Thursday, January 31, 2008

MALIKHAING PAGSULAT (ANG BOSES NG TULA)


NANG AKO’Y MAGING SI BRUTUS

Nang I-abduct si Olive oil, sumigaw siya ng Popeye help!
Litaw ang ngala-ngalang halos iluwa ang kanyang self.

Nang dumating si Popeye to the rescue ang kanyang suit,
with sound effects pang I’m Popeye the tut-tut!

Siyempre’t inombag-ombag lang ang hero ni Olive,
tinadyak-tadyakan at lumuwa pati brief.

Muling binuhat itong si princess sweet,
habang patuloy namang nagpe-plead.

E, itong si Popeye kumain ng spinach,
at maging siya’y naging macho’t malakas.

Ginulpi si Brutus at pinalipad sa air,
naglitawan tuloy ang mga stars at sprinkle.

Siyempre’t naging hero itong si Popeye the sailor,
sa kanyang love interest na si Olive the virgin oil.

Habang si Brutus nama’y naghihilong-talilong,
umiikot-ikot at nagkukulay talong.

Natalo na naman ang aking kakampi,
kaya’t ini-off ko na ang cable tv.

Hay! Ang hirap palang ma-inlove ng truly!
Nagiging cartoon character ang tingin sa sarili.

Kontrabida akong pangit na may balbas,
mabaho’t ang tinig ay tila kay Hudas.

Samantalang ang bida’y pagkapayat-payat,
ngunit isa namang herong walang katapat.

May pinag-aagawan kaming nag-iisang lady,
na ang wangkata’y over ka-sexy!

Ngunit sa kanila’y may happy ending,
ako nama’y luhaan at sad ang feeling.

Kaya’t eto ako ngayon at nasa isang sulok,
gumagawa ng tula’t panay na lamang ang mukmok.

Dear my Olive oil, Olive oil my dear,
hawak ko na ang invitation mo here.

Hayaan mo’t darating naman ako,
sa araw ng kasal mong libing naman ng puso ko.

Ang damit ko’y pamburol for sure,
habang ikaw ay naka-white pure.

Iiyak ako habang ikaw ay naka-smile,
and with poise pa ang pagwo-walk down the aisle.

Mapansin mo pa kaya ako with all the rest,
since I’m just one of the invited guests?

At siyempre pa’t kasunod ay honeymoon,
may toss ng champagne at putukan ng balloon.

Hay! Nakakainggit pa rin si Brutus,
kapag ini-on lang ang tv saka siya nalo-lose.

Samantalang ako’y lost na lost ang feelings,
naglalakad ng pabaligtad hanggang sa may ceiling.

How I wish isa na rin akong cartoon scene,
at ang puso’y pinaandar lamang ng machine.

Pero ganoon nga daw talaga ang life,
sabi nga ng marami’y "well that’s life!"

Hindi lahat ng wish ay wish granted,
kadalasan pa nga’y taken for granted.

Kaya’t eto lang ang aking masasabi,
at pakatandaan mo na lamang mabuti.

Goodbye na lang sa iyo my dearest!
Nagmamahal... Brutus, the brute poet!


***

Isinulat ko ang tulang ito noong graduating ako sa kursong Malikhaing Pagsulat at ang guro ko sa subject na MP TULA ay si Prof. Virgilio Almario (Rio Alma), National Artist. Assignment namin na gumawa ng tulang nakakatawa sa pamamagitan ng boses ng tula. Nagtatawanan naman ang buong klase habang binabasa ko ang tulang ito. Pero sa totoo lang, noong isinusulat ko ito’y hindi ko objective na magpatawa kundi ang sumulat ng tula na ang inspirasyon ko ay isang kaibigan. Nabigyang tinig ng tulang ito ang isang bahagi ng puso kong hindi kayang unawain maski ng sarili ko--para sa kaibigan kong ito.

Yet, this friend of mine still remains dear to me.

***


Mahalaga ang boses o ang nagsasalita sa loob ng tula. Sino ito? Ano ang karakter nito? Makulit ba? Malungkutin o masayahin? In love ba o bigo sa pag-ibig? Idealistic ba? Seryoso? Palaban? Hindi nangangahulugan na ang boses ng tula ay ang makata o ang nagsulat ng tula. Ang boses ng tula ay ang nagmamay-ari ng mga karanasang nakapaloob dito. Ang boses ng tula ang magpapakilala sa tauhang nakapaloob. Ano ang gustong sabihin ng boses na ito? Ang boses ang nagkukuwento ng mga samu’t saring pangyayaring nakapaloob sa bawat taludtod o saknong.


KAMAMEKO
(IKAMA MO AKO)

Sa labas,
parang taytel ng pelikulang bold ang entrada.
Ang mga dagitab ay iba’t ibang kulay na nagbabaga.
Entertainment lang “boss.”
Pampalipas pagod ang beer na nilalagok.
Pampainit ang extreme sensation na pinapanood.

Sa loob,
pasayaw-sayaw na ang hubad na katawan,
pagewang-gewang ang balakang,
pabuka-buka ang legs na sakang.
May nag-iipit ng bente, singkuwenta hanggang
isandaan-- sa bikining kumikinang.

Sa mas loob pa,
nangaghelera ang maliliit na silid sa animo’y kubeta.
May maliit na kama… May bedsheet na may mantsa.
May unang nag-iisa.
Nagkakalansingan ang barya.

Wednesday, January 30, 2008

MALIKHAING PAGSULAT (talinghaga at kariktan)

ALON
Ilang ulit mo akong paaamuin,
Nang iyong marahas na pagsuyo?
Mula sa lalim ng karagatang
Lumunod sa pintig nyaring puso.

Ilang ulit mo akong tatangayin,
Nang iyong makamandag na halik?
Palayo sa dalampasigang tahimik,
Tungo sa daluyong ng pagtatalik.

Ilang ulit mo akong liliyuhin,
Nang uli-uli mong pangako?
Upang muli’t muling magluwal,
Nang buhawing ‘di nahahapo.

***

Ang tula ay may katawan at kaluluwa. Sinisining mabuti sa pamamagitan ng pagbuo at pagbalangkas ng mga salita kung paano nabibigyang buhay ang isang tula.

Ang tugma at sukat ay mga bahagi ng istruktura o anyo ng tula at ito ang nagsisilbing katawan. Samantalang ang talinghaga at kariktan ay ang kaluluwa o ang bahaging espiritwal ng tula.

Ang tulang Alon ay isang tulang may malayang taludturan. Samantalang ang tulang Deadline ay isang halimbawa ng paggamit ko ng lalabingdalawahing sukat na may tugma.


DEADLINE

Tiktak… kring-kring… Panaginip, sinisimsim –
May istorbo sa diwa kong nahihimbing;
Sa pagtulog gusto ko pang magpaangkin,
Sa salamin ang mukha ko’y tila lasing.

Umuusok, sa init ang aking tasa.
Nagwawala, sa ingay ang kutsarita
Gumaguhit, kapeng itim sa panlasa.
Kumukulo, sa isipa’y abakada.

Taktak… riprip… ang sound effect sa ‘king silid
Kailangang magmadali’t magmabilis,
Sobrang inip ang butiki’y napaidlip,
Nang magising ang obra ko’y punit-punit.

***


Ang tula ay hindi paglalaro lamang ng mga salita, pagtutugma o pagriritmo. Kailangang masinop ang paggamit ng mga salita at hindi watak-watak. Bumubuo ng isang ideya sa pamamagitan ng mga taludtod at nangangahulugan ito ng maingat na pamimili ng mga salita. Ang tula ay gumagalaw o may ginagalawang isang mundo. Nagpapakahulugan ng isang buong mundo. Ayon kay Prof. Virgilio Almario, Dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura sa Unibersidad ng Pilipinas, ang isang tula na masinsin ay isang mahusay na tula. At ang tulang masinsin ay hindi kayang ilipat ang ilang taludtod sa ibang saknong.

Kailangan ang tugma at sukat upang sumulat ng mga taludtod, subalit mahalaga ang talinghaga at kariktan upang mabigyang buhay ang tula. Nangangahulugan na ang tula ay hindi ang sukat at tugma kundi ang sinasabing kaluluwa nito at ito ang tinutukoy na talinghaga at kariktan.

Ang tinutukoy na ideya o kaisipan sa tula ang bumabalot na misteryo. Ang tawag kung tumutukoy sa kataga at pangungusap na nagkukubli ng kahulugan ay metapora. Gumagamit naman ng imahe at simbolo kung hindi tuwiran ang pagpapahayag ng kaisipan, damdamin at pagnanais upang higit na mabigyan ng kulay at hugis ang pagpapakahulugan ng tula.

Tuesday, January 29, 2008

mula sa tambakan ng aking musmos na kamalayan

Laking gulat ko dahil sa kakalkal ko ng mga lumang kagamitan ay bigla na lamang tumambad sa aking paningin ang isang gula-gulanit na papel na may nakasulat na tula. Hindi ko na naaalala kung bakit ako sumulat ng ganitong klaseng tula noong teenager pa lamang ako. Ang inaasahan kong tulang dapat na kahuhumalingan ko ay tula ng pag-ibig. Ngunit ewan ko nga ba. Basta't ang naaalalala ko, may isang bahagi ng kamalayan ko ang nagpupumiglas noon at naghahangad na makawala sa bunton ng mga imbakan ng aking braincells. At eto ang isa sa mga unang nakapiglas. Isang tulang nakalaya mula sa nalilito at naguguluhimihang isip at pagkatao ng isang naghahanap na ako.

ANG MGA BANGKAY

karipasan sa pagtakbo...
at sa pag-uunahan

upang makatakas
mula sa ibinubugang armas

ang mainit na apoy
at usok ng kamatayan

sa tinimpla kong
kapeng matapang

doon nananaghoy
sa ibabaw ng tasang

may mga langgam
na unti-unting nangagsisilutang...

Friday, January 25, 2008

LOVE 101. TOUCH ME

Touch me
So I can live again
And love again
As I had yesterday

Touch me
As the raindrops
Touch the barren fields
And fill me with
Blossoming flowers

Until I am whole again
And I can feel again
And dream again

For my dreams had long died
And I can no longer feel
The splash of rain upon my face.

The earth is no longer verdant
with life,
The sky no longer blue
My care- worn soul is weary
In its search for elusive rainbow---
Where had it gone?

But tomorrow will be a new day
Touch me
So I can love you.

Wednesday, January 23, 2008

MALIKHAING PAGSULAT 101 (the bulate workshopper)

THE BULATE WORKSHOPPER

Sa Bulatete Community, nagkoon ng writing workshop. Pitong bulate ang tumugon at naging participant. Nagpalitan sila ng mga ideya at kuro-kuro.

May isang nagtanong, ano ang ibig sabihin o kahulugan at esensiya ng pagiging isang manunulat? May isang sumagot, basta nakapagsulat at may nasabing maganda, puwede na siyang tawaging manunulat. May isa pang sumagot, basta’t may nagbabasa ng kanyang isinusulat, manunulat na siya. May isa pang sumagot, kapag nanalo na ang akda o nabigyan ng award. May isa pang sumagot, kapag kumikita ng pera sa mga isinusulat niya. May isa pang sumagot, kapag naging boses siya ng masa at sangkot sa usaping panlipunan ang akda niya. May isa pang sumagot, kapag natsugi na siya sa workshop na ito at napaiyak na siya!

Pangalawang katanungan, paano ba bumuo ng kuwento? Eto ang mga sagot: 1) Hindi ko alam kung paano pero alam kong makakabuo ako kapag nakita ko ang inspirasyon ko. 2) Basta’t kung ano lang ang gusto kong sulatin ay isinusulat ko. 3) Basta’t eto ang kuwento ko. 4) Inaalam ko muna kung anong genre ang gusto kong sulatin. 5) Teka, ano ba ang genre?

Ikatlong katanungan, paano ba kayo natutong magsulat? 1) Ako, ginaya ko ang naunang naisulat na, pinakamadali kasi iyon. 2) Nagworkshop ng nagworkshop. 3) Experience is the best teacher, kaya ang isinusulat ko ay panay sex education. 4) Sabi ng teacher ko, ang pagsusulat daw ay mata at kaluluwa. Kaya ang isinulat ko, dinukot ang mata kaya naging kaluluwa. Horror!!!

Ikaapat na katanungan, teka sabay-sabayin na natin, ano ang kahulugan ng genre, premise, banghay, conflict, sub-conflict, major conflict, planting, balance, disturbance, complication, climax, crisis, etc. 1) Dami naman, ewan ko. 2) Ah genre, madali lang ‘yan, kategorisasyon ng mga teksto. 3) Teka, ano nga ang teksto? Ah teksto, ito iyong nasusulat. 4) Nasusulat? Bakit sabi ng titser ko, ang teksto din daw ang picture ko at saka ang mga billboard sa Edsa. 5) Ganun ba? Ngayon ko lang nalaman ‘yan ah. Teksto din pala ako?

Ikalimang katanungan, paano ba ginagamit ang mga ito bilang tools sa pagbuo ng kuwento? 1) alin, premise? Teka, paano nga ba gamitin iyon? 2) What if, only to find out lang ‘yan ‘no? Halimbawa, what if may isang babaeng problemado sa kanyang napakalaking paa kaya hindi siya maligawan, walang magkasyang sapatos sa kanya kaya talagang malaking malaki ang problema niya. Only to find out? ang problema pala niya ay hindi lang ang kanyang paa, kundi pati mukha. Bakit? Kasi mukha rin siyang paa! Ay ang ganda! Develop natin, tapos may isang nagkagusto sa kanya, pinagawan siya ng sapatos, pero korteng mukha, ah alam ko na, kasi napagkamalang paa nga ang mukha niya. Oy, ano ba naman kayo? Diskriminasyon na ‘yan ha? Bakit naman diskriminasyon? Hindi naman pinag-uusapan dito kung mayaman o mahirap. Love story nga ito. Pangit na love story. Parang mas magandang gawing kuwentong pambata! Ah tama, ang title, ANG BATANG MUKHANG PAA!

Ikaanim na katanungan, nasaan ang disturbance ng kuwento? 1)Basahin nyo na lang ang ang kuwento ko. Naroon. 2) Eh nasaan nga? Nagkamot ng ulo ang tinanong, basta lang ang sagot. 3) May isa pang nagtanong, paano mo naisip na ilagay iyon. At ang sagot, eh ganoon talaga ang kuwento ko eh. Kung paano, ewan ko. Paki mo. 4) Teka, huwag kayong mag-away, ano nga ba ang disturbance? Eto ba iyong istorbo?

Ikapitong katanungan, kailangan bang alam ko ang ibig sabihin ng genre bago ako tawaging manunulat? 1) Hindi ‘no. Paano kung hindi ko alam pero magaling naman ako at na-publish ang mga gawa ko? 2) Oo nga, hindi ba’t ang mahalaga sa pagiging manunulat ay ang ma-publish ang gawa niya? O, siya, di huwag na nating alamin ang ibig sabihin ng genre. Basta’t magsulat na lang tayo ng magsulat!

Natapos ang workshop ng PITONG BULATE na nangangarap na maging manunulat at naghiwa-hiwalay na silang gumapang sa mundo para palaganapin ang kanilang mga akda.

Ang unang bulate ay hindi nagkasya sa kanyang natutuhan sa workshop kaya’t nag-aral pa siya ng nag-aral. Ang ikalawang bulate ay sumali sa mga contest at nangarap na makakuha ng award. Ang ikatlong bulate ay gumawa ng bulateblogspot para maging hobby ang pagsusulat. Ang ikaapat na bulate ay nagsulat at nagpa-publish ng mga akdang isinulat. Ang ikalimang bulate ay nagsulat lang ng nagsulat kahit walang tumatanggap. Ang ikaanim na bulate ay namundok at sinimulang sumulat ng kasaysayan sa matulaing kabundukan ng mga Bulatete, at ang huling bulate ay hindi na nagsulat pa kaylanman matapos niyang matuklasan na ang pagsusulat para sa isang bulate ay isang malaking kalokohan.


Paano nga ba masasabing isa akong manunulat?

Sa iba’y madali lamang itong sabihin. Sa iba’y nakapagsulat lang ng isang kuwento, ang tawag sa sarili’y manunulat na. Sa iba’y napakarami na nilang kuwentong naisulat at nai-publish, at ang tawag na nila sa sarili’y manunulat. Sa iba’y hobby lang o libangan ito, pero ang tawag pa rin nila sa sarili’y manunulat. Sa iba’y propesyon ito, sa iba’y bokasyon. Sa iba’y walang kuwentang propesyon. Sa iba’y kahanga-hangang bokasyon. Depende kung sino ang nagsasalita. Depende kung anong oryentasyon ng isang tao.

Anuman ang oryentasyon ng bawat indibiduwal na nagnanais maging manunulat, may mga batayang pag-aaral na kailangan pa rin niyang pag-aralan. Hobby man ito, propesyon, bokasyon, etc. Kung baga sa subject, may mga terminolohiyang dapat ay alam ng isang mag-aaral para maunawaan ang konteksto ng pinag-uusapan.

Kung paanong mahalagang malaman natin ang 1+1 noong elementarya tayo, kung paanong mahalagang alam natin na ang kasunod ng A ay B, kung paanong dapat ay ginagawa natin ang pagsisipilyo ng ngipin at paghihimalos sa umaga, kung paanong alam natin na ang pagkalam ng sikmura ay nangangahulugan ng gutom, kung paanong dapat alam natin na ang halaga ng bawat text messages, kung paanong alam natin na kapag may narinig tayong sumisigaw ng balot ay may nagtitinda ng balot at hindi nagtitinda ng taho, kung paanong alam natin na gusto nating maging manunulat, dapat ay alam natin ang mga batayang pag-aaral na mayroon ito at alam natin ang kahulugan ng salitang genre, kung saan at paano ginagamit ito, at ang pagkakaiba-iba ng mga elementong nakapaloob dito.

Kadalasan, ang kahinaan ng isang tao na ibig maging manunulat ay ang kaayawang pag-aralan ito at ayaw na niyang malaman kung bakit si Juan ay umibig kay Maria at si Maria ay umibig kay Pedro at si Pedro ay umibig kay Juana at si Juana ay umibig kay Maria, etc… etc… Hindi na mahalaga sa kanila kung ano ang pagkakaiba ng drama sa komedi at ng komedi sa love story at love story sa action at action sa horror at horror sa fantasy at fantasy sa tunay na buhay.

Maski halo-halong konsepto ay ok na. After all, ang tawag d’yan ay deconstruction. Kapag lumabas ka sa pamantayan, deconstruction na. Pero alam ba kung ano ang pinagmulang kumbensiyon? Bakit nga ba tinatawag na kumbensiyon?

Iyon ang mahalagang matutuhan muna. Aralin muna ang mga pamantayan, ang basic, ang standard, ang kumbensiyon—- saka na tayo tumalon sa deconstruction. Kung paanong sa pag-aaral, tinatapos muna ang preschool bago mag-elementarya, bago mag-high school, hanggang college, at post graduate studies.

Kaya madalas mapagkamalang madali lang ang maging manunulat.

Monday, January 21, 2008

MALIKHAING PAGSULAT 101

BOTETE
----------------------
Mapait... matamis
lasa ng lambanog
parang babaeng
sarap ibigin
nakakaloko,
nakakabaliw,
at ang lasa'y
naiiwan sa labi
para talagang babae.
At ang likidong gumuguhit
tulad ng babae kung makapanakit
na may “after taste” pa sa umaga't
malalasahan, masisimsim, maaamoy pa
masakit na sa ulo'y masakit pa sa bulsa
babae... babae.... babae... at babae pa...
alak... alak... alak... alak at may alak pa...
magkatulad na habang tumatagal sumasarap
at lalong sumasarap, tumitindi ang pagliliyab
nakakalango't katawan ay nagpapaliyad-liyad
may mala-impiyernong init na nagpapalasap
na ang ligaya at kamunduha'y nasa langit
naman ang amats at ang “after shock!”
at sa umaga, pagkatapos na ng lahat
iisa lang din ang tinatawag-tawag
uwak... uwak... uwak... uwak...
guwarrkkk!!! guwarkkkk!!!
guwarrrrrrkkkkkk!!!
-------------------



***

Sa Malikhaing Pagsulat, gumagawa ka ng hugis, ng korte, ng imahe sa pamamagitan ng salita, mga letra, mga simbulo o senyas.

Sa Malikhaing Pagsulat, may mga kahulugang nakatago o nagtatago. Sabi nga ni Rene Villanueva, makintal at magparanas. Hihiramin ko ang dalawang salitang ito ni Rene bilang panimula.

Nagagawang makintal ang kamalayan sa pamamagitan ng paghahanap ng mga kahulugan at pagpapakahulugang nasa imahe, nasa korte, nasa hugis. May mga literal na pagpapakahulugan, subalit higit na matalas ang mga kahulugang nagbubukas ng kamalayan o nagbibigay ng mga samu't saring ideyang hindi binibigkas subalit naitatanim ng malalim o naititimo sa isipan. Nagpaparanas, hindi lamang dahil nakakarating ang imahinasyon sa lalim ng mga kahulugan ng teksto. Kundi ang magparanas na maangkin o angkinin ng mambabasa ang teksto bilang siya o bilang kanya dahil naroon siya o bahagi siya ng tekstong binasa niya at upang lumikha at magluwal ng mga panibagong imahe, mga hugis, mga korte mula sa imaheng nakintal sa kamalayan niya.

Ang Malikhaing Pagsulat ay hindi lamang ang makasulat ng katha o kuwento. May responsibilidad itong lumikha ng mga imaheng magpaparanas at kikintal sa kamalayan ng mambabasa sa pamamagitan ng literal at kritikal na pagbasa sa isang teksto.

Dito ko sisimulan ang Malikhaing Pagsulat 101.

Wednesday, January 16, 2008

Romance Pocketbook


Out na po ito sa National Bookstore!!!

Thursday, January 10, 2008

I’M GLADY WITHOUT S!












Tandang tanda ko ang kuwento ng ate Nini ko sa akin tungkol sa araw ng kapanganakan ko. Umuwi raw ang tatay ko sa bahay namin ng tanghali at tinanong niya kung nanganak na raw ang nanay namin. Oo daw. Tinanong daw niya, anong pangalan? Sabi, Glady. Tanong pa daw niya, bakit Glady?

Sagot daw ng tatay ko, wala lang, para maiba lang, walang S.

Teka, totoo bang may kinalaman ang pangalan sa ugali at pagkatao ng isang taong nagmamay-ari nito? Hindi ko alam ang logical na sagot dito pero gusto kong sakyan na oo.

Dahil sa unang iyak ko pa lang ata, malamang na tumatawa na rin ako. Glady nga eh. At ang Glady for short eh Glad, tawag sa akin ng mga kaibigan ko, at kung gustong dagdagan ako eh Glads, kapag medyo nang-aasar ay Gladiola, at kung gusto pang lalong mang-asar ay Gladieytor, haha. Sa mga unang taong nakakilala sa akin, kadalasan ay Gladys ang tawag sa akin., iyong iba alam na ngang Glady, eh ginagawa pa talagang Gladys. Eh madalas kong sabihin, singular lang po at hindi plural ang pangalan ko. Nag-iisa lang po ako.

At tunay nga atang nag-iisa lang ako sa mundo. Kung ang pagbabasehan ko ay ang kuwento ng buhay ko mula sa kapanganakan ko hanggang sa huling araw ng kaarawan ko sa taong 2008. Parang tama si father dear, walang S ang pangalan ko, para maiba lang.

Susubukan kong alalahanin ang ilang masasayang sandali ng buhay ko noong bata pa ako. Subok lang naman. Kung may nakalimutan, gawa na lang ako ng part 2. Mabuti na itong naisulat ko na at tumatanda na ako. Bago pa man lang ako magkasakit ng alzheimer’s. Hehe.

May mga naalala ako noong ako’y tatlong taon hanggang pitong taong gulang. Naninirahan kami sa Siniloan Laguna, kung saan ako lumaki at nagkaisip, pero hindi naman ako doon ipinanganak. Tatlong taon ako noon at naalala ko na kung tuksuin ako ng mga kalaro ko ay matang pusa. Kasi ang mata ko raw noong bata ay parang mata ng pusa. Ngayon ata, eh matang baboy na ako. Haha. Naalala ko rin na tukso sa akin ng mga kapatid ko ay palata. Kasi daw lelembot-lembot ako, wala pa sa hinagap nilang tatanda pala akong tigasin. Haha. a.k.a. Palaban daw!!!

Naalala ko ang bahay naming walang hagdan. Kahoy daw kasi ang hagdanan namin at detachable. Eh nakaaway daw ng nanay ko ang bayaw niya (tito Oat ko) kaya ayun inalis ang hagdanan namin. Kapag aakyat kami ay binubuhat kami ng tatay ko at kung paano niya nagagawang umakyat o bumaba na karga kami, iyon ang hindi ko alam. Ayaw na nga kaming pabababain ng bahay noong naiakyat na kami eh. Kung kailan nagbalik o nakabalik ang hagdanan namin, hindi ko na matandaan.

Naalala ko noon si Papot (kapatid kong bunso) nang utusan kong magpatumbling tumbling sa stage ng plaza hanggang sa bumagsak at pumutok ang ulo, ang dahilan, gusto ko lang magpasikat sa mga kalaro namin at the expense of my kapatid na bunso. Siyempre pag-uwi namin, hindi ko sinabi ang totoo.

Naalala ko nang may magbarilan sa plaza at dinala kami ng nanay ko sa kusina, pinadapa kami habang yakap niya kami, sigh, nanay ko siyang talaga. Kinaumagahan, panay tama ng baril ang bahay namin dahil katabing katabi namin ang munisipyo, may isang sundalong namatay, may ilang pulis na namatay at may mga bilanggo pang nadamay. Ang dahilan daw ng barilan, kaunting pagtatalo ng sundalo at ng pulis. Kuwento ng Tita Nessa ko, agaw buhay pa raw ang sundalo at ibinigay sa kanya ang singsing, ipinabibigay sa girlfriend niya. Tapos namatay din.

Naalala ko ang lola ko (nanay ng tatay ko) na nakita ko sa plaza at binigyan ako ng singko. Hindi ko makakalimutan ang alaalang iyon, dahil iyon lang ang natitira kong alaala sa kanya, kasi namatay na rin siya nang mga panahong iyon, singhot. Retarded ang lola ko, sabi nila. Kulang sa pag-iisip, hindi marunong magsalita, pero nanay siya ng limang lalaking pulos pasaway (kabilang ang tatay ko) na iginaod niyang mag-isa sa panahon ng giyera, kuwento sa amin ng tatay ko. Kaya buong pagmamalaki kong sasabihing lola ko siya at hinding hindi ko siya ipagpapalit sa iba. Maski ano pang sabihin sa kanya. Hinding hindi ko rin kalilimutan ang kaisa-isa kong alaala na nakita ko siya habang inaabutan niya ako ng isang malaking singko.

Naalala ko noong ipinasok ko ang ulo ko sa bakod na bakal ng plaza. Katuwiran ko kasi kung maipapasok ko ang ulo ko sa pagitan ng dalawang grills, mailalabas ko rin. Sa edad kong limang taon, hindi ko alam kung saang paaralan ko natutuhan iyon. At tanghaling tapat na eh nakapasok pa rin ang ulo ko, at hindi ko mailabas-labas. Nalaman ng nanay ko dahil sa sumbong ng kapitbahay at agad pinuntahan ako para ipalagare ang grills.

Naalala ko nang habulin ko ang nanay at tatay ko na umiiyak ako. Hindi ko alam kung bakit, basta’t tumatakbo akong ala-Roberta sa kalsada at sumisigaw ng Inaaaayyyyyy!!!! Itayyyyyyyyy!!! Sabay hagulhol ng iyak. Noong umuwi ang nanay at tatay ko, ilang hampas ng ruler sa puwet ang natikman ko.

Naalala ko nang nagpipiknik kami sa palayan sa likod bahay namin. Lumipat na kami sa may BNCAT at wala na kami sa plaza nang mga panahong iyon. May dala akong payong na pula at nagtatakbo ako sa palayan.na mala-Sound of Music ang eksena.

Naalala ko nang nanghuhuli kami ng dalag at hito sa tuwing bumabaha sa palayan at pinalalangoy namin sa timba. Ilang araw naming pinalalangoy bago pa lutuin. Pinasusuka daw ang tawag dun sabi ng tatay ko dahil kumakain daw sila ng putik kaya maglalasa silang putik kung hindi pasusukahin. Ang nakapagtataka, pinasuka na nga’t lahat ang mga dalag at hito, ay kung bakit lasa pa rin silang mga putik! Hehe.

Naalala ko na nanghuhuli ng ibon na pugo ang kuya Naree ko at iniihaw namin iyon. Pati ang kanta niyang Rosemary Blue na kinakanta-kanta ko pa rin magpahanggang ngayon. You tried to wake me in the morning, this was our moment of goodbye… Naks! Senti.

Naalala ko si Titina (Valentina ang tunay niyang pangalan.). Ang alaga naming baboy at iyak kami ng iyak na magkakapatid noong ibinenta na siya. Para ko siyang kapatid. Ngayon ay mas alam ko na kung bakit para ko siyang kapatid. Hehe.

Naalala ko na madalas kaming manood ng sine sa sinehan ng Saldomar ng mga pelikula nina Vilma at Nora. Minsan nga ay may mga singit pang bold na eksena. Takipan ng mga mata pero ang kapatid ko na si Kuya Iboy, nakatakip ang mata pero nakabukas ang dalawang daliri niya. hehe. Naalala ko ang pelikulang Kung Bakit dugo ang Kulay ng Gabi na ang bida ay si Alona Alegre, George Estregan at Celia Rodriguez at talaga namang lagim na lagim ako noon kaya unang pagkakataon kong hindi nakatulog buong magdamag. At sa tuwing may kaluskos, napapatalukbong ako ng kumot.

Naalala ko ang mga sinira kong bag noong nag-aaral ako ng grade one dahil buwan-buwan ay binibili ako ng nanay ko. Hanggang sa isang araw ay umuwi siyang may dalang bag na animo’y yari sa plastic na abaka. Sabi ng nanay ko, hindi mo na masisira iyan. Isang hapon, umuwi akong sira-sira na. Takang taka ang nanay ko kung paano ko iyon nagawang sirain. Nitong mga huling araw ko na lang inamin na araw-araw ko kasing kinakaladkad sa kalsada.

Naalala ko kung magtsinelas ako ay baligtad. Maski anong gawing pagtatama ng nanay ko, baligtad talaga. Hindi ko masyadong napapansin na nadala ko hanggang sa pagtanda. Minsan sabi ng pamangkin kong si Pupu, ay baligtad, parang si Tita. Walang nagkuwento sa kanila, pero napansin nilang hindi ako conscious na magtsinelas nang magkabaglitad. Puwera na lang siyempre kung lalabas ng bahay.

Naalala ko nang makipagluksong baka ako. Mataas ang tatalunin ko, sabi ko kaya ko, sabi ng ate Bingbing ko, huwag. Tumalon pa rin ako. Bumagsak ako at nadaganan ko ang kanang braso ko. Bali. Nakimaw ako. Isang taon kong ininda ang cast, kawayan pa ‘yun. Isang taon akong naging kaliwete. Hehe. Pero medyo kaliwete pa rin ako kung minsan hanggang ngayon. Haha! Kung magsulat.

Naalala ko nang umalis ang nanay ko sa bahay namin para pumunta ng Maynila para magturo. Isang linggo pa lamang ay nag-empake ang tatay ko at isinakay kaming lahat sa mini-bus, biyaheng Maynila. Sabi niya, hindi raw pwedeng magkahiwa-hiwalay kami. Pitong taon ako noon, katatapos lang mag-grade one. Nakasakay kaming anim na magkakapatid, kasama ang tatay ko sa isang mini-bus, palayo, hindi ko alam kung saan kami pupunta. At isa iyon sa pinakamalungkot kong alaala.

Ang mga sumunod na alaala ay mas masalimuot, mas kumplikadong mundo ng Yakal Tundo noong early 80’s. Panahon pa ata nina Boy Pana kung saan nakakakita ako ng saksakan, panaan, barilan at bugbugan. Ang masaya, nakakaaliw na kabataan, mga karanasan ng kalokohan at paglalagalag sa kalye. Ang pagiging musmos na tila walang katapusan.

Maraming kuwento, maraming maraming espasyong kakailanganin sa mga kuwento kong ito. Baka tamang mag-part II o higit pa.

Pero dahil birthday ko, ito lang naman ang gusto ko sa klase ng selebrasyon na mayroon ako nitong huli. Ang minsang maging batang muli ang matatanda, hehe.

Masaya ang birthday celebration ko noong Jan 3 sa bahay namin, sa bahay ko nag-lunch ang buong pamilya ko, nag-online si Nunang, binati ako ng mga kaibigan ko sa text at sa YM. May cake, may candles, may balloons, may mga kaibigan sa party, at may baby boy na cute na nakuha ang balloons ko.

Noong Jan 4 ay celebration ko sa mga kaibigan ko. Tanghali pa lang ay nagpunta na kami ni Les ng Trinoma, sabi ko, mag-scout kami ng resto, magpareserve, at dahil katatapos lang ng holiday, medyo problema ang pagkaing ipapakain ko sa mga invited guest ko. Una, baka hindi pa sila natutunawan, pangalawa, baka handa nila noong Pasko o Bagong Taon ang handa ko ngayon sa birthday ko. Una naming pinuntahan ang Fridays, negative, kasi pasta at pizza ang specialty nila, saka chicken. Sabi ko, mayroon ‘yun noong holiday for sure. Inisa-isa namin ang lahat ng resto sa Trinoma, negative lahat. Dalawa lang ang pagpipilian, Dencio’s o Gerry’s na parehong bar. Sabi ko naman, e di painumin ang matatanda with matching toy balloons, hehe, joke.

Nagpagawa ako ng pitong balloon sa national bookstore, kako ‘yan ang parusa sa mga kakain ng handa sa birthday ko, ang mag-uwi ng balloons. Pito, dahil pito kami, including me. Nagpunta kami ni Les sa Red Ribbon para bumili ng pineapple juice, sakto namang may nagtext sa kanya at kailangan niyang magpaload. Naiwan ako na hawak ko ang pitong lobo. Para akong magbebenta. Isang batang lalaki na cute na cute ang umiiyak, bumibili ng cake ang mommy niya habang kinakantahan siya ng tatay niya ng happy birthday. Nakasakay ang bata sa stroller at talagang walang patid ang pag-iyak niya. Diretso sa pagkanta ‘yun tatay. Sa wakas ay nakuha ng nanay ang cake na binili nila at aktong aalis na sila, dumaan sila sa harapan ko at talaga namang iyak pa rin ng iyak ang bata. Itinuturo ang balloons na hawak ko. Awtomatikong inabot ko sa kanya ang isang balloon na kulay yellow, dapat sana’y akin ang lobo na iyon. Hinding hindi ko makakalimutan ang biglang pagbabago ng ekspresyon ng batang lalaki, ang biglang pagtawa niya habang tumutulo pa ang luha sa mga mata niya. Humagikhik siya na hawak ang balloon. Nagpasalamat ang tatay niya at sabi sa akin, salamat ha? Birthday kasi niya.


Nabawasan ang balloons, anim na lang, pero ang tuwa sa dibdib ko nang araw na iyon ay kakaiba. Hindi nasayang ang pagbili ko ng lobo. Hindi pala totoong nagbata-bataan lang ako.

Masaya ang birthday celebration ko. Kasama ko sina tita Opi, Tita Josie, Tessa, Tita Terry, Jocy at Les. Humabol pa ang guwaping na si Bebong. So what more can I ask? Kita naman sa pix na medyo nabusog kami sa Dencio’s at kita rin sa mga ngiti namin na hindi na kami tatlong itlog lang kundi pito na! haha. They are my friends and I’m very very proud and happy to be one of them!!!

Ang regalo nila sa akin ay kakaiba, cd ng Sherk 1, 2, at 3. Ang saya talaga! Mayroon na ako noong 1 and 2, wala pa ako ng 3. Pero gasgas na gasgas na ang cd ko at talagang panahon na para bumili ng bago, hehe. Kung bakit gusto ko ang Shrek? Saka ko na sasabihin. May tula pa akong ginawa para sa kanya, kay Shrek. Ang pagsulat sa akin ng tula ay minsan lang. Masyadong espesyal sa akin kapag ginawan ko ng tula. At si Sherk ay napakaespesyal sa akin.

Kung ibabalik ko ang alaala ng aking nakaraan, gusto kong i-share ng paulit-ulit sa aking mga kaibigan ang masasayang sandali ng buhay ko kasama man sila o hindi. Dahil alam ko, sa puso ko, nakilala na nila ang totoong ako. And they have accepted me for who I really am. That’s the best gift I’ve ever received.

Tuesday, January 8, 2008

SALAMAT, RENE

Isa si Rene Villanueva sa hindi ko makakalimutan na sikat na personalidad at manunulat sa Pilipinas. Bukod sa kanyang angking galing at talino sa pagsusulat, may ilang mga kuwentong hindi ko malilimutan.


ANG UNA NAMING PAGKIKITA SA PETA
Labing walong taong gulang pa lang ako noon. Neneng nene, ika nga. Unang sabak ko sa mundo kung saan nakasama at naging kaklase ko ang ilang mga aktibista at radikal. Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang PETA noon, kung ano ang dala-dala nilang adhikain o kung anupaman. Basta’t ang alam ko’y nag-aaral ako ng theater acting. Malaking frustration ko ang maging artista (running joke nga hanggang ngayon ‘yan, hahaha!)

Ang dami kong natutuhan sa PETA, magsulat ng dula, mag-direk, at umarte.

Isang critic night ang sumailalim sa mga kamay ni Rene Villanueva at kabilang doon ang isinulat kong dula na may titulong KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG. One act play ito.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na isinalang ako bilang manunulat sa isang workshop. At sa edad na disiotso ay iniharap ako (in person) sa isang Rene Villanueva, at ang unang dulang isinulat ko sa tanang buhay ko.

Ngatog na ngatog pa ako noon. At pagod na pagod sa mga rehearsal. Ilang gabing nagpuyat kami dahil malapit na ang araw ng pagtatanghal. Hindi naman kasi basta nagsulat lang ako, kundi ako rin ang isa sa mga bidang tauhan.

Ang dami-daming sinabi ni Rene. Pakiramdam ko’y nagdidilim na ang paningin ko sa mga sinabi niya. Sa apat na dulang dumaan sa kanya, ako ang pinakahuli. Nasulyapan ko ang isang manunulat na umiiyak, napakaemosyunal dahil sa mga ginawang pangtsutsugi ni Rene. At ako, sa kabila ng pangangatog ko sa harapan niya, may composure pa rin ako sa harapan niya. Pangako ko sa sarili ko, hindi ako iiyak. Bakit ako iiyak? Eh para script lang, iiyakan ko.

Ang dami daming sinabi ni Rene (hindi ko na halos matandaan iyong iba) siguro ay dahil ayokong tanggapin ang mga sinasabi niya noon. Paiyakin ba naman ang mga kasamahan ko. Natural na may negatibong pakiramdam na agad ako sa harapan niya.

Marahil ay likas sa akin na hindi ako basta sumusuko sa isang laban. Natatandaan ko na sa lahat ng manunulat na naroon ay mag-isa akong nagsalita at nagsabi kay Rene ng saloobin.

Ang sabi ko sa kanya, bukas na ito ipapalabas, paano mo mae-expect na mababago pa namin ang mga gusto mong baguhin namin?

Sabi niya, kung kaya n’yo lang naman.

Ang sagot ko, hindi na namin kaya.

Ang daming sumunod na nagsalita pagkatapos ko. Hindi ko na alam kung ano ang ginawa ni Rene dahil tumayo na ako at naglakad, sa aktong tila nag-walk out.

Kinabukasan, nabigla ang buong grupo ko dahil may revision ang script ko. Hindi makapaniwala ang director namin na ang last dry run namin ay tila unang salang na naman dahil sa napakaraming revision ng script. Ayaw baguhin ng director. Ang sabi ko, “kung ayaw mong gawin, ako na ang gagawa ng mga pagbabago.” Nainis ang director at nagwalk out. Hinayaan ko lang siya. Ako ang nag-sub na director. Final dry run namin ay nagre-rehearse kami ng panibagong mga linya. Bago sa akin ang lahat kaya’t gustong gusto ko ang ginawa ko maski hirap na hirap din ako.

Sa gabi ng pagtatanghal sa PETA GARDEN, nakakuha ng iba’t ibang award ang KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG. Nanalo ding best director ang director nito maski nag-walk out sa huling araw ng rehearsal. Hindi ko na kinuha sa kanya ang credit. Siya pa rin ang tumanggap ng award. After all, nanalo naman akong best actress of my own right sa role na “lukaret na lola.” Ahehe.

Ang susi ng aming pagkakapanalo? Hindi pala totoong hindi ako nakinig sa mga sinabi ng isang Rene Villanueva noon.

Totoong na-challenge ako sa kanya-- bilang isang baguhan, uhugin at wala pang direksyon sa buhay. Masasabi kong starting point ko si Rene bilang isang manunulat at kung ano ako bilang manunulat ngayon.


ANG IKALAWANG PAGSASANGA NG LANDAS NAMIN NI RENE
Narinig ko na naman ang pangalang Rene Villanueva na faculty daw ng Filipino department sa UP Diliman. Marami sa mga kaklase ko na natatakot siyang maging teacher dahil sa reputasyon “daw” na ibinabato ang mga script. Wala akong matandaan na ganoon. Hindi naman kasi niya ibinato ang mga script namin sa PETA, kundi tsinugi lang. Hehe. Manunulat na ako noon sa komiks. Marami na akong series at nobelang naisulat. Nakapagsulat na ako ng mahigit isang daang romance novel, nakapagsulat na ako ng mahigit 20 dula na ipinalabas sa iba’t ibang mga paaralan tulad ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, San Sebastian College, Trinity College, etc. Kasalukuyan akong manunulat noon ng 143 ni Vic Sotto at Rosanna Roces, gayundin ng mga Telesine ng GMA at ilang mga drama series dito.

Sabi ko sa sarili ko, bakit ba ako matatakot na maging guro ang isang Rene Villanueva? Nagawa ko nga siyang harapin noon (maski pa nangangatog ako), mas magandang makaharap ko siyang muli. Pakiramdam ko’y marami na akong maisasagot sa mga tanong niya. Pangako ko iyon sa sarili ko.

Nag-enrol ako at siya ang naging guro ko sa pagsulat ng dula.

Ang ibang mga kaklase ko’y nagpalipat ng section.

Ako, nanatili akong nasa section ni Rene. Excited na ako sa first day of class namin sa kabila ng pangangatog ko pa rin. Pero hindi siya pumasok sa unang araw. Nagtaka kaming lahat. Ang iba’y natuwa. Parang nakalaya ng isang araw sa pagkakabilanggo. Ang sumunod na meeting ay tila naging isang great announcement, napalitan ang guro namin. Hindi na si Rene. Tuwang tuwa ang ilan. Maski ako, pakiramdam ko’y parang nabunutan ako ng malaking tinik na nakabaon sa dibdib ko. Hindi pa oras na magkaharap kaming muli ni Rene, sa loob-loob ko.

Pagkatapos ng semester, nawish kong sana’y hindi na lang napalitan ang guro namin. Dahil sa totoo lang, sa pakiramdam ko lang naman ay nag-aksaya ako ng isang semester sa ilalim ng ipinalit na guro dahil walang ginawa sa klase ang malaking “mama” na ito kundi ang manakot ng mga estudyanteng babae, manindak ng mga kapwa lalaki, at magkaroon ng favoritism na “magaganda’t seksing estudyante.” Hehe. Natuwa ako ng mabalitaan ko na hindi na siya nagtuturo noong mga sumunod na semester. Ewan kung ano ang dahilan. Kung dahil ba ayaw na niyang magturo, may mga nagreklamo sa kanya o bagsak siya sa popularity rating. Hehe.

Naalala ko si Rene. Ang laki pala ng nawala sa klase namin dahil hindi siya ang naging guro namin. Ang laki pala ng nawala sa akin.


ANG BATIBOT
Aktibo ako sa pagsusulat ng telebisyon. May isang lumapit sa akin na EP, kung gusto ko raw bang magsulat ng pambatang show. Usong uso iyon noon. Sabi ko, puwede naman siguro. Saan ba? Subukan ko daw makipag-brain storming sa Batibot.

Natigilan ako, sabi ko, sige bah. Pero wala sa loob kong totohanin iyon. Alam ko kasi na naroon si Rene Villanueve bilang head writer. At kung unang pagkakataon kong magsulat ng kuwentong pambata sa telebisyon, hindi ko ba alam kung ano ang magiging kapalaran ko sa mga kamay ni Rene? Parang nakikini-kinita ko na. Hehe. Ang dami kong trabaho noon dahil ilang teleserye ang ginawa ko at may GMA True Stories pa ako. Nagpasya akong mag-focus na lang muna doon.


ANG PAGSUSULAT KO SANA NG DRAMA SA RADYO
Etong si Bebang (Beverly Sy) naisipan kaming isama ni Leslie sa isang opisina ng NGO, kailangan daw ng writer sa radio. Sige, try lang, wala namang masama. Nagmeeting kami, kasama ang ilang mga writer din at miyembro ng NGO. Sabi, si Rene daw ang head writer kaso hindi makakarating. Nagbrainstorm kami at pasado ang mga pitch in at concept ko sa mga ka-meeting namin. Isabmit na lang daw namin ang synopsis proposal para mabasa ni Rene.

Natigilan na naman ako. Hindi dahil sa ayokong makatrabaho si Rene. Kundi sa mga pagkakataon na makakatrabaho ko sana siya pero hindi matuloy-tuloy. Dahil sa mga oras na sinasabi iyon, may nagtext sa akin na approve na ang isang bagong project na sisimulan ko ng gawin at nauna ko iyong commitment. Alam kong hindi ko magagawa ang assignment kong synopsis proposal. Sabi ko kay Les, siya na lang ang gumawa kasi tambak ang mga susunod na trabaho ko. Malaking project ang susunod kong gagawin.

Hindi na ako nakabalik. Alam iyon ni Bebang. Hindi rin ata nakapagsulat si Les.


SI RENE AT ANG PAGKIKITA NAMIN SA SEMINAR
May isang seminar symposium na ginanap sa UP Vargas Museum tungkol sa romance novel. Isa ako sa naimbitahang speaker. May kasama akong dalawa pang speaker pero hindi nakarating si Gilda Olvidado.

Si Rene ang tagapagpadaloy ng symposium. Na-introduce ulit kami sa isa’t isa. Graduate na ako ng UP, nagtuturo ako sa Kalayaan College at nasa unang taon ako ng masteral ko.

Na-impress ako sa galing ni Rene bilang tagapagpadaloy. Naging napakaganda ng talakayan dahil sa naging flow ng kanyang mga pagtatanong.

Nakita ko ang malaking respeto niya sa mga manunulat ng romansang nobela. Biglang bigla, nawala na rin ang pangangatog ko sa tuwing maririnig ko ang pangalan niya. Sa una ring pagkakataon ay nakipagpalitan ako ng cellphone number sa kanya.

Mula noon, paminsan-minsan ay nagpapalitan na kami ng mga text messages.


SI RENE, KAKLASE KO?

Hindi ako makapaniwala na magiging kaklase ko si Rene sa isang subject ko sa masteral degree. Sa ilalim ng gurong si Joey Baquiran. Isang workshop class ito ng mga tula at maikling kuwento.

Ito ang subject kung saan walang preno ang bibig ng mga kaklase ko sa pangtsutsugi ng maski na anong script. Mga walang patumanggang laitan at kontrahan. Sanay na ako sa mga panahong ito. Wala na akong takot makipagbaliktaktakan. Sa totoo lang, isa na ako sa pinakamatapang magbigay ng mga statement. Ang dami ko na “atang” napaiyak sa iba’t ibang mga workshop. Hehe. O nabarag na mga kuwento. Sa tuwing magsasalita na ako, medyo kinikindatan na ako ni Sir Joey na tila nagpapaalalang, o Glady hinay-hinay, baka ma-culture shock ang mga kaklase lalo na iyong mga bagong salta. May kaklase kaming galing ng Ateneo de Manila, medyo lutong luto sa akin. Ang joke ko nga noon, paghihigantihan niya ako kapag ako naman ang nagpunta ng Ateneo. Haha!

Hindi kami nag-usap ni Rene na magkampihan kami. Pero hindi ko alam kung bakit nagkakaayon kami ng mga pananaw sa ilang “trabaho” ng mga kaklase namin. May mga script na “napagtutulungan” naming tsugiin. May mga trabahong pareho naming napupuri.

Panahon na ng paghihiganti, dahil script ko na ang isasalang. Na-publish na ang maikling kuwentong ito sa Diwa Scholastica, sa ilalim ng pamamatnugot ni Dr. Jimmuel Naval. Puwede naman iyon eh. Mas maganda nga daw kung na-publish na para malaman o mapatunayan kung maski mga na-publish na ay may mga maling konsepto pa ring lumulutang.

Ano pa ba ang aasahan ko? Katakot-takot na mga tanong mula sa mga kaklase kong naghihiganti. Hindi pa ako sumasagot. Kasi huli daw akong magsasalita. Isinusulat ko isa-isa ang mga tanong na nakamamatay na kailangan kong sagutin.

Kaso mo, hindi pa man lang ako nakakapagsalita, etong si Rene Villanueva ang aking Knight of Shining Armor. Pati rin itong si Sir Joey, na panay ang singit para sagutin na ang mga tanong sa akin.

Natatawa ako. Kapag pala kasama mo ang isang Rene Villanueva at naniwala siya sa isinulat mo, hindi mo na kailangan ng armas. Siya lang ay sapat na.

Ang ganda ng sinabi ni Rene tungkol sa isinulat ko. Plain ang kwento, walang climax, walang maski na ano, kuwento lang talaga, point of view lang ng central character kaya bias. Diretso. Direkta. Pero eto nga ang bagong inihahain ni Glady. Eto ang estilo niya. Ang binabasag niyang kumbensiyon sa maikling kwento ay ang mismong anyo na nagkakahon sa isang manunulat para eto lang ang sulatin. At ito ang maganda sa kuwento ni Glady. Basta, gusto ko ang kuwento ni Glady. Period.

Sabi sa akin ni Sir Joey, kung may sasabihin pa raw ba ako. Sabi ko wala na. Totoong wala na akong nasabi pa dahil wala ng kailangang sabihin pa. Ang mahalaga sa akin, may isang nakaunawa sa loob ng klaseng iyon kung ano ang ginawa ko sa isinulat ko. Si Rene Villanueva-- na naging instrumento ko noong ako’y nagsisimula pa lamang magsulat para isiping ang revision ang pinakamabisang tools ng isang manunulat. Si Rene Villanueva din ang nagbigay ng inspirasyon sa akin ng mga oras na iyon na magpatuloy sa paghahanap o paglikha ng “bago” sa anumang akdang isusulat ko pa.


ANG PAG-UUSAP NAMIN TUNGKOL SA IBONG ADARNA
Tinext ko si Rene habang patungo kami sa Laguna nina Vicky Nuevas, Leo at Les. May pa-concert kasi kami ng South Border doon. Tinanong ko si Rene kung magkano ang halaga ng isang one act play kung pasusulatin ko siya. May plano kasi ang Star Events noon (kung saan ako ang SP) na mag-produce ng play na Ibong Adarna. Gusto namin na si Rene ang magsulat at ako ang magdi-direct. Hindi ko na kasi kayang sumulat nang mga panahon na iyon dahil fulltime faculty ako ng GCIC (Global City Innovative College) at may hawak pa akong posisyon as Chancellor ng Aeolus House. Bukod pa sa pagiging SP ng Star Events ay busy kami sa concert tour ng South Border. Nagpasya kaming si Rene sana ang pasulatin ng play. Pero nasa stage pa lang kami ng project study, nagback-out ang producer namin.

And sad to say, hindi natuloy ang proyekto. Nanghinayang ako ng malaki dahil pagkakataon ko na sanang makatrabahong muli si Rene.


ANG PALANCA AT SI RENE
Naging judge ako sa Palanca Awards, Maikling Kuwento Category, 2006.

Pero bago mangyari iyon, may entry ako na gusto kong isali sa Kuwentong Pambata Category ng taong iyon. Parang alam ko na kung sino ang makakalaban ko, the likes of Eugene Evasco and Rene Villanueva lang naman. Hehe. Sabi ko sa sarili ko, sana judge si Rene na halos taun-taon ay nanalo sa Palanca. Pakiramdam ko’y wala akong chance manalo kapag kasali si Rene. Pero ang naging judge ay si Eugene Evasco, isa pang multi-awardee na manunulat.

Inimbitahan ako ng Palanca para maging judge. Iminungkahi daw ako ni Prof. Ligaya Tiamson Rubin. Sabi ko sa sarili ko, may choice ako. Sasali ako o magdya-judge ako. Tinanong ko si Dr. Jimmuel Naval, thesis adviser ko, kaibigan at guro na walang sawang nangungumbinse sa akin noon na magsasali sa Palanca (dahil tamad akong magpasa ng entry). Sabi niya, grab the opportunity. Ibang klaseng experience daw kasi. Nagdesisyon akong tanggaping maging judge kaysa sumali. Naalala ko si Rene. May nakapagsabi sa akin na hangga’t maaari daw ay ayaw ni Rene na mag-judge at ang gusto’y sumali ng sumali lang. Ewan kung totoo ito. Ewan din kung bakit.

Makaraang maging judge ako ng Palanca, napatunayan kong tama si Rene. Tama siya kung ang makakamit mo ay ang mga nakamit niyang tagumpay sa Palanca.


ANG HULI NAMING PAGKIKITA NI RENE
Kasama ko si Dr. Ruby Alcantara sa faculty lounge (sa isang coffee table), at nagla-lunch kami. Nakita ko si Rene at nilapitan ko para batiin. Sa tingin ko’y namayat siya kaya’t agad ko siyang kinumusta. Ngumiti agad siya sa akin at sinabi niyang ok lang naman siya. Sandali lang kami nagkuwentuhan at bumalik na ako sa table namin ni Mam Ruby. Narinig ko pa si Mam Ruby na pinagsabihan si Rene na kumakain na naman daw ng matamis. Napangiti pa ako sa sagutan ng dalawa, siyempre daw at masarap kung ano ang bawal.

Iyon na ang pinakahuli.


ANG MAIKLING KUWENTONG ISUSULAT KO PA
Hindi ko alam kung sapat ito sa dami ng natutuhan ko kay Rene, bagama’t baka hindi niya alam na naturuan pala niya ako. Noon ko pa gustong maglagay ng mga maikling kuwento dito sa blog ko kaso’y lagi akong walang oras kaya’t pulos dagli lang ang nailagay ko.

Ang unang maikling kuwento kong isusulat dito, at ito’y mula o hango sa unang dulang isinulat ko… KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG.

At ito’y para sa alaala at inspirasyon ng isang Rene Villanueva.

***


KUNG MAGISING KA’T MAUNTOG (PART 1)
Kumukuti-kutitap… umiindak-indak… sumusundot-sundot…

Panay lang ang kanta ni Lola Munding habang nagluluto ng kanyang nag-iisang resipe, ang sinampalukang man-ok.

Man-ok talaga, walang kokontra kay Lola Munding kung ayaw mahampas ng siyanseng ipinang-eespada pa niya. Panay ang wasiwas, saka may sundot at mahinang paghampas.

Mahinang hampas ng siyanse sa palayok para lumikha ng tunog bilang beat ng kanyang kanta at kung kailan niya igagalaw ang kanyang balakang sa pag-indak. May tiyempo daw dapat.

Lola. Tawag ni Raffy, ang kanyang kaisa-isang apo na lalaki.

Hmmnn…

Alamusal po.

Kumukulo-kulo… umuusok-usok… Kanta pa ni Lola Munding habang inihahain kay Raffy ang sinampalukang man-ok niya.

Lola, alamusal po.

Alamusal nga iho.

Hindi na kumibo si Raffy. Bakit nga ba hindi pa siya nasanay na ang almusal, tanghalian, at hapunan nila ni Lola Munding ay ang nag-iisa nitong resipe na sinampalukang man-ok. Nakakakain lang siya ng ibang putahe kapag nakikikain siya sa ibang bahay, o kaya’y pinapakain siya ng may-ari ng ulingan na pinagtatrabahuhan niya. Biruan ng ilan nilang kakilala, manok lang daw kasi ang kayang patayin ni Lola Munding. At pasalamat na raw ang lahat, dahil kung kaya daw pumatay ng tao ni Lola Munding, malamang na sinampalukang…

Ayan, humigop ka na ng sab-aw, apo.

Kaisa-isang apo ni Lola Munding si Raffy. Kaisa-isa. Hindi alam iyon ni Raffy, na kaisa-isa siyang apo ni Lola Munding. Dahil buong akala ni Raffy ay napakarami niyang pinsan na nag-aaral sa Maynila. Akala niya’y nasa Maynila ang mga tiyo at tiya niya na may kanya kanyang pamilya. Buong akala niya’y may buhay pa siyang naghihintay sa labas ng baryong kinagisnan niya. Buong paniniwala niya’y may tahanan pang naghihintay sa kanya sa labas ng maliit na kubo ni Lola Munding na gigiray-giray lalo na kung katatapos ang malakas na bagyo.

Sige na lola, magkuwento ka pa.

Ng ano?

Kuwentuhan mo pa ako tungkol sa mga pinsan ko. Kuwentuhan mo pa ako tungkol sa mga anak mo. Kuwentuhan mo pa ako tungkol sa nanay at tatay ko.

Tuloy lang sa pananahi sa kanyang lumang makina si lola Munding ng punda ng unan. Iyon ang pinagkakakitaan niya sa loob ng mahabang panahon.

O, e, ano pa ang kukuwento ko? Lahat ata nakuwento ko na.

Lahat nga. Pero di mo pa nasasabi kung bakit.

Bakit? Umangat ang mukha ni Lola Munding, sinulyapan si Raffy na noon ay nakatalungko sa isang mahabang silya. Seryoso ang mukha.

Bakit tayo lang ang andito sa baryo? Bakit nasa Maynila silang lahat? Anong ginagawa nila sa Maynila, Lola?

E, wala.

Lola, anong wala?

E, basta’t nasa Maynila sila. Iyon lang ang alam ko.

Hindi ba natin sila pwedeng puntahan, Lola?

E, hindi ko alam. Wala tayong pamasahe.

Lola, may naipon na ako. Inilabas ni Raffy ang nakabilot na pera mula sa isang telang hiningi niya sa panederiya. Doon itinatago ni Raffy ang kinita niyang pera mula sa pag-uuling.

Ayan Lola, marami na tayong pera. May pamasahe na tayo pangluwas ng Maynila. Puntahan na natin sila.

O sige, hayaan mo’t luluwas din tayo. Diretso si Lola Munding sa pagtipa ng paa niya sa makina.

Talaga lola? Namilog ang mga mata ni Raffy, iyong bilog ng matang hinding hindi inaasahan ni Lola Munding na makikita niya. Pakiwari ni Lola Munding ay aatakihin siya ng Alzheimer’s dahil sa bilog ng mga mata ni Raffy. Biglang bigla, gusto niyang magkasakit ng ganitong sakit. Iyong makakalimutan niya ang lahat. Iyong hindi na niya maaalala ang anumang ikinuwento niya kay Raffy. Iyong maabuswelto siya sa kasalanan niya sa musmos na isipan ng binatilyong kinuwentuhan niya ng kung anu-ano. Naghabi siya ng kuwento na parang gagamba na naghahabi ng bahay nito. At dahil mananahi siya, nagtahi siya ng kuwento para kay Raffy. Ewan niya kung bakit. Gusto niyang batukan ng paulit-ulit ang sarili. Bakit ba niya pinagpraktisan si Raffy sa kanyang mga kuwento sa loob ng labing pitong taon?

At ngayong may sapat ng isip si Raffy, paano niya haharapin si Raffy para amining…

Alam mo, apo ko… imbento lang ang lahat…

Alam mo, apo ko… napulot lang kita sa tae ng kalabaw!!!

Ngayon pinagsisisihan ni Lola Munding ang ginawa. Paano niyang babawiin sa asang asang si Raffy na hindi totoo ang lahat ng kuwento niya dito? Paano niya sasabihin ang katotohanang napulot lang niya ito sa umpok na tae ng kalabaw? Hindi iyon patawa lang, sa isip isip ni Lola Munding. Totoo talagang napulot niya si Raffy doon. Pero ang katotohanang iyon ay kailangan niyang pasinungalinan na. Dahil sa mga mata ni Raffy, sa mga bilog na mata ni Raffy, kitang kita niya ang pag-asa, ang paniniwala, ang pangarap, ang buhay na pinapangarap, at ang buo nitong kaluluwa.


may part 2.

Tuesday, December 25, 2007

GREETINGS!!!

HAPPY CHRISTMAS TO ALL!!!


PEACE BE WITH YOU.


MORE BLESSINGS TO COME, ESP. SA MGA KOMIKS CREATOR AT SA MISMONG KOMIKS!!!


NEXT YEAR(2008) AY MAGSAMA-SAMA ULIT TAYO SA PAGSUSULONG NG INDUSTRIYANG MINAHAL NATING LAHAT.


ANG KOMIKS!!!!

Wednesday, December 12, 2007

ANG PASKO SA KOMIKS (PAGLALAGOM)











Isang napakalaking tagumpay ang Pasko sa Komiks (PASKOM) kung ang pag-uusapan ay ang naging resepsiyon o pagtanggap ng Unibersidad ng Pilipinas sa pangunguna ni Dean Virgilio Almario (National Artist), Prof. Bienvenido Lumbera (National Artist), Prof. Vim Nadera (Director, creative writing center), ang moderator na si Sir Xiao, Prof. Emil Flores, ang isa sa mga organizer na si Eva (barkada ko, UP days), si Mang Enteng (ang tagapangasiwa ng Bulwagang Claro M. RECTO), atbp. Pasensiya na po sa mga hindi ko nabanggit. Sa lahat ng mga guro at estudyanteng nanood, bumili ng komiks at sumuporta. Maraming salamat po sa inyong lahat mga Sir at Mam, mga kaibigan at kasamahan sa kolehiyo!

Sinimulan ko ang talk ko tungkol sa unang mga meeting na naganap para buuin ang kongreso sa Komiks sa MAX restaurant. Ito ang sinabi ko sa unang meeting na dinaluhan ko. Panahon na upang itaas ang antas o kalagayan ng komiks dahil sinisimulan na itong kilalanin at pag-aaralan ng malalaking pamantasan bilang isang lehitimong panitikan o pop lit. Sa katunayan, kasama na ito sa kurikulum ng subject na Kulturang Popular. Sinabi ko rin ang ilang kuwentong natunghayan ko kay Prof. Almario noong guro ko siya sa UP. Ilang beses din siyang nagkuwento tungkol sa komiks at may mataas siyang pagtingin dito.

Kaya noong may mga nagsabi na panahon na para itayo ang komiks o ipagtanggol ang komiks sa darating na PASKO SA KOMIKS na gaganapin sa UP, at binalaan o pinagsabihan na magsipaghanda ang lahat, totoong napangiti ako. Hindi dahil masyado akong kumpiyansa. Kundi dahil alam kong makakakuha ang mga taga-komiks ng malaking suporta sa pinanggalingan kong kolehiyo. At siguradong sigurado ako d'yan!

Handa naman talaga ako sa pakikipagbalitaktakan, at sa lahat ng oras ay handa ako para manindigan sa komiks. Siguro lang ay dahil alam ko kung ano ang sasabihin ko sa sinumang makaharap ko. Siguro ay dahil hindi ako basta bumabanat ng kulang ako sa "armas" o panangga. Sanay ako sa banatan sa mga symposium sa UP. Napakaraming beses ko ng naimbita para magsalita sa CM Recto kaya't hindi na bago sa akin ang humarap sa mga mag-aaral ng UP at maging sa mga guro. Kaya hindi ko talaga inisip na magiging "hot cake" kami. In fairness sa pinagmulan kong departamento o kolehiyo, napakarasyunal nila sa usaping pangkultura at mga esensiyal na usaping pangsining. Bagama't naniniwala ako na may mga "ilan" d'yan na totoong nagtatakwil sa kontribusyon ng komiks pero hindi naman nangangahulugang lahat. Hindi ako nagkamali dahil ipinakita ni Sir Almario (RIO ALMA) ang kanyang napakalaking suporta at mataas na pagtingin sa komiks. Sa katunayan ay pinasubalian o pinatotohanan pa nga niya ang sinabing namatay na raw ang komiks may 20 taon na ang nakakaraan at sa pagbabalik ng isang Carlo J. Caparas ay muling nabuhay. Sinabi lang naman niya ito sa porma ng pagtatanong dahil nga sa may mga nakita siyang komiks sa galeria na hindi naman akda ni Carlo. Kaya't isang malaking kuwestiyon sa kanya kung namatay nga ba ang komiks. O baka naman daw ang namatay lang ay ang akda na sana'y isusulat pa ng isang Carlo J. Caparas. Mga tanong niya itong iniwan na naging hamon sa mga panelista na sagutin sa buong maghapon na iyon ng talakayan.

Nagpapasalamat din ako sa napakalaking suporta ni Prof. Vim Nadera (isang multi awardee na makata, napakagaling na guro, at director ng CWC). Bilang moderator sa hapon, nakakatawa ang mga banat niya at mga pagbibiro pero seryosong tinatanggap niya ang mga sinasabi ng panelista. Ang hindi ko malilimutan ay ang mali-maling intro ng pagpapakilala sa mga panelista, kaya nga biro niya'y "susunugin daw" ng buhay ang gumawa nito. Haha! Kaya nga ba nagbigay ako ng sariling intro sa akin. Una, ayokong maging eksaherada ang pagpapakilala sa akin, ikalawa sayang sa oras ang gagawin ko pang pagwawasto sakaling may maling introduksiyon na sabihin tungkol sa akin.

Napakahusay ng paglalatag ni Prof. Patrick Flores tungkol sa aesthetic sense at value ng sining biswal (gayundin sa akda) na ginawa ni Francisco Coching. Nakakatuwang isipin na ang isang professor sa ilalim ng departamento ng Art Studies ay kinikilala ang kontribusyon ng isang komiks creator na may kapantay na lebel tulad ng mga artist na sina Malang o iba pang mga national artist. Maging si prof. Patrick ay naniniwala na ang isang Coching ay maaaring ihanay o nararapat na maging isang national artist sa sining biswal.

Nakakatuwang isipin na may isang international magazine na ipinakita ni Gerry Alanguilan kung saan sinabi niyang 70% (correct me if i'm wrong, sir) na may mga pag-aaral doon tungkol sa Filipino komiks o mga Filipino komiks creator. Nangangahulugan lamang na kinikilala sa buong mundo ang husay at galing ng mga Filipino Komiks Creator. At kung ang pagkilalang ito ay nagmumula sa labas ng bansa, bakit hindi ito mangyayari sa loob at sa sariling bansa? Kaya't nakapagtataka kung bakit may kumukuwestiyon sa aesthetic value ng komiks at sa cultural value nito na mga Filipino rin? Sana'y pag-aralan muna ang konteksto, ugat, pinagmulan, kultura, ang iba't ibang transpormasyon, ang iba't ibang anyo ng komiks bago manuligsa. Sa simpleng paliwanag, maging grade one muna bago magtapos ng kolehiyo.

Para sa akin ay dapat bigyan ng standing ovation ang naging paglalagom ni Prof. Joey Baquiran tungkol sa kinabukasan ng komiks. Eto ang pinakaesensiya at sana'y matunghayan at maunawaan ito ng lahat ng komiks creator upang sa gayun ay ganahan naman ang lahat na magpatuloy na lumaban at tumayo para sa komiks.

Ayon nga kay Prof. Joey Baquiran ng UP, sa PASKO SA KOMIKS, hindi mamamatay ang komiks dahil may kakanyahan ito. Ang katangiang biswal at teksto. Isang kakanyahang hinding hindi mamamatay sa kulturang Filipino hangga't ang mga Filipino ay may mga mata para makakita at bibig para makabasa-- magpapatuloy ang eksistensiya ng komiks. Mabuhay ka Sir Joey!!!

Ipinakilala ako ni Ms. Sally Eugenio bilang "palaban" o "babaeng palaban." Haha! Pinagtatawanan ito ng isip ko. Oo, palaban ako, para sa alam kong tama. Oo, palaban ako, dahil alam ko ang ipinaglalaban ko. Oo, palaban ako, para iwasto ang mga maling datos na naitatala sa kasaysayan. Hindi ko basta tatanggapin ang mga "pag-aangkin ng titulo na hindi naman karapat-dapat. Hindi ko tatanggapin ang isang akdang sinasabing kabilang sa isangdaang nangunguna sa komiks ng hindi ko alam kung ano ang pinagbasehang pamantayan o pag-aaral. Hindi ko tatanggapin ang sinumang magsasabing ako ang "hari", o ako ang "reyna" hangga't wala akong nakikitang nakaputong na korona.

Marahil para sa iba ay sasabihing ngang palaban ako, matapang, etc. Pero para sa akin, hindi ko iniisip na palaban ako o matapang lang ako. Mas gusto kong isipin na hindi lang ako "TANGA!"

Sabi sa akin ni Sir Vim, "hindi ko akalain na ganyan na kataas kung basahin mo ang komiks, Glady."

Oo naman, dapat naman, bakit naman ang hindi? At napapanahon na upang kilalanin itong lehitimong panitikan o pop lit na nangangailangan ng obhektibong pag-aaral sa ilalim ng panunuring pampanitikan.

Nais kong ibahagi ang naging introduksiyon ko sa talakayan sa PASKO SA KOMIKS bilang pagtataya ko sa naging kalagayan at kontribusyon ng komiks noon at ngayon.


KULTURANG KOMIKS
Hindi matatawaran ang naging kontribusyon ng komiks sa lipunang Filipino bilang isang pamanang kultural. Ang naging eksistensiya nito sa loob ng mahigit na anim na dekada o higit pa ay maituturing na isang “social phenomena”.

Sino ang makakalimot sa mga akda ni Mars Ravelo tulad ng Darna, Dyesebel, atbp. Kilala natin ang Zuma ni Jim Fernandez. Ang Barok ni Bert Sarile. Si Mang Kepweng ay naging bahagi “noon” ng pang-araw araw na buhay ng mga Filipino bilang isang “albularyong pulpol.” Ang karakter na si Pokwang na nilikha ni Vincent Benjamin Kua Jr. bilang isang batang babae na kakandi-kandirit.

Hindi malilimutan ang mga akda ng mga babaeng nobelista katulad nina Elena Patron, Nerissa Carbal, Helen Meriz, Zoila, Flor Apable Olazo, Gilda Olvidado, Ofelia Concepcion, Josie Aventurado at marami pang iba.

Napakaraming naging ambag ng komiks sa kultura, panitikan at lipunang Filipino. Hindi lamang dahil sa karamihan ng mga akdang ito’y naisapelikula, kundi nag-iwan ito ng mga subliminal na kahulugan sa kamalayan ng mambabasang Filipino. Isang araw, natitiyak kong karamihan sa akda sa komiks ay maisusulat na rin sa “dula”. Malay man o hindi malay ang isang mambabasa, subalit napakaraming konseptong iniluwal sa komiks na magpahanggang ngayon ay patuloy nating tinatangkilik tulad ng Zsa Zsa Zaturnah.

Naging daluyan ang komiks ng napakaraming konsepto ng “social norm”. Mga hindi malilimutang tauhan o karakter. Cliché man o hindi cliché pero naging hulmahan o modelo ng mga bagong manunulat na lumilikha ng panibagong karakter sa bawat henerasyon. Sina Facifica Falaypay, Panday, Pedro Penduko, at marami pang iba.

Naging instrumento ang komiks ng paglalantad ng mga isyung kinasangkutan ng lipunan. Mga isyu ng kababaihan, kabaklaan, suliraning pampamilya, social protest, at pag-ibig. Madalas sinasampal ang isang “babaeng buntis” at tunay na nagpapalaganap ito ng negatibong kamalayan para sa mga kababaihan. Pero nangangahulugan na ganito ang lipunan natin, dahil ito ang manunulat natin na nililikha din ng kung anong uri ng mambabasa mayroon tayo. Ginagawa nating katatawanan ang isyu ng mga bakla, ayaw nating seryosohin ito. Dahil ganito tinitingnan ng lipunan natin ang kalagayan ng mga gay at lesbian, isang malaking katatawanan lang.

Naging repleksiyon ang komiks kung ano ang uri o antas ng kamalayan mayroon ang mambabasang Filipino sa pamamagitan ng mga naisulat na akda. Sino ang mga tumangkilik at anu-ano ang mga akdang tinangkilik? Isang malinaw na pamantayan o framework na maaaring paghugutan ng batayang pag-aaral o pananaliksik sa panunuring pampanitikan.

Maraming naturuang magbasa ang komiks (literal man o kritikal na pagbasa sa teksto) dahil napakaraming Filipino ang tumangkilik nito. Isang popular na babasahin na nagbigay aliw sa mambabasa, nagturo ng iba't ibang kaalaman at nagsulong ng Kulturang Filipino. Ito ang pinakamalaking kontribusyon ng komiks na hindi kayang pasinungalinan ninuman at hindi kayang "talunin" maski pa anong klaseng genre sa pop lit man o panitikang Filipino. Ipinagtibay din ito ng naging pahayag ni Dean Almario na sa komiks siya natutong magbasa at ang pagbabasa ang dahilan kaya siya palaging first honnor sa klase. Mayroon din kaming taxi driver na nakakuwentuhan bago kami pumunta noon sa meeting ng KOMIKS sa NCCA, sinabi niyang natuto daw siyang bumasa dahil sa komiks at sa komiks din daw siya natuto ng maraming mga bagay o tip.

Ang isang pinakamapait na karanasan ng komiks ay naging sentro ito ng mga panunuri at panunuligsa. Tinawag na bakya, baduy, may mga bastos o taboo na eksena, babasahin ng mga taong hindi nakapag-aral, pambalot ng tinapa, pampunas ng--, etc. Nangangahulugan lamang ito na may malinaw na “puwang” sa lipunang ito ang mga bagay na pilit na itinatago ng mga konserbatibong pananaw o paniniwala. At ang puwang na ito ay natagpuan nila sa mga “pahina” ng komiks. Bago pa man ilathala ang aklat na “Erotika”, may “Tiktik” na ang komiks.

Ang komiks ay naging hulmahan ng napakaraming manunulat na ngayon ay manunulat ng telebisyon, pelikula, teksbook, atbp. Mayroon akong kaibigang manunulat na nagsabing sa komiks siya natutong magsulat at utang na loob niya sa komiks ang kinikita niyang mahigit daan daang libong piso na kinikita niya sa pagsusulat ng pelikula at telebisyon ngayon. At ako, kinikilala ko ang komiks bilang hulmahan ng aking talento sa pagsusulat. Anuman ang isulat o isinulat ko, lagi’t laging bumabalik ako sa katotohanang ang komiks ang naging hulmahan ko sa pagsusulat. Hinding hindi ko itatakwil ang katotohanang ito, sabihin mang baduy o bakya ito.

At ngayon, sa loob ng bulwagang ito, ang pasasama-sama nating lahat ay isang malinaw na pagtataya sa komiks bilang isang lehitimong panitikang popular na nangangailangang ng obhektibong pag-aaral bilang kasaysayang pampanitikan at hindi isang pagtitipon lamang para magkaroon ng pag-uusapan, kasiyahan o katuwaan.

Sa bulwagang ito bubuksan ko ang tanong na maaaring sagutin ng lahat ng mga magiging panelista sa talakayang ito. Namatay nga ba ang komiks? Nabuhay ba itong muli? O nagkasakit lang at naghihingalo pa rin hanggang sa kasalukuyan? At kung anuman ang tunay na kalagayan nito ngayon, ANO PA BA ANG MAGAGAWA NG PAGSASAMA-SAMA NATIN NGAYON PARA SA KOMIKS?

ANO PA BA ANG MAGAGAWA NG KOMIKS SA ATIN UPANG MAGTIPON-TIPON TAYONG LAHAT SA LOOB NG BULWAGANG ITO?
***

Kasunod nito ay ang aking powerpoint presentation tungkol sa mga katangian, kahalagahan at elemento ng kuwento sa komiks bilang bahagi ng Kasaysayang Pampanitikan at Kulturang Popular.


Maraming salamat sa lahat ng sumuporta at tumangkilik sa Pasko sa Komiks upang maging isang malaking tagumpay ito ng mga organizer (Read or Die), sponsors, Kolehiyo ng Arte at Literatura, at higit sa lahat, ang tagumpay ng Komiks at lahat ng komiks creator ng Pilipinas. Binabati ko ang lahat, at MALIGAYANG PASKO!

Monday, December 3, 2007

ang maliliit na kuwento (pero kuwento)

May maliliit akong kuwento noong nagtuturo pa ako o maski mga karanasan ko bilang manunulat.


SUBJECT: PRE-MARITAL SEX

Sa isang subject na itinuturo ko tungkol sa research paper, isang diskusyon tungkol sa pre-marital sex ang nabuksan.
“Open ba sa mga kalalakihan ang pre-marital sex?”
Sagot ng isang estudyante, “Yes mam, condom lang ang katapat niyan. Para iwas aids mam!”
“So ibig sabihin hindi bawal sa lalaki ang pre-marital sex at ang kailangan lang ay iwasan ang pagkalat ng aids?”
“Yes mam, condom lang talaga ‘yan, dami sa 711 niyan!”
Follow up question ko. “E ang babae? Ok na ba ang pre-marital sex sa kanila?”
Huhhhhhhh!!! Kantiyawan ang mga lalaki, nag-blush ang mga babae.
Isang estudyanteng babae ang tinanong ko, “Ano iha? Open na ba ang mga kabataang babae sa pre-marital sex?
Nahihiya, “M-mam, hindi po.”
Huuuuuuuuhhh!!!! Kantiyawan ulit ng mga lalaking estudyante.
Tanong ko ulit sa estudyante kong babae, “Bakit hindi open?”
“P-pokpok daw po kasi siya kapag inamin niya.”
Tumindi ang hiyawan at palakpakan sa loob ng klase ko. Grabe!!! Parang pandemonium. Tuwang tuwa ang mga estudyante kong lalaki ng marinig ang salitang pokpok!
Nag-follow up question ako. “Eh kanino makikipagsex ang lalaki kung puwede sila at hindi puwede ang babae?”
Biglang natahimik ang lahat. Nagkatinginan. Walang makasagot sa mga lalaki.
Isang babaeng pilya ang tumayo at agad malakas na malakas na sumagot, “Eh di sa kapwa po lalaki, mam!”
Huuuuuuhhhhhh!!!! Mas malakas, mas matindi, walang patid na hiyawan ng mga babae. Pinakawalan nila ang isang klase ng tili na mababasag ang eardrum ng mga lalaki.
Natapos ang argumento sa klase ko.

Pero may isa pang humirit, isang gay na estudyante ko ang tumayo at nagtaray, “Tapos ngayon magtataka kayo kung bakit dumadami ang bakla?”

Muling nagkalampagan ang buong classroom, hagalpakan ng tawa ang mga estudyante ko: babae, lalaki, tomboy, bakla.


SUBJECT: VIRGINITY

Isang malaking isyu na ang virginity ng babae ay kailangang manatiling intact bago magpakasal para ituring na mabuting babae. Hindi makawala ang mga Filipino sa ganitong konsepto.

Isang research paper na naman ang gagawin ng mga estudyante ko.

Bawat section ay may 300 respondent na lalaki sa survey. Ang paksa ay kung "Gaano Kahalaga ang Virginity sa Pag-aasawa?"

Ang naging resulta: Ito daw ang batayan ng maayos na pamilya.

Inis na inis ang mga estudyante kong babae.
“Mam Glady, bakit ganoon? Unfair ang resulta.”
Sabi ko, “Dayain natin, gusto n’yo?” Pagbibiro ko para medyo gumaan ang pakiramdam nila dahil “unfair” daw ang resulta.
“No mam, ayaw naming dayain ang resulta. Debate na lang. Idaan sa debate!” Hamon ng mga estudyante kong babae.
“Call,” sigaw ng mga lalaki.
Umpisa ng argumento, “Importante ang virginity!” Deklarasyon ng estudyante.
Sabi ko, “Bakit?”
“Kasi mam, gaya ng nanay ko, matino siyang babae, maayos ang pamilya namin, hindi siya nanlalalaki.”
Malakas ang palakpakan ng mga lalaki.
Isang babae na mainit na mainit ang ulo ang tumayo. Hinarap ang kaklase.
“Paano ka nakasigurado na virgin ang nanay mo ng pakasalan niya ang tatay mo?” Galit at nanghahamong tanong ng estudyante kong babae.
“Siyempre first love niya ang tatay ko.” Madiing tugon ng lalaking kaargumento.
“So dapat kapag first love, suko na ang bataan?”
“Siyempre.” Mayabang pang tugon ng lalaki.
“Puwes, hindi kita first love!” Sigaw ng estudyante kong babae.
Nagtawanan ang buong klase ko.
Magboyfriend pala iyong nagdebate.


SINONG BAKLA?

To be fair, siyempre’t hindi naman lahat ng lalaki ay ganoon mag-isip. May isang lalaki ngang napagbintangang bakla kasi kampi daw sa mga babae. Magkaibigan ito at lagi akong pinupuntahan sa faculty. Minsan ay nag-argumento sila sa harapan ko habang binabasa ko yung research proposal nila.

“Pare, sa grupo ka na namin, hayaan mo na ang mga babae na kumampi sa kapwa babae.”
“Ayoko.”
“Bakit ka ba kamping kampi sa mga babae?”
“Siyempre babae ang nanay ko.”
Pilosopo ang isang esudyante, “Lalaki naman ang tatay mo, ah.”
“Oo nga, pero hindi dapat ipinaaapi ang babae.”
“Hindi naman natin sila inaapi ah? Pero grade mula kay Mam Glady ang pinag-uusapan dito, dapat full force tayong mga lalaki.” May segway pa iyon na, “Mam, ang kuripot nyo kasing magbigay ng grade, ayan tuloy.”
Hindi ko pinansin ang sinabi ng estudyante ko. Panay ang lagay ko ng red mark sa research proposal para ayusin, daming mali eh.
“Pare sige na.” Pamimilit pa ng isa.
“Ayoko nga.”
“Bakla ka ata eh.”

Nagprotesta agad ang estudyante kong pinagbintangang bakla, “Loko, pare, sapakin kita, sinong bakla? Ikaw nga itong nakita kong sinisilipan sa CR si Benson eh.”

Lihim akong napatawa. Ewan ko kung alam nila. Pero ang pagkakaalam ko, ang tsismis ng mga estudyante tungkol sa kanila ay magboyfriend sila.


Sa loob ng limang taong pagtuturo ko sa kolehiyo, wala pa naman akong estudyanteng nagsuntukan sa loob ng klase dahil sa mga debateng ganyan. Pero masaya silang nakakapag-express ng mga ganitong opinion. Katuwiran ko, hindi man agad-agad maitutuwid ang mga pananaw ng lalaki tungkol sa babae. But at least maging conscious naman sila kung anu-ano ang mga negatibong pananaw na naipalalaganap sa mga kakabaihan. Somehow, baka mai-apply na nila ang ganitong pagbabago sa magiging asawa nila o sa mga magiging anak nilang babae.

Alam ko, namimiss ng mga estudyante ko ang isang gurong tulad ko. Obvious sa mga text messages na natatanggap ko mula sa kanila. Mam, may teacher pa bang kagaya mo? Pasaway!!!


BUNTIS

Sa isang pagtitipon na may mga komiks, nagkaroon ng multi-media presentation sa mga nobela sa komiks. May isang portion na nakatawag ng pansin sa akin. Eto ang dialogue.

"Buntis ka? hayop ka! tanga ka!" Habang binubugbog 'yung babaeng buntis. Eh buntis na nga, bugbugin pa ba?

Nagtataka ako kung ano ang ikinaganda ng nobela na may mga ganitong dayalog at kailangang gawan ng multi-media presentation. Kinikilabutan ako. Babae ang sumulat ng akda, pero mismong siya ay hindi niya alam ang karapatan niya bilang babae. At para ipamura at ipagbugbog niya ang tauhan niyang babae dahil lang sa buntis ito.

Sinulyapan ko ‘yung manunulat na babae, nakangiti, buong pagmamalaki siyempre’t dami ang nanonood. Tiningnan ko ‘yung babaeng buntis na binubugbog sa kuwento.

Nagkakapalit na ata sila ng mukha sa paningin ko.


PAGKAIN

Sa isang workshop naman na ako ang "facilitator.” Grupo o organisasyon sila ng "women against violence, sexual harassment, battered wife, etc..."

Tanong ko bago ko umpisahan ang workshop, “Gaano na po ba kalawak ang sakop ng pag-aaral at naaabot ng kaisipan natin sa pagsusulong ng ganitong kamalayan?”

May isang sumagot, buong pagmamalaki, “malawak na malawak na po.”

A, ok, sa isip-isip ko, hindi na ako magkakaproblema sa nilalaman. Maaari na akong mag-focus sa anyo at ilang teknikalidad.

Tumambad sa aking paningin ang isang frame ng komiks script. Eto ang eksena, madilim na sinehan, hinahalikan ng lalaki ang babae at ang sabi ay ito.

Lalaki (bulong): ang sarap mo….

babae: (daing) oooohhhh….


Nabigla ako. Hindi ko napigilan ang pagtawa. Sabi ko, “Ano to? kumakain? At ang babae ang pagkain?”

Nagkatinginan sila. Alam kong napahiya sila. Ikaw ba naman ang nagsusulong ng ganitong advocacy tapos mako-caught in the act ka?

Nag-preno agad ako. Napahiya din kasi ako.


INA

Tanong ng isang guro namin noong nag-aaral pa ako, “Ano ba kasi ang papel ng ina sa lipunan natin?”
“Miss Gimena, ano ba ang nanay mo sa pamilya ninyo?”
Hindi agad ako nakasagot. Background check. Bigla akong napaisip, ano nga ba ang nanay ko sa pamilya namin?
May isang nagtaas ng kamay. Sa isip-isip ko, ang bobo ko naman, para iyon lang hindi ko agad nasagot. Nakakahiya ako.
Sinagot ng isang kaklase kong lalaki. “Mam, ang nanay ko po ay masipag, gumagawa ng lahat ng trabaho sa bahay, martir na asawa, mabait na ina, hindi marunong magalit at higit sa lahat, magaling maglaba!”
“Iho, bakit hindi mo pa sinabing, ang nanay ko po ay katulong namin!”
Save by the bell ako. Dahil ang sagot ng kaklase ko ay ang sagot na muntik ko sanang maisagot.
Ulit-ulit ko na lang binatukan ang sarili ko sa isip ko.


LIBOG

Sabi sa akin ng isang editor sa romance novel, “Masyado ka namang idealistic magsulat. Hindi ito babasahin ng readers. Landian mo. Lagyan mo ng libog.”

Ah ok, libog. Gumawa ako ng isang kuwento ng babaeng may “libog” daw sa katawan.

Binasa ng editor. Tapos pinare-revise. Tanong ko, “Bakit kailangan ng revision?”
“Masyadong “malibog” para maging babae.”
Haha! Putik na buhay ‘to, pati libog ng babae, sinusukat? Eh paano ko lalagyan ng “landi o libog” ang karakter ko kung lalagyan ko ng sukat?
Hindi pa doon natapos sa hirit ng editor, “Oy, Glady, gawin mong “virgin na malibog ha?”
Hahahaha!!!!! Kainis!!! Ang sakit ng tiyan ko sa katatawa. Malibog na virgin. Kaaawa-awang kalagayan naman ng babae, hindi na baleng malibog pero nasasatisfy naman niya ang gusto niya. Kaso ikakahon pa pati libog niya bilang isang babaeng virgin?
Hindi ko isinulat. Naaawa ako sa karakter na gagawin ko. Kung sa akin ay hindi ko gustong mangyari iyon. Hindi ko na inirevise o ibinalik. Minsan ay nagkita kami ulit ng editor na iyon.
“O, nasaan na ang nobela mo?”
Tanong ko, “alin ‘yung kuwento ng virgin na malibog?”
Seryosong naghihintay ng sagot ang editor ko.
“Ayun, lola na at malibog na virgin pa rin!”


Ang dami kong maliliit na kuwentong ganito na nararanasan ko sa mga estudyante, kapwa guro, kaibigan, kasamahang manunulat, at maging sa sarili ko. Pero masisisi ba tayo sa mga ganitong kamalayan gayung ganito nga tayo pinalaki sa ilalim ng “patriarchal” na lipunan?


Hindi ako advocate ng feminist movement o gay lit. Paulit-ulit kong sinasabi yan. Hindi naman kasi kailangang maging miyembro nito para magsulong ka ng isang kamalayan o para lang maunawaan mo ang iyong karapatan bilang tao at bilang mamamayan ng lipunan.

Sabi nga ni Marx tungkol sa false ideology, may karapatan tayong iwasto o itama ito. Wala ba tayong gagawing pagwawasto dito? Lalo’t mga manunulat tayo?

Sige, payag naman ako na ganito ang lipunan natin. Sige, hindi ko babaguhin. Sige, wala akong gagawin. Kailangan kong kumita. Kailangan ko ng pera. Kailangan kong makipag-compromise para basahin ako at kunin pa ang serbisyo ko bilang manunulat. But the least thing na maaaring kong i-contribute ay ang huwag nang dagdagan ang mga maling konsepto sa pamamagitan ng akda ko, na “malay” ako.

Ito ang dahilan kung bakit kami nina Tita Opie (Ofelia Concepcion), Josie Aventurado, Maia Jose, Leslie Navarro ay naniniwala na may pangangailangan sa mga manunulat ng komiks o romansang nobela na dumaan sa workshop at pag-aaral. Dahil maraming maraming kailangan pang matutuhan. Hindi pa tayo dapat huminto sa pag-aaral. Hindi pa tayo dapat huminto sa pagbabasa. Hindi pa tayo dapat huminto sa pag-unlad. Hindi ba’t gusto natin na ang ating mga akda ay kilalanin bilang isang lehitimong panitikan at hindi maging pambalot ng tinapa lang?

Maski pakonti-konti lang ang pag-aangat o pagbabasag ng mga kumbensiyon. Hindi naman kailangang isagad. Maski ipakita lang muna, ipa-aware lang muna. Maski nakikipag-compromise pa muna. Sa paunti-unting pagmumulat ay kaalinsunod na ang unti-unting pagwawasto.

Krimen na maituturing bilang manunulat ay ang magsulat ng isang paksa o isang bagay na wala siyang lubos na nauunawaan pero nakapagpapalaganap ng maling kamalayan. Ngunit ang pinakamalaking krimen sa lahat, ay ang isang paksang alam na ngang mali, pero isinulat pa rin ng walang ginawang pagwawasto.


And there's no excuse for that.

Sunday, December 2, 2007

LOVE 101. love means you never have to say sorry

Huusss, mukhang umuusok ang isyu ko sa Starry, Starry night... Vincent Kua Jr., et al. Na-segway ito sa gay lit o pink lit o gay issue sa PKMB. Well, bukas na akda naman iyon kaya ano ba ang inaasahan ko? May mainit ang ulo na ilang kalalakihan sa mga isyung ganyan, ang iba ay logical, meron ding ilogical, ang iba ay deadma, ang iba ay skeptic, ang iba naman ay very passive.

But whatever it is, may free will ang bawat indibiduwal na magbigay ng kanya-kanyang opinyon. Ang mabuting bagay na nilikha nito ay ang "pagkalampag" ng isyu sa mundo ng "komiks" na medyo "macho" ang imahe. Hehe. Tila nagsasabing "Hey, bro, eto lang kami. Hala ka!" Pagkabahala sa ilan ang paglikha ng statement ng gay lit at "nagbababala" ng pagdami. They are coming here! Lagot na tayo! Magugunaw na ang mundo! Hahahaha!!!!

Hindi ako advocate ng gay lit sa Pilipinas. I myself ay wala pang naisulat na akda o artikulo tungkol dito maliban sa school/study paper na may pangangailangan sa aking grado sa isang subject. Maliban sa Silahis Komiks na may pitong isyu lang ata at may serye ako na "I AM WHAT I AM." Pero noong ginawa ito, hindi pa malinaw sa akin ang pagsusulong ng ganitong kamalayan. Nagkukuwento lang ako ng tungkol sa mga karakter na gay at lesbian. Wala pa akong dala-dalang armas o makinarya, ika nga.

Maraming beses na akong inalok na sumulat ng artikulo o kuwento tungkol sa gay at lesbian. Isa sa mga miyembro ng UP Babaylan ang nag-alok sa akin, sa iba't ibang mga school journal, mga librong may tema tulad ng Ladlad, etc. But for some personal reason ay hindi ko nagawa o nagagawa pa. Alam kong marami pa akong hindi alam tungkol sa isyu. Mas malalim pa sana ang gusto kong malaman dito. Pangalawa, may ilang bagay na hindi ko pa kayang i-compromise bilang manunulat. Para din 'yan noong alukin ako ni Prof. Joey Baquiran na magsulat ng isang paksang taboo o mala-erotica na pumapaloob sa study ng literary criticism. Batid kong napapanahon na 'yan. Gustong gusto ko sana pero alam kong kulang pa ako sa tapang. Maliban sa salitang "libog," ano pa ba ang alam kong kaya kong sabihin ng direstahan? Haha! So mahaba-habang karanasan pa at mga pag-aaral ang kailangan ko, bago ako maging kasing tapang ng mga manunulat na bumabasag ng mga tradisyunal na konsepto upang makalikha ng "bagong anyo" at magkapagsulong ng bagong kamalayan.

Segway na ako. Na-miss ko ang love 101. Nakakamiss kasi ang pakiramdam na in love, 'yung kilig, 'yung punong puno ng romansa at "ka-elan." Haha. Baka may mambatikos sa akin nito at magtanong. "Prof Glady, ikaw ba 'yan? Can you explain further?"

Pero gaya nga ng nasabi ko, at paulit-ulit kong nasasabi sa mga kaibigan ko, isang malaking frustration ko bilang manunulat ay ang makasulat ng kuwentong taboo. Straight na lalaki o babae man ang paksa. Gay or lesbian man ang tema. Hindi pa ako handa. Sa totoo lang, conservative ako! Haha. Hindi lang halata. Pero mas tama siguro sabihing hindi pa lubos ang pagiging "rebolusyunaryo" ko bilang manunulat.

Pumapaloob pa rin ako sa mga tradisyunal na konsepto na pakonti-konti lang, pasundot-sundot lang kung mag-deconstruct. It is my personal advocacy. Naniniwala kasi ako na hindi dapat binibigla ang mambabasa, pero kailangang inihahanda na, o inaangat maski bahagya hanggang sa tuluyang matanggap ang isang teksto.

Mahirap kasing maghain ng isang akda na "bago ang panlasa" sa mambabasa. Baka lang hindi basahin. Sayang naman. Pero kung kayang mag-segway, why not? sa akin lang pananaw ito. Kaya nga hanga ako sa mga manunulat na walang takot bumasag ng kumbensiyon na katulad ni Vincent. Iilan lang at bibihira ang hinahanggan kong manunulat. Napakahirap kong umappreciate ng kuwento kung palagi kong paiiralin ang pamantayang natutuhan ko sa loob ng unibersidad. Pero isa si Vincent sa talagang nagpahanga sa akin, may gamit man akong panukat o wala.

Love of my life? meron ako niyan.... marami. First love, true love, greatest love, platonic love, etc.... lahat ng klase ng love. Kasi, may "enlargement of heart" ata ako pagdating sa pag-ibig. Hehe. Siguro naman ay may katulad ako.

Pero hindi ako madaling magkagusto. Hindi ako madaling ma-inlove. Hindi ako madaling attract. Sa lagay na 'yan, ha? Hehe. Ang pag-ibig kasi, para 'yang kuwento sa akin na sinusukat ko sa iba't ibang pamantayan na natutuhan ko sa loob ng unibersidad. Sinusukat ko ang pag-ibig sa iba't ibang pamantayan na natutuhan ko sa aking mga naging "karanasan" sa buhay.

Maraming karanasan na hindi natin nakakalimutan. Ang madalas na hindi nakakapaglimot sa atin ay ang mga salitang may pinaka. Pinakamasarap, pinakamasaya, pinakamaligalig, pinakamasakit, etc. Kaya nga sumikat ANG PINAKA ni Pia Guanio sa QTV eh, hehe.

Pinakamasarap: puwedeng pagkain, puwedeng halik.
Pinakamasaya: puwedeng pamamasyal, puwedeng birthday, puwedeng Pasko.
Pinakamaligalig: puwedeng away-bati, puwedeng walang katapusang palitan ng mga argumento sa text messages.
Pinakamasakit: puwedeng pinakamahabang iyak sa napakaraming gabi, puwedeng break-up, puwedeng paghihiwalay na walang closure.

Maraming mga bagay na hindi nagpapalimot sa atin. Maraming mga bagay na hindi tayo makapag-let go kaya hindi tayo maka-move on. At ang laging skeptic ng mga kaibigang nagpapayo sa atin, o maski ng mga nanay natin, "Don't worry, time heals all wounds." Subukan mong iwan o pabayaan ang pag-ibig, palipasin ang isang panahon at saka na lang balikan kapag naghilom na ang sugat.

Baka nga mas tamang saka na muling harapin ang lahat kapag naibalik ko na ang composure at tiwala ko sa sarili. O kaya'y kapag gumaling na ako mula sa isang "temporary insanity" dulot ng epekto ng opyum ng pag-ibig. Kapag makakatingin na ako ng diretso sa salamin at masabi kong "been there, done that." Kapag kaya ko ng sabihin ang lahat ng nasa loob ko sa taong minahal ko na "minahal" ko siya, kapag kaya ko ng aminin na nasaktan ako at nagkunwari lang ako na hindi nasasaktan para lang protektahan ang pakiramdam niya. Saka na, kapag may wisyo na ako. Dahil paano ako mamahalin ng iba, paano pa ako matututong magmahal ng iba, kung ang mismong sarili ko'y watak-watak at hindi alam kung paano ito bubuuin.

At napatunayan ko itong tama. Lahat ng sugat ay nagagamot ng panahon.

Maaaring nasaktan tayo o ako. Pero sa kabilang banda, maaaring hindi natin alam na nakasakit din tayo o ako. Kasi, subjective tayo kapag nagmamahal. Sarili lang natin ang iniisip natin.

Ganun din sa isyu ng gay lit. Sariling opinyon lang natin ang gusto nating pakinggan at tila ayaw nating makinig sa iba.

Medyo guilty ako kung minsan sa mga akusasyon na ganyan. Minsan, sarili ko lang ang iniisip ko. Akala ko, ako lang ang nagmahal o nagmamahal.

The bright side of it, I'm starting to be more objective. Marami pa akong hindi alam. Marami pa akong gustong matutuhan. Gusto kong maunawaang mabuti ang mga pinanggagalingan at mga dalang bagahe ng ilan, lalo na iyong mga may "machong kaisipan" na "nasasagi ang ego" sa isyung inilalatag ng ilang mga kababaihan at maging ang gay issue. Hindi ako kasing galing ng inaakala ng iba. I'm still hunger for wisdom and truth. Dahil kung hindi ko ito iisipin, naniniwala ako na simula na ng pagtigil ng pag-unlad ko bilang manunulat ang ganitong klaseng "kayabangan" sa sarili. Gusto ko pang umunlad.

Para pa ring pag-ibig 'yan. Kung magpapatuloy akong maniwala na ako lang ang nasaktan at hindi ako nakasakit, para ko na ring pinahinto ng kusa ang "tibok" ng puso ko sa pag-ibig. Na ayokong mangyari, dahil ayokong huminto ang "enlargement of heart" ko. Hehe. Sa kabila ng maraming karanasan, pagkabugbog ng puso, pagkamatay at pagkabuhay na muli, sa pinakadulo nito'y hindi pa rin ako matatakot magmahal. Gusto ko pang magmahal.


Dito ko gustong paniwalaan ang kasabihang "love means you never have to say sorry."


Maging sa isyung natalakay ko sa Starry, Starry Night... kay Vincent at sa pagmamahal ko sa komiks, I'll never have to say sorry.


At kung alam mong minahal kita, so with you.