Wednesday, June 25, 2008

SOULMATE

Naniniwala ka ba sa soulmate?

Siguro totoo. Puwede ring hindi. Depende sa pagtingin at paniniwala ng tao. Sa iba, ang soulmate eh yung lovers, o yung mag-asawa, basta yung may romantic feelings. Sa kaso ko ay iba, in this life, naniniwala akong natagpuan ko ang aking soulmate sa katauhan ng isang matalik na kaibigan.

During my younger years, I've met someone na maski ako ay hindi ko lubusang mapaniwalaan na malayo ang mararating ng aming pinagsamahan. She is Sonja Barbara de Lima Munoz. She's 45 years old then and I'm 18. Halos mag-ina ang aming age gap. Kaedaran ko nga ang panganay niyang anak na si Bembet. Halos magpang-abot kami ng isip ng binatilyo niyang si Miko, at gayundin si Chico na bunso niya. Pero si Son ang gusto kong kaibigan, walang iba.


Sa likod ng CCP, kami ata ang orig na nagpauso ng tiangge, hehe. Sa stall na ito, mga design ni Son ang produkto na ibinebenta.

Kaklase ko siya ng directing at production design under kay Rolando Tinio noong nag-aral ako ng theater arts sa MET (Metropolitan Theater). First day ng school ay natawag agad ang pansin ko. Nakaupo siya sa isang tabi, laging naka-smile, mabait ang mukha. Nakita ko siyang pumasok sa comfort room during breaktime. Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin para sundan siya doon at lapitan. Nakipagkilala ako sa kanya. After ng konti naming chit-chat, sumama na ako sa kanya sa Dunkin Donut para magkape. Kinabukasan din ng umaga, alas siyete ng umaga, kumakatok na ako sa pintuan ng bahay nila. Hehe. And the rest is history.

Araw-araw na kaming magkasama. Kung saan saang lakaran niya ako isinasama. Kung kani-kanino niya akong kaibigan ipinakilala. Ganun din siya sa akin. Kung paanong nakilala ko ang buong pamilya't angkan niya, ganoon din siya sa akin. Nakilala ko ang mga kapatid niya, ang mga anak, ang mga apo, ang mga kaibigan, ang mga boyfriends at nais maging boyfriends. Hehe. Naging bahagi siya ng pamilya namin. Dalawang kasal ng kapatid ko na siya ang nagdesign ng wedding gown. Lahat ng play ko halos ay siya ang production designer, kung hindi man, siya pa rin ang adviser ko. Siya ang impluwensiya ko sa maraming bagay lalo na pagbabasa ng mga libro ni Edgar Cayce. Napakarami niyang itinuro sa aking mga bagay na hindi alam ng isang taong wala pang direksiyon sa buhay na tulad ko. Hanggang isang araw, sinabi ko sa kanya na balang araw ay may mararating ako bilang manunulat gayung hindi ko alam kung totoong marunong akong magsulat. Sabi niya, naniniwala siya sa akin. Sabi ko pa nga yayaman ako sa pagsusulat (hehe) though hindi pa iyon nagkakatotoo. Sinabi ko iyon sa kanya na ang laman lang ata ng pitaka ko ay limang piso, pamasahe ko lang pauwi. Ganun kalakas ang fighting spirit ko, ganun din kalakas ang fighting spirit niya para sa akin. Hehe. Pero anu't anuman ang nangyari sa buhay ko, mula teatro, komiks, tv, UP, etc, lagi siyang nandiyan. Hindi siya nawawala sa tabi ko.


Pareho pa kaming naka tuck-in. Hehe.

Son is a very talented person. An artist, a designer, a writer. Nakapag-one woman show na siya sa Manila Hotel sa kanyang mga painting. Ako ang number one fan niya. Hindi lang dahil sa magaling siyang writer at artist, kundi magaling siyang tao. Mabuti siyang ina, mabuti siyang kaibigan.


Galit siguro sa akin ang kumuha ng pix kaya kalahati lang ako, hehe.

Dahil sa marami naming pinagdaanang problema na magkasama kami, dahil sa mga nakakatuwang karanasang hindi naming makalimutan, dahil sa mga pagkakataong ibinigay sa amin para patunayan ang aming friendship, sabi namin sa isa't isa, siguro soulmate kami. Kasi hindi pangkaraniwan na maging matalik na magkaibigan at maging magka wave length ang dalawang taong magkaiba ang henerasyon. Enjoy ako sa mga kuwento niya tungkol sa kanyang nakaraan. Ewan, pero napipiktyur sa isipan ko ang mga kuwento niya sa akin. Nakatatak ang bawat detalye. At maski ang lugar na hindi ko napupuntahan ay tila detalyadong nakalarawan sa aking diwa't isipan. Basta pakiramdam ko ay napuntahan ko na ang mga napuntahan niya. Parang naroon ako sa mga pinagdaanan niya. Parang saksi ako sa mga pangyayaring ikinukuwento niya sa akin. Hindi ko alam kung bakit may ganoon akong pakiramdam. Sa kanya lang naman. Maski ipaulit-ulit sa akin ng maski na sinong tao ang kuwento ng buhay ni Son ay kaya kong ikuwento. Mula pagkabata niya, hanggang pagdadalaga, ang pag-aartista (nag-artista siya noong 60's pero sandali lang), hanggang pag-aasawa, detalyado ang mga kuwentong ito sa isipan ko. Hindi ko nakakalimutan ang mga kuwento niya sa akin tungkol sa nakaraan niya.

At maging siya rin naman, anuman ang pinagdaanan ko'y nasaksihan din niya. Nakita niya ang bawat iyak ko, narinig niya ang bawat hagulhol ko, naramdaman niya ang mga sakit at sugat ng puso ko. Maraming pagkakataon na tinulungan niya akong mapaghilom ang mga sugat na iyon. Saksi siya sa mga pangarap na binuo at unti unti kong tinupad. Saksi siya sa mga kabiguan ko at sa mga pagtatangka kong makabangon. Walang sawa din siyang nakinig sa mga kuwento ng buhay ko. Kung ano ako ngayon, kung paano ako mag-isip, kung paano ako magsulat, kung paano ako magmahal, alam kong hinugot ko ang mga ito sa buhay at karanasang kasama siya.

Nitong nakaraang mga taon ay hindi kami masyadong nagkikita at nagkakausap ni Son. Naging abala ako sa maraming bagay. Wala pang isang linggo nang maalala kong tawagan siya sa telepono, mahigit tatlong taon na ata kaming hindi nagkikitang dalawa. Maminsang dalawin ko siya sa bahay, makipagkita sa kanya, o kaya'y tawagan. Ganoon na lang ang komunikasyon naming dalawa nitong mga huling araw. Pero walang nagbabago sa tono ng boses namin, sa paraan ng pag-uusap namin, sa mga biruan namin, sa mga patutsadang kami lang ang nagkakaunawaang dalawa.

Kaninang tanghali, naalala ko na naman siyang tawagan. Eto ang aming naging pag-uusap.

Sinagot niya ang telepono, "Hello."
Ako: O Son, aalis ka ba?
Hindi ako nagpakilala sa kanya, pero alam niyang ako ang kausap niya, alam ko ring siya ang nakasagot ng phone.
Siya: Ay teka, oo.
Ako: San ka punta?
Siya: Bakit?
Ako: Puntahan sana kita.
Siya: Aalis ako, may dinner kami mam'ya.
Ako: Ganun?
Siya: Teka, nabuksan mo na ba ang e-mail mo?
Ako: Alin? Bakit nag-email ka na ba sa akin?
Siya: Hindi nga eh. Pero...
Ako: Bakit nabasa mo na ang blog ko?
Siya: Oo, yun nga, sumulat nga ako sayo dun kaya lang... ano eh... teka, hindi ata nagsend.
Ako: Ay bakit sayang? Nakita mo na ang bahay ko?
Siya: Oo, sabi ko nga sayo dun kelan mo ako dadalhin sa bahay mo? Kaso nag-hang na eh.
Ako: Ngayon, kaya nga kita tinawagan eh. Pupuntahan ka sana namin ni Les. Dito ka matulog sa bahay ko. Kaso may dinner ka naman. Teka, bakit ka ba may dinner?
Siya: Bakit ka ba tumawag?
Ako: Ayun nga, gusto nga kitang makita.
Siya: Namimiss mo na ako 'no?
Ako: Oo, namimiss na kita. Kaya nga pupuntahan na kita eh.
Siya: Akala ko pa naman may importante kang sasabihin sa akin.
Ako: Yun nga, hindi ba importante yun? Gusto nga kitang puntahan. Ano ka ba naman?
Siya: Hindi 'yun. Wala ka man lang sasabihin? Wala ka bang naalala?

Ayun na. Tumawa na ako ng malakas. "Happy birthday!!! Birthday mo nga pala!!! Teka, bakit nga ba? Teka, bigla ko na nga lang naalalang tawagan ka. Tapos inisip ko nga na sunduin ka para dalhin kita dito. Ay grabe soulmate talaga kita."
Tumawa rin siya.

So nagkasundo kami na bukas na lang ang date naming dalawa para sa kanyang birthday. Susunduin ko siya para dito siya sa bahay ko magstay at matulog. Dahil hinahanap na rin siya ni nanay at ng mga kapatid ko. Saka malalaki na sina Pupu, gusto rin siyang makita. Sabi pa niya, "Oo nga, gusto ko ring makita si Len". Nanay ko si Len, hehe. Leni kasi si mother. Iyon ang tawag niya kay nanay.


Sina Son at Len, kasama sina Arline, Apa at Rona.

Tapos tumawag ulit ako. "May picture ka ba sa e-mail mo? Forward mo naman sa akin kasi gagawa ako ng article ko sa blog tungkol sa iyo.
Na-excite siya. "Uy talaga? May picture ako sa friendster."
"May friendster ka?"
"Oo naman, anong palagay mo sa akin?"
"Anong address mo?"
"Ay hindi ko alam."
Tumawa ako ng malakas. "Ano ka ba? May friendster ka hindi mo alam ang address?"
"E kasi si ano ang nagbubukas lang... ano eh..." Si ano, apo ata niya yun.
"O eh paano ko makukuha ang friendster account mo? A siguro sa email no?"
"Oo nga siguro, kasi bakit si ano, natitingnan niya ang friendster ko pero hindi ko naman ibinibigay yun address. Naisip ko, puwede siguro makita iyon kahit na sino."
Oo nga naman sa loob-loob ko, kaso nagtuut na ang phone ko. Naubos na ang load kaya hindi ko na siya natawagan ulit.

Eto ang bumulaga sa friendster niya, hehe.

Si Son noong kapanahunan niya.

Ganyan kami mag-usap. Parang walang kwenta. Parang napakaordinaryo. Parang kwentong barbero lang namin ang mga pinagdaanan naming magkaibigan. Parang hindi totoong may isang taong gaya niya na konektado sa buong pagkatao ko. Dahil ang importansiya niya sa akin, ang halaga niya sa buhay ko ay hindi basta hanggang kuwento lang o isang kuwento lang.

Sa puso ko, sa isipan ko, sa pagkatao ko, karugtong ng buong ako ang mga pinagsamahan namin. She's my bestfriend, my soulmate, she's within me and i'm within her. At alam kong ang friendship namin na ito ay kapwa namin babaunin saan man kami magpunta. Naniniwala nga kaming magkikita at magkakasama pa kami 'til next life eh. Hehe.

May kanta ako sa kanya noon at kanta ko pa rin ito sa kanya magpahanggang ngayon. Eto 'yun...

If I have only one friend left, i want it to be you...

Love you Son, happy __th birthday, hehe.

Tuesday, June 17, 2008

MALIKHAING PAGSULAT 101 ( isang papel at pagsusuri)

Sinimulan ko ang pagtalakay ng romansang nobela sa blog na ito sa pamamagitan ng artikulo na UNDYING ROMANCE. Sinimulan kong buksan ang paksa sa pagtalakay ng mga suliraning nakapaloob dito. Mga suliraning nakapaloob sa konteksto nito, mga manunulat, publisher, mambabasa atbp. Hindi sa nais kong gawing negatibo ang artikulong iyon, kundi dahil para buksan ang paksang ito sa isang mas makatotohanang pagtalakay. Ang romansang nobela at maging ang kasaysayang nakapaloob dito ay hindi isang escapismo, kundi may totoong kasaysayang pinagdaraanan sa lipunang Filipino. Bata pa ang romansang nobela dito sa Pilipinas kung ikukumpara sa ibang bansa. Naging masigla ito sa market simula 1980's-90's dahil sa ilang pangunahing dahilan. Taong 2000 nang unti-unti itong nanamlay dahil sa mga sangkot na isyung pulitikal, pagbaba ng ekonomiya ng bansa, pag-unlad ng teknolohiya (internet, video games, etc.) paglakas ng telebisyon at iba pang libangang o aliw ng mga Filipino. Pero sa kabila ng pagsasara ng ilang malalaking publikasyon(Valentine Romances, ABS-CBN Publishing House, etc), nanatili itong nasa market (bookstore man o bangketa) dahil patuloy na may mambabasang tumatangkilik dito.

Narito ang unang bahagi ng artikulo na isinulat ko bilang papel at pagsusuri sa aking masteral tungkol sa mga tradisyunal na konsepto ng romance novel na unti-unting nagkakaroon ng inobasyon sa pagsulong ng panahon.


GLADY E. GIMENA
98-78027

MALIKHAING PAGSULAT 215 (UP DILIMAN)
DR. LILIA QUINDOZA SANTIAGO

ANG TRADISYUNAL AT INOBASYON SA ROMANSANG NOBELA (PART 1)




Sa konteksto ng lipunang Pilipino, malaki ang kadahilanan ng malaking populasyon ng mahihirap, pagbagsak ng ekonomiya, at pagdami ng OFW kung bakit naging popular ang romansang nobela. Naging panandaliang paglimot nila ang pagbabasa ng ganitong uri ng babasahin na may temang mababaw, at mga feel good na istorya. Sa kaso naman ng mga OFW sa ibang bansa, naging libangan nila ito at pampatid ng kanilang pagkasabik sa bansang Pilipinas. Dahil ang pakiramdam nila, sa pagbabasa ng romansang nobela ay nakapaglalakbay ang kanilang isip patungo sa mga tauhan, pook, pangyayari na nagaganap sa Pilipinas.

Ang romansang nobela ay may pormula na love story, kadalasan ay love triangle ang conflict,pero happy ending pa rin sa kabila ng mga paghihirap ng bidang tauhan. Magaan lang ang pagkukuwento o ang naratibo upang madaling maunawaan ng mga mambabasa nito. Ang bawat eksena ay may laging mayroong tinatawag na kilig moments para sa mga bidang babae at bidang lalaki. Lantad na ang pormulang ito ng romansang nobela. Magpapaiyak, magpapakilig, magpapalibog, at sa bandang huli’y magpapaligaya ng mambabasa dahil sa konsepto ng happy ending o sa konsepto ng aliw bilang escape.
Bakit nga ba kailangan ay happy ending? Para maging magaan dalhin ng mambabasa ang buhay na nakapaloob sa romansang nobelang kanyang binasa. Ang pagbabasa ng mga ganitong tema ay isang paraan ng escapism o pagtakas sa realidad. Iyon ang gusto ng tao, dahil sa totoong buhay ang gusto ng tao ay may happy ending, at walang may gusto ng tragic ending. Pandadaya man ito o hindi, ang mahalaga`y panandaliang makalimot ang tao sa kahirapan.

Palaging bida ang babae na api, katulong o anak ng dukha. Makikilala niya ang isang lalaking adonis, mayaman at bohemyo, pero iibigin siya ng lalaki maging sino man siya. Pag-asa at pagkakataon ang ibinibigay ng ganitong tema sa kamalayan ng mambabasa. Malinaw na nakaangkla ang pormulang ito sa Cinderella plot. Inaapi ang bidang babae, may kontrabida na magpapahirap ng buhay niya at sa bandang huli ay darating ang kanyang prince charming na magsasalba sa kanya mula sa kaapihan. Ang bidang babae kadalasan ay nagiging idolo ng kanyang mambabasa. Kagaya ni Sharon Cuneta na iniidolo ng kanyang mga fans bilang babaeng mahirap na yumayaman dahil sa taglay na katangian ng magandang tinig o galing sa pag-awit, o kaya’y babaeng basurera na masikap sa buhay, o mabait na anak, o babaeng lumalaban sa asawa. Dahil sa mga ganitong role na ginampanan ni Sharon Cuneta kaya siya minahal ng kanyang mga fans at kung bakit siya patuloy na tinatangkilik sa kasalukuyan. Naka-pattern din siya sa Cinderella plot. Dahil pamilyar na sa mga mambabasa ang ganitong pormula, madaling nalangoy ng romansang nobela ang tagumpay nang ginamit din ang ganitong pormula.

Ngunit sa paglipas ng ilang panahon, nagkakaroon na rin ng mga pagbabago ang romansang nobela. Mula sa ganitong tradisyunal na konsepto ay unti-unti na ring nagkakaron ng mga inobasyon. Ang babae ay hindi na lamang basta api. Nagbago na rin ang trend sa mga kababaihan. Mas naging liberated na ang pananaw ng ilang manunulat tungkol sa gender issue kaya’t nagiging repleksiyon ang kanilang mga tauhang babae ng mga makabagong pananaw na ito.

Ayon sa nobelistang si Maia Jose, paniniwala niya`y isang legal na labasan ng “libog” ng mga kababaihan ang romansang nobela. Kung sa lalaki `y legal na ang magbasa ng playboy magazine, dito sa ating bansa ay ito naman ang legal na basahin ng mga babae. Sa pamamagitan ng ganitong uri ng babasahin ay napapalaya ang mga inhibisyon ng babae sa sex. Naipapakita sa lipunan na ang babae `y may pangangailangang seksuwal. Hindi na ang babae ay basta na lamang naghihintay na sipingan sa kama ng lalaki kundi ang babae ay nagyaya na rin at sumisiping na rin sa isang lalaki ng kusa. Sa pamamagitan ng ganitong pagpapalaya, hindi na isang imahe lamang ng kaapihan ng patiarchal society ang role ng mga babae. Hindi na siya basta ina, asawa, madre, puta, bruha. Isa na siyang tao na may mahalagang papel sa lipunan. Sa pamamagitan ng romansang nobela ay nagkaroon na ang babae ng pisikal na anyo. May “libog” na kailangang tugunan, may pangangailangang seksuwal, may kayang gawin upang humubog ng isang lipunan. Ang ganitong pagbabagong anyo mula sa tradisyunal na karakter ng isang tauhang babae ay masasabing mapangahas. Matibay at matatag ang mga kumbensiyong binabasag ng mga gumagawa nito kaya’t pagkaminsan ay nahahatulan ang isang romansang nobela bilang isang “porno magazine”. Tinutuligsa na rin ito ng mga kritiko at moralista bilang isang basurang babasahin. Hindi nasusuring mabuti ang mahalagang kontribusyon nito sa lipunan bilang daluyan ng progresibong kamalayan ng mga kababaihan.


Totoong ang romansang nobela ay naging daluyan ng progresibong kamalayan ng isang babae. Ang nagbabasa nito ay inang maybahay, empleyada, guro, estudyante, tindera, katulong, at iba pang magkakategorya sa mga pangkaraniwang babae ng lipunan. Dahil na rin sa pagtatangka ng ilang manunulat na palayain ang mga babae sa mula sa kulungan ng patriyarkal na sistema, ang mga mambabasa’y nagiging conscious na rin sa isyu ng “kaapihan ng mga babae” sa lakas at kapangyarihan ng lalaki sa lipunang patriyarkal.

Noon, ang mga karakter o tauhan na ginagamit sa mga babae ay babaeng mahina o martir, babaeng puta, babaeng asawa o ina, babaeng bruha, babaeng kabit, babaeng api. Ngayon ay nagre-react na ang mga manunulat dito. Tumutugon sila sa kanilang mga nababasa. Lumilikha na sila ng mga karakter o tauhan na ultra independent, o bidang liberated. Nagagalit na ang mambabasa sa ginagawang panggigipit ng mga karakter o tauhang lalaki sa babae. Nagwawala sila sa panghahalay na ginagawa sa imahe ng babae. Nagrerebelde sila sa ginagawang pang-aapi sa bidang babae. At sa huli `y lumalaya sila sa tuwing nagtatagumpay ang bidang babae. Idolo nila ito. Dahil isinasantinig ng bidang babae ang kanilang kalooban. Nakakamit nila ang tagumpay kung nagtagumpay ang kanilang idolo.

Sa romansang nobela, bagama`t hindi malay ang ilang manunulat nito sa isyung pangkababaihan, ang iba’y mayroon na ring tendensiya na kumawala sa kahon ng tradisyunal na konsepto. May isinusulong na rin ang ilan na mga progresibong ideya na nagtatangkang basagin ang kumbensiyunal na karakter ng mga babae. Kahit sa mga simpleng salita o dialogue ay mapapansin ang mga ito. Halimbawa, kung dati rati’y sasabihin ng isang babae sa isang lalaki ang : “Mahal kita, ikaw ang buhay ko. Ngayon ay sinasabi na ng babae sa isang lalaki ang : “Mahal kita, pero may sarili akong buhay.” Sa simpleng pagbabago ng salita ay nagkaroon ng isang malaking pagbabago sa kalagayan ng isang babae. Mula sa isang babaeng dependent sa isang lalaki, naging dependent na siya sa kanyang sarili.


ANG ILANG MANUNULAT NG VALENTINE ROMANCES

Sa romansang nobela ay tahasang tinalakay na rin ng ilang manunulat kung paano ang lalaki ang kabit at hindi ang babae. Pagtalakay ng mga kuwento ng lalaking nasa bahay habang ang babae ang nasa opisina. May kuwento ng isang babaeng siya ang nanligaw sa kanyang nobyo. May kuwento ang isang babaeng nakipag-one night stand siya sa isang lalaki at pagkatapos ay nagpakasal siya sa ibang lalaki kinabukasan. May kuwentong walang takot na humiwalay ang isang babae sa kanyang asawang babaero at hindi na siya bumalik pa kahit sampu ang anak niya. Mga kuwento ng babaeng hindi nakadepende sa lakas ng isang lalaki. Higit pa dito ang lawak na maaaring languyan ng isang babae. Higit pa dito ang kapal ng teksto na maari nilang isipin at gawin. Sa loob ng romansang nobela, malayang nalalaro ng mga babaeng manunulat ang mga bagay na nais nilang gawin sa kanilang sarili na hindi nila nagagawa sa tunay na buhay.

Ang ganitong proseso ang nagpapakawala ng takot sa mga mambabasang babae o sa mismong manunulat na babae upang isang araw ay harapin nila ang hamon ng lipunan at sagutin ang tanong na “babae, ano nga ba ang kaya mo pang gawin?”

May mga nagsasabi na ang lalaki pa rin naman daw ang mas malakas sa babae sa loob ng romansang nobela dahil lagi pa rin daw nakadepende ang kuwento ng isang happy ending sa lalaki. Babalikan ng lalaki ang babae at magiging masaya na sila. Makikita ng babae ang balahibo ng lalaki sa dibdib at lilibugan na siya. Machismo pa rin ang umiiral na kamalayan sa mga babae. Simple lang ang tugon dito. Dahil ang romansang nobela ay hindi isang kilusan na pangkakababaihan na may isinusulong na pansariling interes. Ang mga akdang mababasa sa romansang nobela ay pagpapakilala lamang kung ano at sino ang babae ng lipunan ngayon at kung ano pa ang mga potensiyal niya at kayang gawin sa susunod pang panahon.

***

Monday, June 16, 2008

PET NAME

OBOL

Ang pamilya namin ay napakahilig mag-alaga ng hayop. Pusa, aso, manok, baboy, kambing, bibe, pagong, ibon, kalapati, Japanese chicken, isda at marami pang iba. May pusa nga kaming umabot ang edad sa fifteen years (15), at ang aso namin na si Snowball a.k.a. Obol ay halos magsasampung taon na ngayon. Ang hayop na mga inalagaan namin ay hindi nakaligtas sa pagbibigay namin ng petname o tagunya. Petname talaga, dahil pet namin sila. Hehe.

Eto ang ilang memories ko tungkol sa kanila at tungkol sa mga pangalan nila at sa mga unique na katangian ng mga pet naming ito.

KYUTAY AND KOPIT
Bata pa ako ay may kuting na kami na ang pangalan ay Kyutay at Kopit. Magkapatid ang dalawang ito. Si Nanay ang nagpaanak sa nanay nilang pusa. Noong lumipat kami sa Yakal Tondo noong pitong taong gulang pa lang ako, naiwan sila sa BNCAT Siniloan Laguna. After one year, binalikan namin sila. Si Kopit, nabalitaan namin na namatay ito kaya't si Kyutay na lang ang nadala namin ng Manila. Noong kinse anyos na ako, nakakuha ng bahay through PAG-IBIG si nanay sa Greenheights, Marikina. Kabilang ang pamilya namin sa kauna-unahang pamilya na tumira sa lugar na iyon na naroon pa rin magpahanggang ngayon. Dinala namin si Kyutay sa Marikina, kasama siya sa lipat-bahay na trak. Naging lola ang pusang si Kyutay. Nag-ulyanin. To the point na manguha ng kung sino sinong kuting para kanyang pasusuhin. Noong huling araw na nakita namin siya, naglalambing siya kay Nanay. Hindi na siya umuwi mula noon. Sabi ni Nanay, ganoon daw talaga ang hayop pag malapit nang mamatay dahil sa katandaan. Hindi na raw umuuwi ng bahay. Sayang at hindi namin siya nabigyan ng marangal na libing. Hehe.

BIBI
Anak ni Kyutay si Bibi. Kabaligtaran ito ng nanay niyang si Kyutay na napakabait na pusa. Dahil si Bibi, matapang at masama ang ugali. Hehe. Marahil ay nagmana sa barakong ama na palaboy na madalas dalawin si Kyutay sa likod-bahay namin sa Yakal. Pero hindi rin nagtagal ang buhay nito, dahil nawala ito at noong hinanap namin, natagpuan namin na nakabigti ito sa punong aratilis. Pinaglaruan daw ng mga adik sa lugar na iyon. Hindi iyon ang dahilan kaya kami umalis ng Yakal. Pero isa iyon sa nagpapaalala sa akin kung gaano karahas ang lugar na iyon noong mga panahong nakatira kami doon.

AMPUNANG
Si Ampunang ay ipinanganak ng kung sinong pusang ina sa likod bahay namin sa Marikina. Inampon ito ni Rona at isinunod sa kanyang pangalan na Banunang kaya’t naging Ampunang. Ampon ito ni Rona. Hanggang sa naging pusa ni Ate Nini si Garfield a.k.a Gagi, malaki at imported na pusa ito, halos doble ang laki kay Ampunang, nag-away ang dalawang pusang ito. Pinagulong-gulong ni Gagi si Ampunang. Mula noon ay naglayas na si Ampunang. Maminsang umuwi ng bahay, pero sa tuwing nakikita ang kanyang pusang kaaway, binibirahan na naman nito ng layas.

SABINA OR SABINONG
Isang kuting ang pumasok sa kusina ng bahay namin sa Marikina, at ayaw ng lumabas maski anong gawing taboy. As usual, naispatan na naman ito ni Rona at muli, inampon na naman niya ito. Pinangalanan niya ito ng Sabina dahil kasikatan noong ng teleserye ni Angel Locsin na Mahika kung saan ang pangalan niya dito ay Sabina. Kalaunan ay tinawag namin itong Sabining. Hanggang sa isang araw, natuklasan ni Rona na lalaki pala ito dahil lumaki ang balls. Agad pinalitan ni Rona ng pangalan at ginawang Sabinong, ngayon ang tawag na sa kanya ay si Nong o Nong-Nong. Lumaki si Nong na ang amo ay si Rona. Sa sobrang pagmamahal nito kay Rona, tuwing umaga ay gumigising si Rona na may katabing patay na daga. Lahat nang nahuhuli at napapatay ni Nong na daga ay ipiniprisinta muna nito kay Rona. Hehe.


SASSY
Bago pa sumikat ang Korean movie na Sassy Girl, nagkaroon kami ng Persian cat na ang pangalan ay Sassy. Maganda ito, malaking pusa, maraming balahibo. Plano sana namin itong ihanap ng asawa para magkaroon kami ng maraming kutingis na cute. Kaso isang araw, nagpunta ito ng bubong ng bahay sa Marikina. Inaakyat namin ito para hulihin. Hanggang sa nakasanayan na nitong gawing teritoryo ang bubong. Isang araw, nawala si Sassy. Nabalitaan namin na kinuha ito ng binatilyong si Badong at ibinenta sa isang Japayuki raw (eto ang term ng kapit-bahay na nagreport sa amin). Taga-Greenland daw ang nakabili. Hindi pumayag si Papot na basta na lang ninakaw si Sassy. Hinanap namin ang bahay ng nakabili. Nakita namin na alaga ng isang batang babae si Sassy. Nakatali na ito at iba na ang pangalan. Sabi ko kay Papot, pabayaan na lang. Dahil kung totoong ang nanay noong bata ay Japayuki at madalas na nasa Japan, baka mas kailangan ng batang babae ang pusa naming si Sassy kaysa kailangan namin ito. Pumayag si Papot sa sinabi ko na huwag nang bawiin si Sassy. Hinarap na lang ni Papot si Badong na balita ko’y kinotongan na lang niya, hehe. Dagdag na anecdote: Hindi na ako nagtaka na si Badong ang nagnakaw ng pusa namin para ibenta. Natatandaan ko na madalas niyang nakawan ng baon na tinapay si Nunang noon habang nasa school service sila. Sinita ko nga ito eh, sabi ko, oy Badong, ba’t mo inaagawan ng tinapay si Rona? Natakot ito sa akin. Sa isip-isip ko, pati ba naman baon ng pamangkin ko eh aagawin pa? Isang araw, nakita ko ang baon ni Nunang. Napahagalpak ako ng tawa. Kaya naman pala inaagawan si Nunang ng tinapay, dahil isang supot ng tasty bread ang pabaon sa kanya ng tatay niya. Akala mo, meryenda ng isang baranggay ang baon ng batang ito. Mula noon, hinayaan ko na si Badong na humingi ng tinapay kay Nunang. Hehe.

GARFIELD aka GAGI (Ang pinakakawawang pusa sa balat ng lupa)
Imported ang pusang ito, kulay gray pero kamukha ng character na pusang si Garfield. Marahil kaya ito rin ang ipinangalan dito. Maganda ang pusang ito. Malaki. Lalaki. Pero sabi ni Nanay, si Gagi raw ang pinakakawawang pusa sa balat ng lupa. Dahil nakatali na ay nakakulong pa. Hahahaha. Nagkatrauma si Ate Nini mula nang manakaw si Sassy. Para siguradong hindi na mananakaw. Ibinili niya ng kulungan, at itinali pa niya. Wahahaha. Nakakawala lang ito pag kakain kasalo ang malalaking aso naming sina Peipei, Pawpaw, Owi at Obol. Kaya akala ni Gagi, aso siya at hindi pusa. Kaya noong nakita niya si Ampunang, binugbog niya ito. Hindi niya alam na ang sounds na lumalabas sa bibig niya ay ngiyaw at hindi tahol. Pero noong si Nong ay inampon na ni Rona, hindi naman niya ito sinaktan. Marahil ay narealize niyang pusa pala siya at hindi aso.

Gagi ang tawag dito ni nanay, dahil napakagagong pusa raw nito. Hehe.

PRETTY CAT
Kung uso sa Marikina ang pusang basta na lamang nangungusina, nauso din ito sa bahay ko sa San Mateo. Unang pusang nagpunta sa likod bahay ko ay si Pretty cat. Tinawag ko itong Pretty cat dahil maganda ang mukha at mata. Ewan kung anong toyo ang naisipan ko at itinali ko. Iniisip ko kasing kailangan ko muna itong sanayin para hindi na umalis. Isang buong gabi kong narinig na ngumingiyaw si Pretty cat. Kinabukasan pagbukas ko ng pinto sa labas ng bahay, tali na lang ang nakita ko. Nakakawala na si Pretty cat. Natawa ako. Ito pala ang teknik kung gusto mong layasan ka ng pusang gala na nagpapaampon sa iyo. Itali at pilit itong kakawala. Hindi na bumalik si Pretty cat mula noon. Marahil ay natandaan niyang hindi siya dapat maligaw sa likod-bahay ko dahil may naghihintay na tali sa kanya.

PIPI the TRI-COLOR CAT
Unang taon ko sa San Mateo at gustong gusto kong mag-alaga ng pusa. Isang gabi, nadaanan ko sa kalsada ang isang kuting na palaboy, tri-color ito. Kasama ko noon si Rona at Les. Nilagpasan ito ng sasakyan namin pero makulit si Rona na balikan ito. Binaba niya ito at kinuha. Na-amaze kami sa kuting na ito dahil hindi ngumingiyaw. Tuwing bubuka ang bibig ay walang sounds. Sabi ko iba ito, pusang pipi. Hahahaha. Ayan at may pusa na kami sa San Mateo sabi ko sa sarili ko. Pipi nga lang. Okey ito. Iba. Bago. Inuwi namin ng bahay. Hindi ko inilagay sa likod-bahay. Sabi ko, sa loob ito para hindi na umalis gaya ni Pretty cat na tinakasan ako. Kinaumagahan, panay dumi ng piping kutingis na ito ang kusina ko. No choice ako kundi ang linisin. Bahagi ng kagustuhan kong mag-alaga ng pusa ang i-train ito at linisin ko ang duming ikakalat. Ilang araw namin siyang inalagaan. Okey naman noong una. Okey lang sa akin na magdumi siya. Zonrox at soap powder lang naman ang katapat niyan. Saka may kakain na ng tira kong pagkain na dati-rati ay diretso na sa kaning baboy. Isang araw, inabot ako ng umaga sa pagsusulat dahil sa deadline. Gutom na gutom ako at noon ko lang naisipang kumain. May natirang isang pirasong isda sa ref. Sa gutom ko ay hindi ko na naisipang initin. Pati kaning lamig ay handa na akong lantakan. Ang siste, nilundag ang pagkain ko at nilantakan ni Pipi. Nagdilim ang paningin ko. Nadampot ko at naibato sa bintana. Swak na swak naman ito sa bintana. At dahil pipi nga ay hindi ko narinig na ngumiyaw man lang o nagreact sa nagawa ko. Ilang oras ang lumipas at noong nahimasmasan na ako ay binuksan ko ang pinto ng likod-bahay, wala na si Pipi. Nilayasan din ako.

CHIPIPAY O PIPAY
Ipinangako ko sa sarili ko na ayaw ko ng pumulot o umampon ng kuting. Hindi ko na hahayaan si Rona sa mga padiser niya sa pag-aalaga ng pusa dito sa San Mateo. Hanggang sa napansin ko na madalas na nasa likod bahay si Rona. At sa tuwing pumapasok ay pangiti-ngiti lang. Noong una, deadma sa akin ang mga reaksiyong pinakakawalan nito. Tapos siya ang nagmimismis ng kinainan namin. Siya ang naghuhugas ng pinggan. Aba, bumabait ata si Rona sa loob-loob ko. Sumisipag. Hanggang sa nahuli ko siya, hala, may bago siyang alagang pusa! Ilang araw na pala iyon. At may pangalan na. Si Chipipay a.k.a. Pipay. Chipipay dahil cheap na cheap ang hitsura ng kuting na ito. Mukhang ipinanganak sa basurahan. Kay Rona kasi, pangit o magandang pusa, isa lang ito sa kanya, pusa pa rin ito. Nagtatalak ako. Tawa lang ng tawa si Rona dahil nabuking ko siya na may ampon na naman siyang kuting. Ang sabi ko, “Itatapon ko ang kuting.” Nagsisisigaw naman si Rona, “Tita Glady!!!! Huwag!!!!” Pati sina Pupu at Maimai ay kasama ng nakikiusap sa akin. “Sige, sa isang kundisyon, hindi papasok yan dito sa loob ng bahay. Baka mamya eh lantakan na naman ang pagkain ko.” Tuwang tuwa ang mga luko-luko kong pamangkin. Nagkikindatan sila. Ewan kung bakit.

KIT-KAT
At nalaman ko kung bakit sila nagkikindatan. Dahil isang umaga, nagtatakbo si Rona pauwi ng bahay, nagsisigaw, nagtititili sa kalye, “Tita Glady, Tita Glady!!!” hawak ang isang kuting na inabduct mula sa ipinapagawang bahay ng ate Nini ko. Habol-habol si Rona ng nanay ng kuting para kunin ang ninakaw na anak. “Rona, ano na naman yan? “ sigaw ko. Sabi niya, “Kuting! Sabi mo naman basta hindi papasok sa loob ng bahay mo. Basta sa labas lang.” Tiklop ako. Sa akin nga naman nanggaling ang rules na ito at wala silang binabaling rules ko. No choice ako kundi ang pumayag. Noong araw ding iyon ay pupukpok-pukpok si Rona sa likod-bahay, ginawan ng bahay ang kuting na inabduct niya, pinangalan niya itong Kit-kat. Bale dalawa na ang kuting sa likod-bahay ko, sina Pipay at Kit-kat. Doon sila kapwa lumaki at nagkaisip, sa piling ng kanilang ina-inahan na si Rona. Hehe. Ngunit, subalit, datapwa’t, natuklasan ko na binuhay ni Rona ang mga kuting na ito hindi lang sa pamamagitan ng mga mismis na pagkain kundi sa gatas na bear brand. Bente pesos ang isang pack noon. Tuwing umaga ay may bente pesos akong inilalagay sa ibabaw ng ref, o kaya’y mga barya, pambili ng kung anu-anu sa kusina, asin, bawang, etc. Kinukuha iyon ni Rona pambili ng gatas ng anak-anakan niya. Marami akong piso piso na nagkalat sa paligid, kinukuha iyon ni Rona ng lihim. Siya rin ang naglalaba ng damit ko, at paborito niya ang pantalon at polo. Dahil marami siyang nakukuhang barya at minsan ay bente pa, may swerte pa yan dahil may singkuwenta pesos pa kung minsan. Finders keepers ang laban niyan sa akin. Pambili ng gatas ng kanyang mga kutingis. Nagagalit ako syempre. Kalaunan, hindi na basta niya kinukuha, inihihingi na niya sa akin ng tahasan ang pambili ng gatas ng mga kutingis na ito.


TIGER, KITTY, PRETTY
Nagpunta na ng Canada si Rona. Naturalmente na maiwan sa akin ang kanyang mga alaga sa likod-bahay. Ako na ang nagpalaki ika nga. Si Pipay ay naglayas na dahil hindi sila nagkasundo ni Kit-kat. Nagpunta ito sa harapan ng bahay ni Ate Nini at may nagpapakain na ditong iba. Minsan ay dinadalhan ko rin ito ng pagkain. Kilala kami ni Pipay dahil malaki na naman siya noong nagstow away siya, hehe. Alam din niya na ang pangalan niya ay Pipay dahil lumilingon at lumalapit siya para maglambing sa tuwing tinatawag ko ito.

Si Kitkat ay hindi umalis sa likod-bahay. Naging teritoryo na niya ito. Pero teenager pa lang ito ay nabuntis na. Pinuwersa daw ito ng isang PUSAkal sa creek. Ayaw daw ni Kit-Kat, kuwento nina Pupu. Sila ang nakasaksi. Binabato pa nga raw nila iyong PUSAkal na iyon. Ayun, kay agang naging dalagang ina ni Kit-kat. Ang liit-liit na pusa ay buntis na agad, at ang liliit pa ng tutu. Sabi ko nga, mabubuhay kaya ang anak nito?

Isang tanghaling malakas ang ulan, panay ang hilihid sa akin ni Kit-kat, naiinis pa nga ako kaya itinutulak-tulak ko siya. Malay ko bang naglelabor na ito dahil basa na ang balahibo nito sa bandang pwetan. Kumaang siya sa harapan ko at bigla na lang lumawit ang isang kuting. Nabigla ako. Napasigaw. “Nanganganak na! Nanay, nanganganak na!” Napasugod ang nanay ko at nagtawa. Ayun, ako ang nakasaksi ng panganganak ni Kit-kat. Hindi ko alam ang gagawin ko. Kwento ni Nanay, siya ang humugot kay Kyutay. Hindi ko naman magawa dahil natatakot ako. Kumuha na lang agad ako ng sako. Inilagay ko ang dalawang kuting na halos magkasunod ipinanganak. Akala ko’y tapos na, konti pa ay may nakita na naman ako, “ay may isa pa!”

Ang liliit ng kutingis. Akala mo ay hindi mabubuhay. Pero kahit pala batang ina si Kit-kat, napakabuti niyang ina, wala siyang ginawa kundi ang alagaan at pasusuhin ang anak niya. Kaya naman hindi ko ginutom si Kit-kat minsan man. Lagi siyang may share na isda sa akin. Pinangalanan kong Tiger ang panganay, Kitty ang sumunod at Pretty ang bunso. Si Tiger ang pinakawitty at pinakamatalino sa kanilang tatlo. Pagkaliit-liit nito ay pinanindigan nito ng balahibo si Pochie, astang lalaban ang lokong kuting na ito sa isang maingay na aso. Si Kitty ay junior na junior ni Kit-kat kung hitsura ang pag-uusapan, si Pretty, siya ang pinakamaganda sa tatlo, siya ang bunso, kaso mo ang tanga tanga namang kuting, hehe. Buti na lang at maganda siya. Maski pala sa pusa, uso ang magandang tanga. Ngayon, malalaki na sila at kumakain na ng kanin. Pagkukulit nila sa may kubo, at tuwing nasa likod bahay ako, lagi silang nasa paanan ko. May apo na si Rona. At ako, ang mga kuting na ito ay apo ko sa tuhod. Hahahaha!

Nabili na ni Rona ang katabing bahay ko at may malaking bakuran din siya sa likod. Plano kong ilipat si Kit-kat at ang pamilya nito sa likod-bahay ni Rona. Hehe.

ORANGE CAT
Hay, ewan kung bakit ang likod-bahay ko ay naging pusaan o ampunan ng mga pusa. May isang pusa na ako at tatlong kuting (dahil nagstow away na nga si Pipay), mayroon na namang gustong magpaampon. Isang kuting na kulay orange. Malaki ang mata, bilog na bilog at laging nakikikain sa mga pakainan ng mga kutingis ko. Madalas ko siyang bugawin. Ayoko siyang masanay. Kaso tuwing umaga, nakikita kong kayakap na siya ng tatlong kuting sa pagtulog. Ayun, pinalalayas ko talaga. Pinagagalitan ako ni nanay. Hayaan ko lang daw. Sabi ko, paano kung babae, eh di manganganak na naman yan? Mano daw, sabi ni nanay. Gusto kong pagbigyan ang kuting na ito na makipamilya na kina Kit-kat, kaso naman, naiisip ko, baka may sumunod na naman. Nagpunta kami sa Calauag Quezon, Linggo kami umuwi. Lunes ng umaga, natagpuan siyang patay sa higaan ng mga kutingis. Ewan kung bakit. Sabi ni Ate Bingbing, nakikipaglaro pa raw yun dun sa tatlong kuting noong Linggo ng umaga. Hindi ko alam kung bakit namatay. Wala kaming ideya. Alangan namang ipa-autopsy ko pa siya, hehe. Sabi na lang ni Pupu, naubos na ang nine lives niya. Hahahaha!

TITINA
Tapos na akong magkuwento sa pusa kaya baboy naman. Maliit pa ako nang mag-alaga kami ng baboy na ang pangalan ay Valentina, ang palayaw ay Titina. Ang naalala ko, noong ibinenta ito ni nanay, umiiyak si Titina, at kaming anim na magkakapatid ay nag-iiyakan din at nagpapalahawan ng TITINAAAAAAA!!!!!

MIMI
Pati naman kambing ay ginawa naming pet. Nakatali ito sa loob ng bahay namin. At ang kambing na ito ay kumakawag ang buntot sa tuwing dumarating kami. Akala ata niya’y aso siya. Umiiyak ito kapag nag-aakyatan na kami ng bahay at naiiwan na itong mag-isa. Naghahahalakhakan kami sa itaas ng bahay. Akalain mo naman kasing ang isang kambing ay maging kapamilya namin. Ibinenta ito ni nanay. Marahil noong kinakatay ito, tinatawag nito isa-isa ang pangalan namin pero iisa lang ang sounds na lumalabas sa bibig, miiihhhhh-miiihhhhh.

TIA
Si Nanay ang mahilig mag-alaga ng manok. Si Tia daw ay isang manok na SASU na umaabot ng pitong kilo ang timbang. Hindi raw ito lumilipad dahil maliit ang pakpak at sa sobrang bigat. Nauupo na lang daw ito at wala itong kahirap-hirap hulihin. Lagi itong nasa paanan ni nanay. Isang araw, umuwi si nanay na hinahanap si Tia. Inihain daw ito ni tatay sa kanya at sinabing, “ayan si Tia.” Muntik na raw mahambalos ni Nanay ng palo-palo si Tatay. Hehe.

SALO-SALO TOGETHER

Sina Tiger, Pretty at Kitty, kasalo sa pagkain sina Krukya at Krukyo (SISIW NA SASU). Hehe.

To be continued pa ito...

Saturday, June 14, 2008

TAMBUTSO



Sabi ng mekaniko na gumawa ng kotse ko, wala raw bang dagdag o tip ang bayad ko sa kanya? Sagot ko, manong pwede ko ho bang i-test drive muna bago kayo humingi ng dagdag? Nagpapaalala lang daw siya. Natawa ako na nainis. First time niya akong maging costumer. First time ko rin sa kanya magpagawa. Dahil lumipat nga ako ng bahay dito sa San Mateo, naghanap ako ng mekaniko o pagawaan na malapit lang sa bahay ko. Para hindi ako masyadong mahihirapan. Puwede muna ako sumaglit ng bahay kung gusto ko. Puwede akong magpahinga. Puwede rin akong magpabalik-balik. Less inip at pagod.

Nagtest drive na ako, wala pang ilang metro na tumatakbo ang kotse ko ay umusok nang pagkakapal-kapal ang tambutso. Noon ko lang na-experience sa tanang buhay ko, ang ganoong pagkakapal-kapal na usok. Kulang na lang talaga ay posporo at tila sasabog na pati ako. Biniro ko pa si manong, pwede pala itong kotse ko sa fumigation eh. Natawa pa siya sa joke ko. Sabay kamot ng ulo at hindi alam kung paano ang gagawin para i-trouble shoot ang kotse ko.

Nagduda ako kung nagpagawa ako o kung nagpasira. Ang ginawa ay change oil, tuneup, at nagpalit lang ng ilang parts tulad ng water pump, bossing, valve at sparkplug. Hindi naman ibinaba ang makina ng kotse ko at hindi ito nangangailangan ng break-in. Sabi pa eh, over heat daw agad. Ang lakas ng tawa ko, manong, me overheat bang nahahawakan ko ang makina at ni hindi kumukulo ang tubig sa radiator. Sabi niya, oo nga ‘no? Sabay tawa.

Iniwan ko ang kotse para gawin niya ulit. How frustrating. Result oriented kasi akong tao. Hindi baleng gumastos, basta nagawa ang kailangang magawa. Mahaba naman ang pisi ko kung pasensiya ang pag-uusapan. Minsan lang talaga, may mga pagkakataong napipikon ako kapag ang taong kaharap ko ay masyadong after sa pera.


***

Monday, June 9, 2008

LONG AND WINDING ROAD



Once in a while, nagpupunta kami kung saang saang lugar na kasama namin ang pinsan ko at ang family niya. Sa Baguio, sa Baler, sa Laguna, and this time sa farm naman nila sa Calauag Quezon at Pakil Laguna.

Na-challenge ang hiking skill namin nina Nanay, hehe.

Pero ano ba ang maganda sa nangyari bukod sa pamamasyal, paghahahiking, pagpapagod, pagtulog sa hotel, pagkain ng marami sa isang restaurant sa tabing dagat, pagbibiyahe mula farm sa Calauag Quezon patungo sa Casa Real Farm sa Pakil Laguna. Maraming nangyari. Maraming marami pa.

Well, it's a family bonding para sa aming lahat. Sa amin ni Nanay, kina Apa at sa Mommy niya, kina Kuya Cesar at Ate Lea, etc, etc. Minsan kasi kailangan pang lumayo at magsama-sama para buksan ang mga saradong usaping pampamilya. Masarap mag-unwind at mag-reflect kasama ang pamilya. Masarap pag-usapan ang mga isyung kayo kayo ang sangkot. Alam ang mga detalye at pangyayari, kilala ang kalooban ng bawat isa, batid ang kayang sabihin, at higit sa lahat, pinakikinggan ang mga opinyon at saloobin.

Marami kaming topic na napag-usapan. Ika nga, anything under the sun. Mula kay Juan Tamad at kung paano at bakit ito puwedeng gawing idolo ng mga Filipino, hanggang sa mga Babaylan na sa hinuha ko ay reincarnation sa katauhan ng nanay ko na tila ang papel sa buhay ay maging spiritual healer ng mga naghihingalong puso, hanggang sa pagiging writer ko na hinamon nilang gawan ng tatlong POV ang kuwento ng tatlong tauhang may iisang kuwento pero bida sa kani-kanilang kuwento ng buhay. Ang kuwento ng aking ina, ama, at ang other woman na sangkot dito. Medyo salbahe ata ako sa nanay ko. Biro mo namang gawin kong bida sa kuwento ko ang other woman ng tatay ko, hehe. Well, ito'y paghamon lamang marahil sa akin bilang manunulat kung paano bigyang justification na ang bawat tauhan ay bida sa kanya kanyang kuwento ng buhay.

Pinalagyan nila sa akin ng ending ang kuwento ng tatlong ito, sa paraang ano ang kanilang nararamdaman pag sila ay sumakabilang buhay. Si nanay, kako, nakangiti dahil payapa at nakapagpatawad. Si tatay ay nakangiti subalit may pagsisisi, nakangiti dahil siya'y napatawad ni nanay, may pagsisisi dahil sa siya'y tao na marunong magsisi, ang other woman ay nakatawa o bakas ang paghalakhak sa mukha. Tawanan sila. Bakit daw ang ginawa kong pinakamaligaya ay iyong other woman ng tatay ko? Sa simpleng sagot na dahil sa kanilang tatlo, sa aking hinuha, siya ang hindi pinakanaging maligaya. Bakit ko pa siya bibigyan ng sad ending?

Maraming marami pa kaming napag-usapan. Sinisi pa nila ako sa pagiging excited ko noong dumaan kami sa tatlong M (EME) na sinasabi nila, malabitukang manok na kalsada. Kung saan marami ang nag-aabang na humihingi ng barya kapalit nag paggaguide nila sa mga commuters upang maiwasan ang aksidente. Alimpungatan pa ako nang utusan akong maghagis ng barya. Binigyan ako ni Ate Lea ng barya na may halaga atang isang daang piso at hindi sinasadyang inihagis ko lahat. Aba, malay ko namang isa isa lang dapat. Dahil mahabang mahabang pila pala iyon ng mga guide. Ibig sabihin ay marami-raming dapat bigyan ng pera. Naghahalakhakan sila sa katangahan ko. Nagkuhanan muli sila ng barya at ako na naman ang napag-utusan. Habang ginagawa ko ang paghahagis ng barya ay nakaramdam ako ng guilt feelings, dapat ko ba iyong gawin? Dapat ko ba talagang bigyan ang mga taong iyon ng barya habang nasa panganib ang buhay kapalit ang pagliligtas ng buhay ng mga naglalakbay sa lugar na iyon? Ewan ko. Na-trap ako ng sitwasyon. Ayaw ko dahil nalalagay ako sa estadong nagiging dahilan pa ako para manatili sila doon. Pero gusto ko dahil kaya nga sila nandoon ay dahil kailangan nilang kumita. Maski barya barya. Nalilito ako. Pero ganoon naman talaga ang buhay, nakakalito kung minsan. Akala'y tama ang ginagawa, pero mali pala. Akala'y mali, pero iyon pala ang tama. Salamat na lang at nakalampas na kami sa lugar na iyon.

Marami pang nangyari, maraming napag-usapan. Maraming isyung nabuksan ay natuldukan. Maraming pakiramdam na nailabas. Sa unang pagkakataon ay nagsalita ako tungkol sa aking ama. Kailangan kong sagutin kung ano ang nararamdaman ko sa kanya sa kabila ng ginawa niya sa aming pamilya. Mahal ko ang tatay ko, iyon ang una kong sinabi. Sabi naman ni Kuya Cesar ay mabait si tatay. Patas na tao. Hindi mapang-abuso. Mahinahong lalaki. Guwapo. Sinang-ayunan ko ang sinabi ng aking pinsan. Sinabi ko ring masilbing ama at asawa si tatay. Magaling magbasketball, magaling na coach, guro, atbp. Sa kanya ako nagmana sa pagiging mahilig magluto, sa kanya ako nagmana sa pagkanta, sa kanya ako nagmana sa maraming ugali at gesture. Pero sa kabila ng lahat, sa kabila ng sinabi kong katangian niya, mahina siyang lalaki pagdating sa tukso. Nagawa niyang saktan ang aking ina at ipagpalit sa ibang babae. Nagawa niya kaming ipagpalit sa iba niyang pamilya. Cancer survivor siya at matapos siyang alagaan at ipagamot ng aking ina, iniwan pa rin niya kami. Ano bang klaseng hinanakit at sama ng loob ang maaari kong maramdaman? Natural, masakit na masakit. Pero sa kabila noon, walang tunay na galit at sama ng loob sa puso ko. Dahil mahal siya ng nanay ko, dahil mahal namin siyang magkakapatid. Anuman ang mangyari, anuman ang nangyari.

Sinubukan kong analisahin ang nangyari kay tatay. Kako sa kanilang lahat sa loob ng sasakyan, may dahilan ang bawat tao sa mga nangyayari sa kanyang buhay. Naniniwala ako na ang nangyari kay tatay ay may kinalaman ang kanyang nakaraan noong mga bata pa sila. Napabayaan sila, lalo na raw noong panahon ng Hapon, panahon ng giyera kung saan dala-dala sila ng nanay nila (lola Charing ko). Iginagaod silang limang magkakapatid na lalaki ng kanilang ina. Marami silang hirap na naranasan. Kulang sila sa pagmamahal. Kulang sila sa kalinga. May kakulangan daw sa pag-iisip ang kanilang ina. Utal ito kung magsalita. Nagkasakit daw kasi ito ng meningitis noong sanggol pa. Pero malakas ang karakter nito bilang babae, maganda ang mukha, anak ng mayor ng kanilang bayan, dahilan daw kaya ito nakapag-asawa. Sa kabila ng kakulangan ay nagawang igaod ni Lola Charing ang mga anak na lalaki sa gitna ng giyera, sa gitna ng pagbagsak ng mga bomba, sa gitna ng kanyang pag-iisa. Dahil iniwan siya ng kanyang asawa sa panahong ito at sumama sa ibang babae.

May kulang sa paglaki ng aking ama. May kakulangan sa kanyang puso. At naniniwala ako, ang mga kakulangan na ito ay pinunan niya sa labas ng kanyang pamilya. Sa labas namin. Dahilan upang masaktan niya kami. Nauunawaan ko na marahil ay ito ang dahilan. Pero sa palagay ko, sa paglipas ng panahon ay hindi niya naunawaan ang kanyang sarili. Hindi niya na-out grow ang lahat. Kinatandaan niya ang lahat. Iyon ang malungkot dahil hindi niya naiwasto ang anuman sa kanyang naging pagkakamali.

Maraming usapin ang napag-usapan. Usapin ng nanay ko, usapin nila, usapin ko. Pero isasara ko ang kuwento ito sa iniwang mensahe ni nanay sa aming lahat. Ang tao ay may kanya kanyang krus, kanya kanyang laki, kanya kanyang bigat, at kung ano ang iyong mabuhat ay iyon ang krus mo. Kayang kaya ni Nanay ang kanyang krus, dahil sa kabila ng lahat, nagawa niyang buhatin ito na mag-isa, nagawa niyang magpatawad at patuloy na magmahal. Ang krus na ating binubuhat ay bumabawas sa bigat ng krus na pinapasan ng Diyos para sa atin kaya't kailangan nating buhatin ang atin.

Madaling magdasal, madaling magsimba, madaling sabihin na tayo'y pumapasan ng krus na laan sa atin, pero ang pinakamahirap ay ang isabuhay ito. At alam kong ito ang ginawa ng aking ina. Hindi ako relihiyosong tao. Madalas nga akong mapagkamalan na rebelde ako sa simbahan dahil sa mga pananaw ko sa buhay, hehe. Nanay ko lang naman ata ang nambibintang, hehe. Pero sa sinabing ito ng aking ina, buong puso akong naniniwala sa kanya. Na ang tao ay may kanya kanyang krus na dala-dala, na ang pagsasabuhay ng tao sa salita ng Diyos ang tunay na pagsubok at kalbaryong kanyang pinagdaraanan. At kung hanggang saan ang kanyang mararating, ay iyon lang ang kanyang tunay na hangganan.

***



















Tuesday, May 27, 2008

FROM SCRATCH




Kapag umuulan
habang aking pinagmamasdan
ang waterfalls na lumalagaslas
sa may bubong
habang halukipkip ang sarili kasabay ng pagtatanong
bakit ba ako nag-iisa?

Susubukan ko ba itong sagutin?
O iwasan na lamang ang muling pagtatanong
na parang pag-iwas sa mga humahalibas na patak?
Susubukan ko bang maghanap ng makakasama?
O ang muling yakapin ang pagdalaw ng kalungkutan
at magpaanod sa kapanglawan?

Kapag umuulan
habang aking pinagmamasdan
ang pagluha ng langit
ay sambit-sambit kong
sana’y anurin ako
hanggang may makasumpong na pumulot.

At lagyang muli ng laman.

Saturday, May 24, 2008

what's keeping me soooooo busy?

Grabe, almost a month na pala akong hindi nakakapagpost sa blog na ito. Tila napapabayaan ko na hehe. Bukod kasi sa medyo nagpahinga ako sa pagsusulat dahil sa madalas na pag-atake ng aking pinakamamahal na vertigo (hehe, bunga lang daw ito ng pagtanda), naging abala ako halos buong summer vacation sa pag-aasikaso ng aking munting kubo pangtanggal ng stress at pagod mula sa mga deadlines at iba pang workload.





Eto ang aking backyard.



Dito kami ngayon madalas kumain ng lunch o dinner nina Pupu, para daw kaming nasa kubo somewhere in Antipolo o sa mga kainan gaya ng Dampa. Napapadalas na kasi ang pag-iihaw namin. Dito na rin kami bumibirit ng kanta sa videoke. Biro ng isang kaibigan, GRO at beer na lang daw ang kulang, haha!




Ang aking puno ng avocado, at kailan naman kaya ito mamumunga? hehe.





Siyempre, magandang tanawin ito mula sa bahay nina Maimai at Pupu. Hehe. Yabang ko.



Punta naman tayo sa bandang kusina na paborito kong tambayan para magluto at kumain. Hehe.



Ang shower room at toilet. Separate siyempre. Hehe. Para pag may naliligo, puwedeng may __, hekhek.



Dito ako mas madalas tumambay para manood ng tv o dvd, o kaya'y matulog. Kasya ako dito, promise!








Paakyat ng room at bodega na tambakan ng aking mga kuyagot. Dami ako non!



My working area.



My working area 2. Yung working area 3 ay sa kuwarto ko, bawat working area ay para laging magpaalala ng mga deadlines. Hehe. Hay, kailan naman kaya ako sisipagin uli magsulat? Wish ko lang, ngayon na.



Sa ngayon, eto ang aking parking lot na ang kasya lang ay scooter. Kaya ang kotse ko, outside de kulambo muna. Sana tumama ako sa lotto para mapa-extend ko na. Kaso hindi ako tumataya, hehe.




BAHAY MO BA 'TO? Hehe. Yap. My one and only Munting Kubo sa sapang San Mateo.

For now, back to work na ako!!! Ahuhuhu!!!

Friday, April 11, 2008

UNDYING ROMANCE


Matagal-tagal na rin ang blog ko pero hindi pa rin ako tumatalakay ng isyu tungkol sa romance novel. May isa akong kaibigan na nagtanong, kailan ko naman daw maiisipang sumulat ng tungkol dito.

Isa akong romance novelist. Mas nakilala nga akong manunulat ng romantikong nobela kaysa komiks writer. Marahil ay dahil hanggang ngayon ay nagsusulat pa rin naman ako ng romance novel. Sa maniwala kayo't sa hindi, humigit kumulang ay nasa 200 romance novel na ang naisulat ko mula ng 1990's kung saan nagsulat ako ng mini-pocketbook sa GASI, kung saan saang publication hanggang sa makarating ako ng Precious Hearts, Valentine Romances, ABS-CBN Publishing, ATLAS at Vibal Publication. Puwera pa ang maliliit na publication kung saan kapag ka minsan ay nagpe-pen name ako.

Isa sa mga naging problema ko sa pagsusulat ng romance novel ay ang estilo ko sa pagsusulat. Mahilig kasi akong magbasag ng kumbensiyon. Minsan ay gumawa ako ng kuwento tungkol sa babaeng nagkaroon ng selective memory o alzheimer's disease sa edad na 20's. Na reject ito ng tatlong malalaking publication. Ang dahilan, hindi raw totoo ito. Ikinontest ko ito na niresearch ko ito kaya totoo, hindi pa raw alam ng tao ang ganitong sakit kaya magmumukhang imbento. Matagal na naimbak ang kuwento hanggang sa nagpasya akong irevise at ipasa sa isang publication kung saan gumamit ako ng pen name. Kako, para hindi masayang ang effort kong gumawa ng bagong plot base on research. Ilang taon ang lumipas, magkasunod na ipinalabas ang The Notebook at A Moment To Remember. Parehong succesful at katanggap-tanggap ang dalawang pelikulang ito. Sabi ko sa sarili ko, nagawa ko na ang ganitong plot. But sad to say, ni-reject ito ng tatlong editors na pinagsabmitan ko.

Nagsasawa ako sa paulit-ulit na klase ng plot at characters kaya nagbabago ako. D'yan ako nasisita ng mga editors. Nagmumukha tuloy akong bobo minsan. Dahil kung hindi pinarerevise ay narereject. Pero okey lang. Sa totoo lang ay hindi ako apektado sa mga ganun kaya lang ay nadodoble ang trabaho ko. Dahil gusto kong mapublish ang trabaho ko, nakikipag-compromise ako sa editors. Lalong lalo na sa mga traditional na editors na ang iniisip, ang bebenta lang na romance novel ay may ganitong formula, 1) kilig, 2) taglish, 3) happy ending.

Story wise? Hindi na pag-uusapan iyon kung minsan. Ang importante ay bebenta o kung ano ang bumebenta. Kapag nagpunta ka sa isang publication, minsan ay hindi malinaw ang gusto nila o hindi malinaw ang mga pamantayan kung ano ang magandang romance novel sa kanila. Subjective ito. Depende kung sino ang editor o publisher. Depende kung sino ang saleable nilang manunulat at doon idedepende kung ano ang maganda sa kanila. Economic reason ito. Pero sabihin mong magse-set sila ng standard para sa readers na ito ang maganda, ito ang kailangan at dapat basahin o tangkilin, ito ang matino at makakasabay sa nagbabagong panahon, etc... etc... Hindi mangyayari ito. Inuulit ko, sa ibang publisher, economic reason ito. Kung ano ang mabenta, iyon ang magiging pamantayan. Kasi nga ay ito ang mabenta.

Kaya dagsa ang problema o mga violation sa paggamit ng wika, konteksto, characterization, politically correctness, etc... etc... dahil hindi malinaw ang ilang mga pamantayan kung saan lulutang ang aesthetic value ng isang akda.

Ang romance novel ay may formula, nakakahon ang mga characters, at inuulit kong maraming violation sa paggamit ng wikang Filipino pero tinatanggap o naging katanggap-tanggap na nagpalala ng wikang Filipino bilang taglish. Iyong taglish na may maling gamit ng wikang Filipino at English. Iyong salitang masakit na sa tenga. Okey lang kung dialogue lalo't in character ang nagsasalitang tauhan. Halimbawa'y isang tauhang trying hard na mag-ingles. Pero kadalasan, mismong narration ang may problema sa paggamit o kawastuan ng wika. Kaya't minsan tuloy, ang nagmumukhang trying hard mag-ingles dito ay hindi ang character kung hindi ang mismong manunulat na. Pati ang pagbuo ng mundo o ng konteksto, maraming manunulat na sumasablay dito. Gagawing posible ang imposible. Dito nagsisimulang maging illogical ang takbo ng kwento. Minsan naman ay may manunulat na nag-aadapt ng terminolohiya mula sa mga English pocketbook para magmukhang maganda, pero mali naman ang ginagawang adaptation. Halimbawa: governess. Sa kultura natin ay yaya ito o kaya'y mayordoma sa mayayaman. O kaya'y si manang yan o si Inday. Hindi mo tatawaging governess si Manang. Napaka-trying hard ang atakeng ito. Dahil hindi natin ginagamit ang salitang governess sa loob ng ating pamamahay o sa mismong kultura natin. Ang pag-adapt ng isang terminolohoya ay may kaakibat na gamit sa kultura. Halimbawa na ang mga salita tulad ng spaghetti, text messages, xerox machine, etc... etc... Bahagi ng pang-araw araw na komodeti ito kaya't bahagi ng kultura natin ito.

Libog. Speaking of libog, isa 'yan sa formula na meron daw dapat ang romance novel. Kailangan daw may libog ang kuwento. Kaya tuloy maraming pagkakataon na ginamit sa mga eksena ang mabalahibong dibdib ng isang lalaki na nagpapatili ng utak ng babae. Lumilikha tayo ng cliche at stereo type characters at eksena. Nagpapalala tayo ng machoismo sa lipunan at tila balahibo lang sa dibdib ay lalabas na ang kahinaan ng isang babae. Minsan naman, dahil nasosobrahan ng libog ang kuwento, taboo ang kinalalabasan ng eksena. Dulot ito ng kakulangan ng pamantayan kung saan may measurement o hangganan sa pagitan ng art at pornography. Dumako pa rin tayo sa adaptation, may isang gumamit ng linyang "It hardens her niples." Obviously ay hinango o kinuha ito sa isang linya sa English pocketbooks. Sa orihinal na konteksto ay katanggap-tanggap ito, dahil culture bound ang language. Pero kung titingnan sa local context, hindi swak sa kultura natin ang paggamit ng linyang ito. Lalo't gagamitan natin ng translation na may katumbas na "pinatigas nito ang kanyang utong." Ang love scene kung saan dine-describe na naa-arouse ang isang babae ay hindi dinadaan sa patigasan lang ng utong. It's more of romantic feelings and passion rather the act itself. The physical intimacy between partners is base on emotion rather than detailed description of sexual act.

Problematiko ang romance novel kung talagang papakasuriing mabuti. Minsan nga ay maski dumaan pa ito sa mga editors ng isang publication. What more kung hindi? Totoo. Maraming romance novel ang naipa-publish na hindi dumadaan sa kamay ng editors, lalong lalo na iyong mga ibinebenta sa bangketa. Hindi naman lahat pero karamihan. Kaya magandang i-check kung may pangalan ng editor sa isang pocketbook. Ibig sabihin, may quality control ito. May pinagdaanang mga kamay na nagtatama o pumupuna sa mga mali o sa mga dapat ayusin. Kung wala, d'yan mas lumalaki ang problema. Lalong hindi maiwasan ang maraming violation. Mula sa mga typo errors, maling spelling, wrong grammar, wrong characterization, wrong context, at wrong kind of stories.

Umpisa pa lang ito. Ilang percent pa lang ito ng tatalakayin ko sa problemang kinasasangkutan ng romance novel. May panahon pa naman. May pagkakataon pa. Puwede pa naman siguro itong gamutin o ayusin dahil marami pang publisher at mga pocketbook na lumalabas. Ibig sabihin ay may mambabasa pa. May tumatangkilik pa. Sana'y hindi natin pagsawain ang readers. Gaya ng kung paanong nagsawa ang ilan sa mga traditional komiks na naging sanhi ng pagsasara ng mga higanteng komiks publication. Nagbabago ang panahon. Kailangang kasama sa mga umuunlad at sumusulong ang bawat konsepto ng pagsusulat upang hindi dumating ang panahon ng pagkawala ng espasyo sa malakihang market ang romance novel.

Bukas ang espasyong ito sa lahat ng romance novelist na nais magbigay ng puna, komento at mga suhestiyon bilang isang constructive criticism. Subukan nating suriin ang lumalalim na problema pagkatapos ay hanapan ng solusyon. Sino ba ang mag-aangat ng kalagayan at antas ng romance novel na minahal at tinangkilik nating lahat? Marahil ay magsisimula ito sa atin. Sino ba ang higit na makikinabang?

Walang iba kundi ang tatlong ugnayang mayroon ito, publisher --- manunulat --- mambabasa.

Thursday, April 3, 2008

PAWIS NG SASAHAN

Graduating ako noon sa UP at isa sa mga subject ko ay ang STS (Science and Techonology and Society). Isa sa mga naging final project ng grupo namin ay ang gumawa ng video commentary about lambanog making. Pumunta kami sa Infanta Quezon at isa sa mga baryo doon ay may pagawaan ng lambanog. What's special about lambanog ng Infanta ay gawa ito sa sasa at hindi sa puno ng niyog. Ang puno ng sasa ay tumutubo sa mga pakat (swamp) kung saan maraming alimango, hipon at lipain (isang uri ng isdang lapu lapu). Ang sasa ang ginagawang pawid o bubong ng mga bahay kubo. Samantalang ang tawag sa bunga nito ay kibal. Ang hamog o pawis ng bungang kibal ang pinatutulo at iniipon para gawing lambanog.

Sa unang pagkakataon ng aming research, hindi ako makapaniwala sa aking nasaksihan sa pamamaraan at teknolohiya ng lambanog making. Napakatagal pala bago makapagprodyus ng isang container ng alak. Ang isang bunga ng kibal ay pinahihinog sa loob ng tatlong buwan. Pinatutulo ito sa loob naman ng isang buwan. Ang tawag nila dito'y pawis. Ang maiipong pawis (likido) ay lulutuin sa tinatawag nilang lutuang kahoy o disteleriya. Ang unang tulo ng kibal (unang pawis) ay tinatawag na puro, kung saan mas matapang at mataas ang alcohol content nito. Iniimbak ang alak at mas matagal ang pagkakaimbak ay mas masarap ang lasa nito. Manamis namis ang lambanog ng Infanta Quezon, pero lintik ang guhit sa lalamunan kung ang tapang ng alak ang pag-uusapan. Walang sinabi sa sarap ang ilang mga imported na alak na natikman ko. Kaya nga dumating ang panahon na ginawa ko itong panregalo tuwing may okasyon dahil sa masarap na lasa nito pero matindi namang sumipa. Masahol pa sa sipa ng kabayo. Hehe. Ilang shot lang nito ay tiyak na lasing agad ang mga manginginom ng gin bulag dito sa Maynila. Hehe. Ilang kaibigan kong sanay uminom ng hard drinks (alak) ang pinatumba nito.

Ang isa sa mga komentaryo at reaksiyon ko ay ang mabagal na progreso ng lambanog making sa baryong pinuntahan namin. Kung mabibigyan lang sana ito ng sapat na budget o tulong ng gobyerno, naniniwala ako na lalaban ang lambanog sa international market. Ngunit sa kabilang dako, naisip ko rin, kung ang lambanog ay magiging monopolya ng isang multi national corp., matitikman ko pa kaya ang ganito kasarap na alak? Siguradong magiging commercialize na ito (pati lasa) at ang lumang pamamaraan at teknolohiyang nagpapasarap sa alak na ito ay tiyak na maglalaho na.

Sa isang banda, may mabuting naidudulot ang mabagal na progreso ng buhay ng mga mag-aalak o gumagawa ng lambanog sa baryo. Naabutan pa ng henerasyon ko ang masarap nilang alak, at maaaring maabutan pa rin ito ng mga susunod pang henerasyon. Hanggang ngayon, sa mga dumadalaw sa bahay ko, pinapashot ko nito, dahil hindi ako nawawalan ng lambanog. Palaging may pauwi o pabaon sa aking alak ang mga pinsan ko sa tuwing nagbabakasyon ako ng Quezon.

BILANG SUBJECT NG TULA
Isinulat ko ang tulang "Mag-aalak" para hindi ko malimutan ang isang masayang karanasan ko sa baryo kung saan ako mismo ang nakasaksi kung gaano kabagal ang paggawa ng alak na lambanog at kung gaano kasarap ang lasa ng bawat patak maski kaaahon pa lamang sa lutuang kahoy o disteleriya. What more kung naiimbak pa ito ng ilang taon? Ako rin mismo ang nanghuli ng mga kumikiwal kiwal na alimango sa sasahan o pakat para ihawin at gawin itong pulutan.

Cheers!!!

Tuesday, April 1, 2008

SUBJECT NG TULA (MALIKHAING PAGSULAT)

ANG MAG-AALAK

Ang kibal na bunga’y hamog nitong buhay,
Na ang bawat patak ay nagsilbing suhay,
Sa mga paa kong pati kuko’y patay.
Bakas ang putikan lagos hanggang hukay.

Ang sikat ng araw lumilitaw sa parang,
Habang naghihintay, pawis ng sasahan,
Ang disteleriya’y handa ng kuminang,
Sa apoy ng lupang kanyang sinilangan.

Alimangong paslit ang nasusulyapan,
Pakiwal-kiwal lang sa may patubigan,
Siya’y napangiti saka kinindatan,
Ang nakikilangoy, isa ng pulutan.

***

Ang paghahanap ng subject ng tula o anumang akda ay hindi nangangailangan ng matagal na proseso. Maaari itong magmula sa pinakasimpleng bagay o mga pangkaraniwang pangyayari sa araw araw na buhay. Ngunit kung bibigyan ng kahulugan at importansiya ang isang simpleng bagay ay makikita ang value o market value nito. Si Rolando Tinio (isang dakilang poet at mandudula) ay tinaguriang "bagay poet" dahil isa siya sa nagpauso sa paggamit ng mga subject ng tula na hinahango sa mga simpleng bagay lamang tulad ng kanyang tulang "Sa Poetry" kung saan gumamit siya ng mga simpleng bagay bilang mga imahe sa kanyang tula. Pero hindi ibig sabihin ng simple ay walang kawawaan o walang saysay. Madalas kong sabihin, minsan sa mga simpleng bagay tayo makakahugot ng mga sustansiya, malalalim na pakahulugan at ibig sabihin sa isang teksto. At pagkaminsan pa nga, sa mga kumplikadong bagay tayo walang mawawaan o maunawaan. Hindi kailangang maging malalim sa paghahanap ng subject ng tula. Ang lalim ng tula ay nasa kahulugang binuo ng mundong ininugan nito.

Monday, March 31, 2008

SAMU'T SARI (pahabol sa buwan ng Marso)

GO RAMIELLE!!!!
I like Ramielle Malubay, sa kasalukuyan ay top 9 siya ng American Idol, 2008. I really really love her! Bilib ako sa kanyang kumanta. Hindi ako naging fan ni Jasmine Trias pero si Rami, nangyaring napahanga niya ako. Sana she can make it maski hanggang top 3, just like Jasmine. Pero kahit na hindi, fan pa rin ako ni Rami!!!

EARTH DAY
Nakiisa ako sa Earth Day nitong March 29, sa pamamagitan ng pagpatay ng lahat ng ilaw sa buong bahay. Isang maliit na electric fan lang ang bukas, dahil baka naman mamatay ako sa init eh hindi na ako umabot ng Earth Day next year. Hehe. The good thing here is, narealize ko na kaya ko palang gawin iyon everyday. Pwede kong i-off ang lahat ng ilaw, tv, aircon, etc sa loob ng isang oras tuwing alas otso ng gabi. Isang maliit na electric fan lang ang ititira ko. After all, 8 pa lang naman ay tulog na ako. Hehe.

I PRAY FOR CORY
Hindi ako fan o naging supporter ni Cory Aquino. Pero nakita ko naman ang naging role niya sa lipunang Filipino lalong lalo na sa pulitika. Sa totoo lang ay mas hinangaan ko siya noong hindi na siya presidente at nagpatuloy siyang maging political figure on her own right. Nabalitaan ko na may colon cancer siya. Nalungkot ako. Sa totoo lang ay napaluha ako. Biglang bigla ay naitanong ko sa sarili ko, may ibang Cory Aquino pa ba ang lipunang ito maliban sa kanya? Wala. Nag-iisa lang pala siya. Sabi nga ni Kris, kung pwede sana, konting panahon pa... makasama pa nila si Cory. Ganun din ang sasabihin ko, kung pwede sana, konting panahon pa, makasama pa natin siyang mga Filipino hanggang sa makamit natin ang magandang pagbabago.


GALO ADOR, may you rest in peace...
He's my friend. Bagama't kaunti lang ang panahon na pinagsamahan namin, naging mabuti kaming magkaibigan sa panahong iyon. Nakasabay ko siya halos sa GASI noon. Palaging nakangiti. Bungisngis. Puno ng buhay. Nauna siya sa sa akin ng isang season na magworkshop sa VIVA television pero halos nagkasabay din kami sa pagsusulat sa tv. Nagkasama kami sa 4D production ng GMA True Stories. Ilang beses ko na siyang nakasama sa bahay nina RJ, ilang beses na rin siyang nakapunta sa bahay namin sa Marikina. Madalas ko siyang isakay sa kotse ko noon at ibaba kung saan-saan sa tuwing nagkakasama kami. Hindi kami nagkasama sa mga gimikan, pero nagkasama kami sa trabaho nang sandaling panahon. Nakita ko kung gaano siya ka-dedicated sa trabaho. Huminto ako sa pagsusulat sa tv dahil nag-aral ako sa UP at nabalitaan ko na lumipat siya ng network (channel 2). Doon na siya gumawa ng career plan bilang manunulat sa telebisyon. Nawalan kami ng communication dahil nagkaroon kami ng kanya kanyang mundo. Nabigla ako nang malaman ko na inatake siya at finally, namaalam na siya. Nalungkot ako. Nabigla. Kung tutuusin ay napakabata pa niya sa edad na 38. But then, as the saying goes... death spares no one.

MY BOOK COLLECTION
First week ng March pa ng mabili ko ang huling libro ng aking collection. Napansin ko sa aking book shelve, marami-rami na rin pala ito. Ang iba nga'y nakalagay na sa ibang cabinet. Sa totoo lang ay project ko na magpagawa ng isang mini-library sa bahay ko once na nagkabudget na ako. Halos makukumpleto ko na ang mga libro ni Julie Garwood nang i-check ko sa kanyang site ang complete list ng libro niya. May bago siyang serye pero hindi ko pa nabibili. Napakarami ko na ring Sandra Brown, Danielle Steel, Nicholas Sparks, at ilang Harry Potter. Siyempre mayroon din akong mga koleksiyon ng mga akda Lualhati Baustista, Liwayway Arceo, F. Sionil Jose, Gabriel Garcia Marquez, etc. Bukod pa rito, napakarami kong literature books, textbooks, manual, etc.

Ang pinakaimportante sa mga koleksiyon ko ay ang mga libro ko sa creative writing na sinimulan kong kolektahin noon ako'y disiotso anyos pa lang. Ang una kong libro tungkol dito ay ang Improvisation for the Theater ni Viola Spolin at pinakahuling nabili ko nito ngang Marso ay ang The Elements of Editing ni Arthur Plotnik, Patterns in Writing ni Robert B. Doremus, at Film: Form and Function ni Wead at Lellis. Binilang ko ang aking creative writing book collection at mahigit 20 na pala. Dadagdagan ko pa ito. Maghahanap at maghahanap pa ako. May kaibigang nagtanong sa akin, aanhin ko pa raw ba lahat ng librong ito. Simple lang ang sagot ko, paniniwala ko kasi'y never ending ang kailangang matutuhan ng tao lalo't ang pinili niyang propesyon ay ang maging isang manunulat. Hindi kasi ako naniniwala na basta na lamang ipinapanganak ang manunulat. Hindi kasi ako naniniwala na hindi natututuhan ang pagsusulat. Ito'y isang escapismo lamang para sa akin. Ngunit... subalit.... datapwa't kung mababasa lamang marahil ang mga librong ito na aking nabanggit, marahil ay mauunawaan ako sa aking mga sinasabi na hindi natatapos ang pagiging manunulat sa pag-upo sa harapan ng makinilya o computer lamang. Hindi dapat matapos ang paniniwala ng isang taong ang manunulat ay basta na lamang ipinapanganak at ang pagsusulat ay hindi natututuhan. Ang panahon ay nagbabago. Kasama sa mga pagbabagong ito ang mga konsepto at elementong umiiral at nakapaloob sa Malikhaing Pagsulat anumang genre ito.

WOMANS MONTH
Mahalaga sa akin ang buwan ng Marso, una dahil Buwan ng Kababaihan. Nakita ko ang kahalagahan ng advocacy para sa karapatan ng mga babae. Sa aking maliit na paraan ay pinipilit kong makiisa sa kanilang advocacy na isulong ang pantay na karapatan ng babae at lalaki, sa pamamagitan ng aking mga isinusulat-- pinipilit kong maging "malay" at pinipilit kong maging politically correct sa abot ng aking makakaya. Kung may mga pagkakataong sumasablay ako, tao lang, at nakikipagkumpromiso pa rin ako sa publisher para ma-publish ang mga isinusulat ko. Unang unang inalis ko sa bokabularyo ko ay ang ipaapi ang karakter ng babae sa lipunan. Iniwasan kong gawing palaging martir ang ina, gawing labis na masamang babae ang puta, ipagbugbog ang buntis sa asawang lalaki, ipasampal ang girlfriend sa boyfriend, etc. Puwede namang alisin ito at gawing mas interesting ang mga karakter at conflict. Alam kong marami pa akong kailangang matuklasan at matutuhan, pero sinimulan ko ang ganitong framework sa pagsusulat at sana'y mapaunlad ko pa ang framework na ito.

BIRTHDAYS
March 3 ang birthday ng pamangkin kong si Maimai (10 years old) at March 7 naman ang kanyang daddy Ric. As usual pinagluto ko siya ng spaghetti at ibinili ko siya ng keyk. Simpleng selebrasyon lang na ginanap sa bahay ko. Ewan ko ba, dati rati ay sa Greenheights Marikina idinadaos ang anumang selebrasyon sa pamilya namin gaya ng mga birthday, Pasko at Bagong Taon. Pero nitong 2007, parang nagbago ng takbo ang hangin, ginaganap na ang lahat ng ito dito sa bahay ko sa San Mateo. Ito pala ang dahilan kung bakit ako nagpagawa ng bahay kubo. Dahil madalas silang nag-iihaw sa likod bahay at nandoon ang mga bata, ang mga pamangkin ko. Kaya naisip ko, gawin na lang itong mala-resort, hehe. Dahil plano kong bumili ng plastic na swimming pool. Hehe.

March ang kaaarawan ng ilang mga kaibigan ko. Nakakasama ko man sila o hindi, gusto ko silang batiin ng happy birthday, si Mayette Calderon, si RJ Nuevas, si Ricky Lee at higit sa lahat, si Leshie!!!! May sakit ako noong birthday ni Leshie (March 14) kaya hindi natuloy ang surprise party ko sa kanya. Naglunch na lang kami together with my family. Bawi na lang ako next time.

March 18 ang kaarawan ng aking pinakamamahal na ina. At maski may sakit pa rin ako ng mga panahong iyon, nagluto pa rin ako ng pansit at ibinili ko siya ng keyk. Seventy (70) years old na si ina. Host ako ng birthday niya habang umiikot-ikot ang paningin at mundo ko, dahil ata sa vertigo. With matching cough and cold. Hehe.

Ngayong huling araw ng Marso, nagpapasalamat ako at magaling na ako. Tapos na rin ang bahay kubo ko. Salamat sa isang masaya at makahulugang buwan ng Marso.