Wednesday, September 19, 2007

TIPS OF THE DAY (ang milyu ng horror)

ang horror stories ay biswal. mas biswal, mas may pangangailangang maging detalyado sa deskripsiyon sa lugar, panahon, oras, ambiance, temperatura, at mga tauhan. at upang higit na maging biswal ang pagkukuwento ng horror ay kailangang ng maingat na pagpili ng milyu o tagpuan. sa mga pelikula ay nangangailangan ng isang location shooting. halimbawa'y mga barriotic scene para sa mga konsepto ng asuwang, manananggal, mangkukulam, kapre atbp. isang haunted house naman para sa mga kuwentong multo, third eye, werewolf, mummy atbp. ang lumang sementeryo ay paboritong milyu para sa mga konsepto ng zombie, ghoul, atbp. ang kalsada tulad ng Balete Drive ay paboritong tagpuan ng white lady o mga batang nasagasaan. ang mga dungeon at tunnel ay tagpuan naman para sa mga na-trap na kaluluwa mula pa noong panahon ng Kastila o Hapon, ang abandonadong simbahan ay ginagamit na tagpuan para sa mga evil spirit at iba pang masasamang elemento sa mundo. ang lumang paaralan ay multuhan ng mga pinatay na guro o estudyanteng nag-suicide. sa isipan ng isang manunulat ng horror stories ay gumagawa siya ng sarili niyang lokasyon para sa mga gaganaping eksena. mga lokasyong pamilyar na ang mga mambabasa para madaling maka-relate ang mga ito. mga tagpuang inaasahan ng nagaganap ang mga katatakutan. sa pamamagitan ng mga ganitong atake ay lalong nakapagtatakda ang isang manunulat ng "standard" na istilo o tradisyunal na konsepto ng isang horror stories. nakapag-iiwan tuloy minsan ng "negatibong" imahe ang ganitong lugar.

hindi pa man lang o wala pa man lang napapatunayan, ay naitatakda na ang mga ganitong pakiramdam sa lipunan. nakakakilabot pumunta kung gabi sa isang lumang sementeryo. parang may nagpaparamdam na multo sa isang lumang bahay. hindi dapat dumaan ang sasakyan sa Balete Drive kung gabi. ang mga baryo ay inaasahan ng nakakatakot kung gabi at ang mga bahay na kubo ay may nararapat lamang na may mga nakasabit na bawang. hindi safe ang mag-tour sa mga old tunnel o dungeon para sa mga estudyante, pakiwari ba'y laging magdudulot ng trahedya o kapahamakan. ang demonyo ay nakakapamahay sa mga abandonadong kapilya o simbahan kaya't hindi na ito dapat pang pagmisahan. marami pang pananaw na ganito. nagdudulot man ito ng mga negatibong pakiramdam ay nagsisilbing bahagi na ito ng ating kultura at katanggap-tanggap na ang ganitong milyu bilang tagpuan ng mga katatakutan.

maaari bang mag-innovate?

puwede siyempre. ang isang bagong subdivision ay maaaring maging milyu o tagpuan ng isang horror stories. maaaring may back story ito. isa pala itong old cementery o barracks noong unang panahon, bago pa ito maging palayan na naging subdivision. maaaring gumawa ng kuwento sa isang rooftop ng building o isang condominium unit na hindi nangangailangang gawing luma ang buidling o abandonado. mas maraming gumagalaw na tauhan ay may mas misteryong maaaring idagdag o gawing twist. ang isang computer shop ay maaring gawing tagpuan, ang isang blog o website tulad ng isinulat ko sa text novella na ASUWANG DOT COM. ang isang cellphone ay maaaring maging milyu tulad sa short story na PICTURE MESSAGE na isinulat ni Les Navarro at ang KALYE TRESE ni Eman Neri na ginanap sa isang maliit na village. Ang kuwento kong BUS STOP ay naganap ang maraming pangitain ng aking bida na napakaraming namatay sa isang aksidente. Ang Betty Go Station (LRT) ay ginawa kong milyu sa isang horror romance love story na isinulat ko. Ang isang bar ay naging milyu ko at ang naging inspirasyon ko dito ay ang "OZONE DISCO" kung saang marami ang namatay sa sunog. Maraming inobasyon na puwedeng gawin sa isang milyu para maka-adopt sa pagbabago ng panahon. Upang hindi "makahon" ang isang manunulat sa mga "tradisyunal na milyu" na nakasanayang gamitin.

Sa pamamagitan ng mga ganitong pagbabasag ng tradisyunal na konsepto, nakapaghahain na ng kabaguhan ang isang manunulat ay nakapagbabago pa ito ng isang "negatibong imahe" sa mga nakasanayang milyu ng katatakutan. ang manunulat ay may kapangyarihang makapagbigay ng "bagong bihis" at makawala sa mga "kahon" na pinaglalagakan sa atin ng mga naunang manunulat ng kani-kaniyang panahon. YOU HAVE THE POWER TO MOVE ON!



NEXT IN LINE... ANG TAUHAN SA MGA HORROR STORIES

1 comment:

Randy P. Valiente said...

Hey Glady! Welcome to the world of blogging! I-link ko ito sa site ko :)