa kung laging may ganitong pangharang ang mga artist at manunulat na ayaw magpaganda ng trabaho. Kung pumayag ka sa amount na ibinabayad sa iyo, regardless kung mura o mahal, dapat at nararapat na ibigay pa rin ang 100% ng iyong trabaho. Unless kung iyon lang talaga ang kakayahan mo. Maski sarili mo ay wala nang magagawa doon. Pero kung mayroon pa o may ibubuga pa, bakit naman kailangang ipagdamot ito sa mambabasa?
May kilala akong manunulat sa komiks (hindi ko na babanggitin ang pangalan para sa kanyang kapakanan), ang isang plot at isang premise ay ginagawan niya ng hanggang dalawampung kuwento. Kaya pagpunta niya sa publication ay ang dami niyang isinasabmit. Katuwiran niya, kung 20 ang isinabmit niya at na-reject ang sampu, may sampu pa siya! Kung isa lang ang isinabmit niya at na-reject, wala ng matitira! Kung hanggang saan umabot ang powers ng manunulat na ito, ay hindi ko na alam. Mayroon din akong kilalang manunulat na nabasa ko na ang isa niyang kuwento, nabasa ko ulit ito sa ibang komiks, nabasa ko ng paulit-ulit sa iba’t ibang mga komiks, at hanggang ngayon ay nakabakas pa rin ang ganoong klase ng kanyang kuwento. Maraming maraming marami pang kuwentong ganito. Nakakalungkot isipin kung hanggang ngayon ay mag-eexist pa ang mga ganitong klase ng trabaho.
Eh ano raw ang magagawa nila kung ito ang “patok” sa masa? Siyempre’t ibibigay nila kung ano ang “patok”. Eh sa mura lang naman ang bayad, eh di tapatan lang ng mumurahin at komersiyal na istilo ng pagsulat at drowing. Ito ang mga dahilang paulit-ulit kong naririnig sa mga ganitong klase ng konbersasyon.
Sabi ng isang writer, "kung hindi ka handang magtrabaho ng matino, kung hindi ka solve sa bayad ng publisher sa murang halaga, eh di huwag ka munang magtrabaho. Saka ka na lang magtrabaho, saka ka na lang din kumain."
Hindi lang naman kasi ang klase ng manlilikha ang nababansot ng ganitong pangangatuwiran kundi mas higit na nababansot ang mambabasang Filipino na akala ay iyon lang talaga ang “dapat,” at iyon lang talaga ang “kakayahan” ng mga komiks creator. Kung mayroon pang ibibigay nang higit sa halagang ibinabayad, nararapat lamang na ibigay ito. Marami sa mga artist at writer noon na hindi nakinabang sa kanilang mga art at panulat pero nakapag-iwan sila ng legacy sa kasaysayan ng tao katulad nina Vincent Van Gogh at ang pilosoper na si Socrates. Kaya kapag may nagsabi na “we don’t need another hero!” Ang dapat isagot ay, “We don’t need another trash” na magdadagdag ng polusyon sa tumitinding suliranin sa isyu ng global warming.
"Eh masa nga daw ang babasa. Masa!!! Mahirap bang intindihin na ang komiks ay para sa mass reader? Natural mente na kung mass reader, mababang klase lang, abot dapat ng mga hindi nag-aral! Kung ayaw mong magsulat ng pangmasa doon ka sa pang-burgis! Iyong pang-international ang kalidad, iyong nasa crowd AB! Huwag ka dito!"
Ang ibig bang sabihin nito, gumagawa lang ng matinong trabaho at nagpapaganda lang ng trabaho kapag ang market ay pang-international at ang mambabasa ko ay crowd AB?
But in fairness, hindi ito paniniwalaan, susuportahan at sasabihin ng lahat ng komiks creator. Hindi ko ito sasabihin, susuportahan at mas lalong hindi ko ito paniniwalaan.
Pero sige, let’s give the benefit of the doubt. Gawin nating mas healthy ang isyu. Let’s make it more definite and objective. Puntahan natin ang isyu ng masa o ang tinatawag na “mass reader” na sinasabing nagdidikta ng “patok” na basura, este trabaho pala. Gagawa ako ng isang short study na tatalakay sa isyu na ito sangkot ang “mass reader”.
Ang depenisyon ng salitang “masa” sa diksiyunaryong Filipino ay ito: tumpok, pangkat, pulutong, majority, nakararami, malaking pagtitipon, common people o pangkaraniwang tao, karaniwang mamamayan, manggagagawa, obrero.
Ang pinag-ugatan ng salitang ito:
“In the fourteenth century, masse was borrowed into English from Middle French, which derived it from the Latin noun massa that which adheres together like dough, a lump’. In the sixteenth century, mass took on the sense of ‘a large quantity, amount, or number’. Since about the 1830s, masses has been used to refer to ‘the body of people as contrasted with the elite’. The British prime minister, William E. Gladstone, illustrated this usage in 1886, when he proclaimed “the entire world over, I will back the masses against the classes.” Source: The Merriam-Webster New Book of Word Histories. 1991 by Merriam-Webster Inc.
May denotasyon at konotasyon ang kahulugan ng “masa” sa konteksto ng lipunang Filipino. Ang denotasyon ay mga depenisyong nakapaloob dito ayon sa mga diksiyunaryo, at ang konotasyon naman sa konteksto ng lipunang Filipino ay ang “mahihirap na tao” dahil sila ang mas nakararami. Naitakda na ang konotasyong pagpapakahulugan kung sino lang ang masang nakapaloob dito. At sa kahulugang ito sumakay ang salitang “mass reader”. Marami ang mahirap sa lipunang Filipino kaya’t ang “mass reader” ay mahihirap.
Hahatiin ko sa apat ang social status ng lipunang Filipino. Ang elite, middle class, working class, at mga taong nasa below poverty line. Maaari pa itong madagdagan pero ito lang muna ang gagamitin kong framework sa study na ito.
Ang Elite ay pinakamataas kung social status ang pag-uusapan. Maaring sila’y mga old rich o mga yumamang negosyante. Ang middle class ay ang mga umaasenso mula sa malilit na negosyo o na-promote sa mga managerial position (pataas) na ngayon ay de kotse na o nakatira sa mga magagandang subdivision, may taong may mataas at inirerespetong tungkulin o titulo sa lipunan, ang working class ay ang mga empleyado, guro, manggagawa, magsasaka, driver o atbp. Kasama tayong mga manunulat at artist sa atbp. Mayroon din sigurong ilang manunulat at artist na hindi papayag na sila’y nasa working class. Okey lang iyon. Nasa kanila iyon. Ang pinakamababang estado o kalagayan ng tao sa lipunan ay kapag nabilang siya sa tinatawag na below poverty line. Maaring ito iyong mga naninirahan sa eskuwater, smokey mountain, kariton, kalsada atbp. Maaaring subjective ito dahil naniniwala ako na minsan ay mas marami pang pera ang mga taga-eskuwater kaysa sa isang empleyado na maraming “loan” sa mga loan shark bank. Kaya ang depenisyon ng pagiging isang “mahirap” ay nasa mismong tao at sa kung ano ang kakayahan, pag-aari at mayroon sila sa lipunang ito.
Ngayon, ang tanong ay ito: Sino ang tinutukoy na “mass reader?”
Ang “mass reader” ba ay nagmumula sa elite hanggang below poverty line? Ang “mass reader” ba ay mula sa middle class hanggang below poverty line? Ang “mass reader” ba ay mula sa working class hanggang below poverty line? O ang tinutukoy ba talagang “mass reader” ay iyong mga taong ang kalagayan sa buhay ay nasa below poverty line.
Kapag daw kasi gumawa ng komiks na pangbangketa, ang target market ay masa, o ang “mass reader” at ang tinutukoy ngang masa ay ang mga “mahihirap”. Kasi nga daw ang masa ay kung sino ang nakararami at ang nakararami sa atin ay ang mga “mahihirap”. Kung mahirap ang “market” hindi puwedeng taasan ang antas ng panulat o ang mismong komiks sa bangketa dahil marami ang hindi nakakaintindi at hindi nakapag-aral. Hindi ito maa-appreciate. Hindi ito maiintindihan ng babasa.
Pero kung nakapagbabasa sila, paano nangyari na hindi sila nakakaintindi?
Mahirap nga daw makaunawa kasi hindi nag-aral. So, ang isyu dito ay hindi ang pagbabasa per se kundi ang kakayahang makaintindi sa binabasa o kung ano lang ang gustong basahin ng mambabasa na ayon sa abot ng antas ng edukasyon at kamalayan nila.
Pero wala na bang ibang paraan para hindi “mabansot” ang kakayahan ng mambabasang makaunawa? Marami.Maraming paraan na maihahahatid natin ang kuwentong komiks natin sa mambabasa nang hindi nakokompromiso ang kalidad ng trabaho natin.
Isa pang isyu, kung mahirap ang daw ang “market”, siyempre’t ang presyo ng iyong komoditi ay “bagsak presyo” o ‘yung kaya lang bilhin ng isang mahirap na tao. Ang sampung piso hanggang kinse pesos na presyo ng komiks ang sinasabing kaya ng bilhin ng isang mahirap na tao. Kung iyon lang ang presyo, kailangan ng “mass production” para kumita naman ang publisher. At kapag daw sinabing mass production, ito ay mayroong “low quality”. Period. Wala ng maraming usapan. Pero ito ay isang malinaw excuse lang para bigyang katuwiran ang mga “low quality” na babasahin. In and out.
Paano ang mga hindi mahihirap na tao na gustong bumili at magbasa ng komiks na bangketa? Dahil ba sa hindi sila “sakop” sa depenisyon ng “masa” sa konotasyong pagpapakahulugan nito ay wala na silang karapatang bumili ng mura? Paano ang isang batang namumulot lang ng basura pero nag-aaral naman siya at kaya niyang umintindi ng babasahing ito kaya gusto niyang bumili at magbasa ng sinasabing isang Westernized komiks? Hindi ba siya dapat pagbilhan? Pagsasabihan ba siyang “iho, huwag ‘yan ang bilhin mo dahil hindi iyan ang komiks na para sa iyo.”
Sa totoo lang, nagkakaroon lamang ng kategorisasyon ang “mambabasa” sa usaping pang-ekonomiya. Itinatakda agad kung sino ang may kakayahang bumili at hindi kung sino ang gustong bumili. Iniisip agad kung sino ang babasa at hindi kung sino ang makakabasa. Iyon ang nagiging pamantayan ng “paglikha” kaya’t gumawa ng ganitong kategorya para sa “mababang klase” ng mambabasa.
Ang paniniwalang ito ay pagsuporta at pagsusulong ng diskriminasyong nagtatakda bilang “mababang klaseng mambabasa” ang mga mambabasang Filipino. At kung may kakayahan ang isang komiks creator ngayon, na iangat ang kalagayan ng “mas nakararaming” mambabasa, sa pamamagitan ng “intelektuwalisasyon” ng kanyang “likha”, ito’y napapanahon na. Dahil nasa “market” na ulit ang sinasabing komiks na pang “bangketa”.
Kaya’t hindi isyu ang salitang masa o ang “mass reader” para magpaganda ng trabaho. Kapag ang isang babasahin ay nai-publish na, ito ay “accesible” na sa market at ito ay para sa lahat na ng uri ng tao. Bilang komiks creator, may pananagutan tayo sa mga “nilikha” natin na pumapaloob sa kamalayan ng mambabasa (mula sa pinakamataaas na social class hanggang sa pinakamababa. Ito ay nagiging daluyan ng kamalayang Filipino at kinikilala bilang kulturang Filipino. Bilang komiks creator, ibinibigay natin ang karapatan ng pagbabasa sa lipunang kinapapalooban o sa lipunang nagmamay-ari na ng “likha” natin. Mula sa pinakamayaman hanggang sa pinakamahirap na tao sa loob ng lipunang ito, ay may karapatang magbasa ng isang komiks na ibinebenta sa bangketa o ang komiks na sinasabing may westernized concept. May karapatan ang sinuman na bumasa ng matinong babasahin, mura man o mamahaling komiks. Walang karapatan ang sinumang manunulat, artist o manlilikha sa komiks na magtakda sa kung ano lang ang dapat basahin ng isang mahirap na tao na sinasabing “mass reader”.
“Hindi nililimita ang isang babasahin para sa isang partikular na grupo o klase ng mambabasa lamang. Dahil ang kapasidad ng utak ng taong umunawa ay hindi rin nalilimitahan.” Ayon sa isang diskusyon ni Prof. Leslie Navarro sa Kulturang Popular, NCBA, 2007.
Ito’y isang malaking hamon sa ating lahat, at bilang isa sa mga “tradisyunal na manunulat” sa mga bangketa komiks ay mauuna na ako sa pagtanggap ng hamon na ito, kasama ang aking mga kaibigan at kasamahang nagsusulong ng ganitong kamalayan at konsepto. Sana’y may mga kasama pa kami. At may mga kasunod pa kami.
P.S. Magkakaroon po tayo ng workshop online para sa mga manunulat ng komiks. Welcome po ang lahat!!! May bukol man o wala. Hehe. Peace tayo!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
8 comments:
Naniniwala ako na bilang isang manunulat ay napakalaki ng pananagutan natin sa babasa ng ating mga likha. Pero kung ang tagatangkilik natin ay masang mambabasa, ‘mas malaki’ ang ating responsibidad…
Ngayon pa lang, mag-eenrol na ako sa iyong online seminar, Ma’m Glady.
At sa totoo lang, sabik na talaga akong mabasa ang iyong Digital Karma.
hi antonina,
cum laude ka na kaya!
sa totoo lang, e-mail sana kita para sabihing isa ka sa mga iimbitahan kong facilitator ng "online workshop". kung may mag-e-enroll, hehe.
kasi isa ka sa mga "K" na magturo sa aming lahat. tiyak na marami kaming matutuhan.
sige na nga, bukas na 'yung DIGITAL KARMA, hehe!
mwahhh!!!
Maganda po ang pag sulat ng artikulo na ito at maraming salamat at mas binigyan mo ng linaw ang lahat tungkol sa issue ng quality komiks despite cost cutting and other arguments. Mabuti po at may nagsalita na na galing sa Akademya.
Maari ko po kayang i link ito sometimes sa aking blogs and other web pages? Dahil malaking tulong po ito sa mga hindi nalilinawan.
John
Hi, Glady,
Ito yung tunay na Robby :-)
Paki-email na lang muna sa akin para ako muna makabasa. Salamat.
hi john,
salamat ng marami!
oo naman, maaari itong mabasa ng lahat ng tao alang alang sa kapakanan ng komiks creator at mga tagatangkilik nito. sana nga'y maging mabuti para sa mas nakakarami ang article na ito, at lalong sumulong ang pag-unlad ng komiks industry sa Pilipinas.
sana'y marami pa akong kaya sabihin sa mga susunod na araw na makakapagdagdag sa sinasabi mong paglilinaw sa mga bagay at isyu na may kinalaman ang komiks.
Mabuhay ang komiks at ang lahat ng mga taong nagsusulong sa pagtaas ng antas nito!
tita glady,
'yang punto de vista mong 'yan ay isang panggising sa mga taong nagsasabing ibabangon nila ang komiks. magandang layunin sana pero mukhang nakulangan ng pag-aaral ang mga taong nasa likod nito. tayo ay naging bahagi ng traditional komiks bago tuluyang naglaho ang kinang nito at tuluyang nawala sa market. sa panahong walang mabiling komiks, ang laki na ng iniusad ng panahon. noon, nagsusulat tayo gamit ang makinilya natin. na kapag nagkamali ka, kasamang maaaksaya ang bond paper na pinagsulatan mo ng iyong manuskrito. pero nakalimutan ng iba na umusad na ang panahon. ang dating makinilyang gamit natin ay naging computer na at tayo na mga dating hindi bihasa sa computer ay nagawang makisunod sa pagtaas ng teknolohiya sa ating bansa. napakaraming nabago. pati manner ng pagsusumiti natin ng ating mga manuskrito ay naging high tech na rin. ang dating typwritten ay naging computerized na, ang dating hard copy na naging diskette na at lately ay thru email na. ang pagbulusok ng teknolohiya, ay nasabayan natin kaya alam natin na marami na talagang nabago at malaki na ang gap ng traditional komiks noon sa panahon ngayon. isang bagay na hindi nabigyan ng pansin ng mga taong naghangad na ibangon ang komiks. hindi mo naman sila masisisi dahil ang karamihan yata sa kanila ay hindi marunong mag-computer. what do you expect at anong output ba ang lalabas kung ikaw ay tanga sa teknolohiya? isang punto de vista na gusto kong bigyan rin ng pansin ay ang katayuan ng mga 'masang' nagbabasa ng komiks noon. sa aking palagay, karamihan ng readers ng komiks noon ay mga senior citizen na sa ngayon, mahina na, malabo na ang mga mata at karamihan ay jobless na. kung sila ang target market mo, aba'y hindi ka na kikita dahil baka ang karamihan sa kanila ay wala ng kapasidad bumili ng komiks. at kung malabo na ang mga mata, hindi na rin gugustuhing magbasa. so, ano ang uri ng market na dapat natin isaalang-alang sa ngayon? iyon ang dapat pagtuunan ng pansin. iba na ang mga readers ngayon. 'yung masang sinasabi natin, sa panahon ngayon, ay marunong gumamit ng cellphone, marunong mag-computer, may washing machine sa bahay, may de remote control na television...may dvd, mahilig sa korean telenovela, mahilig rin sa anime, mahilig sa games.
hindi na ordinaryo ang masang pilipino ngayon. hindi na tanga. hindi na pwedeng paikutin sa mga mababaw na istorya. busog na busog ang masa sa ngayon ng mga kakaibang istorya, sa iba't ibang uri ng character, sa iba't ibang setting na hindi kinunan kung saan lang.
ang mga readers at viewers ngayon, nakikialam na sa istorya. pag may nakitang mali at foul, nagre-react na.
responsabilidad nating mga manunulat na makapag-deliver ng napapanahong mensahe sa mga mambabasa kung saan ay kailangang may natututunan ang mga mambabasa, hindi lang para sila aliwin kungdi para ipakita sa kanila na hey, ito na ang mundo natin ngayon.
haba na yata ng comment. pasensiya na, ginanahan ako.
airaL
Sa larangan ng pelikula kahit papaano na-update na ang production values. Kung ikumpara mo ang mga pelikula nung 70's-90's sa mga gawa ngayon, malayo na ang production quality (pero ibang usapan naman yung screenplay at iba pang aspeto).
Sabi ng kilala ng kilala ko (na taga film industry daw), kasi nakita nilang hindi na kumikita ang pelikula pag makaluma yung production quality. Dala na rin ng exposure ng masa sa maraming pelikulang Hollywood.
Ang irony naman, ang kumukuha ng pansin ngayon sa 'elite' circles ay yung mga 'indies' na low-budget at digital video lang ang production. Siguro dala na ng pag pasok ng mga ito sa mga kakaibang tema na hindi pa gasgas gaya ng mga tema sa mainstream production.
Ngayon, makikita na natin kung ganon din sa komiks.
wow! talagang pong pang-pukaw ng isip ang mga inyong sinusulat. sana mabasa naman ito ng ibang tao na sarado ang mga utak at matutong buksan ang kanilang mga isipan.
Post a Comment