Saturday, September 22, 2007

BAKIT DAW BA KAILANGANG GUMAWA NG PILIPINO KOMIKS?

Sinadya kong gawing blog ang sagot sa mga katanungan ni Robby sa akin. Mga katanungan na may kinalaman ang komiks, sangkot ang pagka"Pilipino" ng isang "komiks creator" at kanilang mga "likha". Isa itong hamon at isyung panlipunan sa kasalukuyang panahon na sa aking palagay ay kailangang masagot para sa kapakanan ng mambabasa at makababasa lalo na ang mga taong may direktang kinalaman sa kalagayan ng komiks ngayon.

TANONG: Ano po ang inyong masasabi tungkol sa isyu ng ilang mga 'English" or "Western" oriented Filipino comics artist na sa panahon ngayon ay wala na, o mahirap nang magbigay ng depinisyon kung ano ang ibig sabihin ng "Pilipino"? Na dahil nga sa mahirap nang magbigay daw ng depinisyon kung ano ang Pilipino, okey lang daw na ang salita ngayon sa Pilipino comics e ENGLISH at ang tema at milieu nito ay maaaring hango sa America at ibang western media. "Art" lang daw kasi ito and art is UNIVERSAL; walang kinikilalang nationality.

Unang una, nalito ako sa tanong, ano ba ang tanong? Filipino comics artist ba ang isyu o ang Filipino comics per se? Kung ang depinisyon naman ng “Pilipino” ang itinatanong sa akin, nasa lahat ng Filipino dictionary ang sagot.

Pero palalalimin ko ng bahagya ang isyu at lalawakan ang mga perspektiba kung saan nakukuwestiyon ang integridad at pagka"Pilipino" ng mga "Komiks creator" na may western influence. Uunahin kong sagutin ang tanong na mahirap daw magbigay ng depinisyon kung ano ang Pilipino. Ang depinisyon ng Pilipino ay hindi nakasentro lamang sa tradisyunal o conventional na Pilipino. Pumapaloob ang depinisiyon at kahulugan nito sa modernong Filipino, kung saan gumagamit tayo ng titik F bilang manipestasyon ng moderno o makabago(kabilang na ang tradisyunal at modernisasyon) ng kulturang Filipino. Ang Filipino ay pambansang identidad natin bilang isang mamamayang naninirahan sa Pilipinas. May Pambansang Wika na Filipino na nagsilbing “Lingua Franca” sa iba’t ibang lokal at rehiyunal na nasasakupan ng Pilipinas. Hindi tayo tatawaging Filipino kung hindi bahagi ng kultura natin ang adobo, spaghetti, salad, hamburger, pansit, shawarma at kung anu-ano pang pagkain na nakarating na sa teritoryo ng Pilipinas. Hindi tayo tatawaging Filipino kung wala tayong Filipino dub na mga Korean drama, Mexican Drama, Anime at kung anu-ano pang palabas sa telebisyon na nagbuhat sa iba't ibang panig ng mundo. Hindi tayo tatawaging Filipino kung wala tayong komiks na nagmula rin sa impluwensiya ng kanluran. Kaya’t ang pinakaubod (innermost) na pinagmulan ng kahulugan ng Filipino ay nagmumula sa pinagsama-sama at pinaghalo-halong lahi mula sa mga etniko, rehiyunal, iba’t ibang impluwensiyang kanluranin at maging impluwensiya sa iba’t ibang bansa sa Asya at Gitnang Silangan. Ang kabuuan ng mga impluwensiyang iyan ay ang tinatawag na Filipino ngayon.

Kung ang Filipino comics artists na western oriented ang isyu, hindi ko rin kinukuwestiyon ang kanilang integridad at mga umiiral maka-kanluraning kamalayan. Hindi maiiwasan na magkaroon ang mga Filipino ng orientasyong maka-Kanluranin. Tulad ng aking unang nasabi, pinalaki at pinayabong ang kamalayan at idelohiya ng lipunang ito ng iba't ibang impluwensiya na nagmula sa loob at labas ng bansa. Nakaugat sa kasaysayan ng Pilipinas na tayo ay ilang beses nang na-colonize ng mga dayuhan, kasama na rin dito ang wika. Mas malalim ang pinag-ugatan ng west culture sa atin, sapagkat hindi lamang physical or territorial conquership ang namayani kundi pati mental at spiritual na hanggang ngayon ay nananalaytay sa dugo ng bawat Filipino. Ideological State Apparatus ang tawag dito. Nasa kamalayan na ng pagiging isang Filipino ang halo-halong oryentasyon mula sa Kanluran. Bukod pa sa hindi rin mapipigilan ang mabilis na ugnayang global ng bawat bansa kasama na ang Pilipinas bilang tagatangkilik ng mga produktong dayuhan.

Kung Filipino comics per se naman ang usapin, maaring makakuha ng iba’t ibang ideya at estilo sa anyo (form) mula sa mga dayuhan ngunit ang nilalaman (content) nito ay nagde-depict ng kulturang Filipino. Ang komiks o anumang pop lit ay culture bound. At ano ba ang tinatawag na kulturang Filipino? Nakaugnay ito sa paniniwala, pang-araw araw na buhay sa isang lipunan, mga impluwensiya sa loob at labas ng bansa (mula sa impluwensiya ng pagsusuot ng bahag hanggang sa pagsa-surf sa internet, mga taong nagmula sa iba’t ibang panahon at lugar na nakaimpluwensiya sa sitwasyong panlipunan ng Pilipinas, iba't ibang pilosopiya, edukasyon, atbp. At gaya ng nasabi ko sa una pa lang, may malaking kinalaman at kaugnayan ang kasaysayan sa mga bagay na tinatangkilik ng lipunan. At anumang bagay na tinangkilik ng lipunang ito ay bahagi ng kulturang Filipino.

Ang milyu ay maaaring maganap kahit saang bahagi ng mundo, at maski sa ibang dimensiyon pa nga. Malaya ang sinumang “creator” na lumikha ng kanyang milyu. Ang tawag diyan ay “creative license”. Iyon nga lang, kahit may kalayaan tayo sa pamamagitan ng tinatawag na “creative license”, hindi nangangahulugang mawawalan ng logic ang isang manlilikha. Lumilikha ang manunulat o artist ng mundong ginagalawan ng mga tauhan na naaayon sa kanilang mga karakter at klase ng kuwentong nakapaloob dito. Mga klase ng tauhan na universal. At kung sakaling tangkaing i-deconstruct ang isang tauhan tulad ni Darna na napunta sa loob ng karakter ni Zaturnnah ni Carlo Vergara, ay isang lohikal at kahanga-hangang tagumpay. Ito po'y pagbasa ko lamang (sa punto ng dekonstruksiyon) with due respect sa magaling na creator ng Zaturnnah. Walang problema kung gagamitin ang istilo ng dekonstruksiyon sa milyu at tauhan hangga't malinaw kung saang convention nanggaling at nakapaloob ito.

Sa usaping pangwika, katanggap-tanggap sa atin at maging sa buong mundo ang wikang English bilang “Lingua Franca”. Ito ang sanhi at bunga kung bakit "taglish" magsalita ang mga Filipino. Kung paano tayo magsalita ay ganoon din tayo mag-isip. At kung paano tayo mag-isip ay ganoon tayo magsulat. Kaya’t pilitin man ng isang Filipino na magkapa-purista upang matawag na nasyonalista o makabayan ay mahirap itong mapagtagumpayan. Magkagayunman, maski English language pa ang gamitin ng isang manunulat, alalahanin natin na may tinatawag na Filipino English na may malaking kaibahan sa American English. Lulutang at lilitaw ang kaibahan ng gawang Filipino sa komiks sa pamamagitan ng kultura. At ito ang magpapakilala kung ano ang Filipino Komiks.

Hindi nangangahulugan na ang pagtangkilik ng Western culture o art ay katumbas ng pagiging hindi makabayan. Karamihan sa ating “national artist” tulad ni NVM Gonzales ay gumagamit ng wikang English bilang medium ng pagsulat. At maging ang “national artist” na si Napoleon Abueva ay gumagamit ng medium ng Western art na sculpture. Ang mahalaga ay “makalikha” ng isang Komiks na lulutang at maipagmamalaki ang kulturang Filipino kahit ang istilo pa ng drawing nito ay anime at ang language ay English. Ang mahalaga ay ang intensiyon ng isang indibiduwal na paunlarin ang sarili bilang isang Filipino na maipagmamalaki at makakasabay sa pagsulong ng pandaigdigang globalisasyon

TANONG: Kung gayon, ano bang klaseng comics ang magiging resulta kung ang manlilikha nito ay litong-lito o walang pakialam sa kahulugan ng "Pilipino"?

Para sa akin ay subjective ang pananaw at tanong na ito. Maaring ito’y base lang sa sariling obserbasyon, kinalakhang oryentasyon o grupong kinabibilangan ngunit hindi ito maaaring gawing batayan ng isang objektibong pagsusuri o pangkalahatang bisyon. Marami sa manlilikha ng komiks, at kabilang ako sa mga hindi nalilito kung ano ang kahulugan ng “Pilipino”. Marami sa manlilikha ng komiks, at kabilang ako na may pakialam hindi lamang sa kahulugan ng salitang “Pilipino” kundi sa kung paano ang maging isang Filipino.

Sasagutin ko pa rin ang tanong na "ano bang klaseng comics ang magiging resulta kung ang manlilikha nito ay litong-lito o walang pakialam sa kahulugan ng "Pilipino"? Ang magiging resulta ng komiks ay kung sino ang babasa o magiging mambabasa nito. At sino nga ang babasa o magiging mambabasa ng komiks sa kasalukuyang panahon? Nararapat na ito ang unang isaalang-alang ng sinumang komiks creator. Alamin kung sino ang tatangkilik upang ang resulta ng komiks ay umayon sa pangangailangan at kahingian ng mambabasa.

Kung ang makalumang form and content ang lalabas sa mga isyu ng komiks ngayon tulad ng mga tradisyunal komiks noon, sino ang reader? Malamang ay kung sino rin ang mga tumangkilik noon na napako sa pagiging "tradisyunal". Walang problema sa pagiging isang tradisyunal, basta't ang mahalaga'y nakakatugon pa rin ito sa pangangailangan ng kasalukuyang panahon.

Ang pop lit ay mayroong vice-versa na ugnayan o relasyon sa mababasa nito. May tinatawag na Reader’s Response Theory. Manunulat-Mambabasa, Mambabasa- Manunulat. May malaking role na ginagampanan ang mambabasa. Sila ang nagdidikta kung ano ang marketable o saleable. Law of supply and demand lang ‘yan. Kung maraming mambabasa ang tumatangkilik sa isang partikular na genre, tema, language o milyu, ibig sabihin ay ito ang reflection kung anong klase ng lipunan at kulturang kinabibilangan ng manunulat at mambabasa.

Ang pinag-uusapang "market" o mambabasa ay ang kasalukuyang panahon. Kaya't ang isaalang-alang nating mga mambabasa ay ang mga kabataan ngayon. Ang mga kabataan, na ngayon ay advanced ang imahinasyon at futuristic kung mag-isip. Hindi lamang sila concern sa visual kundi pati na rin sa nilalaman ng kuwento. Malaki ang naiambag ng makabagong teknolohiya tulad ng computers, internet, anime, 3D graphics na cartoons, play station, xbox, atbp., upang maging mapaghanap at selective ang mambabasang kabataan. May naka-set na standard sa kanilang mga isipan at kamalayan bunga ng pagpasok ng mga bagong teknolohiya at imbensiyon. Alam nila kung ano ang katanggap-tanggap sa kanilang panahon. Mahalagang pumasok ang salitang INOBASYON sa komiks creator ngayon upang makapaghain ng kabaguhan sa mga mambabasang kabataan. Kinakailangan ng inobasyon sa paglikha ng kahit anong sulatin sa paraan man ng form o sa content kasama na dito ang language. Language is just a medium, kahit ano pang language ang gamitin ay puwede kung may mambabasang tatangkilik nito. Maaari ito sa wikang Filipino, Cebuano, Ilocano, at iba pang wika at dialekto sa Pilipinas. Basta't ang mahalaga'y magkaroon ng inobasyon sa istilo ng anyo at nilalaman ng komiks na hindi magsa-suffer ang kultura at pagka "Pilipino" ng isang Filipino, sa halip ay makapagsusulong pa nga (tulad ng aking naunang sinabi) ng sarili bilang isang Filipino na maipagmamalaki at makakasabay sa pagsulong ng pandaigdigang globalisasyon.

TANONG: Ano nga ba ang Pilipino Komiks?

Ang Pilipino Komiks noon ay defined na. Sa katunayan ay nawala na nga ito sa market. Ang Filipino Komiks ngayon ay nag-e-explore pa at naghahanap pa ngayon ng sariling “identidad”. Bukas ito sa maraming pagbabago, eksperimentasyon, option at inobasyon. Depende sa magiging reaksiyon at response ng mambabasang tatangkilik.


TANONG: Bakit ba kailangang gumawa ng PILIPINO komiks?

Sabi mo nga, ART is UNIVERSAL. At ang bawat manlilikha ng sining in general ay may lisensiya na lumikha ng kanyang obra dahil sa Freedom of Expression. Bakit naman hindi puwedeng magkaroon nito ang isang Pilipino man o Filipino?

According sa isang aklat, "Art is situated within society and history. To distinguish and evaluate aesthetic and cultural positions in the light of our needs and interest; to privilege the Filipino point of view in art and cultural studies, thereby contributing to the development of our national culture and art. At the same time, we do not lose sight of the international perspective which includes contributions, influences, as well as the interaction of forces and interests from within and without."
-Art and Society, 1997 University of The Philippines


TANONG: Para kanino ang Pilipino komiks?

Inuulit ko, ang komiks ay culture bound, kung bahagi ka ng kulturang Filipino, ang komiks ay para rin sa iyo.


Mahaba-haba ang blog na ito at sana'y nasinsin kong mabuti ang mga sagot sa katanungan ni Robby. Sana’y malinaw kong nasagot ang mga isyu na nakapaloob dito. Hindi ko siya kilala ng personal kaya’t hindi ko alam ang kanyang paniniwala, oryentasyon, pinanggagalingan at dala-dalang mga bagahe. Ngunit nagpapasalamat ako ng malaki sa mga tanong niyang mapanghamon at sa pagkakataong makapagbigay ako ng kasagutang mapanghamon din sa pamamagitan ng espasyong ito.


Glady Gimena po, at your service!

6 comments:

Anonymous said...

Mam Glady,
Napakamakabuluhan po ng nilalaman ng blog na ito. Sa totoo lang ay napakaraming mapupulot na kaalaman dito bukod pa sa nakapagpapamulat sa maraming mga isyu. Actually po, sinabi ko na sa aking mga kaklase na puntahan itong inyong blog at para na rin kaming pumasok sa klase ng pop lit. Maraming salamat sa pagbabahagi ng inyong kaalaman. Ipagpatuloy po ninyo ito.

Randy P. Valiente said...

Article!!!!!!

Ahehehe. Pwede ba 'to sa book ko?

gladi said...

hi randy,

kung seryoso ka ay puwede naman. may email ako sa iyo re-article sa book mo. thanks!

gladi said...

hello antonina,

hehe!!!

ako ang may planong mag-enrol ng subject sa iyo, kung paano maging mabait na tao!

thanks for supporting tita! labyu!

Ner P said...

malaman po ang sinulat niyo at kumpletos recados!.

mabuhay po kayo!

gladi said...

hi ner,

maraming salamat sa pagbisita mo sa blog ko at sa iyong komento.

Mabuhay ang mga nagsusulong para sa kaayusan at kapakanan ng "komiks" at mga "tagakomiks!"